Sirene XVI
[Kabanata 16]
"Ipikit mo ang iyong mga mata, ituturo ko sayo kung paano mahanap ang pag-ibig" patuloy pa ni Nikolas at bigla itong napangiti. Napangiti naman si Sirene sabay tango saka niya dahan-dahang ipinikit ang kaniyang mga mata.
Sa pagkakataong iyon ipinikit ni Nikolas ang kaniyang mga mata at unti-unti niyang inilapit ang kaniyang labi sa labi ni Sirene at pareho nilang natagpuan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig na parehong ilap sa kanila noon sapagkat nabubuhay sila sa mundong makasarili.
Nang muli nilang imulat ang kanilang mga mata pareho silang napangiti. Ngunit biglang napahawak si Nikolas sa tapat ng kaniyang puso at napaatras siya. "K-kolas, bakit?" gulat na tanong ni Sirene sabay hawak sa binata.
Napahawak na rin si Nikolas sa kaniyang ulo at mata dahil biglang nanlabo ang kaniyang paningin at parang umiikot ang buong paligid. Hindi na rin niya masyado makita si Sirene na paulit-ulit binibigkas ang pangalan niya at ang boses nito ay parang bumagal. "Kolas!" sigaw ni Sirene nang biglang matumba si Nikolas at bumagsak sa sahig.
Gulat na napalingon sa kanila si Batchoy at Dolores na agad napatakbo nang mabilis sa daungan nang makitang nakahandusay na roon si Nikolas at walang malay. "K-kolas! G-gumising ka!" pakiusap ni Sirene habang pilit na ginigising si Nikolas ngunit hindi pa rin ito nagkakamalay.
"Anong nangyari kay Kolas?" nag-aalalang tanong ni Batchoy sabay hawak sa mukha ng pinsan. Maging si Dolores ay hindi rin makapaniwala sa nangyari kay Nikolas. "Inaapoy ng lagnat si Kolas!" wika ni Batchoy nang hawakan niya ang noo, leeg at braso ng pinsan.
Dali-daling isinampa ni Batchoy sa kaniyang likuran si Nikolas at tumakbo sila pasakay sa kalesa. Magtutungo sila ngayon sa bayan upang maghanap ng gamot sa mga abandonadong klinika ngunit ilang kilometro pa ang layo bago nila marating ang bayan.
Nang makasakay sila sa kalesa ay agad pinatakbo ni Batchoy ang kabayo. Magkatabi naman sa likuran si Sirene at Dolores habang yakap - yakap ni Sirene si Nikolas. Napatulala na lang din si Dolores kay Sirene dahil hindi siya makapaniwala na babae pala ang inakala niyang lalaking kapatid noon nila Nikolas at Batchoy, maging ang kilos nito ay hindi isang kilos ng nag-aalalang kapatid.
Mabilis ang pagpapatakbo ni Batchoy sa kalesa, at habang yakap ni Sirene si Nikolas ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata dahil pagagalingin niya ngayon si Nikolas ngunit wala pang sampung segundo ay bigla siyang napahawak sa puso niya nang maramdaman niya ang biglaang pagkirot na dahil sa paggamit niya ng kapangyarihan.
"D-dumurugo ang iyong ilong" gulat na wika ni Dolores sabay kuha ng isang tela mula sa kanilang bagahe at ibinigay niya iyon kay Sirene. Nag-aalala namang napalingon sa kanila si Batchoy lalo na dahil dumudugo ngayon ang ilong ni Sirene na hindi naman normal sa mahiwagang sirena.
Dalawang linggo na lang ay sasapit na ang ikalawang kabilugan ng buwan at ngayon ay nagsisimula na muling manghina si Sirene dahil hinihigop ng buwan ang kaniyang enerhiya. Nanginginig na pinunasan ni Sirene ang kaniyang ilog ggamit ang telang binigay ni Dolores.
"Benedicto!" sigaw ni Dolores nang mapatingin siya sa kalsada at nakita niyang may tatlong taong nakasuot ng itim na talukbong. Nakatayo ang tatlong iyon sa gitna ng kalsadang lupa habang napapalibutan sila ng matataas na talahiban sa kaliwa't kanan.
Agad pinatigil ni Batchoy ang pagpapatakbo sa kabayo dahil sa gulat dahilan upang magpupumiglas ang kabayo dahil sa pagkabigla. "S-sino sila?" kinakabahang tanong ni Dolores dahil sadyang nakakasindak ang anyo ng tatlong nakaitim na talukbong na iyon na parang si Kamatayan.
"K-kamahalan..." wika ni Batchoy, maging siya ay napaatras dahil sa takot. Nagsimulang maglakad ng dahan-dahan papalapit sa kanila ang tatlong nakaitim na talukbong na iyon. Agad silang nagpalinga-linga sa paligid ngunit walang ibang tao roon na mahihingian nila ng tulong.
Dahan-dahang iniangat ni Sirene ang kaniyang ulo at napatingin siya sa tatlong nakaitim na talukbong na naglalakad papalapit sa kanila. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Dolores sa gulat nang makita kung paano biglang nagbago ang kulay ng mata ni Sirene at naging purong puti ito nang tumingin sa tatlong nakaitim na talukbong na papalapit sa kanila.
***
Alas-singko na nang hapon nang magising si Nikolas, sandali niyang pinagmasdan ang buong paligid at napansin niyang hindi pamilyar ang bahay kubong tinutuluyan nila ngayon. Dahan-dahan siyang napabangon, nakahiga siya ngayon sa isang papag na walang sapin o banig.
Maalikabok din ang kapaligiran dahilan upang bigla siyang mapabahing at mapaubo. Ilang sandali pa ay narinig niyang sinisitsitan siya ni Batchoy mula sa bintana na nasa tabi ng papag. "Anong ginagawa mo riyan?" nagtatakang tanong ni Nikolas kay Batchoy na nakasilip ngayon sa bintana na parang takot na takot na bata.
Napahawak pa si Nikolas sa kaniyang lalamunan dahil nanunuyot ito. "M-magkunwari ka na lang tulog" halos pabulong ni wika ni Batchoy dahilan para mapakunot naman ang noo ni Nikolas dahil hindi niya masyado maintindihan ang sinasabi ni Batchoy.
"Ano?" ulit pa ni Nikolas sabay dungaw sa bintana. Nakita niyang naroon din si Dolores sa gilid ni Batchoy at maging ito ay tulala at natatakot sa mga pangyayari.
"Bakit ba parang takot na takot kayo? Anong----" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil bigla niyang naramdaman ang pamilyar na malamig na presensiya mula sa loob ng kubo. Umihip din ang malakas na hangin sa labas dahilan upang magsayawan ang mga matataas na puno ng niyog at maglaglagan ang ilang bunga nito.
Dahan-dahang napalingon si Nikolas sa kaniyang likuran at halos maistatwa siya sa gulat at takot nang makita ang tatlong mahiwagang sirena na kapatid ni Sirene. Nakaupo ang mga ito palibot sa mesa na pabilog habang matalim na nakatingin sa kaniya suot ang kani-kanilang mga itim na talukbong.
