Kabanata 20: Ang Laro ng Damdamin

[Kabanata 20]

HALOS wala ng tao sa bayan at pamilihan. Ang lahat ay nasa kani-kaniyang tahanan upang salubungin ang bagong taon. Mula sa di-kalayuan ay nakatigil ang karwahe kung saan pinagmamasdan ni Cristobal ang pag-ikot ng mahabang kamay sa kaniyang kuwintas na relos.

"Señor, aking nabalitaan na marami ang nagtungo sa palimbagan ng La Librería upang doon bumili ng ikaapat na yugto ngunit nang datnan ko ay sarado na rin iyon," wika ni Mang Carding na nakasilip sa bintana ng karwahe.

Minamatyagan nila ang La Librería kung saan may natanaw pa silang ilaw mula sa loob. "Ayon sa nakausap kong manggagawa roon ay pinatigil daw ang pagpapalimbag," patuloy ni Mang Carding dahilan upang mapatingin sa kaniya si Cristobal. "Wala rin akong nakuhang sagot sapagkat wala ring ideya ang mga manggagawa roon kung bakit wala silang pasok."

Sa isip ni Cristobal ay maaaring natakot si Don Julio at sumang-ayon na ito sa kaniyang pakiusap. Subalit, naalala niya kung gaano kahalaga ang salapi kay Don Julio. Hindi ito basta hihinto gayong limpak-limpak na salapi ang kikitain ng kaniyang negosyo.

"Maaaring nasa loob si Palabras. Tiyak na nakarating na sa kaniya ang pagpapatigil sa limbagan," wika ni Cristobal, ilang oras na silang naghihintay at nagmamanman sa La Librería. Nakatitiyak siya na anumang oras ay makikilala na niya ang tunay nitong pagkatao. Naalala niya ang naging pag-uusap nila noon ni Juliana.

Unti-unti nang nalulusaw ang nyebe dahil sa paparating na tag-init. Naglalakad sila sa tabing-kalsada kasama ang Ina at pinsang babae ni Juliana na nauunang maglakad sa kanila.

Matagal nang gustong itanong ni Cristobal kung kilala ba nito si Palabras ngunit hindi niya alam kung kailan ipapasok ang tanong. "Sa ating bayan, ang labis na tag-init ay nagpapahirap sa mga magsasaka dahil natutuyo ang mga pananim. Dito ay hinahangan natin iyon sapagkat ang hirap kalabin ng tag-lamig," wika ni Juliana habang pinagmamasdan ang paligid.

Ngumiti at tumango nang marahan si Cristobal bilang pagsang-ayon. Ang totoo ay gusto na niyang maranasan muli ang klima ng Pilipinas. Doon ay nakakatulog siya nang mahimbing sa gabi at hindi niya kailangan tingnan nang paulit-ulit ang siga ng apoy sa takot na masunog ang buong bahay.

Bumagal ang lakad ni Cristobal nang maalala na ang binanggit ni Juliana ay minsang nabanggit ni Felipe sa En la niebla de la tierra prohibida. Lumingon si Juliana kay Cristobal nang mapansing hindi na niya ito kasabay maglakad.

"Ikaw ba ay may nakaligtaan?" Tanong ni Juliana. Hindi pa sila nakakalayo sa silid na tinutuluyan ni Cristobal. Kung babalik ito ay makakaabot pa rin sila sa misa mamaya.

Nagpatuloy na si Cristobal sa paglalakad. Malaking palaisipan sa kaniya kung sino si Palabras ngunit hindi na mahalaga sa kaniya malaman kung sino iyon. Matagal na siyang walang kaugnayan sa La Librería. Bukod doon ay kaakibat na ng pangalan ni Palabras ang alaala ni Socorro.

"Aking nagunita lamang ang akda ni Palabras Perdidas, nakikilala mo ba siya?" Tanong ni Cristobal. Ngumiti nang matamis si Juliana at tumango. Ang kaniyang galaw ay tila mabagal na musika na sumasabay sa marahang dampi ng hangin. Sa isip ni Cristobal ay maaaring nasa pamilya Villafuerte si Palabras. Maaaring si Juliana mismo. Ngunit sinuman ito, hindi na mahalaga sa kaniya kung sino ang misteryosong manunulat.

"Nabasa ko na ang lahat ng kaniyang nobela. Ako'y nagdadalamhati sapagkat binawian siya ng buhay nang hindi natatagpuan si Paloma," wika ni Juliana na nagpatuloy sa pagsasalita. "Kung nagkita lamang sila ay nagawa sana nilang sabihin ang kanilang tunay na nararadaman. Na lumipas man ang mahabang panahon, at sa kabila ng nangyari ay mahal pa rin nila ang isa't isa," patuloy ni Juliana na natahimik matapos sabihin ang kaniyang pananaw.

Maging si Cristobal ay hindi nakapagsalita. Naalala niya noong siya pa ang dating redactor. Hindi siya nalungkot, nagalit, o naapektuhan sa kuwento nina Felipe at Paloma. Ginawa niya lang ang kaniyang trabaho at ang kaniyang makakaya upang mabigyang buhay lalo ang kuwento. Ngunit ngayon ay napagtanto niya na masasabi na niyang nauunawaan niya ang pinagdaanan ng dalawa. Ang tanging naiwan ay ang panghihinayang sa pagkakataon na sana ay nagawa nilang umibig nang malaya kung hindi nila sinayang ang panahon.

"Señor," natauhan si Cristobal nang marinig si Mang Carding na nakaturo sa bintana ng karwahe kung saan sila nakasilip. Lumapit si Cristobal at sumilip sa maliit na uwang ng bintana. Nakita nila si Don Julio na paika-ikang lumabas sa La Librería na akay ng isang katiwala. Ang isang binatilyo ang siyang nagsara ng tindahan at nagbukas ng pinto ng kalesang sinakyan ng Don.

"Sino kaya sa kanila si Palabras?" Tanong ni Mang Carding.

Sinara na ni Cristobal ang hawak na kuwintas na relos. "Wala sa kanila. Tiyak na hindi magkakamali si Palabras na magtungo mismo sa La Librería," tugon ni Cristobal. Ang totoo ay nababatid niyang imposibleng personal na pumunta si Palabras sa La Librería sa kalagitnaan ng pagpapatigil ng limbagan. Ngunit hindi niya pa rin napigilang magbaka-sakali. Na magkamali itong iladlad ang sarili ngayong gabi.

"Kung sakaling makilala niyo si Palabras, ano ang iyong gagawin, Señor?" Tanong ni Mang Carding na nakasilip pa rin sa bintana ng karwahe.

Hindi agad nakasagot si Cristobal. Ang totoo ay nais talaga niyang makausap si Palabras sa lalong madaling panahon. Nais niyang kuwestiyunin ang layunin nito. Ang hindi maayos na paghahanda at plano. Ang ikaapat na yugto na siyang magiging dahilan upang madamay ang ibang mga inosente. Ang huling yugto na kung hindi niya binitiwan ay napigilan sana niya ang pagpapalimbag nito.

"Nais kong malaman ang kaniyang tunay na hangarin. Kung maaatim niya bang usigin ang lahat ng may kaugnayan sa La Librería," naalala ni Cristobal ang mga sinabi ni Socorro. Sino siya upang pigilan at sirain ang lahat ng pinaghirapan nila? Siya na dating redactor na piniling magbitiw upang hindi madamay.

Napasandal si Mang Carding sa upuan na napailing-iling ang ulo, "Hindi rin nag-iisip 'yan si Don Julio. Sa ngalan ng salapi ay handa niyang itaya ang kaniyang pangalan at negosyo," wika ng kutsero saka sinuot ang sumbrero at lumabas na sa karwahe.

"Tiyak na naghihintay na ang inyong ama't ina, Señor." Paalala ni Mang Carding. Wala siyang relo ngunit sa tagal nilang naghihintay sa La Librería ay pakiramdam niya malapit na mag-hatinggabi.

Tiningnan ni Cristobal ang oras, "Dumaan tayo sandali sa hacienda De Avila," wika ni Cristobal na nanatiling nakatingin sa oras. May dalawang oras pa. Dalawang oras upang matapos ng mga nakabili ng ikaapat na yugto ang kalahati ng libro.

"Siya nga pala, dumating na kanina si Señor Jacinto," wika ni Mang Carding sa pag-aakalang nais makausap ni Cristobal ang kaibigan.

Mahigit isang oras ang itinagal ng byahe patungo sa hacienda De Avila dahil nasira ang gulong ng karwahe. Sinubukang ayusin ni Mang Carding subalit muli itong nasira matapos lang ang ilang minuto.

Hawak ni Cristobal ang isang lampara habang ang isa ay nasa tabi ng sirang gulong. "Señor, ang mabuti po ay tumuloy na kayo sa haciende De Avila," wika ni Mang Carding na hindi pa rin natatapos sa pag-aayos ng gulong.

