Kabanata 6: Ang Bahaghari, Liwanag, at Araw
[Kabanata 6]
NAPAPIKIT si Socorro. Hindi na niya alam ang gagawin. Hindi niya pa lubos na kilala si Cristobal ngunit nararamdaman niyang handa siya nitong isumbong at ibalik sa Sariaya. Wala sa bokabularyo ni Socorro ang pagsuko. Kung babalik siya sa Sariaya, muli siyang mapaparusahan at tiyak na ipapasok sa kumbento.
"Jacinto, ikaw ay may dapat na malaman," panimula ni Cristobal dahilan upang mapatigil si Socorro. Kailanman ay hindi pa siya pinagalitan ni Jacinto ngunit nababatid ni Socorro na ibabalik din siya nito sa hacienda De Avila.
"Ano iyon? Hindi ba maaaring doon mo na lang sabihin sa piging?" Sumilip si Socorro, namamaga pa ang mga mata ni Jacinto na bagong gising. Naalala niya na higit na seryoso ang kapatid sa tuwing hindi nakokompleto ang tulog nito.
Patuloy na inaamoy ng dalawang kuneho si Socorro ngunit hindi na niya ito alintana. Napatingin siya kay Cristobal na nakatalikod sa kaniya. Ramdam niya na ipagkakanulo na siya nito kung kaya't kailangan niyang makaisip ng paraan upang mapatigil ito sa pagsasalita.
Natigilan si Socorro nang magawi ang mata niya sa kamay ni Cristobal. Naalala niya ang lahat ng aral tungkol sa mga wastong kilos ng kababaihan at mga dapat tandaan upang mapanatili ang kalinisan at kabutihang puri. Sa kabila ng mga aral na iyon na hindi na niya mabilang, isa lang ang pumasok sa kaniyang isipan... ang taliwasin ang agos ng tubig sa ilog.
"Ang totoo niyan, narito ngayon si..." Agad inilusot ni Socorro ang kaniyang dalawang kamay sa mga uwang ng hawla saka hinawakan ang kanang kamay ni Cristobal gamit ang kaniyang dalawang palad. Walang ibang tumatakbo sa kaniyang isipan kundi ang tumatakbong oras ngayon kung saan magagawa niyang patigilin ang misteryosong manunulat.
Napatigil sa gulat si Cristobal at hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin. Animo'y nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan na parang isang istatwa. Hindi man niya tingnan ngunit ramdam niya na mga kamay ni Socorro ang kumapit sa kaniya.
Mula pagkabata ay naunawaan niya na marapat lang umiwas sa mga kababaihan. Hindi siya namumuhi sa mga ito ngunit sa murang edad ay natunghayan niya kung paano madaling nakukuha ng mga babae ang simpatya at awa sa sitwasyong sila rin naman ang gumawa.
Maaga rin siyang namulat kung paano nagagawang makuha ng ilang mga babae ang kanilang nais sa pamamagitan ng kanilang kakayahang magdalang-tao. Ang bagay na iyon ang pinakakinamumuhian niya, ang pagkasadlak ng isang babae sa pakikiapid upang makuha ang sariling hangarin.
"Cristobal?" Tanong ni Jacinto dahilan upang matauhan siya. "Mauuna na ako roon, sumunod ka na lang." Patuloy nito sabay talikod at naglakad na papalayo. Naiwan pa ring tulala si Cristobal sa kawalan hanggang sa mamalayan niyang bumitaw na si Socorro sa pagkakahawak sa kaniya.
Nanatiling nakatalikod si Cristobal. Naalala niya ang inang nagsilang sa kaniya na ginamit lang siya upang makakuha ng salapi sa pamilya Salcedo. Sinamantala nito ang sitwasyon ng mag-asawang Salcedo na matanda na at hindi nabiyayaan ng anak.
At ngayon, sa tahasang paghawak ni Socorro sa kaniyang kamay ay naglalapit sa kanila sa parehong sitwasyon kung saan dapat panagutan ng lalaki ang nangyari.
Lumabas na si Socorro sa hawla at pinagpagan ang sarili. Napatingin siya kay Cristobal na nakatalikod pa rin at hindi gumagalaw sa kinatatayuan. Hindi niya ngayon alam ang sasabihin. Batid niyang mali ngunit sa oras ng kagipitan ay kumakapit tayo sa kung ano ang maaari nating kapitan kahit na ito pa ay mali.
Naunang tumikhim si Socorro, "K-kalimutan mo na ang nangyari. Wala naman akong ibang intensyon. Ang gusto ko lang ay hayaan mo ako at huwag ipagkanulo. Kung minsan ay mas madaling magpikit-mata sa mga nangyayari." Panimula ni Socorro saka napatingin sa dalawang kuneho na ngayon ay hinahanap ang presensiya niya.
"T-tatanawin kong habambuhay na utang na loob ito. Wala akong ibang hihilingin kundi ang manatili kang tahimik hanggang sa makarating tayo sa Maynila." Patuloy ni Socorro saka pilit na sinisilip ang reaksyon ni Cristobal na nanatili pa ring nakatalikod sa kaniya.
Hindi niya mawari kung nahihiya ba ito, galit, o hindi pa rin makapaniwala sa ginawa niya. Sandaling naghari ang katahimikan habang sinasayaw ng hangin ang kanilang mga buhok at damit. Ilang sandali pa ay nagawa nang humarap ni Cristobal sa kaniya.
