Sirene XIII
[Kabanata 13]
Dahan-dahang naglalakad si Nikolas at Batchoy sa gitna ng kagubatan habang pasan-pasan ni Nikolas si Sirene sa kaniyang likuran. Nang sumuka ito ng dugo kagabi ay muling nawalan ng malay ang dalaga. Nang tumila ang ulan ay nakakita sila ng isang abandonadong bahay kubo at doon pansamantalang pinagpahinga si Sirene.
Ngunit paggising nila kinabukasan ay nawawala na ang kanilang kalesa. Mabuti na lang dahil nadala ni Batchoy ang kanilang mga bagahe sa loob ng bahay kubo. Halos isang oras na silang naglalakad sa masukal na kagubatan. Pinili nila ang daang iyon upang makapagtago agad kung sakaling may mapadaang mga sasakyang panghukbo sa mga kalsadang lupa.
"Sa aking palagay ay may dalawampung kilometro pa patungo sa bayan" hinihingal na saad ni Batchoy habang pasan-pasan sa kaniyang ulo ang dalawang mabibigat na bagahe nil ani Nikolas. Napagdesisyunan nila na magtungo sa bayan dahil posibleng may mga abandonadong tindahan doon ng mga gamot at pagkain.
Determinado at pilit na kinakaya ni Nikolas ang paglalakad habang pasan sa likod si Sirene na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Patuloy na ang pagtagaktak ng pawis sa kaniyang noon dahil na rin sa matirik na sikat ng araw. Pasado alas-diyes nan ang umaga at hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakakain ng almusal.
Iniiwasan ding mabuti ni Nikolas ang mga mababatong daan upang hindi mawalan ng balanse. Hindi niya rin akalain na medyo may kabigatan din pala si Sirene ngunit hindi na niya iyon alintana lalo na't nasa peligro ang buhay nito at kailangan na nilang mahanap ang perlas. Bukod doon ay hindi rin siya makagalaw ng maayos habang naglalakad dahil nararamdaman niya ang paghinga ng dalaga sa kaniyang leeg.
Ilang sandali pa ay naalimpungatan na sa Sirene, ilang segundong nanatiling malabo ang kaniyang paningin kaya hindi niya matukoy kung nasaan siya at kung anong nangyayari sa paligid. Maya-maya pa ay namalayan niyang pasan-pasan siya ni Nikolas at nakayakap siya sa likod nito. Bigla siyang nakaramdam ng hiya dahilan para biglang mamula ang kaniyang magkabilang pisngi habang tulalang nakatitig sa makinis na batok ni Nikolas.
"Kamahalan!" natauhan na lang siya nang biglang magsalita si Batchoy na nasa kaliwa nila naglalakad, napansin nito na gising na si Sirene at kanina pa tulala sa likod ni Nikolas. Biglang napatigil si Nikolas sa paglalakad at napalingon sa dalaga kung kaya't agad umiwas ng tingin si Sirene.
"Kumusta kamahalan? May masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Nikolas, hindi niya masyadong makita si Sirene dahil nakapasan ito sa kaniyang likod. "Tila namumula ang iyong mukha kamahalan" puna ni Batchoy, agad namang naglakad si Nikolas sa tabi ng isang malaking puno at dahan-dahang inilapag doon si Sirene.
Sumunod naman si Batchoy saka inusisang mabuti ang sirena. "Sa aking palagay ay may tigdas ang kamahalan" wika pa ni Batchoy, agad namang tiningnan ni Nikolas si Sirene at hinawakan niya ang noo at leeg ng dalaga.
Agad namang napayuko si Sirene "Wala namang lagnat o sinat ang kamahalan" tukoy ni Nikolas at naupo na siya sa tabi ng dalaga. "E, bakit namumula ang mukha niya?" nagtatakang tanong ni Batchoy dahil nangangamatis ngang tunay ang pisngi ni Sirene.
"H-humapdi lamang ang aking balat dahil sa tindi ng sikat ng araw" paliwanag ni Sirene nang hindi makatingin sa kanila. Napatango-tango naman ang mag-pinsan. "Mestiza ngang tunay ang kamahalan" pagsang-ayon na lang ni Batchoy saka napasandal sa puno.
"Anong nangyari sa iyo kagabi? Bakit bigla kang nawalan ng malay sa ilalim ng lawa?" nag-aalalang tanong ni Nikolas, napahinga naman ng malalim si Sirene bago magsalita "H-hindi ko alam, hindi ko na alam ang mga nangyayari" tipid niyang sagot. Ilang minutong katahimikan ang naghari sa kanila habang umiihip ang marahan na hangin sa kagubatan dahilan upang maglaglagan ang mga patay na dahon sa mga punong sinasayaw ng hangin.
Napayuko na lang si Nikolas at napatitig sa mga patay na dahon at malambot na lupa na natatapakan nila ngayon. Batid niyang hindi normal sa isang mahiwagang sirena ang mawalan ng malay at makatulog ng ganoon kahaba. Ang mga nilalang na katulad ni Sirene ay hindi naman nangangailangan ng tulog o pahinga.
"I-inaasahan ko rin kagabi ang pagdating ng iyong mga kapatid, hindi ba nila naramdaman na nasa panganib ka kagabi?" tanong muli ni Nikolas at dahan-dahan siyang lumingon kay Sirene na nasa tabi niya ngunit nanatili lang itong nakayuko.
Napansin niya na sobrang namumutla na ang dalaga at nanunuyot ang labi nito tulad ng panunuyot ng balat niya sa braso. Nakasuot pa rin ng sumbrero at damit pang-lalaki si Sirene kung kaya't kahit papaano ay ligtas ito sa mga taong naghahanap sa halimaw sa karagatan na nakita nila noon sa daungan.
"Sinong mga kapatid? Ang tatlong sirena ng hilaga, timog at silangan?" gulat na tanong ni Batchoy, hindi siya makapaniwala na mababanggit ngayon ni Nikolas ang tatlo pang mahiwagang sirena na kapatid ni Sirene.
"Nagpakita ba sila sa iyong panaginip habang natutulog ka?" tanong pa muli ni Nikolas kay Sirene, dahilan para mas lalong lumapit sa kanila si Batchoy. "Si Amathea, Maira at Doreen ba ang tinutukoy mo? Kolas!" singit pa ni Batchoy sabay hawak sa magkabilang balikat ni Nikolas para tumingin ito sa kaniya.
"Oo, sila nga" sagot ni Nikolas ngunit nanatili siyang nakatingin kay Sirene dahil inoobserbahan niya ang reaksyon at kilos nito. At dahil hindi pa rin kumikibo si Sirene, biglang hinawakan ni Nikolas ang kamay ng dalaga dahilan para gulat itong mapalingon sa kaniya.'
