Special Chapter
ISANG malakas na sigaw ang sunod-sunod na umaalingawngaw sa mansyon ng pamilya De Avila. Magkatulong na inalalayan nina Doña Marcela at Remedios si Socorro pahiga sa kama. "Dahan-dahan... huminga ka nang malalim." Paulit-ulit na saad ni Doña Marcela na pilit pinapalakas ang loob ng anak.
Marahang idinampi ni Remedios ang panyo sa noo ni Socorro upang punasan ang mga butil ng pawis nito. "Mahirap lang sa una ngunit kailangan mong kayanin, Socorro." Napapikit si Socorro saka tumingin sa nakatatandang kapatid kung saan ay bata pa siya noong nanganak ito.
"B-Bakit kay sakit naman nito?!" bulalas ni Socorro na napapikit na lamang habang tinitiis ang kaniyang tiyan na animo'y namimilipit. Hinawakan nina Amor at Manang Tonya ang magkabilang dulo ng kumot at ipinatong sa umbok na tiyak ni Socorro.
Araw ng Pasko. Kagagaling lang nila sa huling Misa De Gallo nang makaramdam ng matinding pangingirot sa tiyak si Socorro na kasalukuyang nagdadalang-tao. "Gawin mo lang ang tulad ng iyong ginagawa sa tuwing ikaw ay naglalabas ng sama ng loob sa palikuran," wika ni Amor dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat. Maging si Socorro ay napatigil at napaisip sa sinabi ng kapatid.
"Ako'y nagbibiro lamang. Anghel itong dinadala mo, ate." Ngumiti si Amor. Tumikhim si Remedios saka sinenyasan siya na itikom muna ang bibig dahil likas kay Amor ang makapagbitiw ng mga salitang hindi naaangkop sa sitwasyon.
Muling napahiyaw si Socorro nang kumirot ang kaniyang tiyan. Dali-daling pumwesto si Manang Tonya at inihanda ang sarili. Sa loob ng mahabang panahon ay hindi na mabilang ang mga kababaihan na natulungan niyang manganak. Siyam na beses na rin niyang ginabayan si Doña Marcela sa panganganak.
Pumutok na ang patubigan. "Ako'y magbibilang ng sampu, sundan mo lamang ang aking bilang at huwag kang hihinga pabalik."
"O, narinig mo ba iyon? Sundan mo ang bilang ni Manang Tonya."
"Sa bilang ng sampu..."
"Hindi. Lima lang."
"Sampu raw!"
"Ang dinig ko ay lima!"
"Sampu nga sabi!"
"Tumigil nga kayong dalawa!" suway ni Doña Marcela sabay kurot sa tagiliran ni Amor at tumingin kay Socorro. "Ikaw naman Socorro, sumunod ka na lang. Hanggang dito ba naman ay makikipagtalo ka pa rin." Kung hindi lang nanganganak si Socorro ay tiyak na makukurot na siya ng ina. Gayunpaman, bakas sa hitsura ni Doña Marcela ang matinding pag-aalala sa kalagayan ni Socorro na magsisilang ng panganay nito.
Patuloy na pinupunasan ni Remedios ang mga butil ng pawis sa noo at leeg ni Socorro. Nanlalamig din ang katawan ni Socorro at maluha-luha ang mga mata. "Malapit nang lumabas ang iyong anak!"
"Nasaan ba si Cristobal?!" sigaw ni Socorro na namumula na ang mukha habang pilit na hinahabol ang paghinga.
"Nasa ibaba lang sila. Hindi sila maaaring umakyat dito," saad ni Feliciano na nakatayo sa tabing-bintana habang inoobserbahan ang pangyayari. Gustuhin man niyang tumulong ngunit nangunguna na ang kaniyang ina at si Manang Tonya na mas may karanasan sa pagpapaanak kumpara sa kaniya.
"Kaunting tiis na lang, Socorro." Kalmadong saad ni Remedios. Sinusubukan niyang pakalmahin si Socorro ngunit bigo siyang magtagumpay.
"Kanina ko pa---Leonora! Dalhin mo na 'yan dito!" sigaw ni Manang Tonya nang makita si Leonora na tulala sa tapat ng pintuan habang hawak ang maliit na palanggana na naglalaman ng maligamgam na tubig.
Natauhan si Leonora. Ang totoo ay nanghina ang kaniyang tuhod at hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan nang makita ang tubig na may halong dugo sa kama. Nagbabalik ang nakaraan na siyang nagpapaalala sa kaniyang karanasan mula sa isang madugong trahedya.
Agad naglakad si Doña Marcela papalapit kay Leonora at kinuha ang hawak nitong palanggana. Napansin niya ang pamumutla ng anak, "Kami na ang bahala rito, doon ka na muna sa ibaba."
