Sirene X
[Kabanata 10]
"Huwag kang matakot umibig... Sirene"
Paulit-ulit na bumabagabag ang mga salitang iyon sa isipan ni Sirene habang naglalakad sila ni Nikolas pabalik sa kweba. Nauunang maglakad sa kaniya si Nikolas at pasimple niyang pinagmasdan ang binata. Hindi nga niya maitatanggi na may itsura naman talaga si Nikolas lalo na sa tuwing ngumingiti ito at lumalabas ang biloy sa magkabilang pisngi.
Pinagmasdan niya pa ang likod ni Nikolas, hindi man ito napaka-kisig tulad ng ibang mga prinsipe sa mga istorya ay masasabing agaw pansin din ang magandang pangangatawan ni Nikolas. Matangkad din ito at maganda ang pagkakahubog ng ugat sa kaniyang braso.
Nang mapalingon si Nikolas kay Sirene upang tingnan kung nakasunod ito sa kaniya ay agad napayuko si Sirene sabay iwas ng tingin. "Iniisip ko lang kamalahan... Paano ka pala kakain mamaya?" panimula ni Nikolas at naglakad siya pabaliktad, kung saan nakaharap siya kay Sirene at naglalakad paatras habang pilit niyang hinahampas ng marahan ang mga dahon sa mga punong nadaraanan nila.
Napagtanto naman ni Sirene na kahit papaano ay nakakaaliw din pala ang pagiging isip bata ni Nikolas "Hindi ako kakain. Hindi ko naman kailangan kumain. Ipapaubaya ko na lang ang pagkaing para sa akin sa iba na mas nangangailangan" sagot ni Sirene dahilan para mapangiti lalo si Nikolas.
"Sabi ko na nga ba may pusong busilak ka ngang talaga kamahalan!" ngiti pa ni Nikolas, agad namang napaiwas ng tingin si Sirene lalo na't hindi pa siya kumbinsido sa kung anong pagpintig at kaba na kaniyang nararamdaman sa tuwing malapit sa kaniya si Nikolas.
"Sa akin mo na lang ibigay ang pagkaing para sa iyo kamahalan, magwawala na ang mga alaga ko sa tiyan" saad pa ni Nikolas sabay himas sa kaniyang tiyan. "Paano kung isda ang ulam mamaya kamahalan? Ayaw mo bang subukan tikman ang iyon?" tanong pa muli ni Nikolas, bagay na ikinakunot ng noo ni Sirene.
"Ang ibig ko lang sabihin kamahalan ay... wala namang mawawala sa iyo kung titikman mo ang mga kauri mo hindi ba? Masarap naman ang isda lalo na kapag inihaw at sinabawan hehe" patuloy pa ni Nikolas, napataas naman ng kilay si Sirene.
"Kung gayon... kung titikim ako ng isda, dapat ikaw ay titikim din ng kauri mo" diretsong sagot ng dalaga bagay na ikinanganga ni Nikolas sa gulat. "K-kain ako ng t-tao?" nandidiri niyang tanong, napatango naman si Sirene at napahalukipkip.
"Ano bang nais mong luto ng tao? inihaw o sinabawan?" dagdag pa ni Sirene, bagay na mas ikinanganga ni Nikolas at muntikan pa siyang masuka. Nagpatuloy na sa paglalakad si Sirene habang halos lumuwa naman ang mata ni Nikolas dahil sa pandidiri sa tuwing naiisip niya kakain siya ng tao.
"Bumabalik na naman siya sa pagiging mangkukulam haays" inis na bulong ni Nikolas sa kaniyang sarili habang pinagmamasdan si Sirene na nauuna nang maglakad papalayo. "Naririnig kita mula rito" saad pa ni Sirene habang nakatalikod, bigla namang napangiti si Nikolas sabay kaway "Ang sabi ko napakaganda talagang tunay ng iyong buhok kamahalan, gumagamit ka ba ng katas ng niyog?" tawa ni Nikolas sabay habol sa dalaga at nagsimula na naman siyang magkwento patungkol sa mga kung anu-anong mga walang kwentang bagay.
"Mabuti na ba ang iyong pakiramdam hijo?" nagtatakang tanong ni nay Rita habang salo-salo silang kumakain ngayon sa bukana ng kweba. Sila pa lamang ang gising, habang ang ibang sugatan ay nakahilata pa rin at hindi makagalaw kung kaya't isa-isa silang dinalhan ni nay rita ng pagkain kanina.
"O-opo, malakas po talaga ang katawan ko, sadyang pagod na pagod lang po marahil ako kanina" tugon ni Nikolas, napatango na lang si nay Rita ngunit bakas sa mukha nito na hindi pa siya kumbinsido. "Siya nga po pala, saan po kayo nakakuha ng pondo at mga pagkain?" tanong pa ni Nikolas upang malihis ang usapan. Napansin din niya kanina ang maraming mga sako ng bigas, prutas at mga pagkain ang nakaimbak sa loob ng kweba.
"Si Ginoong Alfonso ang nagdala ng lahat ng iyan dito, maagap siyang kumilos at nakapaghanda para sa paparating na digmaan" sagot ni nay Rita sabay higop ng sabaw sa lugaw na kaniyang niluto para sa almusal. "Hija? Kumain ka na" wika ni nay Rita kay Sirene na ngayon ay nakaupo lang din sa batuhan at pinagmamasdan silang kumain.
"H-huwag na... h-hindi ko naman----" hindi na natapos ni Sirene ang kaniyang sasabihin dahil bigla siyang sinagi at pa-simpleng binulungan ni Nikolas. "Kamahalan, gumamit ka ng po at opo dahil mas nakakatanda sa atin si nay Rita" mahinang tugon ni Nikolas, napaisip naman sandali si Sirene at napatingin muli sa payat na matandang babae na nasa harapan nila.
"Mas matanda ako sa kaniya, ilang libong taon na akong nabubuhay" bulong ni Sirene kay Nikolas dahilan para biglang mapanganga si Nikolas sa gulat at mahulog sa bibig niya ang lugaw na kinakain niya.
"Oh! Hijo! Mainit pa ba ang lugaw?" gulat na tugon ni nay Rita sabay abot ng basahan kay Nikolas dahil sa nakakadiring lugaw na nagkalat sa bibig nito.
