Kabanata 17: Ang Gamu-gamo at Lampara

[Kabanata 17]

MALALIM ang isip ni Socorro habang nakatitig sa manuscrito na kaniyang inaayos. Sa loob ng walong taon niya bilang redactor ng La Librería, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nahirapan siya sa isang nobela.

Patuloy na iniikot-ikot ni Socorro ang fountain pen na kaniyang gamit. Ilang papel na rin ang naubos niya upang solusyunan ang mga gusto niyang baguhing eksena sa kuwento. "Tiya Socorro!" Tawag ng anim na taong gulang na bunsong anak ni Remedios.

"Rosa!" Ngiti ni Socorro saka sinalubong ang paboritong pamangkin at binuhat ito. Makalawang ulit niyang inikot ang bata na napabungisngis sa tuwa. Nakarinig sila nang buntong-hininga mula sa pintuan.

"Sinasabi ko na nga ba't hindi ka pa nakabihis," wika ni Amor na nakahalukipkip at nakasandal sa pintuan. Ibinaba ni Socorro si Rosa na agad tumakbo papalabas upang puntahan naman ang kaniyang Lolo't Lola.

"Mamaya pa naman ang misa. May ginagawa pa ako," tugon ni Socorro na akmang babalik sa kaniyang upuan.

"Dito kita iniwan bago ako umalis, ngayon ay dito pa rin kita maaabutan," wika ni Feliciano na ikinagulat ni Socorro. Agad siyang tumakbo papalapit at sinalubong ng mahigpit na yakap ang kapatid.

"Tila iyong nakaligtaan na ikaw'y hindi na bata," wika ni Feliciano at niyakap pabalik si Socorro. Apat na taon din ang lumipas mula nang huli siyang makauwi ng bansa. Ngunit kumpara noon ay madalas niyang makausap si Socorro sa pamamagitan ng liham.

"Sabi ko sa 'yo, Kuya. Kahit nababatid namin na ikaw'y uuwi ngayong Pasko, masusurpresa pa rin si Ate Socorro," saad ni Amor na nanatiling nakahalukipkip. Napasingkit ang mata ni Socorro saka kunwaring aabutin si Amor na agad nakaiwas at tumawa.

"Maaliwalas ang iyong hitsura ngayon kumpara noong huli kang nanatili rito, Kuya," saad ni Socorro habang pinagmamasdan ang kapatid. Si Jose Feliciano De Avila ay nahahawig sa kaniyang Ama. Silang dalawa ni Socorro ang nahahawig na tunay kay Don Epifanio. Ang mga tsokolateng mata at buhok na kakulay nito.

"Iyo bang sinasabi na malaki ang aking pinagbago?" Ngumiti si Feliciano, bagay na mas lalong nagpalaki sa mga mata ni Socorro dahil ngayon na lang niya muling nakitang ngumiti ang kapatid matapos ang trahedyang sinapit ng asawa nito.

"O'siya, magbihis ka na sapagkat naghihintay na sina Ama at Ina sa hapag," saad ni Feliciano na ngumiti nang marahan saka naglakad papalabas. Napakurap ng dalawang beses si Socorro saka tumingin kay Amor.

"Amor, sa iyong palagay ay umiibig si Kuya Feliciano?" Tanong ni Socorro na hindi makapaniwala. Sa loob ng apat na taon matapos niyang malaman ang pinagdadaanan ni Feliciano ay halos araw-araw niya itong kumustahin sa liham. Hindi rin siya tumitigil hangga't hindi ito tumutugon. Sa sampung liham na kaniyang naipapadala sa isang buwan ay masaya na siya sa tugon nito kahit isa.

Napakibit-balikat si Amor, "Hindi na rin malabong mangyari iyon, anim na taon nang wala ang kaniyang asawa," tugon ni Amor na lumabas na rin ng silid matapos ipaalala muli kay Socorro na maligo at magbihis na.

Sa hapag-kainan ay hindi mawala ang ngiti nina Don Epifanio at Doña Marcela kahit pa tatlo lang sa kanilang mga anak ang kasama nila ngayon sa bahay. Sina Segunda, Jacinto, Agustino, at Concordio ay nasa Maynila. Samantala, si Leonora ay sumama kay Remedios sa Norte kung kaya't ang mag-asawang De Avila muna ang nag-aalaga sa mga anak nito.

Kumikinang ang mga mata ni Socorro sa mga librong pasalubong ni Feliciano. Mga bagong damit, sapatos, at alahas naman ang ibinigay niya kay Amor. Tanging sina Socorro at Amor na lang ang kasama ng kanilang mga magulang sa Sariaya. At sa pagdating ni Feliciano ay nagliwanag ang kanilang pagdiriwang ng Pasko.

Hindi palasalita at palakibo si Feliciano, hindi tulad ni Jacinto na hindi nauubusan ng sinasabi at laging nagbibiro. Napapakuwento si Feliciano sa kaniyang mga karanasan bilang doktor sa Europa at sa ilang bansang kaniyang napuntahan dahil sa mga tanong nina Socorro at Amor.

"Tiyo Feliciano, kailan ka po ikakasal?" Tanong ni Rosa na nakaupo sa tabi ni Doña Marcela. Agad sinubuan ni Doña Marcela nang pagkain ang kaniyang apo, "Kumain ka pa ng marami," wika ng Doña matapos matahimik ang lahat dahil sa inosenteng tanong ni Rosa.

Nagkatinginan sina Socorro, Amor, at Don Epifanio na pare-parehong nag-aabang ng sasabihin ni Feliciano. Hindi man nito sabihin ngunit nararamdaman nila na malaki ang pinagbago ni Feliciano. Ngumiti nang kaunti si Feliciano dahilan upang lumubog ang magkabilang biloy sa pisngi nito, "Ako'y hindi mag-aasawa hangga't hindi pa nagpapakasal ang dalawang dalagang naririto," ngiti ni Feliciano sabay kindat nang marahan kay Rosa.

