Kabanata 19: Ang Kasinungalingan
[Kabanata 19]
Filipinas, 1882
SANDALING napatitig si Socorro sa gusali ng koreo na may dalawang palapag bago bumaba ng kalesa. Halos natunghayan niya ang pabago-bagong panahon, oras, at taon sa harap ng gusaling iyon kung saan personal niyang pinapadala ang mga isinulat na liham para kay Cristobal.
Inayos niya ang kaniyang saya at ang suot na pulang balabal pagkababa ng kalesa. Maraming tao sa loob, kadalasan ay mga katiwala at kasambahay na inuutusang magpadala ng mga liham. Diretsong naglakad si Socorro sa tanggapan at inilapag ang liham na nais niyang ipadala patungo sa Espanya.
Tumingin sa kaniya ang matandang lalaki na siyang tumatanggap ng mga liham at itinatala nito sa isang lagdaan bago ilagay sa malaking aparador na may maliliit na kahon. Bawat kahon ay may nakasulat na lugar at bansa.
May katagalan bago natapos ng lalaki ang kaniyang trabaho at kinuha ang bayad ni Socorro. Napakagat sa ibabang labi si Socorro, mahigit isang taon na mula nang huli siyang personal na nagpadala ng liham sa koreo.
"Maaari po ba akong magtanong?" Panimula ni Socorro, tumango ang matandang lalaki nang hindi tumitingin sa kaniya. Abala ito sa pag-aayos ng iba pang liham na inilalagay sa bawat kahon.
"Saan ko po maaaring kunin ang mga bumabalik na liham?" Napahinga nang malalim si Socorro saka mas lalong lumapit sa mesa, "Sa-sakaling hindi po natatanggap ng aking pinadadalhan?" Nag-aalinlangang tanong ni Socorro. Nalalaman niya na ilang ulit nang nababasa ng matandang lalaki ang pangalan ni Cristobal na siyang pinapadalhan niya.
Tumayo ang matandang lalaki saka isa-isang nilagay ang mga hawak na liham sa paroroonan nito. "Babalik sa 'yo ang mga liham na hindi nakarating sa tatanggap niyon. Ihahatid namin sa inyong tahanan dahil nakatala naman sa sobre ang tirahan," tugon ng matandang lalaki na nanginginig na ang kamay sa katandaan.
Natahimik si Socorro, hindi na niya mabilang ang mga liham na pinadala niya kay Cristobal noong mga nakaraang taon. Subalit, ni isa ay walang bumalik sa kaniya. Tumingin ang matandang lalaki kay Socorro, nakikilala niya ang isa sa mga dalagang anak ni Don Epifanio. Ngunit hindi niya ugali ang makialam sa buhay ng iba kung kaya't masasabing ang lihim ni Socorro ay mananatiling ligtas sa kaniya.
"Kung walang nakakabalik na liham sa iyo, Hija. Tiyak na nakarating iyon sa taong iyong sinulatan," wika ng matanda upang ipaliwanag ang proseso sa koreo. Ang totoo ay maaari silang humingi ng impormasyon sa Europa kung sino ang nakalagda at tumatanggap ng mga liham ngunit saka na lang niya babanggitin iyon sa oras na magtanong muli ang dalaga.
"Ilan na ba ang iyong napadalang liham?"
"Tatlo po," pagsisinunggaling ni Socorro. Ang totoo ay hindi na niya mabilang sa dami. Madalas ay magkakasunod na buwan niya pinadala ang ilan, habang ang iba ay sa pagitan lang ng ilang buwan.
"Kung namayapa na ang taong tatanggap ng iyong liham, tiyak na magpapadala ng mensahe ang mga kalapit nitong kamag-anak o kaibigan," wika ng matanda, pilit na ngumiti si Socorro upang ipakita na hindi siya ganoon kalapit sa taong pinapadalhan ng liham. Bukod doon ay nakakatanggap si Jacinto ng tugon mula kay Cristobal.
"Maaari po kayang nawala? O 'di kaya ay iba ang nakatangap?" patuloy ni Socorro. Nababasa ng matandang lalaki ang desperadong mga mata ni Socorro. Ito na mismo ang bumubuo ng mga sagot sa tanong na hindi nito nais paniwalaan.
Tumango ang matanda, "Maaari, subalit lahat ng mga nasira ng bagyo, nawala, nasunog, o nanakaw na liham ay nakatala pa rin sa amin. Kami ay nagpapadala ng aviso sa oras na may mga pangyayaring tulad ng aking nabanggit," pinagpagan ng matanda ang kamay saka lumapit sa pahabang mesa na siyang pagitan ng mga nagpapadala ng mga liham at nagtatrabaho sa koreo.
"Maaari ring tanggapin ng ibang taong nakakakilala sa iyong sinulatan. Kailangan lang nilang lumagda, ibig mo bang humingi ako ng..."
"Huwag na po. Hindi naman kailangan," nag-aalinlangang ngumiti si Socorro. "Marahil ay wala lang siyang oras sa pagtugon. Tatlo pa lang naman po ang aking naipadala. Hindi po malaking bagay iyon," patuloy ni Socorro saka nagpaalam. Nanatiling nakatingin sa kaniya ang matandang lalaki, sinuman ang makakita sa reaksyon ni Socorro ay mababasa nito na taliwas sa sinasabi ng dalaga ang emosyon na namumutawi sa kaniyang mga mata.
Tumango si Socorro saka tumalikod at naglakad papalabas. Muli niyang hinawakan ang balabal at payukong naglakad dahil sa dami ng taong nakapila. Isang babae ang patakbong lumabas sa pintuan upang ibalita sa mga kaibigan na nakatanggap siya ng liham mula sa kaniyang kasintahan. Tuwang-tuwa ang dalaga na tinukso pa ng mga kaibigan.
Nagpatuloy sa paglalakad si Socorro. Tahimik siyang sumakay sa kalesa at muling napatingin sa masayang dalaga kasama ang mga kaibigan nito. Naalala niya sina Nova at Juliana. Sinubukan niyang magpadala ng liham kay Nova ngunit bumalik ang liham sa kaniya dahil hindi na ito nakatira sa dating tirahan. Samantala, wala siyang ideya kung saan sa Europa naroroon si Juliana.
ALAS-OTSO na ng umaga ngunit ang langit ay makulimlim pa rin at nababalot ng makapal na hamog ang paligid. Marahang hinawi ni Cristobal ang kurtina sa silid na kaniyang tinutuluyan sa Granada, Espanya. Sa kapal ng hamog ay wala siyang matanaw mula sa ikatlong palapag.
Hinawi ni Cristobal ang salamin ng bintana upang makita ang tanawin. Iilan lang ang matatapang na tao na nangahas harapin ang mas malamig na klima sa labas. Hindi pa tuluyang bumabagsak ang nyebe na tila nagtitiis hangga't makakaya.
Tatlong katok mula sa pinto ang narinig ni Cristobal. Naglakad siya papalapit, nadaanan niya ang ningas ng apoy sa silid na tanging paraan upang hindi siya manigas sa lamig. "Cartas para usted, Señor," (Letters for you, Señor).
"Gracias, Santiago." Tugon ni Cristobal bago isara nang marahan ang pinto. Apat na liham ang kaniyang natanggap. Isang imbitasyon mula sa kliyente na bumilib sa kaniyang kakayahan. Magdadaos ito ng piging kasabay ng pagbabasbas sa bagong tahanan. Isang liham mula sa proyektong malapit nang matapos, isang liham rekomendasyon, at isang liham mula sa Sariaya.
Ilang segundong napatitig si Cristobal sa pamilyar na puting sobre at ang kulay pulang selyo na may tatak na letrang S. Tila nakalimutan na niya ang kakaibang damdamin at saya noong nakakatanggap siya ng liham mula sa taong nagtatago sa alyas na Gumamela. Ngayon ay napalitan na iyon ng mga alaalang nagpawala sa kaniyang pagkasabik. Hindi na niya mabilang kung ilang liham na ang kaniyang natanggap mula kay Socorro. Sa dami ng pagkakataong iyon ay paulit-ulit niya pa ring naaalala ang sinabi nito.
"Ako ang nagsulat... ngunit ang damdamin ay hindi akin."
Minsan nang sumagi sa kaniyang isipan kung paano nakakapagsulat ang isang tao kung ang damdamin ay hindi nagmumula sa kaniyang sarili? Ngunit siya na rin ang sumagot sa tanong na iyon, nagagawa niya ring magsulat noon bilang Palabras gayong ang damdamin at ideya ay hindi kaniya.
Tatlong katok muli ang kaniyang narinig at nagsalita ang kutsero dahilan upang matauhan si Cristobal mula sa malalim na pag-iisip. "Señor, el carruaje está listo," (Señor, the carriage is ready).
