Chapter 5: Rule Number One, Part 3
Chapter 5
"Rule Number One, Part 3"
Year: 2008, Metro Manila (Few Years After Graduating from Saturnino High School)
"Thanks for coming Mr. Adam Ambrosi," pagbungad ni Dr. Kevin Cornwell. Seryoso ang tingin nito. Puno ng balbas ang kanyang mukha at panay ang paghawi niya sa kanyang buhok na maayos naman ang pagkakasuklay. "How was your trip from Finland?"
"Ayos naman po. Nakapagpahinga na rin ako gaya ng utos ninyo," tugon ni Adam.
Natagpuan ni Adam ang kanyang sarili sa pamilyar na kuwarto. May mga libro tungkol sa Physics sa kaliwang pader. Maraming orasang nakasabit sa pader na kahilera ng pinto. Ang sikat ng araw ay kulay pinaghalong tanso at ginto patungo sa mukha ng nakaupong doktor.
"Did you bring your couple picture I asked you to?" usisa ng doktor. Nagsimula itong tumayo.
Marahang inilabas ni Adam ang larawan nila ni Noah. Nag-aalangan pa ito kung iaabot ba niya ang natatanging kopya. Mula sa kanyang kamay ay agad itong kinuha ni Dr. Cornwell.
"That's the best picture we have," saad ni Adam. "I deleted the other copies just like you asked."
May masamang kutob si Adam sa ikinikilos ng doktor. Tila hindi ito mapalagay habang sinusuri ni Dr. Cornwell ang bawat anggulo ng larawan. Pinagmasdan ni Adam kung paano sumingkit ang mata ng doktor habang nakatigtig sa larawan nila ni Noah.
"So how is Noah?" pag-iba ng doktor sa kanilang usapan.
"I feel so bad. Bakit hindi kailangang malaman ni Noah na uuwi ako?" pagtataka ni Adam. Kinakabahan ito dahil walang malay ang kanyang nobyo na umuwi siya ng Pilipinas. Panay ang kanyang pagsisinungaling sa tuwing kinakamusta siya sa telepono.
"Because we don't want Noah to worry," saad ng ibang ngunit isang pamilyar na boses. Tila may multong biglang sumulpot sa kuwarto. May dala itong malamig na hangin patungo sa balat ni Adam. Umikot sa kuwarto ang masayahing boses ng isang dating kakilala.
"Kim!" bulalas ni Adam. Napangiti ito nang makita ang binatang tumulong sa kanilang makita ang doktor ilang taon na ang nakaraan. "Haven't seen you since we went to Naminara Island."
Mula sa madilim na bahagi ng opisina ay lumabas si Kim, ang anak ni Dr. Cornwell. Balot na balot ng makapal na damit ang katawan nito. May suot pa siyang proteksyon sa mukha na parang kulambo. Ang kanyang paa ay nasa loob ng makakapal na bota.
"What's with the outfit?" tanong pa ni Adam. Nagtungo ito sa malambot na upuan at pinaupo ang sarili.
"Sorry, we forgot to make you descent," ani ni Dr. Cornwell. Marahan itong naglakad at may kinalikot sa ilalim ng kanyang lamesa. Parang may binubuksan itong kahon. May binutingting na maliliit na bakal na tila isang taong nag-aayos ng kuryente. Nakarinig si Adam ng mahinang pagpihit.
May mahinang pagyanig sa kuwarto. Ang dalawang aparador sa likod ng lamesa ng doktor ay unti-unting gumalaw patungo sa magkaibang direksyon. Sa gitna ay bumulaga kay Adam ang isang lihim na silid.
"Woah!" bulyaw ni Adam. Panay ang nganga nito habang mabilis na tumatayo. May malakas na liwanag na nagmumula sa kuwarto. Sa loob ay hindi mabilang na gamit na yari sa salamin na parang isang malaking laboratorya.
"Tara sa loob!" yaya ni Kim. Maliksi itong tumatalon habang lumalapit kay Adam upang gabayan ito papasok sa lihim na silid.
"So we already know from that cell phone you brought here that you can bring materials across time, correct?" tanong ng doktor. "Remember the day I first saw you time travel?"
Marahang tumango si Adam. Muling nanumbalik ang lamig sa kanyang balat. Sa mga ikinikilos ng doktor ay mukhang nahuhulaan na niya kung para saan ang kanyang pagpunta.
