Chapter 3

iii. farewell
───────

Hindi ako makatulog kahapon. Iniisip ko buong magdamag ang pagtatagpong naganap sa amin nila Papa at Mama kagabi. Totoo nga ba 'yon o baka nagha-hallucinate lang ako dahil sa sobrang pagod at lungkot?

Isa lamang ang sa tingin ko ay totoo at iyon ang katotohanan na nabuhayan ako ng loob nang makita silang dalawa. Hinding-hindi ko malilimutan ang sandaling iyon — ang masaksihan silang dalawa na nakatitig sa akin. Ang mapagmasdan silang dalawa na masaya sa isa't isa.

Napansin ko rin sa mukha ni Mama kahapon na masaya siya, siguro ay maligaya na siya sa piling ni Papa. Pero alam ko pa rin na malungkot silang dalawa dahil nag-iisa na lamang akong nabubuhay dito. Nag-iisa na lamang akong lumalaban at hinaharap ang mapait na katotohanan ng buhay.

Kasalukuyan kaming nasa labas ng simbahan ngayon. Hindi pa kasi sinusimulan ang misa, iilan sa mga tao ay nasa loob na habang 'yong iba naman ay nag-uusap pa sa labas.

Pansin ko rin na lahat ng taong malapit kay Mama ay nandito. Mga kaibigan niya sa trabaho at mga kapitbahay namin, nandito rin ang mga naging guro ko at lalong-lalo na ang pamilya ng bestfriend kong si Amber.

Wala ni isang kadugo o kapatid ni Mama ang nagpakita dahil wala naman talagang kapatid at pamilya si Mama. Lumaki siya sa isang bahay-ampunan at noong tumuntong siya ng kolehiyo, doon niya lamang nilisan ang foster home na kanyang tinutuluyan. At noong panahon din na iyon, doon niya nakilala sila Tita Olivia at Tita Madeline at naging matalik na kaibigan silang tatlo.

"Astrid Asteriod! Sobrang namiss kita," saad ni Amber habang naka-akbay sa akin.

Nakaupo kami sa bench sa labas ng simbahan ngayon, "Condolence, Astrid..." sambit niya sabay yakap sa akin, "Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Tita Carol," wika nang may pagkalungkot sa boses.

Wala akong gana ngayon pero pinipilit kong huwag ipahalata sa kanya dahil baka masaktan siya sa magiging asal ko. Hindi ko pa naman gusto na sa ganito kaming paraan magkikita at magiging mapait lang ang ipapakita ko sa kanya.

I offered her a small smile, "Ako rin, Amber sobrang namiss kita," niyakap ko siya nang mahigpit. Lumipas ang ilang segundo ay kumalas ako sa pagyayakapan namin.

"Sorry, Astrid. Naging malayo ako sa tabi mo," paghihingi niya ng tawad sa akin.

Nasa Italy na nakatira ang pamilya ni Amber at mahigit dalawang taon na sila roon. Napromote kasi 'yong papa niya sa trabaho at doon nadestino kaya nahiwalay kami sa isa't isa. Kaninang madaling araw lang nang dumating sila at ngayong umaga lang din kami nakapag-usap ni Amber dahil nagkulong ako sa kwarto ni Mama kanina.

"Ano ka ba, Amber! Okay lang ako, huwag kang ngang mag-sorry diyan. Basta ang mahalaga kasama mo ang family mo, masaya na ako."

Hinampas niya ang braso ko, "Sinungaling ka talaga, Astrid. Sabi mo pa nga sa akin noon na huwag akong sumama kina Mama at saka itatakas mo ako," panumumbalik niya sa nakaraan saka tumawa.

Naalala ko nga iyon. Napatawa na lamang ako sa kanyang sinabi, mabuti na lang at hindi na nagtatanong si Amber tungkol sa nangyari kay Mama. Alam niya talaga na kapag binanggit niya iyon ay magiging malungkot lang ako.

