Kabanata 4: Ang Liham Pag-ibig

[Kabanata 4]

HIGIT sampung minuto nang tinititigan ni Cristobal ang nakarolyong papel na inilagay niya sa likod ng pinto. Kinuha niya iyon kagabi nang maiwan ito ng kapatid ni Jacinto. Nagdadalawang-isip siyang tingnan kung ano iyon ngunit batid niyang hindi tamang pakialaman ang gamit ng iba.

Tumikhim si Cristobal at naglakad papalapit sa salamin. Inayos niya ang kaniyang kuwelyo at manggas. Sinuklay nang kaunti ang buhok saka tumango sa sarili. Ilang minuto niyang pinagmasdan ang nakarolyong papel na sa isip niya ay isang malaking mapa o kaya ay iginuhit na plano ng isang pinapatayong gusali o bahay.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto saka sumilip sa pasilyo. Tahimik ang ikalawang palapag. Maliwanag pa dahil hindi pa pinapatay ang mga lampara sa gilid. Naglakad si Cristobal patungo sa tapat ng silid ni Socorro. Nakita niyang pumasok doon si Socorro nang dali-dali itong umakyat pabalik sa silid kagabi.

Inilapag ni Cristobal ang nakarolyong papel sa tapat ng silid. Plano niyang kumatok saka tumakbo pabalik sa kaniyang silid. Ngunit napatigil siya at napaisip, ang pagtatago ay gawain lang ng isang duwag. Wala naman siyang kasalanan at wala rin siyang dapat itago. Bukod doon ay gusto niyang masiguro na makukuha ni Socorro pabalik ang naiwan nitong gamit.

Akmang kakatok na siya sa pinto nang biglang bumukas iyon. Nanlaki ang mga mata niyang makita ang matandang mayor doma, "A-ano ang iyong kailangan, Ginoong Cristobal?" Gulat na tanong ni Manang Tonya. Bakas sa mukha nito ang pagkabigla nang makita ang binata sa labas ng silid ni Socorro.

Maging si Socorro ay gulat na napabangon at nang magtama ang kanilang mga mata ay pareho silang natigilan. "Hijo?" Ulit ni Manang Tonya dahilan upang matauhan si Cristobal. "K-kanina ko pa po kayo hinihintay. Ang totoo niyan, ibig ko po sanang itanong kung kanino po ito? Nakita ko po ito sa ilalim ng kama." Tugon ni Cristobal na nagpabalik-balik ang tingin kay Manang Tonya at Socorro.

Kinuha ni Manang Tonya ang nakarolyong papel. "Ano ba ito?" Tanong ng matanda sa sarili saka sinubukang buklatin iyon ngunit dali-daling tumakbo si Socorro papalapit sa kanila. "Manang!" Habol ni Socorro sabay kuha sa nakarolyong papel.

"K-kay Concordio po ito. Naglalaro kami kanina." Mabilis na saad ni Socorro na halos walang kurap na nakatingin sa matanda. Mabilis siyang sumulyap kay Cristobal na agad din niyang binawi dahil sa kaba.

"Iyan ba ang hinahanap niyang kayamanan?" Tanong ni Manang Tonya. Naalala niya kanina na nakasalubong niya si Concordio na tila may hinahanap. Ang paghahanap ng kayamanan ang paborito nitong laro.

Tumango ng ilang ulit si Socorro na pilit nilalabanan ang kaba. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang posibilidad na nakita ni Cristobal ang obra. Hindi siya makapaniwala na si Cristobal pa ang nakakuha niyon.

Tumingin si Manang Tonya kay Cristobal at Socorro. Hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang kakaibang kutob na kaniyang nararamdaman. "O'siya, magsitulog na kayo. Magandang gabi sa iyo, Ginoong Cristobal." Wika ni Manang Tonya na lumabas na ng silid. Muling nagtama ang mga mata nina Socorro at Cristobal habang dahan-dahang isinara ni Manang Tonya ang pinto.


KINABUKASAN, pagkatapos ng angelous sa umaga ay naiwan si Socorro sa altar. Pinapabasa ni Doña Marcela sa kaniya ang mga aral sa Bibliya nang kumatok si Manang Tonya. "Doña Marcela, may mahalaga po kayong panauhin." Wika nito, napatigil si Socorro sa pagbabasa ngunit nang tumingin sa kaniya ang Ina ay muli siyang nagpatuloy. Isa sa mga pangaral nito ay huwag makinig sa usapan ng mga matatanda.

"Sino po, Manang?" Tanong ng Doña. Lumapit si Manang Tonya at bumulong, "Narito po sina Señorita Nova at Señorita Juliana," tugon ng matanda nanlaki ang mga mata ni Doña Marcela.

"Juliana? Ang anak ni Don Fernando?" Pagkumpira nito, hindi niya akalaing dadalaw sa kanilang tahanan ang anak ng gobernadorcillo ng kanilang bayan.

Tumango ang matanda bilang tugon. "Bakit? Ano raw ang kanilang sadya?" Tanong ng Doña. Kilala nilang matalik na kaibigan nina Socorro at Amor si Nova ngunit hindi nila akalain na malapit din pala ito sa anak ng gobernadorcillo.

"Ayon kay Señorita Nova ay nais raw makilala ni Señorita Juliana si Socorro." Tugon ng matanda. Sabay na tumingin sina Doña Marcela at Manang Tonya kay Socorro na nakaupo sa silya habang nakaharap sa altar at patuloy na binibigkas ang binabasa.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nagagawang pagsabayin ni Socorro ang pagbabasa at pilit na pakikinig sa kanilang usapan kahit pa hindi niya ito masyado maunawaan. Tumikhin si Doña Marcela at naglakad papalapit sa anak, sumunod sa kaniya si Manang Tonya.

"Ituloy na lang natin ito mamaya. Ikaw ay may panauhin. Naghihintay sila sa salas." Wika ni Doña Marcela. Unang pumasok sa isipan ni Socorro ang gawain nila ni Nova na panghihikayat nito ng mga kakilala. Napangiti si Socorro ngunit agad niyang binawi nang mapagtanto na hindi dapat makahalata ang Ina at mayor doma.

Tumayo si Socorro at magalang na iniabot kay Doña Marcela ang aklat saka nagbigay-galang na animo'y isa siyang dalagita na hindi makabasag pinggan. "Masusunod po, Ina." Magalang na tugon ni Socorro saka mahinahong naglakad papalabas. Ngunit bago niya marating ang pintuan ay muling nagsalita si Doña Marcela.

"Sandali, ikaw ay magpalit ng kasuotan." Wika nito saka sinamahan ang anak sa silid upang bihisan at ayusin ang buhok. Kilalang kagalang-galang at huwaran ng kagandahan at kabutihang asal si Juliana na anak ng gobernadorcillo. Marami itong kaibigan na karamihan ay mga kababaihang anak ng mga opisyal sa Maynila. Bihira lang ito umuwi sa Sariaya.

