Kabanata 24: Palabras Perdidas

[Kabanata 24]

TATLONG bata ang mabilis na tumakbo patungo sa kumpol ng mga tao at sumampa sa kariton upang makiusyoso sa mga nakatayo sa labas ng La Librería. Ilang araw makalipas mailathala ang unang yugto ng akda ni Palabras Perdidas ay naging bukambibig ito ng mga mamamayan sa iba't ibang bayan.

Kinagiliwan ng mga tao ang kuwento nina Felipe at Paloma. Mahaba ang pila sa labas ng La Librería. Madalas ay nauubos ang mga librong nailimbag sa isang araw kung kaya't kinabukasan ay muling bumabalik ang mga nais makabili ng kopya.

Naging laman din ng mga pahayagan ang nobela na nagdulot ng ngiti sa mga mamamayan. Ang mga babae sa beateryo ay palihim na nagbabasa, sa tuwing dumadaan ang mga sor ay mabilis nilang tinatago ang libro. Nagagawa ring magpasahan ng libro ang mga estudyante sa kolehiyo. May ilang kunwaring nagbabasa ng lektura ngunit nakatago ang nobela sa ilalim ng kanilang mesa.

Ang mga hindi marunong magbasa ay nakikinig na lamang sa malakas na pagbasa ng ilang nagboluntaryong magbasa ng bawat kabanata sa gitna ng pamilihan. Ang ilan sa mga doña na hindi mahilig magbasa ay nagbayad ng mga estudyante na pababasahin nila sa oras ng siyesta habang nakikinig din ang mga kasambahay na nakasilip sa pintuan.

Nakatayo si Cristobal habang pinapanood ang paghithit ni Don Julio ng tobako. Inilapag nito ang paunang bayad sa pagiging redactor niya sa unang yugto. "Ako'y nagtataka lamang... ikaw ay anak ni Don Rufino na nag-aari ng maraming lupain. Para saan mo ginagasta ang iyong sahod? Hindi ka ba niya pinapakain?"

"Hindi ko lang po ugali ang humingi nang humingi," tugon ni Cristobal. Totoo na kailanman ay hindi siya humingi ng salapi o pabor sa ama. Hindi naman nagkulang si Don Rufino sa pagsagot sa kaniyang matrikula at bayad sa dormitoryo, maging sa mga gamit niya sa pag-aaral at pasahod kay Mang Carding na kaniyang kutsero.

Tumango nang ilang ulit si Don Julio, "Nauunawaan ko ang iyong punto. Ngunit wala namang masama na humingi ang anak sa kanyang ama, hindi ba?" Saad ni Don Julio habang nakatitig kay Cristobal. Naalala niya ang kaibigang tumulong sa kaniya upang makapagpatayo ng tindahan ng mga libro at palimbagan. Si Honorata na siyang nagsulat ng unang yugto ang naging dahilan ng kanilang pag-asenso.

Lumapit si Cristobal at kinuha ang salaping nakapatong sa mesa saka ibinulsa. "Salamat po sa inyong oras, Don Julio. Mauuna na po ako," saad ni Cristobal na piniling hindi sagutin ang tanong ni Don Julio.

Makalipas ang ilang buwan. Marami pa rin ang naghahanap ng unang yugto. Gayundin ang mga nagtatanong tungkol sa kasunod nito. Naglalakad si Honorata palabas sa pamilihan. Paika-ika ang kaniyang lakad. May salaping ibinibigay si Don Julio sa kaniya ngunit hindi niya ito ginagastos pambili ng sariling damit o magawang ipagamot ang sarili. Ang lahat ay itinabi niya para sa anak. Inilagak niya ang lahat sa bangko para kay Cristobal.

Napatigil si Honorata nang makita ang isang binata sa Paz del Cielo. Inihagis nito ang suot na sombrero at mga dalang libro sa lupa. Bakas sa hitsura at kilos ng binatang estudyante ang matinding galit.

Pinagmasdan ni Honorata ang binata, namumukhaan niya ito ngunit hindi niya matukoy ang pangalan. Isang estudyanteng kapareho ng suot nitong uniporme ang patakbong lumapit sa galit na binata.

"Ambrosio, pinapatawag ka ng vice-rector!"

"Iyong sabihin na hindi mo ako nakita. Hindi na nila ako makikita kahit kailan!"

"Ang iyong ama... darating daw..."

"Hayaan mo siya. Hayaan mo sila!"

Namumula ang mukha ni Ambrosio. Matagal siyang nagtimpi. Ang ilang pasaring niya ay dinaan niya sa biro. Ngunit ngayong araw ay hindi na siya nakatiis. Nakasagutan niya ang isang propesor na lagi siyang pinag-iinitan dahil ang kaniyang ama ay naging hukom sa kaso ng kapatid ng propesor, nahatulan ng pagkabilanggo ang kapatid nito na labis na ikinagalit ng pamilya nito.

Bukod doon ay wala siyang natututunan sa klase, wala siyang napapala kundi mga pasaring na kaniya ring sinasagot sa tuwing natatawag siya. Hindi niya rin matanggap na nagbabayad sila nang labis para sa lektura na puno ng pagpapasaring at walang kabuluhan.

Tumakbo pabalik ang kaklase ni Ambrosio sa klase. Tinanggal ni Ambrosio ang mga butones ng kaniyang uniporme. Nasasakal na siya at hindi makahinga. Ilang sandali pa ay napatigil siya nang makita ang isang ale na paika-ikang naglalakad at dinampot ang mga librong itinapon niya.

Pinagpagan ng ale ang mga libro, "Iyo bang nababatid kung gaano karami at kahirap ang pinagdadaan ng isang papel bago maging isang buong aklat?" Tanong ng ale na dahan-dahang tumayo habang tinitingnan ang mga pahinang narumihan.

"Walang pahina sa librong ito ang hindi dumaan sa mahirap na proseso bago maging makinis at malagyan ng kabuluhan. Ang isang blangkong papel ay walang saysay hangga't hindi nasusulatan." Iniabot ng ale sa kaniya ang mga libro.

Hindi nakapagsalita si Ambrosio saka tinanggap ang librong kaniyang isinawalang-bahala. Inilibot ni Honorata ang kaniyang mga mata sa paligid. Napapaligiran ng matataas na puno ang lugar na pinupuntahan niya sa tuwing nais niyang mag-isa.

"Ang lugar na ito ay tinatawag na Paz del Cielo. Ipikit mo ang iyong mga mata at damhin ang kapayapaang bumabalot sa lugar na ito," wika ni Honorata na ngumiti nang marahan. Naalala niya ang anak na sa tingin niya ay kasing-edad na rin ng binatang nasa harap niya.

Nagtaka ang hitsura ni Ambrosio. Hindi niya alam kung dapat ba niyang sundin ang sinasabi ng isang estranghero. Itinaas ni Honorata ang kaniyang kamay na para bang sinasabi niya na subukan nitong ipikit ang kaniyang mga mata. "Damhin mo ang hangin at ang mga huni ng ibon."

Tumikhim si Ambrosio saka dahan-dahang ipinikit ang kaniyang mga mata. Kung malapit lang ang kaniyang tahanan ay nagawa na niyang umuwi at matulog. Ngunit ngayon ay nais muna niyang ilabas ang kaniyang galit matapos umalis nang padabog sa klase.

Matapang siyang gawin iyon dahil alam niyang kaya siyang pag-aralin ng ama sa ibang paaralan. Maaari rin siyang ipadala sa Europa at doon ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa abogasya. Matapang siya dahil mayaman ang kaniyang pamilya. Matapang siya dahil maraming paraan ang maaari niyang pagpilian.

Ngunit ang lahat ng tapang at galit na namamayani sa kaniyang puso ay unti-unting humupa nang maramdaman niya ang malamig na dampi ng sariwang hangin. Ang huni ng mga ibon ay umaawit sa kaniyang pandinig. Maging ang amoy ng mga puno at dahon ay tumatatak sa kaniyang alaala.

Nang imulat ni Ambrosio ang kaniyang mga mata ay wala na ang ale na kausap niya. Nagpalinga-linga siya ngunit hindi na niya ito nasumpungan. Nakita niya ang isang libro na nakapatong sa isang mahabang tarangkahan na gawa sa semento at bato.

Kinuha niya ang libro sa pag-aakalang pag-aari niya ito. Subalit napagtanto niya na hindi iyon sa kaniya nang mabasa ang pamagat ng nobela na isinulat ni Palabras Perdidas. Sa unang pahina ay naroon ang lagda ng misteryosong manunulat at ang pangalan ng La Librería kung saan niya ito matatagpuan.

Ang ikalawang yugto ay sinimulan ni Ambrosio. Lahat ng hinanakit ni Felipe ay kaniyang nararamdaman bilang isang estudyanteng hindi makagalaw ng malaya sa sariling lupain. Bagaman siya ay nabibilang sa mataas na antas ng lipunan, ang pagiging bata niya ang siyang dahilan kung bakit hindi pinapakinggan ang kaniyang boses.

Labis ang saya ni Ambrosio nang mabasa ang mensahe na pinadala sa kaniya ng unang Palabras. Ang piraso ng papel na iyon ay inipit niya sa libro na palagi niyang dala. Ang manuscrito ay dumaan sa matinding pagsusuri ng redactor na bagaman hindi niya noon nakikilala ay hinangaan niya sa kakayahan nito.

Nang mailathala ang ikalawang yugto ay mas lalong naging matunog ang pangalan ni Palabras Perdidas. Marami ang nagnanais na makilala ang manunulat kung kaya't naghihintay sila sa anunsyo ng La Librería. Karamihan ay mga binibini na nagpapalagay na isang makisig na binate tulad ni Felipe ang misteryosong manunulat.

Ngunit nabigo sila. Nabigong mapansin ang isang ale na bumaba sa kalesa at tumigil sandali sa tapat ng tanyag na tindahan ng mga libro. Iniyuko ni Honorata ang kaniyang ulo suot ang isang itim na balabal sa takot na may makakilala sa kaniya sa Maynila.

Naabutan niyang naninigarilyo si Don Julio habang kausap si Ambrosio. Magalang na bumati ang dalawa nang dumating siya. Bumati rin siya pabalik sa pamamagitan ng pagyuko nang kaunti. "Ni isa ay walang naghinala na magkaiba ang boses nating dalawa," saad ni Honorata saka tinapik nang marahan ang balikat ni Ambrosio.

