Sirene XIV


[Kabanata 14]


"Sino ba naman kasi ang nagsabi na naghahalikan ang mga langgam?" wika ni Nikolas sa sarili habang nakatingin sa grupo ng mga langgam na gumagapang sa batong inuupuan niya. May hawak siyang maliit na piraso ng sanga ng kahoy at iyon ay ginawa niyang tulay para makatawid ang mga langgam sa kabiilang bato.

"Paano kung magkagusto kayo sa reyna niyo? Maaari ba iyon?" tanong pa ni Nikolas sa mga langgam, kanina niya pa kinakausap ito. Mag-aalas tres na ng madaling araw at narito siya ngayon mag-isa sa gitnang bahagi ng bundok at may maliit na kweba roon.

Dito niya hihintayin si Sirene pagkatapos nang pakikipag-usap nito kay Kenzou sa lawa ng Laguna. Dala niya ngayon ang damit panlalaki na isusuot ni Sirene mamaya. "Haay, binabalaan ko na kayo, huwag na kayong magtangkang magkagusto sa reyna niyo dahil ang mga tulad nating mga dukha ay hindi nababagay sa kanila" pangaral ni Nikolas sa mga langgam at nahiga siya sa malaking bato.

Pinagmamasdan na niya ngayon ang perpektong kabilugan ng buwan. Batid niyang nagtagumpay sila sa plano dahil payapa pa rin at kapaligiran, walang kababalaghan na maaaring maidulot ng ina ni Sirene na reyna ng karagatan.


***

"Nagustuhan mo ba ang pagkain?" nakangiting tanong ni Kenzou kay Sirene habang magkatapat silang nakaupo sa isang pabilog na mesa na puno ng pagkain. Marunong naman magsalita ng wikang tagalog si Kenzou ngunit hindi masyado, mababakas din ang tono ng kaniyang pananalita. Sinikap ni Kenzou na makaintindi at matuto ng Filipino upang hindi na niya kailanganin pa si Mang Erning sa kaniyang tabi ngayon habang kasama niya si Sirene.

Malamig na rin ang gabi ngunit hindi nila alintana iyon dahil nasa loob naman sila ng isang kubo na ginawa ni Nikolas. Napatango lang si Sirene habang pilit na inuubos ang sopas na tanging pagkaing ginalaw niya. Karamihan sa mga pagkaing nakahanda sa mesa ay mga isda, lamang dagat at mga gulay.

"H-hindi ko pa pala nasasabi sayo ang buo kong pangalan, Kenzou Hayashida, tawagin... mo... na lang akong Kenzou" ngiti pa muli ni Kenzou, ang mga ngiting ito ng binata ay mas lalong nagpapaaliwalas sa perpekto niyang itsura.

"Sirene, ang pangalan ko naman ay Sirene" wika ni Sirene, binigkas naman ni Kenzou ng tatlong ulit ang pangalan ni Sirene sabay ngiti muli sa dalaga. Hindi niya akalain na makikita niya ang dalagang nakikita niya sa kaniyang panaginip noon. At ngayon ay hindi niya rin akalain na napakaganda ng dalagang iyon.

"Ikaw... ba... ay... may lahing... Amerikano?" tanong ni Kenzou, napatango na lang si Sirene, ayon din kasi sa bilin sa kaniya ni Nikolas kanina, ay kunwari ang tatay niya ay isang Amerikanong sundalo upang hindi magtaka si Kenzou sa kulay pilak niyang buhok.

"Sa... totoo lang... hindi ko rin... ginusto ang digmaang ito... ilang libong kalalakihan din sa amin ang narito ngayon... nawalay sa pamilya... para sa misyon na ito" paliwanag ni Kenzou, gusto mang sabihin ni Sirene na kahit magsalita ito sa kaniyang sariling wika ay maiintindihan pa rin ni Sirene dahil isa sa mga kakayahan ng mga sirena ay ang makaintindi at makapagsalita ng iba't-ibang wika ngunit siguradong magtataka si Kenzou kapag nalaman nitong nakakapagsalita rin siya ng Nihonggo.

"Ang Asya... ay para lamang sa Asya... Ang Pilipinas ay... bahagi ng Asya" patuloy pa ni Kenzou, napahinga naman ng malalim si Sirene. Batid niyang nalulungkot ngayon si Kenzou dahil nawalay siya sa pamilya niya at ngayon ay may mas mabigat pa itong tungkulin para sa kanilang sariling bansa.

"Ikaw... ano naman ang kwento ng... iyong buhay?" ngiti ni Kenzou sa kaniya, sandali namang napatulala si Sirene sa mesa bago siya muling tumingin kay Kenzou. Siya ngayon si Sirene, ang anak ng Amerikanong sundalo na amo nila Nikolas, Batchoy at Kamote. Matagal na niyang kilala ang magkakapatid na sila Nikolas kaya hindi ito nahirapan na isama siya para magkita sila ni Kenzou dahil nabanggit nga ni Kenzou na may babaeng kulay pilak ang buhok na madalas nitong napapanaginipan.

"W-wala namang bago sa kwento ng buhay ko. I-isa lang akong ordinaryong... tao na hindi alam kung anong mangyayari sa buhay ko" sagot ni Sirene, inilapag niya sandali ang kutsara at dahan-dahan siyang tumayo.

Agad namang napatayo si Kenzou at nagtataka itong nakatingin sa dalaga dahil akala niya ay aalis na ito. "S-sandali..." hindi na natapos ni Kenzou ang kaniyang sasabihin dahil dire-diretsong naglakad si Sirene papunta sa lawa habang nababalot pa rin siya ng itim na talukbong kaya hindi pa nakikita ni Kenzou ng buo ang mahaba niyang buhok na kulay pilak na abot hanggang lupa.

Dali-dali siyang sinundan ni Kenzou papalabas sa kubo at napatigil ito ilang hakbang mula sa lawa habang nakatitig pa rin kay Sirene na nakatalikod sa kaniya ngayon habang nakaharap sa lawa at pinagmamasdan ang pagkislap ng karagatan dahil sa repleksyon ng liwanag ng buwan.