Samantala, tahimik lang si Nova habang sinusulyapan si Juliana na inililibot ang mga mata sa salas ng pamilya De Avila. Nakaupo sila sa mahabang silya. Hindi mawari ni Nova kung bakit siya nakakaramdam ng tensyon. Hindi siya sanay sa presensiya ni Juliana na dalagang hinahangaan ng lahat. Maging siya ay natutulala na lamang sa kagandahan nito.

Si Juliana Paz Villafuerte ay nag-iisang anak ni Don Fernando Villafuerte. Ang kaniyang mga magulang ay parehong insulares at isa sila sa pinakamayang pamilya sa bayan ng Sariaya. Siya ay labing-pitong taong gulang, matangkad, makinis, may nakakahalinang mga mata, mahahabang pilik mata, payat na mukha, matangos na ilong, at maputing kutis.

Sa edad na labing-pitong taon ay marami na ang nagbabakasakaling umakyat ng ligaw sa kaniya ngunit sadyang pihikan ang dalaga. Ang kaniyang paniniwala ay isang tao lamang ang paglalaanan niya ng puso at iyon ay panghabambuhay na.

"Marahil ay nagdadasal pa sila. Madalas ay tanghali ako pumupunta rito dahil sa mga oras na iyon ay hindi na abala si Socorro." Wika ni Nova sabak inom ng tsaa na inihanda ng mga kasambahay. Sa ganda ni Juliana na tila isang anghel ay nakakalimutan niya ang kaniyang sasabihin.

"Ngayon lang ako nakarating dito. Kay husay pumili ng mga palamuti at disenyo ng kanilang pamilya." Saad ni Juliana habang pinagmamasdan ang salas. Kilala niya ang pamilya De Avila na kabilang sa mga elitista ng kanilang bayan. Minsan na rin niyang nakikita ang magkakapatid sa mga pagdiriwang ngunit tanging sina Remedios at Feliciano pa lang ang kaniyang nakakausap noong minsang umuwi siya ng piyesta.

Nanginginig na ibinaba ni Nova ang tasa sa mesa saka ngumiti, "Ako'y sumasang-ayon. Mahilig sa mga porselanang koleksyon si Doña Marcela." Wika ni Nova. May sasabihin pa sana siyang maganda na magpapaangat sa pangalan ni Socorro ngunit napatigil sila nang makita ang binatang pababa ng hagdan.

Sabay na napatayo sina Nova at Juliana upang magbigay-galang kay Cristobal na noo'y bumagal ang paghakbang pababa sa mga baytang. Halos walang kurap na natulala ang dalawa at sinundan ng tingin ang binata hanggang sa kahuli-hulihang baytang. Itinapat ni Cristobal ang sumbrero sa kaniyang dibdib saka bumati nang patango.

Nang matapos siyang bumati nang hindi nagsasalita ay tumuloy siya sa pasilyo na patungo sa hapag-kainan. Ilang segundong natulala sina Nova at Juliana, sa hindi malamang dahilan ay sandali nilang nakalimutan ang kanilang mga pangalan.

Napalunok si Juliana saka tumingin kay Nova, "Siya ba ang anak na lalaki ni Don Epifanio na nag-aaral sa Europa?" Tanong nito sabay hawak sa tapat ng kaniyang puso. Tulalang napailing si Nova, "Hindi. Ngayon ko lamang nakita ang lalaking iyon." Tugon ni Nova na hindi pa rin nakakabalik sa reyalidad.

"Kung gayon, sino ang..." Hindi na natapos ni Juliana ang sasabihin dahil napatingin muli sila ni Nova sa lalaking mas mabilis na bumababa ng hagdan habang binubutones ang suot nitong tsaleko. Napangiti si Jacinto nang makita ang dalawang binibini na nakatayo sa salas.

Agad niyang tinapat ang sumbrero sa kaniyang dibdib at nagbigay-galang sa dalawang dalaga. "Magandang umaga sa inyo mga binibini." Ngiti ni Jacinto na kilalang magaling sa mabulaklaking mga salita at magiliw sa mga kababaihan.

Nagbigay-galang pabalik sina Nova at Juliana. Napansin ni Nova na nakatingin si Jacinto kay Juliana, "Siya nga po pala, kasama ko po ngayon si Señorita Juliana na anak ni Don Fernando." Pakilala ni Nova.

Nanatiling nakangiti si Jacinto, "Matagal ko nang nais makipagkilala sa iyo, Binibining Juliana. Sa katunayan ay madalas kitang makita sa mga simbahan ng Maynila." Wika ni Jacinto. Tipid na ngumiti si Juliana at nagpasalamat.

Napatakip sa bibig si Nova upang pigilan ang pagtawa. Matagal na rin niyang kilala na magiliw sa mga babae si Jacinto. Tumikhim si Jacinto saka inayos ang kaniyang kuwelyo. Sa naging tugon ni Juliana ay batid niyang hindi ito interesado sa kaniya na agad naman niyang natanggap.

"Kayo ba ay nag-agahan na? Nais niyo bang sumalo sa amin? Pababa na rin si Ama mayamaya." Wika ni Jacinto. Nagkatinginan sina Nova at Juliana, pareho nilang gustong makita at makilala ang binatang dumaan sa kanila kanina lang.

Sasang-ayon na sana sila nang makita si Socorro na mabilis na bumababa sa hagdan. Bumagal lang ito nang makitang nakasunod na pala sina Doña Marcela at Manang Tonya. Nakangiti silang sinalubong ni Socorro. Sa isip ni Socorro ay tagapagligtas niya ang dalawa dahil tiyak na aabutin pa siya ng dalawang oras sa leksyon ng Ina.

Agad nagbigay-galang si Socorro at hinawakan ang kamay ni Nova, ngumiti pabalik si Nova na animo'y ahente at ngayon ay may bago silang kliyente. "Magandang umaga sa iyo, Señorita Juliana. Ako nga pala si Socorro." Ngiti ni Socorro. Hindi siya makapaniwala na sinadya pa siya ng anak ng gobernadorcillo.

Ngumiti pabalik si Juliana at bumati kay Socorro, "Ako'y nagagalak na makilala ka, Señorita Socorro." Tugon ni Juliana, bumungisngis si Socorro dahilan para matigilan sina Juliana, Nova, at Jacinto. Mabuti na lang dahil pababa pa lang ng hagdan sina Doña Marcela at Manang Tonya.

"Tawagin niyo na lang akong, Socorro. Huwag na kayong mag-abala sa mga..." Napatigil si Socorro nang pasimple siyang sinagi sa braso ni Jacinto upang ipaalala ang karapat-dapat na kilos sa harap ng isang bisita na ngayon pa lang nila nakilala.

Sinagi ni Socorro pabalik si Jacinto nang mas malakas. Magkasunod silang dalawa sa magkakapatid at madalas na magbangayan. Nagpatuloy pa sila sa pagsasagihan hanggang sa mapansin na iyon nina Nova at Juliana.