Natahimik si Socorro. Ngumiti naman si Amor na tila nahihiya, "Paano ba iyan, Kuya? Pagbalik ng aking kasintahan ay tiyak na ikakasal na rin ako," wika ni Amor sabay tingin sa kaniyang Ama't Ina na panatag at suportado naman sa kaniyang kasintahan. Napahinga nang malalim si Amor, laking-pasalamat niya dahil maayos at walang hadlang sa kaniyang buhay pag-ibig.

"Kung gayon, marapat lang na makilala ko rin siya, Amor," tugon ni Feliciano saka tumingin kay Socorro. Wala siyang ideya sa buhay pag-ibig ni Socorro o kung may nanliligaw ba dito dahil hindi naman nito nababanggit sa mga liham na pinapadala sa kaniya.

"Kasalukuyan niyang tinatapos ang pagsasanay at tungkulin sa Espanya. Nawa'y narito ka pa upang makausap mo siya at iyong malaman na malinis ang kaniyang pag-ibig at hangarin," ngiti ni Amor dahilan upang mapangiti si Feliciano at ang mga magulang nila. Sa magkakapatid ay nagagawang maihayag ni Amor ang kanyang damdamin ng may buong kumpyansa. Marahil ay dahil sa ang kaniyang pangalan ay nangangahulugan mismong pag-ibig.

Muling tumingin si Feliciano kay Socorro na umayos nang upo at nagsimulang kumain nang marami, "Huwag na kayong umasa sa akin, ako'y walang balak mag-asawa. Aalagaan ko na lang sina Ama't Ina," saad ni Socorro saka mabilis na sumulyap sa mga magulang at kapatid at ibinalik ang tingin sa pagkain.

"Sinabi rin iyan ni Ate Segunda, ngunit anong nangyari? Kinain din niya ang kaniyang sinabi," wika ni Amor na nagbahagi ng ilang natunghayan niya sa buhay may asawa ni Segunda noong magbakasyon siya sa tahanan nito sa Maynila ng ilang araw.

Muling bumalik ang sigla ng salo-salo dahil sa mga nakakaaliw na kuwento ni Amor, lalo na ang pagsasama ni Segunda at ang asawa nito. Ilang beses siyang sinuway ni Doña Marcela nang may maikuwento ito na hindi angkop sa pandinig ni Rosa kung kaya't mas lalong napahalakhak si Don Epifanio.

Pagkatapos ng tanghalian ay pumanhik sila sa kani-kanilang silid upang magpahinga sandali bago maghanda ulit para sa Misa De Gallo mamayang gabi.

Pinagmasdang mabuti ni Socorro ang natapos niyang manuscrito. Ngunit pakiramdam niya ay tila may kulang. Hindi siya kontento at muling binasa ang orihinal na akda. Napatigil si Socorro sa kaniyang ginagawa nang marinig ang pagkatok sa kaniyang silid at sumilip mula sa nakauwang na pinto si Feliciano.

"Ikaw ay hindi pa rin natutulog sa oras ng siyesta," wika ni Feliciano na nagsimulang maglibot sa silid ni Socorro. Noong mga bata sila, madalas si Socorro ang pumapasok at nanggugulo sa kaniyang silid. Hindi niya maalala kung nagawa niya bang suriin ang silid ng mga nakababatang kapatid noon.

"At kahit pa mapalo ako noon ni Ina ay hindi pa rin ako natutulog sa ganitong oras," ngumiti si Socorro saka tumingin sa kapatid na siyang tinitingala niya sa lahat. Kumuha ng ilang libro si Feliciano, naalala niya na ang mga iyon ay ang mga librong pinapadala niya at pasalubong sa kapatid. Sa tagal ay nagawa pa rin nitong pangalagaan ang mga libro na animo'y bago.

"Iyong sinasabi na ikaw'y hindi nakakatulog sa gabi kapag natulog ka ngayong hapon. Kahit kailan ay hindi ka nauubusan ng dahilan," saad ni Feliciano dahilan upang sabay silang mapangiti at matawa ni Socorro. Ang mga alaala ng kanilang kabataan ay naghahatid na rin ng ngiti sa kanilang gunita.

"Kumusta ang pagiging redactor?" Tanong ni Feliciano saka tiningnan ang mga nagkalat na papel sa mesa ni Socorro. May iilan pang lukot na papel sa sahig. Huminga nang malalim si Socorro saka sumandal sa silya na animo'y gusto nang sumuko sa pagod.

"Mabuti. Mataas sila magpasahod," ngiti ni Socorro, tumango nang marahan si Feliciano saka ngumiti, "Kahit papaano ay nakikinig din sila sa aking mga suhestiyon, may ilang manunulat nga lang na nagtatanim ng sama ng loob pagkatapos," patuloy ni Socorro, ngumiti si Feliciano saka ibinalik ang hawak na libro sa lagayan nito.

"Hindi na sila magtatanim ng sama ng loob sa oras na ikaw na ang magmay-ari ng La Librería," saad ni Feliciano na sinang-ayunan ng ngiti ni Socorro. Matagal na niyang pangarap iyon, ang magkaroon ng sariling tindahan ng mga libro. Ngunit bilang isang babae na nagtatrabaho bilang redactor nang palihim ay tila malabo mangyari iyon.

Sumandal si Feliciano sa lagayan ng mga libro, "Siya nga pala, kumusta kayo ni Ambrosio? Aking nabalitaan na dumalo siya sa corte at naging kahalili ng representante noong nakaraang buwan," wika ni Feliciano. Ibinalik ni Socorro ang paningin sa binabasang manuscrito.

"Mabuti. Higit siyang namamayagpag sa harap ng madla. Walang duda na nagampanan niya nang maayos ang kaniyang tungkulin," wika ni Socorro na animo'y isang mamamahayag na nagbibigay ng opinyon tungkol sa isang kilalang tao.

Tumango nang marahan si Feliciano habang nakasuksok ang dalawang kamay sa bulsa, "Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makausap siya sa dami ng sumusunod sa kaniyang mamamahayag," saad ni Feliciano saka muling tumingin sa kapatid, "Kukumustahin ko sana kayo," patuloy ni Feliciano ngunit hindi nagsalita si Socorro, nagpatuloy ito sa pagbabasa na tila ba walang narinig.

