Sirene XVIII

[Kabanata 18]

Tuluyang napinsala ang buong kalupaan. Nagkalat sa paligid ang mga bumagsak na puno at ang mga sanga nitong tinangay ng napakalakas na hangin. Gumuho rin ang kabundukan at ngayon ay nagkalat ang makapal na putik sa mabatong ilog.

Karamihan ay wala nang buhay at ang iba naman ay nalibing ng buhay sa loob ng minahan. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng mahinang ulan na mas lalong nagpalungkot sa kalagayan ng paligid. Dali-daling tumakbo ang ilan sa mga mamamayan na nakaligtas at tulong-tulong nilang binuhat at ginamot ang mga nag-aagaw buhay na tao na nagkalat sa paanan ng bundok at sa dalampasigan.

Nakita man ng ilan ang apat na sirena na tagapag-bantay ng mahiwagang perlas ngunit sa pagkakataong iyon nang matapos silang parusahan ng mahihiwagang nilalang ay nabura na sa kanilang isipan na ang tunay na may kagagawan niyon ay mga sirenang galit na galit lalo na si Sirene. Sa halip, ang nabuo na sa kanilang mga isipan ngayon ay isang matinding sakuna at malakas na bagyo ang tumama sa kanilang bayan.

***

Nakapangingilabot na lamig ang bumabalot sa loob ng sagradong kweba kung saan dinala ng apat na sirena ang walang buhay na katawan ni Nikolas. Kumikinang na mga batong punong-puno ng mga Aquamarine at dyamante ang bumabalot sa buong kweba.

May malaking at makinis na bato sa gitna kung saan napapalibutan ito ng mababaw na tubig na nakakahalina sa sobrang linaw. Kumikinang na kulay asul ang tubig at may usok na nagmumula rito dahil sa hiwagang taglay ng sagradong tubig na iyon.

Hindi na maawat si Sirene sa pag-iyak habang nakayakap kay Nikolas na nakahiga ng tuwid sa bato at namumutla na ang kaniyang buong katawan. Tahimik lang at walang imik ang tatlong sirena na nakaupo sa gilid ng bato habang pinagmamasdan ang kanilang kapatid.

Ang kanilang mga mahihiwaga at makukulay na buhok at buntot ay sinasayaw ng katubigan. Ilang sandali pa ay hinawakan na ni Doreen ang balikat ni Sirene upang ilayo ito sa pagyakap ng mahigpit kay Nikolas.

Patuloy na humagulgol ang dalaga at yumakap kay Doreen. Dahan-dahan namang hinagod ni Doreen ang likod ng kapatid upang patigilin na ito sa pagluha. Tanging ang paghihinagpis ni Sirene ang naririnig sa loob ng sagradong kweba.

Sa pagkakataong iyon ay lumapit na rin sa kanila si Amathea at Maira. Sa mga panahong ganito ay sila-sila pa ring magkakapatid ang nagdadamayan at nagtutulungan. Yumakap na rin sila kay Sirene upang iparamdam sa kapatid ang kanilang pagmamalasakit sa kaniya.

Ilang sandali pa ay biglang napatigil si Maira at napatingin sa nanlalamig na bangkay ni Nikolas. Nang bumitaw siya sa pagkakayakap kay Sirene ay napatigil din ang kaniyang mga kapatid. Dahan-dahan siyang lumapit kay Nikolas at tiningnan ng mabuti ang binata sabay hawak sa pulso nito sa kamay.

Sa kanilang apat ay si Maira ang siyang pinakamagaling sa panggagamot. Napatigil na rin si Sirene sa pag-iyak at bigla siyang nabuhayan ng pag-asa dahil sa kakaibang pagsuring ginagawa ngayon ni Maira kay Nikolas.

Magagawa nilang magpagaling ng mga sakit at sugat ngunit hindi nila kayang bumuhay ng isang patay. Si Nikolas ay namatay agad nang barilin ito ni Mang Lucio sa ulo.

"Maira?" tanong ni Amathea na agad lumapit sa kaniya, ang kanilang mga buntot ay nakalublob ngayon sa mababaw na sagradong tubig. Sunod namang lumapit si Doreen at hindi nagpahuli si Sirene na agad kumapit sa kamay ni Nikolas.

"May kakaiba sa taga-lupang ito" panimula ni Maira na halos walang kurap na pinagmamasdan ng mabuti si Nikolas at pinapakiramdaman ang pulso nito. Ilang sandali pa ay biglang nanlaki ang kanilang mga mata nang makita nila kung paano unti-unting nanumbalik ang pamumula sa mukha ni Nikolas.

"Tumitibok muli ang kaniyang puso" hindi makapaniwalang saad ni Maira, maging si Amathea, Doreen at lalong-lalo na si Sirene ay hindi rin makapaniwala na kanilang nasasaksihan ngayon ang unti-unting paghilom ng sugat ni Nikolas sa mukha, braso, dibdib at maging sa tama ng bala sa kaniyang ulo.

"A-anong nangyayari?" gulat na wika ni Sirene sabay hawak ng mas mahigpit sa kamay ni Nikolas. Dahan-dahan niyang hinawakan ang tapat ng dibdib ng binata at tila tumigil ang kaniyang mundo nang maramdaman niya ang muling pagtibok ng puso nito.

Gulat siyang napalingon kay Maira na ngayon ay dahan-dahang bumitaw sa pulso ni Nikolas. Napatingin si Maira kay Amathea at Doreen na parehong hindi makapaniwala. "N-nabuhay siya! Paano nangyari iyon? P-paanong..." hindi na natapos ni Sirene ang kaniyang sasbahin dahil biglang lumangoy paatras ang kaniyang tatlong kapatid.

Wala pang sampung segundo ay muling lumangoy ang mga ito pabalik sa kanila ni Nikolas na nasa ibabaw ng makinis na bato sa gitna ng sagradong tubig na nasa loob ng sagradong kweba. Sa pagkakataong iyon, hindi maipaliwanang ni Sirene ang kakaibang takot nang makalapit sa kaniya muli ang tatlong kapatid.