Hindi naman malaman ni Sirene kung bakit parang hindi siya masaya. Kung bakit parang may kulang. Kung bakit parang dismayado siya sa mga nangyayari ngayon. Napahinga muna siya ng malalim bago niya dahan-dahang nilingon si Kenzou.

Sandali niyang pinagmasdan ang binata, mas matangkad ito kay Nikolas, di hamak na mas gwapo rin, mas matalino, mas pormal, disente, tahimik, magalang, hindi mukhang pera, hindi manggagantso, hindi pilyo at higit sa lahat hindi maingay ngunit pakiramdam niya ay hindi pa rin sapat ang lahat ng iyon.

"Kenzou... Naniniwala ka ba sa mga... sirena?" lakas loob na tanong ni Sirene, bigla namang napangiti si Kenzou at naglakad papalapit sa kaniya. "Mahilig... ka... ba... sa mga sirena?" panimula ni Kenzou habang nakangiti. Magkatabi na sila ngayong nakatayo sa tapat ng lawa.

"May kapatid akong babae... Shineya ang pangalan niya... mahilig din siya sa mga sirena... ngunit sabi ko sa kaniya... hindi na dapat siya maniwala sa mga ganoon dahil... magdadalaga na siya... labing-limang taong gulang na siya sa susunod na buwan" ngiti pa ni Kenzou habang nilalanghap ang sariwang hangin mula sa lawa.

Napayuko na lang si Sirene, at ibinaba na niya ang mga kamay niyang nakahawak sa talukbong na suot niya. Nais sana niyang maging totoo kay Kenzou at ipakita ang totoo niyang anyo ngunit nang dahil sa sagot ng binata ay pinanghinaan siya ng loob. "Magkakasundo... pala... kayo... ni Shineya" ngiti pa muli ni Kenzou. Sa pagkakataong iyon, hindi rin malaman ni Sirene kung saan niya hinuhugot ang kaniyang tipid na ngiti na hindi naman nanggagaling mula sa kaniyang puso.


***

Mag-aalas kuwatro na ng madaling araw nang marating ni Sirene at Kenzou ang paanan ng bundok kung saan sinabi ni Sirene na pansamantalang naroon ang pamilya nila. Hindi rin dapat makita si Kenzou ng sinuman na nakikipag-usap sa isang dalagang Pilipina dahil siguradong malalagay siya sa matinding pagtatanong ng ibang mga opisyal na maaaring magdulot ng kapahamakan sa kaniya at sa pamilya ni Sirene.

"Maraming Salamat Sirene... sana... magkita tayo muli" paalam ni Kenzou at agad siyang yumuko bilang senyales ng paggalang at pagpaalam kay Sirene. Napayuko naman si Sirene at ngumiti ng tipid sa kaniya. Ilang sandali pa ay tumalikod na si Kenzou at sumakay sa itim na kabayo nito.

Halos kalahating oras din ang tinahak ni Sirene paakyat sa bundok, mabuti naman na ngayon ang pakiramdam niya dahil nalagpasan na nila ang kabilugan ng buwan at naging matagumpay ang pagtatakip sa nawawalang perlas sa Kanluran kaya ngayon ay unti-unting bumabalik ang lakas niya.

Nang marating ni Sirene ang maliit na kweba ay naabutan niyang mahimbing na natutulog si Nikolas sa ibabaw ng malaking bato. Dahan-dahan niyang nilapitan ang binata at pinagmasdan ito habang natutulog. Medyo nakanganga pa si Nikolas at humihilik ng malakas kung kaya't napangiti at natawa na lang si Sirene sabay takip sa kaniyang bibig dahil sa itsura ngayon ni Nikolas.

Makalipas pa ang ilang oras, naalimpungatan si Nikolas dahil sa sinag ng araw na tumatama sa mukha niya. Bukod doon ay nagising din siya dahil sa amoy ng mabangong inihaw na karne na niluluto ngayon mula sa di-kalayuan. Agad napabangon si Nikolas nang mapagtanto niya na umaga na.

Para siyang tinamaan ng kidlat sa gulat dahil sa bilis niyang pagbangon mula sa pagkakahiga. Nakita niya agad si Sirene na nag-iihaw ng karne. Agad siyang napatayo at tumakbo papalapit sa dalaga. "Kamahalan!" sigaw niya sabay hawak sa braso ni Sirene, pinagmasdan niyang mabuti ang dalaga "Magaling ka na Kamahalan!" natutuwang wika ni Nikolas, napangiti naman si Sirene dahil kahit may muta at panis na laway pa si Nikolas ay mas inuna nitong kamustahin ang kalagayan niya.

"M-maraming Salamat nga pala sa tulong mo" biglang wika ni Sirene, agad namang napaiwas ng tingin si Nikolas at naupo sa kabilang bahagi ng bato. "Wala iyon kamahalan! Sinabi ko naman sayo na gagawin ko... namin ni Batchoy ang lahat para tulungan ka" saad ni Nikolas at bigla siyang nagulat at napalingon sa bayong na dala niya na inunanan niya kagabi.

Nakapatong pa ang bayong na iyon sa malaking batong hinigaan niya "Kamahalan! Magpalit ka na ng damit, kailangan na nating bumalik sa kampo nila Kenzou, siguradong hinahanap na nila tayo, mapapahamak si Batchoy" wika ni Nikolas sabay takbo papunta roon sa batong hinigaan niya, kinuha niya ang bayong na naglalaman ng damit panlalaki na isusuot ni Sirene saka siya dali-daling bumalik sa kinauupuan ng dalaga.

"Mamaya na lang, sabihin na lang natin na namitas tayo ng kamote sa kagubatan" wika ni Sirene sabay balik sa iniiihaw niya. Bigla namang napakunot ang noo ni Nikolas sabay lakad papalapit kay Sirene habang nakapamewang pa.