Napalunok si Socorro, hangga't maaari ay gusto niyang iwasan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa nakaraan. Masaya siya ngayon sa kaniyang buhay, masaya siya bilang redactor, at higit siyang masaya bilang isang malayang Pilipina.

"Marahil ay nakita niya ako noong araw na iyon ngunit pinili niyang umiwas. Hindi ko rin siya masisisi, kung hindi niya nagawang tuparin ang kaniyang pangako, mabuti pang huwag na siyang magpakita sa akin," saad ni Feliciano na lumapit kay Socorro at tinapik nang marahan ang ulo nito.

"Umidlip ka sandali kung hindi mo ibig makurot ni Ina mamayang gabi kapag ikaw ay inantok sa misa," wika ni Feliciano, ngumiti si Socorro pabalik at sinundan ng tingin si Feliciano hanggang sa makalabas ito ng kaniyang silid.

Muling ibinalik ni Socorro ang tingin sa hawak na manuscrito ngunit ang kaniyang isipan ay lumilipad kay Ambrosio at sa kanilang huling pagkikita.

Apat na taon na ang nakararaan mula nang magkausap sila ni Ambrosio sa asotea. Pinuntahan siya nito sa Sariaya matapos magbalik mula sa Espanya. "Nagsabi na ako sa iyong Ama't Ina, sa susunod na Linggo ay babalik ako rito kasama ang aking mga magulang," wika ni Ambrosio ngunit nanatiling nakatingin sa malayo si Socorro. Pinagmamasdan niya ang mayabong na puno sa gitna ng talahiban kung saan nakatayo ang bahay palaruan sa punong iyon.

"Socorro, apat na taon, marahil ay sapat na iyon upang maipahayag ko sa iyo ang aking damdamin," patuloy ni Ambrosio na humakbang papalapit, gusto niyang hawakan muli ang kamay ni Socorro ngunit hindi niya kayang gawin iyon kung labag ito sa kalooban ng dalaga. Apat na taon na siyang nanliligaw, apat na taon na rin siyang naghihintay, at apat na taong hindi nakasisiguro kung may patutunguhan ba ang kaniyang pagsuyo kay Socorro.

"Iyong nababatid na sa umpisa pa lang ay magtatapat na dapat ako sa iyo... kung hindi lang tayo nahuli ni Jacinto," napayuko si Ambrosio, naging magkaibigan pa rin sila ni Jacinto matapos ang nangyari.

"At si Nova?" Wika ni Socorro saka tumingin kay Ambrosio na sandaling hindi nakapagsalita. "Matalik kong kaibigan si Nova, nalalaman ko ang lahat," patuloy ni Socorro, napapikit si Ambrosio, wala siyang ideya na maging ang babaeng nakapalitan niya ng liham ay konektado kay Socorro.

"Kung gayon, iyong nababatid na nauna kong tinapos ang pakikipagmabutihan kay Nova sa liham bago ko iparamdam sa iyo ang aking damdamin," hindi nakapagsalita si Socorro sa sinabi ni Ambrosio. Nakikita niya sa mga mata nito ang malinis na hangarin. Umiwas ng tingin si Socorro saka muling pinagmasdan ang puno ng acacia.

"Dahil ba ito sa nangyari... at kay Cristobal?" Patuloy ni Ambrosio, matagal na niyang gustong itanong kay Socorro kung bakit hanggang ngayon ay hindi ito nagpapaunlak ng pag-ibig kaninuman. Sa dami ng nangahas na kumatok sa puso ni Socorro ay tanging siya na lang ang naiwan.

"Ang kaniyang paglisan pa rin ba ang dahilan kung bakit hindi mo na ibig buksan muli ang iyong puso?" Seryosong tumingin si Socorro kay Ambrosio, hangga't maaari ay pilit niyang binubura sa isip si Cristobal at ang nangyari bago ito umalis. Ngunit ngayon ay walang pakundangang pinapaalala ni Ambrosio ang lahat.

Sinubukang magpaliwanag ni Socorro ngunit napatigil bago pa man may boses na lumabas sa kaniyang bibig. Hindi dahil sa natatakot siyang balikan ang nakaraan kundi dahil sa hindi niya alam ang kaniyang sasabihin. Ang totoo ay hindi na niya alam ngayon kung ano ang gusto niyang gawin. Hindi na niya alam kung anong ibig niyang mangyari sa hinaharap. Animo'y isa siyang salita na naitatak sa isang liham at naiwan.

Pinagmasdan ni Ambrosio si Socorro at ang reaksyon nito, kailanman ay hindi nagbago ang paghanga at pagtingin niya kay Socorro, ngunit ngayong apat na taon na ang lumipas mula nang makiusap ito na tutuparin muna niya ang kaniyang pangarap, hindi na niya batid ang kaniyang tunay na nararamdaman.

"Walang kinalaman dito si Cristobal at kung anumang nangyari noon. Ang desisyong ito ay mula sa aking sarili... kung kaya't ngayon pa lang ay itigil mo na ang iyong mga plano sapagkat tulad ng dati ay iyon pa rin ang aking sagot," wika ni Socorro nang hindi tumitingin kay Ambrosio. Minsan nang nagtapat ng pag-ibig si Ambrosio ngunit pinili niya pa ring tanggihan ito at idahilan ang kaniyang pangarap.

"Ang nangyari noon ay bunga lamang ng maling akala at hindi pagkakaunawaan. Walang namamagitan sa aming dalawa. Iyong nababatid na isang marangal na ginoo si Cristobal. Hindi niya magagawa ang mga bagay na ipinaparatang ng mga tao sa amin," patuloy ni Socorro saka tumingin kay Ambrosio, sa pagkakataon ito ay naging malumanay na ang kaniyang mga mata at boses.

"Ang tanging hangad ko lang ay makapagsulat. Ako'y walang intensyon na gamitin ang iyong damdamin upang makuha ko ang aking gusto. Kung hindi mo na ako ibig makita sa La Librería ay maluwag kong tatanggapin ang pagbibitiw," dagdag ni Socorro dahilan upang humakbang muli si Ambrosio papalapit sa kaniya upang magpaliwanag.