"Dito ka na lang manatili. Tiyak na matutulog lang si Jacinto buong byahe." Wika ni Cristobal saka tumalikod at bumalik sa silid. Ilang segundong napatulala si Socorro, hindi niya maunawaan kung bakit wala man lang sinabi si Cristobal tungkol sa nangyari. Ngunit seryoso ang mukha nito na para bang dapat pa siyang humingi ng kapatawaran.
"NAGAGALAK akong makilala ka, hijo." Ngiti ni Doña Mariana kay Jacinto na kasabay nila sa maliit na piging. Katabi nito ang asawa na si Don Mario at ang dalawa pang kapatid na lalaki na nasa edad apatnapu pataas.
"Matagal ko nang kakilala si Don Epifanio, ngunit si Feliciano lamang ang minsan kong nakilala noon. Hindi ko akalain na may isa pa siyang anak na kaniyang maipagmamalaki." Ngiti ni Don Mario sabay hithit ng tobacco.
Ngumiti lang si Jacinto, hindi siya naksisiguro sa dapat na itugon sa sinabi nitong ipagmamalaki siya ng ama. Sa kanilang magkakapatid, si Feliciano ang pinakapaborito ng kanilang ama. Matalino, maganda ang tindig, nangunguna sa klase, nagkamit ng maraming parangal, at ngayon ay namamayagpag ang pangalan sa Europa bilang katuwang ng isang kilalang doktor sa puso.
Samantala, siya, bilang kasunod ni Feliciano ay palaging nasasangkot sa gulo at away. Halos lahat ng kaniyang marka ay pasang-awa, nadadala lamang ng mga regalo at pakikisama ng kaniyang mga magulang sa kanilang mga propesor. Wala siyang ibang talento na ipagmamalaki 'di tulad ng kaniyang mga kapatid na may kani-kaniyang pinagkakaabalahan. Ang nalalaman niya lang ay dapat siyang mag-aral dahil isa siya sa mga lalaki sa kanilang pamilya.
"Kailan pala babalik si Feliciano?" Tanong ni Doña Mariana na nakakakilala rin sa ipinagmamalaking anak ni Don Epifanio. Madalas nito isama noon si Feliciano sa lahat ng salo-salo, at piyesta sa Maynila.
"Inaasahan po namin siyang makapiling sa darating na Pasko." Tugon ni Jacinto na tulad ng dati ay tagapag-ulat ng mga nangyayari sa buhay ng kapatid.
"Nawa'y sa Maynila kayo mag-pasko. Inaasahan din naming makilala ang inyong buong pamilya." Ngiti ni Doña Mariana na ginantihan muli ng ngiti ni Jacinto. Hindi mahirap sa kaniya gawin iyon, sa katunayan ay kung minsan itinuturing niya na iyon ang maipagmamalaki niyang kakayahan. Ang itago ang lahat ng alalahanin at lungkot sa maskara ng nakangiting mukha.
"Siya nga pala, aking naulinigan na kasama mo rito ang anak ni Don Rufino Salcedo." Wika ni Don Mario sabay inom ng alak. Napatingin si Jacinto sa gawain ng mga kalalakihan na kaedad ng kaniyang ama. Nagagawa ng mga ito ang pagsabayin ang sigarilyo at alak na para bang ito ang piging para sa kanila.
"Opo, kasama ko si Cristobal. Marahil ay nagpalit lang po siya ng kasuotan." Saad ni Jacinto, nababatid niyang hindi mahilig sa salo-salo si Cristobal lalo na kung maraming tao. Mas pinipili nitong magbasa na lamang ng libro sa kanilang dormitoryo.
Napaisip si Doña Mariana saka bumulong sa asawa, ginamit niya pang pantakip ang hawak na abaniko, "Ang iyo bang tinutukoy ay ang batang putok sa buho ni Don Rufino?" Tumingin si Don Mario sa asawa na para bang sinasabi nito na mahiya naman ito sa paggamit ng mga hindi magandang salita.
Uminom na lang si Jacinto, takpan man ni Doña Mariana ng abaniko ang pagbulong nito sa asawa ay nababatid niya na ang pinag-uusapan ng mga ito ay ang pagiging anak sa labas ni Cristobal na hindi rin bago sa tainga ng karamihan.
PINILING magtago ni Socorro sa loob ng hawla kasama ang dalawang kuneho na ngayon ay magaan na rin ang loob sa kaniya. Dahan-dahan niyang hinihimas ang mga ito na para bang matagal na niya itong mga alaga.
"Sa iyong palagay, isusuplong niya kaya ako kay kuya Jacinto?" Tanong ni Socorro sa dalawang kuneho na kulay puti at itim. Hindi niya mabasa si Cristobal. Hindi siya ngayon nakasisiguro lalo pa't mukhang hindi ito natuwa sa ginawa niya kanina.
"Kung hihingi kaya ako ng tawad sa kaniya, sa tingin niyo ay mababago ko ang isip niya?" Tanong niya muli, ngunit napapikit lang ang mata ng dalawang kuneho na para bang hindi ito interesado sa mga sinasabi niya.
