Sirene XII

[Kabanata 12]


"Kenzou... Kenzou Hayashida ang pangalan niya" tugon ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Sa pagkakataong iyon, hindi niya malaman kung bakit may kakaiba sa ngiti ni Nikolas. Hindi iyon ang ngiti na madalas niyang masilayan sa labi ng binata. Ang ngiting pinapakawalan niya ngayon ay isang ngiti na taliwas sa sinasabi ng kaniyang mga mata.

Napahinga na lang ng malalim si Nikolas saka umiwas ng tingin kay Sirene at pinagmasdan na lang niya ang mga sasakyan ng hukbong Hapones na sunod-sunod na dumaraan ngayon sa gitna ng kalsada. "Sabagay, kung babae lang din ako, siguradong mahuhumaling din ako sa Kenzou na iyan" wika pa ni Nikolas nang hindi nililingon si Sirene.

"W-wala akong pagtingin sa kaniya" pagtanggi ni Sirene, bigla namang napangisi si Nikolas. "Akala ko ba hindi marunong magsinunggaling ang isang sirena?" pang-asar niya pa sa dalaga. Napalunok na lang sa kaba si Sirene dahil sadyang mtalino talaga si Nikolas pagdating sa mga bagay-bagay.

Magsasalita pa sana siya ngunit biglang sumingit sa usapan si Batchoy na nasa tabi nila "Sa aking palagay, dapat na tayong umalis dito" bulong ni Batchoy malapit sa mukha nilang dalawa dahilan para maamoy nila ang amoy ng kamote sa bibig nito. Nagkalat pa sa pisngi ni Batchoy ang ilang piraso ng kamote.

Pinakiramdaman naman ni Nikolas ang mga kababaihan at kalalakihan sa likuran nila kung saan nakatingin ang mga ito ng mabuti sa mukha ni Sirene lalo na't lumilitaw ang ilang pirasong buhok nito sa noo na kulay pilak habang nababalot ng itim na talukbong.

Nagulat si Sirene nang biglang hawakan muli ng mahigpit ni Nikolas ang kaniyang kamay at hinila siya nito papalayo sa gitna ng maraming tao sa gilid ng kalsada. Agad namang sumunod si Batchoy sa kanila habang bitbit nito ang kanilang mga bagahe.

Nang makalabas sila sa kumpol ng maraming tao ay dire-diretsong naglakad si Nikolas sa isang eskinita na walang katao-tao habang hawak-hawak pa rin ng mahigpit ang kamay ni Sirene. "S-sandali! Kolas" habol ni Batchoy, napalingon naman sa kaniya si Nikolas at napansin nitong hirap na hirap na ang pinsan sa pagbitbit ng kanilang mga bagahe.

"Akin na iyan" saad ni Nikolas, agad namang hinagis ni Batchoy ang isang tampipi kay Nikolas na walang kahirap-hirap na nasalo ng binata. Napatitig saglit si Sirene kay Nikolas habang patuloy silang naglalakad. Kahit papaano ay nakahinga na siya ng maluwag dahil magaling at malakas na muli ang binata.

"Ano bang gagawin natin dito? Kolas" reklamo ni Batchoy habang pilit na lumundag-lundag dahil nagkalat sa paligid ang mga sira-sirang kagamitan. May isang patay na pusa na nilalangaw na sa gitna at marami ring nagkalat at nagtatakbuhang mga daga.

"Dito" wika ni Nikolas at napatigil siya sa tapat ng isang abandonadong barberya na sira-sira na rin. Sinipa niya lang ang pintuan ng ilang beses ngunit hindi ito bumukas. Napa-buntong-hininga naman si Sirene at bumitaw sa pagkakahawak ni Nikolas saka niya sinipa ng walang kahirap-hirap ang pintuan ng barberya dahilan para mawasak at tumilapon ang pintuan nito papasok sa loob.

"Tsk, sayang, pumalpak ka pa" tawa ni Batchoy kay Nikolas dahil ang astig-astig na nito kanina kaso mas astig pa rin si Sirene. Nauna nang pumasok si Sirene sa loob, "Ano namang gagawin natin dito?" tanong ng dalaga. Sumunod na sa kaniya si Nikolas at Batchoy saka nila inilapag ang dalawang tampipi sa isang mesa sa gilid.

Sira-sira na ang loob ng barberya, maging ang malaking salamin nito na halos kulay dilaw na ay basag-basag na rin. Nagkalat din ang mga kahoy at natumbang mga mesa at upuan sa loob ng barberya. "Dito pa man din ako nagpapagupit noon, haay, ang mahal pa naman ng singil nila sa gwapo kong mukha" nanghihinayang na saad ni Nikolas na ikinataas ng kilay ni Batchoy at Sirene dahil bumabalik na naman ang magkamahangin ng pilyong Nikolas.

