Sirene IV
[Kabanata 4]
"SINO ANG BABAENG ITO KOLAS?!" sigaw ni inang Diday na makakapag-pawindang sa sinuman. Ang kanilang lola ay ubod ng tapang at wala itong inuurungan kung kaya't hindi magandang ideya na pagsamahin sila ni Sirene na isang sirenang palaban din at walang inuurungan.
Napahinga na lang ng malalim si Nikolas sabay hawak sa kamay ni Sirene na ikinagulat ng dalaga "Inang, siya po si Sirene ang aking misis" sagot ni Nikolas na ikinatulala ni Inang Diday, na ikinanganga ni Batchoy at ikinatalim ng tingin sa kaniya ni Sirene.
Akmang bibitaw si Sirene sa pagkakahawak ni Nikolas sa kaniyang kamay ngunit hinigpitan ni Nikolas ang hawak nito at pinandilatan siya ng mata na animo'y kinakausap niya ito sa kaniyang isipan.
Bitawan mo ang kamay ko!
Nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas dahil hindi siya makapaniwala na nakakausap niya si Sirene sa isipan. Bigla niyang naalala ang sinabi ni Batchoy kagabi tungkol sa kapangyarihan at kakayahang taglay ng mga sirena at isa na nga roon ay ang kakayahan nilang makipag-usap gamit ang isipan (telepathy).
Isa... dalawa... tatlo... bitawan mo ang kamay ko! giit pa ni Sirene habang nakatingin ng matalim kay Nikolas na ngayon ay pinagpapawisan na sa kaba.
S-sumunod ka na lang kamahalan, ito na lang ang tanging paraan. Malalagot ako kay inang!
Napakunot naman ang noo ni Sirene. Wala akong pakialam kung bugbugin ka ng lola mo!
Kapag nalaman ni inang ang lahat siguradong hindi niya ako papasamahin papuntang Maynila at kapag nangyari iyon hindi mo makukuha ang perlas!
Napatigil naman si Sirene habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas. Nagtataka naman si inang Diday na nakatingin sa kanilang dalawa na ngayon ay kunot noo lang na nakatitig sa mata ng isa't-isa.
"Kolas? Hija? Anong nangyayari?" nagtatakang tanong ni inang Diday, nanatili namang kunot-noong nakatitig lang si Nikolas at Sirene sa isa't-isa, animo'y hindi sila magpapatalo. Habang hindi naman malaman ni Batchoy kung anong nangyayari sa kanilang dalawa at kanina pa siya palipat-lipat ng tingin sa kanila.
Huwag kang mag-alala kamahalan ako ang bahala. Hindi mo naman kailangang magsalita o aminin na mag-asawa tayo basta wag ka lang kokontra. Watch and burn! Pagmamayabang pa ni Nikolas at unti-unting sumilay ang nakakainis na ngisi sa labi nito.
Napakunot lalo ang noo ni Sirene. Sira! Watch and learn kasi iyon!
Ang gwapo ko talaga! tawa pa ni Nikolas sa kaniyang isipan dahilan upang mas lalong mairita si Sirene.
"Kolas? Asawa mo ba talaga ang babaeng ito?" tanong pa muli ni Inang Diday saka naglakad papalapit sa kanila. Nawindang silang lahat nang biglang hawakan ni inang Diday ang mukha ni Sirene. Napahakbang paatras si Sirene ngunit agad hinawakan ni Nikolas ang kaniyang likuran.
Pakiusap, hayaan mong hawakan ka ni inang. Tugon ni Nikolas sa kaniyang isipan habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Sa totoo lang, hindi sanay si Sirene na hawakan siya ng isang tao at ang bagay na iyon ay siguradong nakakapag-alarma sa kaniya.
"Napakagandang binibini, kasingganda ng iyong pangalan ang iyong kagandahan hija" biglang ngiti ni inang Diday na ikinanganga sa gulat ni Nikolas at Batchoy dahil tila nagustuhan agad ni inang Diday si Sirene. "Hindi ko akalain na papatulan mo ang sakit sa ulo kong apo na ito. Taga-saan ka hija? Ano ang iyong buong pangalan? Ilang taon ka na at sino ang iyong mga magulang?" patuloy pa ni inang Diday habang nakangiti kay Sirene at hawak-hawak pa nito ang mukha ng dalaga.
Halos wala namang kurap na nakatitig sa kaniya si Sirene. Sa buong buhay niya ito ang kauna-unahang beses na may isang taong magiliw ang pakikitungo sa kaniya sa una nilang pagkikita. Ang mga ngiti at tingin ng matanda ay tila nakakapagpalambot ng puso niya.
Hindi nakapagsalita si Sirene, tulala lang siya kay inang Diday kung kaya't nagulat siya nang bigla siyang akbayan ni Nikolas. "Inang, ako na po ang magkwekwento sa inyo ng ang tamis ng aming pag-iibigan" ngisi pa nito dahilan upang biglang mabilaukan si Batchoy at mapapikit naman sa inis si Sirene.
"Alam niyo na ba inang kung saan unang nag-krus ang landas namin ng pinakamamahal kong asawa?" panimula ni Nikolas nakaupo na sila ngayon sa hapag habang nakangiti naman si Inang Diday sa kanila na animo'y isa rin siyang dalaga na kinikilig basta usapang pag-ibig ang pinag-uusapan.
Samantala, nakabusangot naman ang mukha ni Batchoy dahil magsisimula na naman ang pagbibida ni Nikolas sa kaniyang sarili habang si Sirene naman ay nakaupo sa tabi niya at walang emosyon ang mukha nito.