Biglang natauhan si Nikolas at agad niyang pinunasan ang kaniyang bibig. Nandidiri naman ang itsura ni nay Rita dahil sa kababuyan ng binatang si Nikolas habang si Sirene naman ay walang emosyong nakatingin sa kaniya. "H-hindi naman po mainit nay hehe" wika ni Nikolas sabay tawa ng malakas upang pagtakpan ang nakakahiyang pangyayari sa buhay niya.
"Sa aking palagay ay hindi pa ligtas ang maglakabay sa kalupaan, mas makabubuti kung manatili na muna kayo rito" wika pa ni nay Rita habang pinagmamasdan si Nikolas na nag-aayos na ng gamit. Binigyan sila ni nay Rita ng isang maliit na sako. Nilagyan ito ni Nikolas ng tali saka ipinulupot sa kaniyang likod at balikat upang gawing bag.
Naglalaman iyon ng ilang piraso ng nilagang saging, kamote, bigas, tubig at kumot. Habang si Sirene naman ay nakatayo sa dulo ng bangin mula sa di-kalayuan habang pinagmamasdan ang buong paligid. Magtatanghaling tapat na ngunit makulimlim ang buong kalangitan. Matatanaw din mula sa ibaba ang ilang mga gusali na nasusunog pa rin.
"Kailangan po naming makabalik sa Palawan, mag-isa lang po ang aming lola roon kung kaya't kailangan na po namin siyang balikan" tugon ni Nikolas sabay ngiti sa matanda. Napangiti naman si nay Rita saka inabutan ng isang belo si Nikolas. "Ang mga magulang ba ng binibining iyong kasama ay mga amerikano?" usisa pa ni nay Rita.
Napalingon naman si Nikolas kay Sirene habang kausap na nito si Batchoy na kasalukuyang kumakain ng nilagang kamote at handa na rin sa paglalakbay dala ang isang sako na naglalaman ng mga pagkain na ginawa rin niyang bag.
Kulay porselana sa puti ang balat ni Sirene at kulay pilak din ang buhok nito bagay na hindi normal sa isang purong Pilipino. "Ah! Opo, ang mga magulang po niya ay mga dayuhan" tugon ni Nikolas, tumango naman ng marahan si nay Rita saka tinapik ang balikat ng binata.
"Oh, siya, mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay. Bukas ang lugar na ito kung sakaling wala na kayong mapuntahan. Kahit anong mangyari ay handang tumulong sa atin si Ginoong Alfonso" saad ng matanda, magsasalita pa sana siya ngunit biglang dumating ang matandang lalaki bitbit ang mga panggatong na mga kahoy na kinuha nito sa kagubatan.
"Ginoong Juanito, sila po ay lilisan na dahil kailangan nilang magbalik sa Palawan" panimula ni nay Rita, agad namang ibinaba ng matandang lalaki ang mga dala niyang kahoy saka pinagpagan ang kaniyang kamay at iniabot iyon kay Nikolas.
"Mabuti na ba ang iyong pakiramdam hijo? Nang huli kitang suriin kaninang madaling araw ay nanganganib na mabali ng tuluyan ang iyong tadyang... ngunit sa nakikita ko ngayon ay maayos naman na ang iyong lagay" tugon ni Ginoong Juanito, nasa edad 70 na ito ngunit kahit matanda na ay kitang-kita pa rin ang kakaiba nitong lakas at kagwapuhan. Nakasuot ito ng puting kamiso de tsino at itim na pantalon.
"Maraming Salamat po ginoo sa pagtulong niyo sa amin. Nawa'y matapos na rin po ang digmaang ito upang manumbalik na muli ang kapayapaan" tugon ni Nikolas, napatango naman si Ginoong Juanito at napabuntong-hininga.
"Nawa'y matapos na nga ang kaguluhan. Kahit kailan ay hindi nagiging maganda ang kinakalabasan ng digmaan. Kaguluhan, kamatayan at kasiraan lamang ang hatid nito" patuloy pa ni Ginoong Juanito, pinagmasdan siyang mabuti ni Nikolas at batid nito na mataas ang pinag-aralan ng matandang lalaki na nasa harapan niya ngayon lalo na sa pananalita at tindig nito.
"Ngunit kung para sa bayan at sa iyong minamahal. Ang kamatayan ay singtamis ng tagumpay na muling makamit ang Kalayaan at kapayapaan" dagdag pa ni Ginoong Juanito sabay tapik sa balikat ni Nikolas. "Bueno, hindi na namin kayo pipigilan sa inyong paglisan. Alagaan mo ng mabuti ang iyong kasintahan at pinsan" habol pa ni Ginoong Juanito sabay ngiti kay Nikolas. Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Nikolas dahil inakala ng iba na magkasintahan sila ni Sirene.
"H-hindi ko po siya kasintahan..." paliwanag niya ngunit tumawa lang si Ginoong Juanito at nay Rita. Nang malunod si Nikolas sa karagatan ng Maynila ay naroon din si nay Rita kasama ang kaniyang asawa at mga anak na lalaki. Tinulungan nilang umahon si Nikolas at ilang sandali pa ay biglang dumating ang isang magandang binibini habang pilit na ginising si Nikolas.
Pilit na ginigising ni Sirene si Nikolas ngunit hindi ito kumikibo. Mabuti na lang dahil saktong naparaan din doon ang kalesang sinasakyan ni Ginoong Juanito at agad silang tinulungan. Kasalukuyang dala-dala na ni Ginoong Juanito ang ilan sa mga sako ng bigas at prutas na dadalhin niya sa kalapit na bundok upang doon iimbak ang mga iyon.
Tanging iyon na lang din ang kaniyang naisalba dahil hindi rin nakaligtas ang kaniyang tahanan at klinika sa Intramuros nang mabagsakan ito ng bomba. Mula naman sa di-kalayuan ay natanaw ni Sirene ang walang malay na katawan ng binatang hapon na kaniyang iniligtas, bitbit na ito ng ilan sa mga kasamahan nito at agad isinakay sa maliit na bangka.
"Kung ikaw ay may pagtingin sa kaniya huwag kang matakot na sabihin iyon... dahil baka pagsisihan mo ito sa oras na huli na ang lahat" bilin pa ni Ginoong Juanito sabay tapik muli ng tatlong ulit sa balikat ni Nikolas. "Huwag mong hintayin na magkagulo ang lahat bago mo masabi sa kaniya ang tunay mong nararamdaman" patuloy pa ni Ginoong Juanito. Sa pagkakataong iyon, nang muling mapatingin si Nikolas kay Sirene ay nakaramdam din siya ng kakaibang kaba na hindi naman niya nararamdaman noon pa man.