"Sirene, makinig ka, nasa panganib ngayon ang buhay mo, dalawang gabi na lang ay sasapit na ang unang kabilugan ng buwan. Kahit anong paraang isipin ko ay batid kong hindi kakayanin ng dalawang araw ang pagtungo sa Leyte at pagbalik sa Palawan... Ngunit gagawin ko pa rin... Gaya ng ipinangako ko sa iyo na maibabalik natin ang perlas" seryosong wika ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mat ani Sirene.
Sa pagkakataong iyon, biglang naaalala ni Sirene ang naging tagpo nila ng kaniyang mga kapatid nang dumating ito at iniligtas si Nikolas sa papalubog na barko noong nakaraang linggo...
"Anong ibig sabihin nito? Sirene!" seryosong sigaw ni Amathea kay Sirene nang marating na nila ang dulong bahagi ng daungan kung saan walang katao-tao. Inilapag n ani Doreen at Maira ang walang malay na si Nikolas sa lupa habang nakayuko naman si Sirene sa harapan nila.
"At sino ang taga-lupang ito?" seryosong tanong naman ni Maira sabay turo kay Nikolas na nakahandusay sa lupa at basang-basa ito. "Bakit ka nagkakaroon ng ugnayan sa mga nilalang na ito?!" sigaw muli ni Amathea.
Hindi naman makapagsalita si Sirene at nakayuko lang ito. Nanginginig ang kaniyang buong katawan dahil sa takot at pilit niyang pinipigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Dahan-dahang naglakad papalapit sa kaniya si Doreen at pinagmasdang mabuti ang kapatid.
Tanging si Doreen lamang ang hindi galit sa kaniya ngayon dahil ito ang pangatlo sa magkakapatid at siya rin ang katapat ng Kanluran dahil siya ang nagbabantay ng perlas sa Silangan. Dahan-dahang hinawakan ni Doreen ang magkabilang balikat ni Sirene at niyakap niya ang kapatid sabay bulong rito.
"Huwag kang luluha, hindi maaaring makita ng ating mga nakatatandang kapatid ang luhang iyan na simbolo ng kahinaan" paalala ni Doreen, unti-unti namang iniangat ni Sirene ang kaniyang ulo at nang magtama ang mga mata nil ani Doreen ay batid nitong nanghihina na nga si Sirene.
Huminga ng malalalim si Sirene at pinatatag niya ang kaniyang sarili upang itago ang mga luhang kanina niya pinipigilang bumagsak nang labis siyang mag-alala sa kalagayan ni Nikolas. Ilang sandali pa ay biglang lumapit sa kanila si Amathea dahilan para mapaatras si Doreen at tumabi sa gilid dahil si Amathea ang panganay sa kanila na lubos nilang ginagalang at sinusunod.
"Sirene, batid mong sa oras na malaman ito ni ina ay hindi niya palalagpasin ang kapabayaan mong ito, tiyak na mapapahamak ka! at hindi namin nais na mapahamak ka!" wika pa ni Amathea, napayuko muli si Sirene at tanging tatlong tango lang ang naisagot niya kay Amathea dahil hindi niya magawang sabihin o aminin sa kaniyang sarili at sa mga kapatid niya na hindi niya nagawa ng maayos ang kaniyang tungkulin na bantayan ang perlas sa kanluran.
"Nasisira na ang karagatan sa Kanluran! Ginagawa namin ang lahat upang mapagtakpan ang bagay na ito kay ina. Ngunit sa pagsapit ng unang kabilugan ng buwan ay batid mong malalaman ni ina ang lahat ng ito sa oras na mabigo kayong maibalik ang perlas!" giit pa ni Amathea.
Napapikit na lang sa inis si Amathea "Nasaan ang perlas?" seryosong tanong niya, "A-ang huli naming balita ay n-nasa Leyte raw" kinakabahang sagot ni Sirene. Napatingin naman si Amathea kay Doreen na siyang tagapagbantay ng perlas sa Silangan. Ang Leyte ay nasa bandang silangan.
"Malabong matunton natin ang perlas gamit ang ating kapangyarihan dahil nasa lupa ito" saad ni Doreen dahilan para mas lalong mamoblema si Amathea. Ilang sandali pa ay biglang nagkamalay si Nikolas at agad siyang napaubo habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga.
"K-kolas!" tawag ni Sirene sa binata ngunit agad siyang hinawakan ni Doreen at umiling ito sa kaniya. Sa kaniyang tingin ay sinasabi niya kay Sirene na huwag munang lumapit sa binatang iyon dahil siguradong magtataka si Amathea at Maira kapag nakita nilang may pakialam si Sirene sa tagalupang binata.
Agad hinawakan ni Maira ang noo ni Nikolas dahilan upang muli itong mawalan ng malay. Nang matapos iyon ay ibinaling niya muli kay Sirene ang kaniyang matalim na tingin "Sino ang binatang ito? at bakit balak mo siyang iligtas mula sa kamatayan?" seryosong tanong ni Maira at dahan-dahan siyang tumayo muli.
Hindi naman malaman ni Sirene ang kaniyang gagawin dahil nakatingin na ngayon sa kaniya ang mga nakatatandang kapatid habang naghihintay sa kaniyang mga kasagutan. "Marahil ay alam ng taong ito ang tungkol sa atin, dapat na siyang mamatay!" wika ni Maira at akmang ibabaon na sana niya sa leeg ni Nikolas ang matalim niyang mga kuko ngunit napatigil siya nang magsalita si Sirene.
"S-sandali! H-hindi maaari!..." pagpigil nito dahilan para gulat na mapatingin sa kaniya si Amathea at Maira habang si Doreen naman ay hindi makapaniwalang tama nga ang nabubuong konklusiyon sa kaniyang isipan na pinapahalagahan ni Sirene ang taga-lupang iyon.
"H-hindi pa siya maaaring mamatay dahil k-kailangan ko pa siya upang m-mahanap ang perlas" patuloy ni Sirene habang nakatingin kay Nikolas, pilit niyang nilalabanan ang sariling damdamin dahil anumang oras ay papakawala na ang kaniyang mga luha.
Pinagmasdan maigi ni Amathea si Sirene, batid niyang imposible nga mahanap nila ang perlas gamit ang kanilang kapangyarihan dahil nasa lupa na ang perlas. "Kung gayon, sa oras na maibalik na ang perlas, kailangang mabura ang alaala ng binatang ito at ng iba pang mga taga-lupang nakakaalam ng iyong presensiya dito sa lupa" seryosong wika ni Amathea habang nakatingin ng matalim kay Sirene. Gulat namang napatingin sa kaniya si Sirene.
"Hindi namin hahayaang manatili sa kanilang alaala ang ating presensiya sa mundong ito. Dalawa lang ang maaaring mangyari, buburahin ko ang kanilang alaala matapos maibalik sa ayos ang lahat o papatayin ko sila" patuloy pa ni Amathea, sabay tingin kay Nikolas.