Napasabunot si Socorro sa kaniyang sarili, ngayon ay nagsisisi siya kung bakit niya hinawakan ang kamay ni Cristobal na tiyak na ikinagalit nito. Mas nanginginbabaw sa taong galit ang makapaghiganti. Tiyak na isusumbong nga siya nito kay Jacinto.
Samantala, tahimik na pinagmamasdan ni Cristobal ang malaking itim na maleta na pinagtaguan ni Socorro. Iniisip niya nang mabuti kung ano ang dapat na gawin. Tumayo siya saka binuksan iyon, nakasisiguro si Cristobal na hindi iyon bubuksan ni Jacinto hanggang sa makarating sila sa kanilang dormitoryo.
May katamaran si Jacinto sa pag-aayos ng mga gamit kung kaya't laging makalat ang higaan at aparador nito. Madalas din itong nawawalan ng gamit dahil hindi niya alam kung saan niya nailagay. Bukod doon ay hindi ito nag-aabala buksan ang kaniyang mga libro at sagutan agad ang kanilang mga asignatura pag-uwi.
Naalala ni Cristobal na hindi niya dapat buksan ang gamit ni Socorro ngunit kailangan niyang malaman kung ano ang plano nito upang higit niyang malaman kung ano ang kaniyang gagawin. Taliwas sa kaniyang inaakala ang natunghayang mga gamit ni Socorro, kakaunti lang ito at puro libro, pluma, at papel.
Kinuha niya ang librong punit-punit at sira na ang pamalat ng aklat. Ngunit kahit ganoon ay nakilala pa rin niya ang nobelang iyon na isinulat ni Palabras. Naalala niya ang sinasabi nito siya ang misteryosong manunulat.
Ibinalik na niya ang libro sa maleta at isinara iyon nang maayos. Sandali siyang napatingin sa kaniyang kanang palad na kung saan ang alaala ng ginawa ni Socorro ay naroroon pa rin. Aakuin ng isang lalaking may paninindigan ang nangyari, ngunit naalala niya ang sitwasyon na nagdulot ng gulo sa pamilya Salcedo na halos dalawampung taon na ang nakalilipas.
Kung minsan, ang pag-ako sa responsibilidad ay hindi nagiging maganda lalo na kung ang umaako ay napipilitan lamang.
"Nariyan ka lang pala," natauhan si Cristobal nang bumukas ang pinto at tumambad sa harap niya si Jacinto. Inihagis nito ang sumbrero sa kama saka padapang humiga na para bang balak lang nitong matulog buong araw.
"Kumusta ang piging?" Tanong ni Cristobal at naglakad patungo sa kaniyang kama. "Kaunti lamang ang mga pagkain. Anong aasahan natin? Limitado lang ang mga sangkap na naririto." Wika ni Jacinto saka tumingin sa kaibigan na humiga patihaya at ipinatong ang ulo sa dalawa nitong kamay.
Naalala niya ang pagbubulungan nina Don Mario at Doña Mariana tungkol kay Cristobal. Hindi na bago ang ganoong tagpo sa kanila, madalas ay nagpapanggap si Cristobal na hindi niya naririnig, nakikita, o nararadaman ang reaksyon ng mga tao sa tuwing nalalaman ng mga ito na hindi siya anak ni Doña Josefa Salcedo.
"Kapag ba nakiusap sa iyo ang isang tao sa isang bagay na batid mong mali at makapagpapahamak sa kaniya, ano ang iyong gagawin? Hahayaan mo lang ba siya at susuportahan sa nais niyang gawin?" Tanong ni Cristobal habang nakatitig sa kisame. Gumagalaw ang bapor na kanilang sinasakyan ngunit sanay na sila sa mahahabang byahe.
Umayos ng higa si Jacinto at tumitig din sa kisame. "Depende sa sitwasyon at sa taong iyon, kung nababatid kung kaya naman niya ang kaniyang sarili at masaya siya sa kaniyang gagawin, bakit hindi? Ano ang karapatan kong hadlangan ang isang tao sa ibig niyang mangyari sa kaniyang buhay?"
Hindi nakapagsalita si Cristobal, ito na ang tamang pagkakataon para sabihin niya sa kaibigan na naririto ang kapatid nito ngunit naalala niya ang pagsusumamo sa boses at mga mata ni Socorro. Hindi niya mapigilang makita ang sarili kay Socorro na lumayas dahil hindi na rin ito makahinga sa sariling tahanan.
Ngunit nababatid ni Cristobal na hindi iyon ang solusyon sa problema. Bagkus, ito ay makapagdudulot pa ng lalong mas maraming problema. "Ang higit kong inaalala ay kung totoo bang mapapanindigan ng isang tao ang kasiyahan sa kaniyang desisyon sa oras na makita niya ang tunay na kulay at takbo ng mundo." Wika ni Cristobal na animo'y namulat na sa katotohanan na ang buhay ay para lang sa mas malalakas.
"Iyan nga rin ang lagi kong sinasabi sa aking mga kapatid, lalo na kay Socorro," tawa ni Jacinto dahilan para mapatigil si Cristobal at mapatingin sa kaibigan sa pag-aakalang may nalalaman na ito. Ngunit bakas sa mukha ni Jacinto na inaalala lang niya ang kapatid. "Nakikita niya ang mundong ito na puno ng kulay at pag-asa. Pulos pantasya na nalalayosa reyalidad. Hinahayaan ko na lamang siya dahil hindi ko ibig sirain ang kaniyang pananaw sa buhay." Ngiti ni Jacinto na madalas natatawa sa mga ginagawa ni Socorro.
