Chapter 6: Before You Go
Advisory: The above song will be mentioned in this chapter. Listen first to it so that you could relate to the scene.
Chapter 6
"Before You Go"
Year: 2021, Metro Manila (Present)
Adam's POV:
Halos lumipad ang pintuan ng opisina ni Dr. Cornwell dahil sa pagpasok ko. Kinakapos pa ako ng hininga habang nakayuko. Nakaisang hakbang pa lamang ako papasok ng kuwarto.
"Adam?" bigkas ng pamilyar na boses. Magaspang na tila may plema sa lalamunan. "May problema ba?"
Agad akong napatayo. Sa kadalasan niyang upuan ay natagpuan kong abala ang doktor. Magkasalubong ang kanyang mga kilay. Tinititigan niya ako habang ibinababang bahagya ang kanyang salamin.
"Nandito po ba si Kim?" tanong ko. Malalim ang aking bawat paghinga.
"Coming!" umalingawngaw na sagot.
Mula sa kadiliman ng opisina ay may narinig akong kalusos. Matinis na tunog ng tila bakal na hagdan. May mga yapak pababa habang tumutunog ang mga turnilyo na kulang sa langis. Ang mahinang hakbang ay lalong lumalakas habang tumatagal. Rinig ko ang lagapak ng makapal na bota na naglalakad sa kahoy na sahig.
Mula sa sulok ay lumabas ang isang lalaki. Nakasalamin at t-shirt na puti. Hindi maayos ang pagkasuot ng kanyang jumper dahil nakababa ang isang laylayan. Sa kanyang mukha ay nakaharang ang mga makakapal na encyclopedia. Naiiwan sa hangin ang mga alikabok ng mga hawak niyang libro. Marahil naipon na ang iba sa kanyang mukha dahil mabilis niyang inilapag ang mga aklat na sinundan ng marami niyang pag-ubo.
"Kim?" pagbati ko.
Inangat niya ang kanyang ulo. Balbas-sarado na ito. Nagmamarka sa suot niya ang batak niyang katawan. Pinapagpag pa niya ang kanyang kamay habang ako ay nililingon.
"Holy moly! It's Adam Ambrosi!" bulyaw ni Kim. Mabilis siyang tumakbo sa aking direksyon. Inayos ang kanyang salamin at ang buhok niyang pang bida sa isang Koreanovela. "It's been so many years, dude!"
Niyakap niya ako nang mahigpit. Panay ang kapa niya sa aking katawan na tila sinsimulan agad akong pag-aralan.
"How many years has it been? Thirteen?" tanong niya. Bakas sa mukha ni Kim ang tuwa. Hinawakan nito ang palad ko na tila naghahanap ng sugat. "Oh, by the way, I'm a horologist now!"
"Horo what?" pagtataka ko. Hindi ko siya gaanong maintindihan dahil ang gaslaw ng kanyang mga kinikilos.
"I study time. I specialize in making watches. Have you heard of my company called AAA?"
"AAA?"
"Ark and Apple!" sagot ni Kim. Kumuha ito poster ng kanyang kumpanya at ipinakita sa akin. "It sells watches! It was inspired by you and Noah. I'm even writing a book about you---"
"Wait, bakit sa amin mo pinangalan?!" usisa ko. Kinuha ko ang poster na hawak niya at inaral ang pangalan napili para sa kanyang kumpanya.
"You names hold meanings. A time traveler and his boyfriend that stood the test of time," paliwanag ni Kim. I smilled. God, I have a big smile on my face. Bigla niyang inabot ang mga dala niya. "Oh, ito na ang mga hinihiram ng asawa mo."
"Hiram?" pagtataka ko. Sa kanyang harapan ay ang makakapal na libro. May ilan pang sira-sira na, habang ang mga nasa ibabaw ay puno ng alikabok.
"Noah has been visiting me for months. He's been studying your condition too. Gusto raw niyang makatulong," pagtatapat ni Kim.
"He what?"
Nagulat ako sa sinabi niya. Inaral ko ang kanyang ekspresyon upang maghanap ng kahuwadan. Sa seryosong mga titig na ibinigay niya at bawat galaw ng kanyang mga mata, wala akong nahanap na panlilinlang.
