/15/ Curious Golda
Don't confuse
love
with indebtedness.
Love
is unconditional
/15/ Curious Golda
[GOLDA]
NAALIMPUNGATAN ako nang tumama 'yung sikat ng araw sa mukha ko. Nang iunat ko 'yung mga kamay at paa ko ay naramdaman ko na may tao sa tabi ko. Kinusot ko muna 'yung mata ko bago tumingin sa gilid at nakita ko siyang nahihimbing.
Puta.
Si Markum. Tumingin ako sa ilalim ng kumot at nakitang parehas kaming walang saplot.
Bumangon ako at napasabunot sa buhok ko. Puta ka talaga, Golda. Niyaya ka lang magpakasal kagabi sumama ka naman sa kama?
May nangyari sa'min kagabi. Hindi ko ide-deny na nasiyahan at nasarapan naman ako, ewan ko siguro dahil kailangan ko lang din? Hindi ko tinanggap 'yung alok niya pero ang naalala ko ay uminom kaming dalawa kagabi tapos ayon na.
Maingat akong umalis sa kama at nagbihis. Nang hindi pa rin siya nagigising ay lumabas ako ng kwarto at pumunta sa kusina.
Habang nagtitimpla ng kape ay hindi pa rin ako mapakali. Hindi dahil sa nangyari sa'min—kundi sa mga sinabi niya kagabi. Ako? Babalik sa kanya?
Napahinga ako ng malalim. Oo, may nakaraan kami ni Markum. Bago pa ako naging successful sa business at naging mayaman, nakilala ko siya sa pinagtatrabahuan kong bar. Parehas kaming naghihikayos sa buhay. Naging kami pero hindi rin nagtagal, pero hindi siya umalis sa buhay ko dahil gusto niya raw akong tulungan sa pangarap ko.
Maraming taon na ang lumipas, bakit ngayon sasabihin niya na bumalik ako sa kanya? Dahil ba mamamatay na 'ko?
"Good morning."
"Ay kalabaw!" halos mapatalon ako nang maramdaman ko 'yung hininga niya sa batok ko. Nakita ko siya na nakasuot na ng damit. "Ano ka ba naman! Aatakihin ako sa'yo!"
"About last night..."
Aba, talagang gusto niya pang pag-usapan, wala ng intro intro?
"Dala lang ng init 'yung kagabi, Markum. Walang meaning 'yon," sabi ko at tinalikuran ulit siya. "Baka nakakalimutan mo kung sino ang boss mo rito."
"Alam ko—"
"Alam mo naman pala," humarap ulit ako sa kanya. "Kaya gawin mo 'yung trabaho mo."
"Seryoso ako sa alok ko sa'yo kagabi," biglang lumambot ang boses niya. "I just wanted you to settle down and live normally."
"Normally? Bakit? Ano ba sa palagay mo ang buhay ko ngayon? Abnormal?" naniningkit kong tanong.
"I know you're disguising yourself as a student at that school because of your older brother," natigilan ako nang sabihin niya 'yon. "You want to find out the truth kung bakit namatay ang kuya mo."
"Ano naman ngayon kung oo?" sagot ko sa kanya. "Buhay ko 'to—"
"Joanne, matagal nang patay ang kuya mo."
Nagtitigan lang kami matapos niyang sabihin 'yon. Huli niya akong tinawag sa totoo kong pangalan noong nagbreak kami many many years ago.
"Markum, pakiusap, hayaan mo akong gawin kung ano ang gusto ko," malumanay kong sagot sa kanya. "Hindi kita pinilit na suportahan ako sa simula pa lang. Malaki ang utang na loob ko sa'yo. Pero hindi kita pakakasalan kung iyon ang hinihingi mong kapalit."
Nakita kong huminga siya ng malalim, naramdaman ko na susuko na siya sa katigasan ng ulo ko. "Siguro nga humihingi ako ng kapalit. After all these years of helping you, I didn't regret it. I'm proud of you always. But... I'm sorry kung umasa ako na may pagtingin ka sa'kin—kahit kaunti."