"Nagsimula ang lahat nang sumama ako kay Don Miguel na mangisda sa laot. Napakaganda ng sikat ng araw noong umagang iyon. Ang mga ibon ay nagkakantahan sa buong paligid at napakasarap sa pakiramdam habang dumadampi sa aking balat ang napakasariwang hangin na-----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Sirene.
"Sa katangahan po niya ay nahulog siya sa bangka" sabat ni Sirene, gulat namang napatingin sa kaniya si Nikolas, Batchoy at inang Diday. Halos wala pa ring emosyon ang mukha nito. Bigla namang tumawa si Nikolas upang hindi mahalata ni inang Diday na nagiimbento lang siya ng kwento.
"Tama! Tama! Nahulog nga po ako sa bangka. At nang mahulog ako roon natanaw ko ang isang pangit na binibini na nalulunod sa dagat, agad kong tinulungan ang pangit na babaeng iyon na hindi man lang marunong lumangoy at nang dalhin ko siya sa dalamasigan nagkaroon agad ng malay ang napakapangit na babaeng iyon" patuloy pa ni Nikolas na medyo naiinis dahil sinabihan siya ni Sirene ng tanga.
"Sino ang pangit na binibini?" nagtatakang tanong ni Inang Diday. Bigla namang tinuro ni Nikolas si Sirene. "Si Sirene po inang" sagot nito. Dahilan upang mapakunot ang noo ni inang Diday at seryosong napalingon naman sa kaniya si Sirene.
"Hindi naman siya pang----" hindi na natapos pa ni inang Diday ang kaniyang sasabihin dahil biglang tumawa si Nikolas. "Biro lang po inang ganito ko lang po talaga biruin at lambingin ang aking asawa" ngisi pa ni Nikolas sabay akbay kay Sirene. Pa-simple naman siyang sinagi ni Sirene dahilan upang mapaupo ito ng tuwid.
"Sa madaling salita inang, iniligtas ko ang aking asawa sa una naming pagkikita. Matapos ang tagpong iyon, hinanap niya ako ng hinanap sa buong lalawigan ng Ilocos Norte. Halos araw-araw at gabi-gabi siya kung maghanap sa akin, hindi siya tumigil hangga't hindi niya ako nakikita dahil nais niya akong pasala----" hindi na naman natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil sumingit na naman si Sirene.
"Dahil nais ko siyang patayin" walang emosyong sagot nito dahilan upang mapanganga sa gulat si inang Diday. Nabitawan pa ni Batchoy ang mais na kinakain niya habang si Nikolas naman ay inis na napatingin sa kaniya dahil sinisira nito ang kaniyang pagkwekwento.
"Patayin? Papatayin mo ang apo ko?" gulat na tanong ni inang Diday, agad namang hinawakan ni Nikolas ang balikat ng kaniyang lola dahil mukhang naalarma ito.
"A-ang ibig po niya sabihin inang ay nais niya akong patayin sa tindi ng kaniyang pagmamahal" ngisi pa ni Nikolas, nahimasmasan naman na si Inang Diday at mukhang napaniwala naman siya ng kaniyang apo.
Napasandal na ulit si Nikolas sa kaniyang upuan at muling ipinagpatuloy ang kwento "Habang nagtatrabaho ako sa paimprintahan ng diaryo ni Don Miguel palagi akong dinadalaw ni Sirene. Walang araw na lumilipas na hindi niya matiis na dalhan ako ng pagkain at busugin ng pagmamahal. Sa halos isang dosenang mga kababaihang nagpapantasiya sa akin si Sirene ang pinaka-mausig at pinaka-matiyaga dahilan upang masungkit niya ang puso ko" ngisi pa ni Nikolas na parang hari na nakasandal sa upuan.
Napakunot naman ang noo ni Sirene at napalingon kay Nikolas pero nginitian lang siya nito na animo'y nang-iinis ang loko.
"Ibig mong sabihin ang binibini ang nangligaw sa iyo?" nagtatakang tanong ni inang Diday at napaisip pa ito ng malalim. Base kasi sa kwento ni Nikolas ay parang si Sirene nga ang naghabol at sumuyo sa kaniya.
Napahalakhak naman si Nikolas na parang isang hari. "Ganoon nga po inang. Napag-isip-isip ko rin na nasa wastong edad naman na ako upang mag-asawa kung kaya't napagtanto ko na pwede ko na rin sigurong pagbigyan ang pag-ibig ni Sirene dahil alam kong kahit anong mangyari ay-----" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita ulit si Sirene.
"Kahit anong mangyari ay hindi siya makakatakas sa'kin at papatayin ko talaga siya" sabat nito dahilan para matulala si inang Diday. Agad namang tumawa-tawa si Nikolas sabay hampas pa sa mesa.
"Sadyang ganiyan lang po talaga magbiro ang aking asawa. Hindi raw ako makakatakas sa kaniyang pagmamahal at ikamamatay niya kapag nawalay ako sa piling niya kaya heto hindi ko akalain na susundan niya ako rito sa Palawan" tawa pa ni Nikolas, napangiti na muli si inang Diday lalo na nang sabihin nito na ayaw nila mawalay sa isa't-isa.
Napalingon naman si Nikolas kay Sirene na nakaupo sa kaniyang tabi at hinawakan niya ang kamay nito dahilan para gulat na napalingon sa kaniya ang dalaga. "Kaya mahal ko, pinapangako ko na hindi na tayo magkakahiwalay pa. Sinabi ko naman sayo bago ako umalis sa Ilocos na babalik ako matapos ang isang buwan dahil aasikasuhin ko lang ang mga papeles ni nanay at tatay" ngiti pa ni Nikolas, napakunot naman ang noo ni Sirene at pilit na kumakawala sa hawak ng binata sa kamay nito ngunit hindi niya magawang bumitaw dahil nakatingin sa kanila si inang Diday.
