/7/ The Orange Boy

If you got a dream,
are you willing
to fight
against the odds
for it?

/7/ The Orange Boy

[GOLDA]


Hindi na po ulit ako male-late. Hindi na po ulit ako male-late. Hindi na po ulit ako male-late. Hindi na po ulit ako male-late. Hindi na po ulit ako male-late. Hindi na po ulit ako male-late. Hindi na po ulit ako male-late.

Punyeta ang sakit na ng kamay ko at sawakas natapos ko na rin 'yung back to back three pages apology letter na pinagawa ni Gil kumag. Hindi ko sukat akalaing ginawa ko talaga 'yung inutos niya, ano 'to elementary?!

"Don't forget your assignment, good bye class!" hindi na ako tumayo para magpaalam sa teacher, nakasandal lang ako sa upuan ko at nakatingala sa kisame.

"Hey, Goldy," tawag sa'kin ni Psycho Lulu, tumingin ako sa kanya.

"Oh?"

"May pupuntahan tayo."

Napakunot ako nang marinig 'yon.

"Saan naman?"

"Kailangan nating puntahan si Kahel para bigyan siya ng kopya ng mga naging lesson, isang linggo ang kailangan niyang i-catch up." Sagot niya sa'kin habang nag-aayos ng gamit.

"Bakit? Jowa mo ba 'yon?" sinimangutan niya 'ko nang sabihin ko 'yon.

Parang jungle sa gulo ang klase dahil kanya-kanya silang rambol pauwi. Habang kaming dalawa ay nakaupo pa rin.

"It's my duty as class president," nanlaki ang mga mata ko nang marinig 'yon.

"Ikaw, class president?!" hindi ko mapigilang lakasan 'yung boses ko dahil nakaka-shock naman talaga. "Naging class president ka pa sa lagay mong 'yan?!" pagkatapos ay tumawa ako na pang-asar pero nanatili lang poker-faced si Lulu.

"Well, they chose me because trip lang nila," sabi niya na parang wala lang.

"Ahh, so napag-trip-an ka lang ng buong klase," sabagay may mga gano'n naman talagang senaryo. Malas lang ni Lulu.

So, ayon wala ulit akong choice kundi sumama sa class president namin, pagdating namin ng parking lot ay nagulat siya na may sasakyan pala ako.

"May kotse ka?" bigla niyang nasabi. Papasakay pa lang ako pero pumanewang ako sa kanya.

"Aba, mayaman ako kaya malamang may kotse ako?" sagot ko sa kanya at inirapan lang ako. Sumakay siya sa passenger's seat at sumakay na rin ako. "Alam mo naman siguro kung saan 'yung bahay ng Kahel na 'yan."

"Yup, hiningi ko kay Sir Gil 'yung address niya, I'll put the address on Waze." Sagot niya sa'kin at bigla akong may naalala.

"Ay, punyeta," nakalimutan kong ibigay kay Gil kumag 'yung apology letter! Pinaghirapan kong isulat 'yon! Aish, bukas ko na lang ipapasa.

Habang nasa byahe ay naka-earphones lang si Lulu at nakikinig sa Kpop na music, naririnig ko kasi. Bakit ba ang hilig ng mga kabataan ngayon sa mga musikang hindi naman maintindihan ang lyrics? Ah ewan, sabagay noong nauso 'yung Meteor Garden sa Pinas, isa rin ako sa avid fan ng Oh baby baby. Gad, ang tanda ko na nga.

Sawakas, pagkatapos ang kalahating oras ay narating na rin namin ang bahay ni Kahel. Bumaba kami ng sasakyan at tumambad sa'min ang isang maliit na apartment. Tumingin ako kay Lulu na nakatingin pa rin sa bahay.

"Ano? Hihintayin ba nating mag-Pasko rito?" naiinip kong tanong sa kanya.

"You knock," utos niya sa'kin at napamaang ako. Tignan mo 'to, kakatok na lang hindi pa magawa.

Lumapit ako sa maliit na gate at kumatok, "Tao po?"

Naka-ilang tawag din ako bago lumabas ang isang batang babae na sa palagay ko ay nasa sampung taon ang edad.

"Sino po sila?" tanong nito sa'min, nakasuot pa rin ng uniporme at madungis.

"Hello, nasaan kuya mo?" tanong ni Lulu.

"Hindi pa po umuuwi," sagot sa'min ng bata. Nakarinig kami ng palahaw ng baby sa loob ng bahay. Iniwanan kami ng bata at maya-maya'y bumalik ito sa labas habang karga ang isang sanggol na umiiyak.