Nasa gitna si Amathea habang nasa tabi naman niya ang dalawa. Batid niyang may alam ang mga ito na hindi niya nalalaman. "Batid na namin ang tunay na dahilan sa tuwing nararamdaman namin na nasa kapahamakan ang mahiwagang Perlas at ikaw Sirene" panimula ni Amathea habang nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

Nagtataka namang napatingin si Sirene sa kaniya, alam niyang konektado ang kanilang mga puso at sa tuwing nalalagay sa kapahamakan ang mahiwagang perlas na kanilang inaalagaan ay nararamdaman iyon ng isa't-isa.

"Hindi pala ikaw ang aming nararamdaman na nasa kapahamakan kundi ang binatang ito" wika ni Doreen, mas lalong napakunot ang noo ni Sirene. Hindi niya maintindihan kung anong pinagsasabi ng kaniyang mga kapatid.

Ngunit sa pagkakataong iyon ay bigla niyang naalala na unang nagpakita noon ang kaniyang tatlong kapatid nang mapasama si Nikolas sa lumulubog na barko. Nagpakita muli ang kaniyang tatlong kapatid nang biglang sumikip ang dibdib ni Nikolas at nawalan ito ng malay nang halikan niya ang binata sa daungan. At ngayon ay muli na namang nagpakita ang tatlo niyang kapatid nang barilin si Nikolas.

"Ngayon lamang namin napagtanto na sa tuwing nakakaramdam kami na nasa panganib ang mahiwagang perlas ng Kanluran ay hindi pala ikaw ang siyang nasa panganib kundi ang tagalupang ito" dagdag pa ni Maira.

"A-anong ibig niyong sabihin?" naguguluhang tanong ni Sirene ngunit bigla siyang napatigil sa gulat nang iabot sa kaniya ni Amathea ang isang matalim na punyal na kulay pilak. Nababalot ng kulay asul na mga dyamante ang punyal na iyon na nakilala niyang mula sa luha ng kanilang kapatid na si Lidagat.

"A-anong gagawin ko riyan? B-bakit----"

"Ito ang punyal na ginagamit upang bawiin ang mahiwagang perlas na pumaloob sa ibang nilalang" tugon ni Amathea habang diretsong nakatingin sa kaniyang mata. Biglang napaatras si Sirene at napailing-iling siya nang unti-unti niyang maunawaan kung ano ang nais iparating sa kaniya ng kaniyang tatlong kapatid.

"H-hindi! S-sabihin niyong nagkakamali lang kayo... H-hindi ito totoo!" umiiling-iling na wika ni Sirene at agad niyang tinakpan ang kaniyang tainga at napapikit siya sa takot.

Biglang nilabas ni Amathea ang mahiwagang perlas ng Kanluran at itinapat niya iyon sa harapan ni Sirene "Ang mahiwagang perlas na ito ng Kanluran ay isang ordinaryong perlas na lamang!" giit ni Amathea sabay abot muli kay Sirene ng matalim na punyal.

"Kailangan mong gawin ito Sirene! Nasa puso ng binatang iyan ang totoong kapangyarihan ng mahiwagang perlas kung kaya't madali siyang gumagaling sa mga sugat at hindi siya namamatay!" buwelta ni Amathea habang pilit niyang binubuksan ang isipan ni Sirene na ang katotohanang hindi nito inaasahan.

"Isa na siyang imortal! Hindi na siya mamamatay dahil nasa puso niya ang mahiwagang perlas! Ikaw ang tagapangalaga ng mahiwagang perlas na nasa puso niya kung kaya't ikaw ang nakatakdang magbabaon ng punyal na ito sa puso ng tagalupang iyan!" wika ni Amathea, sa pagkakataong iyon ay pikit-mata at pilit na umiiling-iling si Sirene na para na siyang nababaliw habang hindi na rin maawat ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.

"Sa aking palagay ay matagal nang namatay ang binatang ito... At tanging ang mahiwagang perlas na nananahan sa kaniyang puso na lamang ang dahilan kung bakit siya nabubuhay ngayon" saad pa ni Maira matapos niyang suriin ng mabuti si Nikolas kanina at natuklasan nga niya na isa na itong imortal.

Nang marinig iyon ni Sirene ay bigla siyang napatigil at dahan-dahang napatingin kay Nikolas, nawala na ang lahat ng gasgas, galos at sugat sa katawan ng binata. Wala na rin ang sugat na tinamo nito nang barilin sa ulo na siyang ikinamatay ng binata. Wala na rin ang maputlang kulay at malamig na katawan nito. Sa halip, ay kitang-kita niya ngayon na magaling na muli si Nikolas at parang natutulog na lang ito ng mahimbing.

Dahan-dahan siyang lumapit kay Nikolas at nanginginig ang kaniyang kamay nang hawakan niya ang tapat ng puso ng binata kung saan naroon ang diwa at kapangyarihan ng mahiwagang perlas ng Kanluran. Sa pagkakataong iyon ay biglang pumasok sa kaniyang alaala ang tunay na nangyari noong gabing una silang nagkita ni Nikolas nang nakawin nito ang perlas sa karagatan...

Tuwing kabilugan ng buwan pagsapit ng hatinggabi ay tungkulin ng apat na sirena ang mag-alay ng buhay ng tao sa karagatan. Nang gabi ring iyon ay sumisid si Nikolas sa karagatan upang kunin ang mahiwagang perlas, bukod sa nangangailangan siya ng salapi ay lango rin siya sa alak kung kaya't buong tapat niyang nilusong ang karagatan ng Kanluran.

Nagiging malinaw sa mata ng tao ang mahiwagang perlas pagsapit ng hatinggabi dahil tumatama ang liwanang ng kabilugan ng buwan sa mahiwagang perlas na nakalagay sa isang malaking kabibe. Agad namataan ni Nikolas ang mahiwagang perlas at buong lakas siyang sumisid kahit pa nakalakas ng agos ng tubig na sumasalubong sa kaniya at magkahalong init at hapdi rin ang dala nito.