"Kailan pa natuto ang kamahalan magsinunggaling ng ganiyan?" hirit ni Nikolas na parang si inang Diday. Bigla namang natawa si Sirene ng palihim ngunit nang humarap siya kay Nikolas ay kunwaring seryoso ang mukha niya. "Kung gusto mo mauna bumalik doon, mauna ka na, dito lang muna ako at kakain ako ng masarap" buwelta naman ni Sirene, napabuntong hininga na lang si Nikolas sabay lapag ng bayong sa tabi ng isang puno. Hindi naman masabi ni Sirene na hindi niya ginising si Nikolas kanina nang dumating siya dahil ayaw niyang istorbohin ang pagtulog nito lalo na dahil inuunanan nito ang bayong kung saan nakalagay ang damit na pamalit niya.

"Sa tingin ko ay bumabalik na ang kalakasan mo dahil masungit ka na ulit" wika ni Nikolas sabay tawa sa sarili. Kahit ano pang ugali ni Sirene ay hindi naman iyon nakakaapekto sa kaniya. "Hindi naman patas kung sosolohin mo lang ang masarap na pagkaing ito" hirit pa ni Nikolas sabay kuha ng isang lutong inihaw na karne na nasa apoy.

Pinagmasdan naman siya ni Sirene lalo na ang magiging reaksyon niya sa oras na matikman na niya ang kauna-unahang luto ng dalaga. Dahan-dahang kinagat ni Nikolas ang karne dahil mainit pa ito, ilang sanadli pa ay napangiti siya at napatango-tango dahil sa sarap ng luto ni Sirene.

"May talento ka pala sa pagluluto, siguradong itatakwil na ni Batchoy ang kamote sa oras na matikman niya ang napakasarap na luto mong ito kamahalan" ngiti pa ni Nikolas, hindi naman mapigilan ni Sirene na mapangiti na halos ikapunit na ng kaniyang labi dahil sa saya na nagustuhan ni Nikolas ang pagkaing inihanda niya para sa binata.

Ilang minuto pa ang lumipas at sarap na sarap si Nikolas sa inihaw na karne, nakaubos agad siya ng tatlong piraso. "K-kumain ka na rin kamahalan" aya pa ni Nikolas kay Sirene na nanatiling nakatitig lang sa kaniya habang kumakain siya kung kaya't nakaramdam siya ng pagka-ilang.

"Hindi ko naman kailangang kumain" sagot ni Sirene, kahit papaano ay mas panatag naman ngayon ang kalooban ni Nikolas dahil alam niyang lumalakas na ulit ang mahiwagang sirena.

"Siya nga pala, anong karne ito ng hayop? Hindi ito lasang baboy o manok ngunit mas masarap pa" nagtatakang tanong ni Nikolas habang nilalantakan ang pang-apat na inihaw na karne. Napangiti naman si Sirene sabay kuha ng dalawang hilaw na karne na isasalang pa lang niya sa apoy. Hindi ito nakita ni Nikolas kanina dahil nasa ilalim ito ng isang malaking dahon.

"Hindi naman ako nahirapang hulihin sila kahit matutulin ang takbo nila dahil marami naman sila" nakangiting wika ni Sirene habang winawagayway sa ere ang dalawang hilaw na dagang bukid na iluluto na niya. Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Nikolas at pinandilatan niya ng mata ang halos buto-buto ng karne ng dagang bukid na naubos na niya kanina.

Nabitiwan na niya ang kinakain niyang inihaw na karne saka dali-daling tumakbo papunta sa pinakamalapit na sapa. Hindi naman siya nabigo dahil may natanaw na agad siyang sapa mula sa di-kalayuan. Pagdating niya roon ay agad niyang isinuka ang lahat ng kinain niya na halos ikaluwa na rin ng kaniyang bituka.


***

Mag-aalas otso na ng umaga nang marating nila ang kampo nila Kenzou, ilang minuto na rin sila nakasilip sa labas ng bakod upang tyempuhan ang pagpasok nila sa loob nang hindi sila nakikita ng ibang bantay. Mabuti na lang dahil nag-aabang na si Batchoy sa kabilang bahagi ng bakod kung kaya't payukong naglakad doon sila Nikolas at Sirene.

"Jusmiyo! Anong oras na? bakit ngayon lang kayo dumating? Siguradong iihawin ako ng buhay ng mga ito kapag nalaman nilang nawawala kayo" inis na wika ni Batchoy, halos maduwal naman si Nikolas nang marinig niya ang salitang 'Iihawin' lalo na't sariwa pa lahat sa alaala niya ang lasa at itsura ng mga dagang bukid na inihaw ni Sirene kanina.

"Heto, dalhin niyo ang mga gulay na ito upang akalain nilang namitas lang kayo ng mga gulay sa gubat" wika pa ni Batchoy sabay abot ng mga kalabasa at ampalaya kay Sirene at Nikolas. Dali-dali naman nilang binitbit iyon at hindi naman nagtaka ang mga bantay dahil mukha namang namitas lang ng mga gulay si Nikolas at Sirene. Nakabihis panlalaki na ulit si Sirene at kinakailangan nilang yumuko sa harapan ng mga sundalo bilang panggalang.

Pagdating nila sa loob ng mansyon ay dire-diretso silang nagtungo sa kusina. Si Batchoy ang naatasan na mangasiwa sa pagluluto. Masaya naman na siya dahil tumaas na ang kaniyang posisyon at hindi na siya tagahugas ng pinggan.

Napatigil sila nang maabutang pababa ng hagdan si Kenzou na bihis na bihis ngayon suot ang kaniyang malinis na uniporme. Agad silang napayuko nang mapadaan sa kanila ang binata ngunit napatigil ito saka napalingon sa kanilang tatlo.

"Nikolas... ikaw ang bahala... sa mga makina... ng sasakyan" panimula ni Kenzou, napayuko naman muli si Nikolas saka nagpasalamat. Marunog naman siya mag-ayos ng makina ng sasakyan lalo na dahil palaging nasisira noon ang sasakyan ni Don Miguel.