She's truly my bestfriend.

"Joke lang naman yon eh! Sineryoso mo naman," depensa kong sagot sa kanya.

Tinaasan niya ako ng kilay, "Hmm joke. By the way, kumusta na nga pala si crushy AZ ko?" pag-iiba niya sa usapan. Si AZ ay si Azrael. Codename ni Amber 'yan para sa kanya.

Hinila ko siya at bumulong sa kanyang tainga. "As usual, masungit," sambit ko at tumawa naman siya nang malakas.

Nagtinginan ang mga tao sa kinaroroonan namin. Halatang nagtataka.

"Sorry po," panghihingi ng tawad ni Amber tapos hinarap ako.

"Ikaw talaga, Amber. Imbis na magdadalamhati ako rito, nandiyan ka para gumawa ng kalokohan," pagsasaway ko sa kanya.

"E, kasi naman, Astrid. Natawa lang ako sa sinabi mo," she explained, "after 2 years, wala bang pinagbago si AZ? Hindi ba kayo nag-uusap o hindi ba niya ako kinakamusta sa iyo?" tanong niya habang nakataas ang kilay.

Ang dami niyang tanong.

"Nag-uusap naman kung importante pero hindi niya kailanman nababanggit sa akin ang pangalan mo," sagot ko sa kanya dahilan para maging malungkot ang kanyang mukha.

Hinampas ko siya nang mahina sa braso, "OA mo naman, parang 'di mo kilala 'yang si Azrael," pagche-cheer up ko sa kanya.

"Hindi pa ba kayo papasok sa loob? Magsisimula na ang misa," pareho kaming napalingon ni Amber sa nagsalita mula sa aming likuran at napagtanto naming si Azrael ito kasama si Sebastian.

Siniko ko naman si Amber dahil kinukurot niya ang braso ko. Sa tingin ko narinig niya na binanggit ko ang kanyang pangalan. Siguradong napaghahalataan na kami.

"Papasok na rin kami," sagot ko at sabay kaming tumayo ni Amber sa upuan at naglakad papasok sa simbahan. Sumunod naman sila sa amin.

Habang nagmimisa ang pari, hindi ako masyadong nakikinig ng seryoso sa mga sinasabi nito. Nakamasid lamang ako sa kawalan — walang iniisip at hinahayaan ang sarili na magmukhang walang pake sa nangyayari.

Inaamin kong hindi pa ako handa, hindi ko alam kung pang-ilang sabi ko na 'to pero uulitin ko, hindi pa ako handang magpatuloy sa buhay nang mag-isa.

Nang natapos na ang misa ay wala pa rin ako sa hustong pag-iisip. Nasa labas lang ako at hindi sumunod sa mga tao. Nakita kong dinadala ng apat na tao ang kabaong ni Mama pero isinawalang-bahala ko lang ito. May mga sinasabi si Amber sa akin pero hindi ako nakikinig sa kanya.

"Ano? Hindi ka pa ba tatayo? Astrid? Parang wala ka sa sarili?" sabi ni Amber sabay yugyog sa akin.

Napalingon ako sa kanya, "Ha? Sorry, may iniisip lang ako," pagsisinungaling ko.

"Mukha nga kasi hindi ka nakikinig sa akin. Halika na nga," sambit niya saka naunang maglakad sa akin.

Ilang minuto pa ay pumunta na ako sa kinaroroonan ng mga taong nagdadalamhati sa huling pagkakataon kay Mama. Ngunit biglang kumulog nang malakas at nagsimulang pumatak ang malalaking butil ng ulan sa lupa.

Nakita ko sa 'di kalayuan na sumilong ang mga tao sa dalawang malalaking puting tent. Habang ako, naglalakad papunta sa kanila at parang walang pakialam kung nababasa na ako sa ulan. Ang sarap lang sa pakiramdam, parang nakikiramay ang ulan sa akin.