"K-kumusta---" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil biglang dumating si Sirene, may dala-dala itong mga halamang gamot. Nakasuot na ng damit panlalaki si Sirene, dire-diretso itong naglakad papunta sa pugon at sinindihan ang palayok.
Sa kilos pa lang ni Sirene ay batid ni Nikolas na mukhang kanina pa alam ng lahat na narito ang tatlong mahiwagang sirena. Napalunok na lang sa kaba si Nikolas dahil hindi pa rin inaalis ni Amathea, Maira at Doreen ang matalim na tingin ng mga ito sa kaniya.
Napalingon muli si Nikolas kina Batchoy at Dolores at maging ang mga ito ay biglang nagtago ulit. "N-nais niyo ba ng k-kape? Tsaa? O tubig-alat?" hirit pa ni Nikolas, napasampal na lang si Batchoy sa kaniyang noo dahil sa pinagsasabi ng pinsan na mukhang hindi na naman pinag-isipan.
"Ano ka ba Kolas! Bakit mo sila aalukin ng tubig-alat?!" pabulong na reklamo ni Batchoy sabay tago ulit, natauhan naman si Nikolas at dali-daling tumayo saka lumapit kay Sirene na nagpapakulo ngayon ng halamang gamot.
"S-sirene, hindi ba dapat ako ang pupunta sa inyo para sa pamamanhikan?" bulong ni Nikolas, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Sirene. Habang si Nikolas naman ay hindi mapakali dahil nakatingin pa rin sa kaniya ngayon ang tatlong sirena, kahit saan siya magpunta ay sinusundan siya ng matatalim na tingin ng mga ito.
"Pamamanhikan?" nagtatakang tanong ni Sirene, bigla namang napahawak sa batok si Nikolas sabay ngiti. "K-kapag nais nang magpakasal ng babae at lalaki, namamanhikan ang lalaki sa pamilya ng babae" ngiti ulit ni Nikolas na parang nahihiya. Bigla namang napangiti si Sirene at ibinalik niya ang tingin niya sa pagluluto, namumula na ngayon ang kaniyang pisngi.
Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit napatalon siya sa gulat dahil nakatayo na pala sa likuran nila si Amathea, Maira at Doreen. "Hindi kami naparito upang iyong paghintayin" seryosong wika ni Amathea, napangiti naman si Nikolas saka dali-daling pinaupo muli ang mga bisita sa hapag.
Diretsong nakaupo si Nikolas habang nasa tabi niya si Sirene, nakapalibot naman sa kanila ang tatlo pang mga kapatid nito. "M-magkakahawig pala kayong m-magakakapatid hehe" panimula ni Nikolas at napalunok siya sa kaba. Halos sampung minuto ang lumipas nang walang reaksyon ang tatlong mahiwagang sirena kung kaya't si Sirene na ang bumasag sa nakakailang na kaganapan.
"P-patungo na kami sa Leyte upang makuha ang perlas" saad ni Sirene, napalingon naman sa kaniya si Amathea, "Ilang araw na lang ay muli nang sasapit ang ikalawang Kabilugan ng buwan, tiyak na hindi na natin mapagtatakpan pa ito" seryosong wika nito, bigla namang naglakad si Maira papalapit kay Nikolas.
Hinawakan ni Maira ang mukha ni Nikolas na ikinagulat ng binata maging ni Sirene. Naramdaman ni Nikolas ang napakalamig na kamay ng mahiwagang sirena ng timog. "Anong nangyari sa iyo taga-lupa? Bakit tila may kakaiba sa iyo" wika ni Maira habang pinagmamasdang mabuti si Nikolas.
Nag-aalala namang napalingon si Sirene kay Nikolas, batid niyang si Maira ang may pinaka may kakayahan sa kanila pagdating sa panggagamot. Agad namang sumingit si Doreen at tinanggal niya ang kamay ni Maira kay Nikolas.
"Hindi na natin saklaw ang kalagayan ng taga-lupang ito... Umalis na tayo nasiguro naman nating nasa mabuting kalagayan si Sirene" wika ni Doreen sabay tingin ng diretso kay Nikolas, inaasahan niyang mapanatiling lihim ang sinabi niya noon kay Nikolas kung paano nila malalagpasan ang Unang Kabilugan ng Buwan.
Nagkatinginan naman si Amathea at Maira bago muling ibinaling ang tingin kay Sirene. Labis silang nag-aalala sa kalagayan ng kapatid lalo na't nararamdaman nilang nanghihina na naman ito dahil sa paparating na kabilugan ng buwan.
"Sa aming pagbabalik, inaasahan namin na naibalik niyo na ang mahiwagang perlas ng kanluran" bilin pa ni Amathea bago ito tumalikod at lumabas ng pinto, napatango naman si Maira at Doreen kay Sirene bago sila lumabas sa maliit na kubong iyon. Kasabay ng kanilang paglisan ay ang pagkawala ng kaba at paghinga ng malalim ni Nikolas.
"A-ang hirap pala mapapayag ang mga kapatid mo sa pamamanhikan" wika ni Nikolas sabay hawak sa puso niyang tila huminto ata sa pagtibok dahil sa kaba.
***
Kinagabihan, nahiga muli si Nikolas sa papag nang maramdaman niya ang pagkirot ng kaniyang puso at ang hindi maipaliwanag na panghihina. Si Batchoy na lang ang nagpatuloy sa paghahanap ng mga panggatong sa kagubatan kasama si Dolores.
"Sandali, parang may kakaiba sa kapatid niyo at sa mga babaeng naka-itim na talukbong kanina" wika ni Dolores habang naummulot sila ni Batchoy ng mga pira-piraso ng kahoy na nakakalat sa lupa. "Mga masusungit naming tiyahin 'yung mga babae kanina" palusot ni Batchoy. Hindi naman naghinala si Dolores dahil sadyang magaling magsinunggaling at magpalusot ang mag-pinsan na si Nikolas at Batchoy na dati nilang gawain.
"Bakit hindi niyo sila kasama? Hindi ba mapanganib na masumpungan sila ng mga sundalo?" nagtatakang tanong ni Dolores. Napailing-iling naman si Batchoy "Nagtatago rin sila, nagkataon lang na nakasalubong natin sila kanina, ang liit talaga ng mundo" tawa pa ni Nikolas, ngunit mukhang hindi pa rin ganoon kakumbinsido si Dolores.
"Parang narinig ko ring sinabi ni Nikolas kanina ang salitang pamamanhikan, kanino siya mamanhikan?" usisa pa ni Dolores. Bigla namang napatigil si Batchoy nang maalala niya na ang pagkakaalam nga pala ni Dolores ay bunsong kapatid nila si Sirene na nagpapanggap bilang lalaki para malayo sa panganib.
"Hindi ka na nasanay kay Kolas, puro mga walang kwentang bagay at kalokohan ang bukambibig ng lalaking iyon" palusot ni Batchoy, napaisip naman ng malalim si Dolores. "Hindi ba't mas nakakatanda siya sayo? bakit parang hindi mo siya iginagalang bilang nakakatandang kuya?" tanong pa ng dalaga, bigla namang napapunas si Batchoy sa noo niyang pinagpapawisan na ngayon dahil sa dami ng tanong ni Dolores.