Ilang sandali pa, abot kamay na niya ang perlas ngunit bago niya ito makuha ay napansin niya ang isang batang babae na nalulunod nang malaglag ito sa bangkang sinasakyan. Dali-daling lumangoy si Nikolas papunta sa batang babae upang iligtas ito at nang maabot na niya ang bata ay biglang may kamay na may mahahabang kuko ang yumakap din sa bata.

Kasunod nito ay ang pagpulupot ng mahabang buhok na kulay pilak sa leeg at sa buong katawan ng batang babae. Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang isang babae na kulay porselana ang balat, may buntot na kulay pilak at ang mga mata nito ay puting-puti.

Sinubukang hilahin ni Nikolas ang batang babae na pilit lumalaban at nagpupumiglas ngunit mas malakas ang pwersa ni Sirene at nang hilahin ng sirena ang bata ng mahigpit papalapit sa kaniya ay dali-dali siyang lumangoy pailalim habang tangay-tangay ang batang babae.

Sa kaniyang pagtalikod ay hindi niya namalayan na humampas sa sikmura ni Nikolas ang kaniyang napakatalim at napakalakas na buntot dahilan upang tumama ang malakas na pwersa sa sikmura at dibdib ng binata na siyang kumitil sa buhay nito.

Dahan-dahang lumulubog sa ilalim ng karagatan ang walang buhay na katawan ni Nikolas hanggang sa bumagsak siya mismo sa tabi ng kinaroroonan ng mahiwagang perlas. Sa pagkakataong iyon ay mas lalong nagliwanag ang mahiwagang perlas at kusa itong gumulong papalibot sa binata dala-dala ang kahiwagaan at kapangyarihan nito.

Kusang pumasok ang diwa at kapangyarihan ng mahiwagang perlas sa bibig ni Nikolas, dumaloy sa lalamunan hanggang sa makarating sa puso ng binata dahilan upang muling tumibok ang kaniyang puso at magkaroon siya ng malay.

Nang imulat ni Nikolas ang kaniyang mga mata ay nasa ilalim pa rin siya ng karagatan at nasa tapat niya ngayon ang mahiwagang perlas na siyang ordinaryong perlas na lamang dahil lumipat na ang kapangyarihan nito sa kaniyang puso.

Hindi niya batid na nasa puso na niya mismo ang mahiwagang perlas at kinuha niya pa rin ang perlas na nasa mahiwagang kabibe at dali-daling lumangoy paahon sa karagatan. Nang makuha niya iyon ay biglang nagkaroon ng napakalakas na alon, nabitiwan ni Sirene ang batang babae na siyang iaalalay niya sa karagatan. Nagulo ang payapa at tahimik na karagatan nang mawala ang mahiwagang perlas sa kinalalagyan nito.

Ang katotohanan ay namatay na noon si Nikolas ngunit dahil sa mahiwagang perlas ay muli siyang nabuhay. Ang mahiwagang perlas ay nabuo dahil sa tunay na pag-ibig at nagmula iyon sa luha ng kanilang ina nang umiyak ito sa pagkamatay ni Lidagat na siyang nagmahal ng totoo.

Kung kaya't ang mga sirena ay hindi maaaring umibig dahil wala silang dapat ibigin kundi ang kalikasan. Ngunit ang perlas na iyon ay kusang lumapit kay Nikolas dahil nakita nito ang pag-ibig at kabutihan na ginawa ng binata para sa isang tao na hindi naman nito kilala nang iligtas niya ang batang babae.

Napatulala na lang at hindi na makahinga si Sirene nang maging malinaw na sa kaniya ang lahat. Namamanhid, nanlalamig at nanginginig na ang kaniyang buong katawan dahil hindi niya matanggap na siya pala ang dahilan nang pagkamatay ni Nikolas. "Sirene... Kailangan mo siyang patayin dahil kung hindi mo gagawin iyon, ikaw ang mamamatay pagsapit ng Ikalawang Kabilugan ng Buwan" wika ni Amathea, bakas sa tono ng boses nito ang pakikiusap na gawin ni Sirene ang nararapat.

***

Naalimpungatan si Nikolas nang makaramdam siya ng lamig mula sa nakabukas ng bintana. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay nakahiga siya ngayon sa isang papag at nakabalot ng kumot. Nasa isang pamilyar na bahay kubo siya at nang lumingon siya sa kanan ay nakita niyang bukas nga ang bintana.

Umuulan sa labas at makulimlim din ang kalangitan. Dahan-dahang bumangon si Nikolas at napahawak siya sa kaniyang ulo dahil parang ang bigat-bigat nito. Nang muli siyang mapalingon sa bintana ay nakita niyang nakatayo sa labas si Sirene, may maliit na daungan doon para sa maliliit na bangka at nakaharap ang dalaga sa malawak na karagatan ng Palawan na ngayon ay nakakaranas pa rin ng bagyo at pagkasira dahil sa pagkawala ng mahiwagang perlas doon.

Tumayo na si Nikolas at naglakad siya papalabas, hindi na niya alintana ang buhos ng ulan dahil mas mahalaga para sa kaniya ngayon ang kalagayan ng sinisinta. Habang naglalakad siya ay napansin niyang pamilyar na ang buong paligid. Napangiti na lang siya sa kaniyang sarili dahil nasa Palawan na sila.

Nataauhan si Sirene nang maramdaman niyang may naglalakad ngayon sa kaniyang likuran papalapit sa kaniya. Dahan-dahan siyang lumingon, hindi maipaliwanag na kakaibang saya, kaba at pananabik ang naramdaman niya nang makitang buhay na buhay ngayon si Nikolas at nakangiti sa kaniya.

Dali-dali siyang tumakbo papalapit sa binata at niyakap niya ito ng mahigpit. Nakasubsob ang kaniyang mukha sa dibdib ni Nikolas at hindi na niya ngayon mapigilan ang pagbagsak ng kaniyang mga luha kasabay ng pagbuhos ng ulan na hindi na nila alintana pa.