Isa-isa nang binuksan ni Nikolas ang mga drawer sa barberya at mga aparador. Kinuha na niya ang isang malaking gunting at mga damit pang-lalaki sa aparador. Agad niyang binato ang isa kay Batchoy "Magpalit ka na, nagmumukha ka nang palaboy" banat ni Nikolas kay Batchoy, pinagmasdan naman ni Batchoy ang damit na binato sa kaniya ng pinsan. "Palaboy ka rin naman tingnan" buwelta nito sabay takbo papasok sa loob ng palikuran ng barberya. Napatingin naman si Nikolas sa itsura niya sa basag-basag na salamin, napatikhim na lang siya dahil mukha nga rin siyang palaboy.

Napalingon naman si Nikolas kay Sirene na nakatayo lang sa gitna habang pinagmamasdan ang buong paligid. "Kamahalan, magpalit ka na rin ng damit" saad ni Nikolas sabay abot ng isang puting polo at itim na pantalon kay Sirene. "Kailangan mong magpanggap na lalaki upang hindi ka pagsamantalahan ng mga Hapones" saad ni Nikolas, napataas naman ang kilay ni Sirene at napatingin doon sa damit na inaabot sa kaniya ni Nikolas.

"Nagkalat ang usap-usapan na nangunguha raw ng kababaihan ang mga Hapones kung kaya't mas mabuti na magpanggap kang isang ginoo" wika pa ni Nikolas, nanatili namang nakataas lang ang kilay ni Sirene dahilan para biglang masamid si Nikolas sa sarili niyang laway.

"N-nag-aalala lang naman ako sa iyo... K-kung kaya't para rin ito sa kabutihan mo" dagdag pa ng binata. Napahinga na lang ng malalim si Sirene saka kinuha ang damit na iyon. Naglakad na siya papunta sa kabilang palikuran at doon nagpalit ng damit.

Naiwan naman doon sabay hawak sa tapat ng kaniyang puso dahil hindi niya maintindihan ang pagkabog nito ng malakas. Kumuha na rin siya ng damit saka nagpalit na rin. Matapos ang ilang minuto, sinusuklay na niya ng mabuti ang kaniyang buhok sa tapat ng basag at madilaw na salamin ng barberya.

Nilawayan niya pa ang kaniyang kilay at patilya para magpantay ito sabay sayaw sa tapat ng salamin. "Napaka-gwapo mo talagang nilalang, Kolas" swabe niyang tugon habang bumibida-bida sa tapat ng salamin. Nakasuot siya ngayon ng kulay brown na polo na inipit niya sa kaniyang itim na pantalon. Mayroon din itong kulay itim na tali na parang jumper. Nagsuot din siya ng sumbrerong itim.

Fishtail Trousers


Napatigil lang siya nang makita sa repleksyon ng salamin na nakatayo na roon sa kaniyang likuran si Batchoy at Sirene habang walang emosyon na nakatingin sa kaniya. Sa isip-isip nila ay inaatake na naman ng masyadong pagmamahal sa sarili si Nikolas. "Oh, nariyan na pala kayo, amigos" tawa pa ni Nikolas sabay halakhak na parang don.

Napangiti siya nang makitang mas maayos na rin ngayon ang suot ni Batchoy. Naka-grey na polo ito na tinernuhan ng brown na pantalon. May itim din na tali na nakakabit sa pantalon nito na parang jumper. Habang si Sirene naman ay naka-puting polo na tinernuhan ng itim na pantalon at may itim din itong jumper.

"Mas gwapo pa rin ako sa iyo, kamahalan" banat pa ni Nikolas at agad niyang hinila sa tapat ng salamin si Sirene. Tila naistatwa naman si Sirene dahil hawak-hawak ngayon ni Nikolas ang magkabaling balikat niya habang nakatayo ito sa kaniyang likuran at nakaharap sila sa salamin.

Agad napaiwas si Sirene pero hindi niya malaman kung bakit hindi siya ngayon makaalis sa kanilang kinatatayuan. "Hayaan mong gupitin ko ang iyong buhok kamahalan upang maging kasingwapo mo ako" saad ni Nikolas. Nanlaki naman ang mga mat ani Sirene at lumingon sa kaniya.