Mag-aalas tres na nang hapon nang marating nila ang ibaba ng bundok. Sandali muna silang nagpahinga sa ilalim ng isang malaking puno. Mula sa di-kalayuan ay matatanaw na rin ang kalsadang lupa na daanan papunta sa kabisera ng Maynila.
"Pakiramdam ko ay mas ikamamatay ko ang paglalakbay natin kaysa sa mga pasabog na dala ng mga hapon" hinihingal na tugon ni Batchoy na agad napasandal sa isang malaking puno. "Dito na tayo magpalipas ng gabi" patuloy pa ni Batchoy, napaupo naman si Nikolas sa katabing puno habang si Sirene naman ay nanatiling nakatayo sa gitna habang inililibot niya ang kaniyang paningin sa buong paligid.
"Oh, siya, kukuha lang ako ng mga panggatong" saad ni Nikolas at ibinaba na niya ang mga dala-dalahan niya at nagsimula nang bumalik sa kakahuyan ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya ay bigla siyang napatigil at napalingon kay Batchoy at Sirene.
"Sa aking palagay ay dapat samahan ako kamahalan dahil baka may makasalubong akong mabangis na hayop o kalaban sa daan" saad ni Nikolas, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Sirene at Batchoy.
"Diyan ka lang manguha ng mga kahoy sa malapit, agad naman maming maririnig ang paghingi mo ng saklolo" tugon ni Sirene bagay na ikinanganga ni Nikolas. "A-ang akin lang ay ayoko nang may mangyari pang masama bago ako makahingi ng saklolo, paano na lang kung---" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil naglakad na si Sirene papunta sa kakahuyan. "Ang dami mo pang satsat, halika na" seryoso nitong tugon, bigla namang napabangon si Batchoy.
"S-sandali! P-paano naman po ako kamahalan! Paano kung may dumating na mabangis na hayop at kalaban" kinakabahang tugon ni Batchoy na anumang oras ay maiihi na sa salawal. "Umakyat ka na lang sa taas ng puno upang hindi ka nila makita" tugon ni Sirene ngunit napailing-iling lang si Batchoy na parang bata.
"H-hindi po ako marunong umakyat ng puno at hindi ko rin kaya" tugon niya sabay himas sa kaniyang bilbil na nagpuputukan na. Napahinga na lang ng malalim si Sirene saka naglakad pabalik sa ilalim ng puno at naupo roon.
"Kayong dalawa na lang ang manguha ng kahoy at ako na ang magbabantay dito sa mga gamit natin" tugon ni Sirene, aalma pa sana si Batchoy at Nikolas dahil alam nilang pareho na hindi nila kayang ipagtanggol ang mga sarili nila kumpara kung kasama nila si Sirene na kayang-kayang magpalipad ng mga tao sa isang suntok lang.
Magsasalita pa sana si Nikolas pero agad nang tinakpan ni Batchoy ang bibig nito. "Halika na, huwag mo nang galitin ang kamahalan baka iwanan niya tayo" bulong ni Batchoy sabay kaladkad kay Nikolas papunta sa kakahuyan.
"Alam mo insan nagtataka ako kung sino ang binatang iniligtas ng kamahalan sa karagatan kahapon" panimula ni Batchoy habang nangunguha sila ni Nikolas ng mga piraso ng kahoy. Nag-aagaw dilim na at kailangan na rin nilang makagawa ng apoy.
"Ang sabi niya sa akin ay iniligtas din daw niya ang binatang iyon tatlong buwan na ang nakakaraan" tugon naman ni Nikolas, gulat namang napatingin sa kaniya si Batchoy at lumapit pa ito ng kaunti.
"Sigurado ka ba riyan? Ibig sabihin may pagtingin ang kamahalan sa binatang iyon?" saad pa ni Batchoy. Napakibit balikat naman si Nikolas habang patuloy pa rin siyang naghahanap ng magandang sanga na nagkalat sa kagubatan.
"Nako! marahil ay umiibig na ang ating kamahalan! Delikado ito" wika pa ni Batchoy at napailing-iling pa. Napatigil naman si Nikolas sa kaniyang ginagawa at napalingon sa pinsan. "Bakit naman delikado? Mapapahamak ba siya kapag nagmahal siya?" nagtatakang tugon ni Nikolas. Napaisip naman ng malalim si Batchoy.
"Hindi naman, ngunit ang mga sirena ay minsan lang kung umibig at iyon ay panghabambuhay na. Kailangang masuklian ang pagmamahal nila dahil kung hindi ay habambuhay silang mabubuhay sa kalungkutan" paliwanag pa ni Batchoy, bigla namang napaisip si Nikolas. Muli niyang naalala na immortal nga pala si Sirene at ilang libong taon na itong nabubuhay sa mundo. Kung ito ay iibig at hindi masusuklian ang kaniyang pag-ibig ay habangbuhay itong magiging malungkot.
"Ibig sabihin... kailangan siyang mahalin pabalik ng binatang iyon upang hindi maging miserable ang kaniyang buhay?" tanong ni Nikolas. Napatango-tango naman si Batchoy na animo'y eksperto pagdating sa mga kwento tungkol sa mga sirena.
"Oo! Kailangan siyang mahalin pabalik ng binatang iyon na kaniyang iniibig" tugon ni Batchoy. Sa mga sandaling iyon, hindi maunawaan ni Nikolas kung bakit bigla siyang nakaramdam ng lungkot sa hindi malamang dahilan.
Maingay na huni ng mga kuliglig at mga hayop sa kagubatan ang umaalingangaw sa buong paligid. Kakatapos lamang nila kumain ng nilagang saba ng saging at kamote kanina. Ngayon naman ay nakahiga na silang tatlo sa ilalim ng puno gamit ang malaking kumot na ginawa nilang sapin at tatlo pang balabal na ginawa nilang tig-iisang kumot.
Nasa tabi ng puno si Batchoy na ngayon ay mahimbing nang natutulog habang humihilik pa ng malakas. Nasa gitna naman si Nikolas habang nasa kabilang puno naman si Sirene ilang hakbang din ang layo mula sa kanila.