"Nagtagumpay tayo, batid kung nakuha mo na ang mahiwagang perlas dahil narito na tayo sa Palawan" nakangiting wika ni Nikolas habang nakayapak din ng mahigpit kay Sirene. Napatigil naman sa pag-iyak si Sirene at dahan-dahan siyang bumitaw sa pagkakayap nila at pinagmasdan niyang mabuti ang mukha ni Nikolas.

Batid ni Sirene na walang ideya si Nikolas na nabaril siya sa ulo. Binura ni Amathea ang alaala ni Nikolas sa nangyaring pagbaril ni Mang Lucio sa kaniyang ulo, ang tanging naaalala na lang ngayon ni Nikolas ay itinapat ng ani Mang Lucio ang baril sa kaniyang ulo ngunit hindi iyon natuloy dahil dumating na ang tatlong kapatid ni Sirene at nagdala ng sakuna sa lugar na iyon.

"Bukas na pala ang pagsapit ng Ikalawang Kabilugan ng Buwan---" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita si Sirene.

"Mamayang gabi na ang Ikalawang Kabilugan ng Buwan" wika ni Sirene, napansin naman ni Nikolas ang malungkot na reaksyon ng dalaga kung kaya't hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito at pinatingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

"Huwag ka nang malungkot, kung matatagal ka pa ng ilang araw, buwan o taon sa karagatan, hindi ako mapapagod at magsasawang maghintay sayo rito sa daungan" wika ni Nikolas sabay ngiti ng marahan sa dalaga. Napayuko naman si Sirene dahil mas lalong kumikirot ang puso niya dahil hindi niya kayang patayin si Nikolas. Hindi niya kayang patayin ang taong nagparamdam sa kaniya na siya'y mahalaga at karapat-dapat mahalin.

"Sa iyong pag-alis upang ibalik ang mahiwagang perlas ay naniniwala ako na babalik ka rin" patuloy pa ni Nikolas at muli niyang niyakap ang ng mahigpit si Sirene.

"Ilang oras na lang pala ang nalalabi para sa ating dalawa, anong nais mong gawin?" saad pa ng binata, sa pagkakataong iyon ay napangiti na lang si Sirene sa kaniyang sarili dahil nakakahiya man ang kaniyang hihilingin ngunit nais niya pa rin itong maranasan.

***

"Napakaganda mong tunay hija" nakangiting wika ni Inang Diday nang lumabas si Sirene sa silid at nakabihis na ito ng simpleng puting bestida na hanggang tuhod ang haba. Napangiti na lang din si Sirene lalo na dahil malakas na ngayon si Inang Diday at magaling na rin ang mata nito na siyang pinagaling niya noon bago sila magtungo sa Maynila.

"Halika, maupo ka rito hija" wika pa ni Inang Diday, naupo naman si Sirene sa isang silya na nasa tapat ng bintana ng maliit na bahay kubo ni Inang Diday. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng mahinang ulan at napakalamig ng buong paligid.

Alas-kwatro na nang hapon at makulimlim pa rin ang kalangitan na nababalot ng makapal na ulap na parang nakikiayon sa kalungkutang dala ng katotohanang kaniyang nalaman. Maingat na sinusuklay ni Inang Diday ang mahabang buhok ni Sirene na kulay pilak. Sinabi na lang ni Nikolas at Batchoy kanina na nagpakulay ng buhok si Sirene sa Maynila dahil uso ang makukulay na buhok doon.

"Pilyo man ang aking apong si Kolas ngunit mapagmahal at mabuting bata iyan, lumaki siya nang walang magulang, ang kaniyang ina ay nagkaroon ng ibang karelasyon ngunit minahal at tinanggap pa rin niya ang kapatid niya sa ina na si Carolina. Naniniwala ako na magiging masaya ka sa piling niya hija" wika ni Inang Diday at itinali na niya ng maayos ang buhok ni Sirene. Ipinusod niya ang buhok nito at nilagyan ng bulaklak ng Sampaguita paikot sa nakapusod na buhok dahilan upang mas lalong nangibabaw ang kagandahan ng dalaga.

Nang matapos ayusan ni Inang Diday si Sirene ay hinawakan ng dalaga ang kamay ng matandang nag-alaga, nag-aruga at nagmahal kay Nikolas. "I-inang, Salamat po dahil nagawa niyong alagaan si Kolas, kayo po ang tumatayong ina at ama niya at naniniwala po ako na kahit kailan ay hindi niyo siya pababayaan" saad ni Sirene at napatitig siya sa kamay nilang magkahawak ngayon. Ayaw niyang tumingin ng diretso sa mata ng matanda dahil batid niyang kakawala ang kaniyang mga luha.

"Kay swerte ko sa kaniya at sa iyo, batid kong aalalagaan mo rin siya at ang inyong mga magiging anak" nakangiting wika ni Inang Diday sabay yakap sa dalaga. Ilang sandali pa ay dumating na si Carolina na nakasuot din ng puting bestida ngayon at may gumamela na nakaipit sa kaniyang tainga.

Dali-dali siyang tumakbo papalapit kay Sirene sabay abot ng hawak-hawak niyang kumpol ng mga bulaklak ng tulips na kulay dilaw. "Ate, hinihintay na po kayo ni Kuya sa simbahan" nakangiting wika ni Carolina na napatalon pa sa tuwa dahil ikakasal na ang kaniyang kuya.

Napaupo naman si Sirene upang makapantay si Carolina, hinawakan niya ang pisngi ng bata na ngayon ay malakas na at nakakapaglaro na rin sa labas tulad ng ibang bata. "Kahit anong mangyari, huwag na huwag kang aalis sa tabi ng iyong kuya dahil batid kong ang mga ngiti mo rin ang siyang nagpapagaan sa kalooban niya sa tuwing malungkot siya" wika ni Sirene sabay yakap kay Carolina, ipinikit na lang niya ang kaniyang mga mata upang pigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Kahit naman lumuha siya ngayon ay aakalain lang ng iba na masaya siya dahil ikakasal na sila ni Nikolas.