"Didn't he send you here to pick those up?" tanong ni Kim.
Pinili kong manahimik. Inalog ko ang aking ulo. Ibinaling ko ang aking isip sa asawa kong wala sa bahay.
"Actually," nagtataka kong tugon. Nagtungo ako sa pinakamalapit na lamesa at ibinaba ang mga ibinigay niyang libro. "I've been looking for my husband. May nakapagsabi sa aking kasama mo raw siya."
Napatingin sa bintana si Kim. Marahan niyang kinamot ang kanyang baba. Nakasandal siya sa harap ng lamesa ng kanyang ama na abala sa mga ginagawa nito.
"I was with him this early morning," pag-amin ni Kim. Natigilan siyang saglit. Mula sa kanyang bulsa ay may inilabas itong relo. Kulay itim ngunit yari sa kakaibang uri ng materyales. Sinimulan niya itong butingtingin. "Remember the device we used to experiment on?"
"Time Anomaly Device?" naiinis kong tugon. Nakaramdam ako ng kaunting pagkabalisa. Walang ibang idinulot sa akin ang bagay na iyon maliban sa mga pangit na alaala.
"Yes," bungisngis ni Kim.
Itinapat niya ang relo sa akin at nagsimula itong tumunog. Pamilyar ang tunog na iyon. Tunog ng heart monitor na madalas gamitin sa ospital. May matinis na tunog na magkakasunod na parang tibok ng puso ng taong wala nang buhay.
"After years of studying, I managed to do a compact version and put it on a chip," dagdag pa ni Kim. "With this, we can help you prevent your time travels."
"About that-" saad ko. Lumapit ako kay Kim at tinapik ang kanyang balikat. "I've actually decided to embrace it."
"Embrace what?" nakangiti niyang tugon.
"Time traveling," malumanay kong sagot.
Walang kabig sa mga salitang inilabas ko. Para itong mabigat na bagaheng tuluyan ko nang binitawan. Sa mga salitang iyon ay nakaramdam ako ng kaginhawaan. Tila may mga pagaspas ng mga ibong dumaan sa dalawa kong tainga. Bagamat nasa kuwarto ay nakaramdam ako ng preskong hangin. May mga gintong liwanag na tila gumuhit sa gilid ng aking mga mata. Kumikinang. Umiindayog.
Hindi mapakali si Kim. Agad nitong kinuha ang medical records ko na tila may hinahanap na mahalagang impormasyon. "Wait, Adam! Do you know about antigens and antibodies? We might--"
"Kim!" pagputol ni Dr. Cornwell.
Natigilan si Kim. Napatingin ito sa kanyang ama. Maging si Dr. Cornwell ay marahang isinara ang laptop niya.
"What makes you say that, Mr. Abrossi?" tanong ni Dr. Cornwell. Nakadantay ang kanyang baba sa likod ng kanyang mga palad. Ang kanyang mga siko ay nakatungkod sa lamesa. May malalim na hininga siyang pinakawalan matapos niya akong tanungin.
"I still wanna see him. His young version I mean."
Nakayuko na ako. Mahina ngunit malambing ang aking mga binitawang salita. May kaunti akong hiyang naramdaman. Hiya para sa mag-amang ilang taon ding pinag-aralan ang aking kakayahan.
Inangat ko ang aking ulo. Umaasang dalawang mukha ng pagkabigo ang makita ko. Itinaas ko ang aking tingin. Mula sa bota ni Kim patungo sa suot niyang jumper gawa sa maong. Inaasahan ko ang magkasalubong niyang kilay. Gayundin ang mapanghusga niyang titig.
Ngunit malaking ngiti ang ipinakita sa akin ni Kim. Nagtungo ang aking mga mata sa kinauupuan ni Dr. Cornwell. Sa unang pagkakataon ay nakita kong ngumiti ang doktor.
"Anyway, I need to get back to my quest to find my Apple," pag-iba ko sa aming usapan. "We just had our anniversary yesterday. We should still be celebrating."
