Chapter 2

ii. when tomorrow comes
───────

"Sigurado ka bang hindi na siya magigising?"

Narinig ko na may lalaking nagsasalita. Hindi ko alam kung nasaan siya pero alam kong nasa paligid lang siya malapit sa akin.

"Hindi na siguro siya magigising. Napagod siguro siya kahapon."

Sumagot naman ang boses ng isang babae. Pamilyar ang kanyang boses parang kaboses niya si Mama.

"Maaari ko bang yakapin ang ating anak sa huling pagkakataon?"

Paghihingi ng pahintulot ng lalaki.

"Siyempre naman, Steve."

Pagsang-ayon ng babae.

Naramdaman ko na parang inangat ang aking katawan mula sa aking pagkakahiga, may yumakap sa akin nang mahigpit at hindi ko alam kung sino iyon.

Ilang minuto rin ang tumagal bago ito kumawala sa pagkakayap sa akin. Nakayakap lang ito at walang ipinalabas na mga salita. Pagkatapos ay inilapag na ako nang dahan-dahan pabalik sa aking kama.

"Hindi ako makapaniwalang nahawakan ko na muli ang ating anak, Caroline. Labing-pitong taon ko itong hinintay at ngayon ay nagkatotoo na. Labis ang aking kasiyahan, mahal ko,"

Narinig kong sambit ng lalaki.

"Talagang nagmana siya sa iyo, Steve. Pagmasdan mo ang kanyang mukha, hawig na hawig sa'yo."

"At ang kanyang kagandahan nama'y namana niya sa'yo."

Hindi ko alam kung bakit hindi ko sila makita. Hindi ko man lang mailarawan ng maayos ang mga pangyayari. Sabik akong makita ang kanilang mga hitsura ngunit tanging boses lamang nila ang aking naririnig.

"At kasabay din ng araw na ito ang mapait na karanasan na kanyang dadalhin buong buhay. Naaawa ako sa kanya, Steve. Naawa ako kay Astrid."

Wika ng babae na may halong pangamba at pagkalungkot sa boses. Sinambit niya ang pangalan ko. Hinding-hindi ako magkakamali ng iniisip, si Mama ang bumanggit sa aking pangalan. Ngunit sino itong lalaki na kanyang kausap? Si Papa ba ito? Hindi, matagal nang wala si Papa.

"Huwag kayong mag-alala, babantayan ko ang inyong anak. Ngayon, malapit na ang oras, magpaalam na kayo sa kanya."

Ibang boses na naman ang sumapaw sa kanilang usapan, parang boses ng ibang lalaki ang aking narinig.

Nakaramdam ako na may humahaplos sa aking kamay.

"Astrid, mahal na mahal ka namin ng Mama mo. Tandaan mo yan. Ipagpatawad mo rin kami kung iiwan ka namin ng maaga."

Boses ulit ng unang lalaki ang narinig ko.

Bakit nya ako tinatawag na anak? Sino ba siya? Ama ko ba siya? Gulong-gulo na ang isip ko. Totoo ba 'to?

"Paalam, Astrid. Hindi man sapat ang labing pitong taon na ating pagsasama ngunit maipapangako kong hindi ko makakalimutan ang pagkakataon na nakapiling kita."

Hindi ako nagkakamali, ka boses talaga ni Mama yong nagsasalita. Bakit siya nagpapaalam sa akin? Hindi ko maintindihan.

"Meow... Meow..."

Nagising ako nang maramdaman kong may nakadagan na bagay sa aking ulo. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata.

"Ikaw lang pala 'yan, Ichabod," saad ko saka binuhat ang alaga kong pusa mula sa aking ulo saka ipinuwesto ito sa aking tabi. Halatang nagpapalambing na naman ito sa akin.

Hinaplos ko ang kanyang ulo, "Ikaw ha, nabusog ka ba kaninang madaling araw?" tanong ko.

"Meow..." iyan lang ang tanging sagot ng pusa kong si Ichabod.

Sana nakapagsasalita rin ang mga pusa para makausap ko sila. Sa tingin ko kasi may gustong sabihin ang mga pusa sa atin pero hindi nila masabi kasi 'meow' lang ang lumalabas sa kanilang bibig.