"Siya nga pala, ibig niyo bang sumalo sa agahan?" Tanong muli ni Jacinto upang maiba ang usapan ngunit nagsalita si Socorro. "Huwag na. Sa taas na lang kami mag-aagahan." Ngiti ni Socorro saka hinila si Nova. Gusto sanang sumabay ni Juliana sa agahan ngunit ang dalawang babae na dapat niyang kasama ay naghihintay na sa kaniyang desisyon.

Ngumiti nang tipid si Juliana at tumango saka sumunod kina Socorro at Nova. Bumati at nagbigay-galang sila nang makasalubong sina Doña Marcela at Manang Tonya. Ibinilin ni Socorro na sa balkonahe sila mag-aagahang tatlo saka magiliw na inimbitahan ang dalawang bisita paakyat.

Pagdating nila sa ikalawang palapag ay agad silang inasikaso ni Socorro. Hinila niya ang dalawang silya mula sa pabilog ng mesa sa balkonahe upang paupuin sina Nova at Manang Tonya. "Dito ako madalas nagsusulat. Ang simoy ng hangin at ang halimuyak ng mga bulaklak ay nagpapagaan sa aking isipan." Ngiti ni Socorro na animo'y matagal na silang magkaibigan ni Juliana.

Inilapag na ni Socorro ang maleta na pinaglalagyan niya ng mga papel, pluma, at tinta. Nakasisiguro siya na hindi maghihinala ang sinuman dahil madalas siyang nagsusulat at nagbabasa roon.

"Socorro, sino ang lalaking nakita namin kanina? Siya ba ay pinsan niyo? Wala kang nabanggit sa akin na may kamag-anak kayong tulad niya na kay ganda ng tindig." Ngiti ni Nova na animo'y humahanga sa isang artista sa dulaan.

Lumapit si Juliana na halatang nag-aabang din sa sagot ni Socorro kung sino ang binata. Umiling si Socorro habang isa-isang nilalabas ang papel at pluma. Sandali siyang napatigil nang maalala ang tagpo nila noong isang gabi at kagabi. "Ah, siya ay kamag-aral at kaibigan ni kuya Jacinto. May mga datos silang kinukuha mula sa mga proyekto ni Ama." Tugon ni Socorro, nanatiling nakatingin sa kaniya ang dalawa na animo'y hindi pa kontento sa kaniyang sagot.

"Ibig sabihin... Siya rin ay inhinyero?" Tanong ni Nova. Tumango si Socorro na animo'y hindi sigurado. Ang totoo ay hindi mahalaga sa kaniya kung anong kurso nito. Ang higit na pumupukaw sa kaniyang atensyon ay ang pagtatago nito sa pangalang Palabras.

Lumapit si Socorro sa dalawa na tila may lihim na ibabahagi ngunit napatigil siya nang maalala na may hawak na panlaban sa kaniya ang misteryosong manunulat. Laking-pangamba ni Socorro na nakita nito ang obra at maaaring gamitin itong panakot sa kaniya ni Cristobal. Napahawak si Socorro sa kaniyang sentido, sumasakit ang ulo niya sa ideyang maaaring isipin ni Cristobal na may pagtingin siya sa binata.

"Ano ang kaniyang pangalan?" Tanong ni Nova, tahimik na nakikinig si Juliana na sabik din sa impormasyong malalaman tungkol sa binata. "Cristobal... Cristobal Luis Salcedo." Tugon ni Socorro. May ilang impormasyon na siyang nalaman mula sa kaniyang pananaliksik sa pamilya Salcedo.

"Maging ang kaniyang pangalan ay nakahahalina." Ngiti ni Nova, natawa si Socorro sa kaibigan dahil parang gusto nitong bumuo ng samahan na mga humahanga kay Cristobal.

"Saang pamilya siya nagmula?" Tanong ni Juliana dahilan para mapatingin sa kaniya sina Nova at Socorro. Ang una nitong pakikisali sa kanilang usapan ay may kinalaman pa kay Cristobal.

"Siya ay anak ni Don Rufino Salcedo na siyang gobernadorcillo ng bayan ng Morong, Laguna." Tugon ni Socorro habang tinitingnan ang dami ng bote ng tinta. Napangiti si Juliana sa katotohanang nagmula sa kilalang pamilya at opisyal din ng gobyerno ang ama ng binata.

"Siya nga pala, ano ang maitutulong ko sa iyo, Señorita Juliana?" Tanong ni Socorro na handa nang magsimulang magsulat ng liham para sa bagong kliyente.

"Si Señorita Juliana ay nais magpatulong sa iyo upang makabuo ng liham para sa kaniyang ina na nasa Espanya ngayon. Nais niyang humingi ng tulong upang mas maging madamdamin dahil hindi niya ibig mag-asawa. Nais niyang magsilbi sa kumbento..." Hindi na natapos ni Nova ang pagsasalaysay ng suliranin ng kanilang kliyente nang magsalita si Juliana.

"K-kalimutan niyo na iyon. Hindi na ako magsusulat ng liham para kay Ina." Wika ni Juliana saka napahinga nang malalim. "Maaari niyo ba akong gawan ng liham pag-ibig?" Patuloy nito, napangiti si Socorro dahil mas sanay siyang gumawa ng liham pag-ibig kumpara sa liham patungkol sa Ina.

Nagtaka ang hitsura ni Nova, pinsan niyang babae ang nagpakilala sa kaniya kay Juliana na nagsabing ibig nitong tanggihan ang lahat ng mga manliligaw. Mula pagkabata ay itinanim na ng kaniyang ama't ina sa kaniyang isipan na tungkulin niyang makapangasawa ng mula sa isang kilala at makapangyarihang pamilya.

Nang siya ay magdalaga, mas lalong naging pursigido si Don Fernando na makahanap ng karapat-dapat na mapapangasawa ng nag-iisang anak. Isang lalaki na magpapatuloy ng kanilang mga negosyo at kung papalarin ay magiging susunod na gobernadorcillo ng Sariaya.

Ang pagpasok sa kumbento ay paraan lang ng kaniyang pagtakas. Ang totoo ay gusto niya pa ring makapangasawa at makatuluyan ang taong itinitibok mismo ng kaniyang puso. "Nais ko sanang magsulat ng liham pag-ibig... para kay Ginoong Cristobal." Wika ng dalaga na ikinatahimik ng dalawa.

Nagpalitan ng tingin sina Socorro at Nova. Para kay Nova, hindi na siya lalaban pa dahil siguradong panalo na si Juliana. Bukod doon ay mas nasasabik siyang tunay kay Ambrosio. Samantala, para kay Socorro, isang magaling na manunulat si Palabras, tiyak na wala pa siya kalingkingan nito. Nakaramdam siya ng kaba sa posibilidad na batikusin lang nito ang magagawa niyang liham.