Napalingon si Cristobal sa mansyon ng pamilya De Avila na halos dalawang daang metro na lang ang layo. Nagliliwanag ang loob at labas ng bahay. Hindi nahuhuli ang pamilya De Avila sa pagdiriwang ng mahahalagang okasyon. Hindi niya malaman kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba. Ang bahay na iyon ay naglalaman din ng nauna nilang alaala ni Socorro.

"Marahil ay may mga gulong sila na maaari nating hiramin, Señor. Hindi na nito kakayanin pauwi," saad ni Mang Carding sabay taas ng gulong na malapit nang bumigay muli. Tumango si Cristobal at nagsimulang maglakad patungo sa mansyon. Nais niyang patunayan sa sarili na ang nangyari sa nakaraan ay wala na sa kaniya. Nagawa na niyang harapin at kausapin muli si Socorro. At gagawin niya ang lahat upang makumbinse itong magtago o lumayo pansamantala.

Unti-unting lumakas ang ingay nang siya ay papalapit na. Bumagal ang lakad ni Cristobal nang makita sa hardin ang pamilya De Avila na naghahanda ng mesa, upuan, at mga paputok. Madalas sumagi noon sa kaniyang isipan kung gaano kasuwerte sina Socorro at Jacinto. Marami silang magkakapatid at may mga magulang na handang gawin ang lahat para sa kanila.

Hindi namalayan ni Cristobal na ilang minuto na siyang nakatayo mula sa bukana habang pinagmamsdan kung gaano kasaya ang bawat isa. May isang batang babae na tumatakbo at tuwang-tuwa sa pangyayari. Sa kaniyang palagay ay anak ni Segunda ang bata.

"Señor Cristobal?" Natauhan si Cristobal mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang boses ng isang matanda sa kaniyang likuran. Agad siyang bumati nang makilala ang mayor doma. "Ikaw nga, hijo! Kumusta na?" Napangiti si Manang Tonya. Malalaki na ang magkakapatid na De Avila kung kaya't hindi na siya mahigpit 'di tulad noong mga bata pa ito.

"Mabuti naman po," tugon ni Cristobal na nakaramdam ng pagkailang dahil sa maaaring nakatanim pa sa isipan ng pamilya De Avila ang nangyari walong taon na ang nakararaan.

"Narito na nga rin pala si Jacinto, parang kailan lang ay mga binatilyo pa kayo," ngiti ng matanda. Nanibago si Cristobal dahil naalala niya kung paano kinatatakutan ng mga kasambahay si Manang Tonya, maging sina Socorro at Jacinto ay takot sa kaniya.

Tumango si Cristobal, magpapaalam na lang sana siya ngunit isang boses ng bata ang kanilang narinig, "Manang Tonya!" Tawag ni Rosa na dali-daling sumalubong sa matanda at yumakap. Napalingon sina Feliciano, Jacinto, Don Epifanio, Doña Marcela, at ang ilan sa mga kasambahay.

"Cristobal?" Nagtatakang bulong ni Jacinto sa sarili ngunit nang pagmasdan mabuti ang kausap ni Manang Tonya ay nakilala niya ang kaibigan. "Amigo!" Tawag ni Jacinto na agad lumapit kay Cristobal na mukhang nagsisisi na nagpakita pa siya sa pamilya De Avila.

Agad yumakap si Jacinto kay Cristobal, "Ako'y magtatanim na sana ng sama ng loob dahil hindi mo man lang ako sinalubong sa daungan," biro ni Jacinto sabya tapik sa balikat ng kaibigan. Tulad ng dati ay napapangiti na lamang si Cristobal sa mga pinagsasabi ni Jacinto.

"Yamang narito ka na, halika't sumalo ka na sa amin," wika ni Jacinto. Napatingin si Cristobal sa mag-asawang De Avila na nakatingin lang sa kaniya. Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Akala niya ay magagawa na niyang harapin ang mga magulang ni Socorro na hindi niya nagawa bago siya lumisan patungo sa Europa.

Magsasalita na sana si Cristobal upang magdahilan na kailangan na niyang umalis ngunit wala na siyang nagawa nang akbayan siya ni Jacinto at dalhin papalapit sa hardin kung saan nakatayo sina Don Epifanio at Doña Marcela.

"Magandang gabi, Ginoong Cristobal." Bati ni Feliciano na agad nakipag-kamay sa kaniya. Matapos iyon ay humarap siya sa mag-asawang De Avila, yumuko at itinapat ang sumbrero sa kaniyang dibdib. "Magandang gabi po, Don Epifanio at Doña Marcela," hindi niya magawang tumingin nang diretso sa mata ng mag-asawa. Marahil ay sariwa pa sa mga alaala nito ang usap-usapang kinaharap nila ni Socorro.

Ilang segundong walang nagsalita. Nagkatinginan sina Don Epifanio at Doña Marcela, parehong nagitla sa hindi inaasahang pagdating ni Cristobal. Naunang tumikhim si Don Epifanio, "Magandang gabi rin, Hijo. Huli man ngunit binabati kita sa paglikha ng larangan sa Europa," wika ni Don Epifanio sabay lahad ng kaniyang palad sa tapat ni Cristobal.

Ang totoo ay matagal na niyang nakalimutan ang nangyari. Nakikita niyang maayos at masaya naman si Socorro sa nagdaang mga panahon. Pinanghihinayangan man niya na hindi natuloy ang kasal sa pagitan ng pamilya Salcedo, bilang ama ay sumasang-ayon siya sa mga sinabi ni Don Rufino noon.

Marahang ibinaba ni Don Rufino ang tasa sa mesa matapos ipagtapat ni Don Rufino na malabong matuloy ang kasal. "Akin ding nakausap si Cristobal..." Sandaling napatigil ang Don. Ang totoo ay hindi niya nalaman mismo kay Cristobal kundi kay Mang Carding na si Socorro mismo ang tumanggi. "Marahil ay ito ang ikabubuti ng lahat, nais ko ring ipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Europa," patuloy ni Don Rufino.

Napatango sa sarili si Don Epifanio, tulad niya ay may anak din siyang nag-aaral sa Europa na handa niyang suportahan kahit anong mangyari. "Sa iyong palagay ay may katotohanan ba ang mga usap-usapang kumakalat patungkol sa kanilang dalawa?" Tanong ni Don Rufino, napahinga nang malalim at umiling si Don Epifanio. Ang totoo ay hindi niya matukoy sapagkat si Socorro ay madalas magsinunggaling. Hindi na niya alam kung alin sa mga sinasabi nito ang totoo o hindi.

"May katotohanan man o wala, hindi ko nais na kamuhian muli ako ng aking anak," wika ni Don Epifanio. Naalala niya ang naging sagutan nila noon ni Socorro nang ipilit niyang pakasal ito sa anak ng pamilya Sanchez. Labis niyang pinagsisihan ang nangyari kung kaya't hati ang kaniyang pananaw kung dapat bang pilitin muli si Socorro na maikasal.

"Matagal na akong nagsilbi bilang piskal, hukom, at punonghukom. Sa aking trabaho ay mahalaga na matukoy ko ang mga nagsasabi ng totoo sa hindi. Kung ako ang iyong tatanungin, ako'y naniniwala na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita sa pagitan ng mga bata. Kung tunay silang nagtanan at nagmamahalan, ipagpapasalamat pa nila na sila'y maikasal, hindi ba?" Wika ni Don Rufino dahilan upang unti-unting maliwanagan si Don Epifanio.

"Ako'y walang ibang nakikitang dahilan kung bakit hindi nila nais maikasal? Kung mayroon man, marahil ay sa iba umiibig ang isa sa kanila. O 'di kaya'y nagbago na ang kanilang damdamin para sa isa't isa," patuloy ni Don Rufino, kinuha ni Don Epifanio ang tasa ng tsaa at ininom iyon. May punto ang sinabi ni Don Rufino, mas importante na huwag na lang matuloy ang kasal kung magiging miserable rin sina Socorro at Cristobal sa katagalan.

Napatitig si Cristobal sa kamay ni Don Epifanio. Hindi niya inaasahan na kakausapin siya nito, higit doon ay magagawa pa siyang batiin. Kinamayan niya ang Don, "Sa-salamat po," tinapik ni Don Epifanio ang balikat ni Cristobal.

"Salamat din sa pagtaas ng ating bansa at larangan sa inhinyera. Ikaw ay naging huwaran at marami sa aking mga estudyante ang nakikiisa rin sa iyong tagumpay," wika ni Don Epifanio na unti-unting napangiti.

Tanging si Doña Marcela ang nanatiling tahimik. Para sa kaniya ay hindi niya pa lubos na natatanggap ang nangyari. Ngayong nakatakda nang ikasal si Cristobal sa iba, hindi niya maunawaan kung paano pa magiging maayos ang tingin ng ibang tao kay Socorro na dating naugnay sa binata.

