/21/ This is the Reality

At some point,
we will face 
the same end: death.
We're all
going to die,
what will you do
 to make
a difference? 

/21/ This is the Reality

[GOLDA]


"ARE you crazy?!" bulalas ni Paul nang sabihin ko sa kanya ang plano ko.

Nandito kami ngayon sa labas ng isang abandonadong warehouse at talyer, nagtatago kami sa likuran ng mga lumang sasakyan. Nasundan dito ni Paul 'yung mga kidnappers at ang sabi niya'y nasa loob ng warehouse ang mga 'yon.

Sa kasamaang palad, dahil sa padalus-dalos na aksyon ni Blake ay lumusob ito sa loob at hindi na nakalabas pa, kaya palagay namin ay kasama na rin si Blake sa ransom. Nakatanggap ako ng text mula kay Waldy, tinawagan ng kidnappers ang William Consuelo High School para ipaalam sa mga magulang nila Blake at Kyle ang sitwasyon—gusto nila ng pera, sampung milyon sa kada isang tao.

Hindi ko naman sukat akalain na gano'n pala kabig time ang mga magulang ni Blake—pero sabi ni Paul ay baka raw napagkamalang anak ni Mayor Carlos si Blake at Kyle dahil close ang mga magulang nito. Malamang ay natiktikan ng mga kidnappers si Kyle at natiyempuhang mag-isa.

"Where will you even get that money? Let's just wait for the police, siguradong iyon ang—"

"Aish! Marami na akong napanood na ganito, Paul. Palaging late dumarating ang mga parak!" sabi ko sa kanya pero kita pa rin sa itsura niya na hindi niya gusto ang gagawin ko. Pero buo na ang desisyon ko. Bago ako pumunta rito ay nakapagpalit ako ng damit, isang puting t-shirt na pinatungan ng itim na leather jacket at ripped jeans.

"Boss!" siyang dating ng tatlo kong alipores. Pinanlakihan ko sila ng mata dahil katabi ko lang si Paul.

"Boss?" nagtatakang sabi ni Paul.

"Nasaan na?" tanong ko sa tatlo at inabot sa'kin ni Buni ang isang briefcase.

"W-What's that?" kabadong tanong ni Paul.

"Dito ka lang, Paul," sabi ko sa kanya. "Akong bahala. Kayo," tawag ko sa tatlong bugok. "Alam n'yo na gagawin n'yo."

"Yes, boss!"

"Huh? Golda—" wala na siyang nagawa nang mabilis akong naglakad papasok sa lumang warehouse.

Kahit sino naman 'ata ay hindi magugustuhan 'tong ginagawa ko. Nasa tapat na ako ng malaking pintuan at kumatok. Ako lang, si Boss Golda, ang may kayang kumatok sa pinto ng mga kidnappers.

Bumukas ang pinto at sumilip ang isang lalaki na may itim na rider mask. "Sino sila?" Tinaas ko 'yung dala kong briefcase at binuksan nito ng malaki ang pinto.

Malaki ang warehouse, may malalaking exhaust fan na pinapasukan ng liwanag sa loob. Amoy kalawang at maraming mga nakatambak na kahon, bakal, at iba pa. Nasa likuran ko 'yung nagbukas ng pinto, hindi ko nakita kung may nakatago ba siyang baril o ano.

"Nasaan 'yung mga bata?" tanong ko. Ngumuso lang 'yung kidnapper sa isang direksyon at naglakad ako papunta roon. Lumiko ako at nakita ko ang isang tila lounge area, may lumang sofa, kalawanging mesa at may maliit na TV.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang bata na mahimbing na natutulog sa sofa. Nakita ko si Blake na nakagapos sa isang upuan at may busal ang bibig. Naroon din 'yung dalawa pang kidnapper, tumayo sila nang makita ako.

"Sino 'yan?" tanong ng isa. Wala silang mga hawak na baril pero hindi ko sigurado kung nakaipit lang ba 'yon sa mga pantalon nila.

"Dala raw niya 'yung ransom," sagot ng lalaki sa likuran ko. Tinulak tulak ako nito hanggang sa makalapit ako sa kanila.

Nag-angat ng tingin si Blake at nanlaki ang mga mata niya nang makita ako. Sinubukan niyang magsalita pero nakabusal ang bibig niya.

"Akin na," mariing utos sa'kin ng kidnapper na nasa harapan ko.

Akmang iaabot ko sa kanya ang briefcase nang ihampas ko 'yon sa ulo niya, tumalsik ang lalaki palayo. Sinubukan akong hawakan ng nasa likuran ko pero napilipit ko 'yung braso niya atsaka ko siya sinikmurahan.

Naglabas ng baril 'yung isa pang lalaki pero mabilis akong nakalapit sa kanya at binigyan siya ng isang malakas na sipa, tumalsik ang hawak niyang baril.