"Handa akong magbayad kahit na magkano. Ang aking ama ay nagmamay-ari rin ng palimbagan sa Maynila. Tutulungan kitang makapagpalimbag ng akda." Patuloy ni Juliana, bakas sa kaniyang mga mata na handa siyang magbakasakali. Unang kita pa lang niya sa binata ay pumintig na agad ang kaniyang puso. Wala pa itong ginagawa ay napukaw agad nito ang kaniyang paningin.

Nanlaki ang mga mata ni Socorro. Ang sinabi ni Juliana ay tila anghel sa kaniyang pandinig. Napatikhim si Nova saka bumulong kay Socorro, "Pasensiya na sapagkat nabanggit ko rin sa kaniya ang iyong pangarap na makapagpalimbag. Batid kong may palimbagan sila sa Maynila."

Hinawakan ni Socorro ang kamay ni Nova bilang pasasalamat, nangingilid na ang kaniyang luha sa tuwa. Sa kaniyang palagay ay aabutin pa siya ng ilang buwan at kailangan niya pa ng isang daang kliyente upang makaipon ng salapi sa pagpapalimbag.

"Tawagin niyo na lang din akong Juliana." Ngumiti nang marahan si Juliana. Marami rin siyang kaibigan ngunit karamihan ay mga taga-Maynila. Sina Nova at Socorro ang una niyang naging kaibigan sa kanilang bayan.

Inilahad ni Socorro ang kaniyang palad sa tapat ni Juliana upang makipagkamay. "Mula sa araw na ito, nawa'y kalugdan mo ang aming serbisyo. Maraming salamat, Juliana!" Ngiti ni Socorro, hinawakan ni Juliana ang kamay niya at pareho silang bumungisngis. Humawak din si Nova dahilan upang sabay-sabay silang tumawa.


TINANAW nina Juliana at Nova ang kalesang sinakyan nina Don Epifanio, Jacinto, at Cristobal. Patungo ang mga ito sa bayan upang ipakita ang iba pang proyektong nagawa ni Don Epifanio. Gumagawa ng tala ang dalawa tungkol kay Don Epifanio at sa mga proyekto nito na bahagi ng kanilang asignatura.

"Akala ko ay ako lang ang umurong ang dila kanina." Tawa ni Nova, ngayon ay masy komportable na siya sa presensiya ni Juliana na inakala niyang hindi umiimik at mahirap biruin.

Ngumiti si Juliana, namumula ang kaniyang pisngi. Kapansin-pansin ang mabilis na pagpula ng kaniyang pisngi dahil sa kaniyang kutis. "Ako rin ay walang masabi kanina." Ngiti nito dahilan para matawa si Nova. Nagsimulang magkuwento si Nova tungkol sa kaniyang manliligaw na si Ambrosio bagay na taimtim na pinakinggan ni Juliana.

Samantala, abala si Socorro sa pagsusulat. Ni hindi niya nilingon ang kalesang papalabas sa kanilang hacienda. Animo'y nasa iba siyang bahagi ng mundo kung saan ay binubuo niya ang mga salitang magpapaganda sa liham. Naglagay siya ng mga sipi at bahagi ng tula mula sa tatlong nobelang isinulat ni Palabras upang mapukaw ang atensyon nito.

Napagkasunduan nila na sa oras na tumugon si Cristobal sa liham ay saka aamin at makikipagkilala si Juliana. Ayon kay Socorro, ito ang unang hakbang upang magkaroon sila ng ugnayan.

Para sa Ginoong laman ng aking isipan,


"Sa puso nahihimbing ang himig ng awitin,

Naglalakbay sa isipan bago sambitin,

Ipinapahayag ang mga sailtang naisin,

Umaawit, sumisigaw, ang aking damdamin."

Nagpatuloy sa pagsusulat si Socorro hanggang sa hindi niya namalayan na tatlong papel na pala ang kaniyang napupunuan. Tumigil siya nang makaramdam ng pagkauhaw at nang makabalik ay binabasa na nina Nova at Juliana ang nagawa niyang liham.

Namumula ang mga pisngi ng dalawa at bakas sa mga ngiti at paggalaw ng mga mata nito ang pagkamangha at pagkasabik sa bawat salitang nilalaman ng liham. "Maaari nating palitan kung..." Hindi na natapos ni Socorro ang sasabihin dahil nakangiting tumingin sa kaniya si Juliana.

"Ito na marahil ang pinakamagandang liham pag-ibig na aking nabasa!" Ngiti ni Juliana, halos hindi na niya mabilang ang mga liham pag-ibig na natanggap niya mula sa mga manliligaw na karamihan ay hindi niya tinapos basahin. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magpapadala siya ng liham sa taong hinahangaan kung kaya't nakadagdag iyon sa kaniya ng kaba at pagkasabik.

Maingat nilang inilagay sa sobre, sinelyuhan at pinahiran ng pabango ang liham. "Paano pala natin ito ibibigay kay Ginoong Cristobal?" Tanong ni Nova. Nawala ang ngiti nila nang mapagtanto na hindi pa nila napagplanuhan iyon.

"Maaari ba nating isilid sa kaniyang silid? Dito siya tumutuloy sa inyo, hindi ba?" Suhestiyon ni Juliana. Naalala ni Socorro ang paghihinala ni Manang Tonya sa kanilang dalawa ni Cristobal. Maging ang naabutan nitong tagpo kagabi kung saan ay akmang kakatok sa kaniyang silid ang misteryosong manunulat.

Napailing ng ilang ulit si Socorro, "Hindi maaari. Kaniyang iisipin na nagmula ang liham na ito sa mga taong naririto sa aming tahanan." Wika ni Socorro, napatango ang dalawa bilang pagsang-ayon. Mas magiging limitado ang mga taong paghihinalaan ni Cristobal kung makukuha niya ang liham sa tahanan ng pamilya De Avila.

"Ipadala na lang natin sa Koreo. Aking nalalaman ang dormitoryong tinitirhan nila ni kuya Jacinto." Suhestiyon ni Socorro na agad sinang-ayunan ng dalawa dahil sa mas maganda nitong ideya. Natawa muli sila at pare-parehong nasasabik sa magiging kahihinatnan ng kanilang plano.


KINAGABIHAN, dalawang oras nang nagbabasa ng mga aral si Socorro sa tapat ng altar ng kanilang tahanan nang dumating sina Segunda, Agustino, Leonora, Amor, at Concordio na nanggaling sa tahanan ng kanilang lola sa tiyahin. Tuwing araw ng Biyernes ay iniimbitahan sila nito sa tanghali at meryenda. Madalas na hinahandugan siya ng tugtugin ni Agustino habang sabay-sabay silang nagbuburda nina Leonora at Amor. Samantala, si Concordio ay hinayaan lang nila maglaro sa labas kasama ang tagapag-alaga nito.

Pilit na nilalabanan ni Socorro ang kaniyang antok at pagod. Binabantayan siya ni Manang Tonya dahil abala si Doña Marcela sa pagluluto. Hindi pa sila kumakain dahil hinihintay pa nila ang pagdating ng kanilang ama. Bukas ay babyahe na rin sina Jacinto at Cristobal pabalik ng Maynila kung kaya't nagpahanda ng maraming putahe para sa hapunan si Doña Marcela.