"Siya nga, ni hindi ko rin matukoy na magkaiba ang nagsulat ng dalawang yugto," pagsang-ayon ni Don Julio habang binabasa ang ikatlong yugto na sinisimulan ni Ambrosio at ng iba pang mga kasapi.

Napangiti si Ambrosio. "Maging sa aking pagtulog ay naririnig at nababasa ko ang mga salitang ginamit niyo sa unang yugto. Itinuloy ko lamang ang inyong nasimulan." Napangiti sina Honorata at Don Julio kay Ambrosio na maging sa pagsasalita ay lumalabas ang pagiging makata.

"Malaki rin ang tulong ng redactor upang mas maging malinaw at maganda ang ating akda," saad ni Ambrosio. Napatingin si Honorata kay Don Julio. Minsan na niyang tinanong kung sino ang redactor ngunit sinabi nito na hindi nais magpakilala ng redactor.

Tumikhim si Don Julio saka sumandal sa silya, "Mahalaga pa bang malaman iyon?" Tanong ni Don Julio. Nagtatalo ang kaniyang isipan kung ipagtatapat na si Cristobal ang redactor.

"Bakit naman hindi? Siya ay bahagi rin ng La Librería," tugon ni Honorata na umupo sa katapat na silya. Nanatiling nakatayo si Ambrosio sa tabing-mesa.

"Siya'y hindi natin kasapi. Wala siyang nalalaman sa ating layunin," paglilinaw ni Don Julio saka muling tumikhim. "Sa aking palagay ay hindi siya aayon sa ating layunin kung kaya't hindi ko na sinubukang banggitin sa kaniya ang tungkol kay Palabras."

"Siya't hindi interesado malaman kung sino si Palabras?" Nagtatakang tanong ni Ambrosio. Halos bukambibig ng mga babae, lalaki, matanda at bata kung sino ang misteryosong manunulat. Hindi niya akalain na hindi interesado ang redactor sa manunulat na kaniyang tinutulungan.

"Hindi. Nais lang niya ng pagkakaabalahan... at ng salapi," tugon ni Don Julio. Hindi siya sigurado sa huli niyang sinabi. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pa ni Cristobal ng sahod gayong isa itong Salcedo.

Napahalukipkip si Ambrosio, "Kung sabagay, mas mabuti na ring kaunti lang ang nakakaalam ng ating layunin," saad ni Ambrosio na kumuha ng tubig ngunit tinapik ni Don Julio ang kaniyang kamay.

Nilakihan ni Don Julio ang kaniyang mata, senyales na pinapaalis na niya ito dahil may mahalaga silang pag-uusapan ni Honorata. Naunawaan agad ni Ambrosio ang nais mangyari ni Don Julio kung kaya't nagpaalam na siya at lumabas sa opisina ng Don.

"Tungkol sa ikatlong yugto, ano ang balak mo?" Tanong ni Don Julio. Ngayon pa lang ay binibilang na ng kaniyang isipan ang mga salaping kikitain sa sunod na yugto ni Palabras.

Nanatiling nakatingin si Honorata sa tabing-bintana kung saan niya nakikita ang ilang mga kalalakihang estudyante na pauwi na galing sa kani-kanilang klase. Sa dami ng mga tao ay umaasa pa rin siya na magkaroon ng himala at masumpungan ang anak.

"Ilathala natin ang ikatlong yugto bago matapos ang taong ito. Ang magiging huling laban natin ay ang ikaapat na yugto. Magtutungo ako sa Norte upang hanapin ang iba pang aayon sa ating layunin," tugon ni Honorata habang nakatingin sa bintana.

Sumilay ang malaking ngiti sa labi ni Don Julio, bago matapos ang taon ay makakabili na rin siya ng iba pang lupain. Kakatapos lang din niya ipagawa ang kaniyang marangyang mansyon sa Maynila.

"At ano ang ipapangako mo sa kanila? Magiging sapat ba ang salapi? Pasalamat na lang tayo dahil hindi nangangailangan ng sahod si Ambrosio," saad ni Don Julio sabay halukipkip. Malaking hiwaga pa rin sa kaniya kung paano nagagawang hikayatin ni Honorata ang mga may potensyal na maging Palabras Perdidas. Hanggang ngayon ay malaking hiwaga pa rin sa kaniya kung paano rin siya nahikayat ni Honorata na magtayo ng sariling aklatan at palimbagan.

"Bagaman walang kasiguraduhan ngunit hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan. Ipinangako ko sa kanila ang Kalayaan. Ang kalayaang marinig ang sarili nilang boses, ang boses nila para sa iba, at ang boses nila para sa bayang ito." Hindi nakapagsalita si Don Julio. Namalayan na lang niya ang sarili na tumatango at sumasang-ayon kay Honorata lalo na't nagawa siyang payamanin nito.

"Hindi mo ba napapansin na halos mga kabataan ang ating kasama? Dahil ang mga kabataan ang magiging sunod na kinabukasan ng mundong ito. Sila ang higit na may lakas kumpara sa matatandang tulad natin. Ang pagbabago ay kanilang matatamasa nang matagal dahil sila'y bata pa. Ang kanilang hangarin, ang kanilang kaisipan, ang kanilang puso ay naglalaman ng maraming pag-asa. Sila ang magtutuloy ng ating nasimulan."

Sandaling naghari ang katahimikan. Kung minsan ay nakakaligtaan ni Don Julio ang mensahe ng mga nobela ni Palabras dahil mas nangingibabaw ang kaniyang hangarin na kumita.

"Kumusta si Cristobal?" Tanong ni Honorata dahilan upang mapatigil si Don Julio. Agad siyang umiwas ng tingin nang tumingin sa kaniya si Honorata sa pangambang natuklasan na nito na tinanggap niyang redactor si Cristobal. "May balita ka ba tungkol sa kaniya? Hindi na raw siya umuuwi sa Laguna," patuloy ni Honorata. Ang mga mata nito ay nangungulila. Nangungulila sa piling ng anak.

Umayos nang upo si Don Julio, pakiramdam niya ay hindi pa nalalaman ni Honorata ang tungkol sa redactor. "Ang balita ko ay mas madalas siyang manatili sa tinutuluyang dormitoryo rito sa Maynila. Iyong pag-aari ni Aling Sita."

Napayuko si Honorata. Tuwing nababalitaan niya kung nasaan si Cristobal ay nagagawa niya itong pagmasdan mula sa malayo. At sa tuwing nakikita niya ang maayos na bihis nito, ang mga dalang gamit na hindi niya kayang ibigay noon, ang karwahe na sinasakyan nito na nagpapadali sa lakad ng anak ay bumabalik ang kaniyang hinanakit kung bakit siya pa ang naging ina nito. Isang dukha na kahit butil ng bigas ay wala siyang maibigay.

Nilalaro ni Don Julio ang dulo ng papel ng manuscrito habang nagdadalawang-isip kung dapat bang ipasok niya muli sa usapan si Cristobal. Tumikhim si Don Julio saka sumandal muli sa  kaniyang silya, "Bakit hindi natin hikayatin si Cristobal? Kung malalaman niya na ikaw ang... Siya'y makikinabang din sa pinaglalaban nating ito sa oras na magtagumpay tayo."

Nanatiling nakayuko si Honorata. Pinagmamasdan ang kaniyang mga kamay na tumatanda na rin. "Hindi ko nais na malaman niya na ang kaniyang ina ay magagawang kumitil ng buhay. Mas mabuting isipin na lamang niya na matagal na akong patay." Natahimik si Don Julio. Hindi na niya madugtungan ang sasabihin. Malinaw sa kaniya na hindi makakabuti kapag nalaman ni Honorata na si Cristobal ang redactor.

Nagsalin ng tubig sa baso si Don Julio saka itinulak ito nang marahan papalapit kay Honorata. "Hindi niya rin malalaman ang iyong pinagdaanan kung hindi mo lalakasan ang iyong loob na magpakita at kausapin siya." Walang nasabi si Honorata. Napatingin siya kay Don Julio. Kung may kahuli-hulihan siyang nais ibaon hanggang sa kaniyang kamatayan, ito ay ang kahihiyan niya bilang isang ina.


NANATILI si Cristobal sa likod ng isang malaking puno malapit sa sementeryo habang pinagmamasdan sina Honorata at ang pamangkin ni Don Julio na nakatayo sa tapat ng pinaglibingan sa labi ng yumaong Don. Hindi sila nagtagal doon. Hindi pa tapos ang pari sa kaniyang pagbabasbas ay marahan nang inalalayan ng lalaki si Honorata pasakay sa isang nag-aabang na kalesa.

Agad pumara ng paparating na kalesa si Cristobal upang sundan ang dalawa. Kumakabog nang malakas ang kaniyang dibdib. Animo'y sinasalungat niya ngayon ang malakas na agos pababa ng talon. Kung totoo nga ang kaniyang kutob na may kinalaman ang babaeng nagsilang sa kaniya sa mga misteryosong manunulat ay hindi na niya alam ang kaniyang gagawin.

Tumigil ang kalesang kaniyang sinusundan sa palimbagan ng La Librería. Kasalukuyang pinatigil ng operasyon ang palimbagan at binabantayan ito ng mga guardia ngunit nakapasok ang kalesang sinasakyan nina Honorata at ng pamangkin ni Don Julio.

Bumaba si Cristobal sa kalesa at pinagmasdan ang labas ng palimbagan. Hindi niya maunawaan kung paano madaling nakapasok ang dalawa sa isang gusali na nasa ilalim ng imbestigasyon. Hindi dapat nakakapasok ang sinuman doon bukod sa mga abogado at piskal na humawak sa kaso.

Ilang sandali pa ay nakita ni Cristobal ang dalawang kariton na may malaking tabing na pinapasok din ng tatlong guardia na bantay sa palimbagan. Ilang minuto pang nanatili sa malayo si Cristobal hanggang sa muli niyang matanaw ang dalawa pang kariton na tulak ng apat na lalaki ang magkasunod na pumasok muli.

Sinuri ni Cristobal nang mabuti ang palibot ng palimbagan. Ang lahat ng mga gusaling itinatayo ay nalalaman niyang may mga bintana sa itaas upang makatulong sa bentilasyon. Oras ng tanghali nang magpalit ang mga guardia. Agad tumawid si Cristobal sa kabilang kalsada habang abala ang mga ito at sumampa sa mataas na bakod sa bandang gilid. Nahirapan siya sa pag-akyat ngunit nakalundag siya sa kabila bago pa pumwesto ang bagong guardia sa harap.