"Estaré allí en un minuto," (I'll be there in a minute) tugon ni Cristobal saka kinuha ang isang kahon sa ilalim ng mesa.
Inilagay niya roon ang liham nang hindi binubuksan tulad ng mga naunang liham na hindi niya rin nagawang basahin. Tiningnan niya ang kuwintas na relos saka muling binulsa at kinuha ang itim na abrigo na panangga sa lamig.
Makalipas ang halos kalahating oras ay narating na nila ang estación ng tren. Mabilis na naglakad si Cristobal papasok matapos makababa sa kalesa. Isang matanda ang nagbebenta ng dyaryo sa labas, bumili si Cristobal ng isa saka tumuloy sa loob. Mabuti na lang dahil hindi masyado malamig sa loob ng estación kung saan maraming tao ang naghihintay sa pagdating ng tren.
Naglakad siya hanggang sa makahanap ng bakanteng upuan na malapit sa tapat ng riles. Halos tatlumpung minuto pa bago dumating ang tren kung kaya't binasa muna niya ang hawak na dyaryo. Nilalaman nito ang iba't ibang mga ganap tulad ng panahon, anunsyo ng Kaharian, mga pangaral, maging ang mga bagong panukala.
Napatigil si Cristobal nang mabasa ang pangalan ni Ambrosio kasama ang iba pang mga pangalan ng mga representateng legal na binigyan ng parangal ng isang Konde. Naalala ni Cristobal ang naging huling pag-uusap nila ni Ambrosio bago siya magtungo sa Europa.
Nagliligpit ng gamit si Cristobal sa dormitoryo nang bumukas ang pinto. Hindi siya lumingon sa pag-aakalang si Jacinto ang dumating at muling susubukang baguhin ang kaniyang isip upang pigilan siyang umalis.
"Ito ba ang nakikita mong solusyon?" Panimula ni Ambrosio na naglakad patungo sa tapat ng bintana. Nakasuksok ang kamay sa bulsa habang tinatanaw ang mga kaklase nilang isa-isang dumarating sa dormitoryo matapos ang buong araw na klase.
"Ikaw ay lilisan dahil hindi mo kayang ayusin ang nangyari," patuloy ni Ambrosio dahilan upang mapatigil si Cristobal sa paglalagay ng mga damit sa maletang nasa ibabaw ng kama.
"Ngunit hindi kita masisisi. Mas mabuti ang lumisan kaysa ang harapin ang suliranin," dagdag ni Ambrosio. Nagpatuloy sa pagliligpit si Cristobal. Nais niya lang lumisan nang tahimik tulad ng dati kung paano siya gumagalaw ng tahimik sa mundo.
"Wala bang naging kahihinatnan? Sino ang tumanggi? Ikaw o Siya?" Tanong ni Ambrosio na nanatiling nakatingin kay Cristobal at sa hindi nito pag-imik sa mga katanungan niya.
Huminga nang malalim si Ambrosio, hindi niya malaman kung bakit siya nakakaramdam ng lungkot. Dahil ba lilisan na si Cristobal? Dahil sa iisang babae lang ang kanilang napupusuan? O dahil malabo nang maibalik ang kanilang nagsisimulang pagkakaibigan?
"Hindi ka ba nagtagumpay na makuha ang kaniyang Oo kaya nais mo na lang tumakas? O hindi mo sinubukan?" Saad ni Ambrosio dahilan upang mapatigil muli si Cristobal. Ang mga sinasabi nito ay tila tumatagos sa kaniyang puso.
"Aalis ka hindi dahil sa ginagalang mo ang kaniyang desisyon. Aalis ka dahil hindi mo ibig masaktan at maiwan," patuloy ni Ambrosio saka muling tumingin sa mga dumadaang kalesa.
Napahigpit ang kamao ni Cristobal. Naalala niya ang sariling Ina na nagawa siyang linlangin at iwan kapalit ng salaping ibinayad ng pamilya Salcedo. Piniling ipikit ni Cristobal ang kaniyang mga mata tulad nang kung paano niya nagagawang magtimpi at palapagpasin lahat.
"Sa aking palagay ay hindi mo tunay na nauunawaan ang pag-ibig," patuloy ni Ambrosio saka muling nilingon si Cristobal na ngayon ay nakatingin na sa kaniya.
"Ang tanging pag-ibig na aking nalalaman ay ang pagkakaroon ng respeto," tugon ni Cristobal. Naalala niya kung paano nagniningning ang mga mata ni Socorro sa tuwing binabanggit nito ang kaniyang mga pangarap, kung paano nito pinagmamalaki at pinahahalagahan ang sarili, at higit sa lahat ay kung paano nito nakikita ang magiging kinabukasan ng mga kababaihan.
"Ako'y lilisan dahil nais kong igalang ang kaniyang desisyon. Ako'y lalayo dahil nirerespeto ko siya at ang mga nais niyang gawin sa kaniyang buhay. Hindi ko nais maging hadlang sa kaniyang pangarap at maging sanhi ng kaniyang kalungkutan habambuhay. Hindi ko nais na ako ang maging dahilan ng kaniyang pagkamuhi," tugon ni Cristobal dahilan upang hindi na makapagsalita si Ambrosio.
Naalala niya ang sapilitang pag-iwan sa kaniya ng kaniyang Ina sa pamilya Salcedo. Marahil ay iniisip ng kaniyang Ina na magiging maganda ang buhay niya sa piling nina Don Rufino at Doña Josefa, ngunit ang pilit na pag-ibig ay hindi nagbubunga ng tunay na kasiyahan. Iyon din ang naging sanhi ng kaniyang pagkamuhi sa sariling Ina.
Humarap si Ambrosio kay Cristobal at humakbang papalapit, "Hindi ko nais lumaban nang hindi patas. Ngunit ito na ang pinili mong solusyon. Sa oras na muling magtagpo ang ating landas, wala ka na sa aking maasahan. Lalaban ako maging patas o hindi ang sitwasyon," wika ni Ambrosio bago naglakad papalabas sa silid.
Napalingon si Cristobal sa marahang pagbagsak ng pinto. Sa huli ay magiging magkatunggali pa rin pala sila ni Ambrosio tulad ng kanilang mga ama.
Napalingon si Cristobal sa kaliwa nang marinig ang tunog ng tren. Natatanaw na nila ang mabagal nitong pag-usad na pinapangunahan ng makapal na usok mula sa unang bagon. Nagsimulang lumapit ang mga taong kanina ay nakaupo at may kani-kaniyang pinagkakaabalahan.
Tumayo si Cristobal habang nakatanaw sa paparating na tren. Halos apat na taon na mula nang huli niyang makita ang mag-asawang Salcedo na ngayon ay nagtungo sa Europa upang ipagamot si Doña Josefa.
Nakatanggap siya ng liham mula sa ama na darating ang mga ito sa buwan ng Disyembre kung kaya't siya ang naghanda ng matutuluyan nito at ang mga kailangan. Naalala ni Cristobal ang mga sinabi ni Don Rufino nang abangan siya nito sa dormitoryo matapos makausap ng ama ang mag-asawang De Avila at ang kasunduang nais ni Doña Marcela upang pangalagaan ang reputasyon ni Socorro.
Naabutan ni Don Rufino si Cristobal na kakababa lang sa kalesa. Patuloy ang pagbagsak ng ulan. Napansin niya na basang-basa ang kasuotan at buhok nito. Napatigil si Cristobal sa pintuan ng dormitoryo nang makitang nakatayo sa salas ang ama na nakatingin sa kaniya. Dahil sa mga luhang nagpapalabo sa kaniyang mata, at sa pagbagsak ng ulan ay hindi niya malaman kung seryoso ba ito o naaawa sa kaniya.
Akmang hahakbang sana siya papasok ngunit sinalubong na siya ng Don sa pintuan, "Uuwi tayo ng Laguna," saad nito na agad pinayungan ng katiwala. Naglakad na si Don Rufino pasakay sa kalesa, inaasahan nitong susunod si Cristobal sa kaniya ngunit napatigil siya nang magsalita ang anak.
"Ako'y hindi sasama," saad ni Cristobal nang hindi lumilingon sa ama. Wala pang isang oras mula nang makausap niya si Socorro, ngayon ay ibig na muna niyang magpahinga.
Dahan-dahang napalingon si Don Rufino kay Cristobal na nanatiling nakatalikod sa kaniya. Sa unang pagkakataon ay tumutol ito sa kaniya. Napatingin ang Don sa paligid kung saan nasa salas nakatayo sina Manang Sita at Emmanuel. May mga estudyante ring napatigil sa kusina, ang ilan ay dumungaw sa hagdan nang marinig ang sinabi ni Cristobal.