"Ako'y hindi naparito upang hingiin sa iyo na magbitiw. Nais kong ipagpatuloy mo ang iyong tungkulin. Bukod doon, nais ko ring ipaabot sa iyo ang desisyon ni Palabras na huwag nang ipagpatuloy ang ikaapat na yugto," nagtatakang napalingon si Socorro, natapos na niya ang pagsasaayos ng ikaapat na yugto dalawang taon na ang nakaraan at naghintay pa ng dalawang taon na maipalimbag ito ngunit ngayon ay malinaw na hindi na matutuloy.

"Malubha na ang kalagayan ni Don Julio kung kaya't magtutungo siya sa Europa upang doon maghanap ng lunas. Ang kaniyang pamangkin ang pansamantalang mamamahala sa La Librería. Hindi makakapaglimbag si Palabras sa ilalim ng ibang tagapamahala dahil walang ibang maaaring makaalam ng kaniyang pagkakakilanlan," paliwanag ni Ambrosio na nagpagulo lalo kay Socorro.

Ilang beses na rin niya sinubukang hulihin ang pagdating sa La Librería ng kung sinong nais niyang paghinalaan bilang Palabras ngunit palagi siyang bigo hanggang sa tumigil na siya sapagkat ang pag-alala kay Palabras ay tulad ng pag-alala kay Cristobal at ang mali niyang akala.

Ngunit isang araw ay hindi niya inaasahang marinig ang pag-uusap nina Don Julio at Ambrosio. Hindi niya masyado marinig ang palitan ng usapan ngunit narinig niyang tinawag ni Don Julio si Ambrosio na Palabras, hindi siya nakasisiguro kung biro lang iyon o dahil sa kilala ni Ambrosio ang totoong Palabras.

Pinagmasdan ni Socorro si Ambrosio. Naalala niya kung paano ilarawan ni Ambrosio si Palabras at ang mga layunin nito sa pagsusulat. Si Ambrosio rin ang nagdala sa kaniya sa La Librería at siyang unang nag-alok ng trabaho bilang redactor.

"Ikaw ba si Palabras?" Diretsong tanong ni Socorro na bago niya mamalayan ay nagawa nang sambitin ng kaniyang labi. Ngayong malinaw na sa kaniya na hindi si Cristobal si Palabras, maaaring ang lalaking kaharap na siyang lubos na nakakakilala sa misteryosong manunulat ang taong kaniyang hinahanap.

Hindi agad nakasagot si Ambrosio, bakas sa mukha nito na pilit itinatago ang pagkagulat sa tanong ni Socorro. "Saan mo naman nakuha ang ideyang iyan?" Pagbabalik ng tanong ni Ambrosio na sinubukang ngumiti at humarap sa balkonahe.

"Ang tagal na nating magkakilala, magkasama... Pareho rin tayong nagtatrabaho sa La Librería, paanong magiging ako si Palabras?" patuloy ni Ambrosio na tulad ng dati ay nagagawang pagaanin ang tensyon sa paligid.

"Naisip ko lang... Bakit hindi siya magpakilala sa akin? Wala ba siyang tiwala sa kaniyang redactor?" Bawi ni Socorro dahilan upang mapangiti si Ambrosio. Kahit kailan ay hindi siya nananalo sa mga katuwiran ni Socorro.

"May sarili siyang dahilan. Mahalaga bang malaman kung sino siya?" saad ni Ambrosio dahilan upang mapaisip si Socorro. Hindi niya alam kung bakit siya sumang-ayon sa sinabi ni Ambrosio. Ngayong hindi pala si Cristobal si Palabras, mahalaga pa bang malaman niya kung sino ang misteryosong manunulat.

Natauhan si Socorro mula sa kaniyang malalim na pag-iisip nang magsalita si Ambrosio, "Kung hindi tayo matutuloy bukas..." Napatingin si Socorro kay Ambrosio at ang hindi nito natuloy sabihin tungkol sa pamamanhikan. "Marahil ay sa katapusan na lang ng taon dahil ako'y magtutungo sa Inglatera, sa bayan ng aking Ina, upang doon ipagpatuloy ang aking propesyon," napayuko si Ambrosio, hindi niya nais umalis ng bansa ngunit pinipilit siya ni Don Amorsolo dahil nais nitong maging punonghukom si Ambrosio balang-araw.

"Magagawa mo pa rin akong tugunan sa mga liham, hindi ba?" Paniniguro ni Ambrosio. Tumango nang marahan si Socorro bilang tugon, "Sa aking pagbabalik, nawa'y handa ka na. Isasama ko ang aking Ina, nasasabik na rin siyang makilala ka," wika ni Ambrosio sabay ngiti. Isang marahan na ngiti ang ibinalik ni Socorro.

Ang pagbabalik na pangako ni Ambrosio ay hindi na nangyari. Matapos lang ang ilang buwan ay pareho na silang tumigil na magpadala ng liham sa isa't isa. Dalawang taon na ang nakararaan mula nang huli niyang makausap si Ambrosio sa pamamagitan ng liham. Hindi masisi ni Socorro si Ambrosio kung mapagod na ito sa paghihintay dahil hindi niya rin kayang ibigay ang nais nitong mangyari.


MISA DE GALLO, tahimik na nakikinig si Socorro sa misa habang dinadala ng kumutikutitap na liwanag sa mga parol na siyang nakapalibot sa dingding ng simbahan. Sa siyam na araw na pagdalo sa simbang gabi ay isang beses lang nakadalo si Socorro dahil hindi niya kayang gumising nang maaga.

Nang matapos ang misa ay naglakad na sila papalabas ng simbahan bitbit ang mga nagliliwanag na paro. Tuwang-tuwa sina Don Epifanio at Doña Marcela kay Rosa na siyang batang gumanap bilang Birheng Maria.

Nag-aya si Amor na mamasyal sa mga paninda sa labas ng simbahan. Sinamahan sila ni Feliciano habang ang kanilang mga magulang ay mga kausap na kakilala. Magkakapit-brasong naglalakad sina Socorro at Amor na sinusundan ni Feliciano. Maraming tao ang dumalo sa misa at bumibili ng mga regalo para sa noche buena.