"Ganito talaga kaming magkakapatid, mahilig kaming magbiro hehe" palusot na lang niya sabay tawa. Nais sana niyang hilingin kay Sirene na burahin muli ang alaala ni Dolores ngunit sa ngayon ay walang sapat na lakas si Sirene para gawin iyon, bukod doon ay problemado rin ito dahil sa kalagayan ni Nikolas.
Pagdating nila sa maliit na kubo ay naabutan nilang nagluluto si Sirene sa labas ng inihaw. Tuwang-tuwang nagtatakbo si Batchoy papalapit kay Sirene at sininghot ang mabangong amoy ng inihaw na karne.
Agad inihagis ni Batchoy sa tuwa ang mga panggatong na dala niya dahil makakakain siya muli ng karne. "Ikaw na talaga ang pinaka-magaling magluto kamahalan!" papuri ni Batchoy kay Sirene na natawa ngayon dahil bakas na bakas sa mukha ni Batchoy ang saya.
"Ipagpapalit mo na ba ito sa kamote?" tawa ni Sirene, napatangoo-tango naman si Batchoy. "May katapat na ngayon sa sikmura ko ang kamote" tawa pa nito at tinulungan niya si Sirene na palakihin ang apoy sa pagiihaw para mas madali itong maluto dahil kanina pa siya nasasabik kainin ito.
Hindi naman nila namalayan na tuloy-tuloy na pumasok si Dolores sa loob ng kubo kung nasaan ngayon natutulog si Nikolas. Dahan-dahan niyang isinara ang pinto, may maliit na kandila lang ang nagbibigay liwanag sa loob ng kubo. Naabutan niyang diretsong natutulog si Nikolas habang may puting kumot na nakabalot mula paa hanggang sa leeg nito.
Inilapag na ni Dolores ang mga panggatong na dala niya sa isang gilid at naglakad siya papalapit kay Nikolas. Pinagmasdan niyang mabuti ang binata, pinagpapawisan ito ngunit nilalamig. Hahawakan niya sana ang noo ni Nikolas ngunit bigla siyang napatigil nang bumukas ang pinto at pumasok si Sirene.
Maging si Sirene ay napatigil din nang makita siya, "Maaari ka nang kumain, luto na ang inihaw na karne" wika ni Sirene at dire-diretso itong naglakad papalapit kay Nikolas habang hawak-hawak ang isang dahon ng saging kung saan nakalagay ang inihaw na karne na niluto niya.
Hindi naman nagsalita si Dolores at lumabas na lang siya sa kubo. Nang makalabas si Dolores, inilapag na ni Sirene ang dala niyang pagkain saka umupo sa tabi ng higaan ni Nikolas. Ilang minuto rin ang lumipas habang pinagmamasdan niya ang binata. Gustuhin man niyang gisingin ito upang pakainin ngunit ayaw niya ring istorbihin ang mahimbing nitong pagkakatulog.
Ilang sandali pa ay naalimpungatan si Nikolas dahil sa mabangong amoy ng inihaw na karne na nasa tabi lang din niya. Bigla siyang napangiti nang makita si Sirene na nakatingin at nakangiti sa kaniya ngayon. "Hindi ko akalain na darating ang araw na ito kung saan palagi kong nasusumpungan ang mga ngiti mo" wika ni Nikolas sabay ngiti dahila para mas lalong mapangiti si Sirene.
"Magpagaling ka na Kolas para mapuntahan natin si Carolina" saad ni Sirene, sinubukan namang bumangon ni Nikolas at agad siyang inalalayan ni Sirene na sumandal sa dulo ng higaan. "Siguradong malulungkot si Carolina kapag nalaman niyang may sakit ka ngayon" patuloy pa ni Sirene at hinawakan niya ang noo ni Nikolas na ngayon ay inaapoy pa rin ng lagnat.
"Sa oras na makuha na natin ang perlas at maibalik sa karagatan, samahan mo ako pabalik sa Ilocos" pakiusap ni Nikolas kay Sirene, ngumiti naman ang dalaga. "Nabalitaan ko kanina sa mga mamamayan na lumilikas papunta sa Norte, mas ligtas daw sa Norte at may mga bangkang nakakapaglakbay sa karagatan patungo sa timog" wika ni Sirene at hinawakan niya ang kamay ni Nikolas.
"Naisip ko na mas makabubuti kung magtutungo muna tayo sa Norte at doon tayo sasakay ng bangka patungo sa timog, nais ko ring pagalingin ang iyong kapatid habang kaya ko pa" saad ni Sirene, nararamdaman niyang kaya niya pang makapagpagaling ngunit nais niyang ibigay iyon sa kapatid ni Nikolas na matagal nang may sakit sa dugo at naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang kuya.
"Unahin na muna natin ang iyong kapakanan at ang mahiwagang perlas, sabay tayong magtutungo sa Ilocos pagkatapos natin maayos ang lahat" wika ni Nikolas sabay hawak ng mahigpit sa kamay ni Sirene. Napatitig naman si Sirene sa kamay nila ni Nikolas na magkahawak ngayon.
"Hindi ligtas ang daan dito sa lupa patungo sa Timog kung kaya't kailangan natin humanap ng ibang daan. Ang daan patungo sa Norte ay isa sa pinakaligtas na paraan upang makasakay tayo ng bangka papunta sa kabisayaan" wika pa ni Sirene, hindi naman nakapagsalita si Nikolas. Batid niyang iyon nga ang pinakaligtas na paraan lalo na't walang kakayahan ngayon si Sirene na maipagtanggol ang sarili nito maging sila. Bukod doon ay nangangamba rin siya na baka mahuli sila ng ibang grupo ng mga sundalong Hapones.
"Siya nga pala, anong niluto mo?" pag-iiba ng usapan ni Nikolas upang kahit papaano ay hindi na malungkot ang dalaga. Napangiti naman si Sirene sabay abot kay Nikolas ng niluto niyang inihaw na karne.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Nikolas habang nakatitig sa pamilyar na inihaw na karne na iyon. Hindi nga siya nagkakamali, nanghuli at nagluto na naman si Sirene ng mga dagang bukid. "Tutulungan kitang kumain" masayang wika ni Sirene at dahan-dahan niyang hinimay ang karne dahil mainit pa ito bago niya isubo kay Nikolas na ngayon ay gulat na gulat dahil pinapakain na naman siya ng daga ni Sirene.
"Anong masasabi mo? masarap ba?" nakangiting tanong ni Sirene na halos ikasingkit ng mata nito dahil sa tuwa. Mangiyak-ngiyak namang napatango-tango si Nikolas habang pilit na nginunguya ang karneng iyon ng dagang bukid. "M-masarap" tugon niya sabay lunok agad dahil ayaw niyang masaktan ang damdamin ni Sirene kaya kahit labag sa kalooban niyang kainin ang kakaibang pagkain na iyon ay gagawin pa rin niya.
***
Kinabukasan, maaga pa lang ay nagsimula na sila sa paglalakbay patungo sa Norte. Magkatabi ngayon sa unahan si Batchoy at Dolores habang pinapatakbo ang kabayo. Nasa likuran naman ng kalesa si Sirene at Nikolas katabi ang kanilang mga bagahe.