Payukong naglakad si Cristobal patungo sa likuran ng palimbagan at sandaling sumandal sa dingding nang makitang lumabas ang dalawang nagtutulak ng kariton upang hakutin ang kanilang mga dala. Hindi maunawaan ni Cristobal kung ano ang mga malalaking kahon na buhat ng mga ito.

Hindi nagtagal ay lumabas muli ang dalawa tulak-tulak ang kanilang kariton. Nagkalat ang kumpol ng mga lumang dyaryo sa labas ng palimbagan. Maingat na naglakad si Cristobal papasok sa pintuan na naiwang bukas. Nang makapasok siya sa loob ay payuko siyang naglakad at nagtago sa malalaking makinarya na ginagamit sa pagpapalimbag.

Tahimik ang loob. Walang katao-tao. May mga puting kumot pang nakatakip sa mga makinarya. Nagkalat ang ilang punit na papel sa sahig at alikabok sa ere. May mahihinang bulungan na narinig si Cristobal mula sa opisina ng palimbagan. Minsan na siyang nagtungo roon sa tuwing ipinapatawag siya ni Don Julio. Tumigil si Cristobal sa tabi ng pintuan at sumilip sa maliit na uwang ng pinto.

"Nakahanda na ang lahat. Sa oras na maakyat ang kaso na kinakaharap ng redactor ay sisimulan na natin ang pag-aalsa," saad ng pamangkin ni Don Julio. Hindi umimik si Honorata na nanatiling nakaupo sa silya.

Napahinga nang malalim ang lalaki. Nararamdaman niya na nakokosensiya si Honorata. "Si Tiyo Julio ang humingi sa 'yo ng pabor na maghanap ng pampatulog. Matagal na siyang handa sa kamatayan. Huwag niyo pong sisihin ang iyong sarili." Napayuko si Honorata. Tuluyan nang dumaloy ang mga luha sa kaniyang mat ana kanina niya pa tinitiis habang sumasabay sa agos ng mga taong nakiramay sa libing.

"Kami man ay nangungulila sa kaniya subalit higit nating pagtuunan ng pansin ngayon ang huling hakbang... si Ambrosio ang bagong hukom... kailangang makarating ang kaso sa Audencia." Nanlaki ang mga mata ni Cristobal nang makarinig pa ng ibang boses. Inilipat niya ang mga mata sa maliit na uwang upang makita ang isa pang lalaki na nasa loob ng opisina.

Nakaupo ito sa dating silya ni Don Julio habang humihithit ng tabako. Naramdaman ni Cristobal ang panghihina ng kaniyang tuhod nang makilala ang lalaking naroon sa opisina kasama nina Honorata at pamangkin ni Don Julio.

"Wala pa ring bang balita kay Rufino? Tiyak na siya'y magigitla sa oras na siya'y dakpin sa Sugbo." Ngiti ni Don Amorsolo sabay buga ng usok. Dahan-dahang napahakbang paatras si Cristobal.

Unti-unti niyang pinagtagpi-tagpi ang mga nawawalang pahina. Ang biglaang pagbabalik ni Ambrosio ay may kinalaman sa paghawak nito ng kaso ukol sa La Librería. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit hindi ito tumakas. Nanatili ito sa bansa upang maging hukom at panigan ang kanilang samahan. Ito ang hahawak sa kaso ng mga maaakusahan sa La Librería kasama si Jose na tumatayong abogado ngayon ni Socorro at siyang magdidiin lalo kay Socorro. Kailangan nilang magsakripisyo ng isa para sa kapakanan ng nakararami.

Si Don Amorsolo Del Rosario noon pa man ay malaking inggit sa kaniyang ama. Ngayong kaanib na nito ang kaniyang ina na may galit din kay Don Rufino ay nangangahulugang isa sa pababagsakin nila ang pamilya Salcedo.

Natabig ni Cristobal ang isang kahon dahilan upang kumalat ang mga laman nito. Nanlaki ang mga mata niyang makita ang mga mahahabang baril, bala, at dinamita na nagkalat na ngayon sa sahig.

Huli na bago niya pa maisipang tumakbo dahil dali-daling lumabas ang pamangkin ni Don Julio. Gulat ding napatayo sina Don Amorsolo at Honorata. Maging ang mga guardia na nagbabantay sa labas ay agad pumasok nang marinig ang ingay.

"A-anong..." Gulat na naituro ni Don Amorsolo si Cristobal. Ni isa ay walang nakapagsalita. Hindi nila akalaing makikita ang anak ni Don Rufino. Sa dinami-rami ng nakatuklas sa kaniyang pagkukubli ay nanatiling nakatingin si Cristobal sa babaeng hindi na niya kayang tawagin ngayong ina.

Bago pa makapagsalita si Cristobal ay isang malakas na puwersa ang tumama sa kaniyang batok dahilan upang mawalan siya ng malay.


PILIT na pinapakiramdaman ni Socorro ang kaniyang mga daliri habang nasa loob ng bilangguan. Nalalaman niya na ilang minuto na lang ay dadalhin na siya sa hukuman. Muli siyang napailing sa sarili nang maalala ang lagda ni Don Rufino sa petisyon na pinakita sa kaniya ni Jose noong isang araw. Ang petisyon na iyon ay nagmula sa mga opisyal na nagnanais na magkaroon ng imbestigasyon kay Palabras Perdidas at sa La Librería.

Tumayo si Socorro at muling naglakad nang pabalik-balik. Nababatid niyang hindi biro ang petisyon dahil isa sa mga lumagda roon ang dating punonghukom. Napatigil si Socorro nang marinig ang pagdating ng mga guardia. Laking-gulat niya nang makita sina Segunda at Amor.

"Socorro..." Bakas ang matinding pag-aalala sa boses ni Segunda. Napansin ni Socorro ang malulungkot nitong mga mata at labis na pagkabahala nang dahil sa kaniya. Gayunpaman, masasabi niyang mas maaliwalas ang hitsura ni Segunda ngayon.

"K-kailan ka pa dumating?" Hindi malaman ni Socorro ang sasabihin. Ngayon ay nakaramdam siya ng hiya dahil ang malinis na pangalan ng kanilang pamilya ay nadawit sa isang kaso.

Agad hinawakan nina Segunda at Amor ang kamay ni Socorro. "Kaninang umaga. Kumusta? Kumusta ang pakikitungo nila sa 'yo rito? Ikaw ba ay binibigyan ng sapat na pagkain?" Nag-aalalang tanong ni Segunda. Noong Semana Santa pa sila huling nagkita ni Socorro. Ngayon ay mas lalo siyang nakaramdam ng konsensiya dahil hindi siya nakauwi noong Pasko at Bagong Taon.

Umiling si Socorro. Animo'y nabawasan ang kaniyang takot nang makita ang mga kapatid. Lumipas man ang panahon. Magkaroon man sila ng kani-kaniyang pamilya. Hindi pa rin mawawala ang tibay ng kanilang samahan na siyang kanilang naging sandigan.

"Huwag kayong mag-alala. Sa ngayon ay pinapakiramdaman ko rin ang mangyayari. Hinihintay ko rin ang mga maipapayo ni Jose. Ayon kay Ama ay makakaasa tayo sa kaniya dahil isa siya sa mga mahuhusay na abogado sa Maynila," saad ni Socorro. Napayuko si Segunda at tumango bilang pagsang-ayon.

"Kasama mo si Romeo?" Tanong ni Socorro. Tumango si Segunda bilang tugon. Magsasalita pa sana siya ngunit napalingon si Socorro kay Amor nang hawakan nito ang isa niya pang kamay na nakahawak sa rehas.

"Ate Socorro... Ayon kay Kuya Feliciano ay nasunog daw ang La Librería sa Maynila at ang tahanan ni Don Julio. Ngayon ay nahihirapang makakuha raw ng ebidensiya roon lalo pa't iyon ang pangunahing opisina ni Don Julio," saad ni Amor dahilan upang mas lalo silang kabahan dahil makakatulong sana ang mga katibayan sa nasunog na tindahan na hindi si Socorro ang misteryosong manunulat.

"May isa pa tayong pag-asa. Tiyak na maraming nalalaman ang pamangkin ni Don Julio na siyang humalili sa kaniya noon sa pamamalakad ng La Librería," saad ni Nova na nakatayo sa gilid kasama ng dalawang guardia. Nanlaki ang mga mata ni Socorro nang makita ang dating kaibigan na matagal na niyang hindi nakita at nakausap.

"Si Nova ang tumulong sa amin makapasok dito," wika ni Segunda. "Tinulungan din kami ni Jose. Ang lakas ng kapit ni Jose rito sa bilangguan. Hindi na kami tinanong pa, sinabi lang ni Nova kanina ang pangalan ni Jose ay pinagbuksan na agad kami ng pinto..."

"Amor... mamaya na iyan," suway ni Segunda dahil tila nakalimutan ni Amor na papalapit na sa kanila si Nova. Sandaling hindi nakagalaw si Socorro habang nakatingin kay Nova na nakatingin din nang deretso sa kaniya. Ang kanilang mga mata ay puno ng nagbabadyang luha mula sa mga taong lumipas.

Tumigil si Nova sa tapat ng selda at sandaling napayuko. "Hinahanap na rin ang pamangkin ni Don Julio. Makakaasa naman tayo na papatunayan niyang hindi ikaw ang sinasabi nilang Palabras, hindi ba?" Tanong ni Nova. Napayuko si Socorro at hindi nakasagot sa tanong nito. Bukod sa hindi niya alam ang sasabihin sa kaibigang matagal niyang hindi nakausap ay hindi rin siya sigurado kung papanigan siya ng pamangkin ni Don Julio.

"Ako'y hindi sigurado. Madalas kaming hindi nagkakasundo noon lalo na sa mga manuscrito na aking ipinapasa..." Nagulat si Socorro nang hawakan ni Nova ang kaniyang kamay at humakbang pa ito papalapit.

