Kabanata Pito [1]
PAGDILAT NG MGA mata ni Lily ay unang bumungad sa kaniya ang bubong na yari sa nipa na pinagdikit, lumang-luma na ito at halatang pinaglipasan na ng panahon. Ilang saglit pa ay lubos siyang nagtaka nang maramdamang may kakaiba sa katawan niya; may busal ang kaniyang bibig na lasang dugo at nanunuyo ang kaniyang lalamunan, mainit din ang kaniyang pakiramdam at labis na nanlalagkit.
Sinubukan niyang bumangon, ngunit nagimbal na lang siya nang mapagtantong nakatali pala siya sa kaniyang kinahihigaan. Lumakas kaagad ang tibok ng kaniyang puso at parang mabibingi na siya nito, nanlamig na rin siya at pinagpapawisan ng malamig. Muli siyang binalot ng takot, lalo na't naalala niya ang huling kaganapan kasama si Crystelle.
Nang buhatin niya ang sariling ulo patayo at tinignan ang sariling katawan ay nakumpirma nga niya ito; naroon pa rin ang damit niya ngunit balot na balot naman ang kaniyang binti ng abaka, gano'n na rin ang kamay niya na nakabalot kasama ang bewang. At kahit anong galaw niya'y napakahigpit talaga nito at nauubusan na lang siya ng lakas sa kakapumiglas.
Doon niya rin nakita na hindi pala siya nag-iisa sa loob ng makalumang estilo na bahay. Hinanap niya si Crystelle pero hindi niya ito mahagilap, tanging siya lang na nakahiga sa gitna at isang matandang babaeng nakatalikod sa kaniya ang nasa loob ng bahay. Ipinukos niya ang pansin sa matanda at napansin niyang may pinagkakaabalahan ito sa lapag, hindi niya lang matukoy kung ano pero base sa naririnig niya ay may hinihiwa ito at tinatadtad.
At nagulantang na lang siya nang bahagya itong lumingon sa kaniyang pwesto at tinapunan siya ng tingin, kitang-kita niya ang talim sa mga titig nito animo'y may masamang binabalak. Wala man itong sinasabi pero ramdam niya ang sindak na dinudulot ng matandang babae.
"Diyan ka lang iha, saglit lang at may hinihintay pa ako." Ani ng matanda at sumilay ang ngiti nito sa labi.
Naiyak na lang si Lily. Gusto niyang magmakaawa na babae na pakawalan siya pero purong ungol lang ang nagagawa niya; gusto niya ring tumakas, pero sa sitwasyon niya ngayon ay napakalabo na talaga. Wala siyang kalaban-laban.
Hindi niya alam kung bakit siya humantong sa ganito-bakit sila nauwi sa isang desgrasya. Mabuti naman ang pakay nila sa islang 'to, wala naman silang masamang binabalak, pero naitanong niya talga sa sarili kung bakit ganito ang iginanti sa kanila. Wala siyang kaide-ideya kung bakit nangyayari ang lahat ng 'to.
Napagisip-isip na lang niya na siguro, kung alam niyang mangyayari ito ay tiyak hindi siya sasama sa grupo at gagawa ng ibang paraan upang salbahin ang marka niya; kung alam niya lang 'to ay kasama pa niya ang sariling pamilya. Ang tanga-tanga niya upang mahulog sa ganda ng isla, may plano pa siyang magtatayo ng resthouse pero ganito lang pala ang sasapitin niya.
"Saglit lang iha, malapit nang matapos 'tong hinanda ko para sa 'yo."
Humihikbi si Lily, kahit wala ng luha pang tumatakas sa kaniyang mata ay naiyak pa rin siya sa takot. Hindi niya alam kung anong binabalak ng babae sa kaniya, ang bagay na 'yun at talagang nagbigay sa kaniya ng sindak. Naisip niyang maaaring ito na ang huling sandali niya, kung kaya't siya ay taimtim na nagdasal. Nagmaakaawa siya sa Kaniya na sana'y patatawarin siya nito o kaya'y iligtas, bibigyan siya ng pangalawang pagkakataon upang mabuhay.
At nagimbal na lang siya nang humarap ang matandang babae sa kaniya; may hawak-hawak itong mangkok at hindi niya alam kung anong nilalaman, panay lang ito sa paghalo at mababakas sa matanda ang pagkasabik. Hanggang sa tuluyan na itong nakalapit sa kaniya, tumabi ito at inilapit sa kaniyang mukha ang mangkok. Amoy na amoy niya ang nakakasulasok at nakakasukang amoy ng laman ng mangkok, nanunuot ito sa kaniyang ilong at nananatili sa loob.
"Inumin mo ito,"
Lingid man sa kagustuhan ni Lily ay marahas na inalis ng matanda ang busal sa bibig niya. Tuluyan na siyang nakakapagsalita at naipahinga na niya ang sariling bibig, ngunit sa kabila nito'y mas pipiliin niyang magkaroon ng busal na lang lalo na't alam niya ang binabalak ng matanda.
"Buksan mo ang 'yong bibig,"
"H'wag, m-maawa ka, p-pakiusap. P-Pakawalan n'yo na ako."
Wala itong awa, kahit anong iyak niya at pagmamakaawa ay hindi talaga nakikinig ang matanda, bagkus ay ngumingiti lang ito at pinipilit siya. Gustuhin man niyang sumigaw ay wala pa ring silbi ito, alam niyang wala ng iba pang makakarinig sa kaniyang pagmamakaawa na tutugon at tutulong, gaya ng matanda'y paniguradong pababayaan lang siya.
"A-Ayoko na p-po, pakiusap p-pakawalan n'yo po a-ako."
"Ang tigas ng ulo,"
Sa isang kisap-mata lang ay nagulat si Lily nang biglang marahas na hinawakan ng matanda ang kaniyang pisngi. Mariin nitong pinisil ang kaniyang mukha upang panatilihing bukas ang kaniyang bibig. At doon, hindi na siya nakatanggi pa nang ibuhos ng matanda ang laman ng mangkok sa kaniyang bibig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top