Napahinga nang malalim si Cristobal at muling napatitig sa kisame. Sa oras na malaman ni Jacinto na tumakas si Socorro at sumilid sa mga bagahe nila, sigurado siyang hindi na ito matatawa sa mga ginagawa ng kapatid.
NAPATINGALA si Don Epifanio sa langit kung saan makulimlim ito at papalubog na rin ang araw. Madalas silang tumitigil-tigil bawat oras dahil hindi maaaring tumakbo ang mga kabayo ng tuloy-tuloy. Nasa Laguna pa lang sila, bukas ng hapon pa sila makakarating sa Maynila kung hindi sila matutulog at magpapahinga ngayong gabi.
Samantala, sa hacienda De Avila ay nanatiling nakaluhod sa tapat ng altar si Doña Marcela. Mula nang umalis ang asawa upang hanapin si Socorro ay hindi pa siya tumatayo. Nagdala na rin ng pagkain sina Manang Tonya at Segunda ngunit hindi ito pinapansin ng Doña. Nag-aalala ito ng labis sa anak at asawa na ngayon ay pinagdarasal niyang hindi masadlak sa kapahamakan.
Nang gabing iyon ay bumangon si Cristobal nang masiguro niyang tulog na si Jacinto. Bitbit ang lampara at isang luntiang kumot ay lumabas siya ng silid at nagtungo sa pinagtaguang hawla ni Socorro kanina. Nagdala rin siya ng tinapay at tubig na ipinamahagi kanina.
Naabutan niyang mahimbing na natutulog si Socorro habang yakap-yakap ang dalawang kuneho. Naupo si Cristobal upang makapantay ang hawla na may kalakihan din. Sa kaniyang mga mata ay mas pinili ni Socorro ang makulong sa hawla ng mga hayop kaysa sa mga alintuntunin ng pamilya nito.
Maingat na inilagay ni Cristobal ang kumot sa ibabaw ng hawla. Ipinasok din niya sa loob ng hawla na may malalaking uwang ang tinapay at tubig. Hindi na niya ginising si Socorro dahil batid niyang kailangan nitong bumawi ng lakas sa dami ng isinuka nito kanina.
Balak sanang iwan ni Cristobal ang lampara ngunit tiyak na makakakuha iyon ng atensyon sa kung sinuman ang mapapadaan sa pinagtataguan ni Socorro kung kaya't tumayo na siya at kinuha ang lampara saka sandaling pinagmasdan si Socorro. Ang totoo ay naaawa siya at humahanga sa determinasyon nitong tumayo sa sariling paa, ngunit hindi ganoon kadali ang mga pantasya nito gaya ng sinabi ni Jacinto.
KINABUKASAN, naalimpungatan si Socorro dahil sa ingay ng paligid. May mga boses at sigawan siyang naririnig mula sa malayo. Hindi niya namalayan na mataas na ang sikat ng araw dahil sa kumot na nasa ibabaw ng hawla na siyang sumasangga sa liwanag.
Napatingin si Socorro sa dalawang kuneho na ngayon ay abala sa pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig. Agad siyang tumingin sa paligid, wala na ang ilang bagahe na nasa tabi niya. Napagtanto ni Socorro na nakatigil na rin ang sinasakyang bapor. Agad niyang itinaas ang hawla, kinuha ang kumot, at lumabas.
Napangiti siya sa sarili nang makita ang daungan ng Maynila. Maraming maliliit at malalaking barko sa daungan. Matataas ang mga kabahayan na halos dikit-dikit at may maliliit na esknita. Maraming kalesa at mga karitela ang nasa gitnang kalsada. Halos hindi rin niya mabilang ang mga tao na abala sa kani-kanilang mga sadya sa daungan.
"Narito na tayo!" Lumingon si Socorro sa dalawang kuneho na abala pa rin sa pagkain. Hindi mapaliwanag ni Socorro ang kaniyang kasiyahan at kasabikan na nararamdaman. Naaamoy na niya ang simula ng malaking pagbabago ng kaniyang buhay.
Ang Maynila ay makulay at buhay na buhay kumpara sa kaniyang kinalakihan. Ramdam na niya ang maraming opurtunidad na magdadala sa kaniya sa kaniyang pangarap. Wala man siyang kongkretong plano ngunit malinaw ang kaniyang hangarin na maging inhinyero ng kaniyang sariling buhay.
Muling tumingin si Socorro sa dalawang kuneho, akmang kukunin niya ang dalawa nang mapatigil siya. "May nagmamay-ari nga pala sa inyo," malungkot na wika ni Socorro saka napahinga nang malalim. Napahawak siya sa sarili niyang tiyan, "Wala rin akong mapapakain sa inyong dalawa." Patuloy niya saka hinimas nang marahan ang mga kuneho.
"Paalam, salamat dahil pinatuloy niyo ako sa inyong tahanan." Ngiti ni Socorro saka tumayo na bitbit ang kumot na ginawa niyang balabal. Pababa na siya sa masikip na hagdan nang makasalubong si Cristobal na paakyat at patungo sa kinaroroonan ng mga hawla.