Natunghayan niya kung paano pumatak ang luha sa mga mata ni Nova na hindi malaman kung saan titingin. "Ang hindi pagkakasundo ay hindi nangangahulugang dapat nating hilingin ang kasawian at kapahamakan ng isa't isa---"

"P-patawarin mo ako, Nova. Ang tagal kong hinintay na makita kang muli." Hindi na napigilan ni Socorro ang kaniyang mga luha. Hindi na nagawang tapusin ni Nova ang kaniyang sasabihin dahil bigla siyang niyakap ni Socorro sa pagitan ng mga rehas.

"Patawarin mo rin ako, Socorro. Patawad kung sa 'yo ko sinisi ang lahat ng aking pagkakamali." Hindi na rin napigilan ni Nova ang kaniyang damdamin. Sinubukan niyang magpadala ng liham kay Socorro ngunit hindi niya magawang makatapos ng isang pangungusap kung kaya't lagi niyang minamabuti na pupuntahan na lang si Socorro pagbalik niya sa Sariaya subalit ilang taon na rin siyang hindi nakakauwi sa bayang kinalakihan.

"Hindi. Ako ang patawarin mo, Nova. Naging tapat dapat ako sa 'yo. Higit kitang nakikilala sa lahat. Higit kang mahalaga para sa akin."

"Ako ang higit na nagkasala kung kaya't patawarin mo sana ako Socorro. Marami pa akong nais sabihin ngunit bakit hindi ko kayang masabi rito... pati ba naman sa pagsasalita ay wala rin akong maisip na salita." Tuluyan nang humagulgol sina Socorro at Nova. Nagkatinginan sina Segunda at Amor na parehong hindi malaman kung maiiyak ba o matatawa sa dalawang magkaibigan na halos walang pinagkaiba.


NANATILING nakayuko si Socorro habang nakagapos ang kaniyang dalawang kamay at nakaupo sa unahang silya ng hukuman. Samu't saring bagay ang tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan. Nasa tabi niya si Jose na kaniyang abogado at nasa likod nila sina Don Epifanio, Doña Marcela, Segunda, Jacinto, at Amor. 

Patuloy ang bulungan na kapag pinagsama-sama ay nakakalika ng ingay sa loob ng hukuman. Natahimik ang lahat nang bumukas ang pinto at pumasok ang dalawang guardia kasunod ang dalawang piskal at hukom.

Tumayo ang lahat bilang paggalang sa pagdating ng tatlong lalaki. Nanlaki ang mga mata ni Socorro nang makita si Ambrosio na naglalakad sa gitna suot ang kasuotan ng mga itinalagang hukom sa mababang hukuman.

Halos walang kurap na sinundan ng tingin ni Socorro si Ambrosio hanggang sa makaupo ito sa luklukan ng hukom. Tumayo ang dalawang piskal sa kabilang panig. Samantala, ang pamilya De Avila ay hindi rin makapaniwala na si Ambrosio Del Rosario ang bagong talagang hukom ng Sariaya.

Hinihintay ni Socorro na magtama ang kanilang mga mata ni Ambrosio. Gusto niyang itanong sa pamamagitan ng mga tingin kung magiging patas ba ang paglilitis gayong nagkaroon sila ng hinanakit sa isa't isa. Naalala ni Socorro ang huli nilang pag-uusap ni Ambrosio kung saan ay hindi niya ito pinagbigyang makausap siya nang sarilinan.

Nagsimula na ang paglilitis. Pinatayo si Socorro sa kabilang panig habang nakagapos pa rin ang kaniyang kamay. Pinagmasdan niya ang mga tao sa loob ng hukuman na nasa halos dalawampu ang bilang. Karamihan ay mga kamag-anak ng mga opisyal na naghain ng petisyon laban kay Palabras Perdidas na umaatake sa kanila.

"Ang kasong ito ay hindi dapat isantabi lalo na't ang mga akdang isinulat ng manunulat sa alyas na Palabras Perdidas..." Panimula ng piskal na tumigil sandali at tumingin kay Socorro. "Ay nagdulot ng gulo sa moral at reputasyon ng pamahalaan. Ito ay isang uri ng paninira nang hindi tuwiran na ang pangunahing layunin ay sirain ang tingin ng mga tao sa gobyerno. Samakatuwid, ang nilalaman ng mga akdang ito ay lumalapastangan sa pamahalaan at sa mga kawani na humahalili at tumutupad lamang sa tungkulin!"

Nagpatuloy sa pagsasalita ang piskal habang inilalatag ang apat na yugto kasama ang mga linya na siyang sinasabi nilang hindi katanggap-tanggap na pag-atake. Bukod doon ay ipinakita pa nito ang ilang mga pahayag sa dyaryo noong mga nakalipas na taon kung saan ito ay nagdulot ng kakaibang kaisipan sa mga mamamayan na nag-aasam ng pagbabago.

Huling inilapag ng piskal ang petisyon na naglalaman ng mga lagda ng opisyal na nagnanais na mapanagot si Palabras at ang La Librería. Napatulala si Socorro sa halos limang pahina na puno ng lagda. Kung marami ang nais na baguhin ang pamamahala, marami rin ang nais manatili ito dahil sila ang nasa posisyon.

Isa na nga roon si Don Rufino Salcedo na isa sa makapangyarihan sa lalawigan ng Laguna. Naalala ni Socorro si Cristobal na ilang taong hindi naging ilag sa sariling ama. Ngayon lamang sila nakakapag-usap at nagkapalagayan ng loob, ngayon lamang sila naging pamilya.

"Iyo bang itatanggi ang lahat ng katibayang ito?" Natauhan si Socorro nang marinig ang mas malakas na boses ng piskal. Ang tanong ay para sa kaniya. Sandali siyang hindi nakapagsalita habang nakaabang ang lahat sa kaniyang isasagot.

"Ang manuscrito itong ay natagpuan sa iyong silid. Iyo pa rin bang itatanggi ang lahat?" Sabat ng isang piskal sabay turo sa ikaapat na yugto na nakalapag sa mesa. Iyon ang manuscrito na inayos niya bilang redactor.

Tumingin si Socorro kay Jose na nanatiling nakaupo habang nakatitig sa isang dokumento at pinapaikot-ikot ang lapis. Maging ang pamilya De Avila ay hindi makapaniwala na walang ginagawa ang abogado na siyang magtatanggol kay Socorro.

Nang tumingin si Socorro kay Ambrosio ay deretso lamang ang tingin nito sa mga dumalo sa paglilitis. Napahawak si Socorro nang mahigpit sa lubid na nakagapos sa kaniyang kamay. Wala na siyang ibang inaasahang tutulong sa kaniya. Ang hukom at abogado ay parehong walang balak na maging patas.

Sandaling ipinikit ni Socorro ang kaniyang mga mata. Kung aaminin niyang siya ang naging redactor ng ikaapat na yugto ay mas titibay ang ebidensiya na naging bahagi siya ng La Librería. Subalit, ang pagiging redactor ay mas magaan na parusa kumpara ang mapagbintangang manunulat.

Naalala ni Socorro ang mga sinabi ni Cristobal tungkol sa pagpapatiwakal na hakbang ng La Librería. Ang mga akda ni Palabras ay may ikinukubling layunin na mapanganib. Kung magpapatiwakal ang La Librería ay tiyak na madadamay siya dahil nagkaroon siya ng ambag sa layunin nito nang hindi niya nalalaman.

Huminga nang malalim si Socorro saka deretsong tumingin sa dalawang piskal. Wala na siyang ibang inaasahang magtatanggol sa kaniya ngayon kundi ang kaniyang sarili. "Hindi," tugon ni Socorro nang hindi natitinag.

Napakunot ang noo ng piskal na siyang nagtanong. Maging ang isa ay hindi makapaniwalang itatanggi pa ni Socorro ang manuscrito na nakuha sa silid nito.

"Hindi sa akin ang mga bagay na iyan," patuloy ni Socorro. Napatingin sa kaniya si Ambrosio. Nagsimulang magbulungan ang mga tao. Maging ang pamilya De Avila ay nagulat sa sagot ni Socorro. Napapikit si Doña Marcela, hindi na siya nagulat sa isasagot ni Socorro sapagkat sa halos hindi na niya mabilang na pagkakataong naparusahan niya si Socorro ay nagagawa pa rin nitong magsinunggaling nang hindi natitinag.

Napahawak sa sentido si Jacinto. Madalas sumakit ang ulo niya noon dahil walang nagpapatinag sa kanilang dalawa ni Socorro pagdating sa kabulaanan. Napatakip ng bibig si Amor at kumapit sa braso ni Segunda sabay bulong, "Hinahamon talaga niya ang kamatayan. Ate Socorro naman..."

Tumikhim si Socorro saka taas-noong nagpatuloy. Kung kasinunggalingan ang maglalagay sa kaniya sa kapahamakan, kasinunggalingan din ang gagamitin niyang daan upang makaalis sa bitag na inihanda ng mga kasamahan ni Don Julio.

"Sinubukan kong makapasok bilang redactor sa La Librería, iyan ang kabanatang inayos ko upang makita nila ang aking kakayahan..." Panimula ni Socorro, deretso ang kaniyang pagsasalita dahil nakakasiguro siya na isang kabanata lang ang natirang manuscrito noon sa kaniyang silid. Iyon ang kabanatang inayos niya ngunit hindi tinanggap ng pamangkin ni Don Julio kaya pinabago na naman ito. Ang buong orihinal na manuscrito ay ibinabalik sa La Librería pagkatapos ayusin ng redactor.

"Ngunit hindi ako natanggap. Hindi ako tinanggap ni Don Julio. Marahil ay hindi niya nagustuhan ang aking gawa, o dahil sa isa akong babae," patuloy ni Socorro. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang magagawa siyang ituro ni Don Julio bilang Palabras. Naalala niya na nagdadalawang-isip pa siyang tanggapin nito noon bilang redactor. Mas mababang sahod din ang ibinigay sa kaniya dahil wala siyang propesyon. Nabalitaan niyang wala na ang may-ari ng La Librería at nasunog na rin ang tahanan nito, maging ang La Librería sa Maynila.

Tumingin si Socorro sa mga kapatid na babae, maging sa ilang kababaihan na nasa loob ng hukuman. "Kailan pa pinagbigyan na magkaroon ng propesyon ang isang babae? Ni hindi nga kami maaaring makapag-aral sa kolehiyo. Wala rin kaming pagkakataong makapasok sa mga tanggapan ng gobyerno. Kahit mga pribadong sector ay hindi tumatanggap ng mga babae dahil naniniwala sila na ang babae ay para sa bahay lamang, siyang mag-aalaga ng mga bata, siyang magtatahi ng inyong mga isusuot, at siyang gagawa ng mga gawaing bahay."

