Chapter 3: Rule Number One, Part 1

Noah na naiinis:

Noah waiting near the Narra tree:

Young Noah:




Noah soaked in chocolate syrup:

Chapter 3:

"Rule Number One, Part 1"

Year: 1996, Batanes (Past)

Adam's POV:

"Oops!"

Nakataas pa ang mga kamay ko na tila nakikipaglaro ng piko. Bigla akong sumulpot sa ere at ligtas na nakatapak sa malalambot na damo. Inilibot ko ang aking mga tingin. Ang pamilyar na tanawin ay agad na nagdala ng ngiti sa aking mukha.

"Noah?" bulong ko.

Ang lagkit ng katawan ko. Amoy ko pa rin ang whipped cream at chocolate syrup sa aking balat. Mabilis akong napayuko at marahang hinanap si Noah sa tapat ng puno ng Narra. Maingat ang aking mga hakbang habang sinusuyod ang buong paligid. Patuloy sa pagbigkas ng kanyang pangalan habang matulin ang galaw ng aking mga mata.

"Apple?" tawag ko ulit sa kanya.

Sinubukan kong umikot sa likod ng puno. Maririnig ang mahihinang ngunit malutong na tunog ng mga natuyong talulot. Nagkalat ang mga dilaw na bulaklak na hindi ko sinasadyang matapakan. Lalong kong binagalan ang aking mga hakbang.

Abot tainga ang aking ngiti nang marinig ko ang pamilyar na hilik niya sa likod ng puno. Doon ay natungahayan ko ang batang si Noah na mahimbing na natutulog. Nakadapa ito sa isang saping kulay pula. May bughaw na krayola ang kanyang kaliwang kamay. Inuunanan naman ng kanyang matabang pisngi ang kanan.

"Sorry, pinaghintay ba kita?" mahina kong saad.

Marahan akong humakbang upang hindi magising si Noah. Naghanap agad ako ng masusuot. Sa tabi ng puno ay natagpuan ko ang malaking bag na laging dala ni Noah. Nakapatong rito ang mga damit ni Tatay Danilo na maayos niyang itinupi. May alkohol pa na agad kong ipinaligo sa katawan kong malagkit.

"Ang galing talaga ng asawa ko," pagpuri ko sa kanya.

Nadagdagan ang kurba ng aking mga labi nang makita ko ang pilas ng papel na nakadikit sa ibabaw ng mga damit.

"Ang husay pa magdrawing."

Kinuha ko ang papel. Pigil ang aking mga tawa habang namumula ang aking mga pisngi. Tumagos ang sinag ng araw sa mga sanga ng puno patungo sa larawang iginuhit ni Noah. Mukha ng isang binata na may kayumangging buhok at mga matang ibinilog sa bughaw na krayola.

"Kuya Aban?" halakhak ko. Nabasa ko sa magulong sulat niya sa ibaba ng aking mukha.

Kinagat ko ang aking mga labi at pinipigilan ang mapanghusga kong mga tawa. Ang letrang "d" ay naging "b". Kinulang rin siya ng isang arko sa pagsulat ng "m". Halatang hindi pa siya ganoon kasanay magsulat.

"It's okay, we will have more practice on his handwriting next time," paalala ko sa aking sarili. Espesyal sa akin ang piraso ng papel na iyon. Sa unang pagkakataon ay sinubukan niyang isulat ang pangalan ko.

Magulo at maraming mali.

Hindi perpekto ngunit ito ang gusto ko.

Just the way it is. Just the way he is.

Marahan akong nagbihis. Ibinulsa ang papel na kanyang ginuhitan. Tumabi ako sa kanya sa sapin at masaya siyang pinagmasdan.

"Noah," bulong ko muli.

Hindi siya umiimik. Patuloy lamang ang kanyang mahihinang paghilik habang may laway pa ang kanyang kamay.

"Nandito na ako." Inihipan ko ang kanyang mata.