Bukod sa tinatakasan ni Nikolas si Don Miguel at ang mga pinagkakautangan niya, bumalik din siya sa Palawan upang kunin ang mga papeles ng kaniyang yumaong ina at ama dahil may pera pala itong naihulog sa bangko ng Maynila.
"Kailan nga pala kayo ikinasal? Bakit hindi man lang namin nabalitaan" saad pa ni inang Diday, napangiti ulit si Nikolas. Sa bawat pangloloko na ginagawa niya ay dinadaan niya palagi sa ngiti.
"Noong isang buwan lang po kami ikinasal, lihim na kasalan lang ang nangyari sa basbas na rin po ng mga magulang ni Sirene dahil botong-boto rin po sa akin ang nanay at tatay niya. Kaya nagalit si Don Miguel sa'kin dahil hindi ko pinakasalan ang anak niyang si Graciela" tugon pa ni Nikolas na animo'y hinahabol at pinagkakaguluhan siya ng mga kababaihan.
"Huwag po kayong mag-alala inang, magpapakasal po kami ulit sa simbahan. Nakaipon naman na ako ng sapat na salapi. Sa susunod na buwan ko pa po dapat sasabihin sa inyo ni Batchoy na nag-asawa na ako dahil nais kong matunghayan niyo ang pagpapakasal namin ulit, hindi ba mahal?" ngisi pa ni Nikolas sabay lingon kay Sirene. Hindi naman nakapagsalita si Sirene lalo nan ang tawagin siya ni Nikolas na 'Mahal'
"Siguraduhin niyo lang na mahanda niyo agad ang pagpapakasal dito sa ating bayan para naman makadalo ang ating mga kapitbahay. Baka naman mabuntis agad ang iyong asawa at hindi pa matuloy ang pagdiriwang" saad pa ni inang Diday dahilan para biglang mapabitaw si Nikolas at Sirene sa kamay ng isa't-isa at muntikan pa silang masuka dahil sa pinagsasabi ng matanda.
"Heto, bumili ako ng mga damit at pangkulay sa buhok kanina sa pamilihan" tugon ni Nikolas sabay abot bayong na puno ng mga damit at pangkulay sa buhok para kay Sirene. Kasalukuyan nakaupo sa salas si Sirene at walang emosyong nakatitig lang sa kawalan. Nasa kabilang bayan si Inang Diday kasama si Batchoy para sa pagdadasal sa patay ng yumao nilang kaibigan.
Nakasarado rin ang lahat ng binatana at pinto ng bahay dahil baka makita si Sirene nang sinuman at magtataka ang mga ito sa itsura ng dalaga lalo na ang kulay ng buhok nito. Kinuha na ni Sirene ang bayong na dala ni Nikolas at isa-isa niyang nilabas mga bagay sa loob niyon.
Kunot noo siyang napatingin sa mga damit na pinamili ni Nikolas. "Ang tawag diyan ay blusa at palda, masyadong mahal ang bestida kaya iyan na lang ang binili ko at sa tingin ko naman ay babagay rin 'yan sayo" saad pa ni Nikolas. Hindi naman siya inimik ni Sirene at kinuha na nito ang isang maliit na bote na kulay itim.
"Iyan naman ang pangkulay sa buhok, agaw-pansin kasi ang kulay ng buhok mo kaya mas mabuting kulayan muna natin ng itim" ngiti pa ni Nikolas, napataas naman ang kilay ni Sirene at tiningnan siya.
"Ang itim na kulay ng buhok ay para lamang sa aking ina dahil siya ang dyosa ng kamatayan. Ang itim na buhok ay para lamang din sa mga mortal na tao na ang buhay ay may hangganan. Isa akong immortal at hindi nababagay sa akin ang kulay ng kamatayan" seryosong tugon ni Sirene, natameme naman sandali si Nikolas at napalunok pa sa kaba. Ang marinig niya lang pangalan ng dyosa ng karagatan at kamatayan na si Maguayan ay parang kinikilabutan na siya.
"M-may isa pa akong kulay na binili para sayo, alam ko namang pihikan ka kaya bumili pa ako ng isang kulay" saad pa ni Nikolas, napatingin naman ulit si Sirene sa bayong at kinuha niya ang isa pang maliit na bote na kulay brown.
"Sa tingin ko ay babagay sa iyo ang kulay na iyan" ngiti pa ni Nikolas, napaiwas naman ng tingin si Sirene lalo na't hindi siya sanay na nginingitian siya ng mga tao. Ang pagngiti at pagiging masaya ay wala sa kaniyang bokabularyo.
Alas-sais na ng hapon, nakaupo lang si Sirene sa salas at hindi pa ito nagpapalit ng damit. "Nais mo bang tulungan kita sa paglagay ng kulay sa buhok mo?" tanong ni Nikolas habang bitbit ang dalawang balde ng tubig na balak niyang ilagay sa paliguan (bathtub) ni Sirene. Mapupuno na niya ng tubig ang paliguan kahit pa hindi naman ito pinag-utos ng dalaga.
"Samahan mo na lang ako sa sapa" saad ni Sirene at napatayo na ito sabay bitbit ng bayong. "Ha? sa sapa? Hindi ba sa paliguan mo na lang na ginawa namin?" tanong ni Nikolas sabay lapag ng dalawang balde ng tubig na bitbit niya.