"May hamon pa tayo, hindi ba?" Sabat ni Jacinto nang mapansing walang balak bumati o magsalita ang kaniyang Ina. "Marahil ay hindi ka pa naghahapunan, halika sa loob," patuloy ni Jacinto sabay akbay muli kay Cristobal upang dalhin ito sa loob ng bahay.

Muling ibinalik ni Doña Marcela ang atensyon sa mga bilog na prutas na inaayos niya kanina sa mesa. Nagkatinginan sina Feliciano, Don Epifanio, at Manang Tonya na pare-parehong nakiramdam. Hindi nila masisisi kung hanggang ngayon ay sariwa pa kay Doña Marcela ang lahat dahil si Socorro ang sumasalo sa lahat ng panghuhusga ng mga tao.

Agad nagpakuha ng plato, baso, at kubyertos si Jacinto saka itinuro kay Cristobal ang mga pagkain sa hapag. Nagpatuloy siya sa pagkukuwento, tulad ng dati ay kung saan-saan man mapunta ang mga sinasabi ni Jacinto ay pinapakinggan niya pa rin ito. Nabanggit niya rin ang nangyari sa daan kung kaya't nagpadala ng tao si Jacinto na tutulong kay Mang Carding.

Sumunod si Feliciano na nagsalin ng alak sa kani-kanilang baso. "Ilang minuto na lamang ay mag-hahatinggabi na, dito ka na lang magdiwang kasama namin," wika ni Jacinto na walang balak paalisin si Cristobal dahil walang ibang gustong makinig sa kaniya. "Tiyak na aabutan ka ng Bagong taon sa kalsada pauwi," dagdag ni Jacinto sabay inom ng alak.

"Ang iyong sabihin ay nais mo lang may makasamang uminom," wika ni Feliciano na tumangging magpakalasing ngayong gabi dahil pupunta siya sa minusipyo bukas matapos ipatawag ng gobernadorcilo.

Tumawa si Jacinto, "Iyon nga," wala siyang masabi kaya sumang-ayon na lamang siya. "Siya nga pala, nasaan sina Agustino at Concordio?" Tanong ni Cristobal na lumingon sa paligid. Hindi niya rin nakita sa hardin o sa salas si Socorro.

"Nasa pagsasanay si Concordio. Si Agustino naman ay nagkasakit kung kaya't hindi siya nakauwi," tugon ni Jacinto. Siya muli ang naging ama at bantay ng dalawang kapatid na naninirahan sa Maynila.

Nagpatuloy sa pagkukuwento si Jacinto. Nagdadalawang-isip si Cristobal kung dapat bang ipaalam sa kanila ang kinasangkutan ni Socorro bilang redactor sa La Librería. Ngunit sa nakikinita niyang ngiti at saya sa pamilya De Avila, hindi niya nais na sirain ang gabi ng mga ito. At maging si Socorro na naman ang sanhi ng kanilang problema.

Napatingin sa oras si Jacinto, "Nasaan na pala si Socorro? Hindi pa rin siya bumababa?" Tanong ni Jacinto kay Feliciano at tumingin siya sa dalawang kasambahay na abala sa paglalagay ng pagkain sa mesa.

Hindi sumagot ang dalawang kasambahay senyales na hindi nito napilit si Socorro. "Tiyak na nalugmok na naman siya sa mga libro," wika ni Jacinto na tumingin kay Cristobal. Naalala niya ang huli nilang napag-usapan ni Cristobal bago ito sumakay ng barko patungo sa Europa.

Papausbong ang liwanag habang sunod-sunod na dumating ang mga taong pasakay sa malaking barko. Sumama si Jacinto sa paghatid kay Cristobal. Ilang beses niyang sinubukang pigilan itong umalis ngunit malinaw na kailangan nitong magtungo sa Europa. Bukod doon ay wala rin siyang masabi na makapagpapabago ng isip ng kaibigan dahil ang kapatid niya mismo ang dahilan kung bakit ito lilisan.

"Panahon na siguro upang muli mong buklatin ang iyong mga aklat," saad ni Cristobal dahilan upang matawa si Jacinto sabay hawak sa kaniyang sentido. Gusto niyang umiyak ngunit maraming tao sa daungan, naroon din ang mga kababaihan na nakakakilala sa kaniya.

"Aking sisikaping pumasa sa lahat ng asignatura. Huwag ka na mag-alala riyan," wika ni Jacinto. Naisip niya na magagawa na rin niyang tumayo sa sariling paa sa pag-alis ng matalik na kaibigan.

"Salamat. Hindi mo naman kailangan gawin ang aking mga takdang-aralin ngunit nagtatabi ka pa rin sakaling wala akong nagawa... madalas ay wala talaga," pareho silang natawa sa sinabi ni Jacinto.

"Wala iyon. Ang nais ko ay sabay tayong makapagtapos. Kaya matulog ka na nang maaga upang hindi ka mahuli sa unang klase," bilin ni Cristobal sabay kuha ng maletang hawak pa rin ng kaibigan.

Sandaling naghari ang katahimikan. Naakyat na sa barko ang malalaking bagahe ni Cristobal at nakabalik na si Mang Carding sa kalesa. Narinig nila ang malakas na tunog mula sa barko, senyales na malapit na itong umalis.

"Huwag mong kaliligtaang magsulat pabalik. Kakausapin ko rin si Socorro. Iyong nababatid na may katigasan ang kaniyang ulo, ngunit madali iyon humupa. Hindi siya nagagalit nang matagal," saad ni Jacinto sabay ngiti.

Sa totoo lang ay nanghihinayang siya dahil natunghayan niya kung paano naging magkasundo sina Socorro at Cristobal. Hindi malinaw sa kaniya kung may nararamdaman ba ang dalawa sa isa't isa, ngunit minsan niyang naisip na sana totoo na lang ang kumakalat na balita nang sa gayon ay naging bayaw na sana na niya ang matalik na kaibigan.

Hindi nagsalita si Cristobal, tipid lang itong ngumiti upang ipakita na hindi siya apektado sa sinabi ni Jacinto. "O'siya, kailangan mo nang sumakay. Kung may katulad ni Xavier sa paaralang papasukan mo roon ay sabihan mo lang ako dahil susunod ako roon at tuturuan ko rin siya ng leksyon," wika ni Jacinto dahilan upang muli silang matawa. Ilang araw naging bukambibig ni Jacinto na nagawa niyang talunin si Xavier sa suntukan at humingi pa ito ng tawad sa kanila.

Tumango si Cristobal sa kaibigan at sa kaniyang ama na nakatayo sa tabi ng kalesa. Pareho pa silang nakakaramdam ng pagkailang kung kaya't nauunawaan na agad nila na ang presensiya at tingin ay nangangahulugan ng pagmamalasakit.

"Nagkita na ba kayo ni Socorro?" Tanong ni Jacinto na nagpabalik kay Cristobal sa reyalidad. Napatingin siya kay Feliciano na tumingin lang din sa kaniya at naghihintay ng sagot. Magsasalita na sana si Cristobal ngunit tumayo na si Jacinto, "Halika't surpresahin natin si Socorro. Tiyak na magigitla iyon kapag nakita ka," ngiti ni Jacinto. Kahit papaano ay nais ni Jacinto na mabalik ang pagkakaibigan ng dalawa at tulad ng dati ay magawa nilang magbiruan at kumain ng puto.

Pinagmasdan ni Feliciano ang kilos ni Cristobal na hindi man lang tumanggi. Tumayo rin ito at sumunod kay Jacinto. "Sandali lang kami, gugulatin lang namin si Socorro," ngisi ni Jacinto na nakahiligang asarin ang mga kapatid lalo na si Socorro.

Papaakyat na sana ang dalawa nang dumating si Doña Marcela, "Feliciano, Jacinto, inyong dalhin ang mesa na nasa salas. Nakauwi na pala ang ating mga kutsero," wika ni Doña Marcela sabay turo sa maliit na mesa na gusto rin nilang ilabas upang paglagyan iba pang mga pagkain. Mabilis na lumabas si Doña Marcela upang iwasan ang panauhin.

Lumingon si Jacinto kay Cristobal at sa kasambahay na papasok sana sa kusina, "Dalia, maaari mo bang samahan si Cristobal sa taas?" Wika ni Jacinto, nais sanang tumulong ni Cristobal sa pagbuhat ng mesa ngunit umiling si Jacinto. "Hindi namin pinapabuhat ang aming panauhin. Susunod ako sa itaas," patuloy ni Jacinto na nakaramdam na umiiwas ang kaniyang Ina.

Tumango ang kasambahay na naunang umakyat sa hagdan. Tahimik na sumunod si Cristobal, ang bawat hakbang na tinatahak paakyat ay nagbabalik sa kaniyang alaala nang minsang makita ang galit na hitsura ni Socorro matapos nitong ipagsigawan sa harap ng mag-asawang Sanchez na hindi siya magpapakasal kahit kailan.

