Kabanata 10: Ang Mga Liham
[Kabanata 10]
NATATAKPAN ng libro ang liham na binabasa ni Cristobal. Hindi na niya mabilang kung ilang ulit na niya itong nabasa ngunit mula nang malaman niya kung kanino ito nanggaling ay hindi na niya ito mabitawan.
Tahimik ang buong klase habang nagsasalita ang kanilang propesor sa Heometriya na si Maestro Suarez. May iginuguhit at isinusulat ito sa pisara. Karamihan sa mga estudyante ay tulala sa bintana, nilalabanan ang antok, at lumilipad ang isipan sa kung anu-anong bagay.
Naalala ni Cristobal ang tagpo kagabi kung saan nakita niya ang sulat-kamay ni Socorro na kapareho ng nagpadala sa kaniya ng liham pag-ibig.
"Salamat sa paghatid kay Paloma... Cristobal." Ngiti ni Socorro, sandaling hindi nakagalaw si Cristobal sa kaniyang kinatatayuan. Nang matauhan siya ay agad siyang humarap kay Socorro at pa-simpleng inilapag ang liham nito kay Doña Marcela pabalik sa mesa.
"Nagdala ka rin ng kumot. Salamat! Aking hinihintay kanina pa ang ipinangako ni Aling Maria na kumot na siyang ipapahiram niya muna sa akin." Tawa ni Socorro saka dahan-dahang ibinaba sa sahig si Paloma.
Nanatiling nakatitig si Cristobal kay Socorro habang masaya nitong kinakausap ang dalawang kuneho. Ang mga ngiti ng dalaga at ang paghabol nito kina Felipe at Paloma ay naghahatid sa kaniya ng kakaibang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag. Kumakabog ang kaniyang puso at tila nanghihina ang kaniyang kalamnan.
"Siya nga pala, nababatid na ba ni kuya kung nasaan ako?" Tanong ni Socorro dahilan upang matauhan siyang muli. Agad siyang umiwas ng tingin at nasagi niya ang paso. Muntik pa itong mahulog sa mesa, mabuti na lamang dahil nahawakan niya ito agad.
"Ano iyan?" Tanong ni Socorro na payukong naglakad papalapit sa mesa. Agad humakbang sa gilid si Cristobal dahil sa lapit ni Socorro. "P-pinapadala rito ni Jacinto. Marahil ay bigay ng iyong tiya Jimena." Tugon ni Cristobal na hindi magawang tumingin kay Socorro. Agad siyang naglakad patungo sa pintuan, umaasa na kung sakaling lumayo siya ay mawawala ang kakaibang pagkabog ng dibdib na kaniyang nararamdaman.
Naalala ni Socorro na mahilig din sa bulaklak si Doña Jimena na asawa ni Don Marcelo. Ngunit laking pagtataka niya na maaalala pa siya nitong bigyan ng bulaklak gayong halos ipagtabuyan siya nito sa kanilang tahanan.
Napakibit-balikat na lang si Socorro at hindi pinansin ang bulaklak na nanggaling sa tiya niyang matabil ang dila. "A-ako'y aalis na. Magandang gabi..." Paalam ni Cristobal, nang lumingon sa kaniya si Socorro at ngumiti nang kaunti ay hindi na niya nagawang sabihin ang pangalan nito sa huli. Sa halip ay agad siyang lumabas, sinarado ang pinto at dali-daling bumaba ng hagdan.
Nakaupo sa ikatlong helera si Cristobal samantala nasa likod niya si Jacinto. Napansin ni Jacinto na hindi nakikinig si Cristobal, bagay na hindi pangkaraniwan dahil madalas itong nakikinig sa klase at siyang nakakasagot sa mga tanong ng propesor.
Sinubukan niyang silipin kung ano ang sinisilip ni Cristobal sa pagitan ng libro nang magsitayuan ang kanilang mga kaklase at magpaalam sa maestro. Agad isinara ni Cristobal ang libro bago pa makalapit sa kaniya si Jacinto. "Ano 'yan?" Tanong ni Jacinto bitbit ang libro para sa susunod na klase.
"W-wala ito. Ibig ko lang magbasa." Tugon ni Cristobal na hindi magawang tumingin sa kaniya. Napasingkit ang mata ni Jacinto, pakiramdam niya ay may tinatago ang kaibigan. "Nakakahiligan mo rin ang pagbabasa ng mga ganiyang kuwento, ha." Usisa ni Jacinto sabay tingin sa nobelang kahit nakapikit ay nalalaman niya kung kanino dahil bukambibig iyon palagi ni Socorro.
Isa-isang naglalabasan ang mga estudyante patungo sa sunod na klase. Naunang naglakad patungo sa pintuan si Cristobal habang nakasunod si Jacinto nang tawagin sila ni Maestro Suarez. "Salcedo y De Ávila, vienen aquí." (Salcedo and De Avila, come here.)
Magkatabing tumayo ang dalawa sa harapan ni Maestro Suarez na nakasandal sa upuan habang nakahalukipkip. May kinuha itong kuwaderno sa ilalim saka inihagis sa mesa. "¿Crees que puedes engañarme?" (Do you think you can deceive me?)
Kinuha ni Cristobal ang proyekto na pareho nilang pinaghirapan ni Jacinto. May marka itong pula. "Ser inteligente no significa que no seas capaz de hacer el mal." (Being intelligent does not mean that you are not capable of doing wrong.)
Inihagis ng propesor sa mesa ang isa pang proyekto na nakapangalan kay Xavier at sa mga kaibigan nito. Nanlaki ang mga mata nina Cristobal at Jacinto, gawain na nina Xavier at ng mga kaibigan nito ang mangopya sa kanila o sa iba ngunit ngayon lang nangyari na kinuha nito ang halos lahat ng datos na nakuha nila kay Don Epifanio na ipinangalan lang nila sa ibang inhinyero.
"Primero presentaron su proyecto. No trates de convencerme de que es otra forma de evitarlo." (They submitted their project first. Don't try to convince me that it's another way around.) Patuloy ng propesor habang seryosong nakatingin sa kanila. Nagkatinginan sina Cristobal at Jacinto. Nahuli silang magpasa ng proyekto dahil hinanap pa nila si Socorro noong araw na iyon.
"Vamos a la escuela para aprender y ampliar nuestros conocimientos. Hacer trampa no te ayudará en el futuro. La integridad es importante en el aprendizaje. Los estudiantes como tú no merecen una educación." (We go to school to learn and expand our knowledge. Cheating won't help you in the future. Integrity is important in learning. Students like you don't deserve an education.) Pangaral ng propesor. Nanatiling nakayuko sina Cristobal at Jacinto. Nababatid nila kung gaano kaseryoso ito.
"Si los dos pensáis que me habéis engañado... Te equivocas. Os engañad a vosotros mismos con ese acto tonto porque no estáis aprendiendo nada." (If both of you think that you deceived me... you're wrong. You deceive yourselves with that foolish act because you're not learning anything.) Iniangat ni Cristobal ang kaniyang ulo ngunit pinili niya pa ring tumingin sa mesa.
"Señor, si usted está cerrando su puerta y no nos escuchará, todavía levantaré mi voz para que usted escuche. Siempre admiro sus principios y la manera en que valoran la educación. Sin embargo, ¿y si es al revés? No hemos podido enviar nuestro proyecto a tiempo debido a... un asunto personal." (Sir, if you're closing your door and won't hear us out, I will still raise my voice for you to hear. I always admire your principles and the way you value education. However, what if it's the other way around? We weren't able to submit our project on time because of... a personal matter.)