Nakasandal ngayon ang ulo ni Nikolas sa balikat ni Sirene habang nakabalot pa rin ito ng puting kumot dahil hindi pa rin nawawala ang lagnat nito na mas lalong lumala pa. Tanghaling tapat na ngunit makulimlim ang kalangitan. Ilang sandali pa ay itinigil ni Batchoy ang kalesa sa gilid ng isang puno "Magpahinga muna tayo at dito na rin tayo mananghalian" wika ni Batchoy sabay lundag sa ibaba ng kalesa, sumunod naman sa kaniya si Dolores.
Agad nilang inalalayan na makababa sa kalesa si Nikolas at nagsiga agad sila ng apoy. "Kamahalan! Napakasarap ng inihaw na karne na inihain mo sa amin kagabi!" tuwang-tuwang tugon ni Batchoy, bigla namang natawa ng palihim si Nikolas dahil walang kamalay-malay ang pinsan niya kung anong klaseng hayop ang karne na niluto ni Sirene.
Nagpalingon-lingon naman si Sirene sa paligid "Tila mahihirapan akong makahanap ng mga dagang bukid dito, pagdating na lang natin sa Norte manghuhuli at magiihaw muli ako ng mga dagang bukid" ngiti ni Sirene na animo'y nagmamalaki dahil puring-puri ni Batchoy ang niluto niya kagabi.
Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Batchoy dahil sa gulat, maging si Dolores ay napatulala rin kay Sirene dahil hindi nila akalain na dagang bukid pala ang karneng tuwang-tuwang pinagsaluhan nila kagabi.
"K-kuha lang kami ng kahoy" biglang saad ni Batchoy na animo'y nasusuka at nasisira ang tiyan, dali-dali siyang tumakbo papunta sa gitna ng kakahuyan. Maging si Dolores ay napahawak din sa kaniyang tiyan at bibig at dali-dali siyang sumunod kay Batchoy.
"Masyado ata silang nananabik na matikman ulit ang luto ko" nakangiting wika ni Sirene sabay lingon kay Nikolas na ngayon ay natatawa na lang dahil ganoon din ang reaksyon niya nang malaman kung anong pinakain sa kaniya ni Sirene noon.
"S-syempre naman hehe" palusot na lang ni Nikolas dahil siguradong mag-aalboroto sa galit si Sirene kapag nagreklamo sila sa mga pagkaing iluluto nito. Nakasandal ngayon sa isang malaking puno si Nikolas habang nakabalot pa rin siya ng puting kumot.
Ilang sandali pa ay biglang napatigil si Sirene, dahan-dahan siyang napatayo at nagpalinga-linga sa paligid. "Bakit? Sirene" nagtatakang tanong ni Nikolas at sinubukan niyang tumayo. Nang makatayo siya ay iniwan niya ang puting kumot na nakabalot sa kaniya sa lupa at naglakad siya papalapit kay Sirene.
"May malapit na talon (waterfall) dito" wika ni Sirene habang sinusundan niya ang kaniyang pakiramdam sa anyong tubig na iyon. Bigla namang napangiti si Nikolas at hinawakan niya ang kamay ng dalaga "Puntahan natin" wika niya, napailing naman si Sirene.
"Huwag na, magpahinga ka na lang" saad ni Sirene ngunit mas lalo lang ngumiti si Nikolas habang nakatitig pa rin sa kaniya. "Malakas na ako, tingnan mo" wika nito sabay pakita ng kaniyang braso. Natawa naman si Sirenea at hinipo niya ang noo ni Nikolas na ngayon ay hindi na ganoon kainit tulad kagabi.
"Nais ko rin sana maghilamos ng mukha, tingnan mo puro na ako muta" tawa pa ni Nikolas sabay hawak ng mahigpit sa kamay ni Sirene at sabay nilang hinanap ang talon na kanilang naririnig mula sa di-kalayuan.
***
Ilang minuto lang ang lumipas ay nasumpungan na nila ang napakaganda at napakataas na talon ng Pagsanjan. May isang balsa na gawa sa pinagdugtong-dugtong na kawayan ang nakatali sa gilid ng mga bato. Inalalayan ni Nikolas si Sirene at sumakay sila roon.
Napangiti na lang si Sirene sa ganda ng paligid at linis ng katubigan. Kumikinang na pinaghalong kulay berde at asul ang kulay ng tubig habang umaagos ng malakas ang mataas na tubig mula sa talon (Waterfall).
Malalaking bato na animo'y nakapaloob sa kweba ang talon habang unti-unting nawawala ang kulimlim sa kalangitan. Ilang sandali pa ay biglang nagulat si Nikolas nang tumayo si Sirene, hinubad nito ang suot na itim na talukbong saka dire-diretsong lumundag sa katubigan.
"Sirene!" tawag ni Nikolas ngunit nakalundag na agad si Sirene, agad siyang dumungaw sa tubig at nakita niyang malaya at masayang lumalangot at nagpapaikot-ikot si Sirene sa ilalim ng katubigan. Napangiti na lang si Nikolas sa kaniyang sarili nang makita ang anyo ni Sirene bilang sirena.
Kumikinang ang buntot nito na kulay pilak habang sumasabay sa agos ang buhok nitong kulay pilak na napakahaba. Habang ang porselanang balat ng dalaga ay kumikinang ngayon sa malinis na tubig ng talon ng Pagsanjan.
Napatingala si Sirene kay Nikolas na sinusundan siya ng tingin, pasimpleng inalog ni Sirene ang balsang sinasakyan ni Nikolas dahilan upang mawalan ng balanse ang binata at mapahawak sa balsa sabay tawa. Batid niyang pinaglalaruan at pinagtatawanan na siya ngayon ni Sirene at hind inga siya nagkamali dahil tumatawa nga ito sa ilalim ng tubig habang nakatingin sa kaniya.
Biglang may naisip na kakaibang ideya si Nikolas, agad niyang hinubad ang kaniyang sumbrero at sapatos, tumayo siya sa balsa at napatingala sa kalangitan sabay pikit ng kaniyang mga mata. Bigla namang nagtaka si Sirene sa ginagawa ni Nikolas kung kaya't lumangoy siya paitaas at iniahon niya ang kaniyang ulo sa tubig.
"Ibig kong malaman kung ilang segundo ang aabutin bago ka dumating" wika ni Nikolas at bigla siyang lumundag sa tubig. Nagtataka namang napatingin sa kaniya si Sirene, alam niyang marunong naman lumangoy si Nikolas kung kaya't hindi niya maunawaan kung bakit ito lumundag sa tubig habang nakapikit ang mga mata at hinahayaan lang nito na dalhin siya ng tubig sa kailaliman.
Isa...
Dalawa...
Tatlo...
Apat...
Lima...
Anim...
Pito...
Walo...
Naramdaman ni Nikolas ang pagyakap ni Sirene sa kaniya, nang imulat niya ang kaniyang mata ay napangiti na lang siya dahil kitang-kita niya kung paano mag-alala sa kaniya ngayon si Sirene, dali-dali siyang niyakap nito at hinila paahon sa tubig.