Natanaw ni Cristobal ang pinto ng silid ni Socorro, naalala niya na minsan siyang kumatok doon upang ibigay ang nakarolyong papel na naiwan nito. Bukod doon ay nagawa niya ring itulak ang piraso ng papel na sinulat niya upang damayan si Socorro nang makasagutan nito ang ama at punitin ang kaniyang mga libro.

Hindi niya akalain na iyon pa rin ang hitsura ng pinto na nagpatigil sa kaniya noon ng ilang minuto sa pag-iisip kung dapat bang ituloy ang pagkatok doon o hindi. Natauhan siya nang kumatok ang kasambahay at tawagin ang pangalan ni Socorro.

Ang tanging hangad niya ay mailigtas si Socorro sa nagbabadyang panganib. Pagdudahan man siya ng mundo, pagdudahan man niya ang sarili kung ano ba ang kaniyang tunay na intensyon. Higit doon ay hindi niya maaatim na hayaang mapahamak si Socorro sa pangarap nitong minsan niyang pinaglaban.

Ginalang niya ang desisyon at pangarap noon ni Socorro. Hindi niya akalain na ang pangarap nito ang maglalagay sa kaniya sa kapahamakan. Kung nalaman lang niya nang mas maaga na si Socorro ang bagong redactor ay pipigilan niya itong tumuloy kahit anong mangyari.

Ang posibleng pagkadawit ni Socorro sa ikaapat na yugto ay maglalagay din sa kapahamakan sa kaniyang buong pamilya, kay Jacinto na kaniyang matalik na kaibigan. Nababatid niya na wala siyang karapatang makialam sa sitwasyong kinasangkutan ni Socorro, subalit hindi niya kayang manahimik at panoorin na lang ang mangyayari.

Sumagi sa kaniyang isipan ang mga magulang ni Socorro. Hindi na mabilang ni Cristobal kung ilang ulit na naging suliranin ng mga ito si Socorro na siyang nagdadala sa kanila ng sakit sa ulo. Sa kabila ng lahat ng kinasangkutan ni Socorro ay ang pagiging redactor nito sa ikaapat na akda ni Palabras ang seryoso sa lahat.

At ngayong kaharap niya ang dalaga na tulad ng paputok na nagdadala sa kaniyang buhay ng surpresa at gulat ay nalalaman niyang hindi pa rin ito mahusay sa pagsisinunggaling. Ang makukulay na paputok na sumasabog sa ere ay nagkakaroon ng repleksyon sa mga mata ni Socorro na pilit pinipigilan ang luha.

"Ako'y hindi naniniwala sa iyong mga sinabi kahit gaano ka pa kahusay magsinunggaling, at kahit gaano ka pa kahusay sa pagtatago ng iyong damdamin, Socorro." Saad ni Cristobal na tulad ng dati ay siyang tanging nakakapagpakalma kay Socorro. Hindi niya mabatid kung maging siya ay sinunggaling na rin. Sinunggaling sa totoong damdamin.

"Manigong bagong taon!" Natauhan sila nang marinig ang masayang tinig ni Jacinto na diretsong naglakad sa balkonahe habang namamangha sa mga paputok na sunod-sunod sinindihan ni Feliciano sa ibaba.

Agad umiwas ng tingin si Socorro at muling nagpahid ng luha. Tumingin siya kay Amor na walang kurap nakatingin sa kanila habang nakatakip ng bibig sa gulat. "Anong kahilingan niyo sa bagong taon?" Tanong ni Jacinto habang tulala sa makukulay na paputok na mas dumami at lumakas ang ingay sa paligid.

Tumikhim si Amor na agad lumapit kay Socorro sa takot na mapansin ni Jacinto ang hitsura ng kapatid kapag lumingon ito kay Socorro. "Matiwasay na taon at makapasyal pa tayo sa iba't ibang lugar," ngiti ni Amor upang ilihis ang atensyon ni Jacinto. Isang lingon lang nito kay Socorro ay siguradong magtatanong ito sa nangyari.

"Gawin natin iyan, gayahin natin si Leonora na nakakapasyal kung saan-saan," ngiti ni Jacinto. "Ikaw, Socorro?" Tanong ni Jacinto na akmang lilingon ngunit mabilis na tumabi sa kaniya si Amor at nagturo ng paputok, "Anong tawag sa paputok na iyon, Kuya?"

"Iyan ay..." Napahimas si Jacinto sa kaniyang baba at napaisip, "Aba malay ko, hindi ko naman pinag-aralan ang mga uri ng paputok," wika niya dahilan upang tumawa si Amor.

Nagpatuloy sa pagtatanong si Amor upang libangin si Jacinto hanggang sa nakarinig na lang sila nang pagsara ng pinto. Pumasok na si Socorro sa kaniyang silid nang walang pasabi. "Ikaw, Cristobal, anong kahilingan mo?" Tanong ni Jacinto na nakalimutang hanapin si Socorro.

"Na maging maayos ang lahat at walang masamang mangyari," tugon ni Cristobal na nanatiling nakatingin sa saradong pinto ng silid ni Socorro. Sa pagsapit ng bagong taon ay hinihiling niya na walang mapahamak na sinuman, na hindi muling malagay sa alinlangan si Socorro nang dahil pinili nitong tuparin ang kaniyang pangarap.


KINABUKASAN, tanghali na ngunit halos tulog pa ang lahat. Tanging si Socorro ang gising at kumikilos na tila walang bagong taon na dumating. Inilalagay niya ang mga damit at gamit sa isang malaking maleta.

Kumuha siya ng ilang kumot sa ilalim ng aparador. Nang hilahin niya ang isa ay nahulog ang nakarolyong papel na matagal nang nakasiksik doon. Kahit hindi niya buksan iyon ay nalalaman niya kung ano ang nilalaman nito.

Dahan-dahang pinulot ni Socorro ang nakarolyong papel at inalis ang pagkakatali. Naalala niya pa kung gaano lumukso ang kaniyang puso sa pag-aakalang ang binatang nakilala sa La Librería ay ang paborito niyang manunulat. Subalit ngayon ay napapaisip siya kung bakit hindi na siya interesadong malaman kung sino ba si Palabras. Nagustuhan niya ba si Palabras dahil sa mga akda nito? O mas higit niya itong nagustuhan sa pag-aakalang si Cristobal at ang misteryosong manunulat ay iisa?

Napatitig si Socorro sa ginuhit na larawan ni Cristobal na labing-pitong taong gulang pa lamang noon. Walang masyadong nagbago sa hitsura nito. Naalala niya kung paano siya awtomatikong napapangiti sa tuwing nakikita si Cristobal. Dahil ba sa natutuwa siyang makipagkaibigan sa isang manunulat tulad niya? Dahil ba sa ito ang hinahangaan niyang manunulat? O dahil may higit pang dahilan ang kaniyang pagngiti sa tuwing ito ay nasisilayan?

Napailing si Socorro. Anuman sa dahilan na iyon, anumang dahilan ng kaniyang nararamdaman ngayon ay dapat niyang iwaksi sa puso't isipan dahil ikakasal na si Cristobal. Naalala niya ang palitan ng ngiti nina Juliana at Cristobal sa isa't isa. Marahil ay tama nga si Cristobal, kailangan niyang lumayo at tapusin ang kaniyang paghihintay.

Ibinalik ni Socorro sa gilid ng aparador ang nakarolyong papel. Hindi niya ito nais isama sa kaniyang pag-alis. Ngunit hindi niya rin ito nais itapon na para bang ni minsan ay hindi ito naging mahalaga sa kaniya. Kung kaya't iiwan na lang niya ito sa tagong lugar kung saan walang makakaalam na minsan itong nagpaligaya sa kaniya.

Napalingon si Socorro sa pinto nang marinig ang pagkatok mula roon, "Socorro, hija." Wika ni Manang Tonya na dahan-dahang binuksan ang pinto.

"Susunod po ako sa ibaba," wika ni Socorro sa pag-aakalang kumatok si Manang Tonya upang tawagin siya sa tanghalian.

"Saan ka magtutungo, hija?" Nagtatakang tanong ni Manang Tonya na napatingin sa maleta at mga gamit ni Socorro. Nagpatuloy si Socorro sa pag-iimpake saka ngumiti nang tipid, "Huwag kayo mag-alala, Manang. Ako'y hindi lalayas. Walang lalayas na nagpahuli at magpapaalam pa," ngiti ni Socorro. Naalala niya ang naging palitan nila ng diskusyon noon ni Cristobal kung saan tinutulan nito ang kaniyang paglayas.