Tumingin si Cristobal sa propesor na hindi makapaniwalang susubukan nitong ipagtanggol ang sarili. "Este proyecto, volcamos nuestros esfuerzos y tiempo en él. Creo que primero debemos hacer una investigación adecuada antes de llegar a una conclusión como la forma en que resolvemos cada problema en geometría." (This project, we pour our efforts and time into it. I believe that we should do a proper investigation first before making a conclusion like how we solve every problem in geometry.)
Napatikhim si Maestro Suarez, hindi na siya nagtaka kung paano nakasagot ng ganoon si Cristobal lalo pa't ang ama nito ay siyang dating punonghukom ng Maynila. "si ese es el caso, ¿dejas que roben tu proyecto duramente ganada?" (If that's the case, you let them steal your hard-earned project?) Hindi nakasagot sina Cristobal at Jacinto. Pareho silang aminado na pinakopya nila ang mga ito.
Sandaling naghari ang katahimikan. Naririnig nila ang ingay mula sa kabilang klase na kakatapos lang din. "No habría ningún tramposo sin uno que los deje ser. No habría ladrón sin uno que los tolere robar. Ustedes les dejan llegar a ser así. ¿Crees que los ladrones y los tramposos no te dañarán porque haces un ojo ciego?" (There would be no cheater without one who let them be. There would be no thief without one who tolerates them to steal. You let them become like that. Do you think thieves and cheaters won't harm you because you turn a blind eye?)
Tumikhim si Maestro Suarez saka inabot sa kanila ang kuwaderno, "Te daré una segunda oportunidad. Hazlo otra vez. Y esta vez, espero que hayas aprendido una lección." (I'll give you a second chance. Do it again. And this time, I hope you've learned a lesson.)
Kinuha ni Jacinto sa kamay ni Maestro Suarez ang kuwaderno at sabay silang nagbigay-galang ni Cristobal bago lumabas sa silid-aralan. Walang imik silang naglakad patungo sa sunod na klase ng literatura.
Naabutan nila na nagsisimula na ang klase. Nakatayo si Padre Mendoza na kanilang propesor sa literatura. Kumpara sa propesor nila sa Heometriya ay magiliw ang kanilang guro sa literatura. "Toma tus asientos Salcedo y De Ávila." (Take your seats Salcedo and De Avila.) Wika nito habang kinukumpas ang kamay na pumasok na ang dalawa.
Sa ikaapat na helera sa likod nakaupo sina Cristobal at Jacinto. May bakanteng silya sa unahan ni Cristobal. Nang makaupo na sila ay saka lang nila napansin si Ambrosio na nakatayo sa kabilang dulo ng pisara. "Puede continuar su introducción, Del Rosario." (You may continue your introduction, Del Rosario.)
Ngumiti si Ambrosio saka muling itinapat ang sumbrero sa kaniyang dibdib. "Es un placer conocerlos a todos, mi nombre es Ambrosio Del Rosario. Actualmente estoy en mi ultimo año en derecho. Espero que nos llevemos bien y aprendamos mucho en esta clase." (It is my pleasure to meet you all, my name is Ambrosio Del Rosario. I'm currently in my last year in law. I hope we get along and learn a lot in this class.)
Nagsimulang magtinginan at magbulungan ang ibang mga estudyante. Ang iba ay nakakakilala kay Ambrosio at ang ilan naman ay ngayon lang siya nakita. Ngunit karamihan ay may ideya sa pamilya Del Rosario na siyang kilalang pamilya ng mga abogado.
Itinuro ni Padre Mendoza kay Ambrosio ang bakanteng silya na nasa harap ni Cristobal. Bumulong si Jacinto kay Cristobal, "Balita ko ay matalino rin daw ang isang 'yan. Huwag mong hahayaang ungusan ka ng anak ni Don Amorsolo." Napatingin si Cristobal kay Ambrosio na naglalakad papalapit habang binabati ng ibang kaklase.
Hindi niya malaman kung bakit may kakaiba siyang pakiramdam kay Ambrosio. Hindi rin niya ugali ang manghusga. "Narito pala kayo!" Ngiti ni Ambrosio sa kina Cristobal at Jacinto bago umupo sa bakanteng upuan. Napagtanto ni Cristobal na marahil dahil sa nakaraan ng kanilang mga ama kaya siya nakakaramdam ng kung anong pasanin na nababatid niyang hindi naman dapat makaapekto sa kanila.
MAINGAT na nilagyan ni Socorro ng selyo ang liham na isinulat niya para sa ina. Dinadalaw siya sa kaniyang panaginip ng sinabi ni Cristobal. Ang pamilya ay dapat bahagi rin ng kaniyang pangarap. Nababatid ni Socorro na kulang pa ang mga salitang ginamit niya sa liham upang humingi ng paumanhin sa ina ngunit umaasa siya na maiibsan niyon ang pag-aalala nito sa kalagayan niya.
Tanghali na nang marating ni Socorro ang koreo. Mahaba ang pila at marami ang sumisingit. Minsan lang siya sumama sa koreo dahil madalas na mga mensahero, katiwala, at tagapagsilbi nila ang inuutusang magpadala ng liham sa koreo.
Higit isang oras ang lumipas bago niya naipadala ang liham. Agad siyang nagtungo sa malapit na panciteria upang humingi ng tubig. Gustuhin man niyang kumain ng tanghalian ngunit napagpasiyahan niyang hangga't maaari ay umaga at gabi lang siya kakain.
Habang nakaupo siya sa bakanteng silya at nagpapaypay sa sarili ay nahagip ng kaniyang mga mata ang isang bagong kalesa lulan ang pamilyar na mukha. Gulat na napatayo si Socorro dahilan upang magulat ang nasa tabing mesa at mapatingin sa kaniya.
"Sandali!" Sigaw ni Socorro sabay hawak sa kaniyang saya upang habulin ang dumaang kalesa. "Juliana!" Habol ni Socorro, tumatabi ang mga taong nakakasalubong niya. Bakas sa mukha ng karamihan ang pagtataka at gulat sa paghabol niya sa isang kalesa.
Ilang sandali pa ay napalingon si Juliana sa likod kung saan natanaw niya si Socorro na kumakaripas ng takbo upang mahabol sila. Agad niyang pinatigil ang kalesa at dumungaw sa bintana. "Socorro?" Gulat na tanong ni Juliana na hindi makapaniwala sa kaniyang nasaksihan.
Hinihingal na tumigil si Socorro sa tapat ng bintana ng kalesa. Agad inalalayan ng kutsero si Juliana pababa ng kalesa. Hinawakan ni Juliana ang balikat ni Socorro, hindi siya makapaniwala na makakatakbo ito nang mabilis. Kung hindi niya agad napansin si Socorro ay maaari pa nitong masabayan ang takbo ng kalesa.
"May maganda akong balita!" Ngiti ni Socorro saka hinila si Juliana sa isang tabi upang hindi marinig ng kutsero at ng tagapagsilbi nito na nakasakay sa kalesa. "Nakarating na kay Cristobal ang iyong liham!" Napatakip sa bibig si Juliana dahil sa sinabi ni Socorro.
"Ako'y nakakasiguro na nabasa na niya. Maghintay lang tayo ng ilang araw, tiyak na makakatanggap tayo ng tugon!" Ngiti ni Socorro. Para sa kaniya, ang tagumpay at saya ng kaniyang mga kliyente ay tagumpay at saya niya rin.