"Kuya, inaantok pa ako," sagot niya. Mabilis na sumungit ang kanyang mukha at bumalik sa kanyang paghimbing. "Isang linggo kong pinag-aralang isulat ang pangalan mo. Wala pa akong masyadong tulog."

Umaapaw sa tuwa ang puso ko dahil sa sinabi niya. Umupo ako nang maayos. Ang tainga ko ay namumula na dahil sa kilig. Napadantay ang aking mga siko. Ang aking isang kamay ay sinimulang haplusin ang malambot niyang buhok. Ilang minuto pa ay nawala na ang pagsasalubong ng kanyang mga kilay. Bumalik ang mahina niyang hilik at mahimbing na siyang nakatulog ulit.

"Hindi ka pala nagbago," bulong ko.

Ganitong-ganito rin siya sa kasalukuyan. Hinahaplos ko ang kanyang buhok sa tuwing magkayakap kami sa kama hanggang sa siya ay makatulog.

Napahiga na rin ako sa sapin. Inunanan ko ang matitigas kong mga braso. Nakatingin ako sa mga takas na liwanag sa sanga ng puno. Tanging mga damo at dahon na sumasayaw sa hangin ang aking naririnig. Kasabay ng mahihinang tunog ng sikada sa makapal na gubat ang ihip ng amihan. Pinagmamasdan ko ang mga nahuhulog na talulot habang naghihintay ng pagbalik ko sa kasalukyan.

"If I lay here." Nagsimula akong umawit. "I wish I could lay here forever with you, Noah."

Ang mga sinag na tumatama sa aking mata ay biglang naglaho. Ang buong paligid ay unti-unting nagdidilim. Maging ang kaninang mahinang sayaw ng mga halaman ay tila naging mga indayog. Nagliliparan ang mga dahon at bulaklak sa malakas na hangin.

"Uulan pa ata!" bulalas ko. Mabilis akong napatayo at agad na iniligpit ang mga gamit ni Noah.

Marahan ko siyang binuhat sa aking likuran. Sa aking harapan ay nakasabit ang kanyang bag. Maingat ko siyang kinarga patungo sa gubat.

"Alam mo ba, ikakasal tayo balang araw," saad ko. Nakangiti ako habang tumatakbo.

Malalim pa rin ang kanyang tulog. Ang mainit niyang hininga ay kinikiliti ang aking leeg.

"Magiging matagumpay ka at mas maganda pa sa akin ang mga sulat at drawing mo."

Ramdam kong humihigpit na ang kanyang mga yakap. Sinubukan ko siyang lingunin. Natatawa ako dahil pinipilit pa rin niyang pumikit.

"Kaya mag-aral kang mabuti, ah," paalala ko. Hindi ko na naririnig ang kanyang mga hilik. Natatanaw ko na ang kanilang bahay sa malapit. "Kapag malaki ka na, hanapin mo ako, ha?"

Hindi siya sumasagot. Nakadikit ang kanyang ilong sa aking leeg. Marahil ay naamoy niya ang amoy ng krema at tsokolateng dumikit sa balat ko.

Narating namin ang labas ng kanilang bahay. Natigilan ako sa likod ng isang puno. Mahina ang aking sumunod na mga hakbang. Pinagmasdan ko ang buong paligid at siniguradong walang tao bago ako magtungo sa bintana ng kanyang kuwarto.

"Buti na lang bukas," saad ko.

Marahan kong binuksan ang bintana mula sa labas. Ipinasok ko ang mga gamit at marahang umakyat habang buhat si Noah. Sa kanyang kama ay maingat ko siyang inihiga. Inayos ang kanyang kumot kahit alam kong nagpapanggap lamang siyang tulog.

"Walang pinagbago," malambing kong bigkas. Parehong walang pinagbago, siya at ang kanyang kuwarto. Sa lamesa ay nakapatong ang kanyang mga larawan. Halatang bagong kuha hindi gaya sa itsura nito sa panahong aking pinagmulan.