"Sa sapa ako maliligo" tugon pa ni Sirene, walang emosyon ang mukha nito kung kaya't hindi mo malalaman kung anong tumatakbo sa kaniyang isipan. Napakamot naman sa ulo si Nikolas, "Sige, doon ka na lang matulog sa paliguan mo mamayang gabi para komportable ka" saad pa nito sabay ngiti. Hindi naman siya pinansin ni Sirene at diretso lang itong lumabas ng pinto, hindi maintindihan ni Sirene kung bakit pala-ngiti ang mga tao at ang mga bagay na iyon ang nagpapagulo sa isipan niya.
Halos dalawampung minuto rin ang kanilang nilakad bago makarating sa pinakamalapit na sapa. Nauuna maglakad si Nikolas habang nakasunod naman si Sirene at abala ito sa pagmamasid sa buong paligid. Napapatingala rin siya sa matataas na puno sa palibot ng kagubatan.
"Hindi ko akalain na kayang-kaya mo rin pala ako kausapin gamit ang iyong isipan! Ano kaya kung takutin natin si Don Miguel tiyak na maiihi iyon sa takot HA HA HA!" tawa pa ni Nikolas habang winawasiwas pa sa ere ang hawak niyang bayong.
"Sa tingin ko maaari rin nating gamitin ang kakayahan mo para takutin ang mga nagbabantay sa bangko at kapag nangyari iyon makakalikom tayo ng maraming salapi" patuloy pa ni Nikolas habang nilalantakan ang hawak niyang nilagang kamote.
Napalingon siya kay Sirene at inalok niya pa ito ng kamote "Ah! Oo nga pala hindi ka pala kumakain nito pero baka gusto mo subukan----sabi ko nga ayaw mo hehe" saad pa ni Nikolas habang tumatawa-tawa dahil bigla siyang tiningnan ng masama ni Sirene.
"Hindi salapi ang pangunahing pangangailangan ng tao" biglang saad ni Sirene, napatigil naman sa paglalakad si Nikolas at napalingon ulit sa kaniya.
"Sa mundong ito kapag wala kang pera mamamatay ka" banat naman ni Nikolas. "Eh, kayo? Ano naman ang pilosopiya sa buhay ng mga sirenang tulad mo?" tanong pa ni Nikolas habang ninanamnam ang kamote.
"Ang maging balakid sa hangarin at tungkulin ko ay karapat-dapat mamatay" diretsong sagot ni Sirene, bigla namang nabilaukan si Nikolas sabay kabig sa kaniyang dibdib upang malunok niya ng maayos ang kamoteng kinakain niya.
Napakunot naman ang noo ni Sirene dahil mukhang nabibilaukan nga si Nikolas kaya agad siyang lumapit sa binata at nang hampasin niya ang likod nito ay biglang nailuwa na ni Nikolas ang kamoteng bumara sa kaniyang lalamunan.
"Nasasamid ka mismo sa sarili mong salita" saad pa ni Sirene, napainom naman ng tubig si Nikolas sa gilid ng isang bukal. "Ang pagsisinunggaling na ginagawa mo ay siyang kikitil ng buhay mo" dagdag pa ni Sirene. Nang makainom na ng tubig si Nikolas at nang mahimasmasan na siya ay agad siyang lumingon sa dalaga.
"Sinasabi mo bang kamote ang kikitil sa buhay ko? P*nyeta! Hindi na ako kakain nito" tugon pa ni Nikolas sabay hagis sa lupa ng kamoteng hawak niya. "Maraming Salamat sa babala kamahalan" tugon niya pa kay Sirene saka taas noong nagpatuloy na sa paglalakad.
Ilang sandali pa ay narating narating na nila ang sapa (pond) "Hindi ko alam ang pangalan ng sapa na ito basta ang tawag namin dito ay sapa" tawa pa ni Nikolas pero siya lang naman ang mag-isang tumawa. Naupo na si Nikolas sa batuhan saka kinuha ang dinala niyang mais.
"Ano nga palang gagawin mo dito sa sap-----" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil biglang hinubad ni Sirene ang suot nitong asul na bestida. Agad napatalikod si Nikolas at nahulog pa siya sa batong kinauupuan niya dahil sa gulat. Maging ang mais na hawak niya ay nabitawan niya at gumulong-gulong ito sa lupa.
"M-maliligo ka pala dito, b-bakit sinama mo pa ako?" tugon pa ni Nikolas habang nakadapa sa lupa, ang lakas na ng kabog ng kaniyang puso at tila nagiging mapaglaro ang kaniyang isipan. Hindi naman niya nakita ng buo ang hubo't-hubad na katawan ni Sirene dahil napatalikod siya agad sa matinding gulat kanina. Naaninag nga lang niya ang napakaputing binti nito.
"Magbantay ka riyan baka may dumating na tao" narinig niyang tugon ni Sirene at ilang sandali pa ay narinig niya rin ang paglusong nito sa payapang tubig ng sapa. Nanginginig naman ang kamay ni Nikolas habang inaabot niya ang mais na kakainin dapat niya kanina na ngayon ay nasa lupa na. Pinagpagan niya ito ng mabuti saka kinagat sa kaniyang bibig.
Gumapang na rin siya ng dahan-dahan papalayo sa gilid ng sapa at sumandal siya sa likod ng isang puno. Napalingon siya unti-unti sa sapa at nakita niya ang bestida ni Sirene na nasa gilid ng batuhan. Sa pagkakataong iyon hindi niya maintindihan kung bakit tila nag-iinit ang kaniyang buong katawan at pinagpapawisan siya ngayong ng malamig.