Pareho silang gulat na napatingin sa isa't isa. "S-sa iyo galing ito, hindi ba?" Tanong ni Socorro saka ibinaba ang nakataklob na kumot sa kaniyang ulo. "Sumunod ka sa akin." Ang tanging sinabi ni Cristobal, ni hindi nito sinagot ang tanong niya.
Napangiti si Socorro sa sarili, wala namang ibang nakakaalam na nagtatago siya sa hawla ng mga kuneho. Walang duda na galing ang kumot at pagkain kay Cristobal. Nanatiling nakayuko si Socorro habang nakasunod kay Cristobal, pilit niyang itinatago ang mukha sa mga nakakasalubong at nakakasabay pababa ng barko.
Nang makababa sila ay binuksan ni Cristobal ang isang karwahe. Napatigil si Socorro, "Nariyan ba si kuya Jacinto?" Tanong nito ngunit umiling si Cristobal. "Nauna na siya kanina." Napangiti muli si Socorro at sumampa na sa kalesa sa tulong ni Cristobal.
Ibinaba ni Socorro ang luntiang kumot sa kaniyang balikat nang makapasok na sila sa loob ng karwahe. Umupo si Cristobal sa tapat niya at isinara nito ang pinto. "Anong sinabi mo kay kuya Jacinto? Hindi ba siya nagtaka na hindi ka sumabay sa kaniya patungo sa inyong dormitoryo?" Tanong ni Socorro habang nakangiti na para bang nasa isang misyon sila na walang ibang dapat na makaalam.
Napaiwas ng tingin si Cristobal, "H-hindi naman." Wika nito sabay tingin sa maliit na bintana. Napagtanto ni Socorro na hindi rin nararapat na silang dalawa lang sa loob ng karwahe na walang ibang bantay o kasama. Lahat na lang ng sitwasyon nila ni Cristobal ay hindi tama.
"Marahil ay nagtaka si kuya Jacinto ngunit hindi niya ugali ang maging mausisa. Mas gugustuhin niya pang matulog buong araw sa kaniyang silid o magsaya kasama ang kaniyang mga kaibigan... kayong mga kaibigan niya." Wika ni Socorro sa pag-asang mabasag ang nakakailang na tensyon sa pagitan nila. Pareho nilang alam na mali ang ginagawa nila ngunit mas mabuti nang magpatay malisya.
"Saan pala tayo magtutungo... Ginoong Cristobal?" Tanong ni Socorro nang maalala niya na dapat pala siya magbigay ng paggalang sa kaibigan ng kaniyang kapatid. Animo'y nanibago si Cristobal nang tawagin siyang ginoo ng taong mismong nagbibigay sa kaniya ngayon ng sunod-sunod na alalahanin.
"Malalaman mo rin." Tipid na sagot ni Cristobal na muling tumingin sa bintana. Sa loob ng isang linggong pananatili sa Sariaya ay naging bago na ngayon sa kaniya ang maingay at abalang siyudad ng Maynila.
Sumandal si Socorro sa malambot na upuan, "Sana kinuha ko na lang pala sila. Paano kung ako pala ang makapagbibigay sa kanila ng magandang buhay at kalinga?" Wika ni Socorro na animo'y kausap ang sarili. Nagtatakang napatingin sa kaniya si Cristobal kaya ngumiti siya.
"Ah, ang tinutukoy ko ginoo ay ang dalawang kuneho na kumupkop sa akin kanina. Hindi ko sila nais iwan ngunit kanina ay hindi ko pa nababatid kung saan ako magtutungo. Mabuti na lamang dahil nasumpungan kita." Ngiti ni Socorro dahilan upang muling umiwas ng tingin si Cristobal. Napatikhim siya saka inayos ang kuwelyo na tila sumasakal sa kaniya.
"Tunay nga na nagpapakita ang bahaghari pagkatapos ng ulan. Nasusumpungan ang liwanag pagkatapos ng dilim. At sumisikat ang araw pagkatapos ng gabi." Wika ni Socorro habang nakatingin nang deretso kay Cristobal, hindi niya maipaliwanag ang saya na kaniyang nararamdaman dahil nagbago ang isip nito at nagawa siyang tulungan. Ngayon ay napatunayan niya na hindi lang siya humahanga kay Palabras bilang manunulat, kundi sa angking nitong kabutihan at pagtulong sa kapwa.
Hindi nakapagsalita si Cristobal. Sa mga ganitong sitwasyon ay hindi siya sanay magbigay ng tugon. Ibinaling na lang niya ang kaniyang paningin sa bintana at hinayaang magsalita si Socorro at magkuwento ng kung ano-ano.
Hindi nagtagal ay tumigil na ang kalesa. Napansin ni Socorro na tahimik na ang paligid kumpara sa maingay na daungan. Sumilip si Socorro sa bintana, "Nasaan tayo, Ginoo?" Tanong niya ngunit bago niya pa matapos ang sasabihin ay binuksan na ni Cristobal ang pinto at nauna na itong bumaba.
Nag-aagaw asul at kahel ang kalangitan. Muling ipinatong ni Socorro ang luntiang kumot sa kaniyang ulo. Napatigil siya nang makababa sa kalesa. Nakilala na niya ang lugar na kanilang pinuntahan. Nakatayo sila ngayon sa likod dalawang palapag na bahay ng kaniyang tiyo na kapatid ng kaniyang ina.