"Boss!" bumukas ang pinto ng warehouse at dumating ang tatlo kong alipores na may mga dalang machine gun.

Pero paglingon ko'y bigla akong sinaksak ng isang lalaki na hindi ko nakita—apat pala ang kidnapper.

"Boss!" sigaw ulit ng tatlo.

Naramdaman ko 'yung sakit at unti-unti akong nanghina. Makirot. Sobrang hapdi sa pakiramdam. Napaluhod ako atsaka unti-unting bumagsak sa sahig.


*****


BINUKSAN ko 'yung mga mata ko at tumambad ang puting kisame. Alam ko na kung nasaan ako—sa lugar na ayokong puntahan, ang ospital. Nakahiga ako sa kama at may nakakabit na swero sa braso ko.

Tumingin ako sa gilid ko at nakita si Sir Gil na nakaupo, nagulat siya nang makita akong may malay.

"Thank goodness, you're awake," nag-aalalang sabi niya nang tumayo.

Hindi ako nakapagsalita dahil kinapa ko 'yung sikmura ko, wala na 'yung kirot.

"Golda?" tawag ni Sir Gil sa'kin at medyo nilapit niya 'yung mukha niya para tingnan akong maigi. "I'll call the doctor."

Akma siyang aalis nang mahawakan ko 'yung braso niya.

"Y-Yung kidnappers?" nanghihina kong tanong.

Nakita ko na kumunot ang itsura ni Sir Gil at mukhang nabahala sa sinabi ko.

"What kidnappers?" dahan-dahan niyang tanong. Napakunot na rin ako nang sabihin niya 'yon.

"Nakidnap si Kyle... tsaka si Blake..." halos pabulong kong sabi.

Tumitig sa'kin si Sir Gil ng ilang segundo bago niya hinila ang upuan 'di kalayuan palapit sa'kin atsaka muling umupo.

"Tell me, anong naalala mo bago ka nawalan ng malay?" tanong niya.

"Sa warehouse... nasaksak ako," sagot ko sa kanya.

Napahinga siya nang malalim bago muling nagsalita, "Golda, hindi nakidnap si Kyle o si Blake."

"A-Ano?" Paano nangyari 'yon? Natatandaan ko na... Napasulyap ako sa orasan na nakasabit sa pader. Nakita kong pasada alas nueve na ng umaga.

"Nakita ka ni Paul na naglalakad papasok sa loob ng campus, bigla kang sumalampak sa sahig... namimilipit ka raw sa sakit hanggang sa nawalan ka ng malay. Paul called me and then I took you here."

Inisip kong mabuti 'yung mga sinabi niya habang inaalala 'yung nasa memorya ko... Natulala ako sa kisame... Ibig sabihin... Hindi totoo 'yung kidnapping?

"Mabuti naman..." bulong ko.

"What?" tanong niya, nagtataka.

Tumingin ako sa kanya at ngumiti ng bahagya, "Mabuti naman na panaginip ko lang 'yong kidnapping na 'yon."

Parang nakahinga siya nang maluwag nang sabihin ko 'yon.

"It must be a thrilling dream," sabi niya at ngumiti rin.

"Sinabi mo pa," sabi ko at inakma kong bumangon pero pinigilan niya 'ko at inalalayang makaupo. Nang magsink-in sa utak ko kung anong nangyari, biglang luminaw sa alaala ko 'yung totoong nangyari bago ako nawalan ng malay.

Naglalakad ako papasok sa loob ng building nang may maramdaman akong kirot sa sikmura ko. Madalas kaya kong tiisin at pigilan pero sobrang sakit—katulad nang kinwento niya ay sumalampak ako sa sahig, sa sobrang sakit ay tila umikot ang mundo ko.

"Alam mo bang binugbog ko lang naman 'yung mga kidnapper. Tapos 'yung tatlo kong alipores dumating may dalang machine gun," natawa kami parehas nang sabihin ko 'yon, "ayon nga lang, nasaksak ako."

Natahimik ulit kami parehas. May kung ano sa itsura niya, parang... nag-aalala siya.

"Golda... The doctor said—"

"Ayoko na rito," sabi ko bago niya sabihin 'yung sasabihin niya. Akma kong aalisin 'yung swero sa braso ko nang pigilan niya 'ko. "Ano ba?!" singhal ko sa kanya.

"Hey! You're not well," mariin niyang sabi habang hawak 'yung kamay ko.

Naningkit 'yung mga mata ko at sinubukan kong alisin 'yung pagkakahawak niya sa'kin pero ayaw niya akong bitawan. "At kailan ka pa nangialam sa personal kong buhay?"

"You need to rest—"

Biglang bumukas ang pinto at sabay kaming napatingin sa bagong dating. Napasimangot ako lalo nang makita ko si Markum.