"Huwag kang sisilip!" narinig niyang tugon ni Sirene dahilan upang mapasandal ulit siya sa puno at mapapunas sa kaniyang pawis. Kahit papaano ay lalaki pa rin siya at hindi niya maitatanggi na nag-iinit na ngayon ang buo niyang katawan.
"B-bakit kasi sinama mo pa ako? k-kayang-kaya mo namang bugbugin kung sakaling may magtangka ng masama sayo rito" tugon pa ni Nikolas habang pinapaypayan niya ang kaniyang sarili gamit ang kaniyang kamay.
"Ngayon ka lang ba nakakita ng katawan ng isang babae?" tugon pa ni Sirene sa tonong nang-aakit, ang paglauran ang emosyon ng tao ay isa sa mga libangan ng mga diwata at engkanto. Lumalangoy siya ngayon ng malaya sa sapa. Kasalukuyang ginagamit niya ngayon ang kaniyang buntot na kulay pilak. Ang mga kaliskis ng kaniyang buntot ang kaniyang balat ay nagniningning na parang porcelana.
Hindi naman mapigilan ni Nikolas ang kaniyang nararamdaman lalo na sa tuwing maririnig niya ang pagtilamsik ng tubig sa sapa at hindi rin mawari sa kaniyang isipan na halos walang damit ngayon si Sirene na lumalangoy doon.
"A-anong pinagsasabi mo? m-marami na akong nakita, ni hindi ko na nga mabilang sa dami" buwelta pa ni Nikolas tila minamaliit ngayon ni Sirene ang kaniyang pagkalalaki.
"Talaga? iabot mo nga sa akin ang pangkulay ng buhok" saad pa ni Sirene, bigla namang nanigas ang buong katawan ni Nikolas. Ang maisip pa lang niya na iaabot niya nang harap-harapan ang maliit na bote kay Sirene ay nagpapaapoy na sa kaniyang damdamin.
"Ako na nga lang ang lalapit diyan----" hindi na natapos pa ni Sirene ang kaniyang sasabihin dahil agad napatayo si Nikolas at nakayukong gumapang papunta sa kinalalagyan ng bayong saka mabilis na inihagis kay Sirene ang maliit na bote ng pangkulay na buhok at dali-dali siyang gumapang ng pikit-mata at nakayukong bumalik sa likod ng puno na kaniyang sinasandalan kanina.
Nasalo naman ni Sirene ang bote saka lumangoy muli ng malaya sa sapa. Ilang sandali pa, binuksan na niya ang laman ng boteng iyon saka ibinuhos sa ibabaw ng sapa at hinawakan ito. Ang paghawak na ginawa niya sa tubig na may kulay na iyon ay tila nagdulot ng mahika. Nang umahon siya sa tubig ng sapa ay naging kulay 'brown' na ang kulay ng kaniyang buhok.
"Iabot mo na sa'kin ang aking damit" saad pa ni Sirene. Napahinga na lang ulit ng malalim si Nikolas saka mabilis na kinuha ang blusa at palda na binili niya para kay Sirene at nang iaabot na niya ito nagulat siya nang makita ang bagong kulay ng buhok ng dalaga na ngayon ay nakatalikod sa kaniya.
Sa pagkakataong iyon, mas lalo na niyang nauunawaan na si Sirene ay isang sirenang nagtataglay na pambihirang kapangyarihan at kakayahan na sa tanang buhay niya ay ngayon lamang niya nasaksihan.
Alas-otso na nang gabi nang kumain sila ng hapunan. Gulat na nakatitig lang si Batchoy kay Sirene dahil kulay brown na ang mahabang buhok nito at nakasuot na rin ito ng puting blusa at kulay asul na mahabang palda na hanggang sakong (angkle) lamang ang haba. "Heto na ang ating hapunan, ibinigay lang sa'kin ni Mang Berting ang karneng ito. Pinagkakatay na niya ang iba pa niyang alagang baboy dahil nagdadalamhati siya ngayon sa pagkawala ni Carpio" wika pa ni inang Diday sabay lapag ng inihaw na karne ng baboy sa mesa.
Halos mapunit naman ang labi ni Nikolas at Batchoy habang nakangiti ng todo at sinisinghot ang bango ng kanilang ulam ngayon. Samantala, wala namang imik na nakaupo si Sirene sa hapag at napatitig din siya sa ulam na dala ni inang Diday.
"Sino po si Carpio?" tanong ni Batchoy at akmang lalantakan na niya ang ulam pero agad siyang sinuway ni inang Diday.
"Carpio ang pangalan ng pinakamamahal na biik ni Mang Berting" sagot ni inang Diday, bigla namang napanganga si Nikolas at Batchoy at nagkatinginan pa sila dahil sa gulat. Naalala nila na dinukot at inihain nila ang biik ni Mang Berting kay Sirene na Carpio pala ang pangalan.
"Magdasal na tayo" tugon ni Inang Diday sabay hawak sa kamay ni Batchoy at Sirene na nasa magkabilang tabi niya. Nagulat naman si Sirene dahil hindi siya sanay na hawakan siya ng tao at bigla siyang napalingon kay Nikolas nang hawakan din nito ang kabilang kamay niya. Pabilog ang kanilang mesa. Si inang Diday at Nikolas ang magkatapat habang si Sirene at Batchoy naman ang magkatapat.