Walang nangahas na umimik. Kailanman ay hindi nila nakitang nagtaas ng boses si Cristobal sa sinuman, higit sa lahat ay sa sarili pa nitong ama. Napahigpit ang kamao ni Cristobal, samu't saring emosyon na ang kaniyang nararamdaman. Nais niya lang mapag-isa. Nais niyang magpahinga. Nais niyang tumigil sandali ang oras at bumalik na lang sa mga araw kung saan ay pag-aaral lang ang kaniyang pinaghahandaan.
"Mag-usap tayo sa kalesa," saad ni Don Rufino saka tumalikod at naunang sumakay sa mas malaki nitong karwahe. Nakita ni Cristobal si Manang Sita na humakbang papalapit ngunit tumigil sa tapat ng pintuan upang hindi mabasa ng ulan. Tumango ang matandang ale na para bang hinihimok nito si Cristobal na sumunod na sa ama upang hindi na lumaki pa ang gulo.
Nag-aalala si Manang Sita na mas lalong lalaki ang gulo sa oras na matunghayan pa ng ibang estudyante ang pagtatalo ng mag-amang Salcedo. Siya ay isang ina, siya rin ay tumayong ina sa mga estudyanteng naninirahan sa dormitoryo, at ngayon ay nais niyang gampanan ang pagigin isang ina sa isang estudyanteng nangangailangan niyon. "Sumunod ka na, anak." Mahinang wika ni Manang Sita na kahit walang narinig na boses si Cristobal mula sa matanda ay naunawaan niya ang sinabi nito.
Napayuko si Cristobal at walang nagawa kundi ang sumunod sa karwaheng sinakyan ng ama. Matagal na nanatiling nakatigil ang karwahe sa labas ng dorimitoryo. Ilang minutong walang nagsalita sa pagitan ng mag-ama. Tanging ang bagsak ng ulan sa bubong ng karwahe at ang patak ng tubig mula sa basang kasuotan ni Cristobal ang naririnig.
Tumutulo ang tubig sa basang buhok at sumbrero ni Cristobal na tila hindi nito alintana. "Iyong sikapin na mamuhay nang tahimik sa Laguna pansamantala. Aking ipapaasikaso ang paglipat mo ng paaralan," panimula ni Don Rufino. Dahan-dahang napatingin si Cristobal sa ama na inaakala niyang magagalit sa kaniya. Ngunit taliwas iyon sa nangyari, ang tono ng pananalita ng Don ay mahinahon. Hindi maunawaan ni Cristobal ang nais iparating ng ama, sa tanang buhay nila ay mabibilang lang kung ilang beses silang nakapag-usap. Karamihan ay dahil nasangkot siya sa gulo.
Ilan sa mga nakaabot sa pandinig ni Don Rufino ay mga sinasabi ng tao tungkol sa kanilang mag-ama. Si Cristobal ay tulad niya na nagawang magtago ng babae. Ayon sa iba ay maaaring nagdadalang-tao na raw si Socorro kung kaya't iuuwi na ito sa Sariaya.
Hindi magawang sabihin ni Don Rufino na nauunawaan niya ngayon ang pinagdadaanan ng anak. Tulad niya ay hinarap niya rin ang samu't saring pasaring at panghuhusga higit isang dekada na ang nakararaan. Limang minuto pa ang lumipas. Nababatid ni Don Rufino na magagawa siyang hindi kausapin ni Cristobal tulad ng kung paano sila matagumpay na hindi nag-iimikan sa nagdaang mga taon.
"Iyo na bang nakausap ang kaniyang Ama? Ano ang napagkasunduan niyo ni Don Epifanio?" Muling napayuko si Cristobal na nanatiling nakatingin sa sahig. Ang totoo ay nakapagpasiya na sila ni Socorro. Sumang-ayon na siya sa kagustuhan nito. Naniniwala si Cristobal na mas mahalagang unahin niya ang pasiya ni Socorro kumpara sa gusto ng mga magulang nito.
Nangangamba si Cristobal na posibleng suwayin ni Socorro ang kaniyang mga magulang sakaling ipagpalitan pa rin nito ang kasunduang-kasal. Tulad ng dati ay maaaring tumakas muli si Socorro. Minsan nang nagawang lumayas ni Socorro at maaaring mangyari muli, bagay na hindi niya nais mangyari dahil maaaring tuluyan na itong mapahamak.
"Mas mabuting ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral sa Europa. Walang nakakatakas sa mga pasaring ng lipunan. Huhupa at malilimutan lang ng ilan dahil sa katagalan ngunit ito ay tila kasaysayan na nakatala na sa isang libro," saad ni Don Rufino. Naisip na ni Cristobal ang lumayo gaya ng sinabi niya kay Socorro kanina. Ngunit hindi niya nababatid kung gaano kalayo ba dapat upang makalimutan ang lahat?
"Ngayong walang kasunduan na nangyari. Maaaring isipin ng ilan na walang katotohanan ang lahat. Na walang namamagitan sa inyong dalawa. Paglipas ng isa o dalawang taon..." Hindi na natapos ni Don Rufino ang sasabihin dahil nagsalita na si Cristobal.
"Mas pinili niyo rin bang manahimik at maghintay hanggang sa humupa ang lahat kaysa ang panindigan ang nangyari sa aking Ina?" Tanong ni Cristobal na nakapagpatahimik kay Don Rufino. Dahan-dahang napatingin si Cristobal sa ama na hindi niya maitatangging nakikita niya sa sarili sa tuwing nakaharap siya sa salamin.
Ang kaniyang tanong ay mahinahon din ngunit nababakas ang kawalan ng pag-asa. "Magkaibang bagay iyon. Ako'y kasal na. Ang tanging magagawa ko na lamang ay ang panindigan ang naging bunga ng aming..." napayuko si Don Rufino na sa tanang-buhay niya ay kailanman hindi niya akalaing magagawa niyang sagutin nang diretso at totoo ang tanong ni Cristobal.
Napayuko si Cristobal. Mahigit isang dekada silang nanahimik. Parehong hindi nalalaman kung paano mapag-uusapan ang nangyari sa nakaraan. Kung paano nagdalang-tao ang kaniyang Ina, kung paano siya isinilang, kung paano siya pinakilala sa mag-asawang Salcedo, at kung paano nangyari ang lahat.
Ngunit ngayon ay kusa na lamang lumabas sa kaniyang bibig ang bagay na pilit nilang iniiwasang mabanggit sa kanilang maliit na pamilya. Tatlo na lamang sila subalit daig pa nila ang mga bagong estudyante na hindi magkakakilala at pinagsama sa iisang silid ng dormitoryo.
Napaiwas ng tingin si Don Rufino. Napansin ni Cristobal na may ilang kilos siya na natutulad din sa kaniyang Ama. "Hanggang ngayon ay masasabi niyo pa rin ba na tama ang inyong naging desisyon? Nagsisisi ba kayo sa nangyari? Paano kung mas mabuti pala ang..." Hindi na natuloy ni Cristobal ang sasabihin. Nangangamba siya sa magiging kahihinatnan ng nangyari. Ngayong kailangan na niyang lumayo. Paano kung pagsisihan niya ito?
"Bakit natin iisipin kung pagsisisihan natin ang naging desisyon sa nakaraan? Nangyari na ang nangyari. Paano kung mas magiging maayos pala ang lahat?" Dahan-dahang napatingin si Cristobal sa ama na ngayon ay nakatingin sa kaniya. Hindi man nito sabihin o iparamdam ngunit nababasa niya sa mga mata nito na nais siya nitong damayan.
Muling namuo ang mga luha sa mata ni Cristobal. Hindi niya mabatid kung dahil ba nasasaktan siya ngayon o dahil sa sinabi ng kaniyang ama na nagpagaan sa kaniyang damdamin ang nagpapaluha sa kaniya.
"Ako'y hindi nagsisisi na dumating ka sa aming buhay ni Josefa. Aking nababatid na marami akong pagkukulang. Subalit ikaw na lang ang pag-asang pinanghahawakan naming mag-asawa. Ang iyong pagdating... at ang iyong pananatili," patuloy ni Don Rufino na sa unang pagkakataon ay nagawang pakawalan ang mga bagay na matagal na niyang nais sabihin sa anak dahil hindi niya kayang maging totoo at iparamdam nang hayagan ang kaniyang pagmamalasakit.
Sa loob ng mahabang panahon ay lihim niyang sinuportahan ang anak sa lahat. Lagi niyang kinukumusta ito sa mga propesor. Matagal na niyang nalalaman na mahilig magbasa si Cristobal, minsan niyang nakita ang mga pag-aayos na ginawa nito sa isang akda kung kaya't nang malaman niya na nangangailangan ng redactor si Don Julio ay kinausap niya ito sa tulong ni Padre Mendoza.