Alas-otso pa lamang ng gabi kung kaya't hindi pa dinadalaw ng antok si Nikolas. Habang si Batchoy naman ay tila nanaginip na ng mahimbing. Malapit na ring mamatay ang siga ng apoy na ginawa nila kanina kung kaya't bumangon si Nikolas at nilagyan niya pa ito ng mga kahoy.
Ilang sandali pa ay napalingon sa kaniya si Sirene na nakahiga sa ilalim ng puno sa kabila. Nakahiga rin ito sa isang puting kumot at ginamit din niyang kumot ang isang itim na balabal. "Hindi ka rin ba makatulog kamahalan?" tanong ni Nikolas habang dahan-dahang sinisigaan ang apoy.
Napatingin naman si Sirene sa apoy at napaupo siya. "Hindi ko naman kailangan matulog" wika nito bagay na biglang ikinatawa ni Nikolas. Nagtaka naman ang itsura ni Sirene sabay tingin sa kaniya. "Anong nakakatawa?" tanong niya pa pero mas lalong lang natawa si Nikolas habang nakatitig sa apoy.
"W-wala lang kamahalan... Madalas ko kasing makalimutan na hindi ka nga pala tulad naming mga tao na maraming kahinaan" saad pa ni Nikolas, bigla namang ibinaling ni Sirene ang kaniyang paningin sa nagliliyab na apoy bago pa muling magtama ang mga mata nila ni Nikolas.
"Minsan naisip ko na rin na nais ko ring maranasan ang kahinaan niyong mga tao" tugon ni Sirene, napatigil naman si Nikolas sa pagtawa sabay tingin sa dalaga. "Nais mong maranasan magutom? Mapagod? Antukin? Magkasakit? Masaktan? Masugatan? At mamatay?" nagtatakang tanong ni Nikolas. Napatango naman si Sirene na parang bata.
Sandali silang napatahimik. Ilang segundo rin ang lumipas na walang umimik sa kanilang dalawa habang pareho silang nakatingin ngayon sa apoy na nagliliyab sa pagitan nila. "Tulad ng apoy na iyan, kung iisipin kayang-kaya niya tapusin at wasakin ang lahat ng bagay ngunit naroon pa rin ang katotohanan na isa lamang siyang simpleng apoy. Hindi niya kasalanan na mainit siya kung kaya't nilalayuan siya ng mga tao. Hindi niya rin kasalanan na marami siyang pakinabang kaya sinasamantala siya ng mga tao. Hindi niya kasalanan na siya ay maging apoy" paliwanang ni Sirene at nagsimula siyang maglagay ng mga tuyong dahon sa apoy na iyon.
Tahimik naman siyang pinagmasdan ni Nikolas, ngayon niya pa lang nakitang magsalita ng ganoon si Sirene. Nitong mga huling araw ay nababatid niyang unti-unti na itong naglalabas ng saloobin sa kaniya bagay na hindi niya malaman kung dapat niya bang ikatuwa o ikatakot dahil kasabay din ng paglipas ng araw ay napapalapit na rin siya sa mahiwagang dalaga.
"T-totoo bang ilang libong taon ka nang nabubuhay dito sa mundo?" tanong ni Nikolas, napatango muli si Sirene ng tatlong ulit. Animo'y para siyang bata na umaamin sa isang sikreto.
"K-kung gayon gaano na katagal? Bago pa dumating ang mga kastila sa bansa? O bago pa magkaroon ng mga katutubo?" tanong pa muli ni Nikolas, napahinga naman ng malalim si Sirene habang nakatitig pa rin sa apoy.
"Bago pa magkaroon ng tao sa mundo" wika niya sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas "Bago pa magkaroon ng kayo rito sa mundong ito" dagdag pa niya. Napalunok naman si Nikolas, hindi na niya ngayon alam ang kaniyang sasabihin. Bigla tuloy siyang nagsisi kung bakit naitanong niya pa ang bagay na iyon.
Naghari ang nakakailang na hangian sa buong paligid. Ilang minuto na silang walang masabi sa isa't-isa at dahil hindi na makayanan pa ni Nikolas ang pambihirang katahimikang iyon ay nagsalita na siya "D-dapat pala hinanap mo noon ang kawayan na pinagmulan ni Malakas at Maganda para naman malaman namin kung gaano ba kalaki ang kawayan na iyon para magkasya silang dalawa" biro ni Nikolas, bigla namang napangiti si Sirene.
"Alamat lang iyon" ngiti ng dalaga. Kahit kailan ay hanga talaga siya sa galing ni Nikolas sa pagpapagaan ng usapan. "Ang kwento ng apat na sirena na tagapagbantay ng perlas sa paligid ng Pilipinas ay alamat lang din naman kamahalan. Ngunit hindi ko akalain na totoo pala iyon" wika ni Nikolas, napaisip naman si Sirene at batid niyang tama naman si Nikolas dahil ilang libong taon din silang nabuhay bilang alamat na pinagpasa-pasahan ng mga tao sa loob ng mahabang panahon.
"Kaya magmula ngayon ay lola na pala ang dapat na itawag ko sa iyo kamahalan" ngisi pa ni Nikolas bagay na ikinakunot ng noo ni Sirene. "Oh, baka mas nais mo ang pangalang Tandang Sirene" tawa pa ni Nikolas, agad namang kumuha ng mga patay na dahon si Sirene at ibinato iyon sa pagmumukha ni Nikolas. Agad namang napatayo si Nikolas at napatakbo papalayo habang tumatawa ng malakas at paulit-ulit na inasar si Sirene na 'Tandang Sirene'
Habang si Sirene naman ay pilit siyang hinahabol habang tumatawa rin at binabato niya ng mga patay na dahon paikot sa gitna ng siga ng apoy.
Kinabukasan, maagang nagising si Batchoy. Naabutan niyang mahimbing na tulog na tulog si Nikolas sa tabi niya at nakayakap pa ito sa kaniya. Nagkalat din ang mga patay na dahon sa buhok at leeg ni Nikolas na sumabit din sa kaniyang damit.
Nagtatakang napabangon si Batchoy at naabutan niyang nag-aayos na ng gamit si Sirene. "M-magandang umaga po kamahalan" bati niya sa dalaga. Agad namang napalingon sa kaniya si Sirene at napansin niyang marami ring mga patay na dahon ang sumabit sa mahabang buhok nito.