***

Pagdating sa maliit na simbahan sa kanilang barrio ay pinayungan ni Batchoy si Sirene nang makababa sila sa kalesa kasama si Inang Diday at Carolina. Nagkalat ang mga basang patay na dahon sa labas ng simbahan at abandonado na rin ang maliit na simbahan (chapel) na iyon dahil halos nagsilikas na ang mga tao papunta sa mga kabundukan dahil kasalukuyan pa ring nagpapatuloy ang gyera.

Ngunit sa kanilang barrio ay tahimik lang dahil kakaalis pa lang ng mga sundalong Hapones doon. Nauuna nang maglakad sina Inang Diday at Carolina na nakapayong din papasok sa simbahan habang nahuhuli naman si Sirene at Batchoy.

"Maraming Salamat sa lahat Batchoy, nariyan ka palagi para sa amin at handa ka rin tumulong kahit anong mangyari" panimula ni Sirene, napangiti naman si Batchoy habang hawak-hawak ang payong nila.

"Walang anuman kamahalan, masaya ako para sa inyo ni Kolas, akalain mo iyon halos magbangayan kayo noon ngunit sa simbahan din pala kayo tutuloy" tawa ni Batchoy, napangiti naman si Sirene, mas naging makulay at magaan ang paglalakbay nila sa paghahanap ng perlas dahil kay Batchoy na puro kalokohan din ang nasa isip.

"Huwag mong hahayaang malungkot si Kolas, batid kong ikaw ang dahilan kung bakit palagi rin siyang nakatawa" saad pa ni Sirene, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Batchoy. Magsasalita pa sana siya ngunit napatigil na sila sa paglalakad dahil nasa tapat na sila ng simbahan.

Sa pagkakataong iyon ay dahan-dahang binuksan ni Batchoy ang pintuan ng simbahan na gawa sa kahoy. Marupok na ang pintuan kung kaya't mas maingat niya itong binuksan. Nauna nang pumasok si Inang Diday at Batchoy, kasunod naman si Carolina na nagsilbing flower girl at nagsaboy ng mga bulaklak sa daan patungo sa altar.

Ilang sandali pa ay natanaw na ni Nikolas si Sirene na ngayon ay dahan-dahang naglalakad sa gitna habang nakatingin at nakangiti sa kaniya. Simple lang ang suot na puting bestida ng dalaga ngunit nangingibabaw pa rin ang natatanging taglay nitong ganda.

Nakasuot ng puting barong tagalog si Nikolas na tinernuhan niya ng itim na pantalon at itim na sapatos. Bagama't kupas na ang kulay ng barong na kaniyang nahiram lang sa pari na kakilala ni Inang Diday na si Padre Domingo na siya ring magsisilbing pari sa kanilang kasal.

Nakasuklay din ng maayos ang buhok ni Nikolas dahilan upang maging maaliwalas ang mukha nito na ikinagwapo ng binata. Magulo man ang loob ng simbahan dahil nagkalat ang mga nasirang dingding at bubong nito ay hindi na nila iyon alintana.

Tumutulo rin ang tubig ulan mula sa mga butas na bubong ngunit hindi na nila iyon pinapansin. Maging ang mga nasirang upuan ng simbahan at ang nagkalat na kahoy sa sahig ay hindi nila iniisip na nakakasira sa maliit na kasal na nagaganap.

Napatingin si Sirene sa mga bisitang naroon, nakasuot din ng bestida sina Dolores at Graciela na ngayon ay nasa tabi nina Batchoy at Kenzou. Napangiti na lang si Sirene nang magtama ang mga mata nila ni Kenzou, naalala niya noong dapat ay sasama siya sa barko ni Kenzou papunta sa Leyte ngunit hindi siya tumuloy...

Mag-bubukang liwayway na at handa nang umalis ang barko sa pangunguna ng kapitan na si Kenzou Hayashida. Nauna nang umakyat sa barko si Kenzou ngunit nakakailang limang hakbang pa lang siya sa hagdan paakyat at bigla siyang napatigil nang mapansin niyang hindi nakasunod sa kaniya si Sirene.

Napalingon siya sa ibaba at nakita nga niyang nag-aalinlangan si Sirene na sumama sa kaniya. Napahinga na lang ng malalim si Kenzou at muli siyang bumaba sa hagdan papalapit kay Sirene. Nagulat si Sirene nang ngumiti sa kaniya si Kenzou, "Huwag... mo... siyang... iwan" wika ng binata.

Halos walang kurap namang nakatingin sa kaniya si Sirene dahil hindi ito makapaniwala na alam ni Kenzou na may pagtingin siya kay Nikolas. "Ikaw si Sirene... Ikaw rin ang pinakalilala ni Kolas... Na kapatid nila ni Batchoy... Batid ko iyon" patuloy pa ni Kenzou at nagulat si Sirene nang ilahad ni Kenzou ang palad niya sa kaniyang tapat.

"Hindi ko na hihilingin... Na sumama ka sa akin... Ang hihilingin ko na lamang... Ay maging maligaya ka at sabihin mo... Ang iyong tunay na nararamdaman... Para kay Kolas" saad pa ni Kenzou nang may ngiti sa kaniyang labi, napatulala naman si Sirene sa palad ng binata na nakalahad sa kaniya. Batid niyang nais nitong kusang pakawalan na niya ang inaakala niyang pagtingin kay Kenzou.

Sa pagkakataong iyon ay napangiti na lang si Sirene at hinubad niya ang kuwintas na may itim na butones na palagi niyang suot. Kinuha rin niya ang butones na ibinigay sa kaniya ni Kenzou noong isang araw at inilagay niya ang dalawang butones na iyon sa palad ng binata.

"Maraming Salamat, Kenzou" saad ni Sirene, ngumiti naman si Kenzou sa kaniya sabay yuko. Yumuko rin siya bilang paggalang at pamamaalam sa binatang kahit papaano ay naging mahalaga rin sa kaniya. Tumango na si Kenzou at umakyat na siya pasakay sa barko na kaniyang pangungunahan sa paglalakbay.