Bumangon na ako saka nag-inat tapos inayos ang aking higaan. Ang gandang araw para simulan ang pagiging productive ko pero biglang napalitan ng pagkatulala ang maaliwalas kong mukha dahil sa aking naalala.

Napaupo muna ako sa upuan ng aking study table. Nakalumbaba ako habang inaalala ang mga pangyayari sa aking panaginip. Parang makatotohanan, para talagang aware akong nangyari iyon at tanging mga boses lang nila ang laman ng aking panaginip na kung saan wala akong makitang imahe o senaryo.

Ano nga ba iyong pinag-usapan nila? Bakit hindi ko na maalala? 'Di bale baka panaginip lang talaga 'yon na parang totoo. Pagod lang siguro ako kaya kung ano-ano na lang ang pumapasok sa aking isipan.

Tumayo na ako para bumaba sa sala. Sumama naman si Ichabod sa akin. Nang makarating ako sa sala, hindi ko nakita si Mama.

Nagtungo ako sa kusina at nagbabakasakali na nandoon siya at naghahanda ng pagkain para sa almusal namin. Ngunit, wala akong nakita na anino niya doon.

Nagtungo ako sa sala pero ang nakapagtataka, wala rin siya doon. Sa hindi maipaliwanag na dahilan bigla akong nabalotan ng pangamba at takot. Hindi ko gusto ang pakiramdam na ito.

Bigla-bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko at hinala kong may masamang nangyari o may masamang mangyayari.

Dali-dali akong umakyat ng hagdan at pumunta sa kwarto ni Mama.

Kumatok ako ng tatlong beses bago magsalita, "Good morning, Ma! Andiyan ka ba? Papasok ako ha?" tugon ko saka pina-ikot ang doorknob kaso naka lock pala ito dahilan para ayaw bumukas.

Kinabahan ako dahil hindi agad siya sumagot, "Ma? Okay ka lang ba? Paki-bukas naman ng pinto, nakalock kasi," nanginginig kong sambit.

Wala pa ring sagot na nanggagaling sa kanya mula sa loob. Mas lalo akong kinabahan. Kapag tinatawag ko kasi si Mama, sumasagot siya.

"Ma?!" sumigaw na ako sabay katok ng ilang beses sa pinto. Nagbabakasakaling hindi niya lang ako narinig o baka naliligo lang siya. Pero wala pa rin, e. Natatakot ako sa mga nangyayari.

"Ma?! Buksan mo ang pinto please?!" sigaw ko habang mabilis na pinupokpok ang pintuan.

Sumasakit na ang kamay ko pero patuloy ko paring pinupokpok ang pinto. Para marinig niya ako mula sa labas pero hindi pa rin niya binubuksan. Ano bang ginagawa ni Mama? Bakit hindi siya tumutugon sa aking pagtawag? Mas labis akong kinabahan sa kasalukuyang nangyayari.

Dahil hindi na ako makapagpigil sa kaba na nararamdam, dali-dali akong nagpunta sa aking kwarto para humanap ng hair pin. Nang makahanap ako, dali-dali kong tinungo ang pintuan sa kwarto ni Mama saka ipinasok at pina-ikot nang dahan-dahn ang hair pin sa loob ng doorknob. Ilang minuto ang nakalipas matagumpay ko ring nai-unlock ito.

Binuksan ko ang pinto at tumambad sa aking harapan ang nakahiga kong ina sa kama na nakahawak ng maraming tableta sa kanyang kamay. Biglang nanginig ang aking katawan. Nagsitayuan ang aking mga balahibo sa batok at braso.

"Ma!" dali-dali ko siyang pinuntahan at niyakap.

Itinapon ko rin sa sahig ang mga gamot na nasa kanyang kamay. Malamig ang kanyang katawan habang aking iniyuyogyog. Nagsimula nang umagos ang aking mga luha sa mata. Hindi ko alam ang gagawin.

Idinampi ko ang aking tainga sa kanyang dibdib at pinapakinggan kung may pulso pa ba siya pero sa kasamaang palad, wala akong narinig.

"Ma! Mama Carol!" sigaw ko habang umiiyak. Sumasakit na ang aking dibdib at ang aking lalamunan. Hindi ako naniniwalang wala na siya. Panaginip lang ito. Sana. Panaginip. Lang. Ito.

"Mama, please wake up!" pagmamakaawa ko sa kanya habang yakap-yakap ang walang buhay niyang katawan.