Nagkatinginan kami ni Lulu at sumenyas ako sa kanya na ibigay na sa bata 'yung dapat niyang ibigay.

"Paki-bigay 'to sa kuya mo," inabot ni Lulu ang isang paper bag na naglalaman ng papel na may mga photocopy ng notes. "Sabihin mo na lang na pinabibigay ng classmate niya."

Kinuha ng bata, na sa palagay ko ay kapatid ni Kahel, at pumasok na ulit sa loob ng bahay nila. Kami naman ni Lulu ay sumakay na ng kotse. Nagpababa lang si Lulu sa may sakayan at ako naman ay hindi pa dumiretso ng uwi.

Mag-iisang linggo na rin pala akong nandito, isang linggo na rin akong nagpapanggap na estudyante. Hindi siya nakakatuwa, pero may mga pagkakataong na-aamuse ako dahil sa mga kabataan, nakakatawa lang kasi na big deal sa kanila 'yung mga bagay na kung sa realidad ay napakababaw lang.

Nag-decide akong mag-chill muna, nagpunta ako sa isang restobar sa town proper, nagpatong lang ako ng jacket at nagpalit ako ng sandals. Wala naman sigurong makakakilala sa'kin na minor de edad dito na nag-aaral sa school ko.

Pumasok ako sa loob at hinatid ako ng receptionist sa isang bakanteng mesa kung saan tanaw ang stage, may live band kasi tuwing gabi. Medyo maaga pa nga lang dahil wala pang masyadong tao. Binigyan ako ng menu, umorder lang ako ng isang bucket ng beer at tofu sisig.

Ilang sandali pa'y dumating na 'yung order ko, tamang tama dahil gutom na 'ko, kakasindi ko pa naman ng yosi.

"Here's your order, ma'am," nilapag ng waiter 'yung tofu sisig at isang bucket ng beer sa mesa ko. "Ikaw?"

"Huh?" nag-angat ako ng tingin. Putangina.

Kakasabi ko lang kanina na wala naman sigurong makakakita sa'kin dito na schoolmate pero heto nasa harapan ko si Kahel. Napatitig lang ako sa kanya, nakasuot siya na pang-waiter, nagtatrabaho siya rito?

Ngumiti ako ng plastic sa kanya. 'Taragis na 'yan, Golda. Magpapanggap ba 'ko?

"D-Do I know you?" inartehan ko 'yung boses ko pero pumiyok ako puta. Bakit ba hindi ko naisip na maliit lang ang bayang 'to kaya pwedeng pwede akong makita ng kahit na sino. Hayst.

Kumunot si Kahel at tiningnan 'yung suot ko.

"Huwag ka nang magpanggap, kilala kita, ikaw 'yung magaling na nang-agaw ng upuan ko," sabi niya sa'kin at napanganga na lang ako. Patay, wala na akong lusot.

"Hehe, uy ikaw nga pala 'yan, classmate!" awkward akong tumawa at hinampas ang braso niya. "Nagwo-work ka pala here?" inosente kong sabi. Punyeta naman lubayan mo ako.

"Kahel! Table number 5!" napatingin siya sa tumawag sa kanya at walang salitang iniwanan ako.

Napasandal ako sa upuan at napahalukipkip. Ano naman ngayon kung nakita niya 'ko rito? Masama bang kumain ng tofu sisig at beer? Hello? Minor ka sa paningin niya. Eh? Eighteen 'di ba pwede ng makulong? Nagtatalo 'yung isip ko at sa stress ko uminom na lang ako ng beer.

Nag-stay din ako ng matagal habang unti-unting dumarami ang mga tao, pagpatak ng alas nuebe ay nagsimula nang tumugtog ang banda. Habang kumakain ay hindi ko maiwasang makita ang bagets na si Kahel habang nagtatrabaho.

Dahil nalibang ako sa panonood ng banda ay inabot din ako ng eleven ng gabi. Nakailang bote rin ako ng beer. Nakakamiss ding magwalwal pero hindi pa naman ako lasing.

Paglabas ko ng restobar ay saktong nakita ko si Kahel na naglalakad din palabas.

"Hoy," tawag ko sa kanya.

"Hoy ka rin," sagot niya sa'kin at diri-diretsong naglakad.

"Teka lang!" hinabol ko siya at huminto naman siya sa paglalakad. Bored niya 'kong tiningnan at inisip ko saglit 'yung sasabihin ko sa kanya. "Hindi ka naman sumbungero ano?"

"Saan naman ako magsusumbong?" tanong niya.