"Wala ba sa unit ninyo?" tanong ni Kim. Marahan niyang isinuot ang hawak niyang T.A.D.
"Wala, eh," mahina kong sagot. "He just left his phone and things lying on the floor."
Mabilis na nagkatinginan ang mag-ama. Biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Nawala ang ngiti sa kanilang mga mukha. Agad na tumayo ang doktor. Maging ang laylayan ng jumper ni Kim ay agad nitong inayos.
"Do you need help looking for him?" yaya ni Kim. Agad nitong kinalikot ang relo niya. Panay ang kanyang pihit na tila may pinaghahandaan.
"Yes!" bulalas ko. Mabilis na nagliwanag ang aking mukha. Dala na rin ng pagod ay nais ko nang matagpuan agad ang asawa ko. Gusto ko na siyang makasabay matulog. "Well, if you aren't busy."
"We aren't," seryosong tugon ng doktor. Kinuha niya ang ilan sa kanyang mga gamit at nauna pang nagtungo sa pinto.
Nakasunod na sa kami ni Kim sa kanya. Tumatakbo na kami pababa ng hagdan. Ang isang bahagi ng gusali ay katapat ng malawak na dagat. May mga malalakas na alon. Ang makakapal na ulap ay halatang may dalang malakas na ulan. Mga ulap na ikinakalat ang pagduro ng araw. Kulay laman ng hinog na dalandan ang buong paligid. Mabilis ang aming hakbang habang ang araw ay nagtutungo na sa kanluran.
"So, how did you get here?" tanong ni Kim. Ang laki ng bungisngis nito habang sabay kaming tumatakbo.
"Via taxi, I can't drive because, you know," tugon ko. "So where do you think he went?"
"Let's start at his unit."
"But he's not there."
"Trust me. I have a gut feeling," pagpilit ni Kim.
"Why are we running again?" usisa ko.
Hindi niya ako sinagot. Pinagmasdan ko ang seryoso niyang pagkakatitig sa ibaba ng hagdan. Nanatiling magkasalubong ang makakapal niyang kilay.
Natigilan kaming pareho nang makita namin ang kotse ni Dr. Cornwell. Agad kaming sumakay at nagtungo pabalik sa pinanggalingan ko.
****
Alas tres ng hapon. Nakatayo kaming tatlo sa tapat ng unit ni Noah. Gusut-gusot pa ang buhok ni Kim dahil sa ginawa nitong pagtakbo. Samantalang ang doktor naman ay nakatungkod na sa kanyang tuhod dahil sa pagod.
"I told you, he's not here," sabi ko. Hinahanap ko sa aking mga bulsa ang key card. Nang makapa ko ma ay agad kong itinapat sa pinto. "I'm pretty sure he'd call me if--"
"Ark?" bigkas ng malambing na tinig. Kagaya ng dati, malalim, barotono at nagmumula sa tiyan ang kanyang boses ni Noah.
Ang mukha ko ay mabilis na nagliwanag nang makita ko ang aking asawa. Pinagbuksan na niya ako bago ko pa pihitin ang pinto. Basa ang kanyang buhok. Pinapatuyo gamit ang malinis na tuwalya. Ang kulay tansong buhok niya ay tila naging itim dahil pagkabasa ng mga ito.
"Apple!" bulalas ko. Niyakap ko ang bagong ligo niyang katawan. Wala siyang pang-itaas. Halos mahulog na ang nakatapis na tuwalya sa kanyang baiwang sa tulin ng pagkakaakap ko.
"Sorry, bigla akong nawala," malungkot niyang sambit. Rinig ko ang bibrato ng kanyang boses habang nakapatong ang aking baba sa kanyang balikat. "Kim? Doc Kevin?"
"Well, looks like he's home after all," natatawang saad ng doktor. Inayos niya ang kanyang tayo at nagsimulang maglakad palayo. "We should get back, Kim."