"Ang saya lang natin kahapon tapos ngayon mawawala ka? Ma!" sigaw ko habang umiiyak.

"Ma! Mama! Gumising ka!" sumigaw ako sa abot ng aking makakaya. Ipinalabas ko lahat ang sakit sa pagsigaw kahit alam kong imposible na siya ay magising at mabuhay pa.

"Mama... Huwag mo akong iwan..."

"Astrid?! Astrid?!"

Narinig kong tinatawag ako ni Tita Ollie sa labas ng bahay. Hindi ko alam ang aking gagawin kaya inihiga ko ulit si Mama at dali-daling bumaba sa hagdan.

Nanginginig ang aking kamay at tagaktak ang aking pawis habang binubuksan ang pintuan. Matapos kong buksan ito ay niyakap ko si Tita ng mahigpit at doon ako umiyak sa kanya.

Kumawala ako sa aking pagkakayakap sa kanya, "Anong nangyari sayo, Astrid? Bakit ka umiiyak? Narinig kong sumisigaw ka rin," nag-aalalang tanong niya sa akin. Bakas din sa kanyang mukha ang pag-aalinlangan at kaba.

"T-tita O-ll-ie, si Mama, w-wala na..." nauutal at humihikbing sambit ko sa kanya. Hinila ko ang kanyang kamay at sabay kaming pumunta sa kwarto ni Mama.

Nang makarating kami sa pinto, nasilayan agad namin ang walang buhay na katawan ni Mama Carol. Lumingon ako kay Tita at nakita kong namutla siya at sumunod na tumulo ang luha sa kanyang mata. Dali-dali niyang pinuntahan ang katawan ng kanyang pinakamamahal na kaibigan.

"Caroline? Caroline, gumising ka, parang awa mo na. Huwag mo kaming iwan..." pagmamakaawa ni Tita habang yakap niya si Mama habang umiiyak.

Patuloy pa rin ang aking pag-iyak habang nakatayo sa pintuan. Mas lalong sumikip ang aking dibdib habang nakikinig sa iyak ni Tita Ollie, hindi ito pangkaraniwang iyak lang, iyak ito na may halong sakit at pighati. Iyak na ayaw mong pakinggan.

Nagtaas siya ng tingin sa akin, "Tumawag ka ng ambulansya, Astrid," utos niya at tumango ako.

Nanghihina akong bumaba sa hagdanan. Nagtungo ako sa sala kung saan nandoon ang telepono. Nanginginig ang aking mga kamay habang dina-dial ang numero, ilang minuto pa ay may sumagot na babae. Sinabi ko sa kanila ang nangyari at sinabi nilang reresponde sila agad.

Labin-limang minuto ang lumipas, dumating din ang tulong. Kasalukuyan nilang isinasakay si Mama sa isang stretcher at ipinasok nila ito sa loob ng sasakyan para dalhin sa ospital.

Magkasama naman kami ni Tita sa isa pang ambulansya.

"Ano bang nangyari, Astrid?" tanong niya.

Hindi ko kayang sagutin ang kanyang tanong. Hindi ko rin alam ang kung ano ang aking isasagot dahil wala ako noong nangyari iyon, dahil hindi ako nagsasalita at patuloy lang sa paghikbi, hindi na nagtanong pa si Tita sa akin.

Ang bigat ng nararamdaman ko ngayon. Parang pasan-pasan ko lahat ng problema sa mundo. Parang pinaparusahan ako. Bakit ito nangyayari sa akin? Ang malas ko naman pagdating sa pamilya.

Alam ko naman na dati pang may iniindang sakit si Mama sa puso. At may kutob ako na ito ang dahilan kung bakit wala na siya. Hindi niya ako pinaalam sa sakit na mayroon siya. Kusa ko nalang ito nalaman noong narinig kong nag-uusap sila Tita Ollie.

Noong una ay hindi ako naniwala sa napakinggan kong pag-uusap nila pero noong pumasok ako sa kwarto ni Mama para hiramin ang charger ng laptop niya. Napadako ang aking paningin sa brown envelope na nasa ibabaw ng higaan niya. Kinuha ko ito at binasa ang mga papel sa loob. Naglalaman ito ng mga check up papers ni Mama at saka mga resita ng gamot at resibo.