Nakita kong tumakbo papalapit si Sebastian sa akin na may dala-dalang itim na payong. Sinalubong niya ako at isinilong sa payong niyang dala.

"Bakit ka ba nagpapaulan, Astrid? Magkakasakit ka nito," sambit niya sa akin na may halong pag-aalala sa boses.

"Gusto ko lang," sabi ko sa kanya at nag-alay ng pilit na ngiti, "Pero salamat," pagpapatuloy ko.

Sabay kaming naglakad ni Sebastian. Nang nandoon na kami ay sinimulan na nila ang pag-aalay ng bulaklak at mga huling salita sa puntod ni Mama.

"Alam mo bang hinihintay ka namin?" bulong ni Sebastian sa akin. Hindi na lang ako nagsalita.

Hinintay kong matapos magpaalam at mag-alay ang lahat at ako na ang sumunod. Hindi pa rin tumitila ang ulan at hindi na ako nag-atubili pang magpayong kasi wala naman itong silbi ngayong basa na ako.

Nang makalapit ako sa huling hantungan ni Mama, wala akong ipinalabas na mga salita. Nakatulala lang ako at nakatitig sa kabaong niya na ngayo'y anim na talampakang nakahimlay sa lupa. Kusa lang na tumulo ang luha ko sa mga alaalang iniwan niya sa akin.

"Paalam, Ma," huling salita ko kasabay ng paghagis ng bulaklak sa ibabaw ng kanyang kabaong.

Tumayo na ako at nagpunas ng luha. Nakayuko lang ako at hindi nag-atubili pang tingnan ang mga reaksyon ng taong nandirito. Unti-unti na ring humihina ang buhos ng ulan.

Hindi ko rin kayang masaksihan ang nangyayari dito kaya minabuti kong maglakad muna at  pagmasdan isa-isa ang mga puntod ng mga namayapang taong aking madadaanan.

Naawa ako sa kanila, napakasakit sigurong sumakabilang buhay na iniiwan ang mga mahal sa buhay.

Umabot ako hanggang dulo ng sementeryo sa paglalakad. At may napansin akong puntod na nakakuha ng aking atensyon.

"Casper Corpuz. July 21, 1997 - November 1, 2017, " sambit ko sa aking sarili saka umupo sa gilid ng puntod nitong si Casper.

Nakuha niya ang atensyon ko dahil may naalala ako sa kanyang pangalan — si Casper the friendly ghost. Magiging multo kaya si Mama? May pag-asa pa bang makikita ko siya?

Hinawi ko ang mga natuyong dahon sa puntod ni Casper, "Ang bata mo naman para mamatay," komento ko sa kanya.

"Casper Corpuz, isang mabait at napakamabuting bata," narinig kong may nagsasalita sa aking likuran.

Lumingon ako at nakita ko ang isang lalaki na tansya ko ay nasa mga mid 30's ang edad, may dala-dalang din itong wheelbarrow.

"Magandang umaga po," pagbati ko sa kanya at ngumiti siya sa akin.

"Magandang araw din sa iyo, binibini. Matanong ko lamang, bakit ka nandito at nakasuot ka pa ng itim na bistida?" tanong niya.

"Dumalo po ako sa seremonya ng aking ina, ngayon kasi ang kanyang libing at naglalakad-lakad lang po ako rito at napadpad sa puntod na ito," pagpapaliwanag ko.

"Nakikiramay ako sa iyo, iha," wika niya at tanging tango lang ang aking tugon.

"Akala ko naman ay kasintahan ka ni Casper," pagpapatuloy niya at tumawa.

Napa-iling ako, "Ay! Hindi po," nahihiya kong sambit.

"Huwag kang magalit, binibini. Ako'y nagbibiro lamang."

Napakapormal niyang magsalita, naiilang ako.

Pilit akong ngumiti, "Okay lang po."

"Ako nga pala si Theodore, caretaker ng sementeryong ito," pagpapakilala niya.

"Ako naman po si Astrid," pagpapakilala ko.