"Anong nangyayari? Lumabas na po ang bata?" Tanong ni Jacinto. Dali-daling umakyat si Cristobal nang marinig ang pag-usiyoso ni Jacinto ngunit umiling-iling si Doña Marcela.
"Kumusta ina? Kumusta si Socorro? Kumusta ang aming anak?" Bakas ang matinding pag-aalala sa hitsura ni Cristobal.
"Huwag muna kayong magulo. Maghintay lang kayo riyan." Akmang isasara na ni Doña Marcela ang pinto ngunit patuloy ang pagsilip nina Jacinto at Cristobal. "Jacinto, samahan mo muna si Leonora. Doon muna kayo sa salas."
Napatingin si Jacinto sa kapatid na ngayon ay tulala at namumutla pa rin. Nang kumirot ang tiyan ni Socorro ay nagulantang silang lahat dahilan upang makalimutan nila ang kalagayan ni Leonora. Hinawakan ni Jacinto ang pupulsuhan ng kapatid, "Halika, mauna na tayo sa Noche Buena."
Sinubukang sumilip ni Cristobal sa pintuan, "Cristobal, doon ka na muna sa ibaba," ulit ni Doña Marcela. Walang nagawa si Cristobal nang maisara na ang pinto. Pagbalik niya sa salas ay hindi niya pa rin magawang maupo. Naglakad siya nang pabalik-balik dahilan upang magbasa na lang si Don Epifanio ng dyaryo dahil nahihilo siya sa ginagawa ng manugang.
Pagdating nina Jacinto at Leonora sa salas ay inilalapag pa lang ng mga kasambahay ang mga pagkain sa mesa. "Tiyak na magagalitan tayo kapag may bawas na ito," saad ni Jacinto sabay tingin kay Leonora na kahit papaano ay nahimasmasan na.
Napansin ni Jacinto ang usok sa bintana. Lumapit siya roon at dumungaw, "Ikaw pala ang nagkakalat dito." Sumingkit ang mata ni Jacinto dahilan upang bitiwan ni Agustino ang hawak na sigarilyo at tinapakan iyon. "Kararating mo lang. Tiyak na magagalitan ka kapag nahuli ka ni ina."
"Nanganak na si ate?" tanong ni Agustino na halatang iniiba lang ang usapan.
"Hindi pa. Nahihirapan nga siyang tunay," tugon ni Jacinto sabay lingon kay Cristobal na matalik niyang kaibigan ngunit sa pagkakataong ito ay naaawa siya sa kalagayan ng kapatid na tanging naghihirap sa panganganak.
Nang ibalik ni Jacinto ang tingin sa labas ng bintana ay wala na roon si Agustino. Pumasok na ito sa likod ng kusina at tumuloy sa hapag-kainan. Napatigil si Agustino nang mapansin ang pananahimik ni Leonora na nakaupo sa isang silya.
Naalala niya ang dinanas ng kapatid. Nararamdaman niya na nagbabalik ang alaala ng malagim na sinapit nito. Naglakad si Agustino patungo sa piyano at nagsimulang tumugtog. Sa lakas ng kaniyang musika ay napatingin sa gawi niya sina Don Epifanio at Cristobal na nasa salas.
Maging sina Leonora at Jacinto na nasa hapag-kainan ay napatingin sa gawing salas. Ipinikit ni Agustino ang kaniyang mga mata habang mabilis na tinitipa ang piyano. Ang bawat nota ay tila nilalaro niya sa kaniyang isipan habang dinadama ang tono nito.
Ang kaniyang musika ay nagpapabawas ng alalahanin. Kahit papaano ay sandali nilang nakalimutan ang pag-aalala at pangamba kay Socorro at sa anak nito.
Isang malakas na putok ng baril ang nagpatigil kay Agustino. Animo'y sumabog ang lahat ng nota na sumasayaw sa kaniyang isipan. Dali-daling dumungaw si Jacinto sa bintana, "Concordio! Bukas na 'yan! Paskong-pasko, ikaw talaga..." suway ni Jacinto sa kapatid na nag-eensayo ng pamamaril sa labas.
Pinapatamaan nito ang mga bote na nakahelera malapit sap uno ng acasia. Ibinaba ni Concordio ang baril at lumingon sa kapatid na ngayon ay kunot-noong nakadungaw sa bintana.
"Baka may matamaan ka pa na kung ano riyan, sige ka!" panakot ni Jacinto. Napangisi lang si Concordio. "Masyado kang mapamahiin, kuya. Daig mo pa si 'tay lolo," tawa ni Concordio sabay baba ng kaniyang baril. Dinampot na rin niya ang mga bala at gamit na inilapag niya lang sa lupa at naglakad pabalik sa tahanan.