"Ano sa iyong palagay? Kaniya bang naibigan? Nalaman din ba ng kaniyang mga kaibigan?" Sunod-sunod na tanong ni Juliana, nakangiting tumango ng ilang ulit si Socorro. Hindi niya akalain na makikita niya ngayon si Juliana sa kabila ng malabo niyang kinabukasan sa pagsusulat.
"Oo. Sa katunayan ay laman siya ng kantyawan sa dormitoryo." Tawa ni Socorro, nagtaka ang hitsura ni Juliana, "Paano mo nalaman na laman siya ng kantyawan sa kanilang dormitoryo?" Napatigil si Socorro. Hindi dapat malaman ng iba na nakapasok siya sa dormitoryo ng mga kalalakihan at natulog doon.
"Ah... Nabanggit ni kuya Jacinto." Tugon ni Socorro sabay tawa. Muling sumilay ang ngiti sa labi ni Juliana. Namumula ang kaniyang pisngi sa saya na sa wakas ay nakarating na kay Cristobal ang kaniyang liham pag-ibig.
"Siya nga pala, aking naulinigan na nawala ka sa inyong tahanan? May usap-usapan na ikaw daw ay naglayas o nakipagtanan." Wika ni Juliana dahilan upang lumaki ang mga mata ni Socorro. Sa labis na kagustuhan niyang makaalis sa kanilang tahanan ay hindi niya naisip ang magiging usap-usapan ng mga tao sa oras na malaman ng lahat na wala siya roon.
"S-saan naman nanggaling iyan? Narito ako upang pumasok sa kumbento." Pagsisinunggaling ni Socorro sabay iwas ng tingin. Nakalimutan niyang pumapasok pala sa kumbento si Juliana upang mag-aral.
"Nakapanghihinayang sapagkat hindi kita makakasama sa kumbento. Hindi na ako pinapapasok ni ama sapagkat nais niyang makatagpo na ako ng mapapangasawa bago matapos ang taong ito." Wika ni Juliana na may bahid ng lungkot sa kaniyang mukha. Hindi nakapagsalita si Socorro, nauunawaan niya ang nararamdaman nitong pagkagapos sa kapalaran ng isang babae.
"Ngunit aking titiyakin na ang aking mapapangasawa ay ang lalaking aking napupusuan. Tulungan mo ako, Socorro. Tulungan mo kami ni Cristobal." Saad ni Juliana sabay hawak sa kamay ni Socorro. Napangiti si Socorro, maging siya ay naghahangad ng masayang wakas para sa mga taong malapit sa kaniya.
Magsasalita pa sana si Juliana nang dumungaw sa bintana ang tagapagsilbi nito, "Señorita Juliana, hinihintay na po kayo ng inyong ama sa inyong tahanan." Paalala nito, hindi binitiwan ni Juliana ang kamay ni Socorro at sinabi niya ang lokasyon ng kanilang tahanan sa Maynila.
"Hihintayin kita sa aming tahanan, Socorro. Tuwing Linggo ng umaga lang ako umaalis para sa umagang misa." Ngiti ng dalaga, ngumiti pabalik si Socorro. Masaya siya sa panibagong pagkakaibigang nabuo mula sa kaniyang pagsusulat.
MAGKATAPAT sa mesa sina Cristobal at Jacinto habang kumakain sa oras ng tanghalian. Samantala, hindi matigil ang ingay, tawanan, at kantyawan ng ibang mga estudyante paligid. Patuloy sa pagkukuwento si Jacinto tungkol sa mga pangaral ng kaniyang ama. Samantala, lumilipad ang utak ni Cristobal kung kumain na ba si Socorro o kung ano ang idadahilan niya sa sunod niyang pagpunta sa tinutuluyan nito.
Napailing si Cristobal saka nagpatuloy sa pagkain. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit naghahanap siya ng dahilan upang makapunta sa tinutuluyan ni Socorro gayong hindi naman niya kailangan magtungo roon. "Nais ko na nga lumuhod sa harap ni ama at bawiin ang lahat ng aking sinabi. Kay bata ko pa upang magkaroon ng responsibilidad." Patuloy ni Jacinto, ang sinumang makarinig sa kaniya ay aakalaing may anak siya dahil sa pagbanggit nito ng responsibilidad.
"Ngunit ang sabi ba naman niya sa akin, panahon na upang patunayan ko ang aking sarili sa aming pamilya..." Hindi na natapos ni Jacinto ang kaniyang pagkukuwento nang lumapit si Ambrosio bitbit ang kaniyang pagkain.
"Maaari ba akong sumabay sa inyo?" Nakangiti nitong tanong. Nagkatinginan sina Cristobal at Jacinto. "Oo naman." Maagap na sagot ni Jacinto nang hindi kumikibo si Cristobal. Sanay na siya na hindi palakibo ang kaibigan kung kaya't madalas na siya lang ang nagsasalita.
Umupo si Ambrosio sa tabi ni Jacinto. "Marahil sa susunod ay maaga na akong pipila upang makakain. Aking hindi akalain na karamihan sa inyo ay hindi mahilig magdala ng baon." Ngiti ni Ambrosio. Maging siya ay hindi nagdadala ng baong pagkain sa paaralan.
"Marami ring kainan sa labas. Iyon nga lang, marami ring pila at marami ka ring makakasabay na manananghalian." Tawa ni Jacinto. "Bihira lang din kami kumain dito ni Cristobal, madalas umuuwi kami sa dormitoryo na ilang kanto lang naman ang layo mula rito." Patuloy nito, tumango si Cristobal bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan.
"Sino ba namang hindi makakatanggi sa luto ni Manang Sita," Ngiti ni Ambrosio na nagsimulang kumain. "Siya nga pala, kanino at nasaan na ang kuneho sa inyong silid?" Tanong ni Ambrosio.
"Ah. Ipinamigay ko na. Akala ko ay mailulusot ko kay Manang Sita ang aking alaga." Tugon ni Jacinto nang walang bahid ng pagsisinunggaling o pag-aalinglangan. Napatingin si Cristobal kay Ambrosio, hindi niya maunawaan kung bakit tila may hinahanap pa ito bukod sa kuneho.
"Mabait iyon si Manang Sita ngunit kapag nagalit ay magtago ka na. Siya ang nag-alaga sa akin mula pagkasilang. Kamakailan lang siya nagpaalam mula nang pamahalaan niya ang dormitoryong ito." Ngiti ni Ambrosio sabay inom ng tubig. Napagtanto ni Cristobal na sanay sa pakikipag-usap si Ambrosio at madali itong makipagkaibigan.
"Mahigpit din ba si Manang Sita sa dormitoryo?" Tanong ni Ambrosio. Napaisip si Jacinto, "Oo ngunit maayos naman niyang ipinapaalala ang mga panukala sa loob ng dormitoryo." Tugon nito, tumingin si Ambrosio kay Cristobal na hindi pa nagsasalita mula nang sumabay siya sa kanilang pagkain.
"Kung gayon, tumatanggap din siya ng mga babaeng tagapagsilbi?" Patuloy ni Ambrosio dahilan upang mapatigil sa pagkain si Cristobal at tumingin sa kaniya. Naalala ni Cristobal ang sinabi ni Socorro na may estudyanteng nakakita sa kaniya sa dormitoryo. Sa kuryosidad at tono ng mga tanong ni Ambrosio ay nararamdaman niyang may nalalaman ito.