Nagising ako at nakita ko si Azrael na naka upo sa sofa na nasa aking harapan at nakatingin sa akin. Napabalikwas ako sa aking pagkakahiga sa sofa at hinarap siya.

"Si Mama, nasaan siya?" tanong ko sa kanya nang wala sa tamang wisyo.

"Nasa bahay niyo," tipid niyang sagot.

Tumayo ako at pumunta sa labas. Umupo ako sa pahabang upuan at pinagmamasdan ang bahay namin. Naiiyak na naman ako sa tuwing naiisip ko ang mga pangyayari.

Ayaw kong pumunta sa bahay. Ayaw kong masaksihan ang mga mukha na nagdadalamhati sa pagkamatay niya at lalong-lalo nasasaktan ako kapag nakikita ko ang aking ina na ganoon ang sitwasyon.

Kalaunan ay napagtanto rin namin na pagka-overdose sa gamot ang dahilan ng pagkawala ng aking ina, iyon ang sabi ng doktor. At doon din naipaliwanag kung bakit may mga tableta siyang hawak sa kamay sa oras nang namatay siya.

Hindi ko matanggap ang pangyayari. Ilang araw kong sinisisi ang aking sarili na sana nandoon ako para matulungan siya. Pero wala e, wala ako sa tabi noong naghihirap siya.

Palagi na lang akong nakatulala, iyon ang sabi sa akin ni Tita. Kaya pansamantala akong pinatira sa bahay nila. Ilang araw na akong ganito.

Pansamantala rin muna akong lumiban sa klase para pagnilayan ang mga huling sandali ni Mama. Pero heto ako ngayon, natatakot na harapin siya.

Wala ng gana sa buhay. Wala na akong ganang kumain. Wala na akong ganang makipag-usap kahit kanino. Wala nang ganang mabuhay. Wala na akong pake sa lahat. Gusto ko na lang sumunod kay Mama.

"Astrid," napalingon ako sa aking likuran at nakita ko si Azrael.

Humakbang siya palapit sa akin at umupo sa tabi ko. Inabutan niya ako ng puting panyo. Napangiti naman ako ng pilitan at kinuha iyon.

"Salamat," sambit ko at ipinahid ang panyo sa mga luha kong walang habas na lumalabas sa mata kong namumula na.

Wala na siyang sinabi pa. Napadako ang kanyang tingin sa mga tao na papunta sa bahay namin upang makiramay.

"Alam mo, Azrael. Parehas na tayo," saad ko dahilan para mapatingin siya sa akin at tinaasan lang niya ako ng kilay.

"Wala na kasi tayong mga magulang," mapakla kong turan tapos tumingala sa kalangitan.

Narinig kong tumawa siya kaya napatingin ako sa kanya ng masama. "Bakit? May nakakatawa ba sa sinabi ko?"

Sumeryoso naman ang kanyang mukha at napatitig siya sa akin, "Magkaiba tayo," sagot niya nang hindi pumuputol sa aming pagtitigan.

"Bakit naman? Hindi mo naman tunay na Mommy si Tita ah!" depensa kong sagot.

Parang gusto kong may karamay ngayon. Iyon bang kaparehas ko, wala nang mga magulang.

"I know pero baka buhay pa siguro 'yong mga biological parents ko kaya hindi ko mai-co-consider na parehas tayo," mahinahon niyang pagpapaliwanag sa akin.

Napayuko ako. Mas nalungkot ako sa sinabi niya. Sabagay baka buhay pa talaga 'yong mga magulang ni Azrael. At may pag-asa pa na makita at mahanap niya sila. Mabuti pa siya.

"Kahit na, hindi mo naman sila nakilala," reklamo ko ulit.

"Yes, but it doesn't mean that we're the same," sagot nito sa akin.

"Okay, fine. Sa totoolang, gusto ko lang naman kasi na may tao akong kilala na..."

Hindi ko matapos ang sasabihin ko, hindi ko alam kung ano ang idadag ko o ano ang mga salita ang dapat kong bigkasin. Tumahimik na lang ako bilang pahiwatig na siya na ang panalo sa usapan namin.

"Kilala na wala nang mga magulang?" pangangatwiran niya sa sinabi ko, "Iyan ba ang ibig mong sabihin, Astrid? Nakapagpapagaan ba 'yan ng kalooban mo kapag nalaman mong may kaparehas ka pala ng sitwasyon?" tanong niya sa akin.