May ilang pagkakataon na nasasangkot si Cristobal sa gulo. At sa mga pagkakataong iyon ay hindi niya nababatid kung paano tumayo bilang ama sa harap ng anak kung kaya't nakakagawa siya ng mga bagay na mas lalong nagpapalayo sa loob nito. Siya na kailanman ay hindi naging ama, sa isang iglap ay nagkaroon ng responsibilidad na tumayong ama sa batang isang araw ay dumating na lang sa kanilang buhay.
Napayuko si Don Rufino, "Lumayo ang iyong Ina dahil kailangan. Iyon din ang nararapat mong gawin. Kailangan mong lumayo sa kaniya. At sa iyong paglayo, pareho niyong makikita ang magandang kapalaran na inyong maisasakatuparan habang kayo ay bata pa," saad ni Don Rufino. Isang luha ang marahang bumagsak sa mga mata ni Cristobal habang nakatingin sa Don na sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang kalinga at pagmamalasakit ng isang ama.
Marahang itinaas ni Cristobal ang kanang kamay upang tawagin ang pansin ng ama't ina na kakalabas lang sa tren. Napangiti si Don Rufino saka bumulong sa asawa na nakakapit sa kaniyang braso upang sabihin na nakita na niya si Cristobal.
Nagmano si Cristobal sa ama na sa gulat niya ay nagawa siyang yakapin, "Nakasabay ko ang isa sa iyong mga naging propesor, hindi mo nabanggit sa akin na iyong naging parokyano ang ilan sa mga matataas na opisyal dito," ngiti ni Don Rufino. Sa loob ng apat na taon ay madalas niyang sulatan ang anak. Marahil ay dahil mas madali para sa kaniya ang magsulat kumpara sa sabihin mismo nang harapan sa anak ang mga bagay na hindi siya sanay sabihin.
Ngumiti si Cristobal, wala siyang masabi sa gulat na nagawa siyang yakapin saglit at tapikin ng ama ang kaniyang balikat. Nang tumingin siya kay Doña Josefa upang magmano ay naroon pa rin ang kaniyang pag-aalinlangan. Marahang itinaas ni Doña Josefa ang kamay upang makapagmano siya. "Hindi naman po kayo nanibago sa panahon?" Tanong ni Cristobal, umiwas ng tingin si Doña Josefa at iniutos sa dalawang katiwala na dalhin na ang kanilang mga bagahe.
"Hindi naman. Sa byahe pa lamang ay ramdam na namin ang paparating na tag-lamig," tugon ni Don Rufino na ngayon ay kasabay na niya maglakad. Nababatid nila pareho na hindi ito ang nakasanayan nilang pakikitungo sa isa't isa ngunit sa paglipas ng panahon ay naroon ang malaking pagbabago. Higit sa lahat, naroon ang malaking pananabik. Ang pagbabago at pananabik ang unti-unting maglalapit sa kanila.
ISANG malaking piging ang dinaluhan ng pamilya Salcedo upang makiisa sa pagbabasbas ng bagong manor na isa sa mga naging proyekto ni Cristobal. Imbitado ang konde na ipinakilala kay Cristobal, humanga ito sa mga nagawa ni Cristobal kung kaya't maging siya ay nais magpagawa ng tahanan at gusali.
Maagang umuwi ang mag-asawang Salcedo dahil kailangan nang magpahinga ni Doña Josefa. Nanatili pa ng isang oras si Cristobal kasama ang kaniyang mga naging kaklase at katrabaho. Si Angel ay isa sa mga naging matalik niyang kaibigan na hindi nalalayo sa pag-uugali ni Jacinto. Ang kaibahan lang ay higit na matalino si Angel kay Cristobal dahil ito ang nagkamit ng unang puwesto sa kanilang pagtatapos.
Nagtatalumpati si Angel tungkol sa mga nararapat nilang gawin at ipatayong gusali sa sariling bansa na makakatulong sa pag-unlad nito nang magpaalam sandali si Cristobal upang magpahangin sa malaking balkonahe.
Naalala niya na higit isang buwan bago nila nabuo ang plano sa balkonahe dahil nais ng Kondesa na pinakamalaking balkonahe sa lahat ang kaniyang ipapatayo. Pinagmasdan ni Cristobal ang laki ng lupain kung saan naroroon ang ibang mga bisita habang kausap ang kani-kanilang mga kakilala.
Hawak ni Cristobal ang isang baso ng alak na hindi niya pa nauubos. "Ang piging ay isang piging pa rin. Wala rin itong pagkakaiba sa Maynila, hindi ba?" wika ng isang babae na naglalakad papalapit sa balkonahe.
Kulay berde ang kasuotan nito na tinernuhan ng sumbrerong luntian. Bumati at nagbigay-galang ang babae, yumukod si Cristobal upang tugunan ang pagbati nito, "Aking hindi masabi kung ikaw ay nagitla sa aking pananagalog? O dahil sa nagkakilala na tayo noon," patuloy ng babae sabay ngiti.
Tipid na ngumiti si Cristobal pabalik. Ang totoo ay wala siyang ideya kung sino ang babaeng kausap. "Ang aking ngalan ay Juliana Villafuerte," ngiti ni Juliana.
"Ikaw ay anak ni Don Fernando Villafuerte?" Pagkumpirma ni Cristobal. Tumango si Juliana. Naalala ni Cristobal ang liham rekomendasyon na kaniyang natanggap ilang araw na ang nakararaan. Iyon ay rekomendasyon ng dati niyang kliyente sa gobernadorcillo ng Sariaya na magpapagawa ang kapatid nito ng bahay sa Espanya.
Bukod doon ay naalala ni Cristobal ang pamilya Villafuerte na maaaring may nalalaman tungkol sa pagkatao ni Palabras Perdidas. Nagsimulang magkuwento si Juliana, mga bagay na naghahatid ng panibago sa kaniya sa paninirahan sa Espanya. Isang taon na mula nang lisanin niya ang Maynila upang magbakasyon sa tahanan ng kaniyang Tiyo.
Magmula noong gabing iyon ay naging tuloy-tuloy ang kanilang pagkikita lalo na nang umpisahan na ni Cristobal ang proyekto ng tiyo ni Juliana. Madalas ay nahahatid ng pagkain at tumutulong si Juliana sa pangangalaga sa kaniyang mga pamangkin. Hindi niya rin nalilimutan tabihan ng mga panghimagas at prutas si Cristobal na madadala nito pauwi.
Ang kanilang pamilya ay naging malapit sa isa't isa. Si Juliana ang naging daan upang maging magkausap at mawala ang pader sa pagitan nina Cristobal at Doña Josefa. Madalas bisitahin ni Juliana si Doña Josefa habang nagpapagaling ito.
Makalipas ang dalawang taon ng kanilang pagkakamabutihan ay binuksan na ni Don Fernando ang usapin tungkol sa pagpapakasal sa dalawa. Si Juliana ay nasa edad dalawampu't tatlong taong gulang na at nasa tamang edad na ng pag-aasawa. Si Cristobal ay may magandang trabaho at nag-iisang tagapagmana ng mga ari-arian, lupain, at negosyo ng pamilya Salcedo.
Naunang umuwi sa Maynila Juliana upang paghandaan ang kanilang nalalapit na kasal ni Cristobal. Napagkasundua ng kanilang mga pamilya na sa Maynila gaganapin ang kasal dahil halos naroroon ang kanilang mga kamag-anak. Malaki ang pamilya Villafuerte. Bukod doon ay umuwi na rin sa Laguna ang mag-asawang Salcedo. Piniling ilihim ni Juliana pansamantala ang paghahanda dahil si Valeria at ang kaniyang mga kaibigan ay ikakasal na rin at marami itong opinyon tungkol kay Cristobal na kaniyang kasintahan.
Napahinga nang malalim si Juliana nang makapasok na sila sa hacienda De Avila. Nais niyang makausap si Socorro kung kaya't sinadya niya itong dalawin. Tumigil ang kalesang kaniyang sinasakyan sa tapat ng mansyon ng pamilya De Avila. Napansin niya na may kalesang nakaparada sa tapat habang isa-isang kinukuha ng mga kasambahay ang bagahe sa loob.
Sinalubong si Juliana ng isang kasambahay na agad nakakilala sa kaniya. "Nais ko sanang makausap si Socorro, nariyan ba siya?" Tanong ni Juliana, sandaling napatulala ang kasambahay sa kagandahan ng nag-iisang anak ng kanilang goberndorcillo.
"Ah. Wala ho sila rito, Señorita. Nagtungo ho sila sa bayan upang mamili ng mga kailangan para sa media noche mamaya," tugon ng kasambahay sabay ngiti. Marami rin siyang kaibigang kasambahay na naninilbihan sa pamilya Villafuerte at masasabi niyang kinagigiliwan ng lahat si Juliana na kilalang mabait, maalalahanin, at mahinahon sa lahat ng pagkakataon.