Ipinikit na nila ang kanilang mga mata at nagsimula nang manalangin si inang Diday at magpasalamat sa Diyos sa pagkaing nakahain sa kanilang mesa ngayon. Napatitig na lang si Sirene sa kamay niyang hawak-hawak ngayon ni inang Diday at Nikolas. Maging ang pagdarasal na ginagawa ng mga ito at ang sama-samang pagkain ay tila isang kakaibang gawain para kay Sirene.
Nang matapos silang magdasal ay nagsimula na silang kumain. Agad nag-agawan si Nikolas at Batchoy sa taba ng inihaw na baboy na paborito nilang dalawa. "Umayos nga kayong dalawa para kayong bata lalo ka na Kolas may asawa ka na, unahin mo palagi ang kapakanan ng iyong asawa" suway pa sa kanila ni inang Diday, nagulat naman si Sirene nang lagyan siya ni inang Diday ng kanina sa plato at hiniwa-hiwa pa nito ang ulam para sa kaniya.
"Kumain ka ng mabuti hija, masarap ito" ngiti pa ni inang Diday, napatitig naman si Sirene sa pagkaing nakahain sa kaniyang harapan. Ngayon lang siya nakakita ng ganoong klaseng pagkain. Agad namang nagkatinginan si Nikolas at Batchoy nang maalala nila na halamang dagat o tao lang ang kinakain ni Sirene.
"Ah! inang hayaan niyo pong ako na ang magpakain sa kaniya mamaya medyo maselan po siya ngayon" saad pa ni Nikolas. Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Inang Diday at napangiti pa ito ng malawak.
"Sinasabi mo bang nagdadalang-tao na ang iyong asawa?" ngiti pa ng matanda bigla namang nabilaukan si Nikolas at napainom ng tubig. Napatingin lang sa kaniya si Sirene at hindi naman ito umimik.
"H-hindi po ina, ang ibig ko pong sabihin pihikan po kasi sa pagkain ang aking asawa kaya bibilhan ko po siya ng pagkain mamaya" palusot pa ni Nikolas na napaubo-ubo pa habang nagpapaliwanag dahil hindi matanggal ang pagkasamid niya sa kaniyang lalamunan.
"Eh, bakit hindi mo na siya binilhan pa kanina ng pagkain para makasabay natin siya ngayon sa hapunan? Sus maryusep ano ka ba naman Kolas" pagalit pa ni inang Diday at akmang babatukan ang apo pero napatigil siya nang magsalita si Sirene.
"A-ayos lang... po? Kakainin ko ... po? Ito" saad ni Sirene, napatulala naman sa kaniya si Nikolas at Batchoy. Nabitawan pa ni Batchoy ang hawak nitong kutsara at tinidor dahil hindi sila makapaniwala na ginamit ni Sirene ang salitang 'Po' na tanda ng pagbibigay galang sa nakatatanda.
"Pasensiya ka na talaga hija may pagkakataon talaga na ang sarap ihambalos sa lupa ang utak ng apo kong ito, ngunit naniniwala naman ako na mahal na mahal ka ng apo kong ito" tugon pa ni inang Diday habang binibida si Nikolas. Napatulala naman si Nikolas at Batchoy kay Sirene nang kainin na nito ang karne ng baboy.
Natauhan na lang sila nang hampasin sila ni inang Diday ng kutsara sa ulo. "Kayo talagang dalawa! Hindi magandang asal ang pagmasdan ang isang tao habang kumakain ito" suway pa ng matanda at kung ano-anong kasabihan ang pinagbubunganga nito, napapatango-tango na lang si Nikolas at Batchoy habang sinesermonan sila ni inang Diday. Ilang sandali pa, nang mapatingin si Nikolas kay Sirene ay muli niyang nakitang napangiti ito ng palihim lalo na habang pinapagalitan sila ng kanilang lola.
Kung kaya't imbis na mainis si Nikolas ay tila gumaan ang kaniyang pakiramdam nang makita na naman niyang ngumiti ang masungit na sirena.
"Oo nga pala, sa Huwebes pa ang dating ng tren sa Batangas kung kaya't sa Miyerkules ng gabi na kayo sumakay ng bangka papunta sa daungan ng Batangas" saad pa ni inang Diday sabay abot ng isang papel na naglalaman ng impormasyon sa byahe ng tren ng Manila Railroad Company o MRC (na ngayon ay kilala na bilang Philippine National Railways o PNR).
Nilagyan muli ng kanin ni Inang Diday ang plato ni Sirene na ngayon ay mukhang sarap na sarap sa kinakain nito. Ito ang unang beses na makatikim siya ng kanin at tila pamilyar din sa kaniya ang lasa ng karne na nakahain ngayon sa mesa.
Nagkatinginan naman si Nikolas at Batchoy na napangiti sa isa't-isa ngayon at mukhang nakahinga ng mas maluwag dahil nagustuhan ni Sirene ang karne ng baboy. Umaasa sila na hindi na ito manghihingi pa ng karne ng tao na tiyak na ikawiwindang na naman nila.
"Nagagalak ako na makakasama ko pa ng matagal ang asawa mo apo ko" ngiti pa ni inang Diday sabay ngiti muli kay Sirene na abala pa rin sa pagkain. "Siya nga pala, Barrida na rin ba ang gamit mong apelyido hija?" tanong ni inang Diday kay Sirene. Napatigil naman sa pagkain si Sirene at napatingin sa kaniya.
"Barrida?" nagtataka nitong tanong kung kaya't nagtaka rin ang itsura ni inang Diday. "Barrida ang apelyido namin, apelyido mo pa rin ba ang gamit mo hija?" tanong pa muli ni inang Diday biglang tumawa si Nikolas upang malihis ang usapan.