"Gising na po ba sina ama't ina?" Tanong ni Socorro na naglagay ng mga libro sa maleta. Sandali siyang napatigil nang makita ang mga libro ni Palabras. Hindi na niya ito inulit basahin. Walong taon na ang nakararaan mula nang huli niya itong hawakan.

"Oo. Nasa hapag na sila," tugon ni Manang Tonya na lumapit kay Socorro at pinagmasdan itong mabuti. Sa kabila ng pagngiti at pagbibiro ni Socorro ay nararamdaman niyang may kakaiba sa ikinikilos nito.

Napatingin si Socorro kay Manang Tonya nang tulungan siya nitong magtupi ng damit at isilid sa maleta. "Saan mo balak magtungo? Susunod ka ba kina Remedios at Leonora sa Norte?"

Umiling si Socorro, "Nais ko pong makarating sa Timog. Minsan nang naikuwento sa akin ni Leonora kung gaano kaganda ang mga talon at daga-dagat doon," muling ngumiti si Manang Tonya.

"Kung ako'y bata pa ay sasamahan kita. Pasensiya na't hindi na nakakatagal sa byahe ang matandang tulad ko," ngiti ni Manang Tonya saka tumingin nang makahulugan kay Socorro. Sa magkakapatid ay si Socorro ang nababatid niyang naging matatag sa lahat ng hamon sa buhay. Minsan na nilang naging biruan na paano ba hindi tatatag si Socorro gayong kay raming parusa ang dinanas nito kay Doña Marcela.

"Huwag kayong mabahala. Kaya ko ang aking sarili, Manang." Ngiti ni Socorro ngunit nanatiling nakatingin sa kaniya si Manang Tonya.

"Nawa'y hindi ka masanay magsarili at mag-isa. Hindi mo sana makalimutan ang hangaring magkaroon ng kasama sa pagtanda," wika ni Manang Tonya. Nagkunwaring abala si Socorro sa mga librong pinili niyang dadalhin.

"Iyong nababatid Manang na wala sa akin ang bagay na iyon. Masaya ako sa nangyayari ngayon. Masaya akong tumuklas ng mga bagay kasama ang aking sarili," saad ni Socorro na sinubukang ngumiti muli ngunit sa bawat ngiti niya ay tila tinutusok ang kaniyang damdamin. "Bukod doon ay naniniwala ako na hindi lang dapat sa pag-aasawa nakatuon ang layunin ng isang babae. Ang sinuman ay mabubuhay kahit walang maging katuwang sa pagtanda," patuloy ni Socorro na pinaninindigan pa rin ang mga bagay na sa totoo lang ay hindi na niya lubos pinaniniwalaan.

Hindi nagsalita si Manang Tonya, nagpatuloy na lamang siya sa pagtupi ng mga damit. Sandaling naghari ang katahimikan hanggang sa lumingon si Socorro sa matanda. "Hindi ba kayo masaya mag-isa, Manang? Pinagsisisihan niyo na ba na hindi kayo nag-asawa?" Tanong ni Socorro. Ang totoo ay matagal na niyang gustong itanong iyon kay Manang Tonya. Siya ay dalawampu't apat na taon na, lagpas na sa tamang edad ng pag-aasawa.

"Ano sa iyong palagay?" Ngumiti nang makahulugan ang matanda dahilan upang mapahinga nang malalim si Socorro at humarap sa kaniya, "Aking nakikita na masaya at kontento naman po kayo sa inyong buhay mag-isa," tugon ni Socorro.

"Sa inyong mga mata ay oo, maaaring masaya at kontento ako. Ngunit may iilang bagay na minsan kong hinangad na maranasan... ang magkaroon ng sariling pamilya, ang magkaroon ng asawang masasandalan, at ang maging isang ina," napatulala si Manang Tonya sa mga damit ni Socorro.

"Nais kong magtahi ng mga damit para sa aking asawa't anak, nais kong magluto ng mga putahe na magpapawala sa kanilang pagod at lungkot, nais kong subaybayan ang kanilang paglaki at hintayin silang umuwi. Ang lahat ng iyon ay kahit papaano naranasan ko sa inyong pamilya dahil tinuring niyo akong kaisa. Subalit, naroon pa rin ang katotohanan na ang kakulangan sa aking buhay ay hindi na mapupunan. Nasanay na akong maging kontento sa pagmamasid kung gaano kasaya ang inyong pamilya," paliwanag ni Manang Tonya saka lumapit kay Socorro at hinawakan ang kamay nito.

"Nauunawaan ko ang iyong mga paniniwala. Subalit sa paglipas ng panahon ay maaaring magbago ang ating gustong gawin sa buhay. Maaari mo ring tuparin ang iyong mga pangarap at sariling kasiyahan kasabay ng pagkakaroon ng isang masayang pamilya na siyang iyong magiging lakas sa hirap at ginhawa," hinawakan ni Manang Tonya ang pisngi ni Socorro. Nararamdaman niya na pilit na tinatago ni Socorro ang kalungkutang nararamdaman nito.

"Nawa'y hindi pa huli ang lahat upang maranasan mo ang maging asawa't ina sa iyong magiging sariling pamilya. Maniwala ka sa akin, iyong matatagpuan ang kakaibang ligaya sa piling nila," napayuko si Socorro, hindi niya malaman kung ano ang dapat na sabihin at maramdaman. Ang kaniyang mga paninindigan at paniniwala ay unti-unting nababali tulad ng isang sanga na naging mahina dahil sa paglaki ng puno.


"SA LANAO?" Tanong ni Amor matapos sabihin ni Socorro kung saan siya magbabakasyon. "Naroon ang mga anak ni Tiyo Marcelo," wika ni Socorro habang nakatanaw sa bintana ng kalesa na patungo sa bayan. Makulimlim ang langit at nababalot ng itim na ulap na nagbabadya ng isang malakas na ulan. Makailang beses na gumuguhit ang kidlat at dumadagundong ang kulog na nagpapatakbo sa mga bata.

"Kailan ka babalik?" Tanong muli ni Amor na hindi makapaniwalang desididong lumayo si Socorro. Hindi nakasagot si Socorro. Ang totoo ay pareho silang walang ideya kung anong mangyayari gayong tahimik pa ang lahat.

"Nais mo bang sumama sa akin?" Tanong ni Socorro saka ngumiti nang kaunti. Napakunot ang ilong ni Amor. "Darating si Leonel sa Marso, ang tagal ko rin siyang hinintay," wika ni Amor. Napatango na lang si Socorro sa sarili saka muling tinanaw ang malalawak na palayan. Ang paghihintay ay suwertihan lang din. May mga binabalikan, at may mga hindi.

Tumigil sila sa tapat ng La Librería na sarado pa rin. May ilang mga naghihintay sa pagbubukas nito. At may ilang sumisilip sa salamin ng tindahan. "Nagsara nga sila," wika ni Amor. Hindi pa rin siya makapaniwala sa naging pag-uusap nina Socorro at Cristobal kung saan maaaring usigin ang La Librería at madamay ang kaniyang kapatid.

Tumingin si Socorro sa kutsero, "Tumuloy po tayo sa bahay-panuluyan na tinutuluyan ni Don Julio," wika ni Socorro. Hindi nagtagal ay narating na nila ang dalawang palapag na bahay-panuluyan. Maraming mga kalesa ang nakaparada sa labas.

Kumapit si Amor sa braso ni Socorro nang makapasok sila sa loob. Maraming kalalakihan ang nakatayo sa tanggapan na tila ba may malaking pagtitipon sa loob. Mga nakasuot ng itim na abrigo, tsaleko, pantalon, at sumbrero. Napalingon ang mga lalaki na karamihan ay nasa edad dalawampu pataas hanggang apatnapu.

Marahang pinisil ni Amor ang braso ni Socorro upang pigilan itong tumuloy sa loob ngunit determinado si Socorro na makausap si Don Julio. Kusang tumabi ang mga lalaki upang bigyan sila ng daan. Ang ilan ay nagtanggal ng sumbrero at bumati. Diretso lang ang tingin ni Socorro, samantala, nahihiyang tumango nang tumango si Amor upang tugunan ang pagbati ng mga kalalakihan dahil sa hiya.

Nang marating nila ang tanggapan ay kusang tumabi rin ang lalaking nakatayo roon, "Nais kong makausap si Don Julio? Saan ang kaniyang silid?" Diretsong tanong ni Socorro na hindi apektado sa mga matang nakasunod sa kaniya.

"Ang bilin po sa akin ay wala siyang panauhin na nais..." Hindi na natapos ng katiwala ang sasabihin dahil nagsalita ang lalaking kausap niya kanina at nagbigay-daan kay Socorro.

"Pinatawag siya ni Don Julio," wika ng lalaki sa katiwala. Sabay na lumingon sina Socorro at Amor sa katabi nilang nagsalita. Ngumiti ang binata at nagtanggal ng sumbrero, "Aking hindi akalain na magkikita tayo rito, Socorro," saad ni Ambrosio. Hindi nakapagsalita si Socorro sa gulat. Samantala, napatakip sa bibig si Amor.