"Socorro!" Sigaw ni Don Epifanio na agad bumaba sa kabayo kasama ang apat pa nitong tauhan. Nakita rin niya si Jacinto na nakatayo sa labas ng bahay kasama ang kanilang tiyo na isang abogado.
Gulat na napatingin si Socorro kay Cristobal na ngayon ay hindi na makatingin sa kaniya. Hindi siya makapaniwala na nilinlang siya ni Cristobal. Ang taong tinitingala niya at ipinagmamalaki sa lahat, ang naging bahaghari, liwanag, at araw na inakala niya ay isang maling akala lamang. Dahil ang totoo ay ito ang magbabalik sa kaniya sa buhay na ibig niyang takasan.
"N-nagtiwala ako sa 'yo!" Sigaw ni Socorro ngunit huli na dahil hinawakan na siya ni Don Epifanio sa braso. "Anong kahibangan ito? Pinag-alala mo kaming lahat!" Sigaw ng Don na halos walang tulog, kain, at pahinga. Namumula ang mga mata nito at nababalot ng alikabok ang kasuotan.
Nanatiling nakatingin si Socorro kay Cristobal habang nangingilid ang kaniyang mga luha sa galit dahil nahulog siya sa patibong nito. Pumagitna na si Jacinto, hinawakan niya ang kamay ng ama upang alisin ito sa braso ng kapatid. "Ama, magpahinga na muna tayo. Ang mahalaga natagpuan na natin si Socorro." Wika ni Jacinto na hindi rin makapaniwala na magagawang lumayas ng kapatid.
Naghahanda na sila ni Cristobal sa pagdaong ng bapor sa Maynila nang ipagtapat nito ang tungkol kay Socorro. "Anong..." Napatigil si Jacinto nang mapagtanto ang itim na maleta na mabigat at hindi nila nalalaman kung bakit kasama sa kanilang bagahe.
"Nasaan siya?!" Tanong ni Jacinto na handa nang halughugin ang buong bapor. Humarang si Cristobal sa pintuan. "Ako na ang bahala. Dadalhin ko siya sa tahanan ng iyong tiyo. Tiyak na tatakasan niya tayo sa oras na matunugan niya na may nalalaman ka na." Wika ni Cristobal, maging siya ay hindi sigurado sa kaniyang sinasabi. Buong gabi niyang pinag-isipan kung anong dapat gawin ngunit mas nangibabaw sa kaniya ang kapakanan ni Socorro at ng pamilya De Avila.
"S-sinira mo ang lahat..." Saad ni Socorro na nanggalaiti sa galit. Hindi niya akalain na sa isang iglap ay magagawang magbago ng kulay mula sa matitingkad na kulay patungo sa kulay na walang buhay.
"Socorro, tumigil ka na." Wika ni Jacinto dahilan upang mapatingin sa kaniya ang dalaga. Ngayon lang niya nakitang dismayado si Jacinto na madalas tinatawanan at pinagtatakpan siya sa kanilang mga magulang. Nang tingnan niya ang kaniyang ama, ang mga tauhan nito, at ang tiyo na hindi rin makapaniwalang masusupresa sila sa pagdating ni Socorro. Pakiramdam niya ay wala na siyang kakampi. At ang nag-iisang inakala niyang kakampi ay nagawa rin siyang ipagkanulo.
TAHIMIK ang tahanan ni Don Marcelo Gonzalez na kapatid ni Doña Marcela. Si Don Marcelo ay kilalang abogado. Ang asawa niya ay hindi rin makapaniwala sa nagawa ni Socorro. Hindi na ito makatiis na magtungo sa mga kaibigan bukas na bukas din upang ibalita ang nangyari. May malaking inggit si Doña Jimena kay Doña Marcela at sa mga anak nito dahil mas nakakaangat sila sa buhay, mas may hitsura ang mga anak, at likas na mas matalino ang mga ito kumpara sa kaniyang mga anak. Hindi na siya makapaghintay na maipamalita ang pagiging sakit sa ulo ni Socorro.
Katatapos lang ng kanilang hapunan, ni isa ay walang nagsalita tungkol sa nangyari. Ang katahimikan na mismo ang nagsasabi na walang salitang makapaglalarawan sa kung gaano kabigat ang kanilang mga nararamdaman. Maliban kay Doña Jimena na panay ang tingin sa mga panauhin, gusto sana niyang tanungin kung nahimatay ba si Doña Marcela nang malamang lumayas ang anak. Sa ganoong paraan ay may maidadagdag pa siyang impormasyon sa kaniyang ikukuwento sa mga kaibigan.
Bukod doon ay hindi niya rin mapigilang maghinala kay Cristobal na anak ni Don Rufino. Matagal na niyang kilala ang binata na bunga ng kasalanan at sumpa sa pamilya Salcedo. Minsan na niyang sinabihan si Jacinto na huwag na makipagkaibigan kay Cristobal ngunit hindi ito nakinig.
Ikinulong si Socorro sa isang bakanteng silid. Nanatili lang itong nakaupo sa kama habang pilit na pinapakalma ang sarili. Ang sandali niyang mga pangarap ay gumuho lahat. At ngayon, galit na rin sa kaniya si Jacinto.
"Mag-iingat kayo sa inyong pag-uwi. Salamat, Cristobal. Aming tatanawing utang na loob ang lahat. Napakalaking tulong ng iyong ginawa." Wika ni Don Epifanio habang kinakamayan si Cristobal nang ihatid niya ang dalawa sa labas.
