Sirene XI
[Kabanata 11]
"Lumulubog ang barko!" sigawan ng mga taong naiwan sa daungan habang pinagmamasdan mula sa di-kalayuan ang paglubong ng barkong SS Coregidor. Nagkaroon ng malakas na pagsabog mula sa barko nang bumangga ito sa isang mine. Bukod doon ay sadyang napakaraming nakasakay sa barko dahilan nang mabilis na paglubog nito.
Nakatagilid na ang barko at unti-unting nilalamon ng karagatan. Nagsimula namang magsigawan habang sabay-sabay na naglulundagan ang mga tao na sakay ng barko sa dagat. Tumagas na rin ang langis mula sa barko dahilan upang dumaloy ang apoy sa ibabaw ng karagatan.
Nahirapan ang mga tao sa paglangoy papunta sa daungan at halos lahat ay sumisigaw at humihingi ng saklolo habang pilit nilalaban ang nakakalason na langis at malamig na karagatan. Ang usok mula sa nasusunog na barko ay kumakalat na rin sa kalangitan dahilan upang mas lalong mahirapan ang mga tao sa daungan na makita kung anon a ang nangyayari sa barko.
"Kamahalan!" sigaw ni Batchoy nang makitang dire-diretso at singbilis ng kidlat na lumundag si Sirene sa karagatan. Maging ang mga taong nakasaksi sa kakaibang anyong iyon ng isang dalaga ay hindi makapaniwala at gulat na gulat din sa mga pangyayari.
"Anong klaseng nilalang iyon?"
"Isang halimaw!"
"Aswang!"
Tinitigang mabuti ni Batchoy ang karagatan, umaasang matatanaw ang sirena ngunit patuloy ang malalakas na hiyawan sa takot ng mga taong nalulunod mula sa di-kalayuan. Ang ibang mga kalalakihan ay isa-isang nagsilundagan sa dagat upang tulungan ang mga nalulunod ngunit napaka-imposibleng marating nila iyon ng hindi sila napapagod sa paglangoy dahil sadyang malayo na ito sa daungan.
Dali-daling dinampot ni Batchoy ang talukbong na naiwan ni Sirene sa daungan na siyang natatapakan na ngayon ng mga tao. Agad siyang tumakbo papalayo roon upang maghanap ng maliit na bangka upang magamit niya papunta sa lumulubog na barko mga dalawang daang metro ang layo mula sa kinatatayuan nilang daungan. Mangiyak-ngiyak at nagmamadali siyang makahanap ng maliit na bangka upang maligtas ang pinsan at ang kaibigang sirena dahil alam niyang hindi rin ligtas ang sirena sa pagsabog at langis na tumatagos mula sa barko.
Ilang sandali pa ay bigla siyang napatigil sa kawalan nang marinig ang maingay na tunog ng mga sasakyan ng mga sundalong Amerikano na kumakaripas papunta sa daungan. Iniharang niya ang kamay niya sa kaniyang mata dahil s amalakas na ilaw na nagmumula sa mga sasakyang panghukbo na paparating na.
Agad napatabi sa gilid ang mga tao upang makadaan ang mga sasakyan. "Move! Move! Faster!" sigaw ng kumander habang mabilis na nagsilundagan ang mga sundalo pababa sa sasakyan bitbit ang maliliit na bangka. Nagsimulang magdasal ng taimtim ang mga kababaihan hawak ang kanilang mga rosaryo habang ang mga kalalakihan naman ay tumulong sa pagbubuhat ng mga bangka papunta sa bukana ng daungan.
Napabagsak na lang si Batchoy sa lupa habang tulalang nakatingin sa nasusunog na barko. Taimtim siyang nagdasal para sa kaligtasan ni Nikolas at Sirene.
Naalimpungatan si Nikolas dahil sa maingay na iyak ng isang sanggol. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at nauna niyang nakita ang isang kisame na kulay puti na maitim-itim na rin. Sandali niyang hindi maramdaman ang kaniyang buong katawan hanggang sa unti-unti niyang naigalaw ang kaniyang mga daliri.
Nanlalabo pa ang kaniyang mga mata ngunit ilang segundo pa ay unti-unti na itong lumilinaw. Nang ibaling niya ang kaniyang mata sa kaliwa ay nakita niya ang mahabang helera ng higaan na gawa sa makalawang na bakal at may kulay puting kama. Nakita niya rin ang mga nurse at doktor na hindi magkamayaw sa pagtakbo sa iba't-ibang direksyon upang gamutin ang napakaraming pasyente na duguan sa bawat higaan at sumisigaw ng napakalakas.
Sumisilip na ang haring araw mula sa bintana ng ospital sa kaliwa at unti-unti na ring nagiging malinaw ang ingay at pagtangis ng mga tao sa loob ng ospital na iyon. Alas-siyete na ng umaga at kasalukuyan silang nasa Philippine General Hospital. Nagkakagulo na ang lahat dahil sa dami ng pasyenteng isinugod doon na karamihan ay mula sa mga pasahero ng SS Coregidor na nakaligtas. Ang ilan naman ay biktima ng kabi-kabilang pagsabog mula sa mga bombing inihuhulog ng mga kalaban.
Napalingon si Nikolas sa kanan, ganoon din ang scenario, nagkakagulo ang mga tao lalo na ang mga pasyenteng humihingi ng tulong. Ilang sandali pa, unti-unti na niyang naramdaman ang kaniyang katawan at sinubukan niyang bumangon.
Pinagmasdan niya ang kaniyang dalawang kamay na ngayon ay unti-unti na niyang nararamdaman ang pagdaloy ng dugo mula rito. Maging ang kaniyang binti ay nararamdaman at naigagalaw na niya. Napahawak din siya sa kaniyang puso na ngayon ay unti-unti ring gumiginhawa.
Medyo basa pa ang kaniyang buhok at ang kamiso de tsino niyang suot. Nababalot din ng buhangin ang kaniyang itim na pantalon at paa. Nakahiga siya ngayon sa marumi at makalawang na higaan. "Sino ka?" narinig niyang wika ng isang babae na hindi niya namalayan na nakaupo sa kabilang higaan habang humihingi pa rin ng tulong ang taong nakahiga roon.
Nakatalukbong ito ng itim at laking gulat ni Nikolas nang mapansin ang kulay asul na buhok nito mula sa kakaunting hibla ng buhok na nahuhulog sa noo ng dalaga. Tila nanigas si Nikolas sa gulat dahil nahahawig ang babaeng iyon kay Sirene.
Ang balat nito ay kulay porselana rin at maputla kung titingnan. Ang mga mata nito ay kulay asul at ang talim din kung tumingin tulad ni Sirene. Matangos ang ilong nito at hugis puso ang hubog ng mukha. "Magpakilala ka" matapang na wika naman ng isang babae na nasa bandang kanan ni Nikolas. Nang lumingon siya ay halos maistatwa siya sa gulat dahil nakatayo ngayon ang isang babaeng nakatalukbong din ng itim tulad ng babaeng nakaupo sa bandang kaliwa.
Napalingon si Nikolas sa babaeng ginto ang buhok at muli siyang napalingon sa kabila kung saan nakatayo ngayon sa kaniyang kanan ang isang babaeng kulay berde ang naman ang buhok habang nakabalot ng talukbong. Napalunok sa kaba si Nikolas nang mapansing nahahawig din ang dalagang iyon kay Sirene.
Kung pagmamasdan mabuti ay kulay berde rin ang mga mata nito tulad ng buhok nito. Matalim din kung tumingin, matangos ang ilong at bilugan naman ang mukha. Ang balat ng dalaga ay singtulad din ng kulay ng porselana.
"Hindi ka magsasalita? Nais mo bang putulin namin ang iyong dila?" matapang na wika ng isang babae na ngayon ay nakatayo naman sa tapat ni Nikolas sa dulong bahagi ng higaan. Halos lumuwa ang kaniyang mata nang makita ang isang babaeng naka-itim na talukbong din ngunit mapapansin ang ilang hibla ng kulay gintong buhok nito.