Napatingin naman si Batchoy sa kaniyang sarili dahil inakala niyang dumudikit ng kusa ang mga patay na dahon na nagkalat sa paligid nila ngunit malinis naman ang kaniyang damit. Ilang sandali pa ay bigla silang naalerto nang marinig nila ang yapak ng paa ng mga kabayo na paparating.
Agad ginising ni Batchoy si Nikolas na ngayon ay puyat na puyat dahil sa paghahabulan at asaran nila ni Sirene kagabi. Dali-daling hinila ni Batchoy si Nikolas papunta sa likod ng isang malaking puno upang magtago. Habang si Sirene naman ay agad nagtago sa likod ng isang puno.
Ilang sandali pa ay natanaw na nila mula sa di-kalayuan ang grupo ng malalaking kalesa na dumadaan sa kalsadang lupa. Punong-puno ng mga kagamitan ang mga kalesa habang nakasunod naman sa likod nito ang grupo ng mga ordinaryong mamamayan.
"Hindi sila kalaban" wika ni Nikolas habang kinukusot-kusot niya ang kaniyang mga mata. "Sandali, dito lang kayo, aalamin ko lang kung saan sila tutungo" patuloy pa ni Nikolas. Magsasalita pa sana si Sirene upang pigilan ito ngunit nakalabas na si Nikolas sa pinagtataguan nila.
"Magandang Umaga mga kababayan" bati ni Nikolas sabay lagay ng kaniyang sumbrero sa kaniyang dibdib. Napatigil naman ang kalesa at ang mga taong nakasunod dito. "Maaari ko bang malaman kung saan kayo tutungo? Hindi ako pamilyar sa lugar na ito at hindi ko rin alam ang daan papalabas" tugon pa ni Nikolas. Pinagmasdan naman siyang mabuti ng mga kalalakihan.
Ang mga bihis nito ay magaganda na parang nagtatanghal. Habang ang mga kababaihan naman ay kulot-kulot din ang buhok at matitingkad ang kulay ng sapatos. Napansin ni Nikolas na ang mga bagahe na nakalagay sa mga kalesa na dala nila ay mga gamit sa pagtatanghal sa teatro o sa karnabal.
"Patungo kami sa daungan upang makasakay ng barko patungo sa timog. Malaki ang posibilidad na wasakin ng tuluyan ng mga aleman ang Maynila lalo na ang Intramuros dahil narito ang kabisera" saad ng isang manong na wala ng buhok.
Naglakad pa si Nikolas papalapit sa kanila at napasandal sa kalesa. Ginawa niya iyon upang tingnan mabuti kung saang teatro o karnabal sila nabibilang. "Hindi ba't mga hapones daw ang nagbabadya na sumakop sa ating bansa? Sila rin ang lumusob sa Pearl Harbor noong isang araw" wika ni Nikolas, nagkatinginan naman ang mga mamamayan at napatango sila sa isa't-isa.
"Ang akala namin ay mga aleman ang nagpapalipad ng mga eroplano at naghuhulog ng mga bomba. Mas maraming mga balita ang lumalabas sa mga pahayagan patungkol sa nangyayaring digmaan sa Europa. Lalo na ang pagsasanib pwersa ng Alemanya (Germany), Italya at Hapon" saad ng manong. Napatango-tango naman si Nikolas sabay tingin sa tatak ng isang maleta na nakalagay sa gilid ng kalesa.
The Show, napagtanto ni Nikolas na ang grupo at banda na kausap niya ngayon ay ang mga nagtatanghal sa mga sayawan. Sila ang tumutugtog gamit ang iba't-ibang instrumento. Sila rin ang orchestra na banda na nasaksihan noon nila Nikolas, Sirene at Batchoy nang dumalo sila sa isang sayawan sa Intramuros.
"Siya nga pala paano mo nalaman na mga hapones ang nagtatangka ngayon sa ating bansa?" tanong muli ng manong. Napahalukipkip naman si Nikolas na parang eksperto.
"Marami lang akong koneksyon lalo na sa hukbo ng mga Amerikano at pahayagan" wika ni Nikolas sabay ngiti ng bahagya. Namangha naman sa kaniya ang mga taong kausap niya dahil ngayon ay mayroon nang makapaghahatid sa kanila ng tamang balita. Ang tinutukoy ni Nikolas na koneksyon niya ay si madam Sandra at si Don Miguel na may-ari ng paimprintahan ng dyaryo na pinagtrabahuan niya noon.
Sa kasagsagan ng World War II ay nagkaroon ng tinatawag na 'Axis Power' ito ay pinangunahan nina Adolf Hitler (Germany), Mussolini (Italy) at Emperor Hirohito (Japan). Habang ang kalaban naman nila ay ang 'Allied Forces' na pinapangunahan ng bansang Amerika, Britain, Australia, Canada, New Zealand India, the Soviet Union, China at France.
"Nais niyo bang sumama sa amin patungo sa daungan?" nakangiting tugon ng manong. Napangisi naman si Nikolas sabay tingin kay Sirene at Batchoy na kasalukuyang nagtatago pa rin sa likod ng puno.
Habang naglalakad sila sa ilalim ng mainit na araw ay tahimik lamang si Batchoy at Sirene habang si Nikolas ay sumasagap ng maraming balita. Nakatalukbong ngayon si Sirene upang takpan ang kaniyang buhok na kulay pilak.
Patuloy lang sila sa paglalakad habang kasabay ni Nikolas maglakad ang mga kalalakihan na maraming alam tungkol sa mga pangyayari. Habang kasabay naman ni Sirene at Batchoy maglakad ang mga kababaihan na nasa likuran habang bitbit ang kani-kanilang mga anak.
"Siya nga pala narinig niyo na ba ang tungkol sa halimaw na nakita raw ng mga amerikanong sundalo na lumundag sa karagatan noong nakaraang araw" pag-iiba ng usapan ng manong na nakakalbo na. Bigla namang napatigil si Nikolas at napalingon sa manong. "Hindi ko alam kung totoo nga ang balitang iyon ngunit sa aking palagay ay hindi naman gagawa ng ganoong kasinunggalingan ang mga nakasaksi" wika pa ng manong.
Pasimple namang napasulyap si Nikolas kay Sirene na ngayon ay nasa likuran at nakabalot ng talukbong mula ulo hanggang paa. "S-sa aking pagkakaalam ay naglabas daw ng malaking pabuya ang isang mayamang sundalo para sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng halimaw na binibini" patuloy pa ng manong. Hindi naman nakaimik si Nikolas at ngumiti na lang siya ng pilit upang hindi maghinala sa kaniya ang mga kausap niya.