Alas-siyete na ng gabi nang makabalik sina Don Epifanio, Jacinto, at Cristobal. Nag-impake na muli ang dalawa habang kausap ni Don Epifanio ang mag-asawang Sanchez na matagal na niyang kaibigan.

Si Don Manuel Sanchez ay may mataas na katungkulan sa Kawanian ng Adwana (Bureau of Customs). Ang asawa niya ay si Doña Antonia Sanchez na naging maestra ni Leonora sa pagpipinta. Ang pamilya Sanchez ay makapangyarihan sa Batangas.

Ilang minuto pa silang nagkuwentuhan sa azotea bago sabihin ni Don Manuel ang tunay niyang pakay sa pagbisita sa tahanan ng pamilya De Avila. "Yamang tayo'y matagal ng magkaibigan, ako'y nagbabakasakali kung ikaw ay may anak na babae na nasa takadang edad na upang mag-asawa. Ang aking bunsong anak ay patapos na sa kolehiyo ngayong taon." Wika ng Don dahilan upang mapatigil at mapangiti si Don Epifanio. Napatingin siya sa kusina kung saan masayang nagkukuwentuhan sina Doña Marcela at Doña Antonia.

Ibinaba niya ang tobacco sa mesa, "Hindi mo nalalaman kung gaano ako nagagalak ngayon. Ang aking panganay na anak ay may sarili nang pamilya. Ang pangalawa kong anak ay babae rin na nasa hustong edad na upang mag-asawa." Wika ni Don Epifanio na halos mapunit ang labi sa laki ng kaniyang ngiti. Bukod sa makakapag-asawa na si Segunda ay hindi biro ang maging kabilang sa pamilya Sanchez na kilalang mga negosyante at nagmamay-ari ng maraming lupain sa Batangas. May mga palaisdaan at pinatayong paaralan din ito sa mga karatig bayan.

Hindi na siya makapaghintay na malaman ng asawa ang magandang balita na matagal na nitong ipinagdarasal. Sa wakas ay makakapag-asawa na si Segunda. "Nais mo bang makilala ang aking anak?" Tanong ni Don Epifanio, nakangiting tumango si Don Manuel.

"Aking ikinalulugod na makilala ang aking magiging manugang." Ngiti nito. Agad pinatawag ni Don Epifanio si Segunda. Ibinulong pa ni Don Epifanio sa kasambahay na sabihin agad kay Doña Marcela at sigruaduhing maging presentable ang ayos at kilos ni Segunda.

Napalingon sina Socorro at Manang Tonya sa sunod-sunod na pagdaan ng mga kasambahay sa mahabang pasilyo ng ikalawang palapag. Napatayo ang mayor doma nang makitang nagmamadali si Doña Marcela patungo sa silid ni Segunda.

Hinarang ni Manang Tonya ang isang kasambahay na may bitbit na balde na palanggana na gawa sa kahoy. "Anong nangyari? Masama ba ang pakiramdam ni Señorita Segunda?" Tanong ng matanda. Umiling ang kasambahay saka lumapit kay Manang Tonya.

Tumigil sa pagbabasa si Socorro at buong sikap na umusog papalapit sa pintuan upang marinig ang pag-uusap ng dalawa. "May alok na kasal ang pamilya Sanchez kay Señorita Segunda!" Ngiti ng kasambahay na ikinatuwa rin ni Manang Tonya.

Gusto niyang sumunod sa silid ni Segunda ngunit naaalala niya na kailangan niyang bantayan si Socorro. Nang tumingin siya kay Socorro ay mabilis nitong ibinalik ang mga mata sa binabasang libro. "Dumito ka lang, Socorro. Iyong tapusin ang mga aralin gaya ng utos ng iyong Ina." Bilin nito saka tinawag ang isang kasambahay at inutusang ito ang magbantay kay Socorro.

Samantala, nagmamadali si Doña Marcela sa pag-aayos ng buhok ni Segunda. Wala siyang problema sa hitsura ng anak dahil nagtataglay din ito ng kagandahan. Ang higit niyang ikinababahala ay ang pakikitungo nito sa ibang tao. Tahimik, at hindi pala imik si Segunda, hindi rin ito kasingtalino ng iba niyang mga anak kung kaya't nangangamba siya na baka wala itong masagot sa mga tanong ng magiging biyenan. Bukod doon ay wala rin itong talento na maipagmamalaki, bagay na mas lalong nakadaragdag sa kaniyang alalahanin.

Hinawakan ni Doña Marcela ang kamay ni Segunda bago sila lumabas sa silid. "Naniniwala ako sa iyo, anak. Matagal na nating hinintay ito. Narito kami ng iyong Ama para sa iyo." Wika ni Doña Marcela, napahinga nang malalim si Segunda at napapikit. Hindi na niya matandaan kung kailan ang huling beses na nagkaroon ng alok na kasal para sa kaniya, sa sampung beses na nangyari iyon ay wala nang bumalik muli at karamihan ay nagdahilan na magpapatuloy pa ang mga anak nila sa pag-aaral hanggang sa malaman nila na makalipas lang ang ilang buwan ay ipinagkasundo na ito sa ibang mga dalaga.

Nang mapadaan si Segunda sa altar ay nakita niyang ngumiti at kumindat sa kaniya si Socorro sabay balik muli sa pagbabasa sa takot na magawi ang tingin ng Ina at mahuling sumuway si Socorro.

Agad sumunod sina Leonora, Agustino, at Amor. Tumigil sila sa durungawan ng ikalawang palapag upang tanawin ang mga bisita sa ibaba. Pare-pareho silang kinakabahan ngunit mas lamang ang pagkasabik sa pag-aasawa ni Segunda.

Nang makarating sila sa azotea ay muling napahinga nang malalim si Segunda, "Magandang gabi, Don Manuel at Doña Antonia, malugod po naming ipinakikilala sa inyo ang aming pangalawang anak." Wika ni Doña Marcela saka hinawakan ang likod ni Segunda gamit ang isang kamay.

"M-magandang gabi po, Don Manuel at Doña Antonia. Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ako po si Maria Segunda De Avila. Ako po'y dalawapu't dalawang taong gulang. Pagluluto po ang aking hilig at pinagkakaabalahan." Pakilala ni Segunda na nababakas ang matinding kaba. Nakayuko lang ito at hindi makatingin sa mata ng mag-asawang Sanchez.

Nawala ang ngiti ng mag-asawang Sanchez at nagkatinginan bago muling tumingin kay Segunda at sa mag-asawang De Avila. Hinawakan ni Doña Antonia ang kamay ng asawa senyales na ibig niyang siya na lang ang magsalita at huwag na itong magsabi ng kung ano.

"Kami ay nagagalak ding makilala ka, hija. Hindi namin lubos akalain na nakikita namin ang kabataan ni Marcela sa iyo." Panimula ni Doña Antonia habang pilit na nakangiti, bakas sa hitsura nito ang pangamba kung paano hanapin ang magagandang salita na hindi nakakasakit ng damdamin.