Napakalas ako kay Noah. Sinalubong ko ng ngiti ang maamo niyang mukha. Ngunit nasaksihan ko ang mga mata niyang namumugto. Mga pamilyar na matang kulay tsokolate ng batang nasa ilalim ng puno. Basa, maging ang ilalim ng kanyang mga mata ay may bakas ng pagod. Mga pamilyar na reaksyon ng batang Noah na nalulungkot sa tuwing iniiwanan ko.
Sinundan ko ang kanyang tingin. Sa tuwid na direksyon nakatoon ang kanyang mga titig. Nakangiti pa ako nang matagpuan ko si Kim na nasa tapat pa rin ni Noah. Hindi ito kumikilos. Nakasimangot. Nagmamakaawa ang tingin sa aking asawa.
Sa isang iglap ay bumukas ang kanyang bibig. Pinakawalan ni Kim ang mga salitang tila nag-aalangan siyang sabihin. "Noah, sa tingin ko, kailangan mo nang--"
"I will," pagputol ni Noah.
May halong panginginig ang kanyang tono.
Mahina.
Malungkot.
Nagsusumamo.
"Just give this time, this moment to the both of us," dagdag pa ng asawa ko.
"Kim, we should let them talk," saad ng doktor. Bumalik ito sa tapat ng pinto at ipinatong ang kanyang kamay sa braso ng kanyang anak.
"Talk about what?" pagtataka ko. Ang aking ulo ay umiikot mula kay Noah, patungo sa mag-ama at pabalik sa asawa ko.
Walang sumagot sa akin. Sa aking gilid ay nakita ko kung paano alisin ni Kim ang relo niya. Marahan niyang inangat ang kanyang braso. Hindi niya inalis ang mga seryosong titig habang inaabot ang relo kay Noah.
"Here, this one is for you," sabi ni Kim.
Pilit ang mga ngiti ni Noah habang tinatanggap ang munti nitong handog. Ilang saglit pa ay umalis na ang mag-ama. Mabagal ang hakbang ni Kim habang nakatitig si Noah sa sahig.
"So, what was that about?" usisa ko. Nakakunot ang aking noo habang inaaral ang itsura ng aking kapareha.
Ngunit mabilis na nagliwanag ang kanyang mga mukha. Kumurba pataas ang kanyang mga labi. Napasingkit ang kanyang mga mata dahil sa laki ng kanyang ngiti.
Pero sa likod ng lahat ng sayang ipinakita niya, hindi niya sinagot ang tanong ko.
"Tara!" bulalas ni Noah. Mahigpit ang kanyang hawak sa aking kamay. Hinatak niya ako papasok sa kuwarto at nagsimula na siyang magbihis. "Go get change. Let's watch the sunset!"
Sa mga salitang iyon, umapaw sa galak ang puso ko.
***
"Dalawa pong cucumber juice," bungisngis na sabi ni Noah.
Mahigpit pa rin ang hawak niya sa aking palad. Pinanood ko siya habang masayang nakikipagkuwentuhan sa tindera. Sumisenyas pa ang kanyang mga kamay. Panay ang turo ng kanyang daliri sa mga tindang palamig na parang isang batang namimili ng kanyang bibilhin.
Pamilyar ang eksenang iyon. Nasa gitna kami ng isang bazaar. Hindi gaanong maraming tao. Medyo basa pa ang semento, halatang kakatapos lamang umulan. Sa hangin ay may manipis na usok. Mga usok na nagmula sa mga panindang pagkain. Humahalo sa alimuong ang halimuyak ng tostadong takoyaki at mga inihaw na karne.
"Hulaan ko ang susunod na bibilhin mo," paglalambing ko.
"Siyempre, ang paborito mo," tumatawang saad ni Noah. "Pork barbecue!"
Natulala ako sa sunod na ginawa niya. Niyakap niya akong bigla. Nakasarado ang dalawa niyang kamay sa aking likod. Ang malambot niyang pisngi ay nakapadikit sa kaliwa kong dibdib.
May mga makukulay na lamparang nakasabit sa paligid. Napapalibutan ng mga bumbilyang kulay dilaw at pula ang mga dekorasyon sa bazaar. Mga liwanag na lalong nagpapaganda sa lumulubog na araw sa dagat na ilang metro lamang ang layo sa amin.