Nang makaaahon na sila ay sandaling naubo si Nikolas at napahinga ng malalim "Ano bang ginagawa mo? Bakit---" hindi na natapos ni Sirene ang kaniyang sasabihin dahil biglang hinawakan ni Nikolas ang mukha niya at agad siyang hinalikan nito sa labi.
Hindi mapigilan ni Sirene ang kakaibang init at lamig na dumadaloy sa kaniyang buong katawan na animo'y unti-unti siyang pinapatay ng kuryenteng dulot ng paghalik ni Nikolas. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay bumungad sa kaniyang harapan ang binatang dahilan ng kaniyang kaligayahan na sa ilang libong taon nagdaan ay hindi niya naranasan.
"Tuwing mawawala ka sa paningin ko, bibilang lang ako ng walong segundo at alam kong makikita kitang muli" ngiti pa ni Nikolas sabay yakap kay Sirene habang patuloy ang pabagsak ng tubig mula sa itaas ng talon at ang pag-agos ng halik at pag-ibig na nararamdaman nila para sa isa't-isa.
***
Lumipas pa ang ilang araw ng kanilang paglalakabay. Kahit papaano ay bumuti na ang pakiramdam ni Nikolas ngunit sa tuwing sumasapit ang gabi ay inaapoy ito ng lagnat at nanghihina. Nang marating nila ang Ilocos sa araw ng Huwebes ay napatigil sila dahil halos walang katao-tao ang mansyon ni Don Miguel. Maging ang buong barrio ay walang katao-tao.
Alas-kuwatro na nang hapon ngunit napaka-tahimik ng buong lugar, may mga naiwang mga papel, dyaryo at mga bulok na prutas sa kalsada. Habang ang mga abandonadong mga kabahayan naman sa paligid ay sira-sira na.
Nagkalat din ang mga pusang ligaw sa daan, maging ang mga ilang piraso ng bintana, pinto at upuan ay nakahandusay sa gitna ng kalsada. Napapalibutan din ng lupa at alikabok ang buong paligid kung kaya't hindi rin ganoon kasariwa ang hangin.
"Sa tingin ko ay nagtatago sila ngayon sa mga kabundukan" wika ni Nikolas, habang dahan-dahang pinapalakad ni Batchoy ang kabayo sa kalesang sinasakyan nila. Tahimik nilang pinagmamasdan ang paligid na animo'y hinalughog at nababalot na rin ng masalimuot na pangyayari.
Mag-tatakipsilim nan ang marating nila ang pinakamalapit na bundok na tinutukoy ni Nikolas. At dahil hindi nila maiaakyat ang kalesa taas ng bundok, iniwan ni Batchoy ang kabayo at ang kalesa sa gilid ng isang tagong puno, nag-iwan din siya ng napakraming mga damo at dalawang balde ng tubig. Babalikan niya ang kabayo sa susunod na araw matapos nilang maisama ang kapatid ni Nikolas.
Halos isang oras din ang tinahak nila paakyat sa bundok. Naging maingat sila sa pag-akyat dahil baka may mga patibong sa gubat at baka akalain ng mga nagtatago roon na isa silang kalaban. Magkahawak kamay si Sirene at Nikolas sa pag-akyat sa bundok dahilan upang magtaka si Dolores sa kakaibang koneksyon ng dalawa.
"Baka gusto mong makihawak na rin ako sa kamay nila? Eh kung mahulog sila edi madadamay pa ako" biglang bulong ni Batchoy kay Dolores nang mapansin niyang kanina pa tingin ng tingin si Dolores kay Sirene at Nikolas na nahuhuling maglakad sa kanila.
"Nagtataka lang ako sa kakaibang trato nila sa isa't-isa" wika ni Dolores at inunahan na niya maglakad si Batchoy. Hindi nagtagal ay narating nila ang isang malaking kweba, napansin agad nila ang mga damit na nakasampay sa mga puno at ilang mga palayok, balde at mga sanga ng kahoy na nakakakalat sa labas ng kweba.
Agad nagtago sa likod ng malaking puno si Batchoy at Dolores nang makita ang isang matangkad at matipunong lalaki na lumabas mula sa loob ng kweba. Hindi pa sila nito nakikita dahil kumuha ito ng ilang sanga na nakakalat sa lupa. Ilang sandali pa ay dumating na si Nikolas at Sirene, "Magtago kayo" halos pabulong na wika ni Batchoy ngunit huli na ang lahat dahil napatingin ang matipunong lalaking iyon kay Nikolas at Sirene na hindi pa nakakapagtago.
"Kolas?" gulat at nagtatakang wika ng matipunong lalaki. Bigla namang napangiti si Nikolas "Don Miguel!" tawa nito sabay takbo papunta kay Don Miguel, nang makalapit siya ay bigla siyang niyakap ni Don Miguel ngunit pagkalipas lang ng tatlong segundo ay bigla nilang naalala ang kasalanan sa isa't-isa.
"Naparito ka ba upang itanan ang pinakamamahal kong unica hija?!" sigaw ni Don Miguel dahilan upang magulintang ang ibang mga tao sa loob ng kweba na dali-daling nagsilabasan hawak ang kanilang mga armas.
Bigla namang napaatras si Nikolas sabay taas ng kaniyang dalawang kamay sa ere. "H-hindi po Don Miguel, n-naparito ako upang isama ang kapatid ko" tugon ni Nikolas na halos maihi sa kaba dahil sa mga kababaihan at kalalakihan na ngayon ay handang-handang sugurin siya.
"Paano naman ang anak kong si Graciela? Hindi siya maaaring tumandang dalaga!" buwelta pa ni Don Miguel. Nasa edad limampu pataas na si Don Miguel, matangkad, matipuno ang katawan, malalaki ang braso, balbas sarado.
Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit bigla siyang nagtaka dahil biglang napaatras si Don Miguel, maging ang halos tatlumpung mga kasamahan nito na mga kalalakihan at kababaihan na may mga hawak na itak, balisong, mahahabang kawayan at nakatayo sa likuran niya.
"Nasaan si Carolina?" diretsong wika ni Sirene na naglalakad ngayon papalapit sa kanila. Nakasuot ito ng itim na talukbong dahilan upang mas lalo silang matakot dahil mukha siyang si Kamatayan. Hindi pa naman ganoon kadilim ang buong paligid at may mga nakasinding siga ng apoy sa bawat paligid kung kaya't malinaw nilang nakikita ang isa't-isa.
"N-narito siya, s-sandali lang" wika ni Don Miguel nang maalala niyang si Sirene ang babaeng bumugbog sa kanila noon dahil lang sa itim na butones. Maging ang mga tauhan ni Don Miguel ay naalala na si Sirene nga iyon. Agad sinenyasan ni Don Miguel ang mga tauhan niya na dalhin si Carolina sa harapan, dali-dali namang pumasok sa loob ng kweba ang mga tauhan at maingat na binuhat ang batang si Carolina na ngayon ay hindi na makalakad dahil sa panghihina.
"Kuya!" sigaw ni Carolina nang makita ang kaniyang kuya na ngayon ay dali-daling tumakbo papalapit sa kaniya, napaluhod sa harapan niya upang maging kapantay si Carolina at niyakap siya ng mahigpit. "S-salamat po nagbalik ka kuya" patuloy ni Carolina habang umiiyak na nakasubsob ang buong mukha sa balikat ni Nikolas.