"Huwag kang mag-alala, basta hindi mo sasabihin sa iba na nakita mo ko rito, hindi ko rin sasabihin sa school na waiter ka rito."

"Tch, alam naman sa school na kung anu-ano raket ko," sagot niya sa'kin. "Tsaka huwag kang mag-alala dahil hindi ako katulad ng iba na nagkakalat ng tsismis." Naglakad ulit siya.

"Nagpunta kami ni Lulu kanina sa bahay niyo," pagkasabi ko no'n ay huminto siya sa paglalakad at dali-daling bumalik sa'kin.

"Bakit?" nakakunot niyang tanong.

"Binigay lang ni Lulu 'yung notes na may lesson ng isang buong linggo," sagot ko. Natulala lang siya at parang may inisip.

Pagkatapos ay walang paalam niya akong iniwanan.


*****


"PAKOKOPYAHIN mo naman siguro ako, 'di ba?" bulong ko kay Lulu habang naghihintay ang buong klase sa susunod na subject, narinig ko kasi sa mga kaklase ko kanina na may long quiz daw ngayon.

Tumingin sa'kin si Lulu at nakita ko ang bored niyang mga mata.

"Hindi ka ba nag-aral?" sagot niya sa'kin. Aba, mukhang parang ayaw niya kong pakopyahin ah.

"Nakalimutan ko na ngayon pala 'yong long quiz," sabi ko sa kanya. Nagtatanungan 'yung mga GC sa unahan tungkol sa iku-quiz, nakakarindi ang pagmememorize nila. Sa totoo lang ayokong makakuha ng zero pero punyeta nakalimutan kong mag-aral. "Sige na, Lulu my friend."

"Don't call me friend."

"Andyan na si sir!" sigaw ng isang 'look out' na kaklase namin at mabilis na nagsiayusan ang lahat.

Maya-maya pa'y pumasok na ang teacher namin at nagsimula na ang quiz. Sa kabutihang palad ay pinakopya naman ako ni Lulu.

Pagkatapos ng quiz ay na-drain ako, kahit nangopya ka lang nakakapagod din pala. Waiting ulit sa next subject, gusto ko ng umuwi 'nyeta.

"Hindi pumasok si Kahel," tumingin ako kay Lulu na nagsalita. Ako ba kinakausap niya? Busy kasi siya sa ginagawa niya, minsan gusto kong hilahin 'yung notebook niya at tingnan kung ano'ng pinagsususulat niya.

Tumingin ako sa buong klase, wala nga si orange boy. Nag-cutting na naman siguro.

"Concern ka?" sagot ko sa kanya pero hindi niya 'ko pinansin.

Naalala ko tuloy 'yung pagkikita namin kagabi, siyempre hindi ko sinabi kay Lulu, baka mamaya magsabwatan pa 'yung dalawa sa pambablackmail sa'kin.

Nakakaantok talaga tuwing hapon. Tumingin ako sa labas ng bintana, ang tagal naman mag-uwian.

"Guys!" biglang bumukas ang pinto at niluwa roon ang kaklase naming look-out. "Absent daw si ma'am!"

"Yehey!" sigaw ng lahat at tila nag-party ang buong klase dahil sa totoo lang ang sarap sa ears ng balitang 'yan. Siyempre isa ako sa naki-yehey.

Nakita ko na nakatingin sa'kin si Lulu matapos kong maki-yehey.

"Seriously?" amused niyang sabi.

Kanya-kanyang mundo ulit ang klase. Ako? Lumabas ako ng classroom at pumunta sa cafeteria para bumili ng maiinom, pagkatapos ay naglakad-lakad ako sa campus. Walang estudyanteng naglilisawan dahil oras ng klase, swerte lang namin dahil wala kaming teacher.

Pumunta ako sa may gymnasium at doon tumambay, may kasalukuyang nagpi-PE class. Nanuod lang ako sa ginagawa nilang physical exercise activity.

Naalala ko 'yung isang libro na nabasa ko noon tungkol sa category ng mga estudyante, at kung gagawa ako ng sarili kong listahan... Ito 'yung mga naobserbahan kong cliques na karaniwang matatagpuan sa school.

NERDS

Mga estudyanteng hindi alam ang salitang "Gorabels,lakwatsa,mall, at party". Dakilang GC (grade conscious). Mga estudyanteng walang panahon para magsaya at mas pipiliing kabisaduhin ang periodic table. Gusto nila laging makasagot sa recitations. Pag-aaral lang ang alam sa buhay. Boooring! Never as in never akong magiging bahagi ng clique na 'yan.