Kung anu-anong tinuturo nina Socorro at Amor na paninda habang naglalambing kay Feliciano na buong-lugod silang pinagbibigyan. Hindi nila namalayan na marami na silang napamili, maging ang asukal na pinatigas at ginawang patamis ay kanilang ipinakiusap kay Feliciano. Ngayon ay sabay nilang kinakain ang patamis at pinipilit pang kumain niyon si Feliciano na tumatanggi dahil hindi siya mahilig sa matamis.

"Siya nga pala, kailan uuwi ang iyong kasintahan?" Tanong ni Feliciano kay Amor.

"Sa Marso," ngiti ni Amor. "Mangako ka na hindi ka tututol, Kuya. Pabor na sa kaniya sina Ama't Ina, nagawa na rin siyang salaain nina Kuya Jacinto, Agustino, at Concordio," tawa ni Amor dahilan upang mapangiti sila. Pagdating sa pag-ibig ay walang makakatalo sa pagiging romantiko ni Amor.

Tumango nang marahan si Feliciano, "May magagawa pa ba ako gayong handa ka na sa pag-aasawa," ngiti pabalik ni Feliciano, "Sa oras na kami'y makasal na, pipiliin kong manirahan kung saan siya dadalhin ng kaniyang tungkulin, nais kong makasama siya araw-araw dahil mahirap ang malayo sa isa't isa," patuloy ni Amor, ang kaniyang kasintahan ay isang sundalo at may katungkulan.

Nanatiling tahimik si Socorro, hindi niya malaman kung bakit wala siyang masabi lalo na sa tuwing ang usapan ay tungkol sa pagpapakasal at pag-aasawa. "Ikaw, Ate Socorro, may nasumpungan ka bang Ginoo na nais mong makilala kanina sa misa?" Ngiti ni Amor, ilang beses na siyang nagtangka na maging kupido upang magkaroon na ng makakasama si Socorro ngunit madalas siyang mabigo.

"Sinasabi ko na nga ba't hindi ka nakinig sa misa dahil iyan ang mas inaatupag mo," napapailing na wika ni Socorro habang natatawa sa kapatid. Humigpit ang kapit ni Amor sa braso ni Socorro, "Huwag mo sabihin sa 'kin na nais mo na lang alagaan sina Ama at Ina, hindi pa sila ganoon katanda, bukod doon ay hangad din nila na magkaroon ka ng katuwang sa buhay," saad ni Amor na hindi susuko hangga't hindi nakakahanap ng kapareha ni Socorro.

"Kaya ba tinanggihan mo si Ginoong Ambrosio ay dahil kay Nova?" Tanong ni Amor, mas matanda man sa kaniya si Nova ngunit nakasanayan na niya na tawagin ito sa pangalan dahil malapit din niyang kaibigan ito.

Umiling si Socorro, tumingin sa kanila si Feliciano na tila naghihintay sa sasabihin ni Socorro, "Kumusta na kaya si Nova? Nais ko na rin siya makita," wika ni Socorro na natulala sa mga kumikislpa na parol sa bawat kabahayan na kanilang nadaraanan.

Naalala niya ang huling pag-uusap nila ni Nova na siyang labis na nagpasugat ng kaniyang puso. Apat na taon na ang nakararaan matapos lumisan ni Ambrosio ay nagtungo si Socorro sa tahanan ng mag-asawang Espiritu sa Maynila upang makausap si Nova na ayaw nang umuwi sa Sariaya.

"Bakit ka naglihim? Matagal na palang nababatid ni Ambrosio na hindi ako ang kapalitan niya ng liham, ginawa niyo akong tanga!" Sigaw ni Nova na pilit pinapatahan ni Doña Mariana. Nanatiling nakatayo si Socorro, ilang ulit siyang nagkaroon ng pagkakataon na ipagtapat kay Nova ang lahat, ang pagtingin ni Ambrosio, at ang lahat ng nalalaman niya ngunit hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob maging totoo sa kaniyang kaibigan.

"S-sinubukan ko... ngunit sa tuwing nakikita kitang masaya sa piling niya ay napanghihinaan ako ng loob na ipagtapat ang lahat sa iyo. Hanggang ngayon ay umaasa ako na kayo ang para sa isa't isa..." Humakbang papalapit si Socorro ngunit mas lalong lumakas ang boses ni Nova na hindi na maawat sa pagluha.

"Kayong dalawa... Pinagmukha niyo akong tanga! Hindi ko magawang tingnan ngayon ang aking sarili sa salamin dahil nakikita ko ang aking kahibangan. Matagal na pala siyang may pagtingin sa iyo, ngunit pinipilit mo siya sa akin, anong nais mong maramdaman ko?!" Nanginginig ang mga kamay ni Nova. Sa loob ng ilang buwan niyang nakakasama sa dulaan, salo-salo, at misa si Ambrosio, masakit isipin para sa kaniya na ang kaibigan pala niya ang laman ng puso't isip nito.

"Sa iyong palagay ay pasasalamatan kita sa ganitong klaseng pag-ibig?" Patuloy ni Nova habang pinagmamasdan ang paghingi ng tawad at pagluha ni Socorro.

"P-patawarin mo ako, Nova. Hindi ko hangad na ikaw'y masaktan. Si Ambrosio... Pagkakaibigan lang ang kaya kong ibigay..." Hindi na natapos ni Socorro ang sasabihin dahil nagsalita na si Nova na hindi na nais makinig pa sa mga sasabihin niya.

"Mabuti na lang dahil lumayo sayo si Cristobal, hindi mo alam kung paano siya nasira at nawala sa sarili nang dahil sa iyo. Kay dali para sa iyo ang lahat... Hindi na kita nais makita," saad ni Nova na tumalikod at nagtaklob ng kumot saka ibinuhos ang lahat ng bigat sa kaniyang dibdib.

Sinubukang lumapit ni Socorro ngunit tumayo na si Doña Mariana at pinakiusapan siya na bigyan ng oras si Nova. Ang panahong lumipas ay hindi nila namalayan hanggang sa paglipas ng taon kung saan hindi na sila nagkita pa.

"Sandali," natauhan si Socorro sa kaniyang malalim na iniisip nang magsalita si Amor at mas humigpit ang kapit nito sa kaniyang braso, "Si Ginoong Cristobal ba iyon?" Patuloy ni Amor sabay turo sa kumpol ng mga lalaki na nakatayo sa labas ng bahay ng alkalde.