Hindi malaman ni Cristobal ang dapat na sabihin. Ang totoo ay nakokonsensiya siya. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang mga mata ni Socorro na puno ng nangingilid nitong mga luha. Ang mga matang nagsasabing isa siyang taksil. Naalala niya na minsan niyang tiningnan nang ganoon ang kaniyang ina na nagawa rin siyang paniwalain at iwan sa mansyon ng pamilya Salcedo.
Napatulala sa kawalan si Cristobal, ni hindi niya namalayan na bumagsak na ang kaniyang kamay matapos itong bitawan ni Don Epifanio at tumingin kay Jacinto, "Bukas ng umaga, dadalhin na natin si Socorro sa kumbento ng Maynila." Wika ni Don Epifanio, napatingin si Cristobal sa mag-amang De Avila na nauuna nang maglakad patungo sa kalesang naghihintay sa labas.
"Ang akala ko po ay uuwi kayo muli sa Sariaya?" Tanong ni Jacinto, ang tagpong iyon ay tila bumagal sa paningin ni Cristobal. Ang usapan ng dalawa ang tangi niyang naririnig sa kabila ng maingay na kuliglig.
"Kailangan munang mawasto ang kaniyang ugali at kilos bago matuloy ang kasunduan sa pamilya Sanchez," tugon nito na ikinagulat din ni Jacinto.
"Ama, isang malaking pagyurak sa ating pamilya ang pagtanggap ng kasunduan sa pamilyang tumanggi kay ate Segunda." Paalala ni Jacinto, hindi rin siya makapaniwala na magagawang isawalang-bahala ng sariling ama ang mararamdaman ni Segunda sa oras na matuloy ang kasunduan kay Socorro at sa anak ng mag-asawang Sanchez.
Ipinatong ni Don Epifanio ang kamay sa balikat ng anak, "Balang araw ay mauunawaan niyo rin kung bakit ito ang aking pasiya. Ang pamilya Sanchez ay pamilya na kung ituring ng ating angkan. Sa umpisa lang hindi magkakaroon ng ilangan ngunit sa oras na makilala niyo ang kanilang pamilya ay ipagpapasalamat niyo na mapupunta sa mabuting kamay si Socorro." Paliwanag ng ama, sa kabila ng nangyari ay umaasa pa rin siya na maayos ang gusot sa pagitan ng pinakamatalik niyang kaibigan.
Bukod doon, hawak ng pamilya Sanchez ang karamihan sa transaksyon ng kanilang mga negosyo dahil hawak nito ang Aguana. Sa oras na tanggalan sila ng pamilya Sanchez ng karapatan na maikalakal ang mga tanim at produkto ng kanilang hacienda ay tiyak na babagsak ang kanilang negosyo.
Hindi nakapagsalita si Jacinto. Ang mga salitang iyon ay narinig na niya mula pa sa kanilang lolo. Na palaging nagsasabi na balang araw ay mauunawaan ng mga bata ang desisyon ng mga nakatatanda sa kanilang buhay. Ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maunawaan ang lahat. Na bakit hindi mahalaga ang kanilang nararamdaman o opinyon sa desisyon ng kanilang mga magulang.
"O'siya, lumakad na kayo bago pa kayo abutan ng paghihigpit." Wika ni Don Epifanio saka tumingin kay Cristobal at tinapik din ang balikat nito.
Alas-siyete na ng gabi, tahimik na ang paligid. Ang kanilang dormitoryo ay matatagpuan sa loob ng Intramuros. Tahimik at walang imik sina Cristobal at Jacinto sakay ng karwahe. Iyon ay pagmamay-ari ng pamilya Salcedo.
Malalim ang isip ni Cristobal, wala siyang ideya na ang hangarin niyang kabutihan para kay Socorro na makabalik ito sa sariling pamilya ay maglalagay pala sa dalaga sa sitwasyong tiyak na sisira sa pangarap nito. Samantala, malalim naman ang isip ni Jacinto, sa kabila ng mga nangyari, babalik lang sila sa landas kung saan sila nakatalaga ayon sa kani-kanilang kasarian.
"Ang pamilya Sanchez na dumalaw sa inyong tahanan ay ang mga Sanchez na kinabibilangan ni Xavier?" Pagkumpirma ni Cristobal.
Tumango si Jacinto nang hindi tumitingin sa kaniya saka napabuntong-hininga, "Sa dinami-rami ng maaaring mapangasawa ng aking kapatid ay ang laki sa layaw na lalaking iyon pa." Dismayadong saad ni Jacinto, ngayon pa lang ay nakikinita na niya kung paano magsasabong sina Socorro at Xavier na parehong hindi nagpapatalo.
Hindi nakapagsalita si Cristobal. Ngayon ay mas lalo siyang nakaramdam ng konsensiya. Sa isang iglap, ang inakala nating tamang desisyon ay maaaring maglagay pala sa kapahamakan ng taong nais sana nating iligtas.
DALI-DALING tumakbo si Manang Tonya patungo kay Doña Marcela nang dumating ang telegrama mula kay Don Epifanio. "Natagpuan na po nila si Socorro!" Sigaw ng matanda pagdating sa altar na ikinagulat nina Doña Marcela, Segunda, Leonora, at Amor. Nakalimutan ng mayor doma ang pagpapanatili ng kahinhinan at mababang boses pagdating sa silid-dasalan.