"Hindi. Mahigpit nga niyang ipinagbabawal ang hayop sa dormitoryo, babae pa kaya?" Tawa ni Jacinto. Bakas sa mukha nito na wala siyang ideya sa laman ng mga tanong ni Ambrosio.
Nanatiling nakatingin si Cristobal kay Ambrosio. Gusto niyang itanong kung ito ba ang nakakita kay Socorro ngunit sa oras na gawin niya iyon ay parang inaamin din niya na nagdala sila ni Jacinto ng babae sa dormitoryo ng mga kalalakihan.
Magsasalita na sana si Cristobal ngunit natanaw nila ang pagpasok ni Xavier at ng mga kaibigan nito sa kainan. Napasingkit ang mga mata ni Jacinto sabay lagok ng tubig. Nagtaka si Ambrosio dahil malakas na inilapag ni Jacinto ang baso sa mesa habang matalim na nakatingin sa mga estudyanteng bagong dating.
"Narito na ang mga walang hiyang kumuha ng aming proyekto. Huwag na huwag kang lalapit sa mga 'yan, wala silang ginawa kundi ang mamerwisyo ng iba." Bulong ni Jacinto kay Ambrosio. Akmang tatayo na sana si Jacinto upang harapin sina Xavier at ang grupo nito ngunit napatigil siya nang magsalita si Cristobal.
"Iyong isipin ang magiging kahihinatnan nito. Hindi tayo maaaring makalikha ng gulo, lalo ka na Jacinto." Wika ni Cristobal upang ipaalala sa kaibigan ang ipnangako nitong pag-ako ng responsibilidad kay Socorro. Kung mabibigo si Jacinto ay tiyak na kukunin ni Don Epifanio si Socorro, ibabalik sa Sariaya, at pipilitin sa kasunduang kasal sa pamilya Sanchez.
Napapapikit sa inis si Jacinto. Gustong-gusto niya basagin ang mukha ni Xavier at ng mga kaibigan nito sa ikalawang pagkakataon. Ngunit naalala niya ang gulo at katakot-takot na parusa na kinaharap nila noong huli silang masangkot sa gulo.
Nakapamulsang naglalakad si Xavier sa gitna habang binabatukan nang mahina ang ilang estudyante na pagtatawanan nila. at tumigil sa tabi ng kanilang mesa. "Kumain kayo nang mabuti mga amigo." Ngiti ni Xavier, ang dulo ng buhok nito ay tumatama sa kaniyang mata dahil sa haba.
Hindi umimik si Cristobal, pilit niyang pinipigilan ang sarili. Marami pang mas mahalagang bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin, hindi maaaring makalikha sila ng gulo na magiging dahilan ng pagiging limitado ng kanilang galaw.
"Nagsama-sama pala rito ang mga matatalino. Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw ang Del Rosario na kanina ko pa naririnig." Sarkastikong bati ni Xavier saka inilahad ang palad sa tapat ni Ambrosio upang makipag-kamay.
"Madalas paunlakan ng iyong ama ang aming imbitasyon. Nawa'y katulad ka rin niya na mapagpakumbaba." Ngisi ni Xavier na animo'y nagbibigay ng babala. Mas matanda rin siya kay Ambrosio dahilan upang iparamdam niya agad kung sino ang dapat na igalang. Labing-siyam na taon lamang si Ambrosio ngunit maaga itong nag-aral.
Naunawaan ni Ambrosio na hindi nga ito karapat-dapat pakitunguhan nang maayos. Sa kabila niyon ay hinawakan niya ang kamay ni Xavier, "Mas mabuting maging mapagpakumbaba kaysa ang maging mapagmataas. Nakakalula ang tanawin mula sa itaas. Hindi mo nalalaman kung kailan ka babagsak." Sarkastikong saad ni Ambrosio sabay ngiti habang nakikipagkamay kay Xavier.
"Magkakasundo pala tayo. Nakakatuwa pala itong bagong kaibigan niyo mga amigo!" Tawa ni Xavier na sinabayan ng tawa ng kaniyang mga kaibigan. Samantala, hindi umimik sina Critsobal, Jacinto, at Ambrosio. Maging ang ibang mga estudyante ay tahimik at nakayuko lang din sa takot na sila ang mapagbalingan ng atensyon ni Xavier.
Tuluyan nang hindi napigilan ni Cristobal ang sarili. Animo'y naririnig niya sa kaniyang isipan ang mga tawanan nina Xavier at ng mga kaibigan nito. Naalala niya ang sinabi ni Maestro Suarez tungkol sa pagpapabaya sa mga mandaraya. Akmang tatayo na sana siya upang sunggaban ang kuwelyo ni Xavier nang mapatigil ang lahat dahil mabilis na hinila ni Ambrosio ang kamay ni Xavier na kaniyang hawak at ihinampas ang ulo nito sa mesa.
Nagulat ang lahat sa lakas nang pagkakabagok ni Xavier sa mesa. Agad tumayo si Jacinto at sinapak sa mukha si Xavier, "P*ta! Ipinahamak niyo pa kami matapos niyong gayahin ang aming proyekto!" Sigaw ni Jacinto. Agad niyakap ni Cristobal si Jacinto mula sa likuran upang pigilan ito at hilahin papalayo.
Isang suntok ang tumama sa kaniyang mukha na kagagawan ni Jose na kaibigan ni Xavier. Sumubsob sa sahig si Cristobal at nabitiwan niya si Jacinto na mabilis nakabangon at lumundag kay Xavier.
Nagsimulang pagtulungan ng grupo ni Xaiver sina Ambrosio, Jacinto, at Cristobal sa dami nila. Umalingangaw ang sigawan ng mga estudyante na karamihan ay nangangantyaw pa sa laban. Natumba ang mga silya at mesa. Nabasag ang mga pinggan at baso. Lumilipad ang mga silya. Nagkalat ang mga pagkain. Sumisigaw ng saklolo ang may-ari ng kainan.
Natigilan ang lahat nang marinig ang isang putok ng baril at ang sigaw ng mga guardia civil. Kani-kaniyang takbuhan ang mga estudyante. Hinila ni Cristobal si Jacinto na hindi pa rin maawat sa pakikipagpalitan ng suntok kay Xavier.
Ngunit huli na ang lahat dahil napalibutan na sila ng mga guardia civil. Wala nang nagawa sina Cristobal, Jacinto, Ambrosio, Xavier, Jose, at ang dalawa pang estudyante na siyang natira sa kainan matapos kumaripas ng takbo ang karamihan sa mga estudyante.
KINAGABIHAN, napapapikit na lamang sina Cristobal at Jacinto habang ginagamot nina Manang Sita at Emmanuel ang tinamo nilang mga sugat at pasa. Maagang pinaakyat ni Manang Sita ang mga estudyante sa kani-kanilang silid upang makausap nang masinsinan ang dalawang binata sa hapag-kainan.
"Susmaryusep! Kayo talagang mga kabataan, ni hindi niyo ba kayang magtimpi? Mapapadali ang inyong mga buhay. Hindi lang iyon, maging ang inyong mga magulang ay tiyak na mapapadali ang mga buhay sa mga gulong pinapasok niyo." Hindi maawat na panenermon ni Manang Sita habang nilalagyan ng gamot ang malaking pasa sa mata ni Jacinto.