Magsasalita pa sana si Sirene ngunit biglang sumigaw si Batchoy "Kolas! Hindi mo maaaring gupitin ang buhok ng kamahalan! Iyan ang gamit nila upang pumatay ng tao tuwing kabilugan ng buwan" gulat na sigaw ni Batchoy dahilan para magulat din si Kolas at napalunok na lang siya ng kaba, habang si Sirene naman ay walang emosyon na nakatingin sa kanila.

Sandaling natahimik ang lahat, nagpabalik-balik ang tingin ni Nikolas kay Sirene at Batchoy "Ah... e, sa tingin ko mas maganda kung itago na lang natin sa loob ng sumbrero ang iyong buhok kamahalan hehe" wika ni Nikolas sabay kuha ng isang itim na sumbrero. Inikot-ikot niya ang buhok ni Sirene at ipinasok doon.

"B-bukod doon ay wala na tayong pangkulay ng buhok kung kaya't dapat talagang itago mo ang iyong buhok kamahalan" patuloy pa ni Nikolas. Makintab na kulay pilak ang buhok nito, habang inaayos ni Nikolas ang kaniyang buhok hindi mapigilan ni Sirene na mapatulala kay Nikolas dahil sobrang lapit nito sa kaniya.

Ngayon niya lamang napansin ang makinis na mukha at magandang jawline ni Nikolas. Maging ang adam's apple nito at ang magandang labi. Natauhan na lamang si Sirene nang biglang tumingin sa kaniya si Nikolas at ngumiti ito. "Ihanda mo na ang iyong sarili kamahalan" saad ni Nikolas sabay hawak muli sa magkabaling balikat ni Sirene at iniharap niya ito sa salamin.

"Taraan!" nakangiting wika ni Nikolas, napapalkapak naman si Batchoy dahil ang ayos at ang gandang lalaki ni Sirene. Hindi naman mapigilan ni Sirene na matawa sa sarili dahil sa itsura niya ngayon ngunit kahit ganoon ay mas nagagalak siyang malaman na nag-aalala sa kaniya ang dalawang magpinsan lalong-lalo na si Nikolas.





Paglabas nila sa abandonadong barberya at sa masikip na eskinita, nakasalubong nila ang mga taong lumilikas ng patago. Karamihan ay nagmamadaling tumatakbo papalayo sa iba't-ibang direksyon. Agad hinarang ni Nikolas ang isang lalaki na tumatakbo at may bitbit itong mga bagahe. "Anong nangyayari?" gulat na tanong ni Nikolas, "H-hindi na darating ang tren, maghahanap na kami ng ibang daan papalayo sa lugar na ito" takot na takot na tugon ng lalaki at nagpatuloy na ito sa pagtakbo.

"Ano nang gagawin natin?" kinakabahang tanong ni Batchoy. Napahinga naman ng malalim si Nikolas "Sasakay tayo ng kalesa patungong Batangas, at mula roon ay sasakay tayo ng bangka o kung anumang sasakyang pandagat papuntang Leyte" sagot ni Nikolas.

"A-ako na lang ang magtutungo roon" biglang wika ni Sirene, gulat namang napatingin sa kaniya si Nikolas at Batchoy. "Aking lalanguyin ang daan patungong Leyte upang makuha ang perlas" patuloy pa ni Sirene, agad namang napailing si Nikolas.

"Mapanganib ang iyong gagawin, nabalitaan ko na maraming mga pampasabog at mga sasakyang sabmarino sa ilalim ng dagat" wika ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa dalaga. Alam din niyang mahihirapan si Sirene hanapin si Mang Lucio sa buong Leyte.

"K-kolas, iyo atang nakalimutan na hindi isang ordinary ang kamahalan" singit ni Batchoy sabay ngiti. Sa pagkakataong iyon, napayuko na lang si Nikolas at wala na siyang nagawa pa. Nakalimutan nga niya na hindi pala isang ordinaryong babae si Sirene.





Makalipas pa ang ilang araw at gabing pagtatago at paglalakbay. Bukas ng gabi na lalangoy si Sirene papuntang Leyte upang hindi maalerto ang mga sundalo. Pinili rin nila magpaka-layo-layo dahil bantay-sarado ngayon ang mga daungan sa Maynila.

Magtatakip-silim na at hindi pa rin maawat si Nikolas sa pagbibigay ng mga payo kay Sirene kung paano maging lalaki. "Kailangan maging kasingtikas at kasingganda ng tindig ko ang kilos mo, kamahalan" payo ni Nikolas sabay taas ng paa niya sa gilid ng kalesa at swabe siyang sumandal sa upuan na parang hari.