Tumikhim si Don Epifanio na nahihilo na sa ginagawa ni Cristobal. Sumasakit din ang kaniyang tainga sa dami ng yabag ng mga paa na kaniyang naririnig sa buong tahanan. "Cristobal, maupo ka nga riyan. Walang magagawa 'yang palakad-lakad mo," saad ni Don Epifanio. Sumunod naman si Cristobal, umupo ito sa katapat na silya ngunit napahawak sa sentido habang nakapikit ang mata at nagdadasal.
Muling tumikhim si Don Epifanio, "P-Pagmasdan mo--- Ako'y tingnan mo, sanay na ako sa mga ganitong sitwasyon. Mahalaga na maramdaman ng ating mga kabiyak na kalmado lang tayo upang maging matiwasay din ang kanilang pakiramdam," patuloy ni Don Epifanio na pilit itinatago ang pangangatog ng kaniyang tuhod.
Hindi niya rin mahawakan nang maayos and dyaryo dahil nanginginig ang kaniyang mga daliri sa nerbyos. Lubos siyang nag-aalala para kay Socorro na unang beses magsisilang ng sanggol. Naalala niya ang hitsura ng asawa noong unang beses din itong nanganak. Siya pa ang unang nahimatay matapos maisilang ang kanilang panganay.
Kinuha ni Don Epifanio ang isang basong tubig sa mesa at mabilis na nilagok iyon. Isang kalesa ang narinig nilang tumigil sa labas. Bago pa muling makadungaw sa bintana si Jacinto ay dere-deretso nang tumakbo papasok si Don Rufino. Gulat nilang natunghayan ang mabilis nitong hakbang na animo'y nakaligtaan ng matanda ang paggamit ng tungkod.
"Nasaan ang aking apo? Kumusta ang aking manugang? Si Cristobal nasaan?" sunod-sunod na tanong ni Don Rufino na hindi alam kung saan pupunta. Nakasunod naman ang katiwala na siyang may bitbit ng tungkod ng matanda.
"Ama---" Akmang sasalubong sana si Cristobal sa ama ngunit nauna nang tumayo si Don Epifanio at sumalubong kay Don Rufino.
"Balae!"
"O, balae!"
Nagyakap ang dalawa na parehong kinakabahan. Sinumang makakakita ay makapagsasabing tumitiklop ang dalawang Don pagdating sa panganganak ng mga babae.
Napatigil ang lahat nang marinig ang malakas na iyak ng sanggol. Dali-dali silang umakyat sa silid. Nangunguna si Cristobal na hindi na makapaghintay na masilayan ang kaniyang asawa't anak.
"Sa wakas!"
"Babae ba o lalaki?"
"Kumusta si Socorro?"
"Ang aking apo!"
Animo'y may pader na nakaharang sa tapat ng pintuan dahil pare-pareho silang napatigil doon at hindi nakaalis sa kanilang kinatatayuan. Laking-gulat nila nang makita ang dalawang sanggol na nakapatong sa dibdib ni Socorro.
Maluha-luhang napangiti si Socorro nang makita si Cristobal. "Kambal..." tulalang saad ni Jacinto sabay tapik sa balikat ng kaibigan bilang pagbati.
Nagsimulang humakbang papalapit si Cristobal sa kaniyang mag-iina. Hindi niya maipaliwanag ang ligayang nadarama habang pinagmamasdan ang payapang hitsura ng dalawang anghel na unti-unting tumigil sa pag-iyak nang maramdaman ang presensiya ng kanilang ina.
"Narito na sila." Ngiti ni Socorro habang dahan-dahang dumaloy ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya maipaliwanag ang kiliti na nararamdaman habang dinarama ang tibok ng puso ng kaniyang dalawang sanggol. Kailanman ay hindi niya nakita ang sarili na maging isang ina. Buong buhay niya ay iwinaksi niya ang ideyang mag-aasawa siya, magkakaanak, at magkakaroon ng sariling pamilya.
"Salamat sa iyong pagtitiis," wika ni Cristobal sabay pikit-matang hinalikan ang noo ng asawa na natunghayan niya kung gaano ito nahirapan. "Maligayang pagdating sa aming buhay," patuloy ni Cristobal saka marahang hinawakan ang ulo at likod ng kaniyang mga anak.
"May bagong suwerte na naman ang dumating sa ating pamilya. Magbunyi tayong lahat!" sigaw ni Don Epifanio na sinundan ng masasayang ngiti, tawanan, pagbati at pagsalubong sa bagong miyembro ng lumalaking pamilya De Avila at Salcedo.
HINDI mawala ang ngiti sa labi ni Segunda habang binabasa ang liham ni Socorro na kararating lang ngayong umaga. Alas-sais na ng umaga, inuna niyang basahin ito bago maghanda ng agahan.