Samantala, maingat na nililinis ni Emmanuel ang sugat sa panga ni Cristobal. "Manang, wala naman pong ibang perwisyo sa buhay namin kundi ang mga hijo de p*ta na mga iyon!" Nanggigigil na saad ni Jacinto, napabalikwas siya nang hampasin ni Manang Sita ang kaniyang balikat, "Iyang bibig na 'yan ang sunod na mabubukulan." Paalala ni Manang Sita, mahigpit nitong ipinagbabawal ang pagmumura sa dormitoryo.
"Anong gagawin niyo ngayon? Tiyak na ipapatawag ang inyong mga magulang." Patuloy ni Manang Sita. Hindi nakasagot sina Jacinto at Cristobal. Nang dakpin sila ng mga guardia civil ay sinundo sila ni Padre Mendoza na siyang nagpadala rin ng mensahe sa mga magulang ng estudyanteng nasangkot sa gulo.
"Hindi raw ho kami tatanggapin sa klase hangga't hindi nila nakakausap ang aming mga magulang." Wika ni Cristobal na mas kalmado kumpara kay Jacinto na kanina pa hindi mapakali. Napahinga nang malalim si Manang Sita, nararamdaman niyang siguradong kakausapin din siya ng mga magulang ng estudyanteng naninirahan sa dormitoryo.
"Paano ba 'yan? Nasa iisang bubuong lang din po kayo nina Señor Xavier." Wika ni Emmanuel na nagsimula nang magligpit ng mga ginamit sa pagtapal sa mga pasa at sugat. Saktong pumasok sa hapag-kainan patungo sa kusina si Jose na tumingin nang matalim kina Cristobal at Jacinto. Tahimik ang lahat habang kumukuha ng tubig si Jose hanggang sa makabalik ito sa itaas.
Napahawak sa sentido si Manang Sita, "Kung mamalasin nga naman, araw-araw niyo pang makikita ang isa't isa."
Tumayo si Jacinto at kinuha ang kaniyang sumbrero, "Magpapahangin lang po muna ako sa labas." Paalam nito saka naglakad palabas ng dormitoryo. Samantala, tumuloy si Cristobal sa kanilang silid. Wala pa si Ambrosio, sinundo ito ni Don Amorsolo nang malamang nasangkot sa gulo ang anak.
Karamihan sa mga estudyanteng pinatawag ang magulang ay sinundo agad ng kani-kanilang mga magulang. Nakauwi lang din siya nang dumating si Don Marcelo Gonzalez na sumundo kay Jacinto dahil nasa Sariaya si Don Epifanio. Ipinakiusap ni Jacinto sa kaniyang tiyo na pakiusapan si Padre Mendoza upang makauwi na rin si Cristobal. Tanging si Cristobal lamang ang walang magulang na dumating.
Kumuha si Cristobal ng blangkong papel. Balak niyang magpadala ng telegrama sa ama upang ibalita ang nangyari. Ito ang pangalawang beses na nasangkot siya sa gulo. Ang unang pangyayari ay labis na nagpadismaya kay Don Rufino. Hindi siya nakarinig ng masasakit na salita mula sa ama ngunit sa tingin at kilos nito ay ramdam niya ang malaking pagkadismaya.
Samantala, tulad ng dati ay wala ring imik si Doña Josefa, kailanman ay hindi siya nagbigay ng payo o pangaral sa anak ng asawa sa ibang babae. Sa tuwing nakikita niya si Cristobal ay nadudurog ang kaniyang puso sa katotohanang nagtaksil ang asawa at nagkaroon pa ng bunga sa kasalanan nito, samantalang siya ay walang biyayang anak na natanggap.
Nanatiling nakatitig si Cristobal sa blangkong papel. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang liham. Hangga't maaari ay nilalayo niya ang sarili sa gulo at namumuhay ng tahimik upang walang masabi ang pamilyang kumupkop at nagpaaral sa kaniya. Kadugo man niya si Don Rufino, ngunit tila estranghero sila sa isa't isa. Anim na taong gulang siya nang iwan siya ng kaniyang ina sa hacienda Salcedo, naiwan siya sa presensiya ng mag-asawang Salcedo na kailanman ay hindi siya tinawag na anak.
Tinupi ni Cristobal ang blangkong papel saka kinuha ang sumbrero. Natagpuan niya ang sarili na naglalakad sa kahabaan ng kalye sa labas ng dormitoryo. Alas-otso na ng gabi, karamihan sa mga tao ay pauwi na sa kani-kanilang mga tirahan. Ang lahat ay may mauuwian, maliban sa kaniya na buong buhay niya ay laging nakikitira lamang.
Tumigil si Cristobal sa tapat ng tindahan ni Aling Maria saka tumingala sa ikatlong palapag kung saan nangungupahan si Socorro. Nakabukas ang bintana at natatanaw niya ang liwanag ng lampara malapit sa bintana.
Sumagi sa isipan niya ang kakaibang pamilya ni Socorro sa Sariaya. Malaking pamilya ang mga De Avila, maraming magkakapatid na may kani-kaniyang pangarap at hangarin, ganoon din ang suliranin na kinakaharap ng kanilang mga magulang sa bawat anak. Sa kabila niyon, pare-pareho silang may kakampi, nagdadamayan, at higit sa lahat may inuuwiang tahanan.
Hindi namalayan ni Cristobal kung ilang minuto na siyang nakatayo sa labas habang nakatingala sa bintana ni Socorro. Natauhan lang siya nang marinig ang sunod-sunod na pagdating ng mga guardia civil sakay ng kani-kanilang mga kabayo. Tumabi sa gilid si Cristobal hanggang sa makalagpas ang mga ito.
Kinuha ni Cristobal ang kuwintas na relos upang tingnan ang oras, malapit na ang oras ng paghihigpit, kailangan na niyang tawagin si Jacinto. Ibinulsa ni Cristobal ang relos saka tumawid sa kalsada at kumatok sa tindahan ng mga tela. Hindi naman siya nabigo dahil naroon pa si Aling Maria na nagbibilang ng kita.
"Oh, gabi na hijo," bungad ni Aling Maria.
"Nariyan po ba si Socorro?" Tanong ni Cristobal kahit pa nakasisiguro siya na nasa itaas lang si Socorro. Tumango si Aling Maria nang hindi tumitingin sa kaniya dahil abala ito sa pagbibilang ng hawak ng salapi.
"Ako'y hindi nakatitiyak. Pumanhik ka na sa itaas." Tugon ng ale na bumalik sa kaniyang mesa. Nagbigay-galang muli si Cristobal kay Aling Maria kahit hindi ito nakatingin sa kaniya.
Nang makarating si Cristobal sa ikatlong palapag ay napahinga siya nang malalim. Hindi niya malaman kung bakit dinala siya ng kaniyang mga paa sa inuupahan ni Socorro. Aalis na lang sana siya ngunit napatigil siya at muling tumingin sa pinto. Hindi siya nakasisiguro kung nasa loob si Jacinto, wala ring nabanggit si Aling Maria, ngunit higit doon ay may ibig siyang makita.
Huminga nang malalim si Cristobal saka kumatok sa pinto. Hindi nagtagal ay bumukas na ang pinto at dumungaw sa uwang si Socorro bitbit ang nag-iisa nitong lampara. "Ginoo..." Nanlaki ang mga mata ni Socorro saka tumingin sa likod ni Cristobal sa pag-aakalang kasama nito ang kaniyang kapatid ngunit tanging si Cristobal lang ang nakatayo sa labas ng pintuan.