"Golda—"

"Anong ginagawa mo rito?" nakasimangot kong tanong. Binitawan na 'ko ni Sir Gil.

"I called him," sabi ni Sir Gil. "Siya ang nakalagay sa record mo na guardian in case of emergency."

Ah, oo nga pala.

Humakbang ulit si Markum papalapit, naramdaman niya na hindi ko siya gustong makita, alam niya na galit ako pero pinipilit niyang iwasiwas 'yon.

"I think I should go—" akmang aalis si Sir Gil nang hawakan ko siya sa braso.

"Hindi, hindi ka aalis," sabi ko sa kay Sir Gil habang masamang nakatingin ako kay Markum. "Markum, huwag na tayong magpaligoy pa, alam ko na."

"Golda, can we just talk?" pakiusap ni Markum at sumulyap kay Sir Gil. "Alone?"

Pero hindi ko binitawan si Sir Gil kaya hindi siya makaalis, halos bumaon 'yung kuko ko sa braso niya.

"Hindi, Markum. Kung may sasabihin ka sabihin mo na ngayon," mariin kong utos habang nakatitig ako ng masama sa kanya.

"Golda, please, I don't want any stranger in this room," pakiusap niya. Nagpapanggap pa rin na inosente.

"Well, hindi siya stranger, Markum," sabi ko at hindi niya 'yon nagustuhan.

"Bakit? Sino ba siya?" tanong niya at tinuro si Sir Gil. "Is he your boyfriend now or what?"

"Oo."

"What?" maang ni Markum.

Nakita kong nagulat din si Sir Gil sa sinabi ko pero hindi siya nagsalita, tahimik lang siyang nakatingin sa'kin.

"Kaya kung wala kang sasabihin, umalis ka na lang kasi iniistorbo mo kami," sabi ko nang hindi kumukurap. Halatang nasaktan si Markum nang sabihin ko 'yon, parang hindi siya makapaniwala.

"Okay," sabi ni Markum at umalis. Padabog nitong sinara ang pinto.

Nang mawala si Markum ay para kong nakahinga nang maluwag, bumitaw ako sa pagkakahawak kay Sir Gil.

"S-Sorry," bulong ko at napayuko. "Sorry kung sinabi ko 'yon."

Umiling si Sir Gil. Mga ilang segundo rin ang lumipas bago siya ulit nagsalita, "Alam ko na hindi natin kilala ang isa't isa... You... You can...confide to me. Well... because... teacher mo ako."

Tumingin ako sa kanya. "Hindi ba't may klase ka pa?"

Nagkibit balikat siya at sinabing, "I can stay here if you want."

"Seryoso ka ba?"

"Why not?"

In the end, nagstay nga siya kahit hindi ko alam kung anong trip niya. Namalayan ko na lang na nagkukwento ako sa kanya tungkol sa buhay ko at tungkol sa sakit ko. Nakita ko 'yung awa sa mukha niya nang malamang wala na akong pamilya.

"How about other relatives?" tanong niya at umiling lang ako.

"Alam mo minsan naisip ko na parang pelikula 'yung buhay natin, parang drama. Choice natin kung gusto ba nating nakakaiyak o nakakatawa," sabi ko habang nakatingin sa labas ng bintana. "Akala ko noon kabag lang 'yung nararamdaman ko, hindi ako nagpatingin sa doktor hanggang sa lumalala na. Kumalat na raw sa katawan ko, nag-metathesize, ayon, hanggang sa sinabi sa'kin na malapit na kong mamatay."

"Hindi mo man lang ba susubukang magpasurgery?" malumanay na tanong niya. "O kaya chemotherapy? Third opinion? Magpakonsulta sa abroad? I mean... you have the money..."

Tumingin ako sa kanya. "Nagpatingin ako sa iba, gano'n pa rin. Wala naman nang magagawa kahit magpaopera ako, tsaka ayoko namang magchemo—ayokong makalbo. Tsaka, alam mo, narealize ko... Hindi pala porque marami kang pera magiging masaya ka."

"Why? Hindi ka ba naging masaya sa narating mo?"

"Hmm... Masaya naman. Pero alam mo 'yun, parang may kulang pa rin. Parang may hinahanap na mas malalim 'yung kaluluwa mo na alam mong hindi mapapantayan ng materyal na bagay."

"Kaya ba... Kaya ba ginusto mong magtapos ng pag-aaral?"

"Siguro..." kumunot 'yong noo niya sa sagot kong 'yon. "Sa totoo lang sinabi ko lang na gusto kong makagraduate ng high school kasi..."

'Joanne, mag-aaral ka ha. Gagraduate ka rin katulad ni kuya mo.' Biglang umalingawngaw 'yung boses ni Kuya Joseph sa isip ko. Natigilan ako at natulala sa kawalan.

"Golda?" narinig ko 'yung boses ni Sir Gil na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan.