Mahal kong Segunda,
Isang Linggo pa lang ang nakalilipas mula nang isilang ko sina Felipe at Paloma. Ngunit hindi pa rin ako makapaniwala na kapiling na namin sila ngayon ni Cristobal. Kay laking surpresa at biyaya ang ibinigay sa amin, hindi namin akalain na kambal ang aming magiging anak. Ayon kay ina ay babae raw ang aking magiging anak dahil maaliwalas daw ang aking hitsura noong ako'y nagbubuntis. Ang sabi naman ni ama ay lalaki raw dahil sa hugis ng aking tiyan. Ilang buwan pa silang nagtalo, iyon pala ay pareho silang pagbibigyan ng langit.
Ikaw ay maniniwala rin ba na sa araw mismo ng Pasko ko isinilang ang aking kambal? Ang sabi ni kuya Jacinto ay makatitipid na raw kami sa paghahanda dahil isasabay na lang sa Pasko. Ayon naman kay Amor ay makatitipid din siya sa pagbibigay ng regalo. Hanggang ngayon ay sadyang walang makakatalo sa kanilang dalawa na ubod ng tipid.
Siya nga pala, sa makalawa ay babalik na sa Maynila sina Kuya Feliciano at Agustino. Hindi na nila mahihintay ang Bagong Taon. Abangan mo na lang sila sa daungan, nais nilang sa inyo magdiwang ng Media Noche.
Si ate Remedios naman ay babyahe na rin pabalik ng Norte. Maiiwan dito sa Sariaya sina Leonora at Concordio. Hinihintay ni Concordio ang pagdating ng bagong gobernador-heneral. Ayon sa kaniya, kilala raw siya nito. Si Leonora naman ay mananatili pa rin sa piling nina ama at ina. Ako'y lubos na nag-aalala sa kaniya kung kaya't sa iyong pagdalaw dito ay nais kong ipasyal natin siya upang malibang siya kahit papaano.
Ako'y nag-aalala rin kay Kuya Jacinto dahil hindi siya nagkukuwento ng mga nangyayari sa kaniyang buhay. Pakiramdam ko ay pinipili na lang niyang ilihim ito sa atin. Pagkatapos pa ng Bagong Taon siya babalik ng Maynila. Nawa'y bisitahin mo siya sa kaniyang tinutuluyan upang kumustahin.
At si Amor, hindi ko siya maintindihan. Maging ang kaniyang kasintahan. Nag-aalala na rin sina ama't ina dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya ikinakasal. Ang sabi ko naman ay huwag nilang masyadong alalahanin ang pag-aasawa ni Amor. Minsan ko na ring naranasan iyon. Sadyang mabigat sa dibdib ang pag-aalala sa pag-aasawa. Makapag-asawa man o hindi, hindi dapat iyon maging kababaan ng isang babae.
Ako'y pinalad mapangasawa ang lalaking aking sinisinta. Ngunit naroon ang aking labis na pag-aalala kung paano maging isang mabuting ina. Kailanman ay hindi sumagi sa aking isipan na darating ang araw na ito, na ako'y magiging isang ina na siyang huhubog sa katauhan ng aking mga magiging anak. Ano ang maituturo at maipagmamalaki ko sa kanila gayong ako ang naging puno't dulo ng sakit ng ulo nina ama't ina?
Nananabik na akong makita at makausap kang muli. Kulang ang aming pagdiriwang sa Pasko dahil hindi ka namin kapiling. Ngayon ay mas marami na tayong pag-uusapan. Mas marami na akong maitatanong sa 'yo. Mas marami ka na ring maipapayo.
Hindi na rin makapaghintay sina Felipe at Paloma na makita ka. Hihintayin ka namin dito sa Sariaya. Hihintayin namin ang iyong muling pagbabalik.
Lubos na nagmamahal,
Socorro
Maingat na tinupi ni Segunda ang liham saka tumingala sa langit. Papasikat na ang araw at nararamdaman niyang maganda ang salubong ng umaga. Natatanaw niya mula sa bintana ang malawak na dagat at daungan. Ang mga lumilisan ay napapalitan ng mga dumarating. Iyon ang hinihintay ni Segunda, ang pagdating ng taong kaniyang pinakahihintay.
Tatlong katok mula sa pinto ang nagpabalik sa kaniyang ulirat. "Sandali lang." Inilapag ni Segunda ang liham sa mesa at naglakad patungo sa pintuan. Nang buksan niya iyon ay sandali siyang napatigil.
"Kumusta?" panimula ng lalaki na naunang ngumiti. Hindi nga siya nagkamali. Ang umagang ito ay may dalang surpresa na magtatapos sa matagal niyang paghihintay.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Segunda. Isang ngiti para sa lalaking nagparamdam sa kaniya na kailanman ay hindi siya magiging pangalawa.
De Avila Series #2 next...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top