Magsasalita pa sana si Juliana ngunit napatigil sila sa lakas ng boses ng isang lalaki na lumabas ng bahay kasunod ang isa, "Iyong tingnan ang obrang aking binili sa subasta, aking napag-alaman na ito ay gawa pala ni Leonora!" Pagmamalaki ni Jacinto na nagmamadaling hinanap ang obra na ipapakita niya kay Feliciano.
Napatigil sila nang makita si Juliana na nakatayo sa labas habang kausap ang isang kasambahay. "Juliana?" Tanong ni Jacinto. Napatingin si Feliciano sa babaeng ngayon lang niya nakita. "Ikaw nga. Anong ginagawa mo rito?" Tanong ni Jacinto sabay ngiti nang makumpirma na si Juliana nga ito.
"Kumusta? Matagal na rin tayong hindi nagkita. Ayon kay Valeria ay noong isang taon ka pa raw nagbalik," patuloy ni Jacinto ngunit sandaling hindi nakapagsalita si Juliana. Nagpabalik-balik ang tingin ni Feliciano sa dalawa hanggang sa kinuha na lang niya ang obrang inabot ng kasambahay na nakalimutan na ni Jacinto.
"MAGANDANG umaga, Señor!" Bati ng katiwala pagbaba ni Cristobal sa hapag-kainan. "Maaga pong umalis sina Don Rufino at Doña Josefa upang maabutan ang unang misa," patuloy ng katiwala.
Tumango si Cristobal at naupo sa silya. Nagtanong sa kaniya ang ina kagabi kung sasama siya sa unang misa ngunit kailangang puntahan ni Cristobal kasama si Angel at ang iba pang mga katrabaho ang ariktekto na mangangasiwa sa plano ng ipapatayong ospital sa Maynila.
"Mamayang tanghali tayo magtutungo sa simbahan kasama si Juliana," wika ni Cristobal sabay inom ng kape. Kinuha niya ang dyaryo na nasa tabi ng mesa at sinimulang basahin iyon.
"Nakapagpadala na ho kayo ng mensahe kay Señorita Juliana?"
"Oo, kagabi pa," tugon ni Cristobal. Umaga niya rin sana nais magsimba kasama si Juliana ngunit nagsabi ang kasintahan na may pupuntahan ito sa umaga.
Nang ilipat ni Cristobal ang dyaryo sa ikalawang pahina ay napatigil siya nang mabasa ang balita tungkol sa paglabas ng ikaapat na yugto ni Palabras. "Marami nga po ang nagpadala ng pagbati sa inyong dalawa ni Señorita Juliana. Nagpadala po kagabi ng mga bulaklak at telang sutla ang alkalde, kanina ay dumating din ang mga porselanang... Señor!"
Muntik mabitiwan ng katiwala ang pitsel nang biglang tumakbo si Cristobal papalabas bitbit ang hawak na dyaryo. Agad itong sumakay sa kalesa na noo'y isisilong sana ng kutsero. "Mang Carding, magtungo tayo sa La Librería!" Wika ni Cristobal na mabilis nakalundag pasakay ng kalesa.
Hindi makausad ang kalesa sa gitna ng bayan dahil sa dami ng taong namimili sa pamilihan. Nang matanaw nila ang La Librería, nakita nila ang dami ng taong nakapila sa labas. May mga kalesa ring nakaparada sa unahan lulan ang mga mayayaman na nagpabili ng libro sa kanilang mga katiwala.
"Hintayin niyo na lang ho ako rito, Mang Carding," wika ni Cristobal sabay suot sa sumbrero at lumundag pababa. Gustuhin man niyang tumakbo ngunit sa dami ng tao ay suwerte na kung magagawa niyang humakbang nang malaki at mabilis.
Matapos makipagsiksikan sa mga tao ay narating na niya ang tapat ng La Librería. "Pasensiya na ho, ubos na ang kopya. Bumalik na lang ho kayo bukas para sa..." Hindi na natapos ng katiwala ni Don Julio ang sinasabi nang makita si Cristobal.
Lumapit si Cristobal, "Sino ang namamahala ngayon dito?" bulong nito upang hindi marinig ng ibang mga nakapila na nagpapahayag ng pagkadismaya dahil mag-iisang oras na silang nakapila.
"Narito na ho siya," tugon ng katiwala na walang nagawa nang buksan ni Cristobal ang pinto at dire-diretsong tumuloy sa opisina ni Don Julio. Sinundan siya ng tingin ng mga kababaihan at kalalakihan na karamihan ay mga kabataan na kasalukuyang nagbabayad ng binili nilang libro.
"Ang sabi ko ay hindi ako tatanggap ng sinuman..." Hindi na natapos ni Don Julio ang sasabihin nang ilapag ni Cristobal sa mesa ang dalang dyaryo. Hinubad ni Don Julio ang salamin saka dahan-dahang tiningnan ang mapangahas na humarang sa kaniyang sinusulat na liham.
Ngunit napatigil siya nang makilala ang dating redactor na hanggang ngayon ay pinanghihinayangan niya. "Inyo na bang nakalimutan ang maaaring panganib na dala ng nobelang ito?" Wika ni Cristobal na diretsong nakatingin sa kaniya.
Ngumiti at nagsimulang tumawa nang marahan si Don Julio tulad ng dati. Nagagawa nitong tumawa kahit sa gitna ng mga alanganing sitwasyon. "Señor Cristobal! Ikaw pala iyan. Aking hindi inaasahan na... Ang huli kong balita ay nagtungo ka sa Europa," saad ni Don Julio na naglahad ng kamay upang batiin sana si Cristobal ngunit hindi ito natinag sa mga distraksyon na nais gawin ng Don.
"Salamat sa iyong pagdating. Huwag kang mabahala sapagkat nagampanan nang maayos ng bagong redactor ang pagsasaayos ng ikaapat na yugto. Sinunod niya ang mga suhestiyon na iyong inilista noon," paliwanag ni Don Julio na sanay magsinunggaling sa ngalan ng salapi. Sinindihan niya ang isang tabako, sinubukang alukin si Cristobal ngunit nang hindi ito umimik ay siya na lang ang nanigarilyo.
Hindi nagsalita si Cristobal. Sandali niyang tinitigan ang Don upang basahin ang pagiging batikang sinunggaling nito. Ngunit ngayon ay tila hindi na niya ito mabasa, hindi tulad dati na ang pagngiti at pagbibiro nito ay nangangahulugang ito ay nagsisinunggaling.
Napahinga nang malalim si Cristobal bago mahagip ng kaniyang mata ang mga akda ni Palabras na maayos na nakahelera sa lagayan ng mga libro na nasa gilid. Nilapitan ni Cristobal ang mga nobela na ngayon ay apat na.
Unang yugto: En la niebla de la tierra prohibida
Ikalawang yugto: Lágrimas de un arroyo solitario
Ikatlong yugto: Sequía en el Río de las Almas
Ikaapat na yugto: Atardecer en el Valle de la Muerte
Kinhuha ni Cristobal ang ikaapat na yugto na may itim na pabalat. Binuklat niya ang mga pahina habang pilit na inaalala ang mga kabanata na naglalaman ng mga pahayag na may kinalaman sa pag-aalsa. Hindi nga siya nabigo nang matagpuan ang ilan sa mga pahayag na iyon sa ika-dalawampung kabanata kung saan hindi nagbago ang madilim nitong mensahe.
"Don Julio, inyong nababatid na gaano katagal mang lumipas ang panahon ay madali ko pa ring natatandaan ang ilang bagay, mahalaga man o hindi," wika ni Cristobal habang marahang inililipat ang mga pahina ng nobela kung saan napatunayan niya na wala itong pinagbago. Hindi binago ng bagong redactor ang mensahe ng nobela. Ni hindi rin nito pinagaan ang mga salita na maaaring gamiting basehan upang maparatangan silang trahidor sa pamahalaan.
"Hindi binago ng inyong redactor ang mapanganib na mensahe ng akdang ito. Ano ang gagawin niyo ngayon sa oras na makarating na ito sa..." Hindi na natapos ni Cristobal ang sasabihin dahil
biglang bumukas ang pinto. Tumambad sa kanilang harapan si Socorro na seryosong humahakbang papasok na animo'y handang itulak at sagasaan ang sinumang magtatangkang humarang sa kaniyang daraanan. Animo'y siya si Paloma sa gitna ng kaguluhan habang kinakalaban ang mga taong nagbabalak pumigil sa kaniya.