Hindi pinansin ni Socorro si Ambrosio at muli siyang humarap sa katiwala, "Pang-ilang silid ang kay Don Julio?"

Magsasalita sana ang katiwala ngunit nauna na si Ambrosio, "Pang-lima mula sa kaliwa," sabat ni Ambrosio na nais kunin ang atensyon ni Socorro. Hindi nagsalita si Socorro, hinawakan niya ang kamay ni Amor upang isama ito paakyat sa hagdan.

Muling tumabi ang mga kalalakihan na sinundan sila ng tingin. "Hintay," habol ni Ambrosio na tumango at bumati sa mga kaibigan. Hindi lumingon sina Socorro at Amor hanggang sa marating nila ang ikalawang palapag.

Walang ibang tao sa ikalawang palapag. Dire-diretsong naglakad si Socorro patungo sa kaliwang pasilyo habang hawak ang kamay ni Amor na humahabol sa kaniyang mabilis na lakad. "Socorro, sandali!" Muling habol ni Ambrosio ngunit hindi siya pinansin ni Socorro hanggang sa binilisan niya ang paglalakad at humarang sa daan ng magkapatid.

"Maaari ba kitang makausap?" Tanong ni Ambrosio. Seryoso siyang tiningnan ni Socorro. "Wala akong oras," tugon nito na akmang magpapatuloy sa paglalakad ngunit muling humarang si Ambrosio.

"Kahit sandali lamang," pakiusap ni Ambrosio. Nababatid ni Socorro na hindi titigil o aalis si Ambrosio hangga't hindi siya pumapayag. Kailanman ay hindi ito nakinig sa gusto niyang mangyari.

Napahalukipkip si Socorro dahilan upang mapabuntong-hininga si Ambrosio. "Magtutungo sana ako mamaya sa inyong tahanan upang makausap ka nang sarilinan," wika ni Ambrosio na nag-aalinlagang ituloy ang kaniyang sasabihin.

"Sabihin mo na ngayon dito. Huwag kang pupunta sa amin," seryosong saad ni Socorro na halos magdugtong na ang kilay. Ang pagdating ni Cristobal kahapon ay ikinabigla ng kaniyang mga magulang. Tiyak na hindi rin nila gugustuhing makita muli si Ambrosio na biglang naglaho matapos silang kausapin tungkol sa panliligaw at pamamanhikan noon.

Hinubad ni Ambrosio ang kaniyang sumbrero at itinapat sa dibdib, "Ako'y ikakasal na," saad nito na ikinatahimik ni Socorro. "Hindi pa ba nakarating sa iyo?" Patuloy ni Ambrosio na diretsong nakatingin sa mga mata ni Socorro. Hindi niya maunawaan kung bakit siya umaasang makita ang pagtutol ng dalaga.

Umiwas ng tingin si Socorro, "Anong kinalaman niyan sa akin?" nagpatuloy na sa paglalakad si Socorro ngunit napatigil siya nang magsalita si Ambrosio. "Nais kong malaman kung bakit tumigil ka sa pagtugon?" Tanong ni Ambrosio na dahan-dahang lumingon kay Socorro.

Naunang lumingon si Amor, pinisil niya nang marahan ang kamay ni Socorro upang hikayatin itong kausapin si Ambrosio. Napahinga nang malalim si Socorro saka muling hinarap si Ambrosio.

"Dahil may ibig akong gawin sa sarili kong buhay na hindi tutugma sa iyong mga sariling plano," pagsisinunggaling ni Socrro. Ang totoo ay hindi siya makasabay noon sa pagmamadali ni Ambrosio. Ibig nitong ikasal at magpakalayo. Hindi naglaon ay tumigil na rin siya sa pagpapadala ng liham. Kahit papaano ay nasaktan siya sa nangyari, unti-unti na siyang nahihikayat noong mga panahong iyon na tanggapin ang alok ni Ambrosio. Subalit hindi siya makahabol sa bilis ng pangyayari. Sa bilis ng mga plano ni Ambrosio sa sarili nitong buhay na hindi niya masabayan.

"Ngayon... kung ikakasal ka na, hayaan mo na ako," napahigpit ang hawak ni Socorro sa kaniyang saya. Nitong mga huling araw ay sinusubukan ang kaniyang pasensiya. "Pare-pareho lang din kayo," patuloy ni Socorro bago tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa marating ang ika-limang silid. Maging si Amor ay napakunot ang noo at tinalikuran si Ambrosio saka sumunod sa kaniyang kapatid.

Napayuko si Ambrosio. Marami siyang gustong sabihin. Marami siyang gustong ipagtapat. Marami siyang gustong ibahagi kay Socorro ngunit hindi maaaring masira ang lahat.


TAHIMIK ang magkapatid na De Avila habang nakasakay sa kalesa pauwi sa kanilang tahanan. Hindi nila nakausap si Don Julio. Isang katiwala ang nagbukas ng pinto sa silid ni Don Julio at nagsabing masama ang pakiramdam ng Don. Gustuhin mang sumugod ni Socorro sa loob ngunit nakita nilang nakahimlay sa kama at namumutla ang matandang Don kung kaya't minabuti nilang umuwi na muna.

Napadungaw si Socorro sa bintana nang makita ang pamilyar na babae na ngayon ay nakatayo sa bukana ng kanilang hacienda. Agad pinatigil ni Socorro ang kalesa at bumaba roon upang lapitan ang ale. Suot nito ang balabal na kaniyang binigay.

Ngumiti nang marahan ang ale nang matanaw si Socorro papalapit at agad itong nagbigay-galang. "Magandang umaga, Señorita. Naparito ho ako upang ibalik ito," wika ng ale sabay hubad ng balabal at payukong inabot kay Socorro.

Napatitig si Socorro sa balabal. Kapansin-pansin na iningatan ito nang buong-sikap. Napatingin siya sa maruming saya ng ale. Naalala niya ang paika-ika nitong paglalakad. "Tatanggapin ko lang po ito kung sasama kayo sa akin," saad ni Socorro saka tumingin sa ale.

Tumigil sila sa tapat ng maliit na pagamutan na gawa lamang sa kubo. Sa susunod na Linggo pa magtutungo si Feliciano sa Maynila kung kaya't kasalukuyan siyang nanggagamot sa kalapit na barrio.

Naabutan nila ang ilang mga kababaihan na tumutulong sa maliit na pagamutan. Karamihan ay mga bata na payat at kulang sa timbang ang nakapila kasama ang kanilang mga magulang. May mga matatanda rin na kailanman ay hindi nakaranas na matingnan ng doktor.

Tumulong na rin sina Socorro at Amor sa pag-abot ng mga pagkain at tubig. Nagsimulang umambon kung kaya't dinala nila ang ilang pasyente sa isang malaking silong na nasa tabi ng pagamutan. Napalingon si Socorro kay Feliciano nang makita niyang sinusuri na nito ang ale na sinama niya. "Mabuti na lang po ay natunton niyo kami," wika ni Feliciano habang tinitingnan ang mata ng ale na nakaupo sa malaking silya na gawa sa kawayan.

"Nakadaupang-palad ko ang iyong kapatid, siya ang nagdala sa akin dito," ngiti ng ale na ngayon ay nagawa nang magsalita dahil sa makailang ulit na pagtatanong ni Feliciano habang sinusuri siya nito.

Lumapit si Socorro dala ang isang basong tubig upang ibigay sa ale ngunit tumayo muna siya sa gilid habang hinihintay na matapos ang pagsusuri ng kaniyang kapatid. "Ano po pala ang inyong ngalan? At ilang taon na po kayo?" Naupo si Feliciano sa katabing silya saka kinuha ang talaan.

"Honorata... Honorata Madrigal. Ako'y apatnapu't apat na taong gulang," tugon ng ale. Tumango si Feliciano kahit pa naroon ang kaniyang pagdududa kung totoo bang pangalan ang binigay ng ale dahil ayon sa hitsura nito ay maaaring nabibilang ito sa mga Sangley.

"Ito ba ay paglilista ayon sa aming mga cedula?" Tanong ng ale. Tumango si Feliciano, ayon sa panukala ni Don Fernando ay kailangan nilang itala ang mga pangalan ng mga pasyente na kanilang bibigyan ng libreng serbisyo.

Kinuha ng ale ang kaniyang cedula at iniabot kay Feliciano, Honorata Sato Madrigal. Napatingin si Feliciano sa ale, ito ay may lahing hapones ayon sa isa pa nitong apelyido. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit tila hindi matatas magsalita ng tagalog ang ale. Nakakapagsalita ito ngunit mapapansin ang kakaibang tono sa tuwing nagsasalita na ito nang mahaba.