"Sabi ko naman sayo, babalik ako kahit anong mangyari, babalik ako dala ang gamot para gumaling ka na" naluluhang wika ni Nikolas habang hindi pa rin bumibitaw sa kapatid. Napansin niyang nangayayat ang kapatid, namumutla ito at malalim na rin ang mga mata nito.
"I-inalagaan namin siya ng mabuti rito, k-kaya wala kayong dapat ipag-alala" wika ni Don Miguel sabay ngiti kay Sirene dahil baka upakan na naman siya nito. "Maraming salamat Don Miguel" wika ni Nikolas at binuhat na niya si Carolina. Tumawa-tawa naman si Don Miguel, maging ang mga kasamahan nito ay nakisama sa pagtawa ng kanilang amo bilang suporta sa pangambang baka atakihin sila ni Sirene kapag hindi sila tumawa.
Napansin naman ni Batchoy at Dolores na nagtatago sa likod ng puno na mukhang wala nang panganib kung kaya't lumabas na sila sa kanilang pinagtataguan at naglakad papalapit kina Nikolas at Sirene. "Siya nga pala, si Batchoy at Dolores" pakilala ni Nikolas, agad naman silang binati at kinamayan nila Don Miguel dahil nakatingin pa rin sa kanila ng matalim si Sirene.
"Bueno, may maliit na pagtitipon at pagsasalo-salo pala kami mamaya rito dahil sa kaarawan ng pinakamaganda kong anak na si Graciela, dito na kayo magpalipas ng gabi at makisalo sa amin" paanyaya pa ni Don Miguel na ngayon ay nagmukha nang kandidato sa kakangiti.
Napalingon naman si Nikolas kay Sirene, maging si Batchoy at Dolores ay napatingin kay Sirene. Napalunok naman sa kaba sina Don Miguel dahil baka masapak sila ni Sirene ngayon kung hindi sila titino.
Isang tango ang pinawalan ni Sirene bilang tugon na ikinatuwa nila Don Miguel. Agad nilang pinagdugtong-dugtong ang mga dahon ng saging na paglalagyan nila ng kanin at mga pagkain na kanilang niluto kanina.
Halos abala ang lahat sa paghahanda para sa maliit na pagsasalo-salo. Maingat na inilapag ng mga kababaihan ang mga pagkain sa mga dahon ng saging habang ang mga kalalakihan naman ay abala sa pangongolekta ng mga panggatong para mapanatili ang mga siga ng apoy. Ang ibang kalalakihan naman ay sama-samang nag-igib ng tubig mula sa pinakamalapit na sapa. Habang ang mga maliliit na bata naman ay masayang nagtatakbuhan at naghahabulan sa paligid.
Alas-otso na nang gabi at napakalamig ng hangin sa labas. Maaliwanag din ang gabi dahil sa milyong-milyong mga bituin ang kumikislap sa kalangitan. Kakatapos lang ni Sirene maglapag ng mga palayok na naglalaman ng mga sabaw ng nilagang karne nang mapatigil siya sa kaniyang ginagawa dahil nabaling ang paningin niya sa loob ng kweba kung saan nakalatag doon ang helera ng mga banig, unan at sapin na tinutulugan ng mga mamamayang nagtatago rito sa kabundukan.
Dahan-dahang naglakad si Sirene papasok sa kweba habang nakatingin kay Nikolas at sa kapatid nitong si Carolina. Magkatabing nakahiga ang magkapatid sa isang banig habang nakapatong ang ulo ni Carolina sa braso ng kaniyang Kuya Kolas.
Hiwalay ang kweba kung saan natutulog ang mga kababaihan at kalalakihan. Nasa kabilang kweba ang mga kalalakihan ngunit ngayon ay sinasamahan muna ni Nikolas ang kaniyang kapatid na babae. Nasa edad siyam na taon pa lang si Carolina, napansin ni Sirene na magkahawig si Nikolas at Carolina lalo na kapag nakangiti ang bata dahil may malalim na biloy din sa kaliwang pisngi nito.
Maganda ang mga mata ni Carolina na parang kay Nikolas, maliit at hugis puso ang mukha nito at mahaba ang buhok. "Sa oras na gumaling ka na, pupunta tayo sa palasyo ng mga sirena" kwento ni Nikolas habang winawasiwas niya sa ere ang kaniyang isang kamay at inilalarawan niya kay Carolina kung gaano kalaki, kalawak at kaganda ang palasyo ng mga sirena sa ilalim ng karagatan.
"May kilala po kayong sirena? Kuya" nagtatakang tanong ni Carolina sabay tingin sa kuya niya na kanina pa siya kinuwkentuhan ng kung ano-ano. Napatango naman si Nikolas "Oo, may kilala akong napakagandang sirena na patay na patay sa'kin" tugon ni Nikolas sabay tawa dahilan para matawa na lang din si Carolina lalo na't ang kuya Nikolas lang niya ang nakakapagpatawa sa kaniya.
"Sa umpisa, aakalain mong masungit ang sirenang iyon, palaging nakakunot ang kaniyang noo at bihira lang siya magsalita. Nakakatakot din siya tumingin na halos hukayin na pati ang bituka ko ngunit kahit ganoon siya, kahit nagagawa niyang mapilayan at mapalipad ang mga tao at mga kalaban... Naroon pa rin ang nakatagong kabutihan sa puso niya, mabuti ang mga sirena, may puso sila" patuloy ni Nikolas habang nakatingala sa tuktok ng kweba na mabato.
May isang kandila lang ang nagbibigay liwanang sa kanila sa loob ng kweba at ang liwanag sa kandila ay ginamit ni Nikolas upang bumuo ng mga hugis ng sirena mula sa anino ng kaniyang mga kamay. "Kung minsan, ang mga taong inaakala nating masungit at masama ay siya pa lang nagtataglay ng totoong kabutihan at pagmamahal sa puso. Tinuruan ako ng sirenang iyon nang hindi ko namamalayan na ang pagiging makasarili ay hindi magbibigay sa akin ng kaligayahan"
"Kung dati ay sarili ko lang ang iniisip ko at ang pamilya ko, wala akong pakialam kung mawalan ng salapi o mapahamak ang ibang tao nang dahil sa akin dahil mas mahalaga para sa akin ang sarili ko. Ngunit nang makilala ko siya, bigla kong napatunayan sa sarili ko na mayroon pa palang bagay na mas hihigit sa pagmamahal ko sa aking sarili. May isang bagay pala na mas pahahalagahan ko kaysa sa sarili ko" patuloy pa ni Nikolas, bigla naman siyang niyakap ni Carolina.
"Umiibig ka na nga kuya" ngiti pa ni Carolina at niyakap naman siya pabalik ni Nikolas saka kinantahan ng paborito nitong kanta na Dadansoy na isang sikat na awitin sa kabisayaan.