Napalunok si Socorro, hindi niya maaaring papasukin si Cristobal dahil wala silang ibang kasama. Ngunit napansin niya ang pasa at sugat sa mukha nito, "Anong nangyari sa iyong..." Binuksan ni Socorro nang malaki ang pinto saka itinapat ang lampara sa mukha ni Cristobal tulad noong gabing nagtago sila sa pasilyo ng mansyon ng pamilya De Avila.
"N-nariyan ba si Jacinto?" Umiling si Socorro sa tanong ni Cristobal, "Bakit? May nangyari ba kay kuya?" Isinuot muli ni Cristobal ang kaniyang sumbrero, "W-wala. Malapit na ang oras ng paghihigpit kung kaya't nagbakasakali ako na narito siya."
Akmang aalis na sana si Cristobal nang magsalita si Socorro at humabol sa kaniya sa makipot na hagdan. Napapikit si Cristobal nang muling itapat ni Socorro ang lampara sa kaniyang mukha. "Saan mo nakuha ang mga galos at pasa na iyan, Ginoo?" Sandaling hindi nakasagot si Cristobal, sa lapit ni Socorro ay tila nakaligtaan niya ang pagpatak ng oras.
"Huwag mo sabihing nasangkot kayo ni kuya sa gulo?" Nag-aalalang tanong ni Socorro, ngunit hindi nakasagot si Cristobal, nanatili lang itong nakatingin sa kaniya. "Sumunod ka sa akin, Ginoo." Patuloy ni Socorro saka bumalik sa kaniyang silid.
Muli siyang lumingon kay Cristobal na nanatiling nakatayo sa ikatlong baytang ng hagdan. Sinenyasan niya ito na sumunod sa kaniya at pumasok sa silid. Muling natagpuan ni Cristobal ang sarili na dinadala ng kaniyang mga paa papalapit kay Socorro.
Nang makapasok siya sa loob ng silid ay naabutan niyang nagliligpit si Socorro ng mga papel na sinulatan nito at pinapatuyo sa sahig. "Pasensiya na sapagkat makalat ang aking silid. Maupo ka Ginoo," wika ni Socorro sabay turo sa sahig dahil wala namang ibang mauupuan.
Umupo si Cristobal sa isang sulok na malapit sa pintuan. Hindi niya sinarado ang pinto bilang paggalang. Ngunit tumayo si Socorro at isinara ang pinto matapos nitong iligpit ang mga papel. "Aking susuriin ay iyong mga galos, Ginoo." Mabilis na saad ni Socorro, bago pa nito matapos ang sasabihi ay nakalapit na si Socorro upang tingnan ang mga sugat sa kaniyang mukha.
Animo'y hindi nakagalaw si Cristobal habang sinusubukan niyang ilayo ang sarili kay Socorro. "Ano bang nangyari? Ako'y hindi magtataka na mas maraming natamong galos si kuya." Patuloy ni Socorro saka kumuha ng malinis na tela at dinampi ito sa tubig na iinumin dapat niya.
"N-nalagyan na ito ng gamot..." Hindi natapos ni Cristobal ang sasabihin dahil idinampi na ni Socorro ang tela sa mga galos niya sa mukha. "Sino ang naglinis at naglagay ng gamot? TIla hindi maayos." Puna ni Socorro na animo'y isang ina. Halos maduling si Cristobal sa lapit ni Socorro kung kaya't umusog pa siya papalayo.
"S-salamat... ngunit hindi ito nararapat." Wika ni Cristobal dahilan upang mapatigil si Socorro at tumingin sa kaniya. Nang magtama ang kanilang paningin ay mas lalong lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Tumikhim si Cristobal at napahawak sa kaniyang kuwelyo sa pag-asang mapapakalma ang sumasabog na damdamin.
"A-ako'y nagpapasalamat sa iyong hangarin na gamutin ang aking mga sugat subalit... hindi tama na tayong dalawa lang ang naririto, at... at ganito tayo kalapit sa isa't isa." Buong sikap na paliwanag ni Cristobal na hindi magawang tumingin nang deretso kay Socorro.
Ibinaba ni Socorro ang tela, "Sabagay, may punto ka. Ngunit huwag mo akong sisisihin kung sakaling magkaroon ng infección ang sugat mong iyan." Wika ni Socorro na animo'y hindi naman siya nababahala.
Tumayo siya at umupo malapit sa mesa. "Huwag ka ring mag-alala, ako'y walang plano mag-asawa. Makakaasa ka rin na hindi ako aayon sa kagustuhan ng aking mga magulang kung sakaling malaman nila na narito ka." Ngumiti si Socorro saka binigyan ng litsugas sina Felipe at Paloma.
Hindi nakapagsalita si Cristobal. Animo'y sinampal siya pabalik sa reyalidad. Nakaligtaan niya na ang babaeng gumugulo ngayon sa kaniyang puso't isipan ay hindi sumasabay sa agos ng karamihan. Ngunit ano ang kahulugan ng liham pag-ibig na pinadala nito sa kaniya? Ngayon ay naguguluhan na siya.
"Aking hindi rin maunawaan kung bakit hindi maaaring maging malapit na magkaibigan ang dalawang taong magkaiba ang kasarian. Kailangan ba lahat ng gagawin nila ay bigyan ng kahulugan? Paano kung masaya lang talaga sila sa piling ng isa' isa bilang magkaibigan? Kailangan bang masira iyon para lang sa ikakapanatag ng mata ng lipunan?" Nakaupo sila sa magkabilang dulo ng silid. Nanatiling nakatingin si Cristobal kay Socorro habang pinapakinggan ang sinasabi nito.
"Kahit kasama ko ang aking mga kapatid na lalaki, kailangan pa namin lagi ipaliwanag na magkakapatid kami upang mapuksa ang kakaibang tingin ng mga tao. Wala silang ibang ginawa kundi ang gumawa ng kuwento sa kanilang mga isipan at paniwalain ang sarili na totoo iyon."
"Kung gayon, masasabi mo bang sila ay may malikhaing kaisipan na kayang magsulat ng kuwento?" Tanong ni Cristobal dahilan upang matawa si Socorro. Ang totoo ay walang intensyon si Cristobal na magbiro, hindi siya marunong magbiro. Ngunit ang kaniyang sinabi ay nagpatawa kay Socorro.
"Wala silang ambag sa lipunan kundi ang bumuo ng mga hindi kaaya-ayang kuwento na makakasira ng pagkatao ng iba. Hindi tulad ng isang nobela na nagbibigay ng pag-asa at insipirasyon. Hindi sila nagtataglay ng malikhaing kaisipan kundi isang mapanirang kaisipan." Tawa ni Socorro saka kinuha si Paloma at sandaling pinanggigilan bago inilapag sa sahig.
Napangiti si Cristobal sa sagot ni Socorro. Ang tawaging salot sa lipunan at may mapanirang kaisipan ang mga mapanghusgang tao ay nagpatawa sa kaniya lalo na sa tono ng pananalita nito.
Pareho silang natawa hanggang sa muling magsalita si Socorro, "Ano bang nangyari? Saan mo natamo ang mga sugat na iyan, Ginoo?" Nagsimulang magkuwento si Cristobal. Kung kanina ay kumakabog nang malakas ang kaniyang dibdib, ngayon ay napalitan ng kapanatagan lalo na dahil nagawa na niyang ilabas ang hinanakit sa naging desisyon ni Maestro Suarez at ang ginawa ng grupo ni Xavier.