"Bakit hindi niyo man lang ako sinabihan? Bilang redactor ng akdang ito ay marapat lang na..." Napatigil si Socorro, bakas sa hitsura nito ang pagkagulat nang makita si Don Julio. "Kailan pa po kayo dumating, Don Julio?" Tanong ni Socorro na dahan-dahang ibinaba ang hawak na dyaryo. Tila kumalma na ito matapos makita ang may ari ng La Librería na ilang taon din niyang hindi nakita.
Hindi sumagot si Don Julio, tumikhim saka napahawak sa sentido nang mailapag ang sumbrero sa mesa. Dahan-dahang naibaba ni Cristobal ang hawak na libro habang halos walang kurap na nakatingin kay Socorro, "I-ikaw ang redactor?" ang kaniyang tanging naibulalas.
Napalingon sa kaniya si Socorro. Nanlaki ang mga mata nito nang makita siya. Ni hindi siya nito napansin dahil ang atensyon nito ay nakatuon kay Don Julio at sa pagpapalimbag ng ikaapat na yugto na tulad niya ay pareho silang walang nalalaman.
Tumingin si Cristobal kay Don Julio, "Kaya ba hindi niyo ako sinasagot kung sino ang nagpatuloy sa manuscritong ito? Ay dahil..." Hindi na nagawang tapusin ni Cristobal ang kaniyang sasabihin. Nang tumingin siya kay Socorro ay hindi niya maipaliwanag ang pag-aalalang nararamdaman dahil nalalaman niya ang panganib na dala ng huling yugto.
Nanatili silang nakatingin sa isa't isa. Parehong naguguluhan sa patuloy na surpresa ng tadhana. Parehong nalilito sa nakaraang hindi natapos. At higit sa lahat, parehong nagtatanong ng bakit. Bakit si Socorro ang bagong redactor ni Palabras? At bakit nangyayaring muli ang pag-uugnay ng kanilang landas?
Muling napahilamos sa mukha si Don Julio saka tiningnan ang katiwala at sinenyasan na isara muna ang La Librería. Tumayo si Don Julio sa tulong ng isang tungkod. Nakakalakad na siyang muli at malaki rin ang binawas ng kaniyang timbang.
"Ang mabuti pa ay mag-usap na lang tayo sa ibang..." Hindi na natapos ni Don Julio ang sasabihin dahil nagsalita si Socorro.
"Anong ginagawa mo rito?" Nagtatakang tanong ni Socorro kay Cristobal. Hindi niya maunawaan kung paano ito nakapasok sa opisina ni Don Julio kung wala itong ibang sadya o koneksyon sa may ari ng La Librería.
Naalala niya na minsan nang ipinagtapat ni Cristobal na hindi siya si Palabras. Bagay na hindi niya nais noon paniwalaan dahil nakita niya ang manuscrito ng akda ni Palabras kay Cristobal. Napatigil si Socorro nang unti-unti niyang mapagtagpi ang mga pangyayari.
"Socorro, ang mabuti pa ay umuwi ka na muna..." Muling napatigil si Don Julio dahil tila hindi napapansin nina Cristobal at Socorro ang kaniyang presensiya.
"Huwag mo sabihing... ikaw ang dating redactor ni Palabras?" Diretsong tanong ni Socorro. Ngayon ay hindi na niya maipaliwanag ang nararamdaman. Naalala niya ang sinabi noon ni Cristobal nang magkausap sila sa barko.
"Aking nababatid na ikaw si Palabras Perdidas. Ikaw ang misteryosong manunulat." Saad ni Socorro habang hinahangin ang kaniyang buhok sakay ng bapor na magdadala sa kanila sa Maynila.
"Isipin mo na ang ibig mong isipin ngunit hindi ako ang iyong tinutukoy," tugon ni Cristobal. Hindi ito nagbigay ng malinaw na sagot ngunit hindi rin ito nagsisinunggaling.
Tulad ng dati ay hindi sinagot ni Cristobal ang kaniyang tanong. Tumingin ang binata kay Don Julio, "Ipatigil niyo na ang pagpapalimbag at pagbebenta ng ikaapat na yugot hangga't maaga. Alalahanin niyo ang aking mga ipinunto. Hindi matutumbasan ng salapi ang panganib na dala ng akdang iyon," seryosong saad ni Cristobal kay Don Julio na hindi magawang tumingin sa kaniya.
"Bakit? Anong mali sa ikaapat na yugto?" Sabat ni Socorro, hindi niya maunawaan ang ikinikilos at sinasabi ni Cristobal. "Matagal kaming naghintay. Nakikita mo ba ang mga nakapila sa labas? Ilang taon naming hinintay ang ikaapat na yugto na walang kalinawan kung matutuloy ba o hindi," saad ni Socorro sabay tingin kay Don Julio na madalas ay iniiba ang usapan sa tuwing nagpapadala siya ng liham at nagtatanong kung kailan matutuloy ang pagpapalimbag sa ikaapat na yugto.
"Sino ka upang sirain ang aming pinakahihintay? Sino ka upang patigilin kaming lahat?!" Patuloy ni Socorro na hindi na napigilan ang kaniyang damdamin. Naguguluhan na siya sa sariling nararamdaman. Ang tanging nalalaman niya ay hindi siya tunay na masaya sa relasyon nina Cristobal at Juliana. At ngayon ay nakakaramdam siya ng pagkayamot.
Nanatiling nakatingin si Cristobal kay Socorro. Halos walong taon na ang lumipas ngunit kung paano magalit, kung paano maglabas ng hinaing, at kung paano makipagtalo si Socorro ay siya pa ring dalaga na kayang-kaya niya basahin.
Magsasalita pa sana si Socorro ngunit hinawakan ni Cristobal ang kaniyang pulso upang isama siya papalabas sa opisina. Hindi nakapagsalita si Don Julio sa gulat. Nagitla pa ang Don sa malakas na pagbagsak ng pinto.
Diretso ang tingin ni Cristobal habang tinatahak nila ang likod na pintuan ng La Librería. Walang tao sa loob at nakababa na rin ang mga harang sa bintana at pinto ayon sa utos ni Don Julio sa katiwala. Sa kabila niyon ay tumatagos ang liwanag sa matataas na bintana ng La Librería na hindi pa naisasara.
"Sandali!" Inis na wika ni Socorro dahilan upang mapatigil si Cristobal. Nasa pagitan sila ng matataas na lagayan ng mga libro habang tumatagos ang liwanag sa itaas na bintana kung saan naaaninag ang mga alikabok na tila mga nyebeng nakalutang sa ere.
"Hindi mo pa sinasagot ang aking tanong. Anong kaugnayan mo rito? Kay Don Julio?" Giit ni Socorro. Hindi mapigilan ni Socorro ang muling umasa. Na maaaring hindi totoo ang sinabi noon ni Cristobal. Na posibleng siya nga si Palabras.
Napahawak sa sentido si Cristobal. Hindi pa lubos pumapasok sa kaniyang isipan ang mga natuklasan. Ngayon ay hindi siya mapakali. Sa dinami-dami ng magiging redactor ni Palabras sa ikaapat na yugto ay bakit si Socorro pa.
"Oo, ako ang dating redactor. Ngayon, bakit hindi ka man lang tumutol sa ikaapat na yugto?" Tugon ni Cristobal. Nais niyang itumba ang mga libro sa paligid. Kung maaari ay muling sugurin si Don Julio sa opisina nito upang pagpaliwanagin kung bakit si Socorro.
Naguguluhan si Socorro, hindi niya maunawaan kung bakit nagagalit si Cristobal gayong ang paniniwala niya ay siya ang may karapatang magalit kahit hindi niya mabatid kung bakit siya nagagalit sa binata. "Maaari kang mapahamak sa oras na maunawaan ng mga tao ang layunin ng akdang iyon!" Namumula ang mga mata ni Cristobal. Sa loob ng walong taon ay nabuhay siya tulad ng karamihan. Walang bago sa kaniyang ginagawa, maging ang mga pagdiriwang at pabago-bagong panahon sa Europa ay pare-pareho lang sa kaniya. Nabuhay siya nang payapa, walang matinding suliranin, at paulit-ulit.
"Dahil ba may pusong nagmamalasakit si Palabras sa bayan? Paano naging mali ang kaniyang mga pahayag? Paano naging mali ang pagtatanggol sa mga walang naaapi't walang kakayahan?" Saad ni Socorro, hindi niya malaman kung ang ikinagagalit niya ba ay ang pagkuwestiyon ni Cristobal sa kaniya bilang redactor o dahil siya mismo si Cristobal na laman ng kaniyang samu't saring emosyon.