~Dandansoy, bayaan ta ikaw
Pauli ako sa Payaw
Ugaling kon ikaw hidlawon,
Ang Payaw imo lang lantawon~
~Dandansoy, kon imo apason
Bisan tubig dì ka magbalon
Ugaling kon ikaw uhawon
Sa dalan magbubon-bubon~
Sa pagkakataong iyon, habang pinagmamasdan at pinapakinggan ni Sirene ang pag-awit ni Nikolas, bigla siyang nakaramdam ng kalungkutan dahil sa malungkot na tono at kahulugan ng awiting iyon.
***
"Hindi pa ba tayo kakain?" reklamo ni Batchoy na kanina pa takam na takam sa mga pagkaing nakahain sa kanilang harapan. Gutom na gutom na siya ngayon at kanina pa siya nagrereklamo kay Dolores na katabi niya ngayon. Wala namang imik si Dolores habang nakatingin kay Sirene at Nikolas na magkatabi sa tapat nila.
Kanina pa nakatulog si Carolina kung kaya't lumabas na si Nikolas at nakisalo sa kainan ngunit hindi pa rin nagsisimula ang kainan dahil nagbibihis at naghahanda pa raw si Graciela. May mga inihaw na isda, karne, pinya, mangga, santol, langka, papaya, saging, kamote at marami pang iba na nakalatag ngayon sa ibabaw ng pinagdugtong-dugtong na dahon ng saging.
Ilang sandali pa ay bigla silang nagulat nang sumigaw si Don Miguel "Narito na ang pinakamaganda kong anak na si Gracielaaaaaa" pagmamalaki ni Don Miguel na ngayon ay tuwang-tuwa habang inaalalayan ang anak niya na lumabas sa kweba.
Halos limang segundong napatahimik ang lahat bago sumenyas si Don Miguel na pumalakpak kung kaya't dali-daling nagpalakpakan ang kaniyang mga tauhan. Balot na balot ng itim na kumot si Graciela na ginawa niyang bestida kuno at may mga dahon na nakasuksok sa kaniyang makapal na buhok.
Napatabi pa sa gilid si Don Miguel dahil hindi makadaan ang kaniyang anak dahil sa laki nito. Kumaway-kaway naman si Graciela dahilan upang umangat ang pisngi nito at makabilbil ang kaniyang leeg. Biglang napatigil si Batchoy nang makita ang paparating na si Graciela, animo'y biglang lumiwanag ang buong paligid, bumagal ang takbo ng oras at tanging si Graciela lang ang kaniyang nakikita.
Tuwang-tuwa si Graciela at humagikhik pa ito ng napakalakas dahilan medyo pumutok ang suot nitong mahabang bestidang kumot. "Salamat sa inyo, kumain na tayo!" wika ni Graciela habang yakap-yakap din ang paborito nitong manika.
Hindi naman maialis ni Batchoy ang kaniyang paningin kay Graciela lalo nan ang maupo na ito sa tapat niya. Ang mga ngiti at malakas na paghalakhak ni Graciela ang mas lalong nagpatunaw sa kaniyang damdamin para sa dalaga. "Batchoy" tawag ni Nikolas kay Batchoy ngunit nanatili lang itong tulala kay Graciela ngunit natauhan din siya nang maramdaman ang pagtulo ng laway mula sa kaniyang bibig.
Agad niya itong hinigop pabalik at nakisabay na lang siya sa tawanan ng lahat habang salo-salong kumakain. Kinuha na ni Batchoy ang kamote na nakalagay sa gitna at bigla siyang napatigil nang mahawakan niya ang matabang kamay ni Graciela na ngayon ay kukunin na rin ang kamoteng iyon.
Dahan-dahan silang napatingin ng diretso sa mata ng isa't-isa na animo'y itinakda ng kalangitan ang tagpong iyon para sa kanila. Isang malaking ngiti na may kasamang bungisngis ang pinakawalan ni Graciela habang kinikilig na nakatingin kay Batchoy na ngayon ay nagmistulang napakagwapong prinsipe sa kaniyang mata.
"Sino pang may gusto ng kamote? Heto" singit ni Don Miguel sabay dampot ng kamoteng hawak ngayon ni Batchoy at Graciela. Hindi niya namalayan na may matatamis na tiniginan at palitan ng ngiti ang nagaganap sa dalawa dahil abala siya sa pagaasikaso sa mga kasamahan sa kweba.
Napaayos naman ng upo si Graciela at Batchoy at pareho silang nakaramdam ng pagkailang ngayon dahil sa pagsingit ni Don Miguel sa kanilang pagtitinginan.
***
Nang matapos ang pasasalo, tulong-tulong silang nagligpit ng lahat ng kagamitan at naglinis sa labas ng kweba. Habang naghuhugas ng palayok sina Sirene, Dolores at iba pang mga kababaihan ay bigla silang napatigil nang makita ang pagbagsak ni Nikolas sa lupa habang buhat-buhat nito ang mga balde ng tubig.
Agad napatakbo si Sirene papalapit kay Nikolas na ngayn ay naliligo sa malamig na pawis at inaapoy ng lagnat. Tila nabalot ng matinding takot, pangamba at kaba ang kaniyang buong katawan dahil muli na namang sinusumpong si Nikolas ng sakit na hindi nila maipaliwanag at matukoy kung bakit nangyayari iyon sa binata.
Dali-daling binuhat ng mga kalalakihan si Nikolas patungo sa loob ng kweba, "Tawagin niyo si Mang Peng" utos ni Don Miguel na agad namang sinunod ng kaniyang mga tauhan.
Hindi naman mapigilan ni Sirene ang pagdaloy ng kaniyang luha, kahit anong pigil niya ay hindi niya ito mapigilan sa pagbagsak. Napasandal na lang siya sa sulok upang hindi mapansin ng ilang mga tauhan ni Don Miguel ang pagkislap ng kaniyang luha at ang pagkabuo ng Aquamarine mula roon.
"Ilang gabi na ring pabalik-balik ang lagnat ni Kolas" wika ni Batchoy habang pinapalitan nila ng tuyong damit pang-itaas si Nikolas. Nagpakulo na rin ng mga halamang gamot ang mga kababaihan at nagdala na rin ang ilan ng kanilang makakapal na kumot para kay Nikolas.
"Pasumpong-sumpong ang kaniyang sakit at tuwing gabi ay palagi siyang inaapoy ng lagnat" wika naman ni Dolores na ngayon ay nag-aalala na rin sa kalagayan ng binata. Napahinga naman ng malalim si Don Miguel, at bigla siyang napatigil nang makita si Carolina na nakasilip sa labas ng kweba habang umiiyak na pinagmamasdan ang pagkawala ng malay ng kaniyang kuya Nikolas.
Agad tumakbo si Carolina pabalik sa tinutulugan nito nang umiiyak, sinundan naman siya ni Don Miguel upang pagaanin ang loob ng bata. Naabutan ni Don Miguel na nagtatago sa pinakasulok ng kweba si Carolina habang umiiyak ito.
Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa bata at naupo sa isang malaking bato na pinagtataguan nito. "Parang kailan lang, ganiyan din si Graciela, palagi siyang nagtatago sa sulok kahit pa alam naman niyang makikita ko siya roon" panimula ni Don Miguel. Kilala si Don Miguel bilang isang matapang at pala-utos na Don ngunit kahit ganoon ay mahal na mahal niya ang kaniyang nag-iisang anak na si Graciela. Kahit pa alam niyang hindi ito kagandahan ay hindi niya pa rin ipagpapalit ang anak kahit kaninuman.