May malaking Ferriswheel sa dulo. Sa paligid ay umalingawngaw ang musika Pinapatugtog ang mga malungkot na awiting tungkol sa pag-ibig. Sa gilid ng bazaar ay may maliit na entablado. Nagkalat ang mga instrumento sa gitna. Naghihintay sa sinumang nais tumugtog sa mga ito.
Abala sa pagbili ng inihaw ang aking asawa. Ayaw pa rin niyang bitiwan ang kamay ko. Nakakandado ang aming mga daliri sa isa't isa. Tila sinisigurado niyang hindi ako mawawala sa kanyang tabi. Abala siya sa pagbili ng inihaw habang nakapako sa entablado ang aking tingin.
"Deja vu," tumatawa niyang bulong sa aking tainga. Marahan niya akong hinalikan sa pisngi. Nakangiti akong lumingon sa kanya ngunit nakatingin na siya sa entablado na pinagmamasdan ko. "Parang nangyari na ito?"
"Before the quiz bee," saad ko. Abot langit ang aking ngiti. Tila mga paruparong tumatakas mula sa aking tiyan ang kilig na nararamdaman ko. "The first day I stayed in your unit when we were students."
Sinundan niya iyon ng malakas na halakhak. Panay ang pang-aalaska niya sa akin habang ikinukuwento ang nangyari noong araw na iyon. Pinanood ko lamang siya habang tumatawa. Habang ginigunita ang makulay naming buhay.
"Tara!" bulalas ni Noah.
"Saan?"
"We still have time," sabi ni Noah. Hinatak niya ako palapit sa entablado. Napatingin siya sa dagat at tinantsa ang taas ng araw sa guhit-tagpuan. Binalikan niya ng tingin ang mga nagkalat na instrumento habang nakabaon pa rin ang kanyang kamay sa aking palad. "What song do you want me to sing?"
"Talaga?" Nagliwanag ang mukha ko. Naging mas mapula pa sa mga bumbilya ang aking mga pisngi. "Anything! Just don't make me cry."
Naramdaman ko ang paghigpit ng kanyang kapit mula sa huli kong sinabi. Ilang segundo ay marahan niya akong binitawan. Naglakad siya paakyat ng maliit na entablado. Naiwan akong nakahalukipkip sa kanyang harapan.
Isinabit niya sa kanyang katawan ang gitara. Itinono niya ang mga pisi at pihitan. Nang makuha ang tamang timpla ay lumapit siya sa mikropono. Binuka niya ang kanyang bibig. Sa unang notang kanyang pinakawalan ay tila nagbago ang mundo. Inawit niya ang kantang "Before You Go" ni Lewis Capaldi.
Tumigil ang oras.
Nagpatuloy siya sa pag-awit. Tila naglaho kami sa gitna ng bazaar. Napunta kami sa gitna ng dagat. Isang pamilyar na lugar ang nasaksihan ko. Sa aming paanan ay mababaw na tubig. Sinasalamin ang bughaw na langit. Walang gusali, walang puno, maging katiting na halaman ay hindi matatagpuan kahit saan. Puro bughaw na langit ang natatanaw ko. May mga kalat na ulap habang ang gintong araw ay lumulubog sa dulo. Sa gitna ng lahat ng ito ay dalawang puso. Isang patuloy sa pagkanta habang ang isa hindi maipaliwanag ang tuwa sa kanyang damdamin. Umiibig, sumisinta, sinusulit ang sandaling iyon.
Natapos ang pagkanta ni Noah. Umulan ng masigabong palakpakan. Mga palakpak na tila nagbalik sa amin sa gitna ng bazaar. May ilang tao nang nakapalibot sa entablado. Kinukuhaan siya ng litrato habang ang iba ay hindi mapigilang mapangiti sa talentong ibinigay ni Bathala sa minamahal ko.
"Napakasuwerte ko talaga sa iyo," bulong ko sa aking sarili. Pinagmasdan ko siya hanggang sa bumalik siya sa aking tabi.