"Isang daang dolyar ang halagang ibibigay nila sa kung sinuman ang makapagtuturo sa halimaw na binibini ng karagatan" tugon naman ng isang kalalakihan. Napalunok na lang sa kaba si Nikolas lalo na't nasa mas matinding panganib pala ngayon si Sirene.
Nang matapos ang tanghalian, agad lumapit si Nikolas kay Sirene at hinawakan ang braso nito. "Kahit anong mangyari, huwag na huwag mong aalisin ang iyong talukbong kamahalan" wika ni Nikolas. Magsasalita pa sana si Sirene ngunit nagpatuloy na si Nikolas sa paglalakad upang sabayan ang mga kalalakihan na nangunguna para makasagap pa ng mas maraming balita.
Sa mas masukal na daan ng kagubatan sila dumaan ngayon patungo sa daungan ng Maynila dahil hindi raw ligtas dumaan sa kabisera lalo nasa Intramuros at sa mga sikat na kalye sa Maynila dahil noong isang araw lang ay ilang mga gusali na ang nabagsakan ng bomba mula sa mga eroplanong hapon na patuloy na lumilipad sa himpapawid.
Tuwing gabi ay napakadilim ng paligid at halos walang ilaw ang makikita upang hindi makita ng mga piloto ng eroplano ang siyudad na pagbabagsakan ng bomba. Naglalagay ng itim na kurtina ang mga may-ari ng kabahayan sa Maynila upang hindi tumagos ang ilaw mula sa loob ng kanilang tahanan. Ang mga kandila naman ay nilalagyan nila ng harang upang hindi malaki ang sakop ng liwanag na nasasaklawan nito.
Ilang buwan na rin nag-eensayo ang lahat para sa darating na digmaan nang dahil na rin sa nangyayaring digmaan noon sa Europa. At ngayong dumating na nga ang kadiliman at digmaan ng hindi inaasahan, halos nangangamba sa takot ang lahat ng mamamayan.
Ang mga tao ay kaniya-kaniyang lumikas kasama ang kani-kanilang mga pamilya. Ang ilan ay nagtungo sa istasyon ng tren sa tutuban upang makasakay ng tren patungo sa bicol ngunit ipinagbawal na ng pamahalaan ang pagbyahe ng tren dahil maaari rin itong maging puntirya ng mga kalaban na nasa himpapawid.
Ipinagbawal din ang paglalakbay ng mga barko dahil maaari rin itong hulugan ng bomba mula sa mga mabibilis na eroplano ng mga Hapones. Kung kaya't mga maliliit na paglalakbay tulad ng mga kalesa, karitela at paglalakad ang sinimulan ng mga tao upang makaalis lang sa Maynila.
Ang ilan sa mga tindahan ay nagsara na at ang gasoline ay inirarasyon na. Ang mga bangko naman ay limitado na sa pagwihtdraw ng salapi. Habang ang tunog naman ng alarm sa buong siyudad ay hindi malaman ng ilan kung nasira ng aba dahil sa tuwing may pagsabog na nagaganap ay nahuhuli itong tumutunog.
Patuloy ang pagalingangaw ng tunog ng ambulansya at hindi na rin magkamayaw ang dami ng pasyente sa loob ng mga hospital. Naghukay din ang ilan sa mga kalupaan upang doon magtago kung sakaling may pabagsak na bomba malapit sa kanila. Nagkalat na rin ang mga sandbags sa buong paligid lalo na sa mga pintuan ng mga matataas na gusali upang hindi tablan ng mga bala at bomba.
Karamihan sa mga babasaging bintana ay nilgyan din ng mga tape at harang upang hindi makasugat sa oras na mabasag ito sa tindi ng pagsabog sa bawat paligid. Inilalagay din ng ilan ang mahahalagang dokumento na pagmamay-ari nila sa isang supot at inililibing ito sa lupa.
Kumalat din ang haka-haka na ang tubig daw ay nilagyan na ng lason ng mga kalaban kung kaya't mas lalong naalarma ang mga tao. Maging ang mga bomba raw ay mayroong nakalalason na kemikal kung kaya't mas pinili ng mga tao na umakyat sa mga kabundukan upang hindi malason sa gas na kumakalat.
Pinasok at sinugod na rin ng mga tao ang ilan sa mga tindahan at warehouses upang manguha ng mga gamit na kakailanganin nila. Ang ilan naman ay nakiusap sa mga kasamahan nila na bantayan ang mga gamit na nakolekta nila ngunit pagbalik nila sa labas ay itinakas na ng mga ito ang mga pagkain at kagamitan.
"Kunin lang natin ang mga pangunahing kailangan at ang ating makakaya" wika ng manong habang tumatakbo pabalik-balik sa loob ng isang malaking mall. Inuna niyang kunin ang mga delatang pagkain at mga sako ng bigas. Habang magkatulong naman si Batchoy at Nikolas sa pagbitbit ng iba pang mga pagkain at mga sako.
Tulala naman si Sirene sa mga nangyayari. Halos nagkakagulo na ang lahat at nag-uunahan makakuha ng mga pagkain. Nakatayo siya ngayon sa bukana ng malaking mall habang pinagmamasdan ang takot, pangamba at mangiyak-ngiyak na itsura ng mga tao sa paligid niya.
Napalingon siya sa kaniyang kaliwa at nakita niya ang grupo ng kalalakihan ang tulong-tulo na binuhat ang isang malaking sisidlan ngunit nagulat sila nang makalabas na sila at nang buksan nila ito ay naglalaman ito ng isang malamig na bangkay ng isang tao.
May iilan ding nagboluntaryo na mamigay ng mga kilo ng bigas na pinilahan at dinumog din ng mga tao. Nagkalat din ang mga espiya na kung saan ginagabayan nila ang mga eroplano sa himpapawid upang ituro ang tamang lugar na pagbabagsakan ng bomba sa pamamagitan ng mga salamin (reflecting mirror) at pagsisiga ng apoy lalo na tuwing gabi.