"Hindi ka iiwan ng kuya mo, kahit ganiyan 'yan si Kolas, kahit palagi siyang tumatakas, hinding-hindi niya iniiwan ang mga taong mahahalaga sa kaniya. Kahit nga ilang buwan ko siyang hindi nakita at pilit niya akong tinatakasan, tingnan mo bumalik naman siya" ngiti pa ni Don Miguel, dahan-dahan namang tumigil sa pag-iyak si Carolina at napatingin sa Don na dati niyang kinatatakutan.
"Kahit pa pasaway ang kuya mo, napamahal na rin sa'kin 'yan, parang anak ko na rin siya. Ang pagiging masiyahin at kakulitan niya ang naging dahilan kaya hindi siya mahirap mahalin" patuloy pa ni Don Miguel sabay ngiti kay Carolina na ngayon ay tumigil na sa pag-iyak at napangiti pabalik sa kaniya.
***
Mag-hahatinggabi na nang matapos suriin at gamutin ni Mang Peng si Nikolas. Si Mang Peng ay nasa edad walumpu pataas na, kulubot na ang balat nito at payat na payat. Maliit lang si Mang Peng at kayumanggi ang kaniyang balat. Kasama siya nila Don Miguel na nagtago sa kabundukan nang dumating ang mga Hapones.
Mailap si Mang Peng sa mga tao at hindi rin siya sumama sa salo-salo kanina kahit pa inayayahan siya ni Don Miguel kung kaya't hinatiran na lag din siya ng pagkain kanina. Bulag na ang kaliwang mata ni Mang Peng dahil sa Catarata at nanlalabo na rin ang isa niyang mata dahil sa katandaan ngunit siya pa rin ang pinakamagaling na manggagamot sa kanilang barrio.
Nang maitapal niya ang pinaka-huling halaman sa noo ni Nikolas ay nagsindi siya ng apoy mula sa isang bao na nilagyan niya ng kakaibang sangkap dahilan upang mabalot ng usok ang buong loob ng kweba. Tanging si Nikolas, Batchoy at Dolores lang ang nasa loob ng kwebang iyon dahil magsasagawa ng pagtatawas si Mang Peng kay Nikolas.
Isang magaling na manggagamot at albularyo si Mang Peng kung kaya't bihasa rin ito sa pagtatawas. Ang pagtatawas ay isinasagawa upang malaman kung anong engkanto ang dahilan ng pagkakasakit ng isang tao dahil naniniwala sila na ang pabalik-balik na karamdaman na hindi mabigyang paliwanag ay sanhi ng mga engkanto.
Napatakip na lang sa ilong si Dolores at Batchoy dahil sa mausok na paligid, lalo na ang matapang na amoy ng usok na nanunuot hanggang sa kanilang mga damit. Nanatili namang nakaupo si Sirene sa tabi ni Nikolas habang hawak ng mahigpit ang kamay ng binata na wala pa ring malay hanggang ngayon.
Hindi alintana ni Sirene ang makapal na usok at hindi niya inaalis ang kaniyang paningin kay Nikolas na ngayon ay inaapoy ng mataas na lagnat at hindi na makahinga ng maayos dahil sa paninikip ng dibdib. Tumayo si Mang Peng at ikinalat niya pa sa buong paligid ang usok, nilagyan niya rin ng pulang marka ang noo, palad, dibdib at talampakan ni Nikolas.
Nang matapos ang ritwal ay tinakpan na niya ang apoy dahilan upang mawala na ang usok sa loob ng kweba. Kinuha ni Mang Peng ang isang maliit na balde na naglalaman ng maligamgam na tubig, dinasalan niya pa ito bago niya pinatuluan ng kandila ang tubig.
Halos walang kurap na nakatingin si Sirene, Batchoy at Dolores sa pagbuo ng patak ng kandila sa tubig. Hindi naman nagtagal ay unti-unti nang nabuo ang hugis mula sa natunaw na wax ng kandila sa tubig. Gulat na napatitig si Mang Peng sa nabuong hugis at agad niyang hinawakan muli si Nikolas na mas lalong uminit ngayon.
"A-ano pong nakita niyo Mang Peng?" kinakabahang tanong ni Batchoy, napahinga naman ng malalim si Mang Peng at muli niyang sinuri ang dibdib ni Nikolas na namumula ngayon. "Hindi ito maaari" wika ni Mang Peng sabay kuha sa nabuong hugis mula sa pagtatawas.
Nanlaki ang mga mata ni Sirene nang makita ang hugis ng isang babae na kalahating tao at kalahating isda. Maging si Batchoy ay hindi makapaniwala sa nakita niya dahil hugis sirena ang naging resulta ng ritwal. Habang si Dolores naman ay nagtataka at hindi makapaniwala.
Mas lalo silang kinabahan dahil sa itsura ngayon ni Mang Peng na gulat na gulat at hindi na mapakali sa pagsuri sa namumulang dibdib ni Nikolas. Napahawak naman si Sirene sa kamay ni Nikolas ng mahigpit, ang bawat segundong lumilipas ay parang sinasakal siya sa katotohanang baka may kinalaman siya sa paghihirap ngayon ni Nikolas.
"Kung inyong mapapansin, ang hugis na lumabas mula sa isinagawa kong ritwal ay isang mahiwagang nilalang ng karagatan" panimula ni Mang Peng at ipinakita niya sa kanila ang hugis sirena na nabuo sa wax ng kandila.
Napatingin naman si Batchoy kay Sirene na ngayon ay nanginginig na sa takot. "Pagmasdan niyo rin ang dibdib ng binatang ito, namumula na nangingitim na, ito ang dahilan kung bakit nahihirapan siyang huminga at inaapoy siya ng lagnat" wika pa ni Mang Peng at bigla itong napailing sabay tingin kay Sirene na ikinagulat ng dalaga.
"Sabihin niyo sa akin ang totoo, anong nangyari sa binatang ito?" wika pa ni Mang Peng, napayuko naman si Sirene, maging si Batchoy ay hindi rin magawang makapagsalita.
"A-ano pong ibig niyong sabihin? Ano pong kinalaman ng sirena sa pagkakasakit ni Nikolas?" naguguluhang tanong ni Dolores, napahinga naman ng malalim si Mang Peng.
"Kung hindi ako nagkakamali ay umiibig ang binatang ito sa isang mahiwagang nilalang" tugon ni Mang Peng at muli niyang sinuri ang dibdib ni Nikolas na namumula at nangingitim na. Animo'y may makamandag na lason na unti-unting dumadaloy papunta sa puso nito.
"Ang pag-ibig na iyon ang siyang papatay sa kaniya" patuloy ni Mang Peng sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Sirene na ngayon ay hindi makapaniwala sa katotohanang siya ang maglalagay sa kapahamakan at kamatayan ng lalaking pinakamamahal niya.
*********************
Note: Pakinggan niyo ang sikat na folksong ng Visayas na "Dadansoy" sobrang gaan sa pakiramdam at tagos sa puso ng kahulugan ng awiting ito :)
"Dadansoy by Lolita Carbon (Asin)"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top