Kung dati ako 'yong medyo harsh sa kanya. Ngayon gumaganti na siya sa akin. Parang ibinabato niya sa akin ang masakit na katotohanan. Hindi ko alam ang sasabihin kaya tumango na lang ako bilang pagsang-ayon sa kanyang mga sinabi.

Nangibabaw ang katahimikan sa aming dalawa. Hinihintay kong magsalita siya kaso mukhang hindi na siguro siya magsasalita. Kaya napagpasyahan ko na lang na tumayo at bumalik na sa loob. Mas lalo akong kinakain ng kalungkutan ngayon.

"Astrid," tawag niya sa akin.

Kumunot ang aking noo. "Ano?" tanong ko pabalik sa kanya. Hindi na talaga ako interesado na makipag-usap pa.

"Ililibing na si Tita Carol bukas, hindi ka pa rin ba magpapakita sa kanya o dadalo man lang sa seremonya?"

"Dadalo ako siyempre," sagot ko saka nag-alay ng pilit na ngiti.

Masakit pa rin. Hindi ko gusto ng drama pero sa tingin ko, magsisimula na ang drama ng buhay ko dahil sa pagkawala ni Mama.

"Mabuti naman," turan niya saka tumayo, "Mauna na ako," pagpapaalam niya sa akin.

Naiwan akong nakaupo sa bench, nakamasid lang ako sa bahay namin. Ngayon ko lang napagtanto na ang lungkot ng buhay kapag mag-isa ka.

Napatayo ako sa aking pagkakaupo nang makita ko ang bulto ni Mama na nakatayo sa kwarto ng kanyang bintana.

"Ma?" masaya kong tugon.

Kahit pa man madilim, nasilayan ko pa ring ngumiti siya sa akin.

"Astrid, I love you," nabasa ko ang bibig ni Mama na iyan ang kanyang sinabi.

Nakita ko rin na may lalaking katabi si Mama at nakapulupot ang kanyang kamay ng lalaki sa bewang niya. Ang gwapo niya. Kilala ko siya. Hindi ako magkakamali kahit sa picture ko lang nakita ang lalaking ito, alam ko na talaga kung sino siya. Siya ang aking ama.

Kinawayan niya ako at nag-alay ng napakatamis na ngiti sa akin. Sa pagkakataong ito ay hindi na ako nagdalawang isip pa na bumalik sa bahay at puntahan ang kwarto ni Mama. Gusto kong makita silang dalawa. Gusto ko silang makasama. Gusto kong makumpleto ang aking pamilya.

Tumakbo ako papunta sa bahay namin. Nagulat naman ang mga taong nakikiramay na nasa sala nang dumating ako. Wala akong pakialam sa reaksyon nila basta dumiretso na lang ako sa kwarto ni Mama.

Pagbukas ko sa pintuan, tumambad sa akin ang ordinaryong kwarto ni Mama. Mga naiwang gamit niya lang ang nakita ko. Wala na sila. Hindi ko naabutan silang dalawa.

Pumasok ako at isinarado ko ang pinto. Nagtungo ako sa may bintana kung saan ko sila huling nakita. Napaupo na lamang ako dahil sa lungkot at labis na paghihinagpis.

Umiiyak na naman ako. Halos araw-araw na akong umiiyak simula nang mangyari ito. Hindi ko na kaya ang mga pangyayari. Hindi ko kayang mag-isa.

Napayakap na lamang ako sa aking mga binti habang nakasandal sa pader. Nakaramdam ako ng lamig at tumayo ang aking mga balahibo sa braso at kamay. Nabuhayan ako ng loob. Nandito sila kasama ako. Sigurado akong nandito sila kahit hindi ko na sila nakikita.

Bumukas ang pinto at nakita ko si Tita Ollie na kasama si Azrael. Humakbang papalapit si Tita sa aking puwesto at niyakap ako nang napakahigpit.

Lumingon naman ako sa kinaroroonan ni Azrael at nakita ko ulit si Mama at si Papa mula sa kanyang likuran.

Nakangiti silang dalawa sa akin. Gumanti naman ako ng ngiti sa kanila at pagkatapos ay bigla silang naglaho na parang bula sa aking paningin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top