"Sa aking pagkakaalam ay ipinagbawal na rin ang paglalayag ng mga barko sa karagatan dahil maaaring hulugan ito ng bomba ng mga kalaban" saad ng manong. Kasalukuyan silang nag-aabang ngayon sa daungan ng Maynila. Napakraming tao ang nagkalat sa paligid at karamihan sa kanila ay nakatulog na sa sahig habang akap-akap ang mga bagahe dahil ilang araw na silang naghihintay doon ng barkong masasakyan paalis ng Maynila.
Agad inalalayan ni Nikolas si Sirene na maupo sa isang tabi at inayos niya rin ang talukbong na nakabalot sa ulo at sa buong katawan nito. Maingay ang buong paligid at nangingibabaw ang iyak ng mga sanggol at bata na nagugutom at naiinitan.
Magtatakipisilim na at kailangan na nilang maghanda. Hindi dapat sila magsindi ng ilaw o ng kahit anong liwanag na magiging dahilan para makita ng mga eroplano mula sa itaas na may tao roon sa ibaba. Agad inabutan ni Batchoy si Nikolas ng nilagang kamote dahil ilang araw na itong hindi nakakakain ng maayos. Marami nang nasagap na balita at impormasyon si Nikolas at marami na rin siyang nalaman na alternatibong daan pabalik sa Palawan.
Lumipas ang buong gabi na halos tahimik lang ang lahat. Walang nagtangkang magsindi ng apoy o kahit anong liwanag dahil magdadala iyon ng panganib sa kanila lalo na't naririnig pa rin nila ang patuloy na pag-iikot ng mga eroplanong hapon sa himapapawid.
Nakatulog na si Batchoy ng paupo habang nakasandal siya sa balikat ni Nikolas na ngayon ay nakapikit na rin at nakaidlip kahit papaano. Ilanga raw at ilang gabi na rin silang walang tulog lalo na't anumang segundo ay maaaring mabagsakan sila ng bomba.
Sandali namang napalingon si Sirene sa kaniyang tabi kung saan mahimbing nang natutulog si Nikolas habang nakahilig sa balikat nito ang pinsang si Batchoy. Nakasandal sila ngayon sa gilid ng isang karitela na naglalaman ng maraming bagahe. Halos nakaupo lang matulog ang lahat dahil sa dami ng tao. Siksikan na sila habang ang iba ay hinihigaan na rin ang kani-kaniyang mga bagahe.
Batid ni Sirene na madaling araw na. Kailanman ay hindi niya naranasan matulog dahil hindi naman niya kailangan nito. Buong gabi lang siyang gising habang tulala sa madilim na karagatan at dinadama ang amoy at hangin mula rito. Makailang beses din niyang nililingon si Nikolas at Batchoy lalo na si Nikolas dahil batid niyang ilang araw at gabi na rin itong puyat sa pag-aasikaso sa kanila lalo na sa kaniya.
Kumpara sa normal na mata ng tao ay mas malinaw ang mga mata ni Sirene kung kaya't kahit madilim ay malinaw niya pa ring nakikita ang kalagayan ng buong paligid lalo na ang mahimbing na pagtulog ni Nikolas.
Tahimik niyang pinagmasdan ang binata, ito ang mga oras na nagiging tahimik at sarado ang madaldal na bibig nito. Ngunit kahit ganoon ay tila mas gugustuhin niyang marinig na lang ang maingay na bunganga at tawa ni Nikolas kaysa ang nakababagot na katahimikan sa paligid.
Ilang sandali pa ay biglang nagsigawan sa takot ang lahat ng marinig nila ang pagdating mga truck ng mga sundalong amerikano habang tinutulak pababa ang mga ordinaryong mamamayan na mga hapones na nanirahan na sa Pilipinas.
Magmula nang sumiklab ang kaguluhan ay agad tinipon ng hukbo ang mga hapones na naninirahan sa Maynila. Karamihan sa kanila ay mga tindero, kustero, manggagawa sa pabrika, nagtitinda ng halo-halo, barber at kung anu-ano pa.
Ngayon ay tinuturing na silang mga kalaban at espiya kahit pa walang sapat na ebidensiya. Nanlaki ang mga mata ni Sirene nang matanaw niya ang binatang hapon na ngayon ay kinakaladkad na ng mga sundalo.
Naalimpungatan ang lahat at alerting tumayo ang ilan. Nagsimula namang magiyakan sa takot ang mga bata at mga kababaihan. Gulat ding nagising si Nikolas at Batchoy na ngayon ay nanlalabo pa ang paningin lalo na sa pag-usbong ng nakasisilaw na liwanag mula sa sasakyan ng mga sundalo.
"B-bakit? Anong nangyari? Sandali!" tawag ni Nikolas kay Sirene dahil bigla itong tumayo at naglakad papunta sa gitna ng mga tao hanggang sa makalapit siya sa mga sundalo at sa mga bihag na dala-dala ng mga ito. Agad sinundan ni Nikolas si Sirene at maging siya ay napatulala nang makilala ang binatang hapon na iyon kasama ang halos limampu pang mga kalalakihang hapones.
Marurumi ang kanilang suot at hindi mo aakalain na nabibilang sila sa mataas na antas ng pamumuhay. "Move! Move! Hurry!" sigaw ng heneral habang pinapatabi ang mga tao.
"Saan nila sila dadalhin?" tanong ng isang ale sa kasama niya. Napalingon naman sa kanila si Nikolas habang si Sirene naman ay tulala at halos walang kurap na sinusundan ng tingin ang binatang hapon.
"Hindi ko alam ngunit sa tingin ko ay lilitisin at susuriin silang mabuti upang malaman kung ano na ang mga plano ng kalaban" sagot naman ng isang ale. Halos hindi na makahinga sa kaba si Sirene nang itulak na papasok sa barko ang mga bihag.
Susugod na sana siya papunta roon ngunit napatigil siyang nang biglang hawakan ni Nikolas ang braso niya para pigilan siya. "Hindi ka nila maaaring makita. Ako na lang ang susunod sa kaniya" wika ni Nikolas. Gulat namang napatingin sa kaniya si Sirene lalo na nang ayusing mabuti ni Nikolas ang talukbong na nakaharang sa kaniyang mukha.
Magsasalita pa sana siya ngunit mabilis na tumawid si Nikolas papunta sa kabila kung saan dumaan siya sa gilid ng daungan upang makasabit sa mahabang tabla ng kahoy na kadugtong sa barkong papaalis. Ilang sandali pa ay dahan-dahang nakaayat si Nikolas sa gilid ng barko at nakasampa sa isang maliit na bintana sa bukana nito.