"Ah! O-opo inang hindi pa kasi kami nakakapagpasa ng papeles sa munisipyo ng Ilocos kung kaya't gamit niya pa rin ang kaniyang apelyido" sabat ni Nikolas, napatango-tango naman si inang Diday, habang si Batchoy naman ay dahan-dahan na lang sa pagkain habang nakatutok sa mga itatanong pa ng kanilang lola.
"Ano ba ang iyong apelyido hija?" magiliw na tanong ni inang Diday kay Sirene na nakatingin lang sa kaniya at walang emosyon ang mukha nito. "Apelyido?" ulit ni Sirene, alam naman niya ang ibig sabihin ng apelyido ngunit wala naman silang apelyido bukod sa ang pangalan niya ay Sirene... wala nang kasunod ito.
Nagkatinginan naman si Nikolas at Batchoy at nagmamadali silang mag-isip kung ano bang pwedeng sabihin nilang apelyido ni Sirene. Ilang sandali pa nabaling ang mata ni Batchoy sa papel ng ruta ng tren na binigay sa kanila ni inang Diday kanina.
"C-canlubang" biglang tugon ni Batchoy nang mabasa niya ang Canlubang na nakasulat sa papel. Ang Canlubang na iyon ay isang lugar sa Laguna.
"Sirene Canlubang?" tanong ni Inang Diday, napatango-tango naman si Nikolas at Batchoy sabay tawa ng malakas. "Opo inang, Canlubang ang kaniyang apelyido" ngiti pa nila at mukhang nakumbinse na naman nila ang kanilang lola.
"Dito ka na sa aking tabi matulog hija" aya pa ni Inang Diday habang kinakabit ang malaking kulambo sa kaniyang papag. Hindi naman nakaimik si Sirene, hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanang sa matanda na hindi siya natutulog dahil hindi naman niya kailangan ng tulog.
"Ah! inang sa kabilang kubo po matutulog ang aking asawa" sabat ni Nikolas habang hawak-hawak ang dalawang unan at isang kumot. Alas-nuwebe na ng gabi at tahimik na ang buong kapaligiran dahil mahimbing na ring natutulog ang buong mamamayan sa kanilang barrio.
"Kabilang kubo? Doon sa abandonadong kulungan ng kambing ni Mang Berting?" nagtatakang tanong ni inang Diday at napatigil pa ito sa pagkabit ng kulambo sa kaniyang higaan.
Bigla namang napakamot ng ulo si Nikolas at napatingin kay Sirene na nakatitig lang sa kulay asul na kulambo na kinakabit ni inang Diday, para sa kaniya ang asul na kulambong iyon ay isang malawak na karagatan.
"I-inayos ko na poi yon inang doon po matutulog ang aking asawa" saad pa ni Nikolas, bumaba naman sa higaan si inang Diday saka pinagmasdan silang dalawa ng mabuti.
"Patutulugin mo ang iyong misis sa kabilang kubo?" tanong ni inang Diday, napangiti at napatango-tango naman si Nikolas.
"Tama po kayo inang"
"At mamayang hatinggabi ay papasukin mo ang kaniyang tulugan?"
"Opo inang----Ay! Hindi ko po gagawin iyon inang!" buwelta pa ni Nikolas habang winawasiwas sa ere ang kaniyang palad para itanggi ang iniisip ng lola niya sa kaniya.
Bigla namang pinitik ni inang Diday ang noo ng kaniyang apo "Kilala kita Kolas, alam ko ang mga gawain mo. Nais mo lang patulugin ang asawa mo sa kabilang kubo para magawa niyo ang gusto niyong gawin, sinasabi ko na sa inyo na paghandaan niyo muna ang pagdiriwang ng kasal niyo dito sa barrio bago kayo gumawa ng bata, mag-ipon muna kayo bago kayo mag-anak" pangaral pa ni inang Diday habang nakapamewang pa ito.
Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit hindi na maawat sa kadadakdak si inang Diday ng kung ano-ano tungkol sa pag-aasawa at pag-aanak. "Naiintindihan niyo ba?" patuloy pa nito matapos ang halos limang minutong pangangaral.
Napatango na lang si Nikolas saka nagpaalam na sa kanila. Mukhang wala ring magagawa ngayon si Sirene kundi ang tumabi sa pagtulog kay inang Diday kahit pa hindi naman siya talaga natutulog.
Hatinggabi na at hindi mapakali si Sirene habang nakahiga sa banig at nakakulong sila sa malaking kulambo na kulay asul. Madilim ang buong paligid ngunit matalas pa rin ang kaniyang mga mata at malinaw niyang nakikita ang bawat sulok ng bahay.
Sa mga oras na ganito, tuwing gabi ay abala lang si Sirene sa paglangoy sa ilalim ng karagatan. Kailanman ay hindi siya napagod o nabagalan sa pagtakbo ng oras at panahon dahil hindi naman niya kailangang intindihin ang mga araw na lumilipas.
Isang beses lang kada buwan sila nagiging abala ng kaniyang mga kapatid at ito ay sa tuwing kabilugan ng buwan dahil kailangan nilang kumitil ng buhay ng isang tao upang ialay sa kanilang ina ng karagatan. At sa tuwing kabilugan lang din ng buwan sila nagiging alerto dahil iyon din ang pagkakataon na nagiging bukas sa mga mata ng mga mortal na tao ang mahiwagang perlas ng karagatan na kanilang binabantayan. At ngayon dahil sa pagkawala ng mahiwagang perlas ng kanluran ay humihina ang bahaging iyong ng dagat.