Ilang minuto pa ay natagpuan namin ang aming sarili na nakaupo sa buhangin. Sa aming gilid ay ang aming mga inumin. Panay pa ang nguya ko pa ng barbecue. Maging si Noah ay inuubos na ang cucumber juice. Nakapatong ang ulo niya sa balikat ko. Ang aming mga kamay ay nakadantay sa buhangin. Sa aming harapan ay ang langit na nagdurugo. Umuuwi ang araw sa makasariling kanluran. Nagkalat ang ulap sa paligid maliban sa kinalalagyan ng araw. Tila iginagalang ng ulap paglubog nito. Ang pulang sinag ng araw ay naging bahaghari. Hinahati ng mga namuong tubig na naipon sa mga ulap. Ikinakalat sa iba't ibang direksyon.
Pinagmasdan ko ang buhok ni Noah. Tumatama ang sinag ng umiiyak na araw patungo sa bawat hibla ng tansong buhok sa aking harapan. Nagsimulang magliwanag ang ulo ni Noah. Kumikinang na parang ginto. Kasing ningning ng pilak. Kasing busilak ng diyamante.
"Ito na ata ang pinakamagandang paglubog ng araw na nakita ko," bulong ni Noah.
"Oo, ang pinakamaganda," saad ko habang nakatitig pa rin sa kanya.
Nagsimulang halikan ng malambing na araw ang malupit na dagat. Kasabay nito ay ang pag-ayos ng upo ni Noah. Sa akin siya ay napatingin. Sa halip na kaligayahan, kalungkutan mukhang ipinakita niya sa akin. Mga pamilyar na titig ng batang nagpapaalam sa ilalim ng puno.
"Adam, I need to tell you something," nag-aalangan niyang sambit. Nanginginig ang kanyang labi. Napalunok pa siya ng laway habang pinipiling mabuti ang mga salitang kanyang sasabihin.
"Puwedeng ako muna?" bulong ko sa kanya.
Sa sinabi kong iyon ay bahagyan nawala ang panginginig sa kanyang mga labi. Nakita ko ang panandaliang kaginhawaan sa kanyang mukha.
Kaginhawaang sa mukha niyang para sa akin ay mas importante pa kaysa sa ano mang bagay na sasabihin niya.
Inayos ko ang aking puwesto. Sa kanya, ako ay napaharap. Sinugurado kong magkapantay ang mga mata kong kasing bughaw ng sapiro sa mga mata niyang kasing tamis ng tsokolate. Namuo ang tuwa sa aking dibdib. Sa kanyang pisngi napadpad ang aking mga palad. Hindi ko mapigilang matuwa sa balitang aking ilalahad.
"Nanganak si Pauline kaninang madaling araw!" bulalas ko. Ibinalita ko sa kanya ang lahat.
Panay ang aking kuwento. Nakatitig lamang siya sa akin na tila isang batang nakikinig sa isang magandang salaysay.
"I donated my blood to Pauline while she was giving birth," dagdag ko pa.
May mga mga pasimple siyang pagtawa habang sinasaad ko ang nangyari sa delivery room. Hindi ko maipinta ang reaksyon ni Noah. Samantalang ang nagdurugong langit sa aming itataas ay tila ipininta ni Bathala. Kinagat niya ang kanyang mga labi habang pinapaliwanag ko ang pangalang napili nila para sa inaanak ko.
Sa inaanak namin.
Nangangawit na ang aking bibig kadadaldal. Wala akong preno sa pagsasalita. Pinapanood lamang ako ni Noah. Nakalapad pa rin sa kanyang mukha ang aking mga palad. Hindi namin namalayang tuluyan nang nilamon ng malupit na dagat ang malambing na liwanag.
Hindi ko nakita ang mga mata niya dahil sa biglang pagdilim.
Ngunit naramdaman kong namasa ang aking mga kamay.
Mabilis niyang kinuha ang mga palad ko at inilapad sa kanyang kaliwang dibdib. Doon naramdaman ko ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Malakas ngunit maliksi. May halong kalungkutan. Pinilit niyang tumawa sa kabila ng lahat ng iyon.
Napalunok ako ng laway. Kilanoro ko ang aking lalamunan. Sa mga mata niya, ako ay muling napatitig.