Halos maistatwa sa takot si Nikolas dahil ang mata nito ay kulay ginto at ang talim din kung tumingin, kulay porselana ang balat, matangos ang ilong at hugis pusong hubog ng mukha. Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang dahan-dahang itinaas ng babaeng kulay ginto ang buhok ang daliri nito sabay turo sa kaniya. Napalunok na lang sa kaba si Nikolas dahil ang hahaba at ang tatalim ng kuko ng dalagang iyon na anumang oras ay maaaring makakitil ng buhay.
"A-ako pala si N-nikolas" gulat niyang tugon sabay lunok ng laway dahil sa kaba. Napalingon siya sa kaliwa at kanan, nakatingin pa rin sa kaniya ng matalim ang dalawang babaeng kulay asul at berde ang buhok habang mas nakakatakot at mas matalim naman ang tingin ng babaeng nakatayo sa dulo ng higaan niya na kulay ginto ang buhok.
"Anong ginawa mo sa perlas sa pangangalaga ng aming kapatid" seryosong wika ng babaeng kulay asul ang buhok at akmang susunggaban si Nikolas ngunit agad siyang sinuway ng babaeng ginto ang buhok. "Doreen, pigilan mo ang iyong sarili, hindi pa oras ng taong ito ang mamatay" wika ng babaeng ginto ang buhok, napayuko naman si Doreen at napaatras sabay muling tiningnan ng matalim si Nikolas.
Mas lalong nanginig sa takot si Nikolas nang mapagtanto niya na ang tatlong magaganda, kakaiba at nakakatakot ng mga babaeng iyon sa palibot niya ay ang tatlong Sirenang kapatid ni Sirene na mula sa alamat. Si Amathea, Maira, at Doreen.
Si Amathea ang panganay sa magkakapatid at siyang tagapagbantay ng perlas sa Hilagang (North) bahagi ng Pilipinas. Kulay ginto ang buhok nito at siyang pinakamatapang sa lahat tulad ng kanilang ina.
Si Maira ang pangalawa sa magkakapatid at siyang tagapagbantay naman ng perlas sa Timog (South) na bahagi ng Pilipinas. Kulay berde ang buhok nito.
Si Doreen ang pangatlo sa magkakapatid at siyang tagapagbantay ng perlas sa Silangang (East) bahagi ng Pilipinas. Kulay asul naman ang buhok nito.
"Sabihin mo sa amin... Nawawala ang perlas sa Kanluran, hindi ba? Magsabi ka ng totoo!" wika ni Maira at akmang sasakmalin ang leeg ni Nikolas gamit ang mahahaba niyang kuko ngunit sinuway siyang muli ng panganay na si Amathea.
"Inyong tatandaan, huwag niyo siyang hahawakan upang hindi agad matapos ang pag-uusap na ito, marami pa tayong dapat malaman mula sa taong iyan" seryosong wika ni Amathea sabay tingin ng matalim kay Nikolas. Sa pagkakatang iyon, dahan-dahang napalingon si Nikolas sa buong paligid, patuloy pa rin ang pagkakagulo sa loob ng hospital at hindi magkamayaw ang mga nurse at doktor sa pagsalba sa buhay ng ilang pasyenteng humihingi ng tulong.
Doon niya lang napagtanto na nasa ilalim siya ng ilusyon na ginagawa ng tatlong makapangyarihang sirenang iyon dahil hindi napapansin ng ibang mga tao ang presensiya ng tatlong sirena. "Makinig ka taga-lupa, kailangan mong maibalik ang mahiwagang perlas ng Kanluran sa lalong madaling panahon. Hindi pa nalalaman ng aming ina ang pagkawala ng perlas sa hindi ko malamang dahilan. Ngunit hindi magtatagal ay malalaman din niya iyon at sa oras na mangyari iyon, huwag mo nang asahan na mabubuhay ka pa sa mundong ito" seryosong wika ni Amathea habang matalim na nakatingin ng diretso sa mata ni Nikolas.
"Hanapin at ibalik niyo na ang perlas! Hindi namin hahayaang malagay sa panganib ang aming kapatid nang dahil lang sa isang mortal na tao na tulad mo" banta ni Amathea at kasunod niyon ay binigkas nito ang kakaibang wika na tulad ng binibigkas noon ni Sirene. Unti-unting nanlabo ang mga mata ni Nikolas at bigla niyang naramdaman ang pagkirot ng kaniyang ulo.
Agad siyang napahawak sa kaniyang ulo habang tinitiis ang sakit nito, napapikit na lamang siya sa sakit at napasigaw hanggang sa bigla siyang magising. "Ginoo, ayos ka lang ba?" tanong ng isang nurse na ngayon ay ginagamot ang sugat niya sa binti.
Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang lalim ng sugat niya sa binti at doon lang niya naramdaman ang sakit nito. Napalingon siya sa paligid at napagtanto niya nandoon pa rin siya sa ospital, sa higaang iyon habang nagkakagulo pa rin ang lahat ng tao sa loob ng ospital.
"Nalinis ko na ang iyong sugat, babalikan ko mamaya ang kalagayan mo" wika ng nurse na nasa edad trenta pataas na. May ilang wisik ng dugo ang mukha at uniporme nito. Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit nakatakbo na papunta sa kabilang pasyente ang nurse na iyon.
Napahinga na lang ng malalim si Nikolas sabay pikit ng mata at napahawak sa kaniyang noo. Bigla siyang nakaramdam ng takot nang dahil sa ilusyon o masamang panaginip na nangyari sa kaniya kanina nang makita niya sa unang pagkakataong ang tatlong mahiwagang sirena na kapatid ni Sirene.
Tila sa paglipas ng araw ay nakalimutan niya ang totoong misyon nang pagpunta nila sa Maynila, at ito ay ang hanapin ang perlas at ibalik ulit sa Kanluran. Ilang sandali pa, ay naramdaman niya ang isang mainit na kamay na humawak sa braso niya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at bigla siyang nakaramdam ng ginhawa nang makita niya si... Sirene.
Agad siyang inalalayan ni Sirene na makaupo ng maayos. Nakasandal na siya ngayon sa unan, dahan-dahang inabot ng dalaga ang isang mainit na mangkok na dala nito. "Kumain ka muna" wika ni Sirene, napangiti naman ng kaunti si Nikolas habang pinagmamasdan ang dalaga nang malapitan, animo'y bigla siyang nakaramdam ng hiya.
"Maraming Salamat" wika nito, tahimik namang umupo si Sirene sa tabi ng higaan niya at pinagmasdan siyang kumain. Nakasuot ngayon ng talukbong na itim ang dalaga upang takpan ang buhok nito na kulay pilak. Napansin ni Sirene na nahihirapang kumain si Nikolas dahil namamanhid pa ang mga kamay nito kung kaya't kinuha niya ang mangkok at kutsara sa kamay ng binata at sinubuan ito.
Natulala naman si Nikolas dahil hindi niya akalaing gagawin iyon ni Sirene "Kailangan mong gumaling para makabalik na tayo sa Palawan at malaman ang kalagayan ng iyong lola" saad ni Sirene, at tinulungan niyang kumain si Nikolas na ngayon ay mas lalong nahiya dahil sa ginagawa nito.
Biglang nakaramdam ng konsensiya si Nikolas dahil imbis na ang paghahanap sa Perlas ang iniintindi ni Sirene ngayon ay mas inuna pa nitong alalahanin ang kalagayan ng kanilang Inay Diday. "N-nasaan nga pala si Batchoy" biglang tanong ni Nikolas nang mapansin niyang hindi niya pa naaaninag ang presensiya ni Batchoy magmula kanina.
"Nasa pila ng rasyon ng lugaw si Batchoy, isang mangkok kada tao lang ang binibigay nila sa ibaba" tugon ni Sirene. Napatingin naman si Nikolas sa mangkok na hawak ni Sirene na pinapakain nito sa kaniya ngayon. Naalala niyang hindi nga pala kailangan ni Sirene kumain dahil isa naman siyang immortal. Hindi rin mapigilang mapangiti ni Nikolas dahil nagawang pumila ni Sirene sa rasyon para lang makakuha ng pagkain para sa kaniya.
"Anong nginingiti-ngiti mo diyan?" pagsusungit ng dalaga dahilan para biglang mapabungisngis ng tahimik si Nikolas at agad niyang tinakpan ang mukha niyang namumula ngayon dahil sa kakaibang nararamdaman niya. "W-wala" pagtanggi niya, bigla namang nabahala si Sirene na baka may dumi sa mukha niya kaya natatawa ngayon ang pilyong binata.