Kinuha ni Feliciano ang isa pang talaan kung saan doon niya sinusulat ang mga sakit na dinadaing ng mga pasyente. "Ano pong nangyari sa inyong tuhod?" Patuloy ni Feliciano matapos nitong mapagtanto na bata pa ang ale upang makaranas ng mga sakit ng mga matatanda.

"Ako'y nahulog noon sa kalabaw, mula noon ay hindi ko na ito nailakad nang maayos," tugon ng ale na napatingin kay Socorro na kanina pa nakatayo sa tabi ng pintuan. Lumapit si Socorro saka inabot sa kaniya ang isang basong tubig.

"May ibibigay po ako sa inyong mga gamot. Ang ilan dito ay sa makalawa pa darating. Wala na po kayong babayaran dahil tinustusan po ito ng munispyo," saad ni Feliciano matapos isulat sa talaan ang kondisyon ng ale at ang mga gamot na kaniyang nireseta.

Pinaliwanag ni Feliciano ang mga gamot na iinumin maging ang mga bawal at maaaring kainin. Matapos ang pagsusuri ay inalalayan ni Socorro ang ale papalabas sa pagamutan. "Kay husay ng iyong kapatid," wika ng ale na ngumiti nang marahan.

Ngumiti pabalik si Socorro, sa dami ng nangyari ngayong araw ay napawi ng isang ngiti ang kaniyang mga alalahanin. "Ihahatid na po namin kayo sa inyong tahanan," wika ni Socorro ngunit umiling ang ale.

"Huwag na kayong mag-abala. Malapit na lang ang aking tahanan dito," saad ng ale saka tumanaw sa kabilang barrio kung saan natatanaw nila ang ilang usok mula sa mga siga matapos tumigil ang pag-ambon bagaman ang lupa ay basa na.

"Doon din po kami dadaan," saad ni Socorro upang makumbinse ang ale ngunit nagsalita si Amor, "Hindi ba doon tayo sa kabila?" Nagtatakang saan ni Amor sabay turo sa kabilang kalsada. Agad siyang sinagi ni Socorro. Kilalang prangka at diretso kung sumagot si Amor dahilan upang madalas itong malagay sa alanganin dahil may mga nasasabi itong hindi sinasadya.

"Pauwi na rin po kami, sumabay na lang po kayo sa amin..." Bawi ni Amor na humawak din sa kabilang braso ng ale. Napatigil si Socorro nang makita ang pagdating ng kalesa sa tapat ng pagamutan at bumaba mula roon sina Cristobal at Jacinto.

May dalang mga pagkain at prutas ang dalawa bilang pagbati sa pagbubukas ng maliit na pagamutan. "Narito pala kayo, ang sabi ni Manang Tonya ay nasa pamilihan daw kayo," wika ni Jacinto na agad sumalubong sa kanila bitbit ang mga bakol na naglalaman ng pakwan, papaya, mangga, at suha.

Nagpatuloy sa paglalakad si Socorro na walang balak tumigil upang salubungin ang dalawang bagong dating ngunit napalingon siya sa kasabay na ale na bumagal sa paglalakad hanggang sa tumigil ito.

"May naiwan po ba kayo sa loob?" Tanong ni Socorro ngunit hindi nagsalita ang ale. Ang mga mata nito ay gulat at halos walang kurap na nakatingin sa dalawang binatang makakasalubong nila. Nagtatakang sinundan ni Socorro ang direksyon ng mata ni Aling Honorata.

Maging si Cristobal ay hindi nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan hanggang sa nabitiwan nito ang bakol na puno ng mga dalandan na gumulong at nagkalat sa lupa. Napasigaw si Amor, dali-dali nilang pinulot ni Jacinto ang mga nahulog na prutas upang hindi ito maputikan.

"Luisito," tulalang wika ng ale na nagsimulang humakbang papalapit kay Cristobal at nanginginig na hinawakan ang mukha nito. Napatigil sina Jacinto at Amor sa pagpulot ng mga prutas, samantala, halos walang kurap na nakatingin si Socorro sa tagpong iyon.

Naalala niya na hindi si Doña Josefa ang nagsilang kay Cristobal. Ang nag-iisang tagapagmana ng pamilya Salcedo ay anak ni Don Rufino sa ibang babae. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit ang mga mata ni Aling Honorata ay pamilyar sa kaniya.

Bago pa dumampi ang palad ni Aling Honorata sa mukha ni Cristobal ay nakahakbang na ito paatras. Animo'y nakakita ng multo si Cristobal na naging dahilan kung bakit hindi niya maigalaw ang kaniyang buong katawan habang gulat na nakatingin sa babaeng tinatawag siya sa ibang pangalan.

Natapakan ni Cristobal ang ilang prutas na nabiyak at nadurog sa lupa habang paatras na lumalayo hanggang sa tumakbo siya sa papalayo. Humabol si Aling Honorata ngunit sa hina ng tuhod nito ay nawalan siya ng balanse. Mabuti na lang dahil agad siyang nahawakan ni Jacinto.

"Ako na po ang bahala," wika ni Socorro na dali-daling tumakbo upang habulin si Cristobal. Napasigaw si Amor nang muling umambon saka mabilis na dinampot ang mga prutas. Maging si Jacinto ay nagulat nang biglang mawalan nang malay ang ale. Dumungaw si Feliciano nang marinig ang sigaw at paghingi ng tulong nina Amor at Jacinto. Maging ang ibang mga pasyente ay napatayo at sumilip sa bintana.

Animo'y namanhid ang buong katawan ni Cristobal habang sinasalubong ang pagbagsak ng ulan na unti-unting lumalakas. Ang pagbaon ng kaniyang sapatos sa lumalambot na lupa ay hindi nagpatigil sa kaniyang hangaring tumakas at tumakbo papalayo.

Sa kaniyang bawat hakbang ay nakikita niya sa daan at naririnig niya ang ilang bahagi ng kaniyang pagkabata na matagal na niyang kinalimutan.

Nakahiligan ni Cristobal na mas kilalang Luis o Luisito sa kanilang tahanan ang paggawa ng mga bahay, gusali, bundok, at kastilyo sa pinong buhangin ng tabing-dagat. Nakatira sila sa isang liblib na barrio sa bayan ng Baler, Aurora.

Bago tuluyang lumubog ang araw ay sinusundo siya ng kaniyang Lolo na kakatapos lang din mangisda. Si Luisito ay isang tahimik na bata sa una ngunit nagiging matanong at makuwento ito sa katagalan. Gabi-gabi ay sabay-sabay silang nagsasalo sa hapunan kasama ang kaniyang Ina na tumutulong sa pagsasaka, nag-lalabandera, at sa umaga ay nagtitinda ng isda sa pamilihan.

Sa murang edad ay nakakaunawa siya ng mga lenggwahe na ginagamit sa kaniya ng kaniyang Lolo at Ina. Naabutan niya ang kaniyang Lola ngunit hindi niya gaano maalala dahil tatlong taon lang siya nang yumao ito.

Magaling sa aritmetika ang kaniyang ina na sinasabing hindi madadaya lalo na sa pagkukuwenta ng mga benta at sukli. Ang kaniyang Lolo ay magaling sa pagsulat ng mga tanka at haiku. Marami rin itong nalalaman pagdating sa mga kilalang nobela dahilan upang maagang mamulat si Luisito sa mundo ng literatura.

Bago sumapit ang kaniyang ikaanim na kaarawan ay nagkasakit ang kaniyang Lolo na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito. Ginawa lahat ng kaniyang ina upang gumaling ang matanda ngunit huli na an Nabaon sila sa utang hanggang sa maisangla ang kanilang tirahan. Maging ang bangka ng kaniyang Lolo ay kinuha ng cabeza na nagpautang sa kanila.

Napansin ni Luisito na unti-unting nagbago ang kaniyang ina. Naging bugnutin at mainit ang ulo nito. Isang beses ay inihagis nito ang palayok nang mapagtanto na wala na silang maisasaing na bigas. Madalas ay nakikita niya rin itong umiiyak mag-isa sa gabi at tulala sa umaga. Wala na silang kabuhayan at salapi, pinapaalis na rin sila sa kanilang tahanan. Gayunpaman, niyayakap niya ang kaniyang ina sa pagtulog dahil sa ganoong paraan din siya dinadamayan ng kaniyang ina at Lolo sa tuwing siya ay umiiyak.

Dalawang araw bago ang kaniyang ikaanim na kaarawan ay lumuwas sila sa Maynila dala ang kanilang mga natitirang damit. Sa araw mismo ng kaniyang kaarawan ay pinasuot sa kaniya ng kaniyang ina ang pinakamainam niyang damit at dinala siya sa simbahan upang magsimba.

Laking pagtataka ni Luisito nang marinig niya ang paghugolgol ng kaniyang ina sa loob ng kumpisalan habang nakaupo siya sa malapit na silya. Sa isip niya ay nagluluksa pa rin ito sa pagkawala ng kaniyang Lolo.