Tumingin si Doña Antonia sa mag-asawang De Avila, "Tunay na kaibig-ibig si Segunda ngunit... ang aming bunsong anak ay dalawampung taong gulang pa lamang. Hindi nga naman dapat maging hadlang ang edad subalit... ibig sana namin na mas bata ang kaniyang mapangasawa." Patuloy ni Doña Antonia dahilan upang mawala ang ngiti nina Don Epifanio at Doña Marcela.

Hindi naman umimik si Segunda, tulad ng dati ay sanay na siyang hindi mapili. Buong buhay niya ay nabubuhay siya sa mga anino ng kaniyang kapatid. Humithit ng tobacco si Don Manuel saka lumapit sa mag-asawang De Avila. Ilang dekada na silang magkakaibigan at madalas sila magsama-sama sa mga pagbabakasyon sa Sugbu noong kanilang mga kabataan.

"Amigo, kung iyong nagugunita ang ugali ng aking mga magulang. Mula sa aming mga ninuno ay ito ang patakarang ipinapasa sa amin. Ako'y hindi tumututol na maging manugang ang iyong napakagandang anak na si Segunda ngunit malaki pa rin ang bahagi ng pagpapasiya ng aking Ama sa usaping ito." Wika ni Don Manuel, hindi man niya sabihin ngunit matagal ng kilala ni Don Epifanio ang pamilya sanchez. Hindi pa tuluyang malayang nakakagalaw si Don Manuel at ang mga kapatid nito dahil nabubuhay pa ang strikto at mapamahiin na punong padre de pamilya ng mga Sanchez.

Tumikhim si Don Epifanio, sinubok na ng ilang dekada ang tatag ng pagkakaibigan nila ni Don Manuel. Minsan na ring sumagi sa kaniyang isipan na makakabuti sa kanilang pamilya ang maging bahagi ng pamilya Sanchez na naging sandigan nila noong mga panahon ng kagipitan at problema. Kailanman ay hindi sila binigo at tinanggihan ng pamilya Sanchez noong nangangailangan sila ng tulong. Ang pagkakataong ito ay hindi nais sayangin ni Don Epifanio. Bilang pagtanaw ng utang na loob ay hindi niya nais biguin ang kaibigan na handang tumulong sa kaniya mula pagkabata nang walang hinihinging kapalit.

Ngumiti nang marahan si Don Epifanio, "Aking nauunawaan, amigo." Wika ng Don sabay tingin kay Doña Marcela, "Dalhin mo rito si Socorro." Patuloy niya na ikinagulat ni Doña Marcela. Sinubukan niyang magsalita ngunit nang makita niyang muling sumilay ang ngiti sa labi ng mag-asawang Sanchez at ang nagsusumamong tingin ng asawa ay wala na siyang nagawa kundi ang sumunod. Gaya ng palagi niyang paalala sa mga babaeng anak na maging masunurin at mapagpakumbaba sa mga asawa.

Walang imik na sinundan ng tingin nina Leonora, Agustino, at Amor si Segunda na sinamahan ni Manang Tonya pabalik sa silid nito. Deretso lang ang tingin ni Segunda na nauuna sa paglalakad. Mabigat ang loob ni Doña Marcela na animo'y wala sa sarili. Hindi siya makapaniwala na harap-harapang mapapahiya si Segunda sa mga bisita at nagawa pang sumang-ayon ni Don Epifanio sa kagustuhan nito.

"Maaari ba naming malaman kung ilang taon na ang iyong sunod na babaeng anak?" Nakangiting tanong ni Doña Antonia. Ang totoo ay ibig niya sanang si Leonora ang mapangasawa ng bunsong anak ngunit malayo na ang edad nito.

"Si Socorro ay labing-anim na taong gulang na." Tugon ni Don Epifanio na sinubukang ngumiti. Animo'y nasagasaan ang dignidad ng kanilang pamilya ngunit sa tuwing maaalala niya ang lahat ng tulong at kabutihang loob ng pamilya Sanchez sa kaniya at sa kaniyang pamilya ay wala siyang magawa kundi ang isipin na kahit papaano ay magagawa na niyang suklian ang malaking utang na loob.

Mula sa altar ay hindi mapakali si Socorro habang kunwaring nagbabasa. Nasasabik na siyang malaman kung kailan ang kasal ng kapatid. Pinaplano na rin niya sa kaniyang isipan ang magiging disenyo at laman ng imbitasyon na ipagpipilitan niyang siya ang gagawa.

Napatigil si Socorro sa pagbabasa nang mapadaan si Cristobal. Bitbit nito ang isang libro na ibabalik niya sa silid-aklatan ng pamilya De Avila. Mabilis na ibinalik muli ni Socorro ang paningin sa pagbabasa nang mapatingin sa kaniya si Cristobal.

Sunod na dumating si Doña Marcela na hindi nagsalita. Nagtatakang tumayo si Socorro nang sabihan siya ng mga kasambahay na kailangan niyang magtungo sa silid at magbihis. Sinubukang magtanong ni Socorro ngunit ni isa ay walang umiimik. Hindi rin makatingin sa kaniya ang mga kasambahay na parehong nalulungkot sa sinapit ni Segunda. Walang ideya si Socorro sa nangyari. Nang tingnan niya ang Ina ay balisa itong pumipili ng damit na ipapasuot sa anak.

Nang makita ni Socorro ang repleksyon sa salamin ay unti-unting nabuo ang kaniyang kutob. Wala siyang ibang maisip na dahilan kung bakit siya inaasikaso ng lahat ngayon at inaayusan. Hinawakan ni Doña Marcela ang kamay ni Socorro nang walang sinasabi. Sinubukang magsalita ni Socorro ngunit ang matinding tensyon na nararamdaman niya mula sa mga tao sa paligid ay napatikom sa kaniyang labi

Nang makalabas sila sa silid at bago makarating sa hagdan ay natanaw niya sa balkon ang mga kapatid. Naroon din si Cristobal na piniling huwag muna bumaba sa salas dahil sa mga panauhin at akyat-babang mga kasambahay.

Mula sa mga malulungkot na mata ng mga kapatid ay nahanap ni Socorro ang sagot. Nang magtama ang kanilang mga mata ni Cristobal ay nauna itong umiwas ng tingin. Hindi maunawaan ni Socorro kung bakit parang pakiramdam niya ay papunta siya ngayon sa kaniyang kamatayan.

Nang makarating sila sa azotea ay sinalubong siya ng magigiliw na ngiti ng mag-asawang Sanchez. Nagagalak silang makita si Socorro na wangis ng kabataan. Para sa kanila ay mas maganda si Socorro kay Segunda. Idagdag pa ang katotohanang mas bata rin ito.