Inilabas ko ang kanyang drawing. Maigi itong pinagmasdan. Hinaplos ang mga letrang hindi pantay ang pagkakasulat. Hindi ko na magawang maikulong sa aking mukha at puso ang aking ligaya. Kusang humalakhak ang aking mga bibig.

"Pangit po ba?" tanong ni Noah. Tanging mga mata niya ang nakalabas sa kumot. Kumikislap at halatang nalulungkot sa aking reaksyon.

"Hindi, ano," bulong ko. Pigil ang aking boses at baka nasa bahay sina Tatay Danilo at Lola Maring. Tumabi ako sa kanya upang mas marinig niya ako nang husto. "Gustung-gusto ko nga ito, eh."

"Sorry, kuya. Wala po kasing nagtuturo dito sa akin," paumanhin ni Noah. Nakatakip pa rin ang kanyang bibig na tila nahihiya sa kanyang mga sinasabi. "Busy po si Dad sa trabaho, si Lola naman hindi na matalas ang memorya."

"Hindi bale, kapag bumisita ako ulit, magpaturo ka sa akin," bilin ko.

"Talaga po?"

"Oo naman!" Muli kong hinaplos ang kanyang buhok. "Basta mag-aral kang mabuti, Noah."

"Yes, Kuya Adam," tugon niya. Mabilis niyang ibinaba ang kanyang kumot at niyakap ang aking tiyan.

"Tignan mo nga ang apo ko at baka naroon sa kakambal niya!" sigaw ni Lola Maring. Napakalakas ng boses nito. Halatang hinahanap si Noah sa buong bahay.

"Sinong kakambal?" nagtataka kong tanong kay Noah.

"Iyong puno po ng Narra," magalang niyang tugon.

"Paano mo naging kakambal iyon?" Tumatawa na ako dahil halatang nagbibiro lamang si Lola Maring.

"Hindi ko po alam," saad ni Noah. "Lagi raw po kasi akong nandoon. Doon na kasi ako tumatambay mula nang makilala ko kayo. Hindi na raw kami mapaghiwalay."

Napatingin ako sa aking mga palad. Ang balat ko ay unti-unti nang naglalaho. Binalikan ko ang kanyang bumbunan at hinalikan.

"Noah, puwede bang akin na lang ito?" tanong ko. Ipinakita ko sa kanya ang bagay na iginuhit niya. Agad na nagliwanag ang kanyang mukha. Bakas sa kanyang mga mata ang ligaya dahil tinanggap ko ang larawang kong maingat niyang nilikha.

"Siyempre naman po," bulalas ni Noah. "Pero, puwede po pala kayong magdala ng mga bagay sa pagtalon ninyo?"

"Ako ang bahala." Inayos ko na ang aking sarili. Lumayo ako kaunti sa kama bilang paghahanda sa gagawin ko. Nakatitig ako sa kumot niyang ayaw kong mamantsahan.

"Kuya, iyong isa mo pang pakiusap sa akin kanina," ani ni Noah. Nakaupo na siya nang maayos habang gumigewang ang mga paa sa gilid ng kama.

"Pakiusap?" pagtataka ko. Ramdam kong tatalon na ako sa loob ng ilang segundo.

"Hahanapin kita paglaki ko," masayang saad ni Noah. "Hahanapin kita, pangako!"

Tanging ang nakangiti niyang mukha ang huli kong nakita habang binibitiwan ang mga katagang iyon. Mahigpit ang hawak ko sa papel. Ibinalot ko ito sa aking palad. Gaya ng dati, nag-iwan ito ng sugat sa aking kamay. Tanging butil ng dugo ang naiwan ko sa sahig ng kanyang kuwarto.

༒༺🦉༻༒

Year: 2021, Metro Manila (Present)

"Aw! Ang hapdi!" sigaw ko. Mabilis kong pinigilan ang pagdurugo ng aking kamay. Inilapag ko ang dala kong papel bago naghanap ng bendahe. "Noah? Nasaan nga nakalagay ang first aid kit mo?"