"At dahil... ikaw naman... ang bunso..." wika ni Kenzou sabay turo kay Sirene na nakadamit panlalaki ngayon at sa pag-aakala niyang bunsong kapatid nila Nikolas at Batchoy na si Kamote. "Ipagtimpla... mo... na lang ako... ng kape" saad niya, napayuko na lang si Sirene.

Ngumiti at tumango naman sa kanila si Kenzou bago ito naglakad papalabas sa mansyon upang salubungin ang pagdating ng mga bagong nahakot na pagkain ng mga tauhan niyang sundalo na nakuha ng mga ito sa mga taong-bayan na kusa na ring nagbigay ng kanilang mga gulay at prutas sa paniniguradong hindi sila sasaktan ng mga dayuhan.

May mga bagong babae muli ang nakuha na ngayon ay hinihila paakyat sa isang malaking silid sa ikalawang-palapag ng bahay kung saan doon tinitipon ang mga babaeng magsisilbing comfort women. "Lumayo kayo sa akin! Huwag! Mga h*yop!" sigaw ng isang dalaga na pilit kumakapit sa pintuan kung kaya't agad hinawakan ng isa pang sundalo ang kaniyang paa.

Nabalot muli ng malalakas na sigawan at iyakan ang buong mansyon. Ang ilan sa mga naunang kababaihang nadala noong isang araw ay hinang-hina at hindi na makagalaw ngayon. Wala na silang lakas at tumatangis na lang habang nakahiga sa kani-kanilang mga higaan sa itaas.

Ilang sandali pa ay hindi na maatim ni Sirene ang pagkaladkad sa mga kababaihan kaya dali-dali siyang naglakad papalapit sa isang sundalo at balak niyang hawakan ang kamay nito para baliin ang buto ngunit agad siyang hinila ni Nikolas upang pigilan siya.

"Hindi mo maaaring ipamalas sa kanila ang iyong lakas, ilang linggo pa ang lilipas at sasapit na muli ang ikalawang kabilugan ng buwan kung kaya't hindi tayo makasisiguro na hindi ka manghihina habang papalapit ang gabing iyon, kamahalan" pagpigil ni Nikolas, kitang-kita niya ngayon ang galit sa mga mata ni Sirene dahil sa kalunos-lunos na pangyayari na sinasapit ngayon ng mga kababaihan.

Hinawakan niya ang magkabilang balikat ni Sirene saka hinila pabalik sa kusina. Tulala at nalulungkot din si Batchoy dahil sa mga pangyayari. "Ako na ang bahala" wika ni Nikolas, lumabas na siya sa kusina at naglakad patungo sa labas kung nasaan nakatayo ngayon si Kenzou habang kausap ang mga tauhan niya na isa-isang nagbaba ng mga sako ng bigas habang ang iba naman ay nangangaladkad ng mga babaeng nakuha nila.

"Kapitan Kenzou" panimula ni Nikolas, napatigil naman si Kenzou saka napalingon sa kaniya. "Nais ko po sana kayong makausap" patuloy pa nito, tumango naman si Kenzou, kakatapos lang din niya suriin ang mga pagkaing nadala ng kaniyang mga tauhan.

"Sumunod... ka sa akin" wika ni Kenzou bago ito pumasok muli sa mansyon at umakyat sa ikalawang palapag. Agad namang sumunod sa kaniya si Nikolas, nang marating nila ang ikalawang palapag ay nanlaki ang mga mata ni Nikolas dahil nagkalat ang mga gamit sa paligid doon. May mga puting tela ang sinabit sa bawat pagitan ng higaan kung saan naroon ang mga babaeng nagmamakaawa.

Napatigil ang mga sundalo nang dumaan si Kenzou at nagbigay galang sila. Dire-diretsong naglakad si Kenzou papasok sa isang malaking kwarto kung nasaan siya namamalagi. Pagpasok nila doon ay agad sinara ni Kenzou ang pinto upang kahit papaano ay mabawasan ang ingay mula sa labas.

"Gomen'nasai" (I'm sorry) panimula ni Kenzou sabay salin ng wine sa isang baso at ininom niya ito ng isang lagukan. Nanatili namang nakatayo si Nikolas sa tapat ng pintuan, malinis ang silid ni tinutuluyan ni Kenzou, maayos lahat ang mga kagamitan sa loob at nakasabit sa kaliwang dingding ang kanilang bandila.

"Patawad... kung anuman... ang nais mong... sabihin... ang masasabi ko lang... ay patawad" wika ni Kenzou at naglakad ito papunta sa tapat ng bintana na gawa sa capiz. Napahinga naman ng malalim si Nikolas bago nagsalita "Kung maaari po sana ay ipatigil niyo na ang gawaing ito lalo na sa mga kababaihan" pakiusap ni Nikolas.

Sandali namang hindi nakaimik si Kenzou habang nakatalikod pa rin sa kaniya at nakatanaw sa bintana. Maaliwalas na ang kalangitan ngayon ngunit walang kahangin-hangin. "Isang pribileheyo... sa mga sundalo... ang bagay na ito... hindi ko maaaaring... patagilin ang pribileheyong ito" wika ni Kenzou, napahinga naman ng malalim si Nikolas. Bagama't si Kenzou ay isang mataas na opisyal, may mga kautusan din itong sinusunod mula sa mas matataas na opisyal.

"Ngunit... pinalaya ko na... ang babaeng kaibigan niyo" saad pa ni Kenzou, biglang nanlaki ang mga mata ni Nikolas at naaptingin sa kaniya. Naalala niya bigla si Dolores na nakasalubong nila sa palayan noong isang araw at ulila na itong lubos.

Sinabi ni Kenzou na inutusan niya si Mang Erning na pakawalan si Dolores at palabasin na may sakit upang hindi ito mapabilang sa mga comfort women. Palihim na dinala ni Mang Erning si Dolores sa isa pang bodega na nasa ilalim ng mansyon kung saan doon naman iniimbak ang mga lumang kagamitan ng dating may-ari ng bahay na iyon.