"Hindi iyan ang usapin sa paglilitis na ito. Hindi ka ba maaaring magsulat ng isang akda? Ikaw ay marunong bumasa at sumulat, bihasa ka rin sa mga panitikan. Walang ibang nakakaalam ng kasarian ni Palabras kung kaya't huwag mong gamitin ang iyong kasarian bilang dahilan!" Seryosong saad ng piskal dahilan upang mas lalong mag-alab ang damdamin ni Socorro. Ngayon ay malinaw na sa kaniya na maaaring kasabwat ni Don Julio at ng La Librería ang dalawang piskal bukod kay Jose na tumatayong abogado niya at si Ambrosio na siyang hukom.

"Siyang tunay, walang ibang nakakaalam ng tunay na kasarian ni Palabras. Ngunit bakit ako ang inyong tinuturo? May katibayan bang nagpapatunay na bahagi ako ng La Librería at ako ang manunulat na hinahanap niyo?!" Hamon ni Socorro. Naalala niya ang ilang bagay na kaniyang tiniis bilang redactor. Hindi pinatala ni Don Julio ang pangalan ni Socorro bilang empleyado sapagkat isa siyang babae. Kung hindi dahil kay Ambrosio at sa kakayahan ni Socorro ay hindi niya ito tatanggapin bilang redactor.

Napaantada si Amor habang bumubulong sa sarili at nagdadasal, "Ate Socorro naman! Sa bahay ka na lang manindigan, huwag dito." Napatingin si Amor sa mga guardia na nakapalibot sa hukuman at sa mga dala nitong baril. Hinawakan ni Segunda ang kamay ni Amor. "Iyong higit na nakilala si Socorro, hindi iyan ang magpapatalo."

"Umayon lang kayo sa pahayag ni Don Julio... Sino ba ang humalili sa kaniya sa La Librería? Nasaan ang kaniyang pamangkin. Bakit hindi niyo siya hinahanap at nililitis sa hukumang ito?!" Hindi na mapigilan ni Socorro ang kaniyang sarili. Malakas ang kaniyang kutob na mga kasabwat ni Don Julio at ng pamangkin nito ang mga humahawak sa kaniyang kaso.

Umalingangaw ang kaniyang boses. Tumigil ang bulungan ng mga tao dahil sa gulat. Ngayon lamang sila nakakita ng nasasakdal na nakikipagtalo nang tahasan sa piskal. Ang abogado nito ay tahimik lang sa isang tabi habang nilalaro ang lapis.

Napahawak si Don Epifanio sa kaniyang batok at muntikan nang mawalan ng balase. Mabuti na lang dahil nahawakan agad siya nina Jacinto at Doña Marcela. "Hanggang dito ba naman... Socorro." Nababatid ni Don Epifanio na maikli ang pasensiya ni Socorro ngunit hindi niya akalaing mas maikli ang pagtitimpi nito sa hukuman, sa harap mismo ng mga piskal at hukom.

"Malinaw ang mga katibayan laban sa 'yo!"

"Anong katibayan? Hindi ko nakikitang katibayan ang mga iyan na ako si Palabras!"

"Ang testimonya ni Don Julio bago siya mamayapa!"

"Iyon lang? Dahil lang sa sinabi ng isang tao ay wala na kayong paniniwalaang iba?"

"Nililihis mo ang usapin. Sagutin mo lamang ang aking mga tanong!"

"Aking sinasagot ang iyong mga tanong ngunit malinaw na hindi mo nais tanggapin ang katotohanang wala akong kinalaman---" Hindi na natapos ni Socorro ang kaniyang sinasabi dahil sa malakas na pagbagsak ng martilyo na siyang hawak ni Ambrosio.

Napatigil ang lahat at sandaling naghari ang katahimikan. Nakatingin nang deretso sa kaniya si Ambrosio na animo'y nakasalalay dito ang kaniyang buhay. Kung may hinanakit si Ambrosio sa kaniya ay hindi na siya magtataka na makakaapekto iyon sa desisyon nito bilang hukom.


ISANG malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Juliana nang ibaba ang hawak na tasa ng tsaa. Kasalukuyan silang nagpapahangin ni Doña Josefa sa hardin ng hacienda Salcedo. Maganda ang paligid, ang nagliliparang mga paru-paro ay mas lalong nagbigay buhay sa makukulay na bulaklak.

"Ikaw ay mahusay din sa pag-aalaga ng mga bulaklak. Malugod kong ipapaubaya sa 'yo ang hardin na ito." Ngumiti si Doña Josefa sabay inom ng tsaa habang nakatitig sa hardin na animo'y isang buhay na larawan.

"Ina, hindi ko na po nais ituloy ang kasal..." Napatigil si Josefa nang marinig ang sinabi ni Juliana. Nang tingnan niya ito ay nakayuko na ang dalaga at hindi makatingin sa kaniya. "Nauunawaan ko po na nakahanda na ang lahat. Ang seremenyo na lamang ang hinihintay ngunit..."

"Juliana," hinawakan ni Doña Josefa ang kamay ni Juliana saka ibinaba ang tasa. "Dahil ba ito sa pagiging abala ni Cristobal? Hindi ba't napag-usapan na natin ito. Ating unawain siya'y may trabaho at abala sa maghapon---" Nagulat si Doña Josefa nang putulin ni Juliana ang sasabihin niya.

"Hindi po iyon, Ina." Napapikit si Juliana. Bakas sa kaniyang hitsura ang matagal na panahong pagtitiis. "W-wala po akong problema sa kaniyang trabaho. Wala po akong problema kay Cristobal. Ang problema pong ito ay nasa akin." Agad hinawi ni Juliana ang luhang nagbabadyang bumagsak mula sa kaniyang mga mata.

Hindi nakapagsalita si Doña Josefa dahil sa pagkabigla. Ngayon niya lang nakita ang ibang emosyon kay Juliana. Pagngiti at pagtango lang ang ginagawa nito mula nang makilala niya.

Napalunok si Juliana saka pinisil nang marahan ang kamay ni Doña Josefa, "H-hindi ko na po alam ina kung ano ang nais ko. Noon pa man ay siya ang gusto ko. Siya ang laman ng aking liham pag-ibig. Ngunit..." Muling napayuko si Juliana at napailing sa sarili. Hindi na niya nagawang pigilan ang luha niya kung kaya't hinayaan na lang niya itong bumagsak.

"Ngunit nababatid mong may iba siyang minamahal? Nararamdaman mo rin iyon, hindi ba?" Pagtutuloy ni Doña Josefa dahilan upang mapatigil si Juliana at mapatingin sa doña. Hindi man banggitin ni Doña Josefa ang pangalan ni Socorro ay pareho nilang nalalaman kung sino ang babaeng hanggang ngayon ay nagpapayanig sa mundo ni Cristobal.

Marahang tumango si Juliana saka muling ipinikit ang mata bago magsalita na animo'y aamin sa isang lihim na matagal na niyang kinukubli, "Akin pong nababatid iyon. Akin ding nalalaman. Ngunit hindi lang po si Cristobal ang nagugulumihanan." Huminga nang malalim si Juliana saka tumingin kay Doña Josefa tulad kung paano siya umaamin sa tuwing nagdadasal.

"Ang puso ko rin ay nagugulumihanan. Hindi na si Cristobal ang laman ng aking puso't isip. Ang akala ko ay mawawala ito sa loob ng mahabang panahon. Ngunit lalo akong nangulila. Lalong lumalim ang aking pagtingin sa binatang aking iniwan." Dahan-dahang kumawala si Doña Josefa sa pagkakahawak ni Juliana sa kaniyang kamay. Hindi siya makapaniwala na muling maririnig ang pagtatapat na iyon. Una niyang narinig ang ganoong uri ng pag-amin sa kaniyang nagtaksil na asawa.

"P-patawarin niyo po ako ina. Patawarin niyo po ako nina ama at Cristobal. Hindi ko po nais humantong sa ganito ngunit hindi ko na batid ang aking gagawin. Hindi ko po nais matali sa isang kasal na iba na ang aking nasa puso't isipan." Sinubukang tumayo ni Doña Josefa ngunit muntik na siyang mawalan ng balanse kung kaya't agad tumayo si Juliana upang alalayan siya subalit inalis ng doña ang kamay nito.

"Isa kang talunan. Hindi ba't sinabi ko na sa 'yo na wala ka nang dapat alalahanin pa. Natatakot ka ba sa babaeng iyon?"

"Ina, ang aking nararamdaman ay hindi na po kasing-buo ng aking pag-ibig noon kay Cristobal. Isa lang ang nagmamay-ari ng puso. Maaaring mahal mo ang dalawa ngunit iisa lang ang mas nakahihigit sa kanila." Isang malakas na sampal ang nagpatigil kay Juliana. Hindi niya akalaing magagawa siyang pagbuhatan ng kamay ni Doña Josefa.

Napahawak siya sa kaniyang pisngi at nanginginig na napatingin sa doña na ngayon ay nanlilisik ang mga mata. Nanginginig at nanlalamig ang katawan ni Doña Josefa. Hindi niya akalaing hanggang ngayon ay bibiguin siya ng pag-ibig. Animo'y sinampal din siya ng katotohanan na si Honorata ang higit na minahal at siya ang dehado.

"Iisa nga lang ang nakahihigit ngunit hindi ka dapat magpatalo. Hindi ka dapat panghinaan ng loob dahil ikaw ang nakatakda, ikaw ang higit na may karapatan!" Sa unang pagkakataon ay narinig ni Juliana ang pagsigaw ng doña na kilalang mahinhin at may mahabang pagtitimpi.

Tumalikod na si Doña Josefa at naglakad papasok sa mansyon. Agad siyang sinalubong at inalalayan ng dalawang tagapagsilbi. Samantala, naiwan si Juliana sa hardin na hindi makapaniwala sa nangyari. Buong akala niya ay mauunawaan siya ni Doña Josefa tulad nang kung paano nito inunawa ang pagkahulog ni Don Rufino sa ibang babae noon.