"Aba'y nararapat lang sa kanila iyon. Kulang pa ang nangyari upang pagbayaran nila ang pagnakaw sa inyong proyekto. Iyong nasiguro naman na hindi makakabangon ng ilang araw ang mga lalaking iyon, hindi ba?" Saad ni Socorro na ikinagulat ni Cristobal ngunit sa huli ay natawa na lang siya. Hindi niya inaasahan na papanigan sila ni Socorro 'di tulad ng karaniwang reaksyon ng ibang kababaihan na papagalitan pa sila at sasabihang humingi ng tawad.
Nagtaka si Socorro kung bakit natawa si Cristobal na agad din nitong binawi, "P-pasensiya na, aking hindi akalain na ibig mong malumpo sila." Napahwak si Socorro sa kaniyang noo saka natawa.
"Kung nagkataon lang na kasama niyo ako kanina, aking titiyakin na uuwi siyang ngumangawa sa kaniyang ina." Saad ni Socorro dahilan upang matawa sila. Ilang minuto pa ang lumipas, patuloy si Socorro sa pagkukuwento kung paano niya babalian ng buto, sasabunutan, at paiiyakin si Xavier at ang mga kaibigan nito nang mapatigil sila dahil sa tatlong magkakasunod na katok.
Bago pa makatayo si Socorro ay bumukas na ang pinto at tumambad sa pintuan si Aling Maria, "Oras na ng pagtulog. Bakit narito ka pa hijo?" Saad ng ale saka tumingin sa loob ng silid. "Wala kayong ibang kasama rito?"
Agad tumayo si Cristobal saka yumukod, "Paumanhin po, Aling Maria. Ako po'y lilisan na..." Tumayo si Socorro, "Pasensiya na po, Aling Maria. Hindi namin namalayan ang oras. Hinihintay din po namin ang aking kapatid. Ang sabi ng pinsan kong ito, may dadalhing kakanin sana ang aking kapatid ngayong gabi." Saad ni Socorro na bihasa sa pagsisinunggaling. Napansin ni Socorro na mahilig sa kakanin si Aling Maria na madalas nitong kainin araw-araw.
Tumikhim si Aling Maria, "Anong kakanin ang dadalhin ng iyong kapatid?" Tanong ng ale. Napangiti si Socorro dahil nagawa niyang ilihis ang atensyon at usapan patungo sa kakanin.
"Sumang bukayo, malagkit, sapin-sapin, puto, at biko. Hindi po ako gaano mahilig sa mga kakanin kung kaya't ibibigay ko na lamang sa inyo." Tugon ni Socorro na sinabayan niya pa ng bilang sa kaniyang mga daliri. Umaliwalas ang mukha ni Aling Maria, "O'siya, ilagay mo na lang sa kusina kung gagabihin ang iyong kapatid ha, hija. Sapagkat matutulog na ako." Wika ni Aling Maria sabay ngiti.
"Umuwi ka na hijo, baka maabutan ka pa ng oras ng paghihigpit." Tawag ni Aling Maria na nauna nang bumaba sa hagdan. Muling lumingon si Cristobal kay Socorro, sa pagkakataong iyon ay sumilay ang kaunting ngiti sa kaniyang labi na kailanman ay hindi niya ginagawa sa tuwing nagpapaalam.
"M-mauuna na ako, Socorro." Wika niya, tumango si Socorro saka ngumiti. Ang totoo ay masaya si Socorro dahil nagiging malapit na siya sa paborito niyang manunulat. Isasara na sana ni Socorro ang pinto nang biglang lumingon si Cristobal at nagsalita, "Nawa'y makatulog ka nang mahimbing, Socorro." Ulit niya na ikinagulat ni Socorro sa pag-aakalang may nakalimutan ito sa silid.
Natawa na lang si Socorro, "Akala ko'y kung ano... Magandang gabi, Ginoo." Paalam ni Socorro saka dahan-dahang isinara ang pinto. Ilang segundo pa ang lumipas, nanatiling nakatayo si Cristobal sa tapat ng nakasaradong pinto. Hinawakan niya ang tapat ng kaniyang puso. Malakas ang pakiramdam niya na siya ang hindi makakatulog nang mahimbing mula sa gabing ito.
PAGDATING ni Cristobal sa dormitoryo ay naabutan niyang natutulog na si Jacinto. Samantala, ayon kay Manang Sita, hindi raw makakauwi si Ambrosio na nagpadala ng mensahe dahil hinihintay pa nila ang kapatid na abogado na siyang kakausap sa kaniya nang masinsinan.
Naupo si Cristobal sa mesa saka muling kinuha ang nakasilid na liham sa nobela ni Palabras. Hindi niya maunawaan kung anong ibig mangyari ni Socorro. Kung bakit sinabi nito na wala siyang plano mag-asawa. Hindi matarok ng isipan ni Cristobal ang mga bagay na may kinalaman sa pag-ibig. Bukod sa wala pa siyang karanasan ay mas nangingibabaw ang pag-asa niya na isinulat iyon ni Socorro noong hindi pa dumadating ang pamilya Sanchez na nais siyang ipagkasundo kay Xavier.
Hindi niya mapigilang umasa. Na mahahanap niya rin sa mga mata ni Socorro ang itinatago nitong pagtingin. Kinuha ni Cristobal ang maliit na maleta na pinaglalagyan niya ng mga manuscrito ni Palabras. Karamihan sa mga iyon ay may bura at inayos niya ang mga pangungusap.
Dalawang taon na siyang may kontrata sa La Librería na siyang nagpalimbag ng mga nobela ni Palabras Perdidas. Siya ang nag-aayos ng pangungusap, pagkakabaybay, at kung minsan ay nagbubura at nagdaragdag ng mga salita upang mas gumanda ang nobela.
Si Padre Mendoza ang nakapansin sa kaniyang husay sa wikang Kastila at marami rin siyang nalalaman sa literatura. Inirekomenda siya ni Padre Mendoza sa La Librería na noo'y naghahanap ng el redactor.
Bukod sa libangan ay ibig din ni Cristobal kumita ng sarili niyang salapi upang hindi na siya humingi ng panggastos kay Don Rufino.
Sandaling pinagmasdan ni Cristobal ang manuscrito ni Palabras na matagumpay niyang naisaayos. Walang sinuman ang nakakakilala kay Palabras bukod sa may-ari ng La Librería Kailanman ay hindi niya binigyang pansin ang pagkakakilanlan ni Palabras. Kung sino ito, kung anong kasarian, edad, estado ng buhay.
Para kay Cristobal ay mahalagang irespeto ang desisyon ng isang tao kung nais niya ang pribadong buhay. Ngunit ngayon ay nagsisimula na rin siyang magkaroon ng interes kung sino ba si Palabras na nagbigay ng inspirasyon at pag-asa kay Socorro.
Kumuha si Cristobal ng isang blangkong papel, isinawsaw ang pluma sa tinta, huminga nang malalim bago magsulat.
Para sa binibining nagkukubli sa bulaklak na Gumamela...
MABILIS na nakarating ang liham ni Socorro sa Sariaya dahil nagbayad siya ng karagdagang bayad sa isang nangangasiwa sa koreo upang isabay ito sa bapor. Agad nagkumpulan sina Amor, Leonora, Concordio, Segunda, at Agustino sa salas habang hawak ni Doña Marcela ang liham upang basahin ito ng sabay-sabay.