Binigyan na rin ni Kenzou ng pahintulot si Nikolas na itakas si Dolores at dalhin sa mas ligtas na lugar. Mamayang hatinggabi ay hindi muna uutusan ni Kenzou ang kaniyang mga tauhan na magbantay sa gabi ng isang oras upang maitakas ni Nikolas si Dolores at makabalik din siyang ligtas.


***

Kinagabihan, tahimik na ang buong paligid. Dahan-dahang umakyat si Nikolas papunta sa silid ni Kenzou upang isakatuparan na ang plano. Nais niyang tulungan si Dolores dahil iyon na lang ang tanging magagawa niya para sa dalaga na nasakishan nila kung paano tugisin at mamatayan ng ina.

Tulog na rin ang mga sundalo katabi ang mga babaeng tumatangis ng mahina. Hindi nila napansin ang pagdaan ni Nikolas dahil may mga puting kumot at tela na nakabalot sa bawat higaan upang magsilbing pader ng mga comfort women.

May isang lampara lang ang nagbibigay liwanag sa ikalawang palapag ng mansyon. Nakapatong ang lampara sa isang maliit na mesa na malapit sa pintuan ng silid ni Kenzou. Napatigil si Nikolas sa tapat ng pintuan ni Kenzou nang mapansin niyang medyo nakabukas ito dahil nakauwang ng kaunti ang pinto.

Kakatok na sana siya ngunit nagulat siya nang makitang naroon si Sirene nakatayo sa loob ng silid ni Kenzou habang hawak nito ang isang tasa ng mainit na kape. Nakaupo naman si Kenzou sa tapat ng isang maliit na mesa kung saan maraming mga liham, papeles at libro ang binabasa niya. May isang lampara rin sa tabi ng mesa niya kung kaya't maliwanag din ang buong silid.

Nakita ni Nikolas na dahan-dahang naglakad si Sirene papalapit kay Kenzou, yumuko muna ito bago niya inabot ang tasa ng kape na dala niya. Napatango naman si Kenzou sa kaniya sabay inom ng kape. "Nasaan... ang mga... magulang niyo?" biglang tanong ni Kenzou dahilan para mapatigil si Sirene at mapalingon sa binata.

Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o malulungkot dahil ngayon ay napagtanto na niya na hindi nga siya nakilala ni Kenzou. Na hindi siya nito nakilala bilang si Sirene dahil nakabihis siya ng panlalaki ngayon. Na hindi nararamdaman ni Kenzou na ang babaeng kausap niya noong nakaraang gabi ay nasa harapan lang niya ngayon.

"W-wala na po sila" saad ni Sirene, napatigil naman si Kenzou sa pagbabasa ng isang liham at napatingin sa kaniya. Sandali itong hindi nakapagsalita, ilang sandali pa ay may kinuha itong isang litrato na nakaipit sa isang makapal na libro. Tumayo siya at naglakad papalapit kay Sirene na sa pag-aakala niya ay ang kapatid na lalaki nila Nikolas at Batchoy.

"Sila... ang... pamilya ko" panimula ni Kenzou sabay suksok ng dalawa niyang kamay sa kaniyang magkabilang bulsa nang kunin ni Sirene ang litratong inaabot niya.

Napatulala sa Sirene sa black'n white na litratong iyon na kuha mula sa loob ng isang bahay. Nakaupo sa malinis na sahig na gawa sa kahoy ang isang matandang lalaki at matandang babae. Nasa likod naman nila ang isang binatilyo pa noon na si Kenzou suot at ang isang batang babae na nasa limang taong gulang lang na si Shineya.

"Mahina at matanda... na ang aking... mga magulang" patuloy ni Kenzou, bigla namang nakaramdam ng kalungkutan si Sirene dahil kahit kailan ay hindi siya nakaranas na magkaroon ng pamilya. "Ginagawa ko... ang lahat ng ito... para sa kanila" dagdag pa ni Kenzou sabay hinga ng malalim.

"Kahit papaano ay... naiinggit ako sa inyo... dahil magkakasama pa rin... kayong magkakapatid" wika pa ni Kenzou sabay ngiti ng marahan kay Sirene. Napatingala naman si Sirene kay Kenzou, kahit pilitin man niyang ngumiti hindi niya pa rin maitatago ang katotohanang hindi siya nakikilala ni Kenzou.


***

Kinabukasan, maagang bumangon si Sirene kahit pa hindi naman siya natulog buong gabi dahil hindi naman niya iyon kailangan. Hindi rin siya mapakali kagabi dahil hindi umuwi si Nikolas buong gabi. Alas-singko na nang umaga ngunit wala pa rin si Nikolas kung kaya't mas lalong nababahala si Sirene.

Paglabas niya sa bodegang tinutulugan nila ay naabutan niyang naroon si Batchoy habang abala sa pagluluto kasama ang dalawa pang kalalakihan na kasama nito sa pagluluto. "Magandang umaga kamahalan!" bati ni Batchoy ngunit tuloy-tuloy lang si Sirene na lumabas sa likuran na pintuan upang hanapin si Nikolas.

Pagdating sa labas ay naabutan niyang nakapila ng maayos ang mga sundalo habang nakatayo si Kenzou sa harapan nila. Dahan-dahan siyang naglakad sa gilid hanggang sa marating niya ang likod kung saan naroon ang mga sasakyan na inaayos ni Nikolas.

Nagbabakasakali siya na naroon si Nikolas kung kaya't dire-diretso siyang pumasok sa loob ng isang pader na kahoy at nasa kabila niyon ang dalawang sasakyan na ginagamit ng mga Hapones. Biglang napatigil si Sirene, napalunok sa kaba at tila nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan nang maabutan niyang naroon nga si Nikolas habang wala itong damit pang-itaas.