Hindi niya ako sinagot. Nananakit na ang sugat ko at panay na ang pagtulo ng dugo. Mabilis kong tinungo ang aparador at doon ko nakita ang mga kailangan ko.

"I'm back!" sigaw ko pa. Madilim ang buong paligid. Muli ko siyang hinanap. "Noah?"

Malinis na ang buong unit. Nangangamoy matamis pa rin sa kusina ngunit halatang bagong lampaso lang ang sahig.

Wala pa rin akong saplot. Bagong bendahe na ang kamay ko. Nasuyod ko na ang buong unit mula kusina hanggang kuwarto ngunit walang bakas ni Noah. Mabilis kong hinanap ang aking cell phone upang siya ay tawagan.

Hindi niya sinasagot ang telepono.

Napalingon ako sa kama. Doon ay inihanda na niya ang malinis kong damit. Nakatupi nang maayos at may pirasong papel sa ibabaw.

"I just need to go talk to an old friend. I love you. -Apple."

Natigilan ako nang muling kumirot ang aking sugat.

"Old friend?" pagtataka ko.

Mabilis kong inalog ang aking ulo at kung ano pa ulit ang maramdaman kong pagseselos na wala sa lugar. Kinuha ko ang aking mga damit at nagtungo sa banyo. Nagsindi ako ng kandila. Nilagyan ng espesyal na sabon ang bathtub. May pinalutang pa akong mga talulot ng rosas. Matiyaga akong naghintay sa kanya.

"Something is off," bulong ko sa aking sarili.

Nakatayo ako sa ilalim ng shower habang umaagos ang mainit na tubig sa aking balikat. Balot ng plastik ang aking kamay upang hindi mabasa ang sugat ko. Napupuno ng makapal na hamog ang buong banyo. Sumisingaw ang init mula sa aking katawan kasama ng amoy ng lavender shampoo na paborito namin ni Noah.

Nagtungo ako sa bathtub. Doon ko ipinagpatuloy ang aking pagmumuni. Inaabangan kong kumatok siya sa banyo at baka sakaling makasabay ko pa siyang maligo.

"This is really weird," bulalas ko. Inalis ko ang bendahe at sinuri ang aking sugat. Hindi naman pala ganoon kalaki. Tumigil na rin ang pagdurugo at kailangan lang linisin ng kaunti.

Nakalublob ang kalahati ng aking mukha sa tubig. Halos isang oras na akong nakababad. Natunaw na ang mga kandila. Karamihan sa mga talulot ay lumubog na. Kulubot na ang balat ko kabababad ngunit wala pa rin maging ang anino ni Noah. Nagpasya akong magbihis na at ipagpatuloy na lang sa kuwarto ang paghinhintay sa kanya.

"Ang kulit talaga ng sulat mo," halkhak ko sa papel na hawak ko.

Nakahiga na ako sa kama. Pinagmamasdan ko ang munting drawing ng bata sa ilalim ng puno. Kumuha ako ng ballpen at sinulatan ko ang likod ng papel. Panay ang aking ngiti habang ikinukuwento ko ang isa sa mga hindi makakalimutang kong pagtalon. Isa sa mga pagtalon ko sa malayong hinaharap. Halos isang oras rin akong gumawa ng liham. Pinili kong mabuti ang mga salitang aking ginamit at talagang ginandahan ko pang ang bawat letra.

"Tama na siguro ito."

Ako ay napatigil na nang mapansin kong malapit na akong lumuha. Lumipas ang ilang minuto ay bumalik ako sa pagbibilang ng mga tupa. Tanging trunks lamang ang aking suot. Inunan ko ang isa kong braso habang nakatingin sa bintana.

Napansin kong ang pagpula ang langit. Ang alapaap ay parang pulang pintura na natapon sa itim na papel. Tila may ikinukubling dyamante ang mga ulap. Ilang minuto pa ay iniluwa nito ang buwan na tila isang dragon.