Nakaupo si Don Epifanio sa katapat na silya habang nagbabasa ng dyaryo at kunwaring walang pakialam sa liham ni Socorro. Ang totoo ay mabilis na pinasadahan ng tingin ni Doña Marcela ang liham ng pilyang anak bago ito basahin sa harap sa takot na naglalaman iyon ng mga hinanakit at saloobin ni Socorro. Nakahinga siya nang maluwag nang mapagtanto na mali ang kaniyang akala.
Mahal kong Ina,
Ako'y humihingi ng panumanhin dahil ngayon lang ako nakapagsulat sa inyo. Bukod doon ay humihingi rin ako ng paumanhin sa nangyari. Hindi ko po lubos maisip na aabot sa ganito ang lahat. Ngunit palagi niyo pong isipin na ang landas na ito na pinili kong tahakin ay hindi nangangahulugang tinalikuran ko na ang lahat ng inyong mga pangaral. Walang gabing lumilipas na hindi ko nagugunita ang inyong mga pangaral. Madalas ay ito rin ang laman ng aking pagninilay-nilay. Akin pong pinahahalagahan ang paggalang at pagsunod sa mga magulang ayon sa Ikaapat na Utos. Ina, inyo pong nababatid na matagal ko nang pangarap ito. Hindi kayo nagkulang sa paggabay at pagtutuwid sa akin sa tuwing ako'y nakakalimot. Nawa'y huwag niyo pong sisihin ang inyong sarili. Ang pangarap kong ito at ang hangarin kong iguhit ang aking sariling kapalaran ay siyang nais kong maisakatuparan mula ngayon.
Maaari niyo rin po bang ipahatid ang aking pangungumusta kina Ate Remedios, Ate Segunda, Agustino, Leonora, Amor, at Concordio? Ako'y hindi rin nakapagpaalam nang maayos sa kanila. Hangad ko na nasa mabuti silang kalagayan.
Nagpapasalamat din po ako sa inyo ni Ama sa matiwasay at magandang buhay na inihanda niyo para sa amin. Subalit ibig kong tuklasin kung saan ako dadalhin ng aking sariling kakayahan. Akin pong pinanghahawakan ang sipi mula sa Kawikaan 13:12 "Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban, ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kaligayahan."
Ibig ko pong samantalahin ang pagkakataong ito upang tuparin ang aking pangarap. Asahan niyo Ama at Ina na hindi ko po kayo bibiguin sa pagkakataong ito na ibinigay niyo sa akin. Salamat po sa tiwala at mag-iingat kayo palagi.
P.S Maaari po ba akong makahingi ng salapi tulad ng binibigay niyong pabaon kay Kuya Jacito?
Lubos na nagmamahal,
Maria Socorro De Avila
Nang matapos basahin ni Doña Marcela ay kinuha ni Amor ang liham at magkadikit-ulo nilang binasa ulit ni Segunda ang liham. Napahinga nang malalim si Doña Marcela saka pinahid ang luha na namumuo sa kaniyang mga mata.
"Huwag ka nang mabahala, Marcela. Malaki na 'yan si Socorro. Ibinilin ko rin siya kay Jacinto." Wika ni Don Epifanio na patuloy sa pagbabasa ng dyaryo ngunit hindi niya ito lubos maunawaan dahil ang isip at atensyon niya ay nakatuon sa liham ni Socorro na binasa ng asawa.
"Ako'y nababahala kay Socorro. Anong muwang niya sa siyudad?" Giit ni Doña Marcela, nagkatinginan ang magkakapatid. Bukod sa strikta at disiplinarya ang kanilang ina, higit nilang nalalaman na emosyonal din itong tunay.
"Paano kung mabiktima siya ng mga kawatan?"
"Ina, mas tuso pa si Socorro sa mga kawatan. Baka maging katunggali pa nga siya ng mga iyon sa Maynila." Biro ni Amor ngunit hindi tumawa si Doña Marcela kung kaya't sinagi siya ni Segunda na tumahimik.
"Paano kung may makakilala sa kaniya at ipadukot siya? Mapanganib ang babae sa siyudad." Giit ni Doña Marcela, sumandal si Agustino sa pintuan. "Ina, pinatibay ng inyong parusa ang katawan ni Socorro. Kung nalalaman niyo lang kung gaano siya kalakas sumipa at sumuntok." Saad ni Agustino, napatikhim si Segunda upang tumigil na sa pagsasalita ang mga kapatid at hayaang umiyak ang kanilang ina.
"Paano kung nakipagtanan pala si Socorro? Hindi natin nalalaman kung may lihim na pala itong kasintahan," sabat ni Manang Tonya sabay lapag ng tubig at tsaa sa mesa ng salas. Napatigil ang lahat at tumingin kay Manang Tonya dahil sa sinabi nito.
"A-ako'y nagsasaad lamang ng mga posibilidad." Patuloy ng matanda. Hindi nakakibo ang mag-anak na De Avila.
"M-malabo pong mangyari iyon. Walang karanasan sa pag-ibig si Socorro kahit mahilig siya sa mga... ganoong kuwento." Pagtatanggol ni Amor. Nakahinga nang maluwag si Doña Marcela. Bakas naman sa mukha ng iba niyang kapatid na nagdadalawang-isip itong maniwala sa paliwanag niya lalo pa't mahilig magbasa ng mga nobela na may kinalaman sa pag-ibig si Socorro.
Ibinaba ni Don Epifanio ang hawak na dyaryo. Ang posibilidad na sinabi ni Manang Tonya at ang pagtatanggol ni Amor ay nagpaalala sa kaniya kay Cristobal na nagawa ring ipagtanggol si Socorro.
NAKATINGALANG pinagmamasdan ni Socorro ang malalaking bahay na magkakatabi sa loob ng Intramuros. Hinahanap niya ang tahanan ni Juliana ayon sa inilarawan nitong kulay puti at asul na bahay na may dalawang palapag.
Hawak niya ang saya upang hindi ito sumayad sa kalsada. Sinikap niyang maging presentable at isuot ang kaniyang kulay puting baro at saya na kulay lila. Dinala rin niya ang kaniyang pluma, at ilang kumpol ng papel na isinilid niya sa paborito niyang nobela ni Palabras upang maging handa sakaling nais muling magpadala ng liham ni Juliana para kay Cristobal.
Napangiti si Socorro nang makita ang bahay na tinukoy ni Juliana. Isang kalesa ang lumagpas sa kaniya at naunang tumigil sa tahanan ng pamilya Villafuerte. Lulan ng kalesa ang mag-amang Del Rosario.
"Sikapin mong makuha ang loob ng dalagang anak ni Don Fernando. Huwag kang gagawa ng anumang ikasisira ng pangalan ng ating pamilya." Paalala ni Don Amorsolo na naunang bumaba sa kalesa.
Sinara na ni Ambrosio ang hawak na libro na kaniyang binabasa mula nang umalis sila sa kanilang tahanan. Ilang ulit na niyang nabasa iyon. Kahit nakapikit siya ay masasabi niyang kabisado niya ang daloy ng kuwento, ang pangalan ng mga tauhan, at ang bawat linyang nilalaman nito.
Bago siya bumaba sa kalesa ay hindi niya namalayan na nahulog ang mensaheng nakasilid sa kaniyang libro mula sa may ari ng La Librería na dalawang taon na ang nakararaan.
Trabajo bien hecho, Palabras perdidas!
*******************
#SocorroWP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top