"Huwag mong kalilimutan kung sino ka sa mundong ito Sirene. Hindi ka tao upang makaranas ng kahinaan. Huwag mo ring kalilimutan na hindi dapat mahulog ang iyong loob sa binatang iyan... Nais mo bang matulad sa ating kapatid? Nais mo bang mamatay?" dagdag pa ni Amathea. Sa pagkakataong iyon, hindi na nakapagsalita pa si Sirene habang nakatingin kay Nikolas, hindi na rin niya namalayan ang pag-alis ng kaniyang mga kapatid nang lumundag ang mga ito muli pabalik sa karagatan.
***
"Heto na ang sinaing na kamote at saba" tuwang-tuwang tugon ni Batchoy nang ilapag na niya sa harapan nila ang mga pagkaing tanging nakuha nila sa bakuran ng abandonadong bahay kubo na tinutuluyan nila ngayon.
Wala pa sila sa bayan at kaunting lakad pa ay mararating na nila ito ngunit napag-desisyunan muna nila na magpahinga roon dahil tanghaling tapat na, matirik na ang araw at gutom na gutom na rin sila. "Kamahalan" wika ni Batchoy sabay abot ng kamote kay Sirene, nagulat naman ang mag-pinsan dahil kinuha iyon ni Sirene at kinain.
"Paborito mo na rin pala ang kamote kamahalan, sa tingin ko ay dapat na tayong tawaging 'Tres Kamotes'" tawa ni Batchoy, bigla namang natawa si Nikolas at nag-toast pa sila ng kamoteng kinakain nila. Hindi naman mapigilan ni Sirene ang sarili niya at natawa na lang din siya dahil sa bansag na naisip ni Batchoy.
"Kumain ka pa ng marami, kamahalan" wika pa ni Batchoy habang pinagmamasdan naman ng mabuti ni Nikolas si Sirene, napansin niyang nakaubos na ang dalaga ng apat na kamote at ang bilis ng pagkain nito na animo'y gutom.
Nawala na rin ang tawa sa mukha ni Batchoy at napatulala na lang din siya kay Sirene dahil hindi siya makapaniwala na ang lakas kumain ng mahiwagang sirena. "Sa aking pagkakaalam, h-hindi naman nagugutom ang mga sire----" hindi na natapos ni Batchoy ang sasabihin niya dahil sinagi siya ni Nikolas upang huwag nitong ituloy ang sasabihin. Mayroon nang konklusyon na nabubuo sa kaniyang isipan ngunit ayaw niya pa itong isinasantabi sa kaniyang isipan na nanghihina na nga ang mahiwagang sirena.
***
Nagpatuloy na sila sa paglalakad, kasalukuyan silang naglalakad ngayon sa gitna ng palayan kung saan may makipot na kalsadang lupa. "Mas mabuti kung pasanin na lang kita sa aking likuran" biglang wika ni Nikolas na ikinagulat ni Sirene. Tumanggi siya kanina na magpabuhat muli sa binata at pinagpipilitan niyang kaya niyang maglakad kahit pa bakas naman sa mukha at kilos niya na hindi na niya kaya.
"A-ayos lang ako" sagot ni Sirene sabay iwas ng tingin. Napahinga na lang ng malalim si Nikolas, batid niyang nahihiya lang si Sirene. "Kung gayon, hayaan mong hawakan ko na lang ang kamay mo para hindi ka matumba" wika ni Nikolas sabay hawak sa kamay ni Sirene na ikinagulat ng dalaga.
Pilit namang inaalis ni Sirene ang kamay niya sa pagkakahawak ni Nikolas ngunit nang lumingon sa kaniya ang binata ay napatulala lang siya "Sa buhay na ito, darating ang oras na manghihina tayo, hindi naman habambuhay palagi tayong malakas. Huwag kang mag-alala, hahawakan ko lang ang kamay mo hanggang sa makarating tayo doon sa kabilang palayan" wika ni Nikolas sabay ngiti sa kaniya. Hindi niya malaman kung bakit parang tumagos sa puso niya ang mga ngiting iyon ng binata.
"Nangangamoy pulut-pukyutan" tawa ni Batchoy na nakasunod sa kanilang likuran dahilan para biglang mahiya si Nikolas sa ginagawa niya. Ilang sandali pa, natanaw nila ang dalawang mag-ina na kumakaripas ng takbo papasalubong sa kanila.
Biglang nadapa ang matandang babae at pilit naman siyang inaalalayan ng dalagang kasama nito na umiiyak na ngayon. Agad tumakbo si Nikolas, Sirene at Batchoy papalapit sa kanila "A-anong nangyari sa inyo?" tanong ni Nikolas at agad niyang inalalayan patayo ang matandang babae.
Hindi naman na maawat sa pag-iyak ang dalagang kasama nito na pawis na pawis at hingal na hingal na rin. Ilang kilometro na rin ang naitakbo nila at ni isang gamit o bagahe ay wala silang nadala. "D-dolores, sumama ka na sa kanila, t-tumakas na kayo" hinang-hinang tugon ng matandang babae, nanlaki ang mga mata nila nang makita ang pagdaloy ng dugo mula sa noo nito.
"H-hindi! H-hindi kita iiwan inay!" hagulgol ni Dolores habang yakap-yakap ng mahigpit ang kaniyang ina. Magsasalita pa sana si Nikolas nang bigla siyang kinalabit ni Batchoy.
"K-kolas! Paparating na ang mga Hapon!" gulat na gulat na tugon ni Batchoy sabay turo sa sasakyang pandigma at mga sundalong Hapon na tumatakbo na ngayon papasalubong sa kanila. Nasa kabilang palayan pa ang layo nito kitang-kita na sila sapagkat malawak na palayan lamang ang nakapalibot sa paligid nila at wala silang mataguan.
Agad hinawakan ni Nikolas ang kamay ni Sirene at hinila na rin niya si Dolores na ngayon ay umiiyak dahil patay na ang kaniyang ina. Tatlong malalaking tangke at halos dalawampung sundalong Hapon ang tumatakbo papalapit sa kanila ngayon habang hawak-hawak ang kanilang mahahabang baril na may bayoneta sa dulo.
Nagsimulang na silang tumakbo papalayo ngunit agad silang pinaputukan ng baril kung kaya't napapayuko sila habang ang takot at kaba ay dumadagundong na paakyat sa kanilang mga ulo. "Yameru!" (Stop!) sigaw ng isang sundalo na nangunguna sa pagtugis sa kanila.
Isang bala ang tumama sab inti ni Batchoy dahilan upang matumba ito at madapa sa lupa. Nagtalsikan ang laman ng kanilang bagahe. Nanlaki ang mga mat ani Nikolas sa gulat nang mapalingon siya sa likod at makita ang nangyari sa pinsan. Agad siyang tumakbo pabalik dahilan upang maabutan na sila ng mga sundalo.
***
Isang malaking lumang bahay ang napiling kampo ng mga sundalong Hapon. May dalawang palapag ito at pagmamay-ari ng isang negosyante ngunit wala na ang may-ari at ang pamilya nito dahil nakalikas na noong isang araw.