Sumilay ang ngiti sa kanyang labi, "Astrid. Kay gandang pangalan."

Dinapuan ako ng konting hiya mula sa pagpupuri niya sa pangalan ko.

"Mang Theodore, nabanggit niyo po ang pangalan ni Casper kanina. Kaano-ano niyo po siya?" pagbabago ko sa usapan.

"Napakataas naman ng tawag mo sa akin, iha. Theo na lang ang itawag mo sa akin, para kasing mas lalo akong tumatanda sa Mang Theodore," sambit niya saka nagpatakas ng tawa.

"Ah, sige po. Pasensiya na," nahihiya kong tugon.

"Hindi ko kadugo itong si Casper. Nagkakilala lang kami kasi madalas 'yang dumadalaw dito sa sementeryo. Noong una ay nagtataka ako dahil wala naman siyang kamag-anak na nakalibing dito pero noong nagkausap kami ay ipinagtapat niyang may dinadalaw siyang puntod dito," pagkukwento ni Theo.

"Kanino pong puntod... Kuya Theo?" tanong ko, nag-iisip pa nga ako kung ano ang itatawag ko sa kanya kasi napaka impormal naman kung tawagin ko siyang Theo, parang wala akong galang sa nakakatanda sa akin.

"Ang puntod ni Kathleen Demina," sagot niya.

Kumunot ang noo ko, "Sino po siya?" tanong ko at bago paman niya masagot ang aking tanong, nakita kong papalapit sila Amber sa aking kinaroroonan at tinatawag nila ang pangalan ko.

"Sorry po, Kuya Theo. Mukhang aalis na ako, tinatawag na ako ng aking mga kaibigan," paghihingi ko ng patawad.

"Naku! Ayos lang. Sige, puntahan mo na sila," sabi ni Kuya Theo.

"Salamat po. Sana magkita tayo ulit at ipagpapatuloy mo ang kwento ni Casper at Kathleen," sambit ko at umaasang sana magkita pa kami.

"Magkikita pa tayo, nakasisigurado ako," sagot niya saka ngumiti.

"Paalam," pagpapaalam ko at kumaway sa kanya saka tumakbo agad ako patungo sa kinaroonan nila Amber.

Hinihingal pa ako nang makarating sa harap nila Amber.

"Saan ka ba nanggaling, Astrid? Kanina ka pa namin hinahanap at bakit parang may kausap ka yata doon. Kumaway ka pa, eh wala ka namang taong kausap," saad ni Amber na nag-aalala.

Tinitigan ako ni Azrael at kaagad naman siyang ng-iwas ng tingin.

Kumunot ang noo ko, "May nakausap akong caretaker sa sementeryo. Di mo ba nakita?" tanong ko.

"Wala kaya, 'di ba Azrael, Seb?" tanong niya sa kanilang dalawa.

Tumango naman si Sebastian, "Oo, wala naman," pagsasang-ayon nito.

Si Sebastian lang ang sumagot habang si Azrael naman ay nakatingin sa lugar kung saan ako naroon kanina.

Nakaramdam ako ng pagkaginaw at naramdaman kong nagsitayuan ang aking mga balahibo dahilan para mapayakap ako sa sarili. Siguro ay dahil sa basang katawan ko lang ito.

Napansin ni Seb na nanginginig ako kaya hinubad niya ang itim niyang suit saka ipinatong sa aking balikat.

"Salamat, Seb," saad ko sa kanya.

Nag-alay naman siya ng ngiti, "Umuwi na tayo para makapagpalit ka na ng damit. Baka magkasakit ka pa niyan," nag-aalala niyang sambit.

"Ahem!" narinig kong saad ni Amber saka napairap na lamang ako sa kanya.

Naglakad na kami papunta sa sasakyan at sinalubong ako ni Tita Maddie at niyakap, "Astrid, anak. Magpakatatag ka ha. Hindi gusto ng mama mo na may mangyaring masama sa iyo at lalong-lalo na hindi niya gustong malungkot ka," sabi ni Tita habang niyayakap ako ng mahigpit.