"Kasi... gusto kong maranasan kung anong naranasan ng kuya ko sa eskwelahan..."

"Kuya mo?"

"Si Kuya Joseph, dati siyang estudyante sa William Consuelo High School. Ewan ko kung kilala mo siya, pero alam mo... sikat 'yon sa school na 'yon. Hindi kasi pangkaraniwan ang kuya ko—may autism siya," sabi ko at biglang pumasok sa memorya ko ang mga alaala ni kuya. "Kinuha siyang scholar ni William Consuelo kasi nakitaan na may talino si kuya, 'yung parang genius."

Napahinga ako nang malalim. Naalala ko bigla 'yung dati naming buhay sa maliit na bahay na 'yon. Si nanay lang ang bumubuhay sa'min pagkatapos mamatay ni tatay. Natatandaan ko rin na kaya ako naging palaban noon kasi madalas pagkatuwaan si Kuya Joseph dahil sa kundisyon niya.

Hindi kumibo si Sir Gil, nakikinig lang siya sa'kin kaya nagpatuloy ako.

"Nagdrop ako sa high school para matulungan si nanay sa paghahanap buhay kahit na ayaw niya. Ang bobo ko kasi," tumawa ako nang sabihin ko 'yon. "Kaya sabi ko kay nanay, tutulong na lang akong magtrabaho para may pambaon si kuya tsaka makaipo n para sa college niya. Matalino kasi talaga si Kuya Joseph, naniniwala ako noon na maiaahon niya kami sa hirap ni nanay kapag nakapagtapos siya kahit na... kahit na autistic siya."

"It must be hard for you and your mom..." komento ni Sir Gil.

"Mahirap talaga. Lalo na kapag pinagkakatuwaan si kuya at walang umuunawa sa kundisyon niya. Masakit sa kalooban na marinig na sabihan 'yung kapatid ko na abnormal," sabi ko at pinigilan kong tumulo 'yung luha ko, biglang bumigat 'yung pakiramdam ko nang maalala ang kahapon. "Ako lang ang naniniwala na kahit autistic si Kuya Joseph kaya niyang makapagtrabaho para sa'min, si nanay kasi minsan sinusukuan si kuya. Alam mo bang nagbebenta ako noon ng kakanin sa labas ng eskwelahan," nakangiti kong sabi sa kanya na para bang pinagmamalaki kong nagawa ko 'yon. "Kaya lang... Namatay si kuya, naaksidente siya sa eskwelahan—sinagot nga ng tatay mo 'yung libing niya eh."

"Ang kuya mo ba ang dahilan kung bakit ka bumalik sa pag-aaral?" tanong niya.

Bumuntong hininga ako. "Oo. Gusto ko lang... gusto ko lang maranasan kung anong naranasan ni Kuya Joseph sa eskwelahan," dahan-dahan akong tumingin sa kanya at nagsalubong ang tingin naming dalawa, may gusto akong sabihin sa kanya pero nagdalawang isip ako.

"I'm sorry..." iyon ang sinabi niya. "Hindi ko alam kung gaano kahirap ang mga pinagdaanan mo."

"Sus, tapos naman na 'yon."

"Pero sigurado ka ba talagang kakayanin mo pa hanggang March? You can just rest—"

"Gil, kaya ko pa," seryoso kong sabi sa kanya.

"Paano kung malaman ng mga bata?" tanong niya.

"Malaman na?"

"That... you are dying..."

"Hindi naman nila kailangang malaman."

"Golda." Natigilan ako nang tawagin niya ako dahil seryoso siya. "I've been watching you since the first day; I saw how you developed your relationship with those kids. Even if you don't seem like it, you saw them as friends."

Napabuga ulit ako ng hangin. "Hay, punyeta, oo na. Kaibigan ko sila para sa'kin."

Walang anu-ano'y napalitan ng pagkainis 'yung mukha niya. "How can you be so calm?" napufrustrate niyang sabi. "How can you be so calm when you're dying?"

Napaisip ako bigla, naalala ko 'yung panaginip ko. Siguro nakalimutan ko na ang katotohanan, masyado kong dinidibdib 'yung pagtulong sa mga batang 'yon.

Masyado akong nahumaling sa konsepto na parang pelikula ang buhay ko at ako ang bida. Pero ang totoo, ang realidad? Heto ako, mamamatay na.

Siguro nga, may mga bida sa pelikula na namamatay sa huli. 

"Gil," tawag ko sa kanya. Ngumiti ako at hinawakan 'yung kamay niyang nakahawak sa gilid ng kama. "Isang araw lahat naman tayo mamamatay... Tsaka, tanggap ko na." 



-xxx-


A/N: This one's dedicated to all who's like Golda, people who are secretly their own battles. Heads up, everyone, this is why you don't forget to be kind. :) 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top