Nasa gitna ng malaking palayan ang mansyon na pinag-kampuhan ng mga sundalo. Nang makarating sila roon ay agad silang hinila pababa sa sasakyan at pinadapa sa lupa. Hindi sila makapaniwala na may iilang mga pamilyang Pilipino rin ang nadakip. Halos nasa sampung kalalakihan ang nakadapa ngayon sa lupa habang humahagulgol at nakikiusap na huwag silang patayin at palayain ang kanilang pamilya.
May isang malaking balon sa gilid ng mansyon at halos patay na halaman at bulaklak na ang nakapaligid sa gilid ng bahay. Maging ang lupa kung saan nakadapa ngayon sila Nikolas, Sirene, Dolores at ang sugatang si Batchoy na pilit tinitiis ang malalim na pagkakabaon ng bala sa kaniyang kaliwang binti.
Isa-isa namang bumaba ang mga sundalo sa sasakyan at inilapag nila sa gilid ang mga sako-sako ng bigas, trigo, prutas, gulay at mga manok na nakuha nila. Ilang sandali pa ay isang malakas na sigaw ng babae ang narinig nila mula sa mansyon.
"Saklolo!" sigaw ng babae, bigla namang nanginig sa takot si Dolores at halos humalik na siya sa lupa upang magmakaawa dahil sa sigaw pa lang ng babae na narinig nila ay alam na nila ang nangyayari sa loob ng mansyon na iyon.
Dahan-dahang hinawakan ni Nikolas ang kamay ni Sirene na ngayon ay nakatingin na ng matalim sa mansyon. Batid ni Nikolas na anumang oras ay magagawang paslangin ni Sirene ang mga sundalong iyon ngunit wala na itong sapat na lakas upang gawin iyon.
Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang pagtulo ng dugo mula sa ilong ni Sirene. Bigla siyang siniklaban ng takot dahil bukas ng gabi ay kabilugan na ng buwan at ngayon ay nabihag pa sila ng mga kalaban.
Dahan-dahan niyang inabot ang ilong ni Sirene at pinunasan niya ang dugo gamit ang kaniyang kamay dahilan upang matauhan si Sirene at mapagtanto niya na may dugo ngang tumutulo sa kaniyang ilong. "H-huwag kang mangamba, h-hindi ka nila mahahawakan, hindi ako papayag" mahinang bulong ni Nikolas kay Sirene habang nakayuko at nakadapa sila sa lupa. Napatulala naman si Sirene sa mga mat ani Nikolas na puno ng pag-aalala para sa kaniya.
Ilang sandali pa ay nagulat sila nang biglang hilahin ng isang sundalo ang buhok ni Dolores dahilan upang mapasigaw ito at nagpupumiglas. Akmang tatayo na si Nikolas upang hilahin pabalik si Dolores ngunit maging siya ay hinila ng mga sundalo kasama sina Sirene at Batchoy. Kinaladkad sila sa kaliwang parte ng mansyon at doon ay tinulak pasubsob sa lupa.
"Bitiwan niyo ako! Mga hay*p kayo!" sigaw ni Dolores habang kinakaladkad siya papasok sa mansyon ng tatlong sundalo. Napatingin naman si Nikolas kay Sirene na ngayon ay nasa tabi niya pa rin, naka-damit pang-lalaki si Sirene at matibay na nakakapit ang sumbrero nito sa ulo upang itago ang buhok niyang kulay pilak.
Naisama sa hanay ng mga lalaking bihag si Sirene dahil pinagkamalan siyang lalaki. Samantala, si Dolores naman at ang iba pang mga dalagang nabihag ay hinila na isa-isa papasok sa mansyon. Habang si Batchoy naman ay dinala sa likod ng mansyon. "Fuku o nuide" (Take off your clothes) utos ng isang sundalo, napa-yukod naman ang pilipinong katabi nito saka humarap sa mga bihag na lalaki.
"Hubarin niyo raw ang inyong mga kasuotan" wika ng lalaking katabi ng sundalong Hapon. Payat, kayumanggi, malalim ang mata, at pandak ang lalaking iyon na siyang naging taga-salin ng wikang tagalog at nippongo. Kalimitang sumumpa na ng katapatan ang mga tulad niya sa mga Hapones upang iligtas ang kanilang mga sarili at pamilya.
Gulat na napatingin si Nikolas kay Sirene, hindi maaaring tanggalin ni Sirene ang kaniyang kasuotan lalo na ang sumbrero nito. Agad, humarang si Nikolas at itinago niya sa kaniyang likuran si Sirene na ngayon ay putlang-putla at hinang-hina na.
"Pagbilang ko ng tatlo, tumakbo ka papalayo at magtago, aking lilituhin ang mga sundalong ito" mahinang bulong ni Nikolas kay Sirene habang abala ang iba pang mga kalalakihan na kasamahan nila sa paghubad ng kanilang mga damit.
"Isa..." hindi na nagawa pang ituloy ni Nikolas ang pagbibilang dahil biglang napatingin sa kanila ang sundalong Hapon "Kimi wa! Ima anata no fukuwonugu!" (You! Take off your clothes now!) sigaw nito habang nakaturo kay Nikolas. "Hubarin mo na ang damit mo kung ayaw mong mapahamak" wika naman ng lalaking payat na taga-salin ng wika. Kahit papaano ay nag-aalala rin ito sa mga kababayan.
Nanatili namang nakatayo roon si Nikolas habang nasa likuran naman niya si Sirene. Nakatingin ito ng matalim sa sundalong iyon. Magsasalita na sana si Nikolas ngunit biglang napayuko ang sundalong hapon sa isang opisyal na kakalabas lang sa mansyon at ngayon ay papalapit sa kanila.
Agad nagbigay galang at yumuko ang mga sundalo sa opisyal na iyon habang naglalakad ito ng tuwid at nasa likuran niya ang kaniyang mga kamay. Nanlaki ang mga mata ni Nikolas at Sirene nang makilala kung sino ang opisyal na ginagalang ng mga sundalo.
"Watashi wa naibu ni sōon o tateru koto wa dekimasen" (I can't stand the noise inside) seryosong wika nito, agad namang napayuko muli ang sundalong hapon na nakatalaga sa pagbihag kina Nikolas.
"Hayashida sensei, owabi mōshiagemasu" (Captain Hayashida, I apologize) tipid na sagot nito. Napahinga naman ng malalim si Kenzou, batid niyang ganito talaga ang kalakaran ng gyera. Maingay, magulo at walang katahimikan na paligid.
Akmang aalis na sana ito nang biglang magawi ang mata niya kay Nikolas. Agad napayuko si Nikolas, hinarangan at hinawakan niya ng mas mabuti ang kamay ni Sirene na nasa likuran niya. "Anata wa onajimidesu" (You look familiar) wika ni Kenzou habang dahan-dahang humahakbang papalapit kay Nikolas.
Agad namang lumapit sa kanila ang lalaking payat na taga-salin ng wika "Ang sabi ng Kapitan ay pamilyar daw ang mukha mo" saad nito kay Nikolas, napalunok naman sa kaba si Nikolas dahil anumang oras, isang utos lang ni Kenzou ay maaari na siyang mamatay sa kinatatayuan niya.