Kitang-kita niya ngayon ang magandang hubog ng katawan ng binata habang abala ito sa pag-aayos ng makina ng sasakyan. Hindi akalain ni Sirene na ang ganda pala ng katawan ni Nikolas lalo na dahil basa pa ang buhok nito sa pawis na mas lalong nakadaragdag sa kagwapuhan nito. Maging ang buhok nitong basa-basa na tumatama sa makapal nitong kilay.

Dahan-dahang napaatras si Sirene at nagtago muli sa likod ng kahoy na pader habang nakasilip pa rin kay Nikolas. Napahawak siya ngayon sa tapat ng puso niya na halos sumabog na sa lakas ng pagkabog nito. Dali-dali siyang tumakbo pabalik sa bodega, lumundag sa banig na hinihigaan niya saka pinakalma ang puso niyang nagwawala.


***

Nang sumapit ang tanghalian, nagtataka si Sirene dahil hindi nila kasama ngayon sa hapag si Nikolas, wala na naman ito. Napatitig siya sandali kay Batchoy na sarap na sarap sa pagkain ngayon ng niluto nilang adobong kangkong. "Batchoy, nasaan si Kolas?" nag-aalinlangang tanong ni Sirene, ilang minuto niya ring pinag-isipan kung itatanong niya ba iyon dahil baka kung anong isipin ni Nikolas sa kaniya.

Agad namang hinigop ni Batchoy ang sabaw ng adobo sabay tingin kay Sirene "Hindi ko alam, hindi naman siya nagsasabi kung saan siya pupunta, pakiramdam ko nga ay may kinakatagpo siyang babae" sagot ni Batchoy habang puno pa ng pagkain ang bibig nito. Bigla namang nakaramdam ng pag-init ng dugo si Sirene lalo na nang marinig niya ang salitang 'Ibang babae'

"Paano mo naman nasabi na may babae si Kolas?!" biglang sigaw ni Sirene dahilan para mapatigil sa pagkain si Batchoy at mabilaukan. Napatigil din sa paghhuhugas ng plato sa labas ang dalawang binatilyong kasama ni Batchoy sa pagluluto at napasilip sa loob dahil sa nakakasindak na pagsigaw ni Sirene.

Mabuti na lang dahil abala ang mga sundalo sa itaas at ang iba ay nasa misyon kung kaya't wala nang nag-aksaya pa ng oras para alamin kung bakit may sumigaw sa bandang kusina. "K-kasi... parang nakita ko siya noong isang gabi na may kasamang babae, papunta sila sa kagubatan" kinakabahang sagot ni Batchoy na ngayon ay biglang naihi sa kaba at gulat dahil kay Sirene.


***

Kinagabihan, alas-otso nan ang gabi nang dumating si Nikolas at may bitbit itong sako-sako ng mga kamote. Dire-diretso lang siyang dumaan sa likod na pader at pumasok sa pintuan sa likod ng kusina. Mabuti na lang dahil may isang lampara sa gitna ng mesa kung kaya't maliwanag na ang buong loob ng kusina.

Dahan-dahan niyang inilapag ang dalawang sako ng kamote na dala niya sa isang gilid at nag-unat ng likod. Hindi niya namalayan na nakatayo si Sirene sa isang sulok na malapit sa mesa at nakatingin ngayon sa kaniya na parang multo.

Dire-diretsong naglakad si Nikolas papunta sa lagayan ng pinakuluang tubig at uminom ng isang basong tubig ngunit bigla siyang nabilaukan nang makita si Sirene sa isang sulok, nakatayo lang ito habang nakatitig ng matalim sa kaniya.

"M-muntik na akong atakihin sa puso!" reklamo niya kay Sirene dahil sadyang nakakatakot nga ang itsura nito at ang pagtitig nito ng matalim habang hindi gumagalaw na nakatayo sa isang madilim na sulok. Agad hinimas-himas ni Nikolas ang lalamunan at dibdib niya dahil ayaw pa rin mawala ng kaniyang pagkasamid.

Naupo na lang siya sa isang upuan sa tapat ng hapag. Sakto namang dumating si Batchoy "Oh, Kolas! Kumain ka na, hindi pa kami kumakain dahil hinihintay ka namin" saad ni Batchoy sabay kuha ng palayok na nakasalang sa pugon.

Inayos na rin niya ang hapag saka inilapag ang ulam nilang ginisang upo at kanin. "Puring-puri ako ni Kenzou sa sarap ng mga putaheng hinahanda ko para sa kanila" pagmamalaki pa ni Batchoy at nagsimula na siyang kumain. Dahan-dahan namang naglakad si Sirene papalapit sa kanila at umupo na siya sa tabi ni Nikolas.

"Puring-puri naman nila ako sa galing ko raw sa pag-aayos ng kanilang mga sasakyan" pagmamalaki ni Nikolas, napangiti naman si Sirene habang hinihintay na tumingin sa kaniya si Nikolas ngunit hindi siya tinitingnan nito. Abala lang ito sa pagkain at parang si Batchoy lang ang kausap nito.

Tumayo na si Sirene saka kumuha ng dalawang baso ng tubig saka inilapag sa tapat ni Nikolas at Batchoy. "Maraming Salamat kamahalan!" masayang wika ni Batchoy at tumalsik pa ang tatlong kanin sa bibig nito.

Napatango naman si Sirene at ngumiti ng marahan sabay tingin kay Nikolas, ngunit nagpatuloy lang sa pagkain si Nikolas na parang hindi siya nakikita. Napaupo na lang siya at napasimangot dahil hindi man lang nagpasalamat sa kaniya si Nikolas na dati naman nitong ginagawa.


***

Kinabukasan, maaga pa lang ay naabutan ni Sirene na sumasalok ng tubig si Nikolas mula sa balon. Agad niyang nilapitan ang binata "K-kolas, saan ka galing kahapon?" tanong niya, ngunit nagulat siya kasi nagpatuloy lang sa paglalakad si Nikolas habang buhat-buhat ang dalawang malaking balde ng tubig dahilan upang makita niya ang makising na braso nito.