Iyon ang huli niyang sinabi at umalis na siya. Naiwan akong nakatulala hanggang sa maglaho siya.
Bigla akong nanghina nang maiwan akong mag-isa. Umupo ako habang hawak 'yung tasa ng kape. Akala ko nag-stay si Markum sa buhay ko dahil gusto lang din niyang yumaman, tapos ngayon malalaman ko hinihintay niya lang ako?
Kung susundin ko siya at iiwanan ko 'yung kasalukuyan kong ginagawa—hindi ko na malalaman ang totoo kung bakit namatay si Kuya Joseph. Bukod do'n may taning na ang buhay ko kaya ano pang saysay kung pipiliin kong magsettle down?
Putangina lang.
Umakyat ako sa kwarto ko at nagpalit ng damit. Makapagjogging na lang muna para mawala 'tong stress na 'to.
Pagkapalit ko'y kaagad akong lumabas at tumakbo papunta sa public park para magjogging. Mabuti na lang at Sabado ngayon at walang pasok sa school.
Ala siete pa lang ng umaga at marami-rami na 'yung mga tao sa park na tumatakbo at nag-eexercise.
Umikot ako hanggang sa mapagod ako't naupo sa isang bench. Maya-maya'y nakita ko ang isang pamilyar na tao na nagdya-jogging din.
Si Sir Gil.
Huminto siya 'di kalayuan para mag-stretching. Iniisip ko pa kung lalapitan ko ba siya para kausapin o hindi.
Tatayo pa lang ako nang makita ko ang isang pamilyar na babae na lumapit sa kanya, pinunasan ang pawis niya sa noo at binigyan siya ng isang bote ng tubig.
Noong una akala ko girlfriend niya ang babaeng 'yon pero nang makita ko sa malinaw na anggulo kung sino 'yon ay nagtaka ako—isa siya sa kaklase ko, hindi ko alam ang pangalan niya pero kasama siya sa grupo ni Blake.
Si 'Emo Girl'.
Anong meron sa kanila ni Sir Gil?
*****
LUNES na lunes pinatawag ako sa guidance office. Alam ko na kung bakit. As usual may nagreklamong magulang sa'kin at walang iba kundi ang magaling na nanay ni Paul—si Mrs.Reid.
Galit na galit ang bruha sa'kin dahil sa nangyaring pagsali sa'min ni Paul sa dance contest noong nakaraang Biyernes. Sa kung paanong paraan ay hindi ko alam, nalaman ni Mrs.Reid 'yung ginawa kong pagsampal sa kuya ni Jao at pati 'yon ay pinapamukha sa'kin na masama akong estudyante at dapat daw akong makickout.
Mabuti na lang at hindi rin gano'n ka-shunga 'yung guidance counsellor namin dahil kasing linaw ng araw na wala akong ginawang mali sa ginawang pagsali sa'min ng anak niya sa dance contest at pinaliwanag din kay Mrs.Reid na abswelto na 'ko sa ginawa ko sa kuya ni Jao dahil nagcommunity service na 'ko.
Pero ayaw pa rin magpatinag ni Mrs.Reid at sapilitang kinausap si Principal Consuello para ireklamo ako, dahil siya ang reyna—este president ng PTA ay pinagbigyan na lang din siya.
Kahit si Principal Consuello ay walang nakitang mali sa'kin (bukod sa magkasabwat kami), kaya sa huli wala ring nagawa si Mrs.Reid at nagmukha lang siyang ewan.
"Golda, I'm really sorry sa ginawa ni mom," sabi ni Paul sa'kin paglabas ko ng Principal's Office.
"Nasaan na 'yung mommy mo? Baka mamaya lapain ako no'n pag nakita kang kinakausap ako," sabi ko habang nakapamulsa.
"She's still mad at me kaya sa'yo niya binubunton, I'm glad na hindi ka naparusahan dahil sa ginawa ko," sabi ni Paul at halatang nahihiya pa rin sa ginawang eskandalo ng nanay niya.
"Naiintindihan ko ang mommy mo, masyado lang OA," sabi ko at natawa siya.
"So, we're cool," sabi niya at itinaas ang kamao.
"Sige na nga."