"Siya nga! Ano?" ulit ni Amor na hindi sigurado habang patuloy silang naglalakad sa kahabaan ng kalsada. Kasalukuyang may mga kalesang nakatigil sa tapat ng bahay ng akalde, at may anim na lalaki na nag-uusap sa labas hawak ang kanilang mga baso ng alak at sigarilyo.

Sandaling tumigil ang takbo nang paligid nang makita ni Socorro si Cristobal na nakangiti at nakikipag-usap sa mga kasama nito. Nakahawi ang buhok at maaliwalas ang hitsura suot ang puting polo, itim na abrigo, at sumbrero.

Kasabay niyon ang pagsabog ng mga kuwitis at makukulay na paputok sa kalangitan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko. Napatingin ang lahat sa liwanag na kumikislap at sumasabog sa ere, tanging si Socorro ang nanatiling nakatingin kay Cristobal na napukaw din ang atensyon sa mga paputok.

Ang repleksyon ng ilaw at mga paputok ay nakikita ni Socorro sa mga mata ni Cristobal na higit na kapansin-pansin sa binata bukod sa mas tumangkad at gumanda ang pangangatawan nito. Bago pa makabalik si Socorro sa reyalidad ay narinig niyang tinawag ng isa sa mga kasama ni Cristobal ang kaniyang kapatid na naglalakad kasama nila.

"Feliciano!" Ang anim na kalalakihan, maging si Cristobal ay napalingon sa kanilang gawi. "Akalain mo nga't magkikita tayong muli rito," tawa ng lalaki na nasa edad tatlumpu. Gustuhin mang tumigil ni Socorro sa paglalakad at piliing tumalikod at magtago ngunit huli na ang lahat dahil nagtama na ang paningin nila ni Cristobal.

"Siya nga pala, kasama ko ang aking mga kapatid," wika ni Feliciano sabay lingon kina Socorro at Amor na naistatwa sa kanilang kinatatayuan. Sumenyas si Feliciano na lumapit sila, si Amor ang agad humakbang at hinila si Socorro na walang nagawa kundi ang magpatangay sa agos.

"Mga Ginoo, ang aking mga kapatid, Socorro at Amor De Avila," pakilala ni Feliciano, isa-isang tinanggal ng mga lalaki ang kanilang sumbrero at nagpakilala. Pagdating kay Cristobal ay sandali itong tumigil ngunit nagpakilala na rin ito tulad ng kung paano nagpakilala ang mga kasamahan.

"Nagagalak akong makita kayong muli," wika ni Cristobal na tumango nang marahan kay Amor at ilang segundong inilaan ang paningin kay Socorro na hindi niya akalaing muling makikita.

Tumugon ng ngiti si Amor. Samantala, nanatiling nakatitig si Socorro kay Cristobal na tila ba isa itong obra na hindi niya inaasahang pupukaw sa kaniyang mga mata. Walong taon ang lumipas ngunit ang sugat ng nakaraan ay tila sariwa pa sa kaniyang damdamin. Kailanman ay hindi tumugon si Cristobal sa mga pinadala niyang liham upang kumustahin ito. Nauunawaan niya na maaaring galit pa rin ito, ngunit ngayong nakatayo muli si Cristobal sa harapan niya ay hinihiling niya na naghilom na ang sugat ng nakaraan na siyang naging dahilan.

"Kumusta ka na, Ginoo? Minsang nabanggit ni Kuya Jacinto na isa kayo sa mga tanyag na inhinyero sa Madrid," ngiti ni Amor na madaling nakakasali sa mga usapan. Ngumiti ang mga lalaking kasama saka tinapik sa balikat si Cristobal.

"Siyang tunay. Maging ang isang kilalang Konde ay humanga sa husay ni Cristobal," wika ng isang lalaki na nagpakilalang Angel. "Siya rin ang naatasang manguna sa pagpapatayo ng bagong ospital sa Maynila," patuloy ni Angel saka tinapik muli ang balikat ni Cristobal. Ngumiti nang marahan si Cristobal na hindi sanay sa mga papuri. Tumingin siya kay Socorro na nauna nang umiwas ng tingin.

"Kay gandang balita, binabati ka namin Cristobal!" wika ni Feliciano, matagal na niyang alam ang bagong ospital na ipapatayo sa Maynila kaya rin siya umuwi sa bansa ngunit hindi niya akalain na ang matalik na kaibigan ni Jacinto ang mangunguna sa pagpapatayo nito.

Itinaas ng mga ginoo ang kanilang alak upang makiisa sa pagbati kay Cristobal. "Siya nga pala, Feliciano, iyong naiwan ang isang bagahe sa daungan, inuwi muna ni Cristobal," wika ni Angel na animo'y tagapagsalita ni Cristobal.

"Salamat, ako'y nagmadali nang makadaong tayo sapagkat si Jacinto ay hinihintay ng kaniyang kasintahan," ngiti ni Feliciano na sinang-ayunan ng mga ginoo na tama ang ginawa ni Jacinto dahil hindi dapat nito pinaghihintay ang nobya.

"Kailan ko maaaring daanan, Cristobal?" Tanong ni Feliciano.

"Anumang araw. Nalalaman ni Ina kung saan ko inilagay ang iyong bagahe, Señor Feliciano," tugon ni Cristobal sabay inom ng alak. Tumingin siya kay Socorro na nahuli niyang nakatingin, mabilis na umiwas ng tingin si Socorro at kunwaring bumulong kay Amor.

Napakagat sa labi si Socorro. Ang totoo ay gusto na muna niyang magpaalam. Hindi niya inaasahang masusumpungan muli si Cristobal. Ang huling alaala nila sa isa't isa ay hindi maganda, maging ang binitawan niyang salita.

Nasa kalagitnaan ng pagkukuwento si Angel tungkol sa ilang proyekto pang hahawakan nila nang may lumapit na dalaga kasunod ang tagapagsilbi nito. "Mahal," wika ng dalaga na nakilala ni Socorro. Lumingon si Cristobal nang hawakan nito nang marahan ang kaniyang braso, "Mauuna na kami sapagkat naghihintay na si Ama," ngumiti si Cristobal sa dalaga at nang tumingin siya sa mga kasama ay nakangiti ang mga ito na para bang naghihintay ng kasagutan sa kanilang natunghayan.