"So what was that you're going to tell me?" nag-aalangan kong tanong.
Hinintay ko siyang sumagot. Wala nang panginginig sa kanyang mukha. Lalong lumakas ang ilaw ng mga lampara mula sa bazaar. Sapat lamang upang maliwangan ang kanyang pisngi. Sa aking harapan ay tumambad sa akin ang magandang ngiti ni Noah. Mga ngipin na kasing puti ng niyebe. May dalawang dimples sa magkabilaang pisngi na lalong nagpapaguwapo sa kanyang mukha.
"It's nothing," sambit niya. Hindi ko alam pero pakiramdam kong iyon ang tugon na mas gusto kong marinig. Kaysa sa ano mang balitang sisira sa aming magandang sandali. "Tara umuwi na tayo."
Tumayo kami sa buhangin. Naglakad palayo sa dagat. Magkahawak ang aming mga kamay habang iniiwan ang magandang bazaar. Sa silangan ay nagsimulang lumitaw ang mga tala. Isang bituin na nanging nadalawa. Naging sampu hanggang sa hindi ko na mabilang.
***
Nakabalik na kami sa condo. Magkatabi na kami sa kama. Sa pagkakataong iyon ay si Noah naman ang humahaplos sa buhok ko. Mahigpit ang aking yakap sa kanyang katawan. Nakadagan ang aking hita sa kanyang baiwang. Ang aking ilong ay nakasubsob sa mabango niyang dibdib. Nilalanghap ang amoy ng lavender at vanila mula sa kanyang balat.
"Sleep, little Adam." Muli siyang umawit.
Tila isang magulang na hinehele ang kanyang anak. Inulit niya ang kantang inawit niya sa bazaar. Ngunit sa pagkakataong ito ay mas mahina. Mas mabagal na may halong katahimikan. Panay pa rin ang haplos niya sa aking buhok. Ang isang kamay ay kinakamot ang aking likod. Marahil dahil sa sobrang pagod mula sa mga pinagdaanan ko, ako ay agad na nakatulog. Nahihimbing sa bisig niya habang umiikot ang maganda niyang boses sa kuwarto.
Nagsimula akong managinip.
"Adam," bulong ni Noah.
Para akong lumulutang sa isang mahabang ilog. Nakahiga ako sa tubig habang nakatingin sa kalawakan. Sa aking harapan ay ang napakaraming bituin. Kumikislap na parang munting mga alikabok.
Hindi ko mabilang.
Hindi ko maabot.
"Adam, there is something I have to tell you."
Dala ng preskong hangin ang boses ni Noah. Mahinang iniihip patungo sa mga tainga kong nakababad sa tubig. Kinikiliti ang aking balat dahil sa lamig na dala nito.
"I am the trigger," dagdag pa ni Noah.
"I already know that," tugon ko. Lumulutang pa rin ako sa ilog. Sinasariwa ang maganda kong panaginip.
Sa isang iglap, ang magandang kalawakan sa aking harapan ay natabunan ng makakapal na ulap. May kasamang kulog at kidlat. Ilang saglit pa ay bumuhos ang malakas na ulan. Nakarinig ako ng hagulgol. Boses ng asawa kong umiiyak kasabay ng malakas na hangin.
"What's wrong, Noah?"
Bigla akong lumubog sa ilog. Ang payapang agos ay naging mapusok. Lumalamon ng buhay na tila malakas ang daloy.
Nagpatuloy ang kanyang pagluha sa hangin. Para akong binabangungot. Mula sa ilalim ng tubig ay pinilit kong lumangoy paibabaw. Buong lakas kong tinungo ang itaas ng tubig marinig lamang ang mga hagulgol niya.
"Adam, I'm not just the trigger," narinig kong bulong ni Noah mula sa daluyong.
Sinundan ng malakas na kidlat. Tumama sa malayong puno na natumba patungo sa tabi ko. Mabilis akong umilag. Nakarinig ako ng malakas na kulog. Sobrang lakas na tila mabubutas na ang tainga ko.