Agad napatayo si Doña Marcela na muntik pang mawalan ng balanse sa tagal ng pagkakaluhod. Mabuti na lang dahil naalalayan siya agad ng mga anak. Nagkumpulan sila upang mabasa ang telegrama mula sa Maynila. Halos maiyak si Doña Marcela nang malamang nasa maayos na kalagayan si Socorro. Maging sina Segunda, Leonora, at Amor ay nakahinga nang maluwag.
Samantala, madaling araw na ngunit hindi pa rin nakakatulog si Cristobal. Panay ang ikot niya sa kama upang mahanap ang komportableng puwesto. Sa tuwing sinusubukan niyang matulog ay mas lalo lang niya naaalala ang mga nangyari.
Bumangon siya at nagsalin ng tubig. Ang dormitoryo na kanilang tinutuluyan ay may anim na silid. Sa bawat silid ay may tatlong higaan. Magkasama sa silid sina Jacinto at Cristobal, habang bakante naman ang isang kama.
Napatingin si Cristobal sa bintana kung saan tumatagos ang asul na liwanag ng gabi. Hindi man niya tingnan ang oras ngunit alam niyang madaling-araw na. Napatingin si Cristobal sa upos na kandila na hindi pa tuluyang natunaw. Maaari pa itong sindihan muli upang magbigay liwanag sa kadiliman.
Tumayo na si Cristobal, agad niyang kinuha ang itim na gabardino, nagsuot ng sapatos at sumbrero, bago siya lumabas ng silid ay napalingon siya sa kinalalagyan ng itim na maleta. Ang bagay na nagdadala ng maraming surpresa.
Alas-kuwatro ng madaling-araw, mag-isang tinatahak ng karwaheng sinasakyan ni Cristobal ang daan patungo sa tahanan ni Don Marcelo Gonzalez. Sa hindi malamang dahilan ay pinagpapawisan siya sa kabila ng malamig na hamog na sumasalubong sa kanila.
Hindi nagtagal ay narating na nila ang tahanan ng kilalang abogado. Napahinga nang malalim si Cristobal. Matagal na niyang isinumpa sa sarili na mabubuhay siya ng tahimik at malayo sa pagdududa ng mga tao. Ngunit ngayon ay tila pinapipili siya ng tadhana kung dapat ba siyang manahimik at magsawalang-bahala tulad ng madalas niyang ginagawa.
Bago pa matapos ang pagtatalo ng kaniyang isipan ay bumukas na ang pinto sa tahanan ng pamilya Gonzalez. Napasingkit ang mata ni Doña Jimena habang hawak ang lampara, "Cristobal, hijo?" Nagtataka nitong tanong na hindi pa buo ang diwa dahil sa biglaang pagkagising.
Napalunok sa kaba si Cristobal, "M-magandang umaga po, Doña Jimena. Ako nga po ito, si Cristobal. May nakaligtaan lang po akong dalhin kahapon." Hindi malaman ni Cristobal kung ang kaunting panginginig ng kaniyang boses ay dulot ng kaba o ng lamig na kaniyang nararamdaman.
"Pasok ka, hijo. Pasensiya na't matagal bago nabuksan ang pinto. Ano ang ibig mong maiinom?" Tanong ng Doña na agad inutusan ang kaniyang kasambahay na abala na sa kusina. Hindi nito narinig ang pagkatok ni Cristobal dahil abala ito sa pagsisiga ng apoy upang makapagluto.
"Kahit kape lang po." Mabilis na tugon ni Cristobal. Hindi niya gawain ang manghingi ng maiinom sa nag-aalok na may-ari ng bahay ngunit sa pagkakataong ito ay kailangan niya itong gawin.
"O'siya, maupo ka muna. Ako na ang magtitimpla. Baka masunog ang niluluto ni Nelia." Nagmamadaling saad ni Doña Jimena na pikit-matang nagtungo sa kusina. Nang masiguro ni Cristobal na wala abala na ang Doña ay dali-dali siyang umakyat sa ikalawang palapag. Nakita niya kagabi kung saang silid dinala si Socorro na masama ang loob at hindi na lumaban pa.
Hinawakan niya ang pinto, kumatok ng tatlong beses bago binuksan ito. Napatigil silang dalawa ni Socorro at gulat na napatingin sa isa't isa. Naabutan niyang pilit na binubuksan ni Socorro ang nakapakong bintana ng silid.
Napalunok si Cristobal saka maingat na inilapag sa sahig ang itim na maleta at binuksan iyon, "Magagawa mo bang magtago muli rito?" Panimula ni Cristobal na sa tanang buhay niya ay hindi niya akalaing magagawang niyang masangkot sa gawaing hindi nararapat. "I-ipinapangako ko na sandali lang ito." Patuloy niya habang nakatingin ng deretso sa mga mata ni Socorro na halos walang kurap ding nakatingin sa kaniya.
Kinurot ni Socorro ang sarili sa pag-aakalang nananaginip lang siya. Ngunit hindi pala. Hindi panaginip ang paglitaw ng bahaghari pagkatapos ng ulan, ang pagdating ng liwanag pagkatapos ng dilim, at ang pagsikat ng araw matapos ang mahabang gabi.
********************
#SocorroWP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top