"Tada!" Ipinakita ni Kim ang dating cell phone na dinala ni Adam mula sa 1992 papunta sa kasalukuyan. Ang araw na kinumbinsi nito si Dr. Cornwell na isa siyang time traveler. "This phone is good as new!"
Itinago ni Kim ang hawak niya. Inalalayan nito si Adam patungo sa kabilang dulo ng laboratoryo. Ramdam ni Adam ang lamig sa loob. Makapal ang suot ni Kim samantalang protektado naman ng lab gown ang doktor.
"It's freezing!" ani ni Adam. Yakap na nito ang sarili dahil sa lamig. "Where are you taking me?"
"Basta sumunod ka lang," tugon ni Kim. Tumigil ito nang siguradong ilang dipa na ang layo nila sa kanyang ama.
"Remember this?" sigaw ni Dr. Cornwell mula sa malayo. May hawak itong isang device.
"Time Anomaly Device? T.A.D.?" usisa ni Adam. Nakakunot ang noo nito habang nakatitig sa maliit na bagay na kasing laki lamang ng credit card. "Ayan iyong sinasabi mo sa mga email mo, hindi ba?"
"Oo," sigaw ng doktor. Marahan niya itong pinaandar. May saglit na katahimikan. Panay pa rin ang pakunot ng noo ni Adam nang biglang umalingawngaw sa laboratoryo ang matinis na tunog.
"Ano ba iyan!?" bulyaw ni Adam. Mabilis niyang tinakpan ang kanyang mga tainga dahil sa sobrang ingay.
"Dad, turn it off!" sigaw ni Kim mula sa malayo. "He could disappear because of too much stress!"
Mabilis na pinatay ni Dr. Cornwell and hawak nito. Tinungo niya ang kabilang bahagi ng kuwarto kung saan nakatayo si Kim at Adam. Seryoso ang kanyang mukha. Panay ang punas niya sa kanyang pawis kahit sobrang lamig sa laboratoryo.
"It tells if there is a time traveler nearby," paliwanag ng doktor. Nag-aalangan pa ito kung itutuloy ba niya ang ibang bahagi ng kanyang pangungusap. "It also tells-"
Natigilan ang doktor. Inaaral nito ang reaksyon sa mukha ni Adam.
"Tells what?" usisa ni Adam. Hindi ito mapalagay. Bakas sa mga mata ng doktor ang pagkubli sa isang maselang impormasyon.
Huminga nang malalim si Dr. Cornwell. Kinamot niya ang kanyang ulo. Gamit ang isang kamay ay tinapik niya ang balikat ni Adam.
"Do you remember why I asked you to come here today?" tanong ni Dr. Cornwell.
"Opo, dok," magalang na sagot ni Adam. Natigilan ito nang bahagya. Napahawak ito sa peklat niya sa braso mula sa pagdadala niya ng cell phone noon. Bagamat tuluyan nang magaling, panay pa rin ang lunok ng kanyang laway sa tuwing naalala ang kirot na dulot nito.
"We're going to see if this thing would also react to one more thing," ani ni Dr. Cornwell. Malalim ang kanyang bawat hininga. Ang init ng kanyang katawan ay nagpapahamog sa suot niyang salamin sa mata. "If you're ready, we can begin the experiment, Adam."
Nakayuko si Adam habang nagsisimula itong maghubad. May kirot sa kanyang damdamin. May takot sa kanyang mga galaw. Sa bawat damit na kanyang inaalis ay tila may kadenang sumasampa sa kanyang katawan.
"Pumasok ka lang sa loob ng glass room. Ipapagawa ko na sa iyo iyong napagkasunduan natin," utos ng doktor.
Nagtungo si Adam sa isang malaking kahon na gawa sa salamin. Nanginginig ito habang humahakbang sa loob ng maliwanag na kuwarto. Ramdam ng kanyang talampakan ang malamig na metal na parang yelong gumagapang paakyat sa kanyang likuran. Pinipigilan niya ang kanyang mga ngipin sa panginginig habang marahan siyang naglalakad sa gitna.
Mula sa labas ay pinapanood siya ni Kim at Dr. Cornwell. Matikas ang tayo ni Adam habang tinatakpan ang harapan nito. Mula sa loob ng malaking kahon ay narinig niya ang boses ng doktor. Nagsasalita ito gamit ang mikropono mula sa labas.
"As agreed, this experiment has two objectives. First, we will see if the device will alarm on things that will trigger your time travel," panimula ng doktor. Katabi na nito si Kim na hindi maalis ang tingin kay Adam. Natigilan ang doktor. May kabig sa kanyang boses. Tuluyan nang nabalot ng hamog ang suot niyang salamin dahil sa kakaibang kaba na dala ng binabalak nila. "Second, we need to find out if you can also carry living things across time."
Lalong kinabahan si Adam dahil sa kanyang narinig. Marahan na niyang hinahaplos ang mga peklat niya sa braso. Panay ang lunok niya ng laway. Tumatagaktak ang kanyang pawis kahit naka todo na ang lamig sa laboratoryo. Ngunit nilakasan niya ang kanyang loob. Buong tiwalang kumabig habang inaangat ang kanyang dibdib.
"We agreed to try it on insects, correct?" tanong ni Adam. Panay ang hinga niya nang malalim mapakalma lamang ang sarili dahil sa nerbyos.
"Right!" bulalas ng doktor. Nakataas pa ang dalawang hinlalaki nito. Pinipilit niyang magboses kampante kahit wala siyang kasiguraduhan sa kahahantungan ng gagawin nila.
"But what if something wrong happens to me?" kinakabahang tanong ni Adam. Seryoso ang kanyang titig kay Dr. Cornwell. Kung makatutunaw ang tingin ay malamang nabutas na ng kanyang mga mata ang salamin.
Napayuko si Dr. Cornwell. Wala itong imik. Tuluyan na niyang inalis ang kanyang salamin upang punasan. Maging ang ngiti sa mukha ni Kim ay mabilis na naglaho. Ngunit wagas ang kanyang intensayon. Mula nang makilala niya si Adam at Noah ay nais na nuyang matulungan ang mga ito.
Mabilis na naglakad si Kim palapit sa salamin.
"Kumpleto kami ng gamit for medical aid," ani ni Kim. Marahan nitong inalis ang balot ng kanyang ulo upang mas mabasa nito ang takot sa mukha ni Adam. "Pero, kung ayaw mo, puwede naman nating ihinto ito."
"Again Adam, we are here to find the cure for your condition," dagdag ng doktor. "Malay mo nasa malayong hinaharap ang gamot sa sakit mo. Maaring isang uri ng likido. Pero paano kung isang bacteria, virus or fungi pala ang sagot sa problema mo?"
Natahimik si Adam. Hindi ito makasagot. Sa kanyang braso ay lalong humihigpit ang kanyang mga kapit. Sa kanyang utak ay sumulpot ang mga imahe ni Noah. Ang mga sandaling nag-aabang ito sa kasalukuyan. Ang itsura ng asawa niyang laging nag-aalala.
"What if you can bring the cure back to the present? Wouldn't that make you and Noah happy?" dugtong pa ni Kim.
Sa mga salitang iyon ay tila may gumuhit na liwanag sa harapan ni Adam. Tila nabuhayan ito ng pag-asa. Luminaw bigla ang mukha nito. Ang ulo niyang kanina pa nakayuko ay mabilis na umangat. Ibinaba niya ang kanyang mga kamay at inayos ang kanyang tindig.
"Fine!" bulalas ni Adam. Ngabuga ito ng mainit na hangin. Pinuno naman ng malamig na hangin ang kanyang baga. "Gawin na natin!"
Ilang minuto siyang nakatayo. Sa labas ay nakatulala lamang sa kanya ang mag-ama. Nakatitig sa kawalan si Adam habang naghihintay ng kanyang pagtalon.
"Oh, I forgot," halakhak ni Adam. Napakamot ito ng ulo. "I need a trigger."
"That's the first objective of our experiment," saad ni Kim. Inilabas niya ang larawan ni Adam at Noah. Sa litrato ay masayang magkaakbay ang dalawa. Napapalibutan ng makukulay na lobo habang pareho silang nakasuot ng toga. "This is the picture of you and your boyfriend on your graduation day at Saturnino High School, right?"
"Yeah, so?" pagtataka ni Adam. Ang liwanag na nasa harapan niya kanina ay tila naging kadiliman. May kasamang matalim na sinag na parang pumupunit sa kanyang balat.
"Let's see if this Time Anomaly Device will work for something else," dagdag pa ni Kim. Muli niyang isinuot ang kanyang takip sa ulo. Sa isang lamesa ay pinaandar niya ang isang maliit na burner. May bughaw at puting apoy na naglalabas ng hindi maikumparang init. Sa tabi nito ay ipinatong niya ang T.A.D.
Inangat ni Kim ang larawan. Idinikit ang dulo sa apoy.
"Hoy! Anong ginagawa mo!" sigaw ni Adam mula sa loob. Mabilis itong nagtungo sa pader na gawa sa salamin at nagsimulang magwala. Kumakalampag ang kanyang mga kamao at handang basagin ang salamin sa kanyang harapan. "Kim! Stop!"
"If this becomes successful, we can identify your triggers," saad ni Kim. Biglang tumunog ang T.A.D. habang nakatapat sa larawan.
"Stop!" bulalas ni Adam. Panay ay kalampag nito sa salamin. "Itigil mo iyan!"
Sa loob ng suot ni Kim sa ulo ay nakatago ang malungkot niyang mukha. Sa isang idlap ay mabilis na tumigil sa pagtunog ang T.A.D. Agad na pinatay ni Kim ang apoy bago pa tuluyang masunog ang dulo ng larawan.
"Sorry, Dad. Hindi ko -" Ngunit natigilan si Kim nang biglang sumigaw ng ama nito. Mabilis siyang napalingon sa direksyon ng doktor.
"It worked!" bulyaw ni Dr. Cornwell. "It really worked! We therefore conclude that, the Time Anomaly Device can Identify two things: The Time Traveler and The Trigger. We can finally tell what his triggers are!"
Natulala si Kim sa itsura ng kanyang ama. Bihira lamang ngumiti ito. Madalas ay kung may matagumpay silang eksperimentong nagagawa. Sinundan ni Kim ang tingin ni Dr. Cornwell. Nagulat siya sa kanyang nasaksihan. Sa kinatatayuan ni Adam ay marahan siyang napatingin.
Wala na si Adam sa loob ng malaking kahon. Sa loob ng salamin ay ang mga liwanag na naiwan ni Adam mula sa kanyang pagtalon. Kumikislap na tila ginto. Parang alikabok na iniwan ng naglahong bituin.
***
Madilim na sa labas. Nakaupo sa tapat ng salamin si Kim at nakaabang ang mga gamit panggamot nito. Sa kanyang bulsa ay nakatago ang T.A.D.
Halos isang oras na silang naghihintay. Ang doktor ay abala sa pasuri ng mga datos ni Adam sa kanyang computer. Si Kim ay hindi inaalis ang kanyang tingin sa loob ng kahon. Parang isang batang taya sa larong patintero
"Kim, ako na lang ang maghihintay sa kanya. You should get some rest," ani ng doktor.
"I'm fine, Dad," sagot ni Kim. "Kukunin ko lang ang stock natin ng AB negative just in case Adam-"
Biglang may malakas na kalabog sa loob ng salamin. Bumalik na si Adam. Mabilis na lumingon si Kim upang salubungin ito. Ngunit biglang napako si Kim sa kanyang kinatatayuan.
"Adam!" Tanging sigaw ang lumabas sa bibig ni Kim.
Sa kanyang harapan ay si Adam na naliligo sa dugo. Hindi na halos humihinga at nakakamao ang isang kamay.
"Kim! What are you standing there for?" sigaw ni Dr. Cornwell. Agad itong tumakbo patungo kay Adam. "Kunin mo and blood bag, dali!"
Aligagang umalis si Kim. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Sa labas ng laboratoryo ay tila nakuryente ito at hindi makontrol ang kanyang mga galamay. May mga natapon pa itong likido habang naghahalungkat ng mga gamit sa refrigerator. Sa bandang taas ay natagpuan niya ang kanyang mga hinahanap. Bahagya siyang nakahinga nang maluwag. Ngunit bumalik ang kuryente sa kanyang katawan nang maalala ang itsura ni Adam. Kumakaripas itong bumalik na may dalang mga dugo. Natunghayan niyang pinipigilan ng kanyang ama ang pagdurugo ng mga sugat ng kaibigan.
"Adam! Adam!" sigaw ng doktor. Panay ang tapik nito sa mukha ni Adam at pinipilit itong gisingin.
Mabilis ang mga kilos ni Kim. Agad niyang ikinabit ang dugong kailangan nilang isalin. Ngunit hindi dumadaloy ang dugo patungo sa braso ni Adam.
"Dad! The blood is not flowing!" bulalas ni Kim.
"Did you hit the right vein?" sigaw ng doktor.
Ibinaba ni Kim ang kanyang tingin. Sa dulo ng kamay ni Adam ay nakasara ang kamao nito. Ang mahigpit niyang hawak sa isang bagay ang pumipigil sa pagdaloy ng dugo sa kanyang ugat.
"I see where the problem is," saad ni Kim. Tinungo niya ang kamao ni Adam. Pinilit niyang buksan ito. Ngunit mahigpit ang pagkakasarado ni Adam sa kanyang kamay. "Dad! Help! He won't let go!"
Dalawa na sila ni Dr. Cornwell na pinipilit buksan ang palad ni Adam. Inumpisahan nila sa hinliliit. Gamit ang buong puwersa ay napakawalan nila ang palasinsingan. Umupo nang maayos si Kim upang mag-iunat ang hinlalaki ni Adam. Gayundin ang ginawa ni Dr. Cornwell upang mapakawalan ang hintuturo. Nagkatinginan silang dalawa. Sabay silang tumango, bumalik sila sa pagkakaluhod upang iunat ang hinlalato.
Sabay silang napahiga. Sa kanilang harapan ay ang palad ni Adam na tuluyang nakabuka. Mula sa kamay nito ay may lumipad na paruparo. Kulay puti, kumikinang ngunit may mantsa ng dugo. Maganda ngunit maliksing pumapagaspas sa loob ng malamig na kuwarto.
"When he wakes up-" hinihingal na saad ni Dr. Cornwell. Nakatitig ito sa lumilipad na paruparo. Isang insektong may pakpak na kasing puti ng maliwanag na langit. Sa bawat indak ng kanyang pakpak ay kumakalat ang dugo. "When he wakes up, tell him that this will be the number one rule of his time travels."
"Rule number one?" pagod na tanong ni Kim. Kasabay ng kanyang malalim na hininga ay ang mahinang paghinga ni Adam na unti-unti nang nagkakamalay.
"Yes, rule number one," saad ng doktor. Nakatitig pa rin ito sa paruparong dumapo sa mainit na ilaw sa loob ng kuwarto. "He is not allowed to bring anything as he time travels, especially living things!"
Napatingin si Dr. Cornwell kay Adam. Nilingon niya pabalik ang kanyang lamesa. Sa ibabaw ay nakalapag ang larawan ni Adam at Noah.
"If he does, he will die," malagim na bigkas ng doktor na sinundan ng malamig na katahimikan.
***
Year: 2021, Metro Manila (Present)
"Noah?" pagbungad ni Adam nang makauwi ito. Malakas ang kanyang pagsarado sa pinto at handa nang halikan ang kanyang asawa. "Nakabalik ka na ba?"
Ngunit wala siyang narinig na sagot. Ang masaya niyang tinig ay mabilis na napalitan ng pagkabugnot. Nagpasya siyang tawagan ang kanyang asawa. Ilang minuto pa ay nakarinig siya ng tunog ng cell phone na nagmumula sa kanilang kuwarto.
Mabilis siyang tumakbo. Nagliparana ang kanyang mga sapatos patungo sa sofa habang hindi niya tuluyang naalis ang isa niyang medyas.
"Noah-" Natigilan si Adam nang tanging cell phone lamang ni Noah ang kanyang nakita. Nakapatong ito sa ibabaw ng kama. Sa sahig ay nagkalat ang mga damit nito.
May narinig siyang umaagos na tubig sa banyo. Tuluy-tuloy na daloy ng shower na tila may naliligo sa loob.
"He must be taking a bath," saad ni Adam. Maingat siyang naglakad patungo sa tunog ng umaagos na tubig. Handa na siyang supresahin ang kanyang asawa. Hatid ni Adam ang magandang balita. "Apple, Pauline just gave birth!"
Ngunit pagbukas ni Adam ng pinto ng banyo ay tanging maiinit na hamog ang sumalubong sa kanya. Umaagos ang mainit na tubig mula sa shower direkta sa malamig na tiles ng banyo. Pumasok siya sa loob upang isarado ito. Nakaramdam siya ng panghihinayawang hindi para sa tubig kundi para sa asawang nawawala.
Malungkot siyang naglakad pabalik sa kama. Magaan ang kanyang mga hakbang. Pinagmasdan niya ang mga nagkalat na damit. Dinampot niya ang pamilyar na t-shirt ni Noah at sinimulang amuyin ito. Kumiliti sa kanyang ilong ang amoy ng lavender at vanilla. Mga pamilyar na amoy ng asawang laging pagod mula sa trabaho.
Napahiga sa kama si Adam. Yakap pa rin niya ang damit ng asawang walang paramdam. Kinapa niya ang kabilang bahagi ng kama na tila katabi pa rin niya ito. Sa pagwagayway ng kanyang palad ay muli niyang nahawakan ang kanyang cell phone. Kinuha niya ito at inangat.
"If I was Noah, who would always call aside from me?" usisa ni Adam. Napatingin siya sa gilid. Sa isang lamesa ay nakapatong ay magandang lampara. Sa ilalim nito ay ang larawan nilang dalawa. Sa likod ay isang larawan ni Danilo. Nakasuot ng sumbrero at may bitbit na bata.
"Tatay Dan!" sigaw ni Adam. Mabilis kumurba pataas ang kanyang mga labi. Mabilis pa sa alas dose nang tawagan niya ang pamilyar na numero. May saglit na pag-ring haggang sa may sumagot.
"Hello?" bungad ni Danilo gamit ang malalim nitong boses.
"Tatay, nakita niyo po ba si Noah?" walang patumpiktumpik na tanong ni Adam. Nakaupo na ito sa gilid ng kama upang mas marinig nang maayos ang kausap niya. Ang kanyang kamay ay mahigpit na ang pagkakapit sa kobre kama.
"Ay!" sagot ni Danilo. Sa linya ay nakarinig si Adam ng tila kumukulong tubig. "Taika lang Adam, ah. Ang niluluto ko, babalikan kita saglit. Ito at kausapin mo muna ang Lola Maring mo."
Napakamot ng kilay si Adam. Nagpakawala ito ng malalim na hininga. Panay ang kanyang haplos sa noo dahil sa inip. Sa kabilang linya ay narinig niya ang pamilyar na boses. Mahina at magaspang na tinig ng isang matandang babae.
"Hello, Adam?" pagbati ni Maring. Nanginginig na ang boses nito dala ng katandaan. "Kamusta ka na, apo?"
"Nako Lola, ayos na ayos po ako." Mabilis na napalitan ng ngiti ang mukha ni Adam nang marinig ang mapagkalingang boses ni Maring. Malakas ang kanyang boses upang siguraduhing marinig siya nito. "Lola, nakita niyo po ba si Noah?"
Natatawa pa si Adam. Bagamat imposibleng nasa Batanes ito, nagbakasakali pa rin siya.
"Hay nako, ang batang iyon," bulalas ni Maring. Maririnig ang kanyang tuyong tinig at bawat paglunok niya ng laway. "Baka nandoon na naman sa kakambal niyang puno."
"Kakambal?" Pinipigilan ni Adam ang kanyang mga tawa. Sinsakyan nito ang mga sinasabi ng Lola ni Noah na marahil ay naluma na ang memorya dahil sa katandaan. "Paano niya ho naging kakambal ang isang puno, lola?"
"Adam, hijo. Hindi ba niya nakukuwento sa iyo?"
"Ang alin po?"
"Kaedan niya ang puno ng Narra."
"Ha?"
"Oh, ito na si Danilo. Kausapin mo na."
"Lola, teka-"
"Hello, Adam Anak?"
"Tay, ano po iyong sinasabi ni Lola na kaedad ni Noah ang puno ng Narra," usisa ni Adam. Ngunit wala siyang narinig na sagot. Sa halip ay tanging mahinang paghinga ang kanyang narinig sa kabilang linya. "Tay? Hindi po ba matandang puno na iyon? Ang taas-taas na!"
Matagal bago sumagot si Danilo. Huminga muna ito nang malalim. Klinaro ang kanyang lalamunan bago binalikan ang katanungan ni Adam.
"Hindi ba nasabi ni Noah sa iyo?"
"Ang alin po?"
Muling natigilan si Danilo. Humanap ito ng tagong puwesto upang maipagpatuloy ang sinasabi niya.
"Maliban sa pagtawag sa kanyang ampon, may iba pang tukso sa kanya ang mga kamag-anak namin."
Bahagyang kumulo ang dugo ni Adam. Sa cell phone ay napahigpit ang kanyang hawak. Kinakagat niya ang ibaba ng kanyang labi mapigilan lamang masasamang salita sa paglabas sa kanyang bibig.
"Ano pa po ang ipinintas nila sa asawa ko?" kalamado niyang tanong. Ngunit ang kobre kama ay halos mabutas na dahil sa kanyang inis.
"Anak daw ng diwata."
"Ha?"
"Noong napulot ko si Noah sa talampas lagpas ng gubat, wala pang puno ng Narra noon," mahinang bulong ni Danilo. "Sa sumunod na araw, bumalik ako sa talampas. Nagbakasakali akong matagpuan kung sino man ang nag-iwan sa kanya. Pero-"
"Pero, ano po?" naiinip na tugon ni Adam.
"Wala akong nakita roon maliban sa umusbong na halamang noon ko lang nakita," panimula ni Danilo. Sa bintana, siya ay napatingin. Gumuguhit sa salamin ang mahinang buhos ng ulan. Nag-uunahan ang mga butil ng tubig. Mga patak ng ulan na tila mas mabigat pa sa mga pasaning dala ni Danilo sa pagkupkop sa anak nito. "We had Noah's birth traced so that I could adopt him properly. But there was no record of any birth a month prior to that day in the entire Batanes. Tinawag siyang anak ng diwata dahil sa natatanging kulay ng kanyang buhok. Hindi normal ang kulay tanso sa mga taga sa amin. Higit sa lahat, hindi namin natukoy kung saan siya nanggaling."
"Where are you getting at?" usisa ni Adam.
"My point is," dagdag pa ni Danilo. "Years later, we gave up searching for his parents. The tree was the only clue we had about Noah. We barely noticed how that tree got so big. So just to answer your question, that is why your Lola Maring keeps on calling them twins."
Natigilan si Adam. Hindi ito makasagot. Nawiwindang siya sa bagong impormasyon. Tila isang malaking bagay ang nagbago sa kanyang pagkatao. Ang inaakala niyang puno na ilang beses na niyang naging gabay ay kaedad lang halos nila.
"Adam, are you still there?" tanong ni Danilo.
"Opo, tatay," magalang na sagot ni Adam.
"Anyway, Noah faced time me last night," halakhak ni Danilo. Nagsimula na itong maglakad pabalik sa kusina. Naririnig na ulit ni Adam ang tunog ng kumukulong tubig.
"Did he mention where he is?" usisa ni Adam. Kinakamot na nito ang kanyang ulo dahil napapahaba na ang pakikipagkwentuhan niya sa kanyang biyenan.
"He did not but-" Kumuha si Danilo ng sandok at sinimulang higupin ang sabaw ng niluluto nito.
"But?" naiinip na tanong ulit ni Adam.
"I saw him with a guy on the video call. Kaibigan niya raw. Chinito. Mukhang Koreano."
"Si Kim?" bulalas ni Adam.
"Yeah, Kim Cornflakes?" natatawang bigkas ni Danilo.
"Kim Cornwell," saad ni Adam. Agad na tumayo ito habang nakaipit pa rin sa pagitan ng kanyang tainga at leeg ang telepono. "Sige po, Tatay. Salamat!"
Muli, humarurot si Adam palabas ng kuwarto. Tumatambol ang kanyang dibdib habang tumatakbo patungo sa opisina ng isang dating kaibigan.
***
Author's note: Salamat po sa votes. Pagpalain nawa ang mga birhen ninyong katawan.
HALOS 4K WORDS ITO. NAKAKALOKA!
Mukhang aabot tayo hanggang Chapter 50. Puwede na po kayong magcomments. Just don't bombard me with theories please kung ayaw ninyong umiyak.
🥴🥴🥴🥴🥴🥴
#nakakapagod
Please support my one shot entry for September 2022 WAT contest:
ALSO, I'M ON INSTAGRAM. IF EVER I DON'T RESPOND HERE, YOU CAN TAP ME THERE. 🥰
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top