Katabi naman ni Kenzou si Dolores na ngayon ay maaliwalas din ang mukha. Habang nasa tabi naman nila sina Batchoy at Graciela na ngayon ay maghawak kamay pang nakangiti sa kaniya habang naglalakad siya sa gitna patungo sa altar.

Nasa kabila naman si Inang Diday at Carolina na parehong naluluha dahil ikakasal na ang pinakamamahal nilang si Nikolas. Nang muling ibaling ni Sirene ang kaniyang paningin kay Nikolas ay nakita niya ang pamumuo ng luha sa mga mata nito habang nakangiting nakatingin sa kaniya.

Sa mga oras na iyon ay ibinulong ni Sirene sa kaniyang sarili ang mga huling salita na nais niyang sabihin kay Nikolas ngunit pinili niyang huwag iparating ito sa isipan ng binata dahil ayaw niyang malungkot ito sa desisyon na kaniyang gagawin. Nais niyang iwan si Nikolas nang hindi nito nalalaman na hindi na siya babalik pa.

Hindi niya kayang patayin ang binata kung kaya't sa pagsapit ng Ikalawang Kabiulgan ng Buwan mamayang hatinggabi ay haharapin niya ang kamatayan. Sa pagkamatay ni Sirene, siya ay magiging mahiwagang perlas ng Kanluran dahil sa mahiwagang perlas din naman sila nagmula.

Kolas, ikaw ang pinakamasayang pangyayari sa buhay ko. Ikaw ang nagbigay kulay at saya sa natutulog kong puso na hindi ko akalaing mabubuhay nang dumating ka. Nawalan ng kabuluhan ang ilang libong taon kong pamumuhay sa mundong ito simula nang makilala kita. Kahit halos dalawang buwan lang tayo magkasama, hinding-hindi ko ipagpapalit ang maikling panahong iyon sa susunod pang ilang libong buhay na aking kahaharapin.

Ikaw ang nagpaunawa sa akin na mahalaga ang buhay, na mahalaga ang bawat segundo na lumilipas. Ikaw ang nagparamdam sa akin ng tunay na kahulugan ng pag-ibig, hindi ko hiniling na alagaan at iligtas mo ako sa panganib ngunit kusa mong ginawa ang lahat ng iyon. Handa kang mamatay para sa akin, hand among isakripisyo ang lahat maging ang buhay mo para sa akin. Asahan mong handa ko ring gawin iyon para sa iyo... Handa akong mamatay para sa iyo, dahil mahal na mahal kita Kolas.

Hinihiling ko na mabuhay ka nang matagal at marami ka pang matulungan at mapaligayang tao. P-patawad dahil namatay ka dahil sa akin. H-hindi ko magagawang patayin ka muli para lang sa sarili kong kaligtasan. Sabi nga nila, magagawa mong magsakripisyo para sa taong mahal mo, mahal kita Kolas kung kaya't handa kong gawin ang lahat para sa iyo. Wala man ako sa piling mo ngunit magsisilbi akong bituin sa kalangitan na palaging magmamasid at gagabay sa iyo. Paalam... Kolas.

Natauhan na lamang si Sirene nang hawakan ni Nikolas ang kaniyang pisngi at dahan-dahan nitong pinunasan ang luha niya gamit ang kaniyang kamay. "Ngayon ang araw ng kasal natin, magmula sa araw na ito, wala nang makahahadlang at makakapaghiwalay sa atin" nakangiting wika ng binata, maging ang mga mata ni Nikolas ay namumula na rin ngayon dahil sa pamumuo ng luha sa kaniyang mga mata.

Dahan-dahang hinawakan ni Nikolas ang kamay ni Sirene, humarap na sila sa pari at nagsimula na ang seremonya ng kanilang kasal.

***

Kalahating oras na lang ay malapit na sumapit ang hatinggabi. Malalim na ang gabi at unti-unti nang kumakawala ang makapal na ulap na tumatakip sa kabilugan ng buwan. Nakaupo ngayon si Sirene at Nikolas sa maliit na daungan na gawa sa kawayan.

Ilang oras na silang nakaupo roon habang nakasandal si Sirene sa balikat ni Nikolas at nakataklob sila ng kumot dahil mahamog ang gabi. "Mamaya, sa oras na maibalik mo na ang perlas, magbibilang ako ng walo at hihintayin kitang bumalik dito kahit sandali lang, nais ko lang masulyapan ka bago ka manatili sa karagatan ng ilang araw o buwan para sa ikaaayos ng karagatan ng Kanluran gaya ng sabi mo" saad ni Nikolas, dahan-dahan namang iminulat ni Sirene ang kaniyang mga mata at nanatili pa ring nakasandal sa balikat ng binata.

"Kailangan mong sumunod sa akin dahil mag-asawa na tayo, ang lalaki ang masusunod" bida ni Nikolas at ginaya niya ang pagiging tigasin at matipuno ni Don Miguel, natawa naman si Sirene dahil sa panggagaya na ginagawa ni Nikolas kay Don Miguel.

"Baka mamaya niyan may makita kang gwapong sireno sa dagat at ipagpalit mo ako" pagtatampo pa ng binata na mas lalong ikinatawa ni Sirene dahil bumalik na naman ang pagiging isip bata ni Nikolas. "Tapat ako sa aking asawa" wika ni Sirene at itinaas niya pa ang kaniyang kanang kamay na parang nanunumpa.

Napangiti naman si Nikolas na animo'y kinikilig sabay yakap muli kay Sirene. "Sasabihan ko na lang ang mga anak natin na bantayan at alagaan ka nila sa ilalim ng dagat" wika pa ni Nikolas, nagtaka naman ang mukha ni Sirene. "M-mga anak?"

"Marami tayong anak, tingnan mo nariyan sila oh!" saad ni Nikolas sabay turo sa mga makukulay na isda na malayang lumalangoy sa paa nilang nakasawsaw sa tubug dagat. Bigla namang natawa si Sirene dahil mga isda pala ang tinutukoy ni Nikolas na mga anak nila.