"Watashi ga gokai sa rete inainaraba, watashitachi ga Amerika no heishi ni yotte torae rareta toki ni watashitachi o sukutta" (If I'm not mistaken, you saved us when we've been captured by the American soldiers before) patuloy ni Kenzou. Namukhaan nga niya si Nikolas na siyang nagbukas ng kulungan nila sa barko noong papalubog na ito.
"Kung hindi raw siya nagkakamali ay iniligtas mo raw sila noon nang mahuli sila ng mga sundalong Amerikano" paliwanag ng lalaking payat. Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Nikolas. Hindi niya akalain na matatandaan ni Kenzou ang itsura niya.
"Anata wa watashitachi o sukutta, anata ni karite iru" (You saved us, I owe you) wika pa ni Kenzou sabay tango ng dalawang ulit kay Nikolas. Agad niyang ipinag-utos sa mga sundalong nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan na bigyan ng makakain at panibagong damit si Nikolas.
"Sandali! pakisabi sa kaniya na isasama ko ang dalawa kong kapatid" pakiusap ni Nikolas sa lalaking payat na agad naman nitong sinabi kay Kenzou. Agad hinawakan ni Nikolas ang kamay ni Sirene upang palabasin na kapatid niya ito.
Napatitig naman si kenzou kay Sirene "Daijōbu" (Alright) sagot ni Kenzou at tuluyan na itong naglakad papalayo at pumasok muli sa loob ng mansyon. Kinuha na rin ng mga sundalo si Batchoy at dinala sila sa bodega, ililibing na lang dapat nila si Batchoy ng buhay dahil sugatan na ang binti nito at hindi na nila mapakikinabangan.
***
"Kolaaaaaaas! Nasa bingit na ako ng kamatayan kanina, may malaking hukay sa likod at doon nila ako itinulak" sumbong ni Batchoy habang tumatangis ito na parang bata. Natanggal na rin ang bala na bumaon sa kaliwa niyang binti at nakabalot na ito ng putting tela upang mapigilan ang pagdanak ng dugo.
"N-nang mahulog ako sa malaking hukay na iyon may nakita akong mga kamote na hindi pa naaani" patuloy pa ni Batchoy sabay yakap sa mga kamoteng nakuha niya. Napabuntong-hininga na lang si Nikolas habang pinagmamasdan ang pagmamaktol ng pinsan.
Kakatapos lang nila kumain ngayon at nakapagpalit na rin sila ng mga bagong damit. Nasa loob sila ng bodega kung saan nakaimbak ang mga bariles ng alak at mga sako ng bigas. May isang maliit na bintana lang sa itaas ng pader na gawa sa kahoy ang nagbibigay liwanag sa kanila ngayon.
Maalikabok ang loob ng bodega at may mga sapot pa ng gagamba sa kisame. Ilang sandali pa ay napansin ni Nikolas na biglang napahawak si Sirene sa tapat ng puso nito at parang naninikip sa sakit. Agad tumayo si Nikolas at nagmamadaling nagtungo sa tabi ni Sirene.
"B-bakit? S-sirene" nag-aalalang tanong ni Nikolas, unti-unti namang nawala ang pagsikip ng dibdib ni Sirene, agad siyang inalalayan ni Nikolas na mahiga muna saglit sa malamig na sahig na nilagyan niya ng sapin.
"P-paano na? paano na maibabalik ang perlas? Bukas na ang kabilugan ng buwan" kinakabahang tanong ni Batchoy. Napapikit na lamang sa si Nikolas habang nag-iisip ng mabuti "Batid kung may paraan pa, lahat ng bagay ay may paraan" wika ni Nikolas, nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay dali-dali siyang tumayo at akmang lalabas sa pinto ngunit npatigil siya nang tumambad sa harapan niya si Kenzou na nakatayo roon at akmang kakatakot sa bodega.
"Magbigay galang ka sa Kapitan" wika ng lalaking payat na taga-salin ng wika, nagpakilala ito bilang si Mang Erning. Wala namang nagawa si Nikolas kundi ang magbigay galang at yumuko sa harapan ni Kenzou. Ang pagyuko sa kulturang Hapon ay tanda ng pag-respeto at paggalang.
Nanghihina namang naupo si Sirene at agad siyang inalalayan ni Batchoy. "Nais malaman ni Kapitan Kenzou ang mga pangalan niyo at ang pamumuhay niyong magkakapatid" wika pa ni Mang Erning, napahinga naman ng malalim si Nikolas bago napalingon kay Sirene at Batchoy.
***
Kasalukuyan silang nakaupo ngayon ng maayos at nasa tapat naman nila si Kenzou habang katabi nito si Mang Erning. Alas-singko na ng hapon at patuloy pa rin ang paglikom ng mga sundalo ng mga pagkain para sa kanilang kampo.
"Ang pangalan ko ay Nikolas, ako ang panganay sa magkakapatid. Si Benedicto naman ang pangalawa at ang bunso ay si... si..." biglang nagkatiningan si Nikolas at Batchoy dahil walang maisip na pangalan si Nikolas para kay Sirene. Nakabihis panlalaki rin si Sirene kaya hindi dapat pambabae ang pangalang gagamitin nito.
"K-kamote" biglang singit ni Batchoy dahilan para gulat na mapalingon sa kaniya si Nikolas. Habang si Sirene naman ay nakayuko lang habang pilit nitong tinitiis ang kirot at paninikip ng kaniyang dibdib.
Bigla namang nagtaka ang itsura ni Erning "Kamote?" hindi makapaniwalang tanong ni Erning at napatingala pa ito sa kisame dahil hindi niya lubos maisip na may magulang na magpapangalan ng ganoon sa anak nila.
"Karera wa nani o iimashita ka?" (What did they say?) tanong ni Kenzou, napatikhim naman si Mang Erning saka isinalin sa wikang nipponggo ang sinabi ni Nikolas at Batchoy.
Pa-simple namang bumulong si Nikolas kay Batchoy na nakaupo sa kanan niya "Ano bang pinagsasabi mo? pipili ka na nga lang pangalan, bakit kamote pa?" reklamo ni Nikolas kay Batchoy, pa-simple namang bumawi ng ngiti si Batchoy sabay himas sa tiyan niya.
"Mas gusto ko pa rin ang kamote kaysa sa mga pagkain na pinakain sa atin kanina" pabulong na sagot ni Batchoy habang nakangiti kay Nikolas na animo'y humihingi ng tawad. Nakakain naman sila ng matinong kanin at ulam kanina kaya lang hindi mahilig si Batchoy sa gulay kaya hindi pa rin siya nabusog. Kung kaya't ilang oras na umiikot sa isipan niya ang Kamote magmula pa kanina. May mga kamote pa man din siyang dala ngunit hindi naman ito luto.
Muli silang napaayos ng upo nang magsalita si Mang Erning "Ang sabi ng Kapitan ay Maraming Salamat daw Nikolas sa pagliligtas mo sa kanila noong nakaraang araw mula sa papalubog na barko. Utang na loob niya ang buhay nila ngayon sa iyo kung kaya't huwag daw kayong mangamba dahil hindi nila kayo sasaktan" wika ni Mang Erning, napatango naman si Kenzou.
"Bukod doon ay maaari raw kayong humiling sa kaniya bilang kapalit ng pagtulong niyo" dagdag pa ni Mang Erning, biglang nanlaki ang mga mat ani Nikolas at Batchoy na parang nabuhayan ng pag-asa.
"M-maaari na ba kaming makaalis dito?" tugon ni Nikolas, agad naman itong sinabi ni Mang Erning kay Kenzou. Napatango naman si Kenzou, ngayon lang napansin ni Nikolas na malinis at presentableng-presentable ang pagkakasuot nito sa kaniyang uniporme.
Ang pagkakasingkit ng mata ni Kenzou ay bagay na bagay sa tangos ng ilong nito at sa ganda ng hubog ng kaniyang 'jawline'. Makinis ang mukha, manipis na labi at makapal na kilay ang mas lalong nakadagdag sa kagwapuhan ni Kenzou. Matangkad at matikas din ang katawan nito.
Napahinga na lang ng malalim si Nikolas, ngayon alam na niya kung bakit nahuhumaling talaga si Sirene sa binatang kaharapan nila ngayon. "Maaari rin ba kaming makahingi ng sasakyan----Ah! ang ibig kong sabihin ay makahiram pala, ibabalik din namin sa susunod na linggo" pakiusap pa ni Nikolas, ibinulong na ito ni Mang Erning kay Kenzou.
"Kare wa unten suru hōhō o shitte imasu ka?" (He knows how to drive?) tanong ni Kenzou sabay tingin kay Nikolas na medyo umaliwalas naman ang mukha dahil nakapagpalit na ito ng damit.
"Marunong ka raw ba magmaneho ng sasakyan?" wika ni Mang Erning, napatango-tango naman si Nikolas at agad niyang kinuwento ang naging karanasan niya noon sa hacienda ni Don Miguel sa Ilocos. May dalawang sasakyang Volkswagen si Don Miguel at madalas na si Nikolas ang nagmamaneho niyon upang ihatid ang Don sa kung saan.
"Anata wa anata no gunkan o tsukaunara anata wa anzende wa arimasen, watashi wa anata to anata no kyōdai no tame ni uma o teikyō shimasu" (You won't be safe if you use our army vessels, I'll provide a horse for you and your siblings) sagot ni Kenzou na agad ipinaliwanag ni Mang Erning. Napatango na lang si Nikolas, nakalimutan niyang hindi pala ligtas na gumamit sila ng sasakyan lalo na dahil baka atakihin sila ng mga sundalong Amerikano o baka makasalubong naman nila ang ibang grupo ng mga sundalong Hapones.
"Siya nga pala, maaari niyo rin bang pakawalan ang babaeng kasama namin kanina? Dolores ang pangalan niya" saad ni Nikolas, batid niyang nagluluksa at naghihinagpis pa rin ang babaeng iyon na nasalubong nila sa palayan kasama ang ina nitong agaw buhay na kanina.
Agad namang humirit si Batchoy. "Maaari rin bang makahingi ng sinaing na kamote mamayang gabi?" hirit ni Batchoy dahilan para lakihan siya ng mata ni Nikolas dahil sobra-sobra na ang hinihingi nila. "Ima watashi wa anata no kyōdai ga kamote" (Now I know why your brother was named Kamote) saad ni Kenzou at bigla itong napangiti, napangiti at natawa na lang din si Nikolas at Batchoy dahil hindi nila akalain na mabait pala ang opisyal na kinabagsakan nila.
***
Kinagabihan, alas-diyes na ng gabi, ilang oras nang nakaupo si Nikolas sa tabi ni Sirene habang pinagmamasdan ang dalaga na mahimbing na natutulog ngayon. Hindi nito masyadong naunawaan ang pag-uusap nila kanina kasama si Kenzou dahil naninikip ang dibdib nito at nanlalabo rin ang kaniyang mata.
Nag-iisang kandila lamang ang nagbibigay liwanag sa loob ng bodegang tinutuluyan nila. Malapit nang maupos ang kandila at mahimbing na rin ang tulog ni Batchoy. Napatingala si Nikolas sa maliit na bintana sa taas ng bodega, natatanaw niya ngayon ang maliwanag na buwan na malapit nang making perpektong bilog.
Napahinga na lang siya nang malalim saka muling ibinaling ang tingin kay Sirene. Payapa at mahimbing itong natutulog, hindi naman mapigilan ni Nikolas na sisihin ang sarili niya dahil naghihirap sa sakit at nanghihina na ngayon ang mahiwagang sirena na ang tanging tungkulin lang ay ang bantayan ang perlas ng Kanluran.
Kasalanan niya ang lahat. Kasalanan niya kung bakit dumadanas ng hirap ngayon si Sirene. Hindi mapigilan ni Nikolas na sisihin ang kaniyang sarili dahil sa mga nangyayari. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ng dalaga na nanunuyot at magaspang na ngayon. Maputlang-maputla na rin ang kulay ng balat nito.
Ilang sandali pa ay dahan-dahan nang tumayo si Nikolas at naglakad papunta sa pinto. Ngunit bago siya lumabas ay sandali niyang nilingon muli si Sirene at Batchoy na kaniyang iiwanan muna pansamantala upang humanap ng ibang paraan para mailigtas si Sirene sa unang pagsapit ng kabilugan ng buwan matapos mawala ang perlas sa Kanluran.
Nang makalabas si Nikolas sa bodega ay natanaw niya ang dalawang sundalong Hapones na nakatayo sa tapat ng bakuran. Nakatalikod ang mga ito kung kaya't dahan-dahan siyang umikot sa likod ng bahay at sumampa sa mataas na bakuran doon.
Nang makatawid siya sa kabila ay agad siyang kumaripas ng takbo at tinahak niya ang matataas na talahiban na patungo sa lawa ng Laguna. Malakas na ingay mula sa mga kuliglig at kwago ang umaalingangaw sa buong kagubatan. Nang marating ni Nikolas ang dulo ay napatigil siya sa tapat mismo ng lawa ng Laguna.
Madilim ang buong paligid, tanging ang liwanag ng buwan lamang ang nagbibigay ng ilaw sa kapaligiran. Payapa at tahimik lang din ang gabi at walang kahangin-hangin dahilan upang pagpawisan si Nikolas sa layo ng kaniyang tinakbo.
Naupo na si Nikolas at dahan-dahan niyang inilubog ang kaniyang kamay sa tubig ng lawa. Akmang tatalon na sana siya sa lawa at magbakasakali na muling makita ang mga kapatid ni Sirene upang humingi ng tulong sa mga ito.
Ngunit napatigil siya nang biglang may magsalita mula sa kaniyang likuran. "Tamang-tama ang dating ko, papunta pa lang ako sa inyo" wika ni Doreen, bigla namang napaatras sa gulat si Nikolas dahilan upang maupuan niya ang mabasa-basang lupa ng lawa.
Agad siyang napatayo dahil sa lamig ng tubig at ngayon ay basa na ang pwetan niya "Anong binabalak mong gawin tagalupa? Nais mo bang sisirin ang karagatan patungong Leyte upang mabawi ang perlas? Sa tingin mo ba ay magagawa mo iyon sa loob ng isang araw?" giit ni Doreen at dahan-dahan itong naglakad papalapit kay Nikolas habang pinapatay na niya ito sa kaniyang matatalim na mata.
Napahakbang na lang paatras si Nikolas at napalunok siya sa kaba dahil tulad ni Sirene noong una silang magkita ay ganoon din ang nakakasindak na aura ngayon ng kapatid nitong si Doreen. "Huwag mong isipin na magagawa mo ang lahat ng bagay, isa ka lamang na hamak na tagalupa na puno ng kasakiman at kahinaan" buwelta pa ni Doreen, nang tumigil siya sa paghakbang papalapit kay Nikolas ay napatigil na rin ang binata.
"B-batid kong hindi ko magagawa ang lahat ng bagay dahil tao lang naman ako ngunit mayroon akong pagmamalasakit kay Sirene" saad ni Nikolas, hindi naman nagbago ang reaksyon ng mukha ni Doreen. Nakasuot ito ng asul na manipis at mahabang bestida na kumikinang sa tuwing tinatamaan ng liwanag ng buwan. Kulay porselana rin ang balat nito at kulay asul ang mahaba nitong buhok na sumasayad sa lupa.
"Pagmamalasakit lang ba ang tawag sa nararamdaman mong iyan? O higit pa roon?" kuwestiyon ni Doreen, agad namang napayuko si Nikolas dahil hindi niya matagalan ang pagtitig sa kulay asul na mata ng mahiwagang sirena ng Silangan.
"Hindi mo maaaring ibigin si Sirene, magkaiba kayong dalawa, hindi siya maaaring maging katulad mo at hindi ka rin maaaring maging katulad niya. Huwag mo nang subukang ituloy pa ang nararamdaman mong iyan dahil iyan ang maglalagay sa iyo sa kapahamakan" babala pa ni Doreen, hindi naman nakapagsalita si Nikolas, maging siya ay naguguluhan at nalilito pa rin sa kaniyang nararamdaman para kay Sirene ngunit isa lang ang nakasisiguro siya, masaya siya sa tuwing kasama si Sirene.
"Nababasa ko sa iyong isipan na nais mong humanap ng ibang paraan upang malagpasan ni Sirene ang pagsapit ng kabilugan ng buwan bukas" patuloy pa ni Doreen, napayuko at napatango naman si Nikolas. Kasabay ng pagtalikod ni Doreen ay ang pag-ihip ng malakas na hangin dahilan upang magsayawan ang mga puno sa kagubatan.
"May isa pang paraan upang hindi malaman ni ina na nawawala ang perlas sa kanluran" saad ni Doreen habang nakatalikod kay Nikolas, bigla namang nanlaki ang mga mat ani Nikolas na animo'y nabuhayan siya ng pag-asa.
"Si Sirene ay bahagi pa rin ng karagatan ng Kanluran at tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aalay kami ng buhay ng tao sa karagatan. Kailangan mo lang dalhin si Sirene malapit sa dagat o sa lawa at kinakailangan na tumibok ang kaniyang puso upang akalain ng presensiya ni ina na may buhay na kinikitil si Sirene. Kami na ang bahala ni Maira at Amathea sa pag-aalay ng buhay sa Hilaga, Timog at Silangan" dagdag pa ni Doreen. Agad namang nagpasalamat si Nikolas at paulit-ulit siyang napayuko sa harapan ni Doreen.
"Tutol man ako sa paraang ito dahil hindi dapat umibig si Sirene ngunit sa tingin ko ay ito na lang ang tanging paraan upang pansamantalang maitago kay ina ang pagkawala ng mahiwagang perlas ng Kanluran. Madali lang ang kailangan mong gawin, ilapit mo si Sirene sa taong nagpapatibok sa puso niya" huling wika ni Doreen bago ito naglakad papunta sa lawa at dali-daling lumundag sa katubigan.
Naiwan naman doon si Nikolas na tulala habang dahan-dahang tumigil ang pag-ihip ng hangin sa paligid. Nang mapatingala siya sa kalangitan ay namataan niya ang pagbalot ng makapal na ulap sa nalalapit na kabilugan ng buwan.
***
Kinabukasan, maaga pa lang ay nagtungo na sa tabing-lawa si Nikolas, pumutol siya ng ilang mga sanga at kawayan sa kagubatan at ginawa niya itong maliit na silungan na may mesa sa gitna at dalawang upuan. Siya lang din mag-isa ang gumawa ng bubong nito na gawa sa pawid dahil hindi pa nakakalakad ng maayos si Batchoy.
Nanatili namam sa kampo si Batchoy habang naninilbihan bilang taga-hugas ng pinggan. Si Sirene naman ay nasa loob lang ng bodega at sinabi nila sa mga sundalo na may hika ang kanilang bunsong kapatid na lalaki kaya hindi ito makakapagtrabaho sa ngayon.
Alas-sais na ng hapon nang matapos si Nikolas sa pagtatayo ng maliit na bahay kubo sa tabi ng lawa. Bumalik na siya sa kampo at doon ay naabutan niyang naghuhugas pa rin ng plato si Batchoy, nakaupo ito sa maliit na bangkito habang nakabusangot ang mukha dahil halos buong araw na siyang naghuhugas ng pinggan at kung anu-anong bagay.
Agad naupo si Nikolas sa tabi tapat niya at tinulungan siya nitong maghugas ng plato "Natapos mo na?" tanong ni Batchoy, nasabi n ani Nikolas sa kaniya kagabi ang paraan na sinabi ni Doreen. Napatango na lang si Nikolas bilang tugon sa pinsan.
"Si Kenzou na lang ang kailangan mong kumbinsehin para mairaos natin ang kabilugan ng buwan mamayang gabi" wika pa ni Batchoy, napahinga na lang ng malalim si Nikolas saka napatango muli. Bagay na ipinagtaka ni Batchoy dahil hindi naman nananahimik ng ganoon si Nikolas.
***
Kinagabihan, dalawampung minuto na lang ay malapit nang sumapit ang hatinggabi. Kasalukuyang naglalakad ngayon si Nikolas at Sirene sa gitna ng kagubatan patungo sa lawa ng Laguna. Hawak-hawak ni Nikolas ang braso ng dalaga upang alalayan ito sa paglalakad.
Nararamdaman ni Nikolas na hinang-hina na ngayon si Sirene lalo na dahil naririnig na rin niya ang madalas nitong paghinga ng malalim. "Noon kapag nakakakita ako ng tilapia na nagpupumiglas sa palengke akala ko ay nagpapakitang gilas lang sila para bilhin agad sila ng mga tao" wika ni Nikolas, naisipan niyang kwentuhan si Sirene upang kahit papaano ay guminhawa ang pakiramdam nito.
"Hindi naman sila nabigo kasi sila ang unang binibinili ng mga tao sa palengke, sabi ko pa noon kay inay Diday, bilhan niya ako ng tilapia na kayang tumalon ng mataas dahil gusto kong makakain ng isdang malakas" ngiti pa ni Nikolas, bigla namang napangiti si Sirene lalo na dahil nakakatawa at nakakaenggayo talaga kung magkwento si Nikolas na sinamahan pa ng pagwasiwas sa ere ng mga kamay nito.
"Mabuti naman dahil ngumingiti ka na, siguradong magugustuhan ni Kenzou ang mga ngiti mo" wika ni Nikolas dahilan upang biglang mapatigil si Sirene sa paglalakad at gulat na mapatingin sa kaniya kahit nanghihina pa ito.
"P-pupuntahan natin si Kenzou?" gulat na tanong ni Sirene, napangiti naman si Nikolas saka inilabas ang itim na talukbong na nakalagay sa bayong na dala niya. Inilapag na niya ang bayong sa lupa saka hinarap si Sirene, dahan-dahan niyang tinanggal ang sumbrero na suot nito dahilan upang bumagsak ang mahabang buhok nito na kulay pilak na abot hanggang sa talampakan.
"Naroon siya ngayon sa lawa, hinihintay ka niya" saad pa ni Nikolas, isinuot na niya kay Sirene ang itim na talukbong upang takpan ang damit na suot nito na panlalaki at anng kulay pilak na buhok nito.
Tulala at hindi naman makapaniwala si Sirene sa mga sinasabi ngayon ni Nikolas, nanatili lang siyang nakatingin sa mukha ng binata "N-ngunit ngayon ang kabilugan ng buwan, hindi ba't mas mahalaga kung hahanapin natin ang perlas ngayon" wika ni Sirene, napangiti naman si Nikolas ng kaunti saka napailing-iling.
"Malabong mahanap natin ang perlas ngayong ilang minuto na lang ay maghahatinggabi na. May iba pang paraan, sinabi ko naman sayo na maghahanap ako ng ibang paraan" tugon ni Nikolas, hindi naman nakapagsalita si Sirene at nanatili lang itong nakatitig sa mga mata ni Nikolas.
Kasabay niyon ang pag-ihip ng malamig at sariwang hangin na parehong bumalot sa kanilang mga damdaming naguguluhan. "Sa mundong ito hindi lang nag-iisa ang daan. Sa hirap ng buhay ng isang taong tulad ko, kailangan mag-isip ako ng ibang paraan upang makaahon sa kahirapan. Maraming maaaring mangyari, at mahalaga na hindi dapat ako mananatili sa isang paraan lang dahil kung bubuksan mo ang iyong isipan, lahat ng bagay ay paraan" paliwanag pa ni Nikolas. Pagiging madiskarte at mabilis mag-isip ang naging puhunan niya upang mabuhay sa mundo.
Dahan-dahang hinawakan ni Nikolas ang magkabilang balikat ni Sirene "Si Kenzou ang paraang tinutukoy ko. Siya ang makakatulong ngayon sa iyo. Ang pag-ibig mo sa kaniya ang magliligtas sa iyo" dagdag pa ni Nikolas, bigla namang napalingon si Sirene sa lawa at doon ay nakita niya mula sa di-kalayuan si Kenzou na nakatayo sa tapat ng lawa ng Laguna habang hinihintay siya.
May maliit na kubo sa gilid na kung saan naiilawan ito ng mga kandila. May isang mesa at dalawang silya na puno ng mga pagkain at inumin din doon. Napatingala siya sa kabilugan ng buwan sa kalangitan, ilang minuto na lang ay maghahatinggabi na.
Napatingin din si Nikolas kay Kenzou na nakatalikod suot ang bagong-bago at presentable nitong uniporme na kulay itim. Nang banggitin niya kanina kay Kenzou sa tulong ni Mang Erning ang babaeng kulay pilak ang buhok ay naging interesado si Kenzou...
"Watashi wa mata, watashinoyume no naka de ginpatsu no on'nanoko ga yori hinpan ni mieru koto ga okoru, kanojo wa watashi ga oborete iru ma watashi ni kitaga, watashi wa kanojo no kao o oboeteinai"
(I also happen to see a silver-haired girl in my dream more often, she came to me while I'm drowning, but I couldn't remember her face) saad ni Kenzou habang kumakain sila ng hapunan. Agad namang nakumbinse ni Nikolas na may babaeng pilak ang buhok siyang kakilala sa Laguna upang madala niya ito ngayon sa lawa.
"Huwag kang mangamba na hindi ka niya magugustuhan dahil sa itsura mo. Hindi sa itsura tumitingin ang taong totoong umiibig. Hindi sa anyo, sa kulay ng buhok, sa kulay ng balat, sa edad, sa estado ng buhay, at sa pagiging ordinaryong tao man o pagiging mahiwagang nilalang" paliwanag pa ni Nikolas, at hinawakan niya ang talukbong sa ulo ni Sirene upang ayusin ito.
"Hindi mata ang ginagamit sa pag-ibig... kundi puso" patuloy pa ni Nikolas sabay ngiti ng kaunti habang nakatingin ng diretso sa mga mat ani Sirene dahilan upang mapatulala na lang ang dalaga at mas lalong maguluhan dahil sa pagkabog ng mabilis ng kaniyang puso ngayon.
Ang mga tingin, ngiti, at mga salitang lumalabas sa bibig ni Nikolas ay siyang nagpapatibok sa kaniyang puso sa hindi niya malamang dahilan.
Kasunod nito ay ang biglaang paglakas ng ihip ng hangin. Napasilong naman si Kenzou sa loob ng kubo dahil nang lumakas ang hangin ay natatangay nito ang katubigan sa lawa na ilang metro lang ang layo sa kaniya.
Muli, isang ngiti at tango ang pinakawalan ni Nikolas bago tuluyang bitawan si Sirene at pinalakad na niya ito papunta kay Kenzou na kasalukuyang nasa loob ng kubo ngayon. Napatingala na lang siya sa kalangitan at unti-unti niyang nakita ang paglaho ng makapal na ulap na bumabalot dito kanina.
Batid niyang si Kenzou ang siyang makakapagligtas kay Sirene at wala na siyang magagawa roon.
******************************
Note: Paumanhin dahil google translate lang ang ginamit ko sa Nihonggo words. Also, next update will be on Thursday or Saturday. Few more Chapters to go bago mag-ending! Abangan! Maraming Salamat!
https://youtu.be/toQcb-6N44g
"Celtic mermaid music- Secret of the deep by Derek Fiechter"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top