"Siya nga pala, si Juliana, ang aking katipan," pakilala ni Cristobal na nagpangiti lalo sa mga kasama. Ang ilan sa kanila ay may ideya na ang kasintahan ni Cristobal ay si Juliana ngunit ang ilan ay ngayon lang nakita ang dalagang Villafuerte na naunang umuwi sa Pilipinas ng isang taon.

Tumingin sina Amor at Feliciano kay Socorro na nanatiling nakatingin kina Juliana at Cristobal. Ngumiti nang marahan si Juliana nang magtama ang mga mata nila ni Socorro, halos walong taon na rin ang nakararaan mula nang kumpirmahin niya kung totoo ba ang usap-usapang kumakalat tungkol kina Socorro at Cristobal.

"Higit akong may tiwala sa iyo kumpara sa mga kumakalat na balita. Nais kong marinig ang katotohanan, Socorro," wika ni Juliana na namumula ang mga mata habang namumuo ang mga luha habang nakaupo sila ni Socorro sa salas ng tahanan ng pamilya Gonzalez.

Nanatiling nakatingin si Socorro sa dalawang tasa ng tsaa na hindi nila ginagalaw ni Juliana. Nakausap niya si Cristobal kagabi, at sa paghihiwalay nila ng landas ay malinaw na walang kasal na magaganap gaya ng nais niyang mangyari.

"Magkaibigan kami. Bukod doon ay matalik siyang kaibigan ng aking kapatid. Ang aming pagkakaibigan at pagiging malapit ay hindi nauunawaan ng mga tao," wika ni Socorro na dahan-dahang iniangat ang ulo at tumingin kay Juliana. Wala pa siyang tulog, hindi niya nagawang makatulog dahil sa nangyari.

"Iyong nalalaman na buong-puso kitang tinulungan sa liham pag-ibig para sa kaniya, tulad mo ay naiipit lang din kaming dalawa sa maling akala at hindi pagkakaunawaan," paliwanag ni Socorro, napayuko si Juliana saka hinawakan ang kamay ni Socorro.

"Maraming nais sumira sa iyong dangal at reputasyon. Kumpara sa kanila ay nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ka. Aking nababatid na hindi ka gagawa ng isang desisyon na makasisira sa iyo at sa iyong pamilya. Salamat sa pagbabahagi sa akin ng totoo, Socorro," wika ni Juliana saka niyakap si Socorro upang damayan ito. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Socorro, sa lahat ng taong sinubukang niyang paliwanagan kung anong totoong nangyari, tanging si Juliana ang naniwala sa kaniya kahit pa hindi niya ikuwento ang buong pangyayari.

Isang malakas na tawanan at kantyawan ang nagpabalik sa ulirat ni Socorro, "Lalayo pa ba tayo? May petsa na ba ng kasal?" Hirit ni Angel na nais tumayong abay sa kasal. Nagkatinginan sina Cristobal at Juliana, ngunit tanging ngiti lang ang kanilang naitugon.

Hindi malaman ni Socorro kung bakit nakaramdam siya ng paninikip sa dibdib habang pinagmamasdan ang palitan ng ngiti ng dalawa kasabay ng mga halakhak at pagbati ng mga tao sa paligid.

Nagpatuloy ang kantyawan at kasiyahan hanggang sa dumating ang kalesang susundo kay Juliana. Hinatid siya ni Cristobal, at ang pagkakataong iyon ay sinamantala na ni Feliciano upang magpaalam sa mga ginoong naging kaibigan niya nang makasabay niya ang mga ito sa barkong pabalik sa bansa.

Nang gabing iyon ay nagawang titigan ni Socorro ang mga gamu-gamong lumilipad sa palibot ng lampara. Nakaupo siya sa silya habang yakap ang kaniyang magkabilang tuhod. Pilit na gumugulo sa kaniyang isipan ang natuklasan kanina. Batid niyang hindi niya dapat isipin dahil labas naman siya kung anumang relasyon ang mayroon sina Juliana at Cristobal ngunit hindi niya pa rin mapigilang isipin.

"Huwag mo sabihin sa 'king hindi mo rin ibig matulog sa gabi," wika ni Feliciano na nakasandal sa pintuan. Hindi namalayan ni Socorro na nakabukas ang pinto ng kaniyang silid dahil sa lalim ng kaniyang iniisip.

Saglit na tumingin si Socorro kay Feliciano saka muling ibinalik ang tingin sa lampara. "Nag-iisip ako ng eksena sa aking nobela," pagsisinunggaling ni Socorro. Naglakad si Feliciano papalapit saka tiningnan ang dalawang gamu-gamong lumilipad sa lampara.

"Wala silang kamalay-malay na mapapahamak sila sa oras na lumapit sila sa apoy niyan," wika ni Feliciano, isa sa mga dahilan kung bakit nahilig si Socorro sa pagbabasa at pagkukuwento ay dahil madalas siyang kuwentuhan noon ni Feliciano.

"Hindi natin nababatid kung anong mangyayari sa hinaharap. May nakapagsabi sa akin na huwag natin sayangin ang oras sa pag-iisip kung anong mangyayari. Sa halip ay pahalagahan ang oras sa kasalukuyan at ang mga taong nagpapasaya sa atin dahil maaaring magbago ang lahat, maaaring mamatay ang sindi ng lamparang ito, at maaaring maglaho na rin ang mga gamu-gamo," tumingin si Feliciano kay Socorro na nauunawaan niya ang pinagdadaanan kahit hindi ito magsabi ng totoo.

"Kung hindi ako nagkakamali, si Cristobal na kaibigan ni Jacinto ang taong tumulong sa iyo nang lumayas ka sa ating tahanan noon," wika ni Feliciano, tumango nang marahan si Socorro ngunit hindi nito inaalis ang tingin sa mga gamu-gamo at lampara.