"Pagsabihan mo rin ang iba nating anak na mababangis lalo na ang mga pating, pakisabi rin sa mga anak nating balyena na magbawas din sila sa pagkain nang pumayat sila" biro pa ni Nikolas, hindi naman siya nabigo dahil palagi niyang napapatawa si Sirene na kahit maputla at nanghihina na ngayon ay gumagaan naman ang pakiramdam ng dahil sa kaniya.

Ilang sandali pa ay iniabot na ni Nikolas ang perlas kay Sirene na inakala niyang makapangyarihan pa rin. Napatitig naman si Sirene sa perlas na iyon at sa tapat ng puso ni Nikolas kung nasaan ngayon ang totoong hiwaga at kapangyarihang taglay ng perlas.

"Ilang minuto na lang, sasapit na ang hatinggabi" wika pa ni Nikolas, bakas sa mukha nito ang kalungkutan. Walang ideya ang binata na ito na ang huling pagkikita ni Sirene dahil hindi niya alam na isasakripisyo na lang ni Sirene ang kaniyang sarili sa karagatan at siya mismo ang magiging mahiwagang perlas.

Malalaman ito ng kanilang ina ngunit batid nilang huli na ang lahat at wala na itong magagawa pa. Nakausap na rin ni Sirene ang kaniyang tatlong kapatid sa huling pagkakataon kanina matapos ang kasal na hiniling niyang maranasan niya sa piling ni Nikolas...

Nakatayo ang tatlong sirena suot ang kanilang mga itim na talukbong sa labas ng simbahan. Matapos ang kasal ay dumiretso si Sirene sa kanila at kinausap ang kaniyang mga kapatid sa gitna ng kagubatan.

"B-buo na ba talaga ang iyong desisyon? P-pakiusap, huwag mong gawin ito Sirene" pakiusap ni Doreen na ngayon ay napaupo na lang sa isang malaking buto at tuluyan nang bumagsak ang kaniyang mga luha dahilan upang mas lalong lumakas ang buhos ng ulan.

Hindi naman nakaimik si Sirene at nanatili lang siyang nakatayo sa harapan nila suot ang kaniyang puting bestida na basang-basa na ngayon sa ulan. Maging ang kaniyang buhok ay nasira na ng tubig ulan. "M-mas pipiliin mong mamatay para sa tagalupang iyon? H-hindi mo batid na masasaktan at mahihirapan din siya sa paghihintay sa iyo sa katotohanang hindi niya alam na hindi ka na babalik pa" wika ni Maira habang patuloy na dumadaloy na rin ang luha sa kaniyang mga mata dahilan upang lumakas ang ihip ng hangin sa paligid.

"M-mas mahalaga pa ba ang pag-ibig na iyan sa iyong sariling buhay?!" giit ni Amathea dahilan upang lumakas ang pagkulog at pagkidlat sa kalangitan. Wala na silang magawa dahil si Sirene lang ang siyang makakapatay kay Nikolas dahil si Sirene ang tagapangalaga ng mahiwagang perlas ng kanluran na kasalukuyang nananahan ngayon sa puso ni Nikolas.

Sa pagkakataong iyon ay agad napaluhod si Sirene sa kanilang harapan, paulit-ulit siyang dumapa sa lupa dahilan upang mabalot na ng putik ang kaniyang bestida at kamay. "P-pakiusap, tanggapin niyo sana ang desisyon kong ito, h-hindi ko siya kayang patayin, h-hindi ko siya kayang saktan, h-hindi ko mapaliwanag ngunit mas ikamamatay ko sa oras na m-mawala siya" pagsusumamo ni Sirene na ngayon ay hindi na maawat sa pag-iyak sa harapan ng kaniyang mga kapatid.

Napaiwas naman ng tingin sa kaniya si Amathea dahil tuluyan nang bumagsak ang mga luhang kanina niya pinipigilan. Mahal nila si Sirene, bagama't hindi man nila ito sabihin sa isa't-isa, nagmamahalan silang magkakapatid at hindi nila kayang mahirapan o malagay sa kapahamakan ang isa sa kanila.

"S-sa kaniya ko naramdaman ang lahat ng saya at p-pagmamahal, s-siya na ang buhay ko, h-hindi ko siya kayang patayin... P-pakiusap, tanggapin niyo sana ang nais kong mangyari. N-ngayon lang ako nakaramdam ng ganito at h-hindi ko pinagsisihan na umibig ako sa i-isang tao dahil ito ang pinakamasayang nangyari sa b-buhay ko" paliwanag pa ni Sirene na ngayon ay paulit-ulit na nagsusumamo sa harapan nila.

"H-hinihiling ko na burahin niyo rin sa kaniya ang lahat ng alaala tungkol sa akin, m-maging sa lahat ng taong nakakakilala sa akin, n-nais kong mabuhay sila ng payapa at hindi na nila maalala ang k-kalungkutan na hatid ko sa kanilang mga buhay... L-lalo na kay Kolas" pakiusap ni Sirene habang humahagulgol sa lupa.

Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang paghawak ni Amathea sa kaniyang balikat, niyakap siya nito ng mahigpit. Sumunod naman si Doreen at Maira at niyakap nila ng mahigpit si Sirene bilang tugon na tatanggapin na nila ang desisyon ng kapatid at ito na rin ang huling pagkakataon na mayayakap nila ang pinakamamahal na kapatid.

Dahan-dahang tumayo na si Sirene at pinagmasdan niya ang Kabilugan ng buwan na ngayon ay lumiliwanag sa kalangitan. Hawak na niya ngayon ang perlas at sa huling pagkakataon ay napalingon siya kay Nikolas na nakatayo ngayon sa kaniyang likuran.

"Masaya ako dahil nagtagumpay tayo, ito na ang gabing pinakahihintay natin kung saan muli nang maitatama ang pagkakamaling ginawa ko nang nakawin ko ang mahiwagang perlas sa iyong pangangalaga" wika ni Nikolas sabay ngiti ng marahan sa dalaga.