Umaambon nang pumara ang kaniyang ina ng kalesa. Bilang isang batang laki sa hirap at nakatira sa liblib na tabing-dagat ay hindi pa siya nakakasakay sa kalesa. May sinabi ang kaniyang ina sa kutsero na hindi niya naunawaan. Ang tanging naiisip niya kung magkano ang pamasahe sa kalesa at kung may salapi pa silang natitira.

Malalaking palayan at malalawak na lupain na puno ng iba't ibang hayop ang nagpangiti sa bata habang nakadungaw ang ulo sa kalesa. Hindi nagtagal ay narating nila ang isang malaking mansyon na simbolo ng karangyaan at kaluwalhatian.

Hindi maipaliwanag na mga hitsura ang sumalubong sa kanilang pagdating. Ang mga kasambahay ay nagsimulong bumulong sa isa't isa habang nakatingin sa kaniya. Ang mga manggagawa at trabahador ng hacienda ay nagkakatinginan kasabay ng mga tanong na... Siya ba ang anak ni Don Rufino?

"Oning, sasamahan kita sa itaas," wika ng isang matandang mayor doma na humawak sa balikat at kamay ng kaniyang ina. Tumingin si Honorata sa anak saka sinambit sa labi kahit walang boses na lumabas na maghintay siya roon.

Nilapitan si Luisito ng dalawang kasambahay, pinaupo siya sa salas at hinatiran ng tsokolate't tinapay. Kinausap siya ng mga kasambahay an tila ba isa siyang mahalagang tao. Hindi tulad ng ibang bata at kapitbahay nila sa barrio na kaniyang kinalakihan kung saan marami itong mga sinasabi tungkol sa kaniyang ina.

Makalipas ang ilang minuto ay bumaba na ang kaniyang ina kasama ang mayor doma. "Inay, ang sabi po nila sa akin ay dito na raw po tayo titira," wika ni Luisito habang nginunguya ang hawak na tinapay. Ang kaniyang labi ay may bahid ng tsokolate dahil sa laki ng tasa na pinaglagyan ng inumin.

Ngumiti nang marahan si Honorata bagaman namamaga ang kaniyang mga mata. Lumuhod siya upang maging kapantay ang anak at pinunasan ang labi nito gamit ang kaniyang daliri. "Nais mo bang tumira rito?" Tanong ni Honorata habang ikinukubli ang panginginig ng kaniyang boses.

Tumango ng ilang ulit si Luisito, "Hindi naman ho siguro nila ako pagbabawalan maglaro sa likod ng bahay habang nagtatrabaho kayo rito," tugon ni Luisito na walang kamalay-malay sa mga nangyayari. Ang ilang mga kasambahay na napapadaan mula sa ikalawang palapag ay bumagal ang paglalakad habang nakatanaw sa kanilang mag-ina.

Hindi na napigilan ni Honorata ang sarili, niyakap niya nang mahigpit ang anak. "Oo, hindi sila magagalit. Maaari kang maglaro rito kahit saan mo gusto. Magiging malaya ka rito," napapikit si Honorata kasabay ng sunod-sunod na pagbagsak ng kaniyang mga luha.

Hindi malaman ni Luisito kung bakit pakiramdam niya ay nalulungkot at lumuluha na naman ang kaniyang ina tulad ng mga gabing nagdaan. Napatingin siya sa mayor doma na umiwas ng tingin at nagpunas ng luha.

Bumitiw si Honorata sa pagkakayakap sa anak saka muli itong hinarap. "O'siya, ayusin mo na ang iyong mga gamit. Ako'y may kukunin lang sa kalesa," wika ni Honorata na agad nagpunas ng mga luha at pinahid iyon sa kaniyang saya.

Hinawakan ng mayor doma ang kamay ni Luisito at kinuha ng isang kasambahay ang tampipi na naglalaman ng mga damit ng bata. Nagtatakang napalingon si Luisito sa ina na diretsong naglakad papalabas. Ni hindi ito naghanap ng payong o pangsangga sa ulan patungo sa kalesa.

Inalis ni Luisito ang kamay mula sa pagkakahawak ng mayor doma saka dali-daling tumakbo patungo sa pintuan upang sundan ang ina na tiyak niyang nabasa ng ulan. Napatigil siya nang makitang sumakay ito sa kalesa at nagsimulang tumakbo papalayo ang kabayo.

"Inay!" Tawag ni Luisito na nabitiwan ang hawak na tinapay. Napasigaw ang mayor doma, maging ang mga kasambahay na nagtangkang humabol sa bata.

"Inay!" Muling tawag ni Luisito ngunit hindi tumigil ang kalesa, sa halip ay mas lalo itong kumaripas ng takbo. Nagpatuloy siya sa pagtakbo, hindi niya alintana ang lakas ng ulan. Tila namanhid ang kaniyang buong katawan habang sinasalubong ang malalaking guhit ng tubig-ulan.

Paulit-ulit na sumigaw si Luisito upang patigil ang kalesa at hintayin siya ngunit naiwan sa kawalan ang kaniyang pagsusumamo't hinaing. Bago tuluyang makalabas ang kalesa sa hacienda Salcedo ay napatid at bumagsak sa putikan si Luisito habang paulit-ulit na tinatawag ang kaniyang ina na tuluyan na siyang iniwan at kinalimutan.


PILIT na hinahabol ni Socorro ang kaniyang hininga habang inililibot ang ulo sa paligid at patuloy ang pagtakbo sa pag-asang masusumpungan si Cristobal na nawala sa gitna ng gubat. Sinusundan niya ang hinawing kalsadang-lupa na napapalibutan ng kagubatan.

Pakiramdam niya ay humina ang ulan subalit nasasangga lamang ito ng malalaki at matataas na puno ng narra. Hinubad na ni Socorro ang suot na bakya dahil lumulubog ito sa maputik na kalsadang lupa. Hindi na niya malaman ang gagawin, wala siyang ideya kung nasaan ngayon si Cristobal na maaaring mapahamak dahil kasalukuyan itong wala sa sarili.

Napatigil si Socorro nang makita ang mga bakas ng sapatos sa putikan. Mahaba ang tinahak ng mga bakas hanggang sa masumpungan niya mula sa 'di kalayuan ang itim na sumbrero at dalawang pares ng sapatos na nakakubli sa isang malaking puno.

Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa kaniyang nasumpungan. Ang kaniyang paa ay bumabaon sa bakas ng sapatos na mas malaki sa hugis ng kaniyang paa. Tumigil siya sa tapat ni Cristobal na nakaupo at nakasandal sa puno habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa mukha nito. Hindi niya malaman kung nais ba nitong takpan ang mukha mula sa mga luhang lumalabas sa kaniyang mga mata o nais nitong takpan ang mukha mula sa mga tubig-ulan na bumabagsak.

Ngayon lang niya nakitang ganito si Cristobal, hindi niya mapigilang maawa gayong nalalaman niya ang mga usap-usapang nakadikit na sa pangalan nito. Ang anak sa labas ni Don Rufino na sinuwerte. Gayunpaman, nararamdaman niyang hindi tinatangkilik ni Cristobal ang suwerte na sinasabi ng mga taong nasa paligid niya. Aanhin ang suwerteng dumating kung nawala ang buhay mong kinalakihan.

"Ito na ba ang pinakamalayo mong mararating?" Wika ni Socorro dahilan upang dahan-dahang mapatingala si Cristobal. Hindi niya akalaing nakikita niya si Socorro kahit saan siya dalhin ng tadhana.

Napalingon si Socorro sa kaliwa nang marinig ang paparating na kalesa at ang boses nina Jacinto at Mang Carding. Inilahad ni Socorro ang palad niya sa tapat ni Cristobal, animo'y hinihikayat niya itong tumakas tulad ng kung paano siya lumayas noon sa hacienda De Avila at nakipagsapalaran sa Maynila.

"Ako naman ang bahala sa 'yo," patuloy ni Socorro na ngumiti nang marahan upang gumaan ang pakiramdam ni Cristobal. Sa pagkakataong ito ay nais niyang ibalik ang mga nagawa ni Cristobal na siyang tumulong at naging kakampi niya noong ang lahat ay hindi naniniwala sa kaniyang kakayahan at mga pangarap.

Sandaling napatitig si Cristobal sa palad ni Socorro at muling tumingin sa dalaga habang patuloy na bumabagsak ang tubig-ulan na sumasabay sa paggalaw ng sanga mula sa mga nagtataasang puno na siyang humaharang sa dalawang taong nakikipagtaguan at nakikipaghabulan sa laro ng damdamin.


*******************

#SocorroWP

Featured Song: "S.U.K.I" by Raven, Naila, Somere & Rico Blanco

https://youtu.be/PpDRcTpcVT0

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top