Tumango ako, "Opo, Tita. Tatandaan ko yan," sambit ko habang kumakalas sa aming yakapan.

"Gusto mo bang tumira kasama namin? Mag-isa ka na lang ngayon sa bahay niyo," sabi niya habang nakatingin nang diretso sa akin.

"Huwag na po, Tita. Okay lang po ako dito at saka nandito naman po si Tita Ollie," pagpapaliwanag ko.

Tiningnan ko si Amber at lumungkot naman ang kanyang mukha.

"Okay sige, kung 'yan ang gusto mo... At kung gusto mong magbakasyon sa Italy, sabihin mo lang sa akin. Ako na ang bahala sa gastusin," sabi ni Tita.

"Salamat po, Tita," sambit ko saka inalayan siya ng tipid na ngiti.

"Aysus! Ikaw pa, parang anak na rin ang turing ko sa iyo," sambit niya saka niyakap niya kaming dalawa ni Amber.

Nang hapon, umalis na sila Tita Maddie at Amber. Kakauwi lang din namin nila Tita Ollie galing sa paghahatid kina Amber sa airport. Kasalukuyan niya akong tinatanong kung ayos lang ba sa akin na bumalik na sa aming bahay.

"Talaga bang hindi ka magpapalipas ng gabi sa bahay, Astrid?" tanong ni Tita na halatang wala siyang tiwala sa sinasabi ko.

"Opo, Tita. Ilang araw din akong tumira sa inyo. Nakakahiya na po," pag-aamin ko.

Sa totoo lang ay ayaw ko nang mandamay ng tao dahil sa sitwasyong nararanasan ko ngayon. Ayoko na silang guluhin pa at ayaw kong isipin na lang nila ako palagi. May kanya-kanya rin silang buhay at problemang kinakaharap at ayaw kong madagdagan pa iyon nang dahil lang sa akin.

Nakakahiya na kung palagi lang akong dumedepende sa kanila. Alam ko naman na nagmamalasakit lang sila pero sumo-sobra na yata ang ibinibigay nilang atensyon sa akin.

Hinawaka niya ang braso ko, "Huwag kang mahiya, Astrid. Alam mo namang welcome na welcome ka sa bahay," sabi ni Tita.

"Okay na po ako dito, Tita. Nami-miss ko na rin na makabalik dito," sagot ko sa kanya.

"Sigurado ka? Kung 'yan ang gusto mo... sige, hindi kita pipilitin," saad niya at huminga nang malalim bago tumayo.

Naglakad si Tita patungo sa pintuan at sinundan ko naman siya, "Sige Astrid, aalis na ako. Kung may problema, tawagin mo lang ako ha," sambit niya saka umalis na.

Umupo ako sa sofa habang pinagmamasdan ang paligid. Dinadalaw na naman ako ng kalungkutan.

"Meow... Meow..." naglakad patungo si Ichabod sa akin.

Binuhat ko ito at niyakap, "Tayo na lang dalawa dito sa bahay, Ichababes. Ipangako mong huwag mo akong iiwan ha," sambit ko habang hinahaplos ang kanyang malalambot na balahibo.

"Meow..."

"Inaantok na ako, Ichababes. Dito na lang tayo matulog sa sofa. Tabi tayo," sambit ko at humiga na para matulog. Nakakapagod ang araw na ito para sa akin.

"Good night, meow," sabi ko habang nakapikit ang mata.

"Good night, Astrid," may narinig akong boses na bumulong sa aking tainga. Boses lalaki pero hindi ko pa kailanman naririnig ang boses na iyon.

"Ikaw Ichababes ha. Nagsasalita ka na pala. Good night, matutulog na talaga ako," pabiro kong sambit at nagbabakasakaling guni-guni ko lang 'yong narinig ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top