CLOWNS

Minsan, itsura pa lang nila matatawa ka na kahit wala pa silang gawin o sabihin. Minsan bago sila magjoke tatawa muna sila, kaya mas matatawa ka sa tawa nila. Nagpapabuhay ng dugo ng buong klase. Kahit yata lumindol na magjojoke pa rin sila, ewan, pumasok lang 'ata sila ng school para tumawa.

WONDER GIRLS

Isang grupo na puro kababaihan. Kadalasang hawak ang suklay,salamin at pulbos, at famous line nila ang "Peram pulbos, uyy maputi ba?" Pag nagtitipun-tipon, pinag-uusapan ang mga intriga sa klase at mga crush nilang Kpop idols. Lagi silang magkakasama at sabay-sabay kung mag-CR.

SUPER JUNIORS

Counterpart ng Wonder Girls. Isang grupo ng kalalakihan, sama-sama sila kahit iba-iba itsura, mula pangit hanggang gwapo. Pero kadalasan feeling gwapo lang ang mga kumag. Karaniwan nilang nilalaro ang basketball, online games, at mga puso ng kababaihan. Kapag nagkukumpulan sila at may pinanonood, alam niyo na.

FOREVER ALONE

Mga taong tahimik, gustong mapag-isa, mahiyain, at may kaunting kaibigan. Emo. Madalas sila 'yung mga weird na nale-left out sa klase dahil walang gustong kumaibigan sa kanila.

INVISIBLE ONES

Mga common students. Hindi gaanong pansinin. Parang halaman lang sa pader na hindi mo napapansin pero nandiyan pala.

THE FAMOUS

Ang mga campus star, mga varsity students, artists, singers, dancers, honor students, beauty queen, officers ng sikat na club. Kilala sila sa buong campus dahil sa mga ginagawa nilang activities. Maraming likers.

BLACK SHEEP

Maraming uri ng black sheep. Kadalasan sila 'yung mga suki ng guidance office dahil sa riot na dinudulot nila.

Nang ma-bored ako ay umalis na ko ro'n. Makabalik na nga sa classroom. Pagkalabas ko ng gymnasium ay may nakita akong batang babae na naglalakad papuntang main campus. Huminto siya sa harapan at parang nawawala, paano siya nakapasok dito?

"Teka nga..." nang malapitan ko 'yung bata ay tama nga ako. "Ikaw? Ba't andito ka?" tanong ko sa kapatid ni Kahel, nagulat ako nang makitang namumugto ang mga mata niya.

"N-nandiyan po ba si kuya?" tanong niya sa'kin.

"Hindi pumasok ang kuya mo," sagot ko at bahagyang yumukod sa kanya. "Bakit mo siya hinahanap?"

"M-may problema po kasi sa bahay..." sagot ng kapatid ni Kahel at napaisip ako.

"Sige, hahanapin ko ang kuya mo, sa ngayon umuwi ka muna sa inyo," sabi ko at tumango ang bata at umalis.

Ako naman ay naglakad papuntang parking lot, mabuti na lang at palagi kong dala 'yung susi ng kotse ko. Ayun nga lang 'yung bag ko eh nasa classroom. Bahala na.

"Prrrrrrtttt!" pinituhan ako ng guard ng makita 'yung kotse ko na papalabas ng exit. Bumusina ako ng sunud-sunod, bahala siya masagasaan siya kapag 'di tumabi!

Tumabi naman 'yung guard at nakalabas ako ng campus. Alam ko kung saan pwede mahanap si Kahel. Habang nagda-drive ay napaisip ako. Ano'ng ginagawa mo, Golda?

Pagdating ko ng restobar ay saktong nakita ko si Kahel na naglilinis ng table. Nang makita niya ko'y kaagad kong sinabi sa kanya ang nangyari.

Hindi ko ineexpect na malala pala 'yung sitwasyon na madadatnan namin sa bahay nila Kahel. Sinundo ko siya kanina sa resto bar at heto kami ngayon sa bahay nila.

Naunang pumasok sa loob ng bahay nila si Kahel at ako naman ay nasa labas lang pero rinig ko ang ingay sa loob. Sumilip ako at nakitang nagwawala ang isang ale, umiiyak ang tatlong bata. Anong nangyayari?

Parang tuod lang ako na nakatayo sa may pintuan habang pinapanood kung paano pakalmahin ni Kahel ang ale na sa palagay ko ay nanay nila. Walang ibang kapitbahay ang lumabas para silipin ang nangyayari.


*****


"PASENSYA ka na," napatingin ako sa kanya nang sabihin niya 'yon.

Nasa lugawan kami ngayon malapit sa bahay nila. Gabi na at natapos din ang unos kanina sa bahay nila.