NAKATITIG si Honorata kay Cristobal na animo'y hindi niya nais kumurap sa takot na mawala sa paningin ang anak. Nakasakay sila sa karwahe habang sumasayaw ang lampara na nakasabit sa gilid. Madilim na at malamig ang gabi. Hinubad ni Honorata ang itim na talukbong upang ikumot sa anak.

Nanginginig niyang itinaas ang kaniyang kamay upang hawakan ang pisngi nito. Ngayon na lang niya muling nakita nang malapitan ang anak na anim na taong gulang lang niya iniwan. Sa tagal ng lumipas na panahon ay nakalimutan na niya ang ilang detalye sa mukha nito na madalas niya pagmasdan sa tuwing tulog.

Nababalot ng lamig ang katawan ni Honorata. Hindi niya malaman kung siya'y nananaginip o binabangungot. Hindi niya matukoy kung ito ay bahagi lang ng kaniyang guni-guni o ang alaala ng huli nilang pagkikita ng anak.

Dahan-dahang iminulat ni Cristobal ang kaniyang mga mata nang maramdaman ang pamilyar na mainit na palad sa kaniyang pisngi. Hindi gumalaw si Cristobal, hinayaan niya lang ang palad ng kaniyang ina sa kaniyang mukha tulad nang kung paano nito pinapatigil ang kaniyang luha noong bata pa siya.

Napayuko si Honorata at ibinaba ang kaniyang kamay. Ngayon ay hindi na siya makatingin sa anak. Napatingin si Cristobal sa talukbong na nakapatong sa kaniya, maging ang pamilyar na amoy nito ay nagbabalik sa kaniyang alaala.

"I-ihahatid na kita sa inyong tahanan... Señor," panimula ni Honorata na nanatiling nakayuko. Sinumang makakakita sa kanilang kalagayan ay walang mag-aakala na siya ang nagluwal sa binatang kaharap na ginagalang ng lahat. Batid niyang kalabisan ang pagtawag niya rito ng Señor subalit hindi na siya ang ina nito. Matagal na niyang pinutol ang ugnayan nilang dalawa.

Nag-iingat din siya na hindi malaman ng ibang miyembro ng samahan na anak niya ang unico hijo ni Don Rufino Salcedo. Nang makita si Cristobal sa La Librería kanina ay nagawa niyang kumbinsihin ang pamangkin ni Don Julio at si Don Amorsolo na siya na ang bahala sa anak ni Don Rufino.

Inalis ni Cristobal ang talukbong na nakapatong sa kaniya at marahan itong inilapag sa tabi. Unti-unti niyang nararamdaman ang pananakit ng kaniyang katawan. Nanghihina rin siya sapagkat hindi pa siya kumakain mula umaga.

Sandaling naghari ang katahimikan. Patuloy ang takbo ng kalesa na hindi nila malaman kung saan patungo. "K-kayo pala ang pasimuno nito... kaya ba kayo lumisan? O kaya hindi na kayo bumalik?" Hindi malaman ni Cristobal kung saan nagsimula. Kaya ba siya iniwan ng ina dahil sa layunin nitong bumuo ng samahan o dahil sa hindi na siya magawang harapin nito matapos sumapi sa isang mapanganib na layunin.

"P-patawarin mo ako, a-anak. Sa dami ng aking pagkukulang at kasalanan sa 'yo ay hindi ko alam kung paano pa kita haharapin." Napansin ni Cristobal ang panginginig ng kamay ng kaniyang ina habang hinahawi nito ang mga luhang sunod-sunod na dumaloy.

"Kung tatanungin niyo ngayon si Paloma... sa tingin niyo ba ay pareho kayo ng layunin? Magkapareho ba ang layunin ng mga akdang inilathala niyo sa inyong ipinaglalaban ngayon?" Dahan-dahang iniangat ni Honorata ang kaniyang ulo upang tingnan ang anak. Napagtanto niya na nalalaman na ni Cristobal ang lahat.

Hindi nakapagsalita si Honorata. Aminado siya na hindi na niya tuluyang kontrolado ang mga nangyayari sa samahan. Karamihan sa mga bagong kasapi ay nabibilang sa mataas na antas ng lipunan na may iba't ibang hangarin. Malayo sa hangarin niya at ng mga nauna na tunay na naging biktima ng karahasan.

Ang pagkawala ni Don Julio at ang pag-usad ng samahan na tila ba walang oras ang mga ito na magluksa ay mas lalong nagpatibay sa kaniyang hinala na hindi isinasapuso ng mga bagong kasapi ang mga salitang inilathala nila bilang Palabras Perdidas.

"Ipinaglalaban niyo ang kawalan ng hustisya, korapsyon, diskriminasyon, at kung anu-ano pang pagpuna sa sistema subalit maging kayo ay hindi patas. Paano niyo naaatim na ipahamak ang isang inosente para sa layunin na tinatawag niyong para sa bayan?!" Pinatigil ng kutsero ang kalesa nang marinig ang pagtataas ng boses ni Cristobal.

Hindi na nagawang pigilan ni Cristobal ang kaniyang galit. Animo'y pinaglalaruan siya ng tadhana. Naging bahagi siya ng La Librería na siyang pinangunahan ng kaniyang ina. Tumulong siya sa mga plano nito nang hindi niya namamalayan. Kadugo niya ang taong maglalagay sa kanila sa kapahamakan.

Napagtanto ni Honorata na ang tinutukoy ni Cristobal ay ang babaeng redactor na itinuro ni Don Julio. "Luisito..."

"Ginagawa niyo rin ba ito upang makapaghiganti kay ama?" patuloy ni Cristobal dahilan upang tuluyan nang walang masabi si Honorata. Marami siyang naririnig noon tungkol sa relasyon ng mag-amang Salcedo na hindi gaano nag-uusap. Ngayon ay hindi niya akalaing magagawang pumili ng panig ni Cristobal.

Napahigpit ang hawak ni Honorata sa kaniyang saya. Kitang-kita niya ngayon ang galit sa mga mata ni Cristobal. "Oo, ginagawa ko ito dahil sa hangarin kong makapaghiganti! Hangad kong pagbayaran nila ang kanilang mga pagkakasala. Hindi siya nagtagumpay na paslangin ako. Inaamin ko na mali ang iwan kita sa kanila ngunit ano ang aking magagawa? Walang-wala ako noong mga panahong iyon. Hindi ko kakayaning mamatay ka sa gutom at sakit!"

Naalala ni Cristobal ang pagluha ng kaniyang ina sa hatinggabi. Naalala niya ang mga araw na ibinababa na nito ang sarili makahingi lang ng bigas sa mga kakilala. Naalala niya kung paano lumuha sa tapat ng altar ang kaniyang ina bago siya nito dalhin sa hacienda Salcedo. Naalala niyang lahat ang pasakit nito na hindi matarok ng isang batang paslit.

"M-mahal na mahal kita. Handa kong gawin ang lahat para sa iyong ikabubuti. Subalit hangga't ako ang iyong ina, hangga't nasa kalinga kita, hindi mo mararanasan ang magagandang bagay na naghihintay sa iyong kinabukasan. Hangga't ako ang iyong kapiling, ikaw ay maghihirap din at mabubuhay na tila nakikipaglaro sa kapalaran."

Hinawakan ni Honorata ang kaniyang dibdib na naninikip. Ang mabigat na damdamin na pasan niya sa loob ng dalawang dekada ay pilit na kumakawala. "A-ako'y hindi karapat-dapat na tawaging isang ina. Pinili kong lumayo sapagkat nahihiya akong humarap sa 'yo. Nahihiya ako sa aking ginawa. Nahihiya ako sa aking sarili dahil nagmahal ako ng isang may asawa. Ito marahil ang kabayaran ng aking mga pagkakasala. Hindi ko matatanggap na ikaw ang magdusa nang dahil sa akin."

Hindi na mapigilan ni Honorata ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. Sa loob ng mahabang panahon ay nagawa niyang kontrolin ang kaniyang emosyon na mas lalong nagpatigas sa kaniyang puso.

Napayuko si Cristobal habang lumuluha ang ina sa kaniyang harapan. Maging ang kaniyang mga luha ay sumasabay sa pagkarudog ng kaniyang damdamin. Noon ay halos hindi na mabilang ni Cristobal kung ilang beses sumagi sa kaniyang isipan ang magiging reaksyon niya sa oras na makausap muli ang ina. Puno ng galit, pagkalito, poot, hinanakit, at kalungkutan. Ngunit ngayon ay hindi niya maramdaman ang emosyon na inakala niyang mamumutawi sa kaniyang puso.

Sariwa pa sa kaniyang alaala ang mga ngiti at yakap ng ina noong bata pa siya. Sariwa rin sa kaniyang gunita ang mga luhang pilit nitong pinipigilan bago siya iwan sa hacienda Salcedo. Higit na sariwa sa kaniya ang pangungulila sa paglipas ng panahon habang umaasa na isang araw ay babalikan siya nito at muli silang magsasama.

Buong akala ni Cristobal ay mangingibabaw ang kaniyang galit. Na hindi niya mapipigilan ang apoy na nais niyang magliyab upang maibsan ang pusong nabalot ng lamig dahil sa matagal na paghihintay.

Ngunit iba pala ang magiging reaksyon niya sa oras na makaharap ito. Ang mga luhang dumadaloy mula sa mata ng kaniyang ina ay pumatay sa nagngangalit na apoy sa kaniyang puso. Gaano man kalaki ang apoy ay mapapawi pa rin ito ng tubig. Gaano man kalaki ang kaniyang hinanakit ay mapapawi pa rin ito ng pag-ibig.

Naalala ni Cristobal ang sinabi noon ni Socorro, kung hindi niya aalamin ang nangyari sa loob ng matagal na panahon ay hindi niya mahahanap ang sagot sa ilang mga tanong na gumugulo sa kaniyang kasalukuyan.

Ngayon ay unti-unti na siyang naliliwanagan. Hindi siya iniwan ng kaniyang ina dahil sa napagod na itong alagaan siya. Hindi siya iniwan ng kaniyang ina dahil nais nitong magsimula ng bagong buhay. Hindi siya iniwan ng kaniyang ina dahil hindi nito matanggap na bunga siya ng kasalanan.