"Aking masasabi na isa siyang mabuti at huwarang binata. Tatlong buwan kami sa barko pabalik dito, wala akong makitang kapintasan sa kaniya lalo na sa kaniyang pag-uugali," patuloy ni Feliciano. Napahinga nang malalim si Socorro saka tumingin sa nakatatandang kapatid.

"Bakit siya napasok sa usapan? Pinagmamasdan ko lang ang mga gamu-gamong ito upang hindi sila mapahamak at lumapit sa apoy," giit ni Socorro, tumango nang marahan si Feliciano na kunwaring naniniwala sa mga palusot ng kapatid.

"Hindi ba't mas mabuti kung patayin mo na lang ang apoy kung nais mo silang protektahan?" Wika ni Feliciano dahilan upang mapatingin sa kaniya si Socorro.

"Ikakasal na si Cristobal sa kaniyang katipan sa susunod na buwan. Iyon ang dahilan kaya siya bumalik dito," patuloy ni Feliciano. Nabahagi sa kanila ni Cristobal ang dahilan kung bakit ito uuwi ng bansa habang naglalaro sila ng baraha sa byahe.

Hindi nakapagsalita si Socorro. Gusto niyang magpaliwanag na wala siyang pakialam, na walang kinalaman si Cristobal sa pagmamasid niya sa lampara, at lalong hindi niya ito naiisip kaya siya hindi makatulog ngayong gabi.

"Matulog ka na," saad ni Feliciano saka lumapit sa lampara at pinatay ang sindi niyon. Nang maghari ang dilim ay hindi na nakita muli ni Socorro ang mga gamu-gamo na tila tapos na ang pagsasaya ng mga ito.


KINABUKASAN, araw ng Pasko. Nagtungo sina Socorro at Amor kasama ang kanilang ina na si Doña Marcela sa pamilihan. Ilang minuto nang namimili ng alak sina Doña Marcela at Amor sa La Licoría na ireregalo nila kay Don Epifanio.

Walang interes si Socorro sa mga alak kung kaya't tumawid siya sa kabila kung saan naroroon ang La Librería ng Sariaya. Sandali niyang pinagmasdan ang mga libro ni Palabras na hanggang ngayon ay paborito ng madla.

Pumasok si Socorro sa loob ng La Librería. Kumpara sa tindahan ng mga alak ay mas kaunti ang tao sa loob. Napansin ni Socorro na wala ang binatilyong katiwala ni Don Julio. Nabalitaan din niya na nakabalik na mula sa Amerika si Don Julio noong isang Linggo. Napagdesisyunan ni Socorro na magpaliban pa ng isang linggo bago puntahan si Don Julio.

Kumuha ng isang libro si Socorro at sinimulang basahin iyon. Ngunit hindi pumapasok sa kaniyang isipan ang laman ng mga pahina. Isinara na lang niya muli ang libro at ibinalik sa lagayan nito. Ngunit napatigil siya nang makita ang pamilya na lalaki na nakasandal sa tabi ng bintana na abala sa pagbabasa ng isang libro.

Sa takot na makita siya ni Cristobal ay agad siyang kumuha ng isang libro at pinangharang iyon sa kaniyang mukha. Makalipas ang ilang minutong katahimikan ay muli niyang sinilip ang binata habang hawak ang libro sa tapat ng kaniyang mukha.

Tahimik pa ring nagbabasa si Cristobal. Animo'y sinusuri nito ang librong hawak kung dapat bang bilhin. Nagulat si Socorro nang biglang may magsalita sa kaniyang likuran, "Señorita Socorro," wika ng katiwala sa La Librería, muntik pang mabitawan ni Socorro ang hawak na libro.

"Hinihintay mo ba si Don Julio?" Patuloy ng katiwala, napatingin si Socorro sa kinaroonan ni Cristobal na sumulyap sa kanila. Napapikit siya sa inis dahil siguradong nakilala na siya ni Cristobal, narinig pa nito ang kaniyang pangalan.

"Ah. Hindi, bibili lang ako rito," wika ni Socorro sabay kuha ng isang libro at ibinigay sa katiwala. Sumunod siya nang itala na ito ng katiwala at ibalot. Napalingon si Socorro sa kinaroroonan ni Cristobal, isinara na ni Cristobal ang libro, binalik sa lagayan at naglakad papalabas nang hindi tumitingin sa kaniya.

"Kahapon lang dumating si Don Julio, Señorita, hinahanap ka nga rin niya," wika ng katiwala. Sinundan ni Socorro ng tingin si Cristobal hanggang sa makalabas ito sa La Librería, "Bumuti ang kalusugan ni Don Julio at kapansin-pansin ang..." Hindi na natapos ng katiwala ang kaniyang pagkukuwento dahil agad kinuha ni Socorro ang binalot na libro saka dali-daling lumabas.

Natanaw niya si Cristobal na naglalakad papalayo. Napalunok at napahinga nang malalim si Socorro. Kumapit din siya sa kaniyang saya, ramdam niya ang pamamawis ng kaniyang kamay dahil sa kaba. Nagsimula na siyang humakbang nang mas mabilis upang mahabol si Cristobal, gusto niyang tawagin ang pangalan nito ngunit nahihiya siya sa ilang mga taong nakakasalubong at ang mga kalesang dumaraan.

Napapikit si Socorro saka lakas-loob na napagpasiyahang tawagin na si Cristobal sa pag-asang makausap ito. Akmang magsasalita na sana siya ngunit may naunang tumawag kay Cristobal, "Mahal!" Ngumiti si Juliana at kumaway bago tumigil ang kalesang sinasakyan nito sa tapat ni Cristobal.

"Patungo kami ngayon ni Ina sa plaza, ibig mo bang sumama?" Ngiti ni Juliana, tumango si Cristobal saka ngumiti pabalik at sumakay sa kalesa. Nagmano siya sa Ina ni Juliana at binati ito.

Dahan-dahang napadaan ang kalesa sa harap ni Socorro kung saan mas malinaw niyang natunghayan ang mga ngiti ni Cristobal na minsan niyang sinayang.


*********************

#SocorroWP

Next update: April 8, 2022

Featured Song: "Sinayang" by Hey It's Je Featuring Kunnns

https://youtu.be/OAPU5hIRlDY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top