"Hindi ko sinasabing mali. Ang pagpapatiwakal ang nais niyo mangyari. Isang libro na inilimbag ng isang kilalang limbagan at tindahan. Si Don Julio na kilala ng lahat na siyang nagmamay-ari nito. Ang kaniyang mga katiwala't manggagawa na nakikilala ang isa't isa... hindi ba't pagpapatiwakal iyan sa oras na tugisin ng pamahalaan ang La Librería!" Hindi nakapagsalita si Socorro sa gulat nang umalingangaw ang sigaw ni Cristobal. Ngayon niya lang ito nakitang magalit.
Hindi nagalit si Cristobal nang makita siya nitong tumakas. Hindi nagalit si Cristobal nang tanggihan niya ito sa kasunduang kasal. Sa kabila niyon, nakikita niya sa mga mata nito ang labis na pag-aalala at takot. Ang pagtingin ng isang taong nagmamalasakit sa taong kaniyang pinahahalagahan.
Subalit siya si Socorro. Anumang mangyari ay mas gugustuhin niyang panindigan ang kaniyang mga nakaraang desisyon at ang kahihinatnan nito sa halip na tanggapin ang pagkatalo at humingi ng tawad. Hindi pa siya pormal na humihingi ng tawad sa kaniyang nagawang paglalayas noon. Hindi siya aamin sa kaniyang tunay na nararamdaman. At higit sa lahat, hindi niya hahayaang talunin siya ng kaniyang emosyon tulad nang kung paano niya hindi napigilang lumuha noong nakaraang gabi na tanging si Amor lang ang nakakaalam.
"Hindi ito ang tamang paraan. Oo, mali ang ginagawa ng pamahalaan at mga nangangasiwa sa luklukan ng kanilang mga kapangyarihan. Subalit, mas hindi tama na itaya mo ang iyong pangalan at buhay sa akdang matutukoy ng lahat kung saan nagmula. Nasaan ngayon si Palabras? Paano niyo siya ituturo bilang puno't dulo ng ideyang ito?!" Hindi na mapigilan ni Cristobal ang sarili. Ilang kilusan at pag-aalsa na ang natunghayan niya sa Europa na kumitil sa buhay ng marami. Kung hindi siya nagbitiw bilang redactor ay tiyak na hindi mauugnay si Socorro sa La Librería.
Nanatiling nakatingin si Socorro kay Cristobal. Agad niyang hinawi ang taksil na luha na muling bumagsak mula sa kaniyang mga mata. May punto si Cristobal, at ngayon ay hindi niya matanggap na hindi niya madepensahan ang sarili at ang naging padalos-dalos na desisyon. Nang mabasa niya ang ikaapat na yugto ay hindi siya tumutol sa paghihiganti ni Felipe at sa mensahe nitong pag-aaklas dahil bilang mambabasa ay mas umiral sa kaniya ang kagustuhang mabigyan ng hustisya ang hirap na sinapit ng pangunahing tauhan sa kuwento.
Subalit, bilang redactor ay nakaligtaan niyang pairalin ang apat na anggulo ng isang nobela. Ang pananaw ng manunulat, ang pananaw ng mambabasa, ang pananaw ng redactor, at ang pananaw ng lipunan. Siya ay naging isang mambabasa bilang redactor dahilan upang makalimutang gampanan ang iba pang anggulo.
"Socorro," wika ni Cristobal ngunit hindi niya gaano marinig ang boses ng binata na ilang ulit pang tinawag ang kaniyang pangalan. Animo'y nagtunog lata ito na nagsasalita mula sa malayo. Ang mga salitang sinambit ni Cristobal tungkol sa pag-aaklas, pag-uusig, at panganib ang siyang naghatid ng lamig sa kaniyang buong katawan na naging sanhi ng panghihina ng kaniyang tuhod.
Patuloy pa siyang tinatawag ni Cristobal hanggang sa matauhan siya nang muli nitong hawakan ang kaniyang pulso, "Maaaring hindi pa ito nakakarating sa pamahalaan. Malabong may makatapos agad ng isang buong libro ngayong araw. Ihahatid kita ngayon sa inyong tahanan. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa iyong pamilya. Ang mahalaga ay matiyak natin na hindi madadawit ang iyong pangalan... Kailangan mong lumayo pansamantala," dahan-dahang napatingin si Socorro kay Cristobal.
"Lumayo?" Ulit ni Socorro sa mahinang tinig. Minsan na siyang tumakas, minsan na siyang lumayo ngunit wala siyang napala.
Pinagmasdan niya si Cristobal na nakatingin din nang diretso sa kaniyang mga mata. Ang paglayo ang nagiging dahilan ng malaking pagbabago, ng pagkalimot, at ng kalungkutan. Si Cristobal ay minsan ding lumayo sa kaniya, at ngayon ay malaki na ang pinagbago ng kanilang dating samahan, nakalimutan na nito ang kanilang naging pagkakaibigan, na siyang naging sanhi ng kaniyang kalungkutan sa loob ng walong taon.
Wala sa sariling inalis ni Socorro ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak ni Cristobal bago siya tumalikod at tulalang naglakad papalabas. Walang nagawa si Cristobal kundi ang panoorin si Socorro na naglalakad papalayo hanggang sa buksan nito ang pinto kung saan nagsimulang maghiyawan ang mga tao sa pag-aakalang magbubukas muli ang La Librería.
ILANG minuto na lang ang nalalabi bago sumapit ang hatinggabi. Tuwing Pasko at Bagong taon lang nakakapagpuyat ang mga tao. Abala sa paglalagay ng mga kuwitis at paputok sina Jacinto at Feliciano sa malawak na hardin ng pamilya De Avila habang magkatulong sina Doña Marcela at Manang Tonya sa paglalagay ng mga pagkain sa mesang inilabas ni Don Epifanio.
Tumatakbo si Rosa sa hardin at hindi na makapaghintay sa pagsapit ng Bagong taon. Samantala, nanatili lang sa silid si Socorro habang nakatanaw sa bintana. Para sa kaniya ay wala namang pinagkaiba ang mga pailaw sa langit kung titingnan niya ito mula sa kuwarto at sa hardin.
Nakaupo si Amor sa maliit na mesa habang kinakain ang mga panghimagas at prutas na dinala niya para kay Socorro. "Nabalitaan mo na ba? Dumating na raw si Ginoong Ambrosio kanina sa Maynila," wika ni Amor sabay tingin kay Socorro na inaasahan niyang magugulat o hindi.
"Tiyakin niyang hindi siya magpapakita sa akin," saad ni Socorro na nanatiling nakatingin sa bintana. Naalala niya si Ambrosio na siyang naglapit sa kaniya sa La Librería. Gulat siyang tumingin kay Amor nang maalala na bahagi rin pala si Ambrosio ng La Librería at posible ring madamay sa ikaapat na yugto ni Palabras.
"Oh, bakit? Akala ko ba ay hindi mo na siya ibig makita?" Usisa ni Amor na napangisi upang kantyawan ang kapatid na kanina pa walang imik matapos lumabas sa La Librería.
Tumayo si Socorro. Ang totoo ay hindi niya nababatid kung anong mangyayari. Ngunit sa ngayon ay hindi niya nais magdala ng masamang balita sa pamilya na masayang nag-aabang sa pagsapit ng alas-dose ng gabi.
"Tingnan mo nga naman, tila maglalakad ka na rin sa altar..." Hindi na natapos ni Amor ang sasabihin dahil narinig nila ang pagkatako sa pinto at ang boses ng kasambahay, "Senorita Socorro, may panauhin ho kayo. Pinaakyat na ho siya ni Señor Jacinto," wika ng kasambahay.
Agad humiga si Socorro sa kama at sumenyas kay Amor na sabihin nitong masama pakiramdam niya dahil ayaw niyang tumanggap ng sinumang bisita bago siya nagtaklob ng kumot. Tumayo si Amor at binuksan ang pinto, ngunit napatakip siya sa bibig nang makita kung sino ang panauhin ng kaniyang kapatid.
"Aking nababatid na nariyan si Socorro," wika ni Cristobal na mas nilakasan ang boses sa pag-asang maririnig ni Socorro. Hindi nga siya nabigo dahil gulat na napaupo si Socorro sa kama.
"Ah. Masama ang kaniyang pakiramdam, Ginoo. Kay haba ng pila sa La Librería kanina, nangawit ang kaniyang paa kakahintay doon," saad ni Amor na walang ideya na nasa loob din ng La Librería si Cristobal.
"Pakisabi na kailangan ko siyang makausap," saad ni Cristobal na humakbang papalapit. Magsasalita pa sana si Amor ngunit hinawakan na ni Socorro ang pinto at hinarap si Cristobal.
"Anong ginagawa mo rito?" Diretsong wika ni Socorro dahilan upang mas lalong magulat si Amor dahil noong isang araw lang ay halos maubusan ng tubig ang kapatid sa kakaiyak. Ngayon ay buong-tapang na nitong hinarap ang binatang sumugat sa kaniyang damdamin.