"Magandang gabi, Socorro, hija." Magiliw na bati ni Doña Antonia. Hindi niya akalain na hindi man si Leonora ang makatuluyan ng anak ay nakikita niya rin ito kay Socorro. Hinawakan ni Doña Antonia ang kamay ni Socorro. "Maraming salamat sa iyong pagtanggap sa aming alok. Iyong asahan na ikaw ay aking ituturing na sarili kong anak. Sa makalawa ay isasama na namin dito si Xavier."

Lumapit si Don Manuel at nakangiting bumati kay Socorro, "Nabanggit sa amin ng iyong ama na ikaw raw ay mahusay sa larangan ng panitikan. Ang aking ama ay isang manunulat. Marami na siyang nailathalang libro tungkol sa sipnayan." Ngiti ng Don, napatingin si Socorro sa ama na ngayon ay hindi na makatingin sa kaniya. Ngumingiti rin ito pabalik sa mag-asawang Sanchez na animo'y walang pakialam sa mararamdaman niya.

Nang tumingin si Socorro sa ina ay tahimik na ito at paminsan-minsan ay ngumingiti ng kaunti kahit hindi niya nauunawaan ang usapan. Tumingin sa paligid si Socorro, hindi niya masumpungan si Segunda. Bumabagal at lumalabo rin na parang tunog ng lata ang naririnig niyang boses sa paligid. Ang tawa at ngiti ng kaniyang mga magulang at mga panauhin ay nangingibabaw sa kaniyang tainga.

"Ako'y hindi magpapakasal." Matapang na saad ni Socorro na agad narinig ni Doña Marcela. Nagpatuloy sa pag-uusap sina Don Epifanio, Don Manuel, at Don Antonia. Hinawakan niya ang kamay ni Socorro ngunit pumiglas ito. "Ako'y hindi magpapakasal kahit kailan!" Sigaw ni Socorro dahilan upang mapatahimik ang lahat at mapatingin sa kaniya.

Galit na tiningnan ni Socorro ang mga magulang at ang mag-asawang Sanchez. Nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata dahil sa pagpipigil ng galit na ngayon ay hindi na niya nagawang pigilan pa. Tinanggal ni Socorro ang suot na payneta sa ulo at mga alahas saka ibinato sa sahig na ikinagulat ng lahat. Muli niyang tiningnan ang ama't ina na hindi makapaniwala sa ginawa ni Socorro.

Agad tumakbo si Socorro paakyat habang nakalugay ang kaniyang mahaba at kulot na buhok. Tuloy-tuloy nang bumagsak ang kaniyang mga luha. Agad siyang sinalubong at sinundan nina Agustino, Leonora, at Amor. Naiwang mag-isa si Cristobal sa balkon at tulad ng dati ay hindi makapaniwala sa kaniyang natunghayan.

"P-patawad, amigo. Ako na ang humihingi ng kapatawaran sa inasal ng aking anak..." Hindi na natapos ni Don Epifanio ang sasabihin dahil agad sinuot ni Don Manuel ang kaniyang sumbrero at dali-daling naglakad papalabas. Nakabusangot din ang hitsura ni Doña Antonia na hindi makapaniwala sa walang respetong pagsigaw at paghagis ni Socorro ng mga alahas na animo'y ibinabato nito sa kanilang pagmumukha ang kahihiyan.

Sinundan ni Don Epifanio ang mag-asawang Sanchez na parehong nagmamadaling sumakay sa kalesa at walang imik. "Amigo, pag-usapan natin ito." Pakiusap ni Don Epifanio, sa tanang buhay niya ay tanging sa pamilya Sanchez niya lang nagagawang ibaba ang kaniyang dignidad.

"Huwag mo na akong kakausapin, Epifanio." Galit na wika ni Don Manuel na agad sumigaw sa kutsero na patakbuhin na ang kabayo. Naihagis ni Don Epifanio ang sumbrero sa lupa.

Nakadapang umiiyak si Socorro sa kama habang pinapatahan nina Leonora at Amor. Nakatayo sa gilid si Agustino na hindi nagtaka sa mangyayari. Para sa kaniya ay dapat kinausap muna ng kanilang mga magulang si Socorro dahil walang duda na harap-harapan itong tatanggi kahit sino pa ang kaharap.

Agad nagtungo si Don Epifanio sa silid ni Socorro. Bumalibag ang pinto sa lakas ng pagkakatulak ng Don. Nakasunod sa kaniya si Doña Marcela ngunit sa oras na si Epifanio na ang totoong nagalit ay wala na siyang nagagawa. Madalas na siya ang nagdidisiplina ng kanilang mga anak ngunit pagdating sa galit ng asawa na bihira lang mangyari ay natatahimik na lang din siya.

"Pinalaki ka ba naming walang asal? Ha! Socorro!" Sigaw ng Don dahilan upang mapatayo sina Leonora at Amor sa takot. Bumangon si Socorro, sinubukan nilang pigilan ito ngunit hindi ito nagpapatalo.

"Bawiin mo ang iyong sinabi at humingi ng tawad sa pamilya Sanchez! Kung marapat kang lumuhod sa harap nila ay gawin mo! Pulos kahihiyan at suliranin na lamang ang dulot mo sa pamilyang ito!" Patuloy nito na halos umalingangaw sa buong kabahayan. Nagising si Jacinto na mahimbing na nakatulog matapos mag-ayos ng mga dadalhing gamit. Agad siyang lumabas sa silid at naabutan ang mga kasambahay na nakasilip sa silid ni Socorro. Natanaw niya si Cristobal na nanatiling nakatayo sa balkon ngunit nakatitiyak siyang naririnig din nito ang sigawan dahil malapit sa hagdan ang silid ni Socorro.

"N-ngunit ama... Ako'y walang dapat na ihingi nang paumanhin sa kanila. Buhay ko ang nakasalalay dito. Hinayaan niyo si ate Remedios makapangasawa ng lalaking iniibig niya, bakit hindi niyo kayang gawin iyon sa amin ni ate Segunda?!"

"Socorro!" Suway ni Doña Marcela. Hindi sila makapaniwala na magagawang sagutin nang tahasan ni Socorro ang sarili nitong ama.

"At kung nais nang mag-asawa ng kanilang anak ay marapat lang na siya ang gumawa ng paraan. Paano niyo ipagkakatiwala ang inyong anak sa lalaking inaasa ang lahat sa kaniyang mga magulang?!"

Namumula sa galit si Don Epifanio, hindi siya nangingialam sa pagdidisiplina. Bukod doon ay nababatid niyang bata pa lang ay pilya na si Socorro ngunit hindi niya inaasahan na darating ang araw na ito na magagawa nitong sumagot nang pabalang.

"Ikaw ay aking hinayaan sa mga ibig mong gawin. Kailanman ay hindi ka nakarinig sa akin ng pagtutol. Ito ba ang igaganti mo sa akin? Ito ang napapala mo sa pagbabasa ng mga kanluraning babasahin na iyan?!" Sigaw ni Don Epifanio na agad pinagbabato at pinagpupunit ang mga libro ni Socorro na maayos na nakahelera sa lagayan nito.