"What do you mean, Noah?" sigaw ko habang may tubig-tabang sa aking bibig. Nauubos na ang aking lakas dahil sa paglangoy.
Muli, narinig ko mula sa unos ang kanyang pagluluksa.
"I'm a time traveler," bigkas ni Noah.
Yumanig ang mundo ko.
Tumigil ang oras. Nanigas sa hangin ang mga alon, kidlat maging ang mga natutumbang puno. Binalikan ko ang pamilyar na boses sa alapaap.
"Adam, I don't belong in your timeline. Never was and never will be," dagdag pa niya.
Ako ay natigilan. Ang boses niyang malayo ay tila biglang lumapit. Napalingon ako sa tabi ko. Tila may isang maliit na liwanag na lumulutang sa tubig. Kumikislap na tila gusto akong iligtas.
"Adam, please promise me one thing." Mula sa liwanag ay narinig ko ang kanyang boses. Malungkot. Nag-iisa. Parang batang naiwan sa ilalim ng punong Narra habang bumabagyo.
"Promise you what?" bulalas ko. Sa dulo ng ilog ay mag ipoipo. Sa kabilang bahagi ay may sumasabog na bulkan. Nagsimulang magbagsakan ang mga tala sa langit.
"Promise me you won't do it," saad ng boses ni Noah sa hangin. Halos hindi ko na marinig ang tinig niya. Habang tumatagal ay tila dinadala ng unos ang munting ilaw sa malayo.
"Won't do what?" sigaw ko.
"Rule number one--" bulong ni Noah. Tuluyang nilamon ng ulan ang munting liwanag. "Adam, Ark ko. You are... t-the... t-ime... t-raveler's... boyfriend."
Muli akong lumubog. Sa malalim na tubig na puno ng kadiliman. Nawala ang lahat ng tunog. Maging ang boses ng taong iniibig ko ay naglaho sa kalawakan.
"Noah!" bulalas ko patayo sa higaan. Nanginginig ako nang ako ay magising.
Napatingin agad ako sa aking tabi. Halos malaglag ang aking panga sa aking nakita. Nagsimulang sumikip ang aking dibdib. Wala na si Noah.Tanging mga damit niya lamang ang nakita ko. Walang ibang ingay maliban sa isang pamilyar na tunog. Nanginginig kong inunat ang aking kamay. Tinungo ko ang naiwan niyang damit. Sa ilalim ay ang maingay na relong binigay ni Kim kay Noah.
"It only reacts to two things," bulong ko. Inalala ko ang sinabi ni Kim at ng ama niya. Nagsimula akong umiling. Namuo ang sipon sa aking ilong. Namasa ang aking mga mata. "If you're a trigger or a time traveler."
Mabilis akong tumayo. Isang tao lang ang dumapo sa isip ko. Isang taong makakatulong sa aking asawa. Kinuha ko ang aking cell phone. Hinanap ang numero ni Dr. Cornwell. Hindi ko mailarawan ang takot sa aking dibdib. Nakasusulasok ang pakiramdam na maiwan. Maiwan ng taong hindi mo alam kung saang lugar napadpad.
Ito ba? Ito ba ang lagi niyang nararamdaman?
Nabitawan ko ang cell phone dahil sa sobrang kaba ko. Napataob ito sa kama. Nanginigig pa ang aking mga kamay dahil sa kaba. Hindi ko namalayang basang-basa na ng luha ang aking pisngi.
Biglang tumunog ang cell phone ko.
Ang takot sa aking dibdib ay biglang naglaho. Inayos ko ang akiing sarili. Huminga ako nang malalim at mabilis itong dinampot.
"Hello?" sinisipon kong sagot.
"Pare si Tristan ito! Tulong! Nagtatago kami sa ospital. Hinahabol kami. Gusto nilang kunin si Aho-"
Biglang naputol ang linya nang may umalingawngaw na putok ng baril.
***
Author's Note: Ano kaya niyo pa? Sabi sa inyo, hindi ako magaling na writer, eh. Salamat po sa comments and votes. 4100 words! Sarap gawan ng anime, ano? Haha.
Question: If you were to end this book, what would be the last line you would write? Comment here your answers.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top