At nakipagfist bump ako sa kanya.
*****
MABILIS na tumakbo ang oras. Parang kahapon lang ay Intrams ngayon kakapasok lang ng buwan ng October. Nag-iba ang atmosphere sa eskwelahan, ayon pala ay walang masyadong events sa month na 'to.
Napapansin ko na todo aral bigla ang mga kaklase ko, ayon pala ay naghahanda sila sa papalapit na entrance exam sa mga university na aapply-an nila.
At ako? Tamang aral lang, hindi ko na kailangang maghanda pa para sa mga entrance exams na 'yan.
Dito kami naglunch sa 'SOS Club' room, ang secret hideout namin dahil puno na naman ang cafeteria. At dahil nga mayaman ako, pinilit ako ni Lulu na bumili ng aircon—siyempre ginawa ko naman dahil may pamblackmail siya sa'kin, tsaka okay lang din naman dahil barya lang 'yon.
Gustung gusto tuloy ng mga kolokoy kong kaklase na tumambay dito tuwing lunch, bukod sa maluwag, tahimik, may aircon pa. Siyempre, 'yung mga nakakaalam lang ay kami-kami.
Pagkatapos nilang kumain ng lunch ay hindi pa sila bumalik sa classroom, nagreview ulit sila para sa entrance exams, kanya-kanya sila ng reviewers.
Si Lulu, Jao, Waldy, at Kahel ay abala sa pagrereview. Habang ako ay nakatingin lang sa kanila.
"Goldy, wala ka bang balak mag-aral para sa entrance exam mo?" tanong bigla ni Waldy sa'kin nang mapansin niyang nakahalukipkip lang ako habang may lollipop sa bibig ko.
"Hindi ko na kailangang mag-aral," sagot ko.
Nagtatakang tumingin sa'kin si Jao at Kahel. Tapos bigla ring tumingin si Lulu sa'kin at may akmang sasabihin—pinanlakihan ko siya ng mata.
Biglang bumukas ang pinto at pumasok sa loob si Paul.
"What's up dudes!" bati niya sa'ming lahat at isa-isa siyang nakipagfist bump sa'min. Napansin ko na may nakabuntot sa kanya, si Blake.
"Why they're here?" tanong ni Lulu sa'kin.
"Aba, ewan ko," sagot ko naman.
"Ah, sinabi ko kay Paul nandito tayo, nagchat kasi siya," sagot ni Kahel.
"Since when did you become friends?" tanong ni Lulu kay Kahel pero walang sumagot sa kanya.
Umupo si Paul sa tabi ni Kahel at si Blake ay parang inspector na lumibot sa buong silid.
"I never knew that there's a secret hideout in an old building," sabi ni Paul. "By the way, guys, I and Blake wanted to invite you to Nap's birthday."
"Huh?" sabay-sabay naming reaksyon.
"Nap's birthday?" si Waldy. "Enggrande 'yan for sure."
"Yup, since it's our last year in high school, Nap asked us to invite everyone we know from school," sabi ni Paul. Hindi na 'ko nagtataka na invited siya dahil isa siya sa 'popular kids'.
"Teka, bakit hindi 'yang si Nap ang mag-invite sa'min?" tanong ko naman.
"Nah, he won't do that," sagot ni Paul. "Ano? Punta tayo! It'll be surely fun, gaganapin 'yon sa bahay ng grandparents niya, and his grandparents won't be around that's why it will party rock for sure. Ang alam ko open lahat ng party sa students ng William Consuello High School."
"Show off," bulong ni Lulu.
"Wow! Parang gusto kong pumunta!" bulalas ni Waldy. "Kaso baka pagkaisahan lang ako nila Briana." Lumungkot bigla ang boses niya pero bigla ulit nabuhayan nang tumingin siya sa'kin. "Goldy, you'll come! Kapag sumama ka, sasama ako!"
"Hmm... Sige, kapag sumama si Golda, sasama ako," sabi naman ni Kahel. "Ikaw, Jao?"
"Ahh... Ehh... kung sasama kayo, sasama ako."