"Socorro..." Napatingin si Cristobal kina Amor at sa kasambahay na hindi maaaring makarinig sa kanilang pag-uusapan. Naunawaan agad ni Socorro ang nais nitong mangyari. "Dalia, maaari mo na kaming iwan, si Amor na ang sasama sa amin," saad ni Socorro, yumukod ang kasambahay at nagpaalam.
Napaturo si Amor sa sarili, hindi niya akalaing gagawin pa siyang bantay. Naunang naglakad si Socorro patungo sa balkonahe kung saan natatanaw nila sa ibaba ang pamilya De Avila na masayang nag-iinuman at naghahanda para sa pagsisindi ng paputok.
Sumunod si Cristobal habang dahan-dahang hinubad ang sumbrero at itinapat sa kaniyang dibdib. Kanina pa siya nasa ibaba kung saan tiniis niya ang nakakailang na sitwasyon kasama ang mag-asawang De Avila, si Feliciano, at Manang Tonya na pare-parehong hindi alam ang sasabihin sa kaniya.
"Bakit ka nagtungo rito?" Ulit ni Socorro saka humarap kay Cristobal na ngayon ay nakatingin sa kaniya. Agad siyang umiwas ng tingin at piniling panoorin si Rosa na hindi napapagod sa pagtakbo.
"Dahil batid kong hindi ka makikipagkita sa akin," tugon ni Cristobal. Hindi malaman ni Socorro kung bakit mas lalo siyang naiirita, naiinis, at nayayamot. Subalit, ang pagdating ni Cristobal ay nagpalukso sa kaniyang dibdib, at hindi na niya ito nais paalisin.
"Pansamantalang ipinasara ni Don Julio ang palimbagan at La Librería. Sa ngayon ay wala pa akong naririnig na usapin tungkol sa ikaapat na yugto. Ayon sa pamangkin ni Don Julio, limampung kopya lamang ang kanilang naipamahagi kanina dahil... dumating tayo," paliwanag ni Cristobal. Nanatling nakatingin sa balkonahe si Socorro.
"Huwag kang mag-alala, wala akong balak na isuplong ka o sabihin ito sa iyong pamilya," patuloy ni Cristobal. Nanatiling nakatingin si Socorro sa hardin, bagaman naroon ang kaniyang paningin, ang kaniyang buong atensyon, pandinig, at damdamin ay nasa presensiya ni Cristobal na nakatayo sa kaniyang harap.
"Ipinangako ko sa iyo noon na hindi ko muling sisirain ang iyong tiwala. Ang iyong lihim, ikaw ang tanging may karapatan na magtapat niyon," dagdag ni Cristobal. Animo'y nagpintig ang tainga ni Socorro nang banggitin nito ang pangako, maging ang pagpapaalala nito sa nakaraan kung saan nagawa siya noong isumbong ni Cristobal sa kay Jacinto at sa kaniyang ama.
Seryosong tumingin si Socorro kay Cristobal, hindi niya maunawaan kung bakit kumakabog nang malakas ang kaniyang dibdib na sa isang kibo ay tuluyan siyang sasabog. "Bakit hindi ka na lang nagpadala ng mensahe? Anong pagkakaiba niyon sa pagtungo mo rito? Bakit... Bakit kailangan mo pang magpakitang muli?"
"Dahil hindi ako sumusulat pabalik," mahinahong tugon ni Cristobal. Nauunawaan niya ang mga gustong sabihin ni Socorro na hindi nito magawang sambitin. Nauunawaan niya ang damdamin ni Socorro na hindi nito magawang pigilin, higit sa lahat, nauunawaan niya ang mga luhang namumuo sa mga mata ni Socorro na hindi nito nais pabagsakin.
"Patawad kung hindi ko nagawang tumugon pabalik... natatanggap ko ang lahat ng iyong liham. Subalit, hindi ko magawang basahin... bumabalik ang lahat ng alaala ng nakaraan. Nais kong manatili ang alaala natin noong maayos pa ang lahat." Napayuko si Cristobal. Akala niya ay hindi tuluyan nang naghilom ang lahat ng sugat. Ngunit ngayon ay tila muling hinuhukay ang markang naiwan.
Napalunok si Socorro at napahawak nang mahigpit sa kaniyang saya. Sa loob ng ilang taon ay pilit niyang pinaniwala ang sarili na maaaring hindi lang nakakarating kay Cristobal ang lahat ng liham na kaniyang ipinadala. Marahil ay kaya hindi siya nakausad mula sa nakaraan ay dahil naghintay nga siya. Naghintay siya ng tugon mula kay Cristobal. Naghintay siya sa pagbabalik nito. Naghintay siya na sa pagbalik ng binata ay muling magiging maayos ang lahat sa pagitan nila.
"Mula ngayon ay hayaan mo na ako. Huwag mo na akong intindihin. Kalimutan mo na ang lahat kung ang lahat ng may kaugnayan sa akin ay nagdadala sa iyo ng pasakit mula sa alaala ng nakaraan. Lumayo ka tulad ng dati... lumayo ka at huwag na huwag ka nang babalik!" Hindi na tuluyang nakapagtimpi si Socorro, animo'y isa siyang bulkan na sa loob ng mahabang panahong pananahimik ay hindi na napigilang sumabog mula sa naipong sama ng loob.
Sinubukang humakbang ni Cristobal papalapit ngunit umatas si Socorro, "Anumang mangyari sa akin bilang redactor ni Palabras ay wala kang karapatang mamagitan. Kung ako'y dakpin, litisin, at mabilanggo ay marapat lang na magtakip ka ng tainga at ipikit mo ang iyong mga mata," patuloy ni Socorro habang diretsong nakatingin kay Cristobal.
Nanatiling nakatakip sa bibig at hindi nakagalaw sa kinatatayuan si Amor na nakasandal sa dingding malapit sa balkonahe. Habang si Cristobal ay nanatiling nakatingin kay Socorro habang binabasa ang mga mata nitong namumula at nababalot ng luha.
"Kung ako'y mahatulan ng anumang kaparusahan ay marapat lang na magpanggap ka na kailanman ay hindi tayo nagkakilala! Huwag ka nang lalapit sa akin, huwag mo na akong kakausapin, huwag ka nang magpapakita kahit kailan dahil hindi ko kailangan ng iyong tulong! Hindi kita kailangan!" Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Socorro sa damdaming hanggang ngayon ay hindi niya maipaliwanag.
Nanatiling nakatingin sa kaniya si Cristobal. Ilang ulit na niyang nakita si Socorro na lumuha sa kaniyang harapin. Ilang ulit na rin siya nitong pinagtabuyan. Ilang ulit na ring ipinakita ni Socorro na siya'y matatag at matapang. Sa kabila ng lahat, nababatid ni Cristobal ang layo ng mga salitang lumalabas sa bibig ni Socorro sa totoo nitong nararamdaman.
"Iyan ba talaga ang nais mong mangyari?" Tanong ni Cristobal ngunit sa kaniyang pagtatanong ay tila hindi siya naghahanap ng sagot. Dahil nalalaman niya mismo ang sagot sa kaniyang tanong kay Socorro.
Paulit-ulit na pinunasan ni Socorro ang mga luhang hindi maawat na mas lalong nagpayamot sa kaniya. Hindi niya gustong makita ni Cristobal ang kaniyang pagluha. Hindi niya gustong makita nito na totoong nalulungkot, nagsisisi, at nanghihinayang siya sa lahat.
"Dahil aking nararamdaman na hindi totoo ang iyong mga sinasabi," patuloy ni Cristobal na humakbang papalit sa kaniya ngunit hindi na niya nagawang umatras. Tumigil si Cristobal na halos dalawang hakbang ang layo sa kaniya.
"Ako'y hindi naniniwala sa iyong mga sinabi kahit gaano ka pa kahusay magsinunggaling, at kahit gaano ka pa kahusay sa pagtatago ng iyong damdamin, Socorro." Saad ni Cristobal na tulad ng dati ay siyang tanging nakakapagpakalma kay Socorro.
Napatigil si Socorro sa pagluha habang nakatitig kay Cristobal. Sunod-sunod na sumabog sa langit ang makukulay na paputok at kuwitis kasabay ng mga pinagsama-samang ingay mula sa bawat tahanan upang salubungin ang bagong taon. Sa kabila ng kasiyahan at ingay na umaalingangaw sa buong bayan ay mas nangingibabaw ang sigaw ng kaniyang puso na nagising sa matagal nitong pagkakahimbing.
****************
#SocorroWP
Featured Song: "Kwarto" by Hey Its Je
[Dapat mayroong isang GIF o video rito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top