"Kung pinagtatawanan mo na naman ako, ibubuhos ko sa iyo ang mainit na lugaw na ito" banta niya dahilan para biglang mapatigil si Nikola sa pagtawa at agad niyang winawasiwas sa ere ang kamay niya para itanggi na hindi naman si Sirene ang pinagtatawanan niya.
"N-natatawa lang ako sapagkat naalala ko ang mga kapilyuhan namin noon ni Batchoy hehe" palusot ni Nikolas. Kumalma naman si Sirene saka sinubuan siya muli ng lugaw. Mga ilang minuto rin ang lumipas habang tinutulungan niyang kumain si Nikolas na mas lalong ngingiti-ngiti ng binata kung kaya't napakunot na naman ang noo ni Sirene dahil sa mapangasar na ngiti ng binatang kaharap niya.
"Ano naman bang sumasagi sa maliit mong utak?" banat ni Sirene dahilan para matawa si Nikolas kung kaya't medyo tumulo ang lugaw na nasa bibig niya. Nandiri naman ang lalaking pasyente na katabi nila na nakakita sa kababuyan ni Nikolas.
"Ganito pala ang pakiramdam na pagsilbihan ng asawa... este ng isang isda" pang-asar pa ni Nikolas. Napapikit na lang sa inis si Sirene pero hindi niya maintindihan kung bakit biglang sumilay sa labi niya ang isang ngiti kahit pinipigilan niya pa ito.
Hindi niya rin maunawaan kung bakit tila bumilis ang kabog ng puso niya kaya agad siyang tumayo at tumalikod kay Nikolas. "Sandali! saan ka pupunta? Huwag mo akong iwan dito" sigaw ni Nikolas nang dire-diretsong maglakad si Sirene papalabas sa pinto dahil sa nawiwindang niyang puso ngayon.
"H-hahanapin ko lang si Batchoy" sagot niya habang nakatalikod. "Maraming Salamat ulit" sigaw pa ni Nikolas kung kaya't mas lalong binilisan ni Sirene ang pag-alis doon habang hawak-hawak ang tapat ng puso niya.
Nang makarating siya sa ibaba, nakita na niya agad si Batchoy na nakaupo sa gilid ng maruming pader habang napapalibutan ng mga taong nakapila para sa rasyon. Nagkakagulo na rin sa ibabang bahagi ng ospital lalo na ang mga taong may buhat-buhat na mga pasyenteng duguan at walang malay.
Nagkalat na ang patak ng dugo at putik sa maruming sahig ng ospital habang ang ilan sa mga pasyente ay nakahandusay na sa sahig at mga upuan sa gilid. Umiiyak, nagmamakaawa at humihingi ng tulong ang ilan sa mga kapamilya ng mga pasyente ngunit wala rin silang magawa dahil kulang ang mga nurse at doktor na hindi na ngayon magkamayaw kung sino ang unang taong gagamutin.
Gustuhin mang tumulong ni Sirene at gamutin ang ilan sa mga sugatan ngunit mag-iiwan iyon ng malaking katanungan sa mga tao kung anong klaseng nilalang siya. Bukod doon ay sa bawat taong pinapagaling at ginagamitan niya ng kapangyarihan ay katumbas ng panghihina sa kaniyang katawan lalo na't nawawala ngayon ang mahiwagang perlas na bahagi ng kaniyang buhay.
"Kamahalan!" tawag ni Batchoy at patakbong lumapit ito sa kaniya habang yakap-yakap ang nag-iisang mangkok ng lugaw na kinakain nito. "Akin pong napag-alaman na naiwan pa rin sa daungan ang mga kagamitan natin kaya babalikan ko na po ito ngayon" wika ni Batchoy sabay talikod ngunit napatigil siya nang magsalita si Sirene.
"Huwag na, huwag ka nang bumalik doon, mas mahalaga ang kaligtasan mo rito, siguradong mag-aalala si Nikolas sa iyo" wika ni Sirene, napalunok naman sa gulat si Batchoy at dahan-dahang lumingon sa dalaga. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito dahil kadalasan naman ay wala itong pakialam sa buhay nilang dalawa ni Nikolas.
Ngunit ngayon ay tila may pakialam na ito sa kanila lalo nan ang iligtas ni Sirene si Nikolas sa paglubog ng barko kaninang madaling araw. "N-ngunit naroon po sa mga bagahe namin ang mga papeles na mahalaga kay Kolas" wika ni Batchoy, napalingon naman si Sirene sa kaniya na kanina pa pinagmamasdan ang kalunos-lunos na kalagayan ng ospital at mga pasyente.
"Anong papeles?" nagtataka niyang tanong. Bigla niyang naalala ang mga papel na isinilid noon ni Nikolas sa isang tampipi. Iyon din ang mga papeles na dala-dala ni Nikolas nang magtungo sila noon sa bangko.
"Ang mga papeles pong iyon ang mga patunay na mayroong salaping naiwan sa bangko ang nanay po ni Kolas, sa aming palagay ay nasa limang libong piso rin iyon" saad ni Batchoy, bigla namang kumunot ang noo ni Sirene, sa isip-isip niya ay hanggang sa gitna ba naman ng panganib ay pera pa rin ang mahalaga sa dalawang mag-pinsang iyon.
"Mas uunahin niyo pa ba ang salaping iyan kaysa sa inyong kaligtasan?" wika ni Sirene na ikinagulat ni Batchoy dahil seryoso na muli ang itsura nito. Nabitawan niya pa ang mangkok dahilan upang makalikha ito ng ingay nang bumagsak sa sahig. Iilang tao lang naman ang napalingon sa kanila dahil mas malakas ang ingay, hiyawan at pag-iyak ng mga pasyente sa bawat sulok.
"P-paumanhin po kamahalan ngunit ang salaping iyon po ang natitirang pag-asa ni Kolas para mabuhay ang kaniyang batang babaeng kapatid sa Ilocos na may sakit" tugon ni Nikolas na ikinabigla ni Sirene. Sa pagkakataong iyon, doon niya lamang napagtanto ang totoong dahilan kung bakit nangangailangan ng malaking salapi si Nikolas.
Pagbalik niya sa itaas ay naabutan niyang kausap ni Nikolas ang isang batang babae na nasa tabi ng higaan nito. Umiiyak ang batang babae dahil hindi pa gumigising ang tatay nito na duguan at nakahandusay sa higaan habang ginagamot na ng mga doktor.
Sandaling napatigil si Sirene sa paglalakad at nagtago saglit sa likod ng pintuang walang pinto. Kumpara kanina ay mas tahimik na ngayon ang ward ng ospital kung saan matatagpuan ang halos dalawampung higaan na nakahelera sa mahabang silid. Ang ilan sa mga pasyente ay mahimbing na natutulog habang inaalagaan at binabantayan ng kanilang mga kamag-anak.
Pinagmasdang mabuti ni Sirene ang ginagawa ni Nikolas na pagkausap at pagpapatawa sa batang babaeng umiiyak kanina ngunit tumahan na ngayon. Nasa edad apat na taon lang ang bata at may yakap-yakap itong manika.
Kinuha ni Nikolas ang manika at sinuklay ang buhok nito saka pinalipad-lipad sa ere dahilan para matuwa ang batang babae. Kinuwentuhan pa ni Nikolas ng mga nakakatawang bagay ang bata at kiniliti ito gamit ang paborito nitong laruan na manika dahilan upang mapabungisngis ang bata at mamutawi na sa labi nito ang matamis na ngiti.
Sa mga oras na iyon, unti-unting nakikilala ni Sirene ang totoong Nikolas na inakala niyang masama, maloko at walang kwentang tao noon.
Alas-kwatro na nang hapon, masayang nakangiti ang batang babae habang kumakaway na nagpapaalam kay Nikolas. Paalis na sila ng kaniyang tatay na ngayon ay magaling na dahil bali lang sa braso ang tinamo nito. Bago makalabas sa pinto ay tumakbo muli ang batang babae papunta kay Nikolas at yumakap ito sa kaniya bagay na nasaksihan muli ni Sirene. Hindi niya malaman kung bakit tila lumambot ang puso niya dahil sa tagpong iyon.