Nagsimulang magsitayuan ang mga tao dahilan upang hindi na masyado makita ni Sirene ang nangyayari sa barko dahil dali-daling nag-unahan ang mga tao pasakay sa barko. Hindi na nakontrol pa ng mga sundalo ang pagdagsa ng mga taong ilang araw na naghihintay makasakay sa barko paalis ng Maynila.
Nagkaroon ng tulakan, sigawan at bangayan makapasok lamang sa barko ng SS Coregidor. "Calm down!" sigaw ng mga sundalo ngunit wala nang nakikinig pa. Hindi nagtagal ay handa nang lumisan ang barko. Mas lalong nagmadali at nagtulakan makapasok ang mga tao.
Agad sumingit si Sirene upang makahabol sa barko ngunit huli na ang lahat dahil tinanggal na ang tabla na siyang tulay patawid sa barko. Napatigil siya nang hawakan ni Batchoy ang kaniyang braso "Kamahalan, mapanganib po kung makikita ka nila rito" wika nito at agad niyang hinila si Sirene papalayo sa mga taong pilit na nag-uunahan at lumulundag pasakay sa barko.
Nang makarating sila sa likod ay tulala at nanginginig ang kamay ni Sirene sa kaba "N-nasaan po si Kolas? Kanina lamang ay nakita kong sinundan ka niya" patuloy pa ni Batchoy, hindi naman nakapagsalita si Sirene habang tulala at nag-aalalang nakatingin sa barko na ngayon ay umaandar na papalayo.
Nanlaki ang mga mata ni Batchoy nang sundan niya ang tinitingnan ngayon ni Sirene "S-sumakay po ng barko si Kolas?!" gulat na wika nito, hindi man sumagot o tumango si Sirene ay batid niyang iyon nga ang nangyari. Sumakay ng barko si Nikolas kahit alam nitong hindi ligtas ang pag-alis ng barkong iyon. Idagdag pa libo-libong mga tao ang pilit na sumakay at nakipagsiksikan sa loob.
Dali-daling tumakbo si Batchoy papunta sa dulo ng daungan at pilit na sumigaw ito kahit pa alam niyang hindi rin siya maririnig dahil sa dami ng taong sumisigaw at nagmamakaawa rin ngayon na makasakay sa barko lalo na ang mga pamilyang naiwan at nagkahiwalay.
"KOLAS! PAKIUSAP BUMALIK KA NA RITO!" pagsusumamo ni Batchoy. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Sirene na lumuha si Batchoy at magmakaawa ng ganoon. "KOLAS! HUWAG MO NAMAN KAMING IWAN NG GANITO!" ulit pa nito. Ang eksenang iyon ang nagpadurog sa puso ni Sirene, bagama't palaging nag-aasaran at nagtatalo ang mag-pinsang si Nikolas at Batchoy ay hindi niya inaasahang ganoon nila kamahal ang isa't-isa.
Katulad din ng mga batang umiiyak na ngayon dahil nahiwalay na sila sa kani-kanilang mga pamilya. Ang mga babaeng hindi makasakay sa barko bitbit ang kanilang mga sanggol at ang mga ama na hindi na makabalik pa sakay ng barko.
Lumipas pa ang ilang minuto halos hindi na nila matanaw ang barko. Kulay asul na ang kalangitan ngunit napakadilim pa rin. Hindi pa rin maawat ang pagtangis at pagsusumamo ng ilan na makasakay sa barko. Ilang sandali pa ay nagulat ang lahat nang mapansin nila na parang may kakaibang nangyayari sa barkong SS Coregidor.
Nagsisilundagan sa tubig ang ilan habang nakasabit naman sa bukana ng barko ang ilan. "Lumulubog ang barko!" sigaw ng isang lalaki sabay turo sa barkong iyon na malayong-malayo na sa kanila. Nagsigawan ang mga tao lalo na ang mga may kaanak na nakasakay sa barkong iyon.
"Hindi nakayanan ng barko ang dami ng pasaherong sumakay!" sigaw naman ng isa. Tila nabuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan ni Sirene habang nakatanaw sa barkong iyon na unti-unti nang lumulubog habang isa-isang nahuhulog ang mga taong sakay niyon.
Mabilis na dumating ang mga sundalo at nihanda agad nila ang mga bangka upang sundan at barkong iyon na kahit papaano ay maabot pa nila sa loob ng dalawampung minuto. Nagkakagulo muli ang mga tao. Tanging malalakas na pagtangis at hiyawan dahil sa matinding takot ang naghari sa buong paligid.
Isang malakas na pagsabog ang sunod nilang narinig mula sa barko. Sa pagkakataong iyon, tila bumagal ang paligid at wala nang marinig si Sirene habang nakatingin sa barko. Magkahalong takot, pangamba, at pagkabigla ang kaniyang nararanasan na hindi niya pa naranasan kailanman.
Sa unang pagkakataon ay naranasan niya ang... takot. Habang pilit na nangingibabaw sa kaniyang isipan ang kalagayan ni Nikolas na naroon din sa barkong iyon.
Hindi na siya nagdalawang isip pa, sinimulan niyang humakbang papunta sa dulo ng daungan habang dahan-dahang inaalis ang talukbong na nakabalot sa kaniyang katawan. Sa isang iglap ay singbilis siyang lumundag sa katubigan, kasabay naman niyon ay ang pagkagulat ng mga taong nakakita sa kaniyang tunay na kaanyuan.
*******************************
Source: Kasaysayan: The History of the Filipino People Japanese Occupation by Ricardo T. Jose
Trivia: Ang paglubog ng SS Coregidor noong Disyembre 17, 1941 ay totoong nangyari sa Kasaysayan. Dulot ng overloading ay hindi ito nakayanan ng barko na siyang naging dahilan nang paglubog nito at bukod doon ay nasabing bumangga ang barkong ito sa isang mine na naging dahilan nang pagsabog. Marami ang namatay sa trahedyang ito lalo na't madilim pa dahil madaling araw nangyari ang trahedya. Ito ang larawan ng SS Coregidor.
(SS Corregidor photo provided by Chad Hill for the Philippine Diary Project)
Note: Pakinggan niyo ang Epic Siren's vocal song na ito para mafeel niyo ang ending ng chapter at ang battle :)
(Siren's Call by Tobias Marberger & Gabriel Shadid)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top