"Gayahin mo ako, kamahalan" habol pa ni Nikolas sabay tingin kay Sirene na nakaupo sa tabi niya habang nakaupo naman sa unahan si Batchoy habang pinapatakbo ang kabayo sa kalesang nakuha nila kanina sa Maynila na inabando ng may-ari nito.

Kasalukuyan silang naglalakbay ngayon sa isang kalsadang lupa, sa gitna ng malawak na palayan at mga bahay-kubo na abandonado na rin ngayon dahil nagsilikas na ang mga naninirahan doon. Nag-aalinlangan naman si Sirene na gayahin ang upo ni Nikolas ngunit wala siyang nagawa dahil kailangan niyang matuto.

Napatikhim muna si Sirene saka niya ipinatong sa gilid ng kalesa ang paa niya at sumandal sa upuan na parang siga. "Una, kailangan maging kasing gwapo mo ako" panimula ni Nikolas sabay himas sa makinis niyang mukha. Para namang naluluwal si Batchoy dahil sa sinabi ng pinsan. "Tsk, kain ka kasi ng kain ng kamote" sita ni Nikolas kay Batchoy pero tumawa-tawa lang ito.

"Pangalawa, kailangan mong maging matapang at malakas tulad ko" dagdag pa ni Nikolas sabay pakita ng kaniyang lakas habang winawasiwas sa ere ang kaniyang mga kamay na animo'y marunong siyang mag-Kung Fu. Agad namang hinawakan ni Sirene ang dulo ng daliri ni Nikolas at biglang napasigaw ang binata.

"A-araaay!" pagmamakaawa nito, kahit pa walang kahirap-hirap na hawak ni Sirene ang daliri niya. "I-isa ka ngang malakas at matapang na ginoo" saad pa ni Nikolas, binitawan naman na siya ni Sirene at agad hinalikan ni Nikolas ang kaniyang pinakamamahal na daliri.

"P-pangatlo, kailangan maging matalino ka tulad ko" bawi pa ni Nikolas, bigla namang natawa si Batchoy "Kapag mayroon akong isang daan at dalawampu't-dalawang manok tapos kinatay ko ang walumpu'tapat, ilan na lang ang natira?" singit ni Batchoy. Bigla namang napaisip si Nikolas at nagbilang pa siya gamit ang kaniyang daliri.

Ilang minuto pa ang lumipas pero nagbibilang pa rin siya. "Tatlumpu't lima?" sagot ni Nikolas. Napahalakhak naman ng malakas si Batchoy. "Sira! Tatlumpu't anim! Hahaha!" tawa pa nito, napapikit na lang sa matinding pagkadismaya si Sirene.

"Tatlumpu't walo" sagot nito, bigla namang napatigil ang dalawa at napalingon sa kaniya. "Iyon ang tamang sagot" patuloy pa ni Sirene. Nagkatinginan naman si Nikolas at Batchoy at sabay silang natawa sa isa't-isa. "Alam naman namin ang tamang sagot... Mas mahalaga lang talaga na maging mapagbiro ang mga kalalakihan Hahaha" palusot pa ni Nikolas at nag-apir pa sila ni Batchoy.

"Bueno, higit sa lahat, kailangan maging isang maginoo ka tulad ko" ngiti pa ni Nikolas dahilan para biglang mapaiwas ng tingin si Sirene, sa lahat ng bagay na mas lalong nagpapakabog sa dibdib niya ay ang ngiting iyon ng binata.





Alas-siyete na nang gabi, napag-desisyunan nilang tumigil muna sa tabi. Nanlaki ang kanilang mga mata nang matuklasan ang isang abandonadong perya. Madilim ang gabi ngunit maliwanag naman ang buwan at malawak ang peryahan na ngayon ay walang katao-tao.

Nagkatinginan si Nikolas at Batchoy at sabay na sumilay sa kanilang labi ang napakaling ngiti. Napalingon naman sila kay Sirene na ngayon ay manghang-mangha dahil ito ang kauna-unahang beses na makakita siya ng isang peryahan. Agad nilang hinawakan ang kamay ni Sirene at nagtatawanan silang tumakbo papunta sa perya.

Agad nagtungo si Batchoy sa tindahan na puno ng mga kendi at tsokolate, nilantakan niya ang lahat ng iyon. Dali-dali namang naglulundag si Nikolas sa isang malaking lalagyan na puno ng mga malalambot na kutson. Ilang sandali pa, nagulat siya at halos atakihin sa puso nang tumama ang isang maliit na palaso sa kutson. Natawa na lang si Sirene dahil siya ang naghagis ng palasong iyon.