"Huwag ka nang umiyak, nariyan naman si Tantan para bantayan at samahan ka" ngiti pa ni Nikolas sabay kurot sa pisngi ng bata. Napatango-tango naman ang batang babae sabay yakap sa manika nito na Tantan ang pangalan. "Tsalamat po kuya" wika muli ng bata sabay halik sa pisngi ni Nikolas, tumakbo na siya muli papunta sa mga magulang niya na nag-aantay sa kaniya papalabas sa pinto.
Nang makaalis ang batang babae at ang magulang nito ay dahan-dahang naglakad si Sirene papasok sa loob. "Kamahalan, bakit ngayon ka lang? kanina pa ako nag-aalala nab aka naligaw ka na" wika ni Nikolas habang nilalantakan ang ilang tinapay na binigay sa kaniya ng mga katabing pasyente na nakakwentuhan niya kanina. Naawa ang mga ito sa kaniya dahil siya lang ang tanging pasyente na walang kapamilyang kasama. Mabuti na lamang dahil likas siyang madiskarte kaya hindi siya magugutom.
Dahan-dahang naupo si Sirene sa dulong bahagi ng higaan ni Nikolas at pinagmasdan niya ang sugat sa binti nito na ngayon ay unti-unti nang naghihilom. "Maraming Salamat nga pala kamahalan dahil nanumbalik na muli ang aking lakas" wika pa ng binata sabay suntok sa hangin. Sinubukang magsalita ni Sirene pero nagsalita muli si Nikolas.
"Siya nga pala, huwag ka na mag-alala dahil nasa mabuting kalagayan na ang binatang hapon na kinahuhumalingan mo" wika nito sabay ngiti nang mapang-asar dahilan para mapakunot ang noo ni Sirene. Magsasalita pa sana siya ulit ngunit inunahan na naman siya ni Nikolas at ikinuwento nito ang buong pangyayari kagabi...
Ayon kay Nikolas, nang makasakay siya sa barko ng SS Corregidor kaninang madaling araw ay nahirapan siyang hanapin ang binatang hapon na bihag ng mga sundalo dahil napakaraming tao sa loob ng barko Nagsimulang mag-agawan ang mga ito ng pwesto sa higaan at mga upuan. Ang ilan ay nagkainitan at nagkasagutan habang bitbit ang kani-kanilang mga bagahe.
Ang ilan naman ay pinili na lang maupo sa mga sulok at doon na manatili upang makaiwas sa paguunahan ng mga tao makahanap ng komportableng lugar. Hindi nagtagal ay nakita ni Nikolas ang isang sundalo na naglalakad papunta sa ilalim na bahagi ng barko. Agad niya itong sinundan at nakipagsiksikan siya sa dami ng mga taong nagsisigawan at nakikipagtalo sa isa't-isa.
Nang marating niya ang maliit na pinto na pinasukan ng sundalo ay palihim siyang nagtago muna saglit bago pumasok doon. Sa dami ng tao ay batid niyang hindi naman mamamalayan ng sundalong iyon na may sumusunod sa kaniya. Ilang beses ding lumiko sa kaliwa, sa kanan, bumaba sa hagdan, pumasok sa makipot na pintuan ang sundalong iyon at kahit anong mangyari ay hindi inalis ni Nikolas sa kaniyang paningin ang sundalong iyon.
Ilang sandali pa ay tumigil na ito sa pinakadulong pinto sa ilalim ng barko. Agad nagtago si Nikolas sa likod ng isang makipot na pader nang makita niyang may tatlo pang sundalo ang dumating at pumasok doon. Nagulat si Nikolas nang marinig ang sigawan ng mga bihag sa loob at ang pagmamakaawa nito habang pilit na pinapaamin ng mga sundalo kung isa ba silang espiya.
Walang umamin. Wala ring nangahas lumaban kung kaya't sa huli ay pare-pareho silang nakatikim ng parusa at pambubugbog. Matapos ang halos ilang minutong pagpapahirap sa mga bihag ay lumabas na ang mga sundalo bitbit ang pagkadismaya na wala silang nakuhang impormasyon.
Nang makaalis na roon ang mga sundalo ay dali-daling lumapit si Nikolas sa maliit na pintuan na halos kasing laki lang ng telebisyon na kung saan kailangang yumuko at pilit na ipagkasya ang katawan ng sinumang papasok doon.
Sinubukan niyang buksan ang pinto ngunit nakakandado ito gamit ang makapal na kandado. "Tulong" narinig niyang pakiusap ng mga bihag. Ang iba ay nagsalita pa sa kanilang lenggwahe ngunit batid ni Nikolas na humihingi rin ito ng saklolo.
Agad niyang dinukot ang maliit na balisong sa kaniyang bulsa ngunit hindi ito kasya sa butas ng kandado kung kaya't dali-dali siyang naghanap ng maliit na metal o kung anumang bagay na magkakasya sa butas ng kandado.
Napangiti siya nang makita ang isang maliit na piraso ng metal sa sahig at dali-dali niya itong ginamit upang mabuksan ang kandado. Ngunit laking gulat niya nang bigla silang nakarinig ng malakas na pagsabog at kasunod nito ay ang pag-alog ng malakas ng barko dahilan upang tumilapon ang mga tao sa bawat sulok sa loob ng barkong iyon.
Tumama ang ulo ni Nikolas sa metal na pintuan dahilan upang makaramdam siya ng kaunting pagkahilo. "Sunog! Nasusunog ang barko!" narinig niyang sigaw ng ilan, dali-dali niyang binuksan ang kandado at hindi naman siya nahirapan dahil bihasa siya sa pagbubukas ng kahit anong kandado.
"Lumulubog ang barko!" sigaw pa ng ilan, nang mabuksan ni Nikolas ang pinto ay biglang dumating na ang apat na armadong sundalong hapon at dali-dali itong pumasok sa loob. Ilang sandali pa ay lumabas na ang mga ito kasama ang binatang hapon na iniibig ni Sirene.
"Sandali!" tawag ni Nikolas ngunit muli na namang dumagundong ang barko at dahan-dahan na itong tumabingi pa-kaliwa. Nagmamadaling lumundag ang apat na armadong sundalong hapon pababa sa dagat nang makalabas sila sa barko. Ma maliit na bangkang nag-aabang sa kanila sa ibaba.
Nang makalabas si Nikolas ay huli na ang lahat dahil nakalayo na ang maliit na bangkang iyon. Sa huling pagkakataon ay nagtama ang mga mat ani Nikolas at ang binatang Hapon. Doon lamang napagtanto ni Nikolas na posibleng isang mataas na opisyal ang binatang iyon dahil nagawa pa itong iligtas ng ibang kasamahan nito.
"Malaki talaga ang aking hinala na isang opisyal ang binatang iniibig mo Kamahalan" ulit pa ni Nikolas nang matapos niyang ilahad ang buong pangyayari kay Sirene nang iligtas niya si Kenzou.
"Ilang beses ko na siya nakakadaong-palad. Noong una ay sa pasugalan ni Don Dominador, sunod naman ay sa sayawan na pinuntahan natin dito sa Maynila. Sa tuwing nakikita ko siya ay iba-iba ang trabaho niya kung kaya't malaki talaga ang hinala ko na isa rin siyang espiya" dagdag pa ni Nikolas habang napapatango-tango ito sa kaniyang sarili.
"Siya nga pala, Maraming Salamat ulit kamahalan dahil niligtas moa ko sa barkong iyon. Nakakasama lang ng loob dahil iniwan ako ng binatang iyon doon sa barko matapos ko silang iligtas Hay Nako!" reklamo pa ulit ni Nikolas at napahalukipkip pa ito sabay kagat sa tinapay na kanina niya pa kinakain habang nagkwekwento.
"Hindi ako ang nagligtas sa iyo" biglang wika ni Sirene dahilan para mapatigil si Nikolas sa pagkain at mapatingin sa dalaga na nakaupo ngayon sa dulo ng higaan niya. Nakayuko ito at nakatagilid sa kaniya "Nang lumundag ako sa karagatan upang iligtas ka, naramdaman kong naroon ka pa rin sa loob ng barkong papalubog kung kaya't dali-dali akong lumangoy papunta roon ngunit bago pa ako makarating sa barko ay natanaw ko na agad ang aking tatlong kapatid habang bitbit ka nila" patuloy ni Sirene dahilan para mas lalong maistatwa sa gulat si Nikolas.
"A-ang tatlo mong kapatid ang nagligtas sa akin?" gulat na tanong ni Nikolas, napatango-tango naman ang dalaga nang hindi lumilingon sa kaniya dahil nakayuko lang ito sa sahig.
"N-ngunit paano nila nalaman na naroon tayo sa lugar na iyon?" tanong pa ni Nikolas. Napahinga naman ng malalim si Sirene habang nakayuko pa rin. "Sa tuwing nalalagay sa panganib ang isa sa aming magkakapatid ay nararamdaman iyon ng bawat isa. Marahil ay naramdaman nilang nasa panganib ako sa mga oras na iyon" tugon ni Sirene, nagpakawala naman ng mabigat at malalim na hininga si Nikolas dahil muli niyang naalala ang ilusyon na ginawa sa kaniya ng tatlong sirenang kapatid nito kanina.
"Kanina, kinausap nila ako" panimula niya dahilan para gulat na mapalingon sa kaniya si Sirene. "N-nakita mo sila? Saan? Paano?" kinakabahang tanong ni Sirene. Tumango naman si Nikolas "Nilagay nila ako sa ilalim ng ilusyon, sa ilalim ng kapangyarihan nila kanina paggising ko. Narito sila sa ospital ngunit hindi sila nakikita ng sinuman bukod sa akin" saad ni Nikolas, halos walang kurap namang nakatitig sa kaniya ang dalaga.
Batid ni Sirene na tuwing kabilugan lang ng buwan nakikita ang mahiwagang perlas sa ilalim ng karagatan. Tuwing kabilugan lang din ng buwan nakikita ng isang mortal na tao ang isang mahiwagang sirena. Ngunit dahil nga nawawala ang mahiwagang perlas ng Kanluran kaya nakikita na ngayon ng mortal na tao si Sirene at nagkaroon din siya ng paa.
Ang ilusyon at kapangyarihan na isinagawa ng tatlo niyang kapatid ay posible naman ngunit ang paggamit niyon ay maaaring makatawag sa kapangyarihan ng kanilang ina kung kaya't delikado gamitin ang kapangyarihang iyon. Labis na lamang ang pagtataka ni Sirene kung paano nagawa ng tatlo niyang kapatid magpakita kay Nikolas kahit hindi pa kabilugan ng buwan nang hindi maalerto ang kanilang ina.
Natauhan na lamang si Sirene mula sa malalim na pag-iisip nang maramdaman niyang hinawakan ni Nikolas ng marahan ang kaniyang kamay. "Nag-aalala sila sa iyo, ngunit huwag ka mag-alala, maibabalik natin ang mahiwagang perlas sa lalong madaling panahon" pangako ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mat ani Sirene. Sa pagkakataong iyon, muli na naman niyang naramdaman ang kakaibang kabog ng kaniyang puso.
Kinabukasan, maaga pa lang ay handang-handa na makalabas ng ospital si Nikolas. Kanina pa siya nag-uunat-unat at sumasayaw-sayaw sa gitna ng mga pasyente lalo na sa harapan ng mga bata upang pasayahin ang mga ito. Labis na nagtataka at namamangha ang mga doktor dahil sa biglaang paggaling ng binata na muntikan na nilang putulan ng kaliwang binti kahapon dahil sa lalim ng sugat nito sa binti.
Ngunit ngayon ay magaling na magaling na ito at parang walang nangyari. "Insan!" sigaw ni Batchoy sabay lambitin sa leeg ni Nikolas habang bitbit nito ang kanilang mga bagahe na binalikan niya kahapon sa daungan. "Tunay ngang matagal mamatay ang masamang damo!" buwelta pa ni Batchoy kaya agad humiwalay si Nikolas sa pagkakayakap sa kaniya. "Mas matagal ang buhay mo sa'kin" bawi niya sa pinsan na ngayon ay pinagmasdan niyang mabuti.
Napatingin din si Nikolas sa kaniyang sarili dahil pareho na silang madungis ni Batchoy pero ilang saglit lang ay sabay silang natawa sa isa't-isa. "Bagama't madungis gwapo pa rin" sabay nilang papuri sa isa't-isa. Umawit at sumayaw-sayaw pa sila sa gitna dahil sa sobrang saya na hanggang ngayon ay buhay pa sila. Ang ilan ay natatawa sa pinagaggawa nila habang ang ilan naman ay pinagkakamalan silang baliw.
"Tayo'y umalis na rito" wika ni Sirene, dumaan pa ito sa gitna nila dahilan para biglang nagkahiwalay ang pinsang magkaakbay. Dire-diretsong naglakad si Sirene papalabas sa pinto, isa-isa namang pinasalamatan ni Nikolas ang mga naging kaibigan niyang pasyente at magiliw na nagpaalam sa kanila.
Nang makalabas sila sa ospital ay dire-diretsong naglakad si Sirene pa-kaliwa ngunit napatigil siya nang magsalita si Nikolas "Kamahalan! Dito ang daan papunta sa terminal ng tren" wika ni Nikolas, napalingon naman si Sirene habang hawak-hawak ang talukbong nito upang hindi liparin ng hangin.
Mahangin ngayon sa labas, alas-nuwebe pa lang ng umaga. Kumapra noong isang araw ay mas tahimik ngayon at halos walang ibang taong naglalakad sa gitna ng kalsada. Nagkalat din ang mga pira-piraso ng mga bakal, kahoy, bato, gamit sa bahay, pagkain, tubo at kung anu-ano pa sa gitna ng kalsada.
Nagkalat din ang mga sako ng buhangin (sandbags) sa bawat gilid upang panangga sa mga bala at sa bomba. Matirik ang sikat ng araw ngayon ngunit walang nangangahas na maglakad sa gitna ng kalsada bukod sa kanilang tatlo.
"Sasakay tayo ng tren patungong bicol at pagdating doon ay sasakay tayo ng bangka patungo sa Leyte, naroon daw sa Leyte si Mang Lucio na siyang pinagbigyan ni Madam Sandra ng mahiwagang perlas upang gawing alahas" patuloy pa ni Nikolas. Habang bitbit nilang dalawa ni Batchoy ang tig-isang tampipi.
Pinagmasdan ni Sirene nang mabuti si Nikolas. Mukhang malakas na ito at parang walang nangyaring sugat at pagkabali sa binti nito kahapon. Hindi niya akalain na ganoon kabilis tumalab sa binata ang kaniyang kapangyarihan.
Naka-suot ng maruming kamisa de tsino na ang manggas ay hanggang siko si Nikolas. Suot din niya ang lumang itim na pantalon at sumbrerong buri (gawa sa banig). Habang si Batchoy naman ay nakatayo sa likod ni Nikolas at ngumunguya ito ng nilagang kamote na nahingi niya sa isang pasyente kanina.
"Hindi ba't magtutungo tayo sa Palawan upang iligtas ang inyong lola" saad ni Sirene, nagkatinginan naman si Nikolas at Batchoy. "Sa ngayon ay hindi pa naman nakakarating ang mga kalaban sa Palawan kamahalan kung kaya't mahalagang unahin na muna natin ang kapakanan ng mahiwagang perlas" saad ni Batchoy, tumango-tango naman si Nikolas. Kagabi lamang ay nalaman nila na ang Maynila at ang Clark air base, Davao at ang Cebu ang unang pinupuntirya ng mga kalaban.
Sandaling napatahimik si Sirene habang pinagmamasdan si Nikolas at Batchoy. Hindi niya akalaing sa kabila ng mga kalokohan at kapilyuhan ng dalawang iyon ay may malaking puso itong tinatago sa kanilang pagkatao.
Kinagabihan, napagpasiyahan nilang magpalipas ng gabi sa daungan. Naroon pa rin ang maliliit na bangka na pinili nilang tulugan. Agad itinali ng mabuti ni Nikolas at Batchoy ang dalawang maliit na bangka upang hindi ito tangayin sa dalampasigan. Nilagyan din nila ng malaking tela ang ibabaw ng dalawang bangka upang hindi sila mahamugan.
Makalipas lamang ang kalahating oras ay naayos na nila ang kanilang tutulugan. Alas-siyete pa lang ng gabi ngunit napakatahimik na ng buong paligid. Tanging kuliglig lamang sa kalapit na gubat ang kanilang naririnig. Muling bumangon si Sirene mula sa pagkakahiga sa bangka. Hindi naman niya kailangan matulog ngunit naisipan lang niyang humiga roon dahil wala rin naman siyang pupuntahan.
Dalawang magkatabing bangka ang tinutuluyan nila ngayon. Nasa kabilang bangka magkatabi si Nikolas at Batchoy habang nasa kabila naman si Sirene kasama ang mga bagahe nila.
Naupo na si Sirene sa bangka at nang lumingon siya sa kanan ay naabutan niyang gising pa si Nikolas habang nakatitig sa maliwanag na buwan na kalahati pa lang ngayon. Agaw pansin din ang kumikislap-kislap na mga bituin sa kalangitan.
Ilang sandali pa ay nagulat si Nikolas nang biglang humakbang si Sirene sa kanilang bangka at naupo ito sa tabi niya. Gulat na napausog si Nikolas sa gilid dahilan upang masiksik na si Batchoy sa dulo ng bangka. Hindi naman nagising si Batchoy at patuloy pa rin ito sa paghilik ng malakas.
"K-kung hindi ka lang isang isda, iisipin kong mapangahas na gawain ng isang binibini ang ginagawa mong itong paglapit sa akin" panimula ni Nikolas na nautal-utal pa sa pagkabigla dahil sa ginawang paglapit ni Sirene.
Hindi naman siya kinibo ng dalaga, sa halip ay napatulala lang din ito sa ganda ng liwanag ng buwan. Walang kailaw-ilaw ngayon dahil mahigpit na pinagbabawal na magsindi ng ilaw o kandila sa gabi upang hindi makita ng mga eroplanong lumilipad sa himpapawid ang mga kabahayan.
Mabuti na lang dahil maliwanag ang buwan na tumatama pa ang repleksyon sa karagatan kung kaya't nakikita pa rin nila ang itsura ng isa't-isa. Kalmado lang din ang dagat at marahan lang din ang ihip ng hangin. Napakumot pa si Batchoy dahil sa lamig.
Silang tatlo ngayon ay nasa iisang bangka, medyo may kalumaan na ang bangka kaya siguro iniwan na ito ng may-ari. Nakaupo si Nikolas at Sirene habang nasa unahan naman ng bangka sa dulo nakahiga si Batchoy. "Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ni Sirene, isang buntong-hininga at ngiti naman ang pinakawalan ni Nikolas bago ito nagsalita.
"Pasko ngayon... at sa mga ganitong okasyon bihira matulog ng maaga ang mga tao dahil sa noche Buena, misa, kantahan at sayawan" tugon ni Nikolas. Hindi niya mapigilang malungkot dahil ngayon gabi pa naman ang araw ng Pasko.
"Sa halos tatlong daan at animnapu't limang araw sa loob ng isang taon... Ang pinakapaborito kong araw ay ang Pasko" patuloy niya pa sabay ngiti kay Sirene, napayuko naman ang dalaga.
"Bakit naman iyon ang paborito mo?"
"Dahil... tuwing pasko, bihira ang malungkot na tao. Tuwing pasko, lagi kaming dinadala noon ni inay Diday sa simbahan para kompletuhin ang huling gabi ng simbang gabi. Tuwing pasko, kahit wala kaming pera ay nagkakaroon kami ng maraming pagkain sa hapag dahil palaging binibigyan si inay ng mga pagkain mula sa kapitbahay. Tuwing pasko, doon lang kami nakakatanggap ni Batchoy ng regalo mula kay inay Diday, taon-taon nga palaging bagong damit na tinahian niya ng pangalan namin ang regalo niya" tugon ni Nikolas at bigla siyang napangiti lalo nang maalala niya ang mga damit na regalo sa kanila na may nakatahing pangalan nila. "At higit sa lahat noong pasko rin ang huling beses na nakasama ko si ina bago siya bawian ng buhay" patuloy ni Nikolas, napansin ni Sirene na biglang naging malungkot ang itsura nito.
"Ang tinutukoy ko ay ang aking ina mismo, ang nagluwal sa akin. Hindi ko man siya nakasama ng matagal at hindi man siya ang nagpalaki sa akin dahil may bago na siyang pamilya sa Ilocos ay mahal ko pa rin siya" wika ni Nikolas, sa pagkakataong iyon napansin ni Sirene ang pamumuo ng luha sa mga mata ng binata na agad nitong pinunasan.
"Matulog na nga tayo, bawal ang malungkot sa pasko" saad ni Nikolas at pinilit niyang tumawa. "Nais kong marinig ang tungkol sa iyong pamilya" biglang wika ni Sirene na ikinagulat niya. Pinagmasdan niyang mabuti ang dalaga kung nasa matinong pag-iisip pa bai to dahil bigla itong nagkaroon ng interes sa buhay ng tao, sa buhay niya mismo.
"A-ang aking ina?" ulit pa ni Nikolas sabay turo sa sarili niya. Napatango-tango naman si Sirene na animo'y bata. Wala nang nagawa si Nikolas kundi pagbigyan ang hiling ng sirena dahil baka itulak siya nito sa dagat lalo na't isang sipa lang sa kaniya nito ay diretso na siyas katubigan. Bukod doon ay kahit papaano nais niya ring ibahagi sa masungit na sirenang iyon ang kaniyang buhay.
"Bata pa lamang ako ay si inay Diday na ang nag-alaga sa akin. Si Batchoy ay lumaki rin kay inay Diday. Siya ang aming lola, ang aming ama ni Batchoy ay mga anak niya. Siya nga pala, Benedicto Barrida ang totoong pangalan ni Batchoy" bulong pa ni Nikolas kay Sirene at sabay silang natawa.
"Ang bantot ng palayaw niya pero mas ayaw niyang tinatawag siya sa pangalan niyang Benedicto Hahaha" tawa pa ni Nikolas, hindi naman mapigilan ni Sirene na matawa dahil nag-iinarte pa si Batchoy sa sarili nitong pangalan.
"Nasaan ang mga magulang ni Batchoy?" tanong ni Sirene at sabay silang lumingon ni Nikolas kay Batchoy na ngayon ay mahimbing na natutulog. Animo'y sinisigurado nila na natutulog na ito dahil pinagtsitsismisan pa nilang dalawa.
"Wala na pareho ang mga magulang ni Batchoy nang madaganan ng mga bato sa loob ng minahan ang kaniyang ama at inatake naman sa puso ang kaniyang ina nang malaman iyon. Kung kaya't sabay kaming lumaki sa pangangalaga ng aming lola Diday" paliwanag ni Nikolas. Bigla naman siyang nailang dahil nakatitig pa rin sa kaniya si Sirene ngayon kung kaya't pinagpatuloy na niya ang pagkwekwento.
"Ang aking ama naman ay namatay din hindi pa man ako pinapanganak ng aking ina. Namatay daw ang aking ama sa karagatan kasama ang aking tiyo. Nang ipanganak ako ni ina ay kailangan niyang magtrabaho sa Maynila upang mabuhay kami nila lola kung kaya't iniwan niya ako sa Palawan. Nagpapadala naman siya ng salapi at liham, nalaman ko na nasa Ilocos na siya at doon siya nagtatrabaho bilang kasambahay kay Don Miguel na may-ari ng paimprintahan ng dyaryo roon"
"Nang makaipon ako, sumunod ako sa kaniya sa Ilocos, at doon nanilbihan din ako kay Don Miguel bilang isa sa mga manggagawa sa paimprintahan ng dyaryo. Nadatnan kong mahina na si ina nang mga panahong iyon, ang sabi nila ay malala na raw ang sakit ni ina sa bato. Sinikap kong makaipon ng pera, lahat ng trabaho ay pinasok ko. Nasa negosyo ako ni Don Miguel sa umaga, sa hapon ay nagkakarpintero ako, tuwing gabi naman ay sumasama ako sa mga mangingisda. Nagbebenta rin ako ng mga basahan, walis, pamaypay at kung ano-ano. Tuwing linggo naman ay nagkukutsero ako at palagi akong nasa bahay ng mga elitista para maging katiwala at utus-utusan nila... Ginawa ko ang lahat ng iyon upang makapag-ipon ng pera. Lahat ng naipon ko ay binibigay ko kay inau pang magamit niya sa pagbili ng mga gamot"
"Ngunit isang araw napansin ko na tila lumulubha ang kalagayan niya. Tinanong ko siya kung may gamot pa siya at doon ko nalaman na matagal na pala siyang hindi umiinom ng gamot. Nalaman ko rin na hindi niya ginagastos ang perang binibigay ko sa kaniya at nilalagay niya iyon sa bangko. Nang tinanong ko siya kung bakit niya iniipon ang perang pinaghirapan ko, doon ko nalaman na mayroon pala akong mas nakababatang kapatid na babae" patuloy ni Nikolas, sandali siyang napatahimik. Napayuko naman si Sirene at hindi siya makapaniwala na sa kabila ng mga ngiti at masayahing itsura ni Nikolas ay naroon ang napakaraming pagsubok at kalungkutan na kaniyang dinanas.
Ilang sandali pa ay muli nang nagpatuloy si Nikolas "N-nalaman ko na nagkaroon ang aking ina ng ka-relasyon noon na isang magsasaka malapit sa tinitirhan ni Don Miguel. Nagbunga ang kanilang pag-iibigan. Isang batang babae na pitong taong gulang na ngayon. Carolina ang kaniyang pangalan na hango sa pangalan ng akin ina na si Carol"
"K-kaya pala itinatabi ni ina ang lahat ng perang binibigay ko sa kaniya ay dahil may malubhang karamdaman ang nakababata kong kapatid na si Carolina. May sakit siya sa dugo" dagdag pa ni Nikolas at sa pagkakataong iyon, tuluyan nang bumuhos ang mga luha sa kaniyang mata.
"N-nakita mo na si Carolina?" tanong ni Sirene, agad namang pinunasan ni Nikolas ang luha niya at sinubukan niya muling ngumiti. "Oo, nakita ko na siya, maraming beses na, tumira rin siya sa bahay namin ni Ina sa Ilocos. Masasabi kong kahit kapatid ko lang sa ina si Carolina ay mahal na mahal ko rin siya. Mabait siyang bata at masunurin, palagi niya pa akong kinakantahan kapag umuuwi ako sa bahay na pagod na pagod para raw mawala ang pagod ko. Noong kasama ko sila, parang kasama ko rin sila inay Diday at Batchoy dahil wala na akong mahihiling pa ngunit lahat ng masasayang araw na iyon ay natapos din ng mamatay na si ina... Namatay siya kinabukasan matapos ang Pasko noong nakaraang dalawang taon" saad ni Nikolas, pilit man niyang pigilan at punasan ang mga luhang sunod-sunod na pumapakawala sa kaniyang mga mata ay hindi pa rin maawat ito.
Ilang sandali pa ay nagulat siya nang biglang tapikin ni Sirene ang balikat niya. "Kaya ba, buong tapang mong kinuha ang mahiwagang perlas para sa matulungan mo ang kapatid mo?" tanong ng dalaga, dalawang tango lamang ang naisagot ni Nikolas. Ngumiti naman si Sirene ng kaunti bagay na mas lalong ikinagulat niya.
"Mali ka, ang sabi mo noon sa akin na ang salapi ang pinaka-pangunahing kailangan ng tao... Dahil sa nakikita ko ngayon, ang pinaka-pangunahing kailangan ng tao ay... Pamilya" wika ng dalaga bagay na nagpatigil sa mundo ni Nikolas. Sa lahat ng taong nakasalumuha niya sa buong buhay niya, hindi niya akalain na ang makapagbibigay pa sa kaniya ng makabuluhang sagot sa mga katanungan niya sa buhay ay isang immortal na sirena.
"Bukod doon, ang sabi mo rin kanina... Bawal ang malungkot sa Pasko" dagdag pa ni Sirene. Sa pagkakataong iyon bigla na lang napangiti si Nikolas sa kaniyang sarili. Pinunasan na niya ang luha niya at napahinga siya ng malalim. "Tama ka nga, napapabilib mo na talaga ako Kamahalan" ngiti pa niya sabay abot ng nilagang kamote kay Sirene.
"Noche Buena na maya-maya ngunit ito lang ang handa natin, sige na tikman mo na ito kamahalan" wika pa ni Nikolas sabay ngiti kahit pa namumula pa ngayon ang kaniyang mga mata. Napatitigi naman si Sirene sa nilagang kamote na hawak ng binata. Hindi naman niya kailangan kumain ngunit hindi niya mapigilang magtaka kung ano ba talaga ang lasa ng bagay na iyon na siyang paboritong-paboritong kainin ni Nikolas at Batchoy.
"Balatan mom una kamahalan saka mo kagatin ng marahan" wila pa ni Nikolas, dahan-dahan namang binalatan ni Sirene ang kamote saka tinikman ito. "Anong masasabi mo kamahalan? Talo ba niyan ang lasa ng mga halaman sa dagat at karne ng mga walang kwentang tao?" ngingiti-ngiting tanong ng binata. Napangiti naman ng kaunti si Sirene at napatango-tango ng tatlong beses dahil masarap ngang tunay ang nilagang kamote na unang beses niyang natikman.
"Pasalamat ka sa'kin kamahalan dahil ngayon marami ka nang natitikman na masasarap na pagkain" pagmamalaki pa ni Nikolas. Nagpatuloy naman sa pagkain si Sirene hanggang sa makalahati na niya ang kamote.
"Bakit ba kayong mga tao, ang hilig niyo magpasalamat?"
"Sa lahat ng bagay na makakapagpagaan sa taong tumulong sa iyo ay ang salitang 'Salamat' na galing mula sa puso. Hindi mahalaga ang materyal na bagay dahil mas mahalaga ang malaman mo sa taong iyon na tinulungan mo na nagpapasalamat siyang dumating ka sa buhay niya" paliwanag ni Nikolas, at bigla siyang natawa dahil naubos na ni Sirene ang nilagang kamote.
"Kamahalan, huwag mong aagawan si Batchoy ng kamote dahil siguradong makikita mo kung paano magalit ang isang Benedicto Barrida" tawa pa ni Nikolas dahilan upang matawa rin si Sirene lalo na sa kung paano bigkasin ni Nikolas ang buong pangalan ni Batchoy.
Mayamaya pa ay pinagpagan na ni Nikolas ang kamay niya at kinuha na rin niya ang kumot na inaangkin ni Batchoy ngayon. "Ang mabuti pa, matulog na tayo kamahalan dahil mahaba pa ang magiging paglalakbay natin bukas" wika ni Nikolas, tumayo naman na si Sirene at humakbang na siya sa kabilang bangka kung saan siya hihiga.
Pinapagpagan pa ngayon ni Nikolas ang sapin na higaan nil ani Batchoy at nang matapos siya ay agad niyang binalot sa kaniyang sarili ang puting kumot nila na binigay pa nila Ginoong Alfonso. Akmang hihiga na sana si Nikolas nang mapatigil siya dahil biglang nagsalita si Sirene na nakaupo ngayon sa kabilang bangka habang nakatingin sa kaniya. "Kolas"
"Bakit kamahalan?" nagtatakang tanong ni Nikolas, napayuko naman si Sirene at napapikit. Animo'y may sasabihin ito ngunit nag-aalinlangan pa rin. "Gusto mo pa ng kamote?" inosenteng tanong ni Nikolas ngunit napailing-iling lang si Sirene.
"Ah, nais mo ba ng karagdagang kumot? Heto" wika pa ni Nikolas sabay abot kay Sirene ng kumot nil ani Batchoy. Napailing-iling lang muli si Sirene, "Ano bang----" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Sirene.
"M-maraming Salamat, Kolas" wika ng dalaga sabay higa at nagtaklob na ito ng kumot. Ilang segundo namang napatulala sa kawalan at napangiti na lang ulit si Nikolas sa kaniyang sarili bago humiga sa tabi ni Batchoy dahil hindi niya inaasahang maririnig sa unang pagkakataon ang salitang 'Salamat' mula sa bibig ng masungit na sirena.
Kinabukasan ay narating na nila ang terminal ng tren sa Tutuban. Katulad ng dati ay naroon pa rin ang napakaraming taong naghihintay at umaasa na makasakay ng tren patungong kabikulan dahil natatakot ang lahat sa mga pagsabog na nagaganap sa Maynila sapagkat batid nilang ang Maynila ang sentro ng bansa.
"Sa tingin mo makakasakay tayo sa tren pag dumating na ito?" nagtatakang tanong ni Batchoy. Nakatayo silang tatlo ngayon sa pinakabukanang bahagi ng terminal. Sa dami ng tao na nakahiga, nakaupo at agkalat sa sahig kasama ang kani-kanilang mga bagahe ay halos wala nang madaanan.
Bigla namang napangiti si Nikolas dahilan upang muli na namang masilayan ni Sirene ang biloy nito sa pisngi "Madali lang iyan, sa oras na dumating ang tren, magpapabuhat tayo kay Kamahalan para singbilis ng kidlat tayong makasakay sa loob Ha Ha Ha" tawa ni Nikolas na animo'y hari dahilan para mapalingon sa kaniya ang ibang tao.
Napakunot naman ang noo ni Sirene dahil inuumpisahan na naman siyang asarin ng pilyong binatang katabi niya na ngayon ay tatawa-tawa na parang baliw. Pipingutin na sana niya ang tenga nito ngunit bigla silang napatigil lahat nang marinig ang isang malakas na trumpeta na animo'y may parada.
Nagtatakang nagsitayuan ang mga tao at naglakad papalabas sa terminal. Napatigil ang lahat nang masaksihan ang pagdating ng malalaking sasakyang panghukbo ng mga Hapones. Malakas na tunog ng martsa ang umalingangaw sa buong paligid habang may nauunang mga pilipinong nagsasalita sa harapan habang isinasaboy sa mga tao ang mga papel na naglalaman ng mga alituntunin at pakay ng mga Hapones sa pagsakop sa Ka-Maynilaan.
Pilit na pinayuko ang lahat habang dahan-dahang dumadaan sa gitna ang mga sasakyang panghukbo ng mga Hapon lulan ang mga daan-daang sundalong Hapones na armadong-armado. Nakatayo ang mga ito ng diretso habang winagawagayway sa itaas ang kanilang bandila.
Mula sa di-kalayuan ay natanaw ni Nikolas ang isang malaking karatula na kung saan nakasaad ang salitang 'Open City'
Napagdesisyunan ng kasalukuyang pangulo na si Presidente Manuel Quezon na malayang buksan ang Intramuros at Maynila sa mga sundalong Hapones, dahil na rin sa payo ni Heneral Douglas MacArthur na gawing 'Open City' ang Maynila lalo na ang Intramuros upang hindi masira ang mga establishemento at mga makasaysayang gusali rito dahil sa mga pagsabog at pagbomba na dinudulot ng mga kalaban.
Sa oras na italaga ang isang lugar na 'Open City' ay nangangahulugan ito na wala nang mga sundalo at hukbo ang magbabantay sa lugar kung kaya't hindi na ito dapat bombahin ng kalaban.
Lumisan na si Pangulong Manuel Quezon at Heneral Douglas MacArthur patungo sa Corregidor kasama ang kaniyang mga gabinete at ang Commonwealth Government dahil mas maganda ang depensa roon ng hukbong Amerikano. Naiwan naman sa Maynila sina Jose P. Laurel at Jorge B. Vargas upang salubungin ang pagdating ng mga hukbong Hapones.
Karamihan sa mga tao ay nabigla sa mga pangyayari habang ang ilan naman ay nakahinga ng maluwag dahil kahit papaano ay mapayapa namang nakapasok ang mga hukbong Hapones sa loob ng Maynila. Sa pagkakataong iyon, isa sila Nikolas, Sirene at Batchoy sa mga libo-libong nakatayo sa gilid ng kalsada habang sinasalubong ang pagdating ng mga Hapones sakay ng kani-kanilang mamaganda at magagarang sasakyang pandigma habang lumilipad sa ere ang kanilang mga makabagong eroplano.
Napatingala si Nikolas sa kalangitan, maganda ang sikat ng araw ngayon at ang daming mga papel ang lumilipad at naglalaglagan sa paligid habang matayog na winawagaywag ang bandila ng mga Hapones sa gitna ng mga sasakyan.
Ilang sandali pa ay hinawakan ni Nikolas ang kamay ni Sirene upang hilahin na ito papalayo roon ngunit napatigil siya nang makitang tulala at hindi kumikibo ang dalaga habang nakatitig sa pinakagitnang sasakyan ng mga Hapones na dumadaan na ngayon sa kanilang tapat.
Nang sundan niya ang direksyon kung saan nakatingin si Sirene, doon niya nalaman kung sino ang tinititigan nito... Walang iba kundi ang pamilyar na binatang Hapones na iyon na ilang beses na niyang nakasalmuha, iniligtas siya nito noon laban sa mga kampon ni Don Miguel at iniligtas din niya ang binatang Hapon na iyon sa barkong papalubog noong isang araw.
"Sirene" wika ni Nikolas, dahilan upang matauhan si Sirene at mapalingon sa kaniya. Tumango siya sa dalaga bilang senyas na umalis na sila doon habang hawak niya ang kamay nito ngunit nang humakbang siya ay hindi umalis si Sirene sa kinatatayuan nila.
"S-sandali, n-nais kong malaman ang kaniyang pangalan" pakiusap ni Sirene, nagtataka namang napatingin si Batchoy sa kanila habang ngumunguya ito ng kamote. "Hindi ba pa tayo aalis?" singit nito sa usapan.
"B-bago sana tayo lumisan, n-nais kong malaman kung ano ang pangalan niya" muling pakiusap ni Sirene at napayuko ito. Hindi man niya sabihin, hindi man niya aminin, alam ni Nikolas na may pagtingin si Sirene sa binatang Hapones na iyon.
Muling naalala ni Nikolas ang naging tagpo nila sa barko nang iligtas niya ang grupo ng mga bihag na hapon noong isang araw. Nang dumating ang apat na armadong sundalong hapones at kunin nila sa loob ng makipot na bilangguan ang binatang hapon ay hindi nila namalayan na naroon sa gilid si Nikolas at nasaksihan nito ang buong pangyayari.
Nang tumakas sila at sumakay sa maliit na bangka ay pinasuot nila ng unipormeng pang-sundalo ang binatang Hapon na iyon, bago pa makalayo ang sinasakyan nilang bangka ay nabasa ni Nikolas ang pangalan ng binatang iyon na nakaburda sa uniporme nito.
Napatingin na lang si Nikolas sa kamay niya na ngayon ay hawak ang kamay ni Sirene ngunit hindi ito namamalayan ng dalaga dahil ang buong puso't-isipan nito ay nasa binatang Hapon. Bumitaw na si Nikolas sa pagkakahawak sa kamay ni Sirene at binigyan ng kaunting ngiti ang dalaga dahilan upang lumubog ang kaniyang biloy sa kaliwang pisngi.
"Kenzou... Kenzou Hayashida ang pangalan niya" tugon ni Nikolas habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Sa pagkakataong iyon, hindi niya malaman kung bakit may kakaiba sa ngiti ni Nikolas. Hindi iyon ang ngiti na madalas niyang masilayan sa labi ng binata. Ang ngiting pinapakawalan niya ngayon ay isang ngiti na taliwas sa sinasabi ng kaniyang mga mata.
*************************
Trivia: December 26, 1941 nang ideklara ng pamahalaan na maging 'Open City' ang Maynila upang mapigilan ang pagkasira nito. At iyon na rin ang simula nang pagdating ng mga Hapones.
Note: Pakinggan niyo ang celtic song na ito para mas dama niyo 'yung feels ni Nikolas nung sinabi niya ang pangalan ng taong gusto ni Sirene.
https://youtu.be/CkOfFh01RW8
"Celtic music - Aqua Lullaby by Derek and Brandon Fiechter"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top