"W-wala... basta" tipid na sagot ni Nikolas nang hindi man lang lumilingon sa kaniya. Naiwan na lang siyang tulala sa labas habang hindi siya mapakali dahil hindi na siya pinapansin ni Nikolas.

Bago sumapit ang tanghalian, matiyagang nagpupunas ng hagdan si Sirene nang mapatigil siya nang dumaan si Kenzou habang nakasunod sa likuran nito si Nikolas. Umasa siyang lilingunin siya ni Nikolas, ngingitian, babatiin at kukulitin nito na dati naman nitong gawain ngunit nagkamali siya dahil hindi siya pinansin ni Nikolas na para bang hindi nito napansin ang presensiya niya.

Halos buong araw palihim na sinusundan at pinagmamasdan ni Sirene si Nikolas magmula sa pag-aayos nito sa mga sasakyan, sa pagsalok ng tubig mula sa balon, sa pagsisibak ng kahoy panggatong, sa pagbubuhat ng mga sako ng bigas at sa paglilipat ng mga bariles ng alak mula sa bodega patungo sa labas ng mansyon para sa darating na selebrasyon.

Lumipas ang buong araw at mula kahapon ay hindi iniimik o pinapansin ni Nikolas si Sirene kung kaya't hindi na mapalagay ang dalaga bagay na mas lalong kinaiinisan niya dahil wala naman dapat siyang pakialam kung pansinin siya ni Nikolas o hindi. Ngunit hindi niya maitanggi sa sarili niya na nasanay na siya kay Nikolas at ang hindi nito pagpansin sa kaniya ang mas lalong nagpapagulo sa isipan niya.

Kinagabihan, alas-diyes na nang gabi ngunit wala pa rin si Nikolas. Natapos na silang mag-hapunan ni Batchoy kasama ang dalawang binatilyo ngunit hindi pa rin umuuwi si Nikolas. At dahil hindi na mapalagay si Sirene dali-dali na siyang nagtungo sa kweba sabay kuha sa itim na talukbong niya at isinuot iyon.

Naabutan naman niyang mahimbing nang natutulog si Batchoy dahil sa matinding pagod sa pagluluto buong araw. Kinuha na rin ni Sirene ang isang maliit na balisong na pagmamay-ari ni Batchoy saka buong tapang na tinahak ang madilim at mapanganib na kagubatan.

Diretso lang ang tingin ni Sirene habang naglalakad sa gitna ng kagubatan at dahil unti-unti nang nanumbalik ang kalakasan at kapangyarihan niya ay malinaw niyang nakikita ang paligid kahit madilim ang gabi. Wala rin siyang takot kung may makasalubong siyang mga sundalo, tulisan o mabangis na hayop dahil kayang-kaya niyang gilitan ang mga leeg nito sa isang tusok lang ng kaniyang mahabang kuko.

Hindi nagtagal ay narating na ni Sirene ang paanan ng bundok kung saan malakas ang hinala niya na naroon si Nikolas dahil ito lang naman ang natatanging lugar na alam niyang binabalik-balikan ni Nikolas. Ilang minuto lang ang lumipas ay agad narating ni Sirene ang kweba, malayo pa lang ay naaninag na niya ang liwanag ng apoy mula sa loob ng kwebang iyon.

"Humihingi rin ng paumanhin si Kenzou sa nangyari sa iyo at sa iyong ina, nais ka rin niyang tulungan na makalikas sa mas ligtas na lugar sa oras na bumuti na ang iyong pakiramdam" wika ni Nikolas habang ginagamot ang sugat ni Dolores sa kaliwang braso mula sa pagkakapaso. Pinaso siya ng isang sundalo gamit ang apoy mula sa sigarilyo.

Maganda si Dolores, maliit at bilugan ang kaniyang mukha, mapupungay ang kaniyang mga mata, maliit at matangos ang kaniyang ilong, at makinis ang balat ng dalaga. Nasa edad dalawampu't-isa na si Dolores at maganda rin ang hubog ng katawan nito.

Bago pa man mahiling ni Nikolas ang Kalayaan para kay Dolores ay nagalaw na ito ng isang sundalo na naunang kumaladkad sa kaniya nang marating nila ang kampo noong isang araw. Ito rin ang pumaso at bumugbog sa kaniya kung kaya't hinang-hina siya ngayon.

Nakasuot ng damit panlalaki si Dolores upang mailayo ang kaniyang sarili sa kapahamakan. Ngunit nakalugay ngayon ang mahaba niyang buhok habang ginagamot ni Nikolas ang kaniyang mga sugat. Napatitig na lang si Dolores kay Nikolas na ang lapit sa kaniya ngayon, muli niyang naalala ang matapang na pagsagip sa kaniya ng binata...


Kagabi, nang sumapit ang hatinggabi ay biglang pumasok si Nikolas sa bodegang pinatataguan niya. Binuhat siya nito dahil hindi na niya kayang lumakad, nanghihina at inaapoy siya ng lagnat. Idagdag pa ang makirot na paso na tinamo niya sa kaniyang balikat.

Binuhat siya ni Nikolas hanggang sa makarating sila sa kwebang pinagtataguan niya ngayon. Si Nikolas din ang nagbantay sa kaniya buong gabi at ito rin ang nagdala sa kaniya ng pagkain at mga bagong damit. Malaki ang utang na loob niya sa binata dahil sa kabutihan nito at bukod doon ay hindi niya maitatanggi na nagtataglay ng kakaibang kagwapuhan si Nikolas.


"Maraming Salamat..." panimula ni Dolores, napangiti na lang siya nang bigla niyang maalala na hindi niya pa alam ang pangalan ng binatang tumulong sa kaniya.

"Nikolas... tawagin mo na lang akong Kolas" pakilala ng binata, habang ginagamot pa rin ang sugat niya. "P-paano mo pala nalaman ang aking pangalan?" tanong ni Dolores at bigla siyang napaiwas nang mapatingin sa kaniya si Nikolas.