Sinubukan siyang pigilan nina Jacinto, Cristobal, at Agustino ngunit mas malakas si Don Epifanio na nagwawala at nagsisisigaw dahil sa matinding galit. Nagmakaawa at lumuluha na rin sina Leonora at Amor. Samantala, patuloy lang ang paghikbi ni Socorro nang hindi gumagalaw sa kaniyang kinatatayuan. Tinitiis niya ang pagkawasak ng kaniyang puso habang pinapanood ang ama na sinisira ang lahat ng kaniyang koleksyon na nobela.

Nang masira ni Don Epifanio ang lahat ng koleksyong libro ni Socorro ay muli niyang tiningnan ang anak na walang imik at patuloy lang na bumabagsak ang luha sa lungkot at galit. "Ano? Hindi ka pa rin makikinig sa akin? Humingi ka ng tawad sa kanila dahil magpapakasal ka sa kanilang anak!"

Napahigpit ang kamao ni Socorro, ngayon ay wala nang mapagsidlan ang labis na galit na kaniyang nararamdaman. Maiksi ang pagtitimpi niya sa mga bagay na hindi dapat nararanasan ng sinuman.

"Hindi ako magpapakasal dahil lang sa kailangan ng babae ng asawa para mabuhay! Bakit kailangan naming isakripisyo ang aming mga pangarap? Bakit kinukulong niyo lang kami sa apat na sulok ng tahanan? Bakit pinipigilan niyo kaming matuto? Bakit kailangan namin kayong asikasuhin sa lahat ng pagkakataon na para bang nabubuhay kami para pagsilbihan kayo at sumang-ayon sa lahat ng inyong kagustuhan?! Bakit hindi namin maaaring gawin ang mga ginagawa niyo? Kayo lang ba ang may utak at karapatang magsalita sa mundong ito?!" Sigaw ni Socorro na ikinagulat at ikinatahimik ng lahat. Dali-daling nagtungo si Segunda sa silid ni Socorro nang marinig ang sigaw nito. Nasa pinakadulo ang kaniyang silid at kinakausap siya ni Manang Tonya kung kaya't hindi niya narinig agad ang sigaw ng ama.

Ang mga salitang iyon ay matagal na niyang kinikimkim sa kaniyang puso. Marami pa siyang gustong gawin. Gusto niyang makapunta sa Europa at tulad ng mga kababaihan doon ay sisikapin niyang makapag-aral at makapaglimbag ng libro. Ang mga pangarap niyang iyon ay nalalaman ng kaniyang mga kapatid, ngunit hindi ng kanilang mga magulang na walang ibang hangad kundi ang mabuhay sila tulad ng kung paano dapat mabuhay ang mga babae sa lipunan.

"Bakit hindi niyo rin inisip ang mararamdaman ni ate Segunda? Nahihirapan na rin siya sa hangarin niyong maikasal na siya sa lalong madaling panahon. Kung hindi ibig ng pamilyang iyon na maikasal ang kanilang anak sa kaunting agwat ng edad ay hindi sila nararapat na maging kabilang sa ating pamilya. Marapat lang silang umalis at huwag nang bumalik pa! Para kaming mga gamit na ipinagbibili sa pamilihan at sa oras na maghanap ang parokyano ng iba ay iaalok niyo ang inyong ibang paninda!" Patuloy ni Socorro, hindi na nakapagtimpi pa si Don Epifanio, nasampal niya nang malakas sa pisngi ang anak.

Agad humarang si Jacinto, "Ama, pakiusap!" Wika nito, hinawakan nina Cristobal at Agustino si Don Epifanio na nanggagalaiti pa rin sa galit. "Epifanio, tumigil ka na! Ikaw rin, Socorro!" Sigaw ni Doña Marcela na pumagitna na rin. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbuhat ng kamay si Don Epifanio sa kaniyang anak.

Agad niyakap nina Segunda, Leonora, at Amor si Socorro na hindi natinag. Ni hindi niya naramdaman ang lakas ng pagkakasampal sa kaniyang pisngi na namumula na ngayon. "Ikaw ang may pinakamatigas na ulo sa lahat! Lumayas ka ngayon din sa pamamahay na ito!" Sigaw ni Don Epifanio habang dinuduro ang anak at pinipigilan ng mga lalaki.

Hindi na maawat sa pagluha si Doña Marcela. Pilit niyang pinapatigil ang asawa na tuluyan nang naubusan ng pasensiya hanggang sa magawa nila itong hilahin papalabas sa silid ni Socorro. Magkakayakap na umiyak ang mga babaeng De Avila. Hindi nila akalain na hanggang sa huli ay babae pa rin ang walang pag-aari at magdudusa.


MADALING araw na ngunit tulala pa rin si Socorro habang yakap-yakap ang tuhod at nakasiksik sa sulok ng kama. Kung dati ay bawal lang siya magtungo sa puno ng Acasia hanggang sa bawal na siyang lumabas sa kanilang tahanan, ngayon ay bawal na siyang lumabas sa kaniyang silid. Kumakabog pa rin nang malakas ang kaniyang puso habang walang awat na bumabagsak ang kaniyang mga luha dahil sa matinding hinanakit.

Ngayon ay nakasisiguro siyang ipapasok na siya sa kumbento ng Sariaya. Kung matindi pa ang galit ng kaniyang ama ay tiyak na sa Sugbu siya ipapadala. Narinig niyang nag-uusap kanina sa labas ng kaniyang silid ang mga kasambahay. Kani-kaniyang palagay kung saan dadalhin si Socorro. Ang sabi ng isa ay maaaring sa tahanan ng lola sa tiyahin lang ito dadalhin o kaya sa tahanan ni Remedios. Lingid sa kanilang kaalaman na higit pa roon ang kayang gawin ng kaniyang mga magulang na sa isip niya'y walang ibang nalalaman kundi ang magparusa.

Nakatitig si Socorro sa nag-iisang lampara na nakapatong sa sahig at nasa tapat niya. Kung siya ang papipiliin ay mas gugustuhin niyang lumayas nang walang ibang nakakaalam. Sa tindi ng kaniyang sama ng loob ay isinumpa niya sa sarili na hindi na siya babalik kahit kailan.

Napatigil si Socorro sa paghikbi nang makita ang nakatuping papel na lumusot sa maliit na uwang sa ilalim ng pinto. Agad siyang gumapang papalapit sa pintuan, pinahid ang luha gamit ang kaniyang braso, at kinuha, madalas nilang gawin iyon ni Amor sa tuwing may ipaparating silang mensahe sa isa't isa o kaya ay planong pagtakas, pagpuslit sa kusina, o pagtungo sa puno ng acasia sa gitna ng gabi na hindi maaaring malaman ng kanilang mga magulang.

Ngunit laking-gulat ni Socorro nang mapagtanto na hindi galing kay Amor ang mensahe. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mabasa sa dulong bahagi ng papel ang pangalan ni Cristobal.


******************

#SocorroWP

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top