Ilang sandali pa, hindi mapakali si Sirene sa higaan at nang mapalingon siya sa kaniyang tabi ay nakita niya si inang Diday na mahimbing na natutulog sa tabi niya. Sandali siyang napatigil at pinagmasdan ang matanda. Hindi niya maintindihan kung bakit parang ang gaan ng pakiramdam niya sa piling ni inang Diday. Para itong ina na handang gawin ang lahat para sa kaniyang anak. At sa buong buhay niya ay hindi niya naranasan ang pagmamahal ng isang ina, ang kanilang ina na dyosa ng karagatan at kamatayan.
Taimtim niyang pinagmasdan ang matanda. Kulubot na ang balat nito at kuba na rin kung lumakad ngunit kahit ganoon ay malakas pa rin ito at talagang palaban. Habang pinagmamasdan ni Sirene si Inang Diday, hindi niya mapigilang mapaisip na ang buhay ng isang tao ay may hangganan at di tulad niya na isang kakaibang nilalang, ang kamatayan ay ang pinaka-huling bagay na nasa kaniyang isipan.
"Dahan-dahan lang sa paghawak ng karayom hija upang hindi ka matusok" magiliw na tugon ni inang Diday habang hawak-hawak ang isang tela, karayom at sinulid sabay abot ng lahat ng ito kay Sirene. Tanghali na at kakatapos lang nila kumain, kasalukuyan silang nasal abas ng bakuran habang tinuturuan siya ni inang Diday na magtahi ng damit.
Napatitig naman si Sirene sa karayom, sinulid at tela na hawak niya. Hindi namna niya kailangang magtahi ng damit dahil sa mahikang taglay niya ay kayang-kaya niya gumawa ng sarili niyang bestida na naaayon sa tungkulin niya bilang sirenang tagapagbantay sa kanluran.
"Ikaw na ang gagawa ng damit para sa iyong asawa at sa mga magiging anak niyo upang makatipid kayo. At bukod doon mas matutuwa si Kolas kapag ikaw mismo ang nagtahi ng kaniyang damit na susuotin niya sa pang-araw-araw" kinikilig na tugon ni inang Diday na animo'y para lang silang dalagita ni Sirene. Hindi naman naiwasan ni Sirene na mapangiti ng kaunti lalo na dahil ang giliw-giliw ng paghagikhik ng matanda.
"Sige na hija, ganito lang ang pagtatahi, gayahin mo ako" ngiti pa ni inang Diday sabay tahi ng damit. Napansin ni Sirene na natutusok ng karayom ang matanda dahilan upang magdugo ang daliri nito ngunit hindi naman iyon alintana ni inang Diday at patuloy pa rin ito sa pagtatahi.
Magsasalita na sana si Sirene ngunit biglang dumating si Nikolas na nakangiti ng todo sa kanila at may bitbit itong maraming prutas at gulay. "Nandito na kami!" magiliw na tugon ni Nikolas at nagmano sila ni batchoy kay inang Diday.
"Ubas ba iyan apo?" nakangiting tanong ni inang Diday kay Nikolas habang binibida ng binata ang mga prutas na dala nila. "Opo inang, binili ko talaga itong ubas para sa inyo dahil alam kong paborito niyo ito" sagot ni Nikolas habang naglalambing sa kaniyang lola. Napatalon naman sa tuwa si inang Diday sabay halik sa noo ng apo.
"Ikaw talagang bata ka, kahit pasaway ka palagi mo pa ring nasusuyo ang puso ng iyong lola" tawa pa ni inang Diday at pinaulanan din niya ng yakap at halik ang kaniyang dalawang apo na animo'y mga bata na sabik na sabik din naman sa kanilang lola.
Napatitig lang si Sirene sa kanila at ilang sandali pa ay hindi na nito mapigilang matawa ng palihim habang pinagmamasdan sila lalo na dahil mukhang mga batang musmos si Nikolas at Batchoy.
Sa pagkakataong iyon, muli na namang nakita ni Nikolas ang palihim na ngiti ni Sirene na tila isang suntok sa buwan makuha.
"Akin na ang mga prutas aayusin ko na sa hapag" tuwang-tuwang tugon ni inang Diday at sinamahan siya ni Batchoy na dalhin sa loob ng bahay ang mga prutas na dala nila.
Agad namang binalik ni Sirene ang kaniyang atensyon sa pagtatahi na madali naman niyang natutunan. Pero napatigil siya nang umupo si Nikolas sa tabi niya habang nakangiti ito na tiyak na nakakapagpairita sa buong sistema ng katawan niya.
"Anong problema mo?" pagsusungit niya. Napailing-iling naman si Nikolas habang nakangiti pa rin. Itinaas pa nito ang kaniyang paa sa isang silya sa bakuran nila.
"Ito na ang pangatlong beses na makita kitang tipid na ngumiti... bagay pala sayo" tugon ni Nikolas dahilan para biglang mapakunot ang noo ni Sirene at mapaiwas ito ng tingin. "Dapat lagi ka na lang ngumiti kasi mas maganda ka kapag nakangiti ka" patuloy pa ni Nikolas dahilan upang biglang matusok si Sirene ng karayom, hindi siya makapagtahi ng maayos dahil sa pinagsasabi ng binata.
"Masakit ba?" nag-aalalang tanong ni Nikolas sabay hawak sa kamay ni Sirene upang tingnan ito ngunit agad inalis ni Sirene ang kamay niya sa pagkakahawak ng binata. "L-lumayo ka nga sa akin" tugon pa ni Sirene at napausog ito ng kaunti papