Chapter 4: Rule Number One, Part 2
Chapter 4
"Rule Number One, Part 2"
Year: 2005, Metro Manila (Before going to Saturnino High School)
Author's POV:
"Bakit kasi ayaw pang sabihin ni Kuya Adam kung saang paaralan ko siya makikita?" reklamo ni Noah.
Sabado ng hapon. Nakabusangot ito habang malalim ang mga hininga. Maliksi ang hakbang nito paakyat sa ikalimang palapag. Halos yumanig na ang hagdan dahil sa bigat ng kanyang mga dabog.
"Tinatawanan pa ako sa tuwing tinatanong ko!"
Tumatakbo si Noah patungo sa isang clinic. Sinusubukan niyang kumpletuhin ang mga requirements niya para sa paaralan. Hinihingal pa ito nang marating ang malaking kuwarto bandang ika-apat ng hapon.
"Pambihira, nakakadalawang transfer na ako rito sa Maynila. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin nahahanap ang present version ni Kuya Adam," bulong ni Noah sa kanyang sarili. Muli niyang binasa ang pangalan ng paaralang nakasulat sa kanyang papel. "Desmond High School, siguro naman ay nandoon na siya sa lilipatan ko."
Hinahabol niya ang kanyang hininga. Nakayuko sa labas ng pintuan ng clinic dahil sa taas ng palapag na kanyang tinakbo. Hindi niya namalayang nahulog ang isa sa mga dala niyang papel.
Hindi napansin ni Noah ang grupo ng mga estudyanteng lumabas ng clinic. Nakapang-alis ang mga ito. Abala ang mga ito sa pagtatawanan. Sama-sama silang nagpa-medical sa isang pribadong clinic para sa pag-uumpisa ng klase.
Ito ang mga estudyanteng magiging kaklase ni Noah sa hinaharap. Magbabarkadang abala sa pag-uusap habang dumadaan sa kanyang gilid.
"So, saan tayo kakain?" usisa ni Ethan.
"Ask Jade," sagot ni Alex.
"Nako, ako pa talaga ang tinanong ninyo," halakhak ni Jade.
Sa likod nilang tatlo ay tahimik na naglalakad si Adam.
"Ikaw pare, saan mo gusto?" tanong ni Alex kay Adam. Ngunit hindi ito sumagot. Nakatingin ito sa batang hinihingal at nakayuko sa tapat ng pinto.
"Hayaan mo na siya," saway ni Jade kay Alex. "Mas maselan pa sa akin iyan."
Abala silang tatlo sa pagkukwentuhan. Napatigil si Adam sa gilid ni Noah at pinagmasdan ang nahulog nitong papel. Biglang huminto si Adam at marahang pinulot ito.
Wala siyang imik habang inaabot ang papel kay Noah.
"Thank you," saad ni Noah habang nakayuko.
Kinuha ni Noah ang papel ngunit nakatingin pa rin siya sa sahig. Nangangamba siyang baka mapagsarahan ng laboratory at hindi magawa ang kanyang physical exam para sa parating na pasukan.
Sa halip na tignan ang binatang nag-abot ay mabilis siyang pumasok ng clinic.
Nakatitig sa kanyang likod si Adam. Tulala ito at nagtataka sa kakaibang kirot na tumutusok sa kanyang dibdib.
"Hoy!" sigaw ni Ethan na nasa malayo. "Dalian mo! Nagugutom na kami!"
***
Nakaupo na sa loob ng clinic si Noah. Inabot lamang ng kalahating oras ang kanyang physical examination. May bulak ang kanyang kanang braso. Tinatakpan nito ang maliit na butas na pinagkunan ng dugo.
"Well, you're physically fit," sabi ng lumabas na doktor. Wagas ang ngiti nito habang binabasa ang medical records ni Noah. "Buti naman dito mo napiling magpamedical, hijo?"
"Dito po kasi ang malapit, eh," magalang na sagot ni Noah.
"So, saang school ka ba nag-aaral?"
"Lilipat pa lang po ako sa Desmond High School."
"Ah ganoon ba?" Sinimulan nang tatakan ng doktor ang mga hawak nitong papel. "Sa Saturnino High School, ayaw mo ba?"
"Ah, medyo naiilang po ako roon, eh," nakayukong tugon ni Noah. Nagsimula siyang ikuyakoy ang kanyang mga paa. "Doon po kasi nagtuturo ang tiyahin ko."
"I see-" Biglang natigilan ang doktor. May nabasa itong kakaiba sa medical records ni Noah. "Wow!"
"Bakit po?"
Mabilis na napalingon si Noah. Nakita nito ang malaking ngiti sa mukha ng katabi niya.
"AB negative!" saad nito. May kinuha siyang isa pang papel mula sa drawer. "Dalawang AB negative sa isang araw!"
"Ano pong nangyayari?" natatawang tanong ni Noah.
"Ah, wala naman. Alam mo bang ito ang pinaka rare na blood type?" tugon ng doktor.
Nakatulala lang sa kanya si Noah. Hindi pa rin niya maunawaan kung bakit ang saya nito.
"Sa tagal ko rito, dalawa pa lang kayong mayroon nito. Ikaw lang at si-" Natigilan ang doktor. Nahihirapan itong basahin ang pangit na pagkakasulat ng estudyante sa medical form.
Napatingin si Noah sa orasan sa pader. Naalala nito na kailangan pa niyang kitain ang kanyang ama bago ito umuwi ng Batanes.
"Ah, doc. Pasensya na po. Kailangan ko na pong umuwi," saad ni Noah.
"Oh, sige. Basta mag-donate ka ng blood minsan, ha? Maraming maliligtas iyang dugo mo," nakangiting habilin ng doktor. "Iyong isang estudyante kanina mula sa Saturnino High School, ang sungit, eh. Ayaw daw niya."
Inabot ng doktor ang papel ni Noah. Marahan nang naglalakad si Noah patungo sa pinto. Hawak na niya ang hawakan ng pinto at pinipihit na pabukas ito.
"Ayon! Adam Ambrosya!" Abala pa rin ang doktor sa pagbasa ng papel ng isa pang estudyante.
Mabilis na natigilan si Noah. Tila nabuhusan siya ng malamig na tubig. Ang nakakasulasok na hangin na tila ilang taon na niyang inipon sa kanyang baga ay naihinga na rin niya sa wakas. Maging ang papel na hawak niya ay mabilis niyang nalukot. Abot tainga ang kanyang ngiti habang unti-unting namamasa ang kanyang mga mata.
Agad siyang lumingon. Nakangiti siya sa doktor na nahihirapang basahin ang sulat-kamay ni Adam.
"Adam Ambrosi?" pagtama ni Noah sa pamilyar na pangalan. Naglabasan ang dalawang dimples nito sa pisngi. Nagliliwanag ang mapuputi niyang ngipin dahil sa tuwa. "May lahi pong banyaga tapos bughaw ang mga mata?"
"Oo," sagot ng doktor. "Ambrosi ba ito? Ang pangit ng sulat. Dinaig pa 'ko!"
Iniharap ng doktor kay Noah ang itaas na bahagi ng papel kung saan nakasulat ang pangalan ni Adam. Natatawa na lang si Noah sa reaksyon ng doktor. Naalala nito kung paano siya turuan ni Adam magsulat noong kabataan niya. Muli niyang nakita ang pamilyar na sulat-kamay ng binata sa ilalim ng puno ng Narra.
"Ayan, oh. AB negative! Pareho kayo ng blood type," dagdag pa ng doktor.
Muling inaral ng doktor ang papel. Halos idikit na niya sa kanyang mukha upang mas mabasang maigi ang mga sulat-kamay ni Adam.
"Ah, eh, kaibigan mo ba siya pati ang mga kasama niya kanina?"
Hindi sumagot si Noah. Mabilis itong lumabas ng pinto at tumakbo sa pasilyo. Hinahangin ang tanso niyang buhok. Abot langit ang kanyang ngiti. May kung anong bagay na mainit sa kanyang puso na gustong kumawala. Lumilipad sa hangin ang mga butil ng luha sa kanyang mga mata. Panay ang punas niya sa kanyang pisngi habang hindi maipaliwanag ang kanyang saya.
"Saturnino High School," saad ni Noah.
Walang bakas ng pagod sa kanyang mukha. Hindi gaya kanina, hindi siya nakaramdam ng hingal habang bumababa ng hagdan. Walang pagdarabog. Para siyang sumasayaw. Tila lumilipad si Noah sa langit. Ang bilis ng tibok ng kanyang puso mula sa balitang kanyang nalaman.
"Kuya Adam, I finally found you."
***
Year: 2021, Metro Manila (Present)
"Push!" sigaw ng midwife. Hawak nito ang tiyan ng pasyente habang tinuturuan siya kung paano huminga nang tama. "Ire pa, misis!"
"I'm here for Pauline Lazulian-Liwanag," saad ni Adam sa receptionist. Bigla itong tumakbo sa labas ng delivery room. Panay ang dungaw niya sa loob at hindi mapakali.
"Kayo po ba ang asawa niya?" tanong ng nurse. Abala ito sa paghahanap ng dugo sa isang espesyal na cooler.
"Hindi po," sagot ni Adam. Bumalik ito sa nurse upang mas makausap siya nang maayos. "Kaibigan po ako ng pasyente. Papunta na po rito ang asawa."
"Hay! Ano ba iyan?" Padabog na tumigil ang nurse sa paghahanap ng dugo.
"May problema po ba?" tanong ni Adam.
"Nako, Sir. Kanina pa ako tumatawag sa blood bank pero wala nang compatible sa dugo ng pasyente," paliwanag ng nurse. Nanginginig na ito sa takot. "Walang AB negative. Kahit anong Rhesus negative, wala na!"
Napatulala si Adam. Tila umalingawngaw sa kanyang diwa ang tipo ng dugo na binanggit ng nurse. Hindi maipinta ang kanyang itsura habang nakatitig sa kawalan.
Matagal bago sumagot si Adam. Tumatagaktak siya sa pawis. Ayaw bumuka ng kanyang bibig. Nais niyang magprisinta ngunit alam niya ang tungkol sa Chrono Antigens na nasa kanyang dugo. Ang bagay na maraming taon nilang inaral ni Dr. Cornwell.
Ang puno't dulo ng kanyang kondisyon.
Ang dahilan ng kanyang kakayahan.
"Push!" Umalingawngaw sa labas ang malakas na boses ng midwife.
"Ah!" Sunod na sigaw ni Pauline sa loob.
"Kanina pa po siya dinudugo sa panganganak," dagdag pa ng nurse. "Ayaw po kasing lumabas ng bata. Last resort na po ang cesarean section dahil sa blood loss niya. Kapag hindi po nasalinan, baka mamatay-"
"Ako!" malakas na sagot ni Adam. Malalim ang tinig nito at halatang seryoso ang kanyang mukha. "I'm AB negative."
Walang nang pag-aalinlangan sa kanyang mukha. Kalmado na ang kanyang hininga. Nananatiling magkasalubong ang kanyang mga kilay habang inaangat ang manggas ng kanyang damit.
"Kuhaan mo na ako ng dugo at nang masalinan na ang kaibigan ko," dagdag pa ni Adam. Panay pa rin ang lingon niya sa loob. Sa bintana ay natunghayan niya ang itsura ni Pauline. Napuno siya ng pag-aalala dahil namumuti na ang kulay nito. "Baka mapano pati ang inaanak ko."
Wala na siyang pinirmahang papeles. Mabilis siyang pinahiga ng Nurse sa isang kuwarto. Kumuha ng tourniquet at itinali sa malaki niyang braso. Nakatingin lamang si Adam sa kisame. Hindi na niya maalala kung kailan siya huling nakapunta sa ospital. Nakatitig siya sa dilaw na ilaw. Hindi rin niya naramdaman ang pagtusok ng karayom sa kanyang braso. Abala siya sa pag-aalala sa mag-ina sa kabilang kuwarto. Ilang minuto siyang tulala at natauhan na lang nang hugutin na ang karayom sa kanyang ugat.
"Dalawang bag," sabi ng nurse. Inalogalog nito ang mga bag ng dugo na nakuha niya upang hindi mamuo. "Sapat na siguro ito para sa mga nawala niya."
"Pupuntahan ko lang si Pauline," sambit ni Adam. May bendahe na ang tinusukan ng dugo sa kanyang braso. Inalalayan niya ang kanyang sarili habang tumatayo.
"Nako, Sir! Hindi po puwede! Baka matumba kayo," pagpipigil kay Adam ng Nurse.
"Nako, walang-wala ito sa mga pinagdaanan ko."
"Pero-" Natigilan ang Nurse nang biglang gumewang si Adam. "Ayan! Magpahinga muna kayo rito kahit labinglimang minuto lang."
"Ganito na lang." Mapilit si Adam. Matapos ang isang mintong pakikipagtalo ay nagkasundo rin sila ng kausap niya.
***
"Ark?" namimilipit na sambit ni Pauline. Nakakabit na sa kanyang ugat ang linya ng dugo na nagmula kay Adam. Hindi na mapusyaw ang kulay nito. Halatang sapat na ang naisalin sa kanyang dugo. "Anong nangyari sa iyo?"
"Sakin galing ang dugong isinalin sa iyo," paliwanag ni Adam. Ipinasok siya sa loob ng delivery room na nakahiga rin sa stretcher. May suot siyang patient gown kagaya ng kay Pauline. Nakatingin siya kay Pauline habang nakahiga sa kabilang bahagi ng kuwarto. "You okay?"
"Do I look okay?" tumatawang sigaw ni Pauline. Basang-basa ng pawis ang ang mukha nito habang nakataas ang kanyang mga hita. Muling humilab ang kanyang tiyan. "Ah!"
"Sige, ayan! Ire pa!" sigaw ulit ng midwife. "Lumalabas na ang ulo!"
Marahang kumilos si Adam. Umupo ito sa gilid ng stretcher. Tinantsa niya ang kanyang balanse. Nang siguraduhin hindi na nahilo ay maingat siyang bumaba at naglakad patungo sa kaibigan.
"Nandito na ako. Sige, iri mo pa," sambit ni Adam. Yumuko ito sa gilid ni Pauline. Kinuha niya ang isang kamay nito at hinawakan.
"Ah!" Kasabay ng bawat iri ni Pauline ay ang pagpisil nito sa kamay ni Adam. Kulang na lang ang bumaon ang kuko nito sa likod ng palad ng lalaking katabi niya.
Sa ibaba ng delivery table ay nagkalat ang dugo. Mga dugong inilabas ni Pauline mula sa panganganak. Sa gilid niya ay ang isang walang lamang pakete ng dugo ni Adam. Naubos na ni Pauline ang dalawang bag ng dugo na isinalin sa kanya. Tamang-tama lamang bago mailabas ang anak nito.
"Ayan na! Lumalabas na ang balikat," bulyaw ng midwife.
"Ah! Ahon!" sigaw ni Pauline. "Ahon, anak!"
Natigilan si Adam sa pangalang kanyang narinig. Biglang nanginig ang kanyang kalamnan. May malakas na tambol mula sa kanyang dibdib. Tila mga nagmamartsang sundalo nagbibigay pugay para sa isang paparating na tao.
Tila tumigil ang oras.
Hindi kumikilos ang mga nasa kuwarto maliban kay Adam. Nakarinig siya ng alon. Nakaramdam siya ng maaliwalas na hangin. Nakaamoy siya ng mababangong bulaklak.
"Ahon lumabas ka na! Ah!" bulyaw muli ni Pauline.
Ang mga ilaw sa ospital ay tila naging mga dambana. Mga diwatang naghahagis ng mga makikintab na alikabok sa hangin. May mga huni ng ibon sa paligid. Ang loob ng delivery room ay nagmistulang pamilyar na talampas. May mayayabong na damo. May bangin na tanaw ang dagat sa dulo. May malaking puno.
Sa isang iglap, umalingawngaw ang iyak ng isang sanggol.
Muling kumilos ang oras.
Nawala na ang sakit sa mukha ni Pauline. Nakangiti ito habang nakayuko sa kanyang paanan. Hindi maipaliwanag ang kanyang tuwa habang itinataas ng midwife ang kanyang anak upang iharap sa kanya.
"It's a healthy baby boy," anunsyo ng midwife.
Matapos nitong linisin ang sanggol ay marahang ibinigay kay Pauline. Ang matinis nitong pag-iyak ay unti-unting tumahan. Inilapad ni Pauline ang kanyang pisngi sa palad ng anak nito. Inihaplos niya ang tanso niyang buhok sa maliit na kamay ng bata. Sa unang pagkakataon ay ngumiti ang kanyang anak. Tila isang batang may-isip na hinahaplos ang buhok ng kanyang ina.
Nang kumalma na ay inilagay ni Pauline si Ahon sa kanyang dibdib. Nagsimula itong dumede. Marahang nilingon ni Pauline si Adam. Nagulat ito sa kanyang nasaksihan.
"Ark? Umiiyak ka ba?" saad nito.
"Ah, eh-" Mabilis na pinunasan ni Adam ang mga luha niya. "Ang saya ko lang para sa inyo. Kami kasi ng asawa ko, imposibleng magkaanak."
"Well, you can alway adopt." Inayos lalo ni Pauline ang puwesto niya upang mapasuso nang wasto si Ahon.
"We don't like that," mabilis na sagot ni Adam. "My husband knows the feeling of being one."
Tinungo muli ng mga kamay ni Pauline ang palad ni Adam. Ngunit hindi na masakit ang kanyang paghawak dito. May kasama ng pagkalinga. May kasama ng haplos. Haplos ng isang ganap na ina.
"I think that is the best reason for you to adopt," tugon ni Pauline. "Make sure your child will not go through what Apple did."
Tanging ngiti ang isinukli ni Adam. Panay ang haplos niya sa palad ni Pauline habang abala ito sa pagpapadede.
"Maiba tayo," pagputol ni Adam sa kanilang katahimikan. "Bakit Ahon ang pangalan ng anak mo?"
Mabilis na napangiti si Pauline. Pinigilan ni nito ang kanyang halakhak. Marahan nang tumigil sa pagsuso ang kanyang anak. Mahimbing na itong natutulog.
"Ahon, dahil aahon siya sa lahat ng pagsubok," nakangiting tugon ni Pauline.
Tila nakikinig sa kanya ang kanyang supling. Agad itong ngumiti nang marinig ang sinabi ni Pauline.
"And besides, it's just his nickname," dagdag pa ni Pauline. "It's short for something else."
"Short for?" usisa ni Adam. Nakatingin ito sa sanggol na mahimbing na natutulog.
"Ashbourne Honesto Lazulian-Liwanag," hinihingal na sambit ni Pauline.
"Ang haba naman!" halakhak ni Adam. Nakakunot ang noo nito sa pangalang napili ng kaibigan. "Kawawa ang preschool teacher niyan. Mahihirapang magturo sa pagsusulat ng pangalan niya."
"Oh, 'di ba, pati ikaw nagreklamo?" tumatawang sagot ni Pauline. "That's why we nicknamed him Ahon. It's also short for Ashbourne Honesto."
"Saan niyo kinuha ang mahabang pangalan niya?" pagtataka ni Adam. Nakayuko na ito sa higaan ni Pauline at tila sinusulatan ang higaan gamit ang kanyang daliri. Nag-eensayo na si Adam kung paano isusulat ang pangalan ng inaanak nito. "Malamang, ako ang mahihirapan kakaturo riyan, eh."
"Ako ang nakaisip ng Ashbourne," sagot ni Pauline. Sinimulan niyang haplusin ang pisngi ng kanyang anak. "I love the sunset by the sea. Isang bagay na wala sa madilim naming kastilyo dahil sa taas ng mga pader na ipinatayo ng mga ninuno ko. The sunset is like a blazing phoenix if you use your imagination enough. A phoenix is born from the ashes. Thus, Ashbourne."
"Honesto is from Tristan?" natatawang banggit ni Adam. Ginagandahan na niya ang pagsusulat kunwari.
"Oo," bulong ni Pauline "When we learned that our child will be a boy, he thought about the two of us."
"What do you mean?" Natigilan si Adam sa ginagawa niya.
"When we became honest with our feelings about each other, that was the best day of his life," nakangiting paliwanag ni Pauline. Tunay ngang nasalinan na ng dugo ito dahil namumula na ang kanyang mga pisngi. "That was the best day of my life."
***
Ilang minuto pa ay inilipat na rin sila sa isang pribadong kuwarto. Doon sila nanatili hanggang sa makatulog na si Pauline at ang anak nito. Nasa kama ang ina habang nasa isang krib ang kanyang sanggol.
Nakasandal si Adam sa krib. Hindi maipaliwanag ang ngiti sa kanyang puso habang nakatitig sa bata. Ang mainit na ilaw sa ibabaw ng higaan nito ay nagbibigay init sa balat nito.
"When he comes back, I will let him meet you," saad ni Adam. Hindi niya namalayan ang pagtulo ng kanyang luha sa balat ni Ahon. Agad siyang napalayo at pinunasan ang kanyang mga mata. "Why the hell am I crying?"
Kumuha si Adam ng upuan at tumabi sa higaan ni Pauline. Pinagmasdan niya ang natutulog na kaibigan. Unti-unti na rin siyang inantok. Napayuko si Adam sa kama ni Pauline. Hindi namalayan ni Adam na siya rin ay humihikbi na habang inuunanan ang kanyang mga braso. Sa sobrang pagod ay mahimbing na rin siyang nakatulog.
Lumipas ang oras.
Sa loob ng kuwarto ay tatlong taong pagod sa pinagdaan nila buong araw. Ang isa ay mula sa pagbibigay ng dugo. Ang isa ay mula sakit ng panganganak. Habang ang isa kakasilang pa lang sa malupit na mundo.
"Ark." Nagising si Adam sa isang pamilyar na bulong.
"Noah?" mabilis na sagot ni Adam.
"Hindi. Si Tristan 'to, pare."
Marahang napatayo si Adam. Kinapa ang katawan ng kaibigan nito. Itinaas pa niya ang t-shirt ni Tristan at hinanapan ito ng sugat.
"Hoy, ano ka ba?" saway ni Tristan.
"Naninigurado lang," pagpupumulit ni Adam. Umikot pa ito upang siguraduhing walang galos ang kanyang kaibigan. Maliban sa putik sa katawan nito ay wala siyang nakita ibang kakaiba.
"Ayos lang ako."
"Talaga?"
"Oo nga," tugon ni Tristan. Napalingon ito sa krib at agad na kumurba pataas ang kanyang mga labi. "Ahon! Kapogi ng anak ko! Ang cute, cute!"
"Shhh!" Mabilis siyang sinaway ni Pauline. "Huwag mong gisingin. Halika nga rito!"
Dadamputin na sana ni Tristan ang anak nito nang napilitan siyang bumalik kay Pauline. Agad siyang piningot nito sa tainga.
"Aray! Aray!"
"Sabi naman kasing huwag kang nag-aaalis at kabuwanan ko na!" bulalas ni Pauline. Tila hindi ito nanganak lakas ng kanyang pagpingot.
"Honey, baka duguin ka na naman. Aray! Aray!"
"Huwag mo akong ma honey-honey!" panggigigil ni Pauline. "Buwiset ka! Iniwan mo talaga ang mag-ina mo?"
"Nandiyan naman si Ninong Adam, eh," halakhak ni Tristan habang namimilipit pa rin ito sa sakit.
Natatawa lang si Adam habang masaya silang pinapanood. Nakatayo na ito habang nakahalukipkip. Pinagmamasdan ang paglalambingan ng dalawa niyang kaibigan.
"Yakapin mo na!" senyas ni Adam kay Tristan.
"Abnuy! Eh, 'di, lalo akong piniga niyan," ani ng kanyang kaibigan.
"Abnuy?" bulong ni Adam. "Oh, shit! Ang asawa ko!"
"May problema ba?" bulalas ni Pauline. Mabilis nitong binitawan ang tainga ng kanyang mister.
"Kailangan ko na kasing umuwi, baka nag-aalala na iyon," bulalas ni Adam. Nagtungo siya sa lalagyan ng kanyang mga damit. "Bigla kasing nawala sa bahay."
Pasimpleng pinuntahan ni Tristan ang krib ng anak nito. Masaya niyang binuhat ang sanggol.
"Ang guwapo talaga nitong si Honesto," saad ni Tristan. Dinuduyan pa niya ang bata sa kanyang mga bisig dahil nagsisimula na itong magising.
"It's Ashbourne!" pagpilit ni Pauline.
"Nako nag-away pa kayo," puna ni Adam. Marahan itong lumapit sa bata at idinikit ang kanyang daliri sa maliit nitong kamay. "Ahon, sa pagbababalik ko rito, ipapakilala kita sa asawa ko."
Agad itong nagbihis at nagsuot ng sapatos. Sa kanyang likuran ay nagsimulang magtawanan ang dalawa niyang kaibigan. Mag-asawang masayang nilalaro ang kanilang anak.
Biglang napatigil si Adam bago lumabas ng pinto.
"Kaya niyo na ba ang sarili ninyo?" ani nito. May kaunting kaba sa kanyang dibdib ngunit mas nais na niyang umuwi at makita ang iniibig.
"Oo," mabilis na sagot ni Tristan.
"Eh, ang mga humahabol sa iyo?" pag-aalala ni Adam.
"Puntahan mo na ang asawa mo," giit ni Pauline. "Baka hinahanap ka na ni Apple."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top