Nakakatakot.

Nakakalula.

Nakamamangha.

"Lunar eclipse?" pagtataka ko.

Kitang-kita mula sa aking puwesto ang bilog na buwan na unti-unting nilalamon ng bilog na anino. Ngunit hindi ako gumalaw. Nanatili ako sa aking puwesto na tila nanood lamang ng isang palabas sa telebisyon.

"What's the use of watching this if you're not here," bulong ko sa hangin.

Nang lamunin na ng kadiliman ang buwan ay nagtakip na ako ng kumot. Ilang minuto lang ay nakatulog na rin ako.

***

Nagising ako sa tunog ng aking cell phone.

"Apple, can you reach my phone please?"

Kinapa ko ang tabi ko. Pinilit kong imulat ang aking mga mata. Ngunit wala pa rin si Noah. Maayos pa rin ang pagkakapuwesto ng kanyang unan at walang gusot ang bahagi niya ng kama. Kusa na akong tumayo. Naiinis na naglakad sa kabilang bahagi ng kuwarto upang sagutin ang telepono.

"Hello? Noah? Nasaan ka na? Papasundo ka ba?" Tinadtad ko agad ng tanong ang kabilang linya kahit hindi ko sigurado kung sino ang kausap ko.

"Ark, it's me," bulong ng isang lalaki. Sobrang hina ng boses nito. Halatang hinihingal na parang may pinagtataguan. Hindi iyon boses ni Noah. Muli kong tiningnan ang ang screen ng celll phone ngunit tanging numero lamang ang nakabalandra.

Muli kong inilapad sa tainga ko ang aking hawak upang marinig ulit ang boses niya. Tanging mga hingal niya ang umalingawngaw. Tila isang lalaking hinahabol.

May narinig akong putok ng baril.

"Hello? Sino ba ito?" bulyaw ko.

"Shhh!" pagsaway niya. Biglang nawala ang malalakas na yabag ng paa. Ang tangi kong narinig ay ang malalim na hininga ng taong tumawag sa akin. "Pare, si Tristan ito."

"Stan? Ayos ka lang ba? Nasaan ka? Pupuntahan kita!"

"Hinaan mo boses mo!" saway niya ulit. Ramdam ko ang bilis ng tibok ng kanyang puso gayun din ang paglunok niya ng laway. "Nasa Palawan ako, may pakiusap sana ako–"

"Anong ginagawa mo riyan?" naiinis kong tugon.

"Kakausapin ko na sana ang Tatay ni Pauline na bigyan niya na ang basbas niya sa amin. Hindi pa rin pala siya nagbabago!"

"Tarantado!" malutong kong mura. Hindi na ako mapakali. Agad akong nagtungo sa aparador habang nakaipit pa rin sa pagitan ng aking tainga at leeg ang telepono. "Abangan mo ako sa pampang malapit sa tindahan niyo rati ng halo-halo. Susunduin kita agad!"

"Huwag na," pagpupumilit niya. May narinig akong kaluskos ng mga dahon at damo. Halatang gumagapang na siya habang kausap ako. "Puntahan mo na lang ang misis ko."

"Oo," kinakabahan kong tugon. Nagsusuot na ako ng sapatos at nagsimula na akong lumabas ng unit. "Nasaan si Pol?"

"Nasa ospital."

"Ha?"

"Kabuwanan na niya ngayon." Ramdam ko ang mahinang tawa ni Tristan sa kabilang linya. Nabubuo sa isipan ko ang itsura niyang nakangiti habang gumagapang sa damo. "Magiging Ninong ka na."

"Buntis siya? Kabuwanan na niya? Tangina ka! Bakit ngayon ko lang nalalaman ito?" bulalas ko.

"Hindi ka ba masaya?" biro pa niya.

Lalo akong nainis sa mga pasabog ng kaibigan ko. Hindi ko balak patulan ang mga biro niya sa pagiging Ninong ko sa magiging anak niya.