"Goldy?" tawag ni Waldy sa'kin, hinihingi ang kompirmasyon na sasama ako. Teka, punyeta, bakit sa'kin nakasalalay ang pagsama nila?
Tumingin ako kay Lulu. "Kapag sumama si Lulu, sasama ako."
"Eh?" angal nila dahil alam nilang malabong sumama si Lulu sa party. Kala n'yo ha.
"I'll come," natahimik kami bigla nang sumagot si Lulu.
"So, Lulu will come, I and Kahel will come, and Jao will come too!" parang batang sabi ni Waldy na pumalakpak pa.
Tumingin ako ulit kay Lulu at binigyan siya ng expression na 'anong-trip-mo-look?'
"That's awesome, the party's on Friday Night," sabi ni Paul.
*****
FIFTEEN minutes bago matapos ang lunch break, sabay-sabay kaming naglalakad pabalik ng homeroom. Malapit na kami nang mapansin namin ang mga taong nagkukumpulan sa labas ng homeroom namin habang nakasilip sa loob.
"Anong meron?" tanong ko sa mga kasama ko.
Sunod naming narinig ang mga tilian sa homeroom namin—tili ng mga kinikilig.
Hinawi namin 'yung mga estudyanteng galing ibang section na nakikiusyoso para silipin kung anong nangyayari sa loob ng classroom.
Nakita namin si Nap (aka ang tarantado ng Famfam4) na may hawak na gitara at kumakanta. Tapos 'yung mga alipores niya ay nasa likuran habang may hawak na banner 'WILL YOU GO OUT WITH ME, SOPHIE?'
Hinaharana ni Nap ang isang babaeng nakaupo sa likuran, walang iba kundi si emo girl na Sophie pala ang pangalan.
'Yung mga kaklase namin ay nagkukumpulan lang din sa harapan habang pinapanood ang eksena, may mga kinikilig, may mga walang pake.
Ano bang meron? Valentines na ba?
"They really did it," bulong ni Waldy at napatingin ako sa kanya.
"Ang alin?"
"From what I heard from Briana before, Nap plans to make Sophie his girlfriend before his birthday," sagot ni Waldy at napatango na lang ako.
Hay, dami namang arte ng mga batang 'to.
Matapos ang pagharana ay may nag-abot kay Nap ng isang bonggang bouquet of flowers, halatang mamahalin 'yon. Lumapit kay Sophie at sinabi ang magic words.
"Sophie, we've been known each other since we're little. Will you go out with me?"
Walang anu-ano'y tumayo si Sophie. "Nap, we're just kids. Sorry, I won't go out with you."
Biglang tumunog ng malakas ang bell kasabay ng pagwasak niya sa puso ni Nap.
*****
SAWAKAS sumapit din ang uwian. Simula nang mangyari ang insidente kaninang lunch break ay nagkaroon ng awkward silence sa classroom hanggang sa last period.
Walang nagtangkang mag-ingay dahil siguro ayaw ng mga kaklase ko na masaktan ang nadurog na ego ni Nap. Epic fail ang proposal ng kolokoy kaya ayon.
Bilib din ako kay Sophie aka emo girl dahil wala lang siyang pake buong period. Parang wala lang sa kanya na may nasaktan siyang feelings, siguro nga dahil childhood friends sila.
Nasa parking lot ako ngayon at paaandarin ko pa lang 'yung sasakyan ko nang makita ko si Sophie na naglalakad, huminto siya sa may poste ng ilaw at tila may hinihintay.
Hindi ko alam kung bakit bigla akong nilamon ng kuryosidad at hinintay ko rin kung sino ang hinihintay niya.
Maya-maya'y nakita ko ang isang sasakyan na huminto sa harapan niya at sumakay siya sa loob nito.
Nang dumaan ang sasakyan sa harapan ko'y nakita ko kung sino ang driver ng sasakyan—si Sir Gil.
Naalala ko na nakita ko sila noong sabado sa public park na magkasamang nag-eexercise. Tapos ngayong uwian...magkasama sila?
Nabuhay na naman 'yung tanong ko na hindi ko masagot—anong meron kay Sophie at kay Sir Gil?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top