Napatigil sa pagluha si Honorata nang maramdaman ang mainit na palad ni Cristobal sa kaniyang kamay. Maliliit pa ang mga daliri nito noong huli niyang nahawakan ang kamay ng anak. "K-kung nalalaman niyo lang kung gaano katagal ko kayong hinintay. Wala kayong dapat na ikahiya sapagkat kayo pa rin ang aking ina. Anuman ang sabihin ng iba ay pipiliin ko pa ring manatili sa piling niyo." Animo'y nalagyan ng lunas ang sugatang puso ni Honorata nang marinig ang sinabi ng anak.

Lumapit si Cristobal at siyang naunang yumakap sa ina. Kung dati ay mas malaki ito sa kaniya, ngayon ay higit na mas matangkad na siya sa ina na nagagawa pa siyang buhatin at isayaw sa hangin noon.

Pareho silang napangiti sa sarili habang patuloy na dumadaloy ang luha sa kanilang mga mata. Tunay na hindi malalaman ng isa ang pinagdadaanan ng taong mahalaga sa kaniya kung hindi nito aalamin. Ang panahong nagdaan ay hindi dapat na maging puwang sa isang relasyon.


ALAS-OTSO na ng gabi nang makarating si Cristobal sa hacienda Salcedo. Naalala niya ang liham na pinadala sa ama at ang ibinilin sa kasambahay na ibalita agad sa kaniya kung may naipadala na itong telegrama.

Pagpasok niya sa salas ay dali-dali siyang umakyat sa ikalawang palapag ngunit napatigil siya sa hagdan nang may tumawag sa kaniyang pangalan. "Cristobal."

"Maaari ba kitang makausap?" Patuloy ni Juliana. Agad bumaba ng hagdan si Cristobal at naglakad papalapit kay Juliana na nanatiling nakatayo sa salas.

"Malalim na ang gabi. Isang oras na lamang ay oras na ng paghihigpit," saad ni Cristobal ngunit walang bakas ng pangamba o pag-aalala sa reaksyon ni Juliana.

Napahinga nang malalim si Juliana saka muling tumingin nang deretso kay Cristobal, "Naparito ako upang sabihing babalik na ako sa Europa." Sandaling napatigil si Cristobal dahil sa sinabi ni Juliana. Hindi man nito diretsuhin ang nais sabihin ngunit naunawaan agad niya ang nais nitong ipahiwatig.

Sinubukang ngumiti ni Juliana ngunit kapansin-pansin ang namumuong luha sa kaniyang mga mata. "Mamayang madaling-araw na ako lilisan," patuloy nito. Hindi nakapagsalita si Cristobal. Sa dami ng nangyari ay nakaligtaan niya ang pangunahing pakay kung bakit siya bumalik ng bansa.

"Juliana..." Napayuko si Cristobal. "H-hindi ko batid ang aking sasabihin. Patawarin mo ako sa aking mga pagkukulang at---" Hindi na nagawang tapusin ni Cristobal ang kaniyang sasabihin dahil ngumiti nang kaunti si Juliana.

"Tayong dalawa ang nagkulang. Hindi pa tayo sigurado sa isa't isa ngunit umayon tayo sa desisyon ng iba para sa atin," patuloy ni Juliana habang inaalala kung paano sila nagkatinginan ni Cristobal nang magbigay ng suhestiyon sina Don Rufino at Don Fernando na magpakasal na sila.

"Ni hindi nga natin nagagawang sabihin kung ano ang mga gusto natin. Kung ano ang tumatakbo sa ating isipan... Hindi natin binigyan ng panahong kilalanin ang isa't isa." Naunang umiwas ng tingin si Juliana saka naglakad sa pinakamalapit na bintana. Ang magandang hardin ay hindi na niya nakikita.

"Ako'y hindi nakasisiguro ngunit iyo bang nalalaman kung bakit ako nagtungo sa Europa? Hindi ko rin maalala kung naitanong mo ba sa akin iyon," saad ni Juliana habang tinatanaw ang madilim na paligid. Nakadaragdag ang ingay ng mga kuliglig sa tahimik at malamig na gabi.

Muling napayuko si Cristobal, "Nabanggit sa akin ni Jacinto ang tungkol sa inyo," tugon ni Cristobal. Napahinga nang malalim si Juliana, tatlong taon na sila ni Cristobal subalit kailanman ay hindi nila tinanong sa isa't isa kung sino ang mga inibig nila sa nakaraan.

"Ngunit nilinaw niya na wala siyang dinadalang hinanakit sa akin o sa 'yo. Maayos daw kayong nagpaalam sa isa't isa. Nauunawaan daw niya ang iyong dahilan," patuloy ni Cristobal. Hindi malaman ni Juliana kung mapapanatag ba siya o masasaktan sa sinabi ni Cristobal tungkol kay Jacinto. Umaasa siya na may hinanakit at pag-ibig pang natitira sa dating sinisinta.

"Wala rin sa aking kaso iyon, matagal ko nang kilala si Jacinto. Hindi siya marunong magtanim ng galit. Madali siyang masaktan ngunit madali itong maghilom. At sa oras na maghilom ang kaniyang damdamin ay babalik din sa dati ang pakikitungo niya sa 'yo." Naalala ni Cristobal ang ilang pagkakataong nagtampo si Jacinto ngunit bago lumubog ang araw ay magbibiro na itong muli.

Humarap si Juliana kay Cristobal. Hindi niya malaman kung nasasaktan siya dahil hindi na matutuloy ang kasal o nasasaktan siya sa posibilidad na wala nang pagtingin sa kaniya si Jacinto. "Ganoon ka rin ba? Madali rin bang maghilom ang iyong damdamin? Tunay bang nakalimutan mo na si Socorro?" Sunod-sunod na tanong ni Juliana na nagpatigil kay Cristobal. Muling ibinalik ni Juliana ang tingin sa bintana, walang bahid ng poot o panibugho sa kaniyang kilos at salita.

"Matagal ko na ring nalalaman iyon dahil hindi ka natuwa nang malaman mong ako nagpadala sa iyo ng liham pag-ibig sa pangalang Gumamela. Tumutugon ka pa sa liham pag-ibig na iyon dati, hindi ba? Ngunit bigla kang tumigil. Marahil ay natuklasan mo na noon pa na hindi si Socorro ang babaeng iyon." Lumingon si Juliana kay Cristobal at naglakad papalapit.

Kinuha niya ang kamay nito at ibinalik ang singsing ni Doña Josefa, "Ang iyong ina rin ang nagbigay niyan sa akin. Kung tutuusin, sila lang talaga ang naglalaan ng oras at siyang maligaya sa kasunduang ito," patuloy ni Juliana saka ngumiti nang marahan. Kung siya pa rin ang labing-pitong taong gulang na Juliana ay tiyak na maligayang-maligaya siya ngayon sa harap ni Cristobal. Subalit hindi na siya ang dating binibini na iyon. Hindi na rin niya matagpuan muli ang dating paghanga at ligaya sa binatang kaharap.

"Sa totoo lang ay hinihintay ko lang na kausapin moa ko tungkol kay Socorro upang hindi na matuloy ang kasal. Iniisip ko na hintaying umamin ka upang hindi ako ang magmukhang may kasalanan. Subalit hindi ko na kayang manatili pa Cristobal. Hindi ko na rin kayang linlangin ang aking sarili dahil hindi pa rin ako makausad sa kahapon. Hindi ko nais magpatuloy hangga't hindi ko pa siya nalilimutan." Naalala ni Juliana si Doña Josefa, ang mga hinanakit, ang mga pasakit, at ang nabaong galit na nagpatigas sa puso nito. Hindi niya nais maranasan ang sinapit ni Doña Josefa.

Napatitig si Cristobal sa gintong singsing na minsang binigay sa kaniya ni Doña Josefa upang himukin siyang alukin na ng kasal si Juliana. Ngunit hindi niya nagawa, hindi niya ginawa sapagkat hindi pa siya ganoon kasigurado.

"Nararamdaman kong hinihintay ka lang din ni Socorro. Kilala ko rin siya, pipiliin na lang niyang manigas sa lakas ng ulan kaysa ang umamin na nilalamig na siya," saad ni Juliana sabay ngiti. Naalala niya si Nova na kaparehong-kapareho ni Socorro. Hindi sila aamin hanggang pumuti ang uwak.

Nagpaalam na si Juliana at naglakad papalabas ngunit bago pa siya makarating sa pintuan ay napatigil siya nang magsalita si Cristobal. "Juliana... salamat." Muling napangiti si Juliana. Mahalaga rin sa kaniya si Cristobal, at ang kasunduang kasal na tumatangay lang sa kanilang dalawa ay nababatid niyang parehong magdadala sa kanila sa buhay na walang kasiguraduhan kung hindi nila ito tatapusin.


PABALIK-BALIK ang lakad ni Cristobal habang tinatanaw mula sa malayo ang kwartel kung saan kasalukuyang nakabilanggo si Socorro. Bumaba si Mang Carding sa kalesa suot ang isang makapal na pang-itaas. Hindi matawaran ang lamig sa buwan ng Enero. Nababalot din ng hamog ang paligid. Alas-tres na ng madaling araw ngunit hindi pa natutulog si Cristobal.

"Señor, ang mabuti pa ho ay ihatid ko muna kayo pabalik. Ako na lang ang maghihintay dito bago nila dalhin sa daungan si Señorita Socorro," wika ni Mang Carding ngunit nagpatuloy sa paglalakad nang pabalik-balik si Cristobal.

"Ano ang nangyari sa hukuman? May pinadala bang mensahe si Jacinto?" Namumutla na ang mukha ni Cristobal. Hindi pa siya kumakain sa maghapon, uminom lang siya ng isang basong tubig nang umalis si Juliana.

"Ayon ho sa aking naulinigan kanina ay iaakyat ang kaso sa Audencia. Nakipagtalo raw ho nang lubos si Señorita Socorro dahilan upang..." Napayuko si Mang Carding. Ang kuwento ng mga tagapagsilbi na isinama sa paglilitis ay naging mainit ang tensyon ng nasasakdal at piskal sa paglilitis kung kaya't iniakyat ng hukom ang kaso sa Maynila.

Napahilamos sa mukha si Cristobal. Hindi na siya nagulat na makikipagtalo nga si Socorro sa hukuman lalo na't si Ambrosio ang itinalagang hukom. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit hindi siya pinapasok sa hukuman, siguradong kagagawan iyon ni Ambrosio at ng mga kasapi nito.