"Narinig kong tinawag kang Dolores ng iyong ina... paumanhin" biglang wika ni Nikolas nang maalala niyang hindi niya dapat banggitin ang in ani Dolores dahil mas lalo itong makakadadagdag sa kalungkutan ng dalaga.

Napayuko na lang si Dolores, masakit pa rin hanggang ngayon para sa kaniya ang pagkawala ng kaniyang ina. Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit nagulat sila nang biglang may anino na nakatayo ngayon sa harapan nila.

"S-sirene?" gulat a wika ni Nikolas at bigla siyang natumba mula sa maayos na pagkakaupo. Nagtataka namang napatingin si Dolores sa babaeng nakatayo ngayon sa tapat nila habang nakasuot ito ng talukbong na kulay itim, kasabay niyon ang pagliyab ng siga ng apoy na nasa pagitan nila kung kaya't kitang-kita nila ngayon ang matalim na tingin ni Sirene habang nakatingin sa kanilang dalawa.

"P-paano ka nakarating dit---" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil biglang naglakad si Sirene papalapit kay Dolores. "Sandali! kamahalan!" awat ni Nikolas dahil biglang hinila ni Sirene ang braso ni Dolores at hinawakan ang balikat nito.

Sisigaw na sana sa sakit si Dolores ngunit bigla niyang naramdaman ang kakaibang lamig na dumaloy mula sa kamay ni Sirene na tumuloy sa kaniyang buong katawan at nagpaginhawa sa kaniyang sakit na nararamdaman. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang unti-unting gumaling ang paso sa kaniyang balikat at hindi man lang ito nagkaroon ng peklat.

Halos lumuwa ang mga mat ani Dolores dahil sa kababalghang pangyayaring iyon. "A-anong klaseng n-nilalang ka?" hindi siya makapaniwalang nakatitig ngayon ng diretso sa mga mata ni Sirene. Agad hinawakan ni Sirene ang noo ni Dolores at makalipas lamang ang ilang segundo ay biglang nawalan ng malay ang dalaga at bumagsak ito sa lupa, mabuti na lamang dahil naalalayan agad ni Nikolas si Dolores kung kaya't hindi tumama ang ulo nito sa matigas na bato-bato sa loob ng kweba.

"Sirene!" habol ni Nikolas kay Sirene na ngayon ay mabilis na naglakad papalabas sa kweba. Napapikit pa si Nikolas nang makalabas siya sa kweba dahil sa lakas ng hangin na sumalubong sa kaniya habang si Sirene naman ay dire-diretso lang na naglalakad sa gitna ng kagubatan pauwi.

"Sandali lang! Sirene!" habol pa ni Nikolas sabay takbo upang maabutan ang dalaga. Sa lakas ng hangin ay naglalaglagan ang mga sanga ng puno at mga dahon mula sa mga punong sinasayaw ng malakas na hangin ngayon mula sa emosyon na nararamdaman ng mahiwagang sirena.

"Sirene!" habol pa ni Nikolas at nang makalapit siya sa dakaga at mahawakan ang kamay nito ay biglang lumingon sa kaniya si Sirene. Sa pagkakataong iyon ay nakita niya ang namumuong luha mula sa mga mata ng mahiwagang sirena sa kauna-unahang pagkakataon.

"B-bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Nikolas sabay hakbang papalapit kay Sirene ngunit napaatras ang dalaga at bumitaw mula sa pagkakahawak niya. "Naiinis ako sayo! Nagagalit ako! Naguguluhan! Nalilito! Bakit hindi mo ako iniimik nitong mga nakaraang araw?!" sigaw ni Sirene dahilan upang mas lalong lumalakas ang hangin.

Hindi naman malaman ni Nikolas ang gagawin niya, napayuko na lang siya saka napahinga ng malalim "Hindi ba't naiinis ka sa presensiya ko? batid kong mas masaya ka kapag kasama mo si Kenzou kung kaya't hindi ko na kayo dapat guluhin pa" saad ni Nikolas, naalala niya bigla ang panyayari noong isang gabi kung saan nakita niyang dinalhan ng kape ni Sirene si Kenzou at nag-usap ang dalawa sa silid nito.

Mula nang masaksihan niya ang pangyayaring iyon ay kusa na siyang lumayo sa dalaga upang pigilan din ang kakaibang nararamdaman niya para kay Sirene. Hindi naman nakapagsalita si Sirene, at napayuko na lang siya ilang sandali pa ay nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang pagpatak ng luha mula sa kaliwang mata ni Sirene at nang bumagsak ito sa lupa ay nahubog ito na isang kumikinang na Aquamarine.

"Ngunit bakit ka lumalayo? Hindi mo ako pinapansin, hindi mo na ako ginugulo, hindi mo na ako kinukulit at hindi mo na ako nginigitian!" sigaw pa ni Sirene, sinubukan namang humakbang papalapit ni Nikolas ngunit napaatras lang siya. Tuluyan nan gang sumabog ang damdamin niya na matagal nang nakakulong sa puso niya.

Patuloy pa rin ang pag-ihip ng malakas na hangin sa paligid bagay na konektado sa nararamdaman niya ngayon. Napapikit na lang si Nikolas, ang pagluha ni Sirene ang mas lalong nagdulot ng kirot at pagkalito sa kaniyang nararmdaman na pilit niyang tinatago at tinatanggi sa simula pa lang.

"Lumalayo ako dahil nagseselos ako kay Kenzou!"

"Nagagalit ako ngayon dahil nagseselos ako sa babaeng kasama mo!"

Bigla silang napatigil nang sabay silang magsalita, kasabay niyon ang pagtigil ng ihip ng malakas na hangin dahil pareho nang kumawala ang damdaming hindi na nila kayang itago pa.


*******************

Note: Nakakakilig ang celtic music na ito, try niyo pakinggan :)

https://youtu.be/fCy8up-CqEk

"Beatiful mermaid music- The little mermaid by Derek and Brandon Fiechter"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top