Dali-daling tumayo si Nikolas at hinabol niya si Sirene upang gantihan ito, agad namang humabol sa kanila si Batchoy sa pagaakalang baka maiwan siya. "Kamahalan!" naiinis na sigaw ni Nikolas dahil muntik na siyang mamatay kanina. "Sandali!" habol naman ni Batchoy habang punong-puno ang bibig ng mga kendi at tsokolate. Samantala, tuwang-tuwa naman si Sirene dahil hindi siya mahabol ng dalawa habang umiikot-ikot sila sa palibot ng perya.

"Ilang minuto na lang, Bagong Taon na" wika ni Nikolas, nakasakay silang dalawa ngayon ni Sirene sa Ferris Wheel na medyo makalawang na at kumakarag-karag. Nag-unahan pa sila ni Sirene umakyat sa pinakatuktok na bagon ng Ferris Wheel kanina, ngunit katulad ng dati si Sirene pa rin ang laging nagwawagi.

"Bagong Taon?" nagtatakang tanong ni Sirene, saglit na umalog ng kaunti ang bagon na sinasakyan nila dahilan upang marinig nila ang kumakalinsing na ingay nito mula sa makalawang na mga bakal. Napangiti naman si Nikolas at napatingala sa kalangitan. Napansin niyang malapit nang sumapit ang Kabilugan ng Buwan, at ilang minuto na lang ay sasapit na ang taong 1942.

"Tuwing Bagong Taon naman sinasalubong namin ang pagdating ng panibagong taon. May mga paputok sa kalangitan, media noche, at halos lahat ng tao nag-iingay pagsapit ng hatinggabi" paliwanag ni Nikolas, na animo'y isa siyang matalinong binata.

"Bakit?" tanong pa muli ni Sirene habang marahan na hinahangin ng malamig na hangin ang ilang hibla ng buhok niyang lumilitaw sa sumbrerong suot niya.

"Nag-iingay ang lahat upang itaboy ang malas at salubungin ng masaya ang panibagong taon" paliwanag pa ni Nikolas. Napatango-tango naman si Sirene, ilang minuto na nga lang mag-hahatinggabi na. Halos ilang oras din sila naghabulan, naglaro at sabay-sabay na kumain kanina nila Batchoy sa ibaba ng peryahan.

Kasalukuyang nasa kalesa si Batchoy at natutulog na ngayon. "Ngunit ngayon sayang nga lang dahil hindi mo masisilayan ang magaganda at makukulay na paputok sa kalangitan" wika pa ni Nikolas habang nakatitig pa rin sa maliwanag na buwan. "Siya nga pala, ilang gabi na lang Kabilugan nan ang buwan, hindi ba't may misyon kayo tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan?" tanong pa ni Nikolas. Napahinga naman ng malalim si Sirene saka napatingala rin sa kalangitan at napatitig sa buwan.

"Oo, para sa mahiwagang perlas... para sa karagatan at para sa kalikasan" sagot ni Sirene. "Kaming magkakapatid ay nagmula sa mahiwagang perlas ilang libong taon na ang nakararaan. Kung ano ang aking anyo ngayon ay siyang anyo ko mula sa simula" patuly pa ng dalaga.

"Kailangan namin mag-alay ng buhay ng tao at ang kaluluwa nito ang magsisilbing kalakasan ng karagatan" paliwanag ni Sirene habang tulala sa buwan. Dahan-dahan namang napalingon sa kaniya si Nikolas, batid niyang hindi naman ganoon kahirap kumitil ng buhay si Sirene ngunit batid niyang hindi rin ito ganoon kadali para sa dalaga.

"Bakit niyo kailangang kumitil ng buhay?"

"Lahat ng puso ng tao ay nagtataglay ng kalakasan at kahinaan. Tuwing kabilugan ng buwan sa pagsapit ng hatinggabi ay nagiging malinaw sa mata ng tao ang mahiwagang perlas. Iyon din ang mga oras na nagagamit namin ang aming kapangyarihan sa pinakamalakas na paraan. Sa aming tinig magsisimula ang pagkahalina ng tao sa dagat hanggang sa kusa itong lumapit sa karagatan. Gamit ang aming lakas at kapangyarihan dadalhin namin sila sa kailaliman hanggang mamatay... N-nang sa gayon, ang kanilang kaluluwa ay maging sandata at tibay ng dagat. Dahil ang kaluluwa at puso ng tao ay nagtataglay ng kahinaan at kalakasan" paliwanag ni Sirene, napalunok na lang sa kaba si Nikolas at hindi siya nakapagsalita. Hindi niya akalain na muntikan na rin siyang mabiktima noon ng sirena.

Ilang minuto rin silang nanahimik. Hindi alam ni Nikolas ang dapat sabihin kung kaya't hindi siya makapagsalita. "Ganito ang aming buhay... ganito ang aking buhay" wika pa ni Sirene, at dahan-dahan siyang lumingon kay Nikolas.

"H-hindi naman ibig sabihin na ganiyan ang uri ng pamumuhay na kinagisnan mo ay wala ka nang karapatang mabuhay sa paraang gusto mo. Lahat tayo ay may Kalayaan mabuhay kung anong gusto natin... Kung saan tayo mas sasaya... Kung kanino tayo liligaya" saad ni Nikolas sabay tingin ng diretso sa mga mat ani Sirene at binigyan niya ng isang ngiting marahan ang dalaga bagay na alam niyang nagpapagaan sa kalooban nito.





Kinabukasan, maaga silang nagpatuloy sa paglalakbay. Madalas silang huminto sa mga abandonadong bahay upang maghanap ng mga gamit na maaari nilang mapakinabangan. Pinili rin nila ang daan sa ilang masikip na mga daan na bihirang daanan ng mga sasakyan upang hindi nila makasalubong ang mga sasakyan ng mga hukbo.

Nang gabi ring iyon, tahimik nilang hinintay ang pagsapit ng hatinggabi. Ngayong gabi na lalangoy si Sirene patungo sa Leyte. Ang karagatan ng Leyte ay sakop na ng mahiwagang perlas ng Silangan na nasa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang kapatid na si Doreen.

Malalim na ang gabi, nakatayo lang si Sirene sa dulo ng lawa ng Laguna. Nang pagmasdan niya ang buwan ay batid niyang ilang gabi na lang ay sasapit na ang kabilugan ng buwan kung kaya't kailangan na nilang maibalik ang mahiwagang perlas bago pa malaman ng kaniyang ina na nawawala ito sa kanluran.

Nakatayo naman sa kaniyang likuran si Nikolas at Batchoy, ilang metro rin ang layo ng dalawa sa kaniya habang hinihimas-himas ni Batchoy ang mukha ng kabayo nila sa kalesa. "Hindi ko alam ngunit parang may kakaiba akong nararamdaman ngayon... parang may masamang mangyayari" biglang wika ni Nikolas dahilan para mapalingon sa kaniya si Batchoy nang may pagtataka sa mukha nito.

"Ano bang pinagsasabi mo insan? Narito na tayo, malapit na nating maibalik ang mahiwagang perlas. Ang kailangan lang nating gawin ay maghintay dito sa pagbabalik ng kamahalan" saad ni Batchoy, napabuntong-hininga naman si Nikolas at napakamot ng ulo. Nagsimula rin siyang maglakad-lakad sa kaliwa at kanan dahil hindi na siya mapakali.

"Umayos ka nga, Kolas" suway pa ni Batchoy dahil maging siya ay nahahawa na rin sa pag-aalala ng pinsan. Magsasalita pa sana si Batchoy ngunit naglakad na si Nikolas papalapit kay Sirene na nakatayo sa dulo ng lawa ng Laguna.

"S-sa aking palagay, mas mabuti kung sumakay na lang tayo sa bangka, sasama kami sayo patungong Leyte" wika ni Nikolas, dahan-dahan namang napalingon sa kaniya si Sirene, sa pagkakataong iyon doon nga napansin ni Nikolas na may kakaiba sa mahiwagang sirena. Namumutla ito at matamlay na kanina niya pa napapansin mula umaga dahil hindi ito kumikibo sa mga kwento at hirit niya.

"S-sirene, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Nikolas sabay hawak sa magkabilang balikat ni Sirene at iniharap ito sa kaniya upang tingnan mabuti ang dalaga. Bigla namang natauhan si Sirene at napaatras ito lalo na dahil ang lapit ng mukha ni Nikolas sa kaniya.

"A-ayos lang ako, hinihintay ko lang ang pagsapit ng hatinggabi" tugon ni Sirene, sabay harap sa lawa. Napahinga naman ng malalim si Nikolas. "Tatlong gabi na lang, kabilugan na ng buwan. Anong posibleng mangyari kung sakaling hindi natin maibalik ang mahiwagang perlas sa pagsapit ng kabilugan ng buwan?" nag-aalalang tanong ni Nikolas, bigla namang napayuko si Sirene.

"H-hindi ko alam" tipid nitong sagot dahilan para mas lalong mag-alala si Nikolas. "Ito ang unang pagsapit ng Kabilugan ng Buwan na nawawala ang mahiwagang perlas ng Kanluran, hindi maaaring malaman ni ina, malalagay sa panganib ang lahat" dagdag pa ni Sirene. Hindi naman mapigilan ni Nikolas na lamunin ng matinding konsensiya dahil siya ang dahilan kaya nawawala ang mahiwagang perlas.

"P-patawad" iyon na lang ang salitang namutawi sa kaniyang labi na hinugot niya mula sa puso. Dahan-dahan namang napalingon si Sirene sa kaniya "Batid kong nagawa mo lang iyon dahil nangangailangan ka ng salapi upang mapagamot ang iyong kapatid na may sakit" saad ni Sirene, sa pagkakataong iyon nakahinga na ng maluwag si Nikolas at hindi siya makapaniwala na hindi na siya sinisisi ngayon ng sirenang inakala niyang masungit at walang puso.

"Hindi ba't pamilya ang pinakapangunahing kailangan ng isang tao... Ginawa mo lang iyon dahil para sa kapakanan ng iyong kapamilya" patuloy pa ng dalaga, napangiti naman si Nikolas dahil hindi niya akalaing may pusong maunawain pala ang mahiwagang sirenang halos isumpa niya noon.

"Aalis na ako... dito lang kayo ni Batchoy" hirit pa ni Sirene sa tonong parang nanay. Bigla namang natawa si Nikolas dahil bumalik na ulit si Sirene sa normal na ugali nito. "Opo, kamahalan" ngiti ng binata at itinaas niya pa ang kaniyang dalawang kamay na animo'y sumusuko siya.

Napalingon naman si Sirene kay Batchoy na nasa likuran nila, "Mag-iingat ka kamahalan, kung maaari rin nais sana namin makatikim ng kamote na mula sa Leyte hehe" pakiusap pa ni Batchoy, napakunot naman ang noo ni Nikolas sa pinsan "Mukha ka talagang kamote Batchoy" pang-asar pa niya.

Akmang lulundag na sa lawa si Sirene ngunit napatigil siya dahil biglang hinawakan ni Nikolas ang braso. "S-sandali, mag-iingat ka... Sirene" wika pa ng binata, agad namang napaiwas ng tingin si Sirene lalo na dahil biglang lumakas ang kabog ng puso niya sa tuwing naririnig niyang binibigkas ni Nikolas ang kaniyang pangalan.

"S-sige na" saad ni Nikolas at dahan-dahan na niyang binitawan ang braso ng dalaga. Tumango na si Sirene sa kaniya at dire-diretso na itong lumundag sa katubigan. Napatakbo naman si Batchoy habang kumakaway-kaway pa. "Kahit isang kamote lang ang pasalubong mo sa amin kamahalan" habol pa nito.

"Kamote na mula sa Leyte ang----" hindi na natapos ni Batchoy ang sasabihin niya dahil bigla siyang pinigilan ni Nikolas. "Batchoy, b-bakit hindi na umahon si Sirene?" kinakabahang wika ni Nikolas. Sa pagkakataong iyon bigla silang nakaramdam ng matinding kaba lalo na't biglang naglaho ang dalaga at nanatiling kalmado ang lawa.

Ilang minuto pa ang lumipas ngunit walang Sirene na umahon at nagpaalam sa kanila bago nagpatuloy sa paglangoy. At dahil hindi na mapakali at mapanatag si Nikolas, agad niyang hinubad ang kaniyang damit pang-itaas. "Malakas talaga ang kutob ko na hindi niya kaya" nag-aalang wika ni Nikolas at dire-diretso itong lumundag sa lawa.

"Kolas!" sigaw naman ni Batchoy, nagsimulang lumakas ang ihip ng hangin at unti-unti na ngayong nababalot ng makapal na ulap ang liwanag ng buwan. Agad sinindihan ni Batchoy ang gasera at itinapat iyon sa lawa upang magbigay liwanag kay Nikolas sa ilalim ng tubig.

Naramdaman ni Nikolas ang pamilyar na init ng katubigan habang tinatahak niya ang ilalim ng lawa na papunta sa direksyon ng dagat ilang metro pa ang layo. Isinisigaw na ngayon ng kaniyang isipan ang pangalan ni Sirene na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin matagpuan.

Ilang sandali pa ay natanaw niya ang isang pamilyar na liwanag ng mahabang buhok na kulay pilak nang muling umusbong ang liwanag ng buwan at tumama ang repleksyon nito sa lawa. Nanlaki ang mga mata ni Nikolas sa gulat nang makitang walang malay ngayon si Sirene habang dahan-dahang tinatangay papailalim.

Dali-daling lumangoy si Nikolas papunta kay Sirene na pikit-mata at walang malay habang nilalamon ng lawa. Nang mahawakan niya ang dalaga ay dali-dali siyang lumangoy pabalik sa lupa habang yakap-yakap ito.

Nang makaahon sila, dali-dali silang inalalayan ni Batchoy nang tumumba si Nikolas sa lupa habang yakap-yakap si Sirene. "Anong nangyari sa kamahalan?" gulat na tanong ni Batchoy at agad niyang pinatay ang sindi ng gasera dahil baka may makakita sa kanila.

"S-sirene! Gumising ka!" kinakabahang wika ni Nikolas habang dahan-dahang tinatapik ang pisngi ni Sirene ngunit hindi pa rin ito nagigising. Kasabay nang pagtakip ng makapal na ulap sa liwanag ng buwan ay biglang bumuhos ang ulan kung kaya't dali-dali nilang binuhat si Sirene papunta sa loob ng kalesa.

"G-gumising ka Sirene! H-hindi magandang biro ito" ulit pa ni Nikolas, hindi na niya alintana ang lamig ng hangin at ang basang-basa niyang katawan. Ilang minuto pa ang lumipas ngunit hindi pa rin nagkakamalay ang dalaga.

"S-sa aking pagkakaalam ay kailanman hindi nawalan ng malay at natutulog ang mga sirena. Sila ay immortal, kakaiba at makapangyarihang nilalang na walang pisikal na kahinaan" biglang wika ni Batchoy dahilan para biglang mapatigil si Nikolas sa paggising kay Sirene at mapatingin sa pinsan.

"A-anong ibig mong sabihin?" halos umabot na sa lalamunan ni Nikolas ang kabog ng kaniyang dibdib dahil sa matinding kaba. Hindi na rin nila alintana ang lakas ng buhos ng ulan at hampas ng hangin habang nakasakay sila sa loob ng kalesa.

"A-ang mga senyales na iyan ay hindi normal sa mahiwagang sirena na tulad niya. Malapit na ang pagsapit ng kabilugan ng buwan... Ilang araw at gabi na ring nawawala ang mahiwagang perlas sa Kanluran na siyang puso ng kanilang ina at puso ni Sirene" nanginginig sa takot at pag-aalala na saad ni Batchoy.

Ilang sandali pa ay bigla nang nagkamalay si Sirene, bigla itong nahapawak sa tapat ng kaniyang dibdib na animo'y kumikirot, sumisikip, dinudurog, dahilan upang hindi siya makahinga. "SIRENE!" sigaw ni Nikolas habang pilit na nagpupumiglas si Sirene habang hawak-hawak ng mahigpit ang tapat ng kaniyang puso at lalamunan.

"A-anong gagawin natin?" abot langit na pag-aalala ni Nikolas, hindi naman makapagsalita si Batchoy sa gulat lalo nan ang masaksihan nila ang unti-unting paggaspang ng porselang balat ni Sirene sa kamay. Animo'y nanunuyot ito at nangingitim.

"Dalhin na natin siya sa----" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil biglang sumuka si Sirene, kasabay nito ay ang paghabol niya ng kaniyang hininga at unti-unti siyang nanghina nang bumagsak muli sa bisig ni Nikolas.

"A-anong ibig sabihin nito? H-hindi maaari" hindi makapaniwalang wika ni Nikolas sabay tingin kay Batchoy. Naistatwa naman si Batchoy habang gulat na gulat na nakatitig sa isinukang dugo ni Sirene.

Biglang naalala ni Nikolas noong minsan nasugatan si Sirene ng karayom ngunit hindi ito dumugo. Gulat na gulat siya noon dahil walang dugong pumatak sa daliri ni Sirene at kusang naghilom ang sugat nito. Sinabi sa kaniya ng dalaga na wala naman talaga siyang dugo dahil isa siyang mahiwagang nilalang. Ang dugo ay para lamang sa mga nilalang na maaaring mamatay.

Nanginginig na hinawakan ni Batchoy ang dugong isinuka ni Sirene "A-ayon sa alamat, sa oras na mawala ang mahiwagang perlas sa pangangalaga ng sirena ay unti-unti niya itong... ikamamatay"



********************

Note: Pakinggang niyo ang celtic musing na ito dahil papalapit na tayo sa climax. Abangaaan!

https://youtu.be/QFj-IkAInRE

"Dark mystery music- Legend of the merfolk by Derek Fiechter"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top