"Ano na po ang mangyayari? Tiyak na mas mahihirapan silang ipaglaban ang kaso sa Maynila," patuloy ni Mang Carding. Ang mga sinasabi nito ay mas lalong nakakadagdag sa alalahanin ni Cristobal. Naalala niya ang sinabi ng pamangkin ni Don Julio sa kaniyang ina kanina, bahagi ng kanilang plano ang makarating ang kaso sa Maynila bago nila gawin ang pag-aalsa.

Napatigil si Cristobal nang mapagtanto na maaaring isisi ang pag-aalsa kay Socorro. Palalabasin na ililigtas siya ng mga kasapi sa La Librería dahilan upang madiin siya lalo sa kaso bilang Palabras Perdidas.

Napalingon sila ni Mang Carding sa kwartel nang makita ang paglabas ng tatlong karwahe kasabay ang mga guardia na nakasakay sa kani-kaniyang kabayo. Nanlaki ang mga mata ni Cristobal nang makita si Socorro sa gitnang karwahe.

"Señor!" Gulat na napasigaw si Mang Carding nang habulin ni Cristobal ang mga papalabas na karwahe. Dali-dali siyang sumunod ngunit napatigil din nang makita ang mahahabang baril ng mga mga guardia.

"Sandali... Socorro!" Tawag ni Cristobal dahilan upang mapalingon sa kaniya si Socorro. Patuloy ang mabagal na takbo ng karwahe. Pilit na sumasabay si Cristobal sa bilis ng takbo nito.

"Cristobal?" Gulat na saad ni Socorro. Napatingin siya sa kutsero ngunit hindi pa rin ito tumigil sa pagpapatakbo. Gayunpaman, hindi rin tumigil si Cristobal sa pagtakbo habang sinasabayan ang karwaheng sinasakyan ni Socorro.

"Nababatid kong hindi ito ang tamang pagkakataon upang masabi ko ang lahat sa iyo ngunit hindi ko na nais na sayangin muli ang pagkakataong itong makausap ka. Socorro, nabasa ko na ang lahat ng iyong liham. Patawarin mo ako kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob harapin ang mga bagay na pilit kong iniiwasan." Naalala ni Cristobal ang sinabi ni Nova. Totoo na hindi niya naamin lahat kay Socorro noon ang kaniyang damdamin. Hindi niya naipahayag nang malinaw ang kaniyang nararamdaman.

"Oo, inaamin ko na pilit kong iniiwasan ang nakaraan. Pilit kitang iniiwasang sumagi sa aking isipan dahil natatakot akong muling masaktan. Buong buhay ko ay hindi ako naghangad ng kung ano, hindi ako umasa, o nangarap dahil natatakot akong mabigo. Kung kaya't sumasabay ako sa karaniwang agos ng buhay, ginagawa ko ang mga karaniwang ginagawa ng iba at mabuhay nang tulad nila."

"Subalit nang dumating ka ay napagtanto ko na mas magandang taliwasin ang karaniwang agos. Ang iyong pagdating ay nagdala sa buhay ko ng samu't saring surpresa. Kung nalalaman mo lamang kung gaano ako kasaya noong inakala kong ikaw ang nagsulat ng liham pag-ibig. Kung nalalaman mo lang kung gaano ko hinangad na magbago ang iyong isip tungkol sa ideya ng pag-aasawa. Kung nalalaman mo lang kung gaano ko ninais na umayon ka sa pagpapakasal."

Tumigil ang karwaheng sinasakyan ni Socorro. Napahawak si Cristobal sa kaniyang tuhod habang pilit na hinahabol ang kaniyang hininga. Ang totoo ay hindi masyado nasundan ni Socorro ang mga sinasabi ni Cristobal dahil sa bilis nitong magsalita habang humahabol sa kaniya.

"A-akala ko ay may namamagitan sa inyo ni Ambrosio. Noong nasa Europa ako ay may narinig din akong balita na nililigawan ka na niya. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ako tuluyang pinanghinaan ng loob na basahin ang iyong mga liham. Mas masakit isipin na hanggang kaibigan lang ang kaya mong ibigay sa akin dahil matalik akong kaibigan ni Jacinto."

Dahan-dahang iniangat ni Cristobal ang kaniyang ulo saka tumindig nang maayos habang nakatingin nang deretso kay Socorro na nakasakay pa rin sa karwahe. Gulat itong nakatingin sa kaniya at hindi malaman ang gagawin dahil sa biglaan niyang pag-amin.

Humakbang si Cristobal papalapit sa karwahe habang nakatingala, "Socorro, sinubukan kong ipagtapat sa 'yo ang aking damdamin noon ngunit natakot ako na maaaring layuan mo ako dahil nababatid kong tutol ka sa ideya ng pag-aasawa. Nababatid kong marami kang pangarap sa buhay. Pinaniwala ko ang aking sarili na ginagalang ko ang iyong mga pangarap kaya hindi ko pinilit ang aking sarili sa 'yo... ngunit ang totoo ay mas natatakot ang mabigo."

Napalunok si Cristobal saka hinawakan ang kamay ni Socorro na nakahawak sa bintana ng karwahe. "Ngunit hindi na ako ang dating Cristobal na mananahimik na lamang sa isang tabi. Handa kong taliwasin ang agos ng ilog. Handa ako sa mga surpresang dala ng bawat araw na makakasama kita. Handa kong gawin ang lahat kung kaya't huwag ka sanang panghinaan ng loob dahil hindi ko hahayaang sirain ng mga taong iyon ay iyong buhay at pangarap."

Napatingin si Socorro sa kamay ni Cristobal na nakapatong sa kaniyang kamay na nakahawak sa bintana. Kitang-kita niya mula sa mga mata nito ang pagtingin na minsan niyang nakita noong gabing kumatok si Cristobal sa kaniyang silid nang lasing at nagsabi ng mga bagay na narinig ng kaniyang pamilya.

Binuksan ni Socorro ang pinto ng karwahe at bumaba mula roon. Hindi binitiwan ni Cristobal ang kaniyang kamay. Ni hindi nito alintana ang tatlong kutsero at mga guardia na nakatingin sa kanila.

"Socorro, susunod ako sa 'yo sa Maynila. Hinihintay ko lang ang tugon ni ama---" Napatigil si Cristobal nang makitang bumaba sa huling kalesa sina Jacinto at Amor. Dumungaw naman si Segunda sa bintana ng karwaheng sinakyan ni Socorro. Isang malakas na pagtikhim ang sunod nilang narinig mula sa unang kalesa saka hinila ni Don Epifanio pababa ang harang sa bintana. Nasa tapat naman niya nakaupo ang asawa na si Doña Marcela na nakatingin din sa kanila.

Napakagat sa labi si Socorro saka sinubukang ngumiti kay Cristobal na tila ba siya mismo ang nahihiya, "Ang totoo niyan... pauwi na kami sa aming tahanan. Hindi ako dadalhin sa Maynila."

Ramdam ni Socorro ang biglaang panlalamig ng palad ni Cristobal. Animo'y naistatwa ito sa kaniyang kinatatayuan. Isang malakas na tapik sa balikat ang nagpahina lalo sa kaniyang tuhod, "Hanggang ngayon ba naman, maririnig pa rin naming lahat ang iyong pagtatapat, amigo," saad ni Jacinto sabay pisil nang marahan sa balikat ni Cristobal at pinandilatan niya ito ng mata.

Napahawak si Cristobal sa kaniyang sentido. Hindi niya akalaing magagawa niyang ipahiya muli ang sarili sa harap ng pamilya De Avila.

Samantala, madaling araw nang sumakay si Agustino sa bapor patungo sa Sariaya. Tumigil siya sa tarangkahan ng barko habang pinagmamasdan ang kulay asul na langit. Naririnig niya ang iba't ibang ingay sa daungan na musika sa kaniyang pandinig.

"Ikaw ba ay magaling na?" Tanong ng isang lalaki na nakilala niyang kamag-aral sa isang aralin. Tumango si Agustino bilang tugon. "Kung hindi pa ay sa Sariaya na lamang ako magpapagaling," saad ni Agustino saka ngumiti nang kaunti.

Lumapit ang dalawa pang lalaking estudyante at inalok siyang manigarilyo ngunit binawi rin nila ito nang maalala na kakagaling lang ni Agustino sa sakit. "Siya nga pala, totoo bang kapatid mo talaga si Palabras?" tanong ng isa sabay buga ng usok. Nakasuot sila ng makakapal na abrigo na pangsangga sa lamig.

Napangiti si Agustino sa tanong nito. Nalalaman niya na naging redactor si Socorro sa akda ni Palabras. Halos bukambibig ito ni Socorro at laging ibinibida sa kaniya sa tuwing umuuwi siya sa Sariaya. "Hindi ganoon katalino ang aking kapatid upang makagawa ng isang pambihirang nobela." Nagkatinginan ang tatlong kalalakihan saka natawa sa pag-aakalang nagbibiro lang si Agustino dahil parang siniraan nito ang sariling kapatid.

"Wala pang nalalaman iyon sa pag-ibig. Ni hindi rin siya naniniwala na dapat mag-asawa ang isang babae. Noong tinanong kami kung ano ang higit na makapangyarihang bagay sa mundo ay mas pinili niya ang pag-asa kaysa sa pag-ibig."

Naalala rin niya na karamihan sa mga manuscrito ni Socorro ay hindi masyado malalim ang damdamin ng tauhang umiibig. Kung siya ang tatanungin ay mas maniniwala pa siya na si Paloma ang gagawing pangunahing tauhan ni Socorro dahil naniniwala ito na kaya ring gawin ng mga babae ang nagagawa ng mga lalaki.

"Sa mga sinasabi mo ay tila hindi ka nangangamba sa kinakaharap na suliranin ng iyong kapatid. Paano niyo maipapanalo ang kaso?"

Tumikhim si Agustino saka sumandig sa tarangkahan. "Maipapanalo niya iyon... dahil wala sa bokabularyo niya ang magpatalo," tugon ni Agustino. Kung magagawa niyang tumaya ngayon sa isang pustahan ay itataya niya ang lahat ng kaniyang ipon kay Socorro na sa magkakapatid na De Avila ay lubos nilang nakikilala.


****************

#SocorroWP

Featured Song: "Tara, Sa Kabilang Mundo" by Mind's the Limit

https://youtu.be/bR14GzZS4pw

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top