"Matagal mo nang sinasabi sa akin ang bagay na iyon ngunit hindi ko alam na magkakatotoo nga," saad ko.

Gusto ko pa sanang magbanyo. Naiihi na ako dahil sa kaba. Ngunit dahil sa sinabi niya ay tila umurong ang ihi ko pabalik sa aking mga bato.

"Bakit ngayon mo lang sinabi? Bakit hindi ninyo sinabi sa lahat?" nanggigil kong tanong.

"Baka makaratinig ang balita sa hari kapag inanunsiyo namin sa inyo," paliwanag ni Tristan. Ang masaya niyang tinig ay biglang napalitan ng gimbal.

"Hindi ba siya magiging masaya?" usisa ko. "Baka bumait kapag nalamang magkakaapo na."

Hindi siya sumagot. Ramdam ko pa rin ang hininga niya sa kabilang linya kasabay ng kaluskos ng mga damo.

"Hoy! Gusto mo, ako kakausap sa hari ninyo?" naiinis kong tugon.

"Sinasakripisyo ng Kaharian ng Lazulian ang unang anak na lalaki sa unang kaarawan nito," seryoso at malinaw niyang bigkas.

Natigilan ako sa sinabi niya.

Napalunok ako ng laway. Ramdam ko ang malamig na pawis na tumutulo mula sa aking noo.

"Ganoon ang nangyari sa kuya ni Pauline," dagdag pa ni Tristan. Patuloy lamang ang pagkaluskos ng mga damo. "Iyon ang dahilan kung bakit nagtagal hanggang ngayon ang kaharian namin."

Nagpatuloy siya sa pagkuwento. Iniintindi ko lahat ang mga sinasabi niya habang nakakusot ang aking noo. Nagmamadali na akong maglakad sa pasilyo.

"Naitayo ang kaharian ng Lazulian bago pa dumating dito ang mga Kastila. May makaluma silang tradisyon," dagdag pa ni Tristan. Natigilan siya. Ramdam ko ang paglunok niya ng laway sa kabilang linya.

"Ano?" usisa ko. Hinihingal na ako dahil tinatakbo ko na ang pasilyo. Kumukulo na ang dugo ko dahil ang tagal niyang magsalita. "Tristan, ano?"

"Ang sakripisyo ay isang madilim na lihim ng angkan nila. Pagpupugay sa mga maling diyos kapalit ng kasaganahan ng lihim na bayan."

Nauutal pa si Tristan bago magpatuloy. Ramdam kong tumigil siya sa paggapang bago muling nagsalita.

"Dinadala sa trono ang mga sanggol na panganay bago tarakan ng balarao sa dibdib," dagdag ni Tristan.

"What the hell?"

"Kaya ganoon na lang ang dahilan kung bakit nais umalis ni Pauline sa isla–"

Natigilan siya bigla nang may biglang pumutok na baril.

"Stan!" sigaw ko. Tanging katahimikan ang sumalubong sa akin sa telepono. Nasa tapat na ako ng elevator at tinatadtad ko na ng aking daliri ang pindutan.

"Ayos lang ako, sabi kong huwag kang maingay, eh!" saad niya.

Mahabang katahimikan ang sumunod. Hindi ko napansing humaharurot na pala ako sa ibaba ng condominium. Muli kong narinig ang mga hininga ni Tristan.

"Ano, ayos ka pa ba?" pag-aalala ko. Abala ang aking kamay sa pagpara ng taxi. Nababalot na ako ng takot. Hinahaluan ng pag-aalala ang puso ko para sa matalik kong kaibigan. Pinipilit kong huminga nang malalim makontrol lamang ang aking mga emosyon.

"Nakasakay na ako ng barko. Papunta na ako sa Maynila," saad ni Tristan. Sunod kong narinig ang pamilyar na tunog ng alon at makina ng barko. "Ark, ikaw muna ang bahala sa asawa ko at sa inaanak mo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top