Napaiwas na lang ng tingin si Sirene sa kaniya dahil mas lalo siyang nasasaktan sa ideya na iiwan na si Nikolas mag-isa habambuhay. Ilang sandali pa ay naramdaman niyang hinawakan ni Nikolas ang kaniyang mukha at pinatingin siya diretso sa mga mata ng binata.

"Hihinatayin kita rito, hindi ako aalis, gaya nga ng pangako ko sa iyo noon, hindi kita iiwan" saad pa ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Dahan-dahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at sinalubong ng halik ang dalaga.

Sa kalagitnaan ng gabi, sa ilalim ng liwanag ng buwan ay muli niyang pinaramdam kay Sirene ang kaniyang pagmamahal. Walang ideya si Nikolas na iyon na ang huling halik nilang dalawa, nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay nakita niyang patuloy nang bumabagsak ang luha ni Sirene.

Dahan-dahan niyang pinunasan ang luha ng dalaga at tuluyan na ring bumagsak ang kaniyang mga luha dahil sa isip niya ay matatagalan pa bago niya ulit makita si Sirene. "Sa iyong pagbabalik, sabay nating aakyatin lahat ng kabundukan, lalanguyin ang lahat ng karagatan at bibilangin ang lahat ng bituin sa kalangitan. Marami pa tayong tutuklasin sa mundong ito at magkasama nating gagawin iyon" saad pa ni Nikolas sabay yakap kay Sirene.

Napatango na lang si Sirene ng dalawang beses at pilit niyang nilalabanan ang luhang nais nang kumawala sa kaniyang mga mata ngunit hindi na ito nagpaawat pa. Pikit-mata niyang niyakap at dinama ang yakap ni Nikolas. Hindi niya ibig na mahalata nito na ito na ang huling beses na makikita at mayayakap nila ang isa't-isa. Mas lalo siyang nasasaktan dahil dito na magwawakas ang lahat sa kanila.

Ilang sandali pa ay bumitaw na si Sirene kay Nikolas at dahan-dahan siyang naglakad paatras. "M-may isa pa pala akong kahilingan" panimula ni Sirene, ang kaniyang boses ay nanunuyot na ngayon sa kakaiyak.

"Ano iyon? Sirene" ngiti ni Nikolas sabay punas ng kaniyang luha na namumuo na sa kaniyang mga mata.

"H-hinihiling ko na tumalikod ka at magbilang hanggang sa magbalik ako" saad ni Sirene at napatigil na siya sa dulo ng daungan. Sandali namang napatitig sa kaniya si Nikolas bago ito tumango at dahan-dahang tumalikod sa kaniya. Napatingin si Sirene kay Amathea, Maira at Doreen na nagtatago sa likod ng isang malaking bato sa dagat. Iyon na ang hudyat na nais niyang burahin ang alaala ni Nikolas sa kaniya sa oras na mawala na siya.

"M-maraming Salamat sa lahat, Kolas" wika ni Sirene at lumundag na siya dagat. Napapikit na lamang si Nikolas nagsimula na siyang magbilang.

Isa...

Dalawa...

Tatlo...

Apat...

Lima...

Anim...

Pito...

Walo...

Pagsapit ng Walo ay iminulat na niya ang kaniyang mga mata at agad siyang lumingon sa dagat. Napansin niyang kumalma na ang dagat at bumalik ang dating aliwalas at katahimikan nito. Nagpalingon-lingon siya sa paligid ngunit wala si Sirene.

"Sirene!" tawag niya, ngunit hindi niya namataan si Sirene. Tinawag niya pa si Sirene ng ilang ulit ngunit wala pa rin siyang tugon na narinig. Sa pagkakataong iyon ay bigla siyang nakaramdamam ng matinding takot at pangamba dahil hindi bumalik si Sirene.

"S-sirene! P-pakiusap, hindi ko ibig makipagbiruan ngayon" tawag pa niya ngunit tanging ang boses niya lang ang umaalingangaw sa tahimik na gabi. At dahil sa matinding pag-aalala ay hindi na siya nagdalawang isip pang lumundag sa karagatan upang sundan si Sirene ngunit napatigil siya nang biglang may humawak sa braso niya para pigilan siya.

Nanlaki ang mga mata ni Nikolas sa gulat nang makita ang tatlong kapatid ni Sirene na nakatayo ngayon sa kaniyang likuran habang hawak ni Amathea ang braso niya. Ito ang unang pagkakataon na nakita niyang namamaga at malungkot ang mga mata ng tatlong sirenang iyon na dati-rati ay halos patayin siya sa tingin.

"I-ililigtas ko si Sirene, p-pakiramdam ko ay may masamang nangyari sa kaniya sa-----" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Amathea.

"W-wala na si Sirene, p-patay na siya. N-namatay siya para sa iyo" saad ni Amathea, tila tumigil dumilim ang paningin ni Nikolas at nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan. "H-hindi totoo iyan, s-susundan ko siya!" pagpupumiglas ni Nikolas ngunit agad hinawakan ni Maira at Doreen ang ulo ni Nikolas.

"Ito na lang ang magagawa namin para sa aming kapatid at para sa iyo" wika ni Amathea sabay hawak din sa ulo ni Nikolas na ngayon ay hindi na magawang makawala sa kanila. Ilang sandali pa ay tuluyan nang nawalan ng malay si Nikolas at iniwan na siya ng tatlong sirenang naghihinagpis ngayon sa pagkawala ng kanilang kapatid.

Naiwang mag-isa si Nikolas sa gitna ng daungan nang walang malay at doon na rin naiwan ang lahat ng alaala niya kay Sirene.

**************************

Note: Pakinggan niyo rin pala ang last celtic song na handog ko para sa inyo, ang celtic song na ito ang nagpapaliwanag sa eksena ng pamamaalam ni Nikolas at Sirene sa isa't-isa. Tapusin niyo hanggang dulo para mas lalong dama :'(

"Pirate Love Song - Black Heart by Brunuhville"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top