Kabanata Apat [1]

Tumunog ang tuyong dahon at marupok na sanga na inapakan ni Lily nang mapatigil siya. Napatingin siya sa paligid at napuna niyang wala namang sumusunod sa kaniya. Humihingal siya at agad na napayuko habang kumakapit at kumuha ng suporta sa katabing kahoy. Sa hinaba-haba ng tinakbo niya ay hindi maitatangging napagod talaga siya; ang binti niya ay nanginginig at nangangalay at kinakapos pa rin siya ng hangin.

Mula sa pwesto niya ay sa wakas natanaw na niya ang liwanag bawat lampara na nagmula sa mga kabahayan, ilaw na pumukaw sa kaniyang pag-asa at naging bagong rason kung bakit kailangan pa nihang mabuhay. Ilang metro na lang tatakbuhin niya at mararating na niya ito, ro'n ay mas natitiyak niyang ligtas siya at makakahingi rin siya ng tulong sa mga tao patungkol sa nangyari kay Jorros at kay Celine. Sila na lang ang natitira niyang pag-asa upang makauwi sa piling ng kaniyang ina.

Hindi na siya nagtagal pa, nang makaramdam ng ginahawa at bahagyang napawi na rin ang kaniyang pagod ay tumuloy na siya't kumaripas na naman ng takbo. Sinusundan ang naaaninagang maliit at makipot na daan. Ilang saglit pa ay tuluyan na rin siyang nakalabas ng gubat, bumungad sa kaniya ang malawak na maisan at sa dulo nito ay naroon na ang mga nagkalat na mga kabahayan.

Tinahak niya muli ang makipot na daan at tinakbo ang malawak na maisan. Hindi alintana ang kati na dulot ng mga mais na nasasagi niya ang makating dahon ng mga mais. Tuloy-tuloy lamang siya, determinado na makarating kaagad nang sa gayo'n ay maipapahayag niya ang mga gusto niyang ibalita.

Konting tiis na lang at makakarating na rin siya, matatapos na ang lahat at siya'y ligtas na. Makakabalik na rin siya kalaunan at makakahingi ng saklolo para iba pa niyang mga kaibigan na naiwan sa gubat, kung kaya't kailangan niya palang magmadali.

Mas binilisan pa niya ang takbo, desperadong-desperado na makarating kaagad. Pero, sa kalagitnaan ng pagtakbo niya ay lubos siyang nagimbal nang sa bilis ng pangyayari ay nakaramdam na lang siya ng matinding pananakit sa kanang tagiliran matapos masagi ng tuhod ang kung anong bagay na nakaharang sa daan.

Imbes na magpatuloy ay natigil siya at nawalan ng lakas. Napaluhod na lamang siya habang sapo-sapo ang tagilirang nananakit ng todo. Mariin siyang napakagat sa labi nang indahin niya ang 'di mawaring sakit, kinapos siya ng hangin at hirap din siya sa paghinga.

At sakto, nang mapatingin siya sa lupa, sa kanang bahagi niya ay naroon ang isang may katamtamang laki na bato na kasing-laki ng kaniyang kamao; may kalakip itong tali—nylon na agad niyang pinagdudahan na tumama sa kaniya.

Imbes na humupa ang sakit ay bigla na lang na nandilim ang paningin niya, parang binabalot siya ng dilim sapagkat kumalat lang ito sa harapan ng kaniyang paningin sa kabila ng panlalaban niya. At hindi nagtagal ay tuluyan siyang nawalan ng malay, bumulagta ang katawan niya sa lupa at walang kaide-ideya sa papalapit na lalake.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top