"Thank you rin sa pagsundo sa'kin," nakita ko na sincere naman si Kahel sa sinasabi niya at parang nahihiya siya sa'kin. Nawala 'yung pagiging maangas niya at dama ko 'yung pagod niya.

"Okay lang, marami naman akong time," sagot ko na lang. "Okay lang ba 'yung mama niyo?" hindi ko mapigilang itanong.

"Gano'n siya kapag hindi nakakainom ng gamot," tumingin siya sa malayo. "Nitong nakakaraan nahihirapan kami ng mga kapatid ko na painumin siya ng gamot. Ayaw niya kasi no'n. Kaya kapag hindi siya nakakainom, nagwawala siya."

Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin kaya tumango na lang ako.

"May schizophrenia kasi siya," pero narinig ko na nagkwento pa rin siya. "'Yung papa namin iniwan na kami last year. Kaya ayon, ako muna kailangang kumita."

"Kaya ba nagtatrabaho ka sa resto bar," sabi ko at tumango siya.

"May banda ako na tumutugtog dati sa resto bar na 'yon," nakangiti niyang sabi. "Kaso, simula nang iwan kami ni papa, walang mag-aasikaso sa mga kapatid ko kaya ayun, iniwan ko muna 'yung pagtugtog. Ah, thank you nga pala sa notes ni Lulu, pakisabi na lang sa kanya."

"Huh?"

"Baka hindi na kasi ako mag-aral, hindi na 'ko papasok sa school," sagot niya sa'kin. "Magtatrabaho na lang siguro ako."

Napakunot ako sa sinabi niya. Siguro? Hindi siya sigurado?

"'Yung totoo?" sabi ko sa kanya.

"Hindi naman din ako aangat sa buhay kahit mag-aral ako eh," sabi niya na parang wala lang. "Masy okay na rin siguro na ganito."

"Alam mo, pwede mo akong maloko sa sinasabi mo pero hindi 'yung sarili mo," natigilan siya nang sabihin ko 'yon. "Madali lang sabihin ang mga bagay pero hindi mo alam kung kailan ka magsisisi sa mga desisyon mo."

Nagulat ako nang bigla siyang umiyak.

"'Gusto kong pumasok ng school, gusto kong mag-aral. Gusto kong tumugtog," umiiyak niyang sabi, pinunasan niya 'yung luha niya pero walang tigil 'yung pag-iyak niya.

Siguro ang sama ko dahil nangiti ako, nangiti ako kasi ang tapang niya para umiyak sa harapan ko. Ang tapang niya para ipakita sa stranger na katulad ko na mahina siya.

"Kaso hindi eh," umiling siya. "Wala akong choice."

"Meron," tumigil siya sa sinabi ko. Ngumiti ako sa kanya. "Akala mo lang na wala kang choice pero meron. "Bata ka pa. Malaki ang mundo para sa'yo. Maswerte ka nga eh, kasi alam mo kung ano'ng gusto mong gawin, kasi maraming matatanda na tulad ko na hindi pa rin alam kung saan nila gustong pumunta."

Tumitig lang siya sa'kin ng ilang segundo.

"M-matanda?"

At bigla kong na-realize kung ano'ng sinabi ko. Puta Golda nadulas ka!

Napahinga ako ng malalim at bigla akong tumayo. Taliwas man 'to sa paniniwala ko pero kailangan ko 'tong sabihin sa kanya.

"Pumasok ka! Mag-aral ka! May pangarap ka? Hindi totoong wala kang choice, nasa kamay mo ang kapalaran mo!" iyon ang huli kong sinabi at umalis na ako.


*****


"UY, may quiz daw sa Math." Iyon ang bumungad sa'kin pagpasok ko sa loob ng classroom. Nakita ko na kanya-kanyang silang review.

Punyeta ang aga-aga malalaman ko na may quiz daw sa Math? Bakit ba palaging hindi ako aware na merong quiz?! Ang unfair naman lord!

Natigilan ako pagpunta ko sa pwesto ko. Nandoon siya at nakaupo. Si orange boy.

"Yoh, Goldy," bati niya sa'kin. Napatingin ako kay Lulu na as usual ay may sariling mundo. Don't tell me siya ang nagsabi kay Kahel kung ano'ng itawag sa'kin?

Nanatili lang akong nakatayo, tatarayan ko sana siya dahil nakaupo siya sa pwesto ko nang bigla siyang tumayo, naghila ng isang upuan at pumwesto sa likuran ko.  

Bigla kong na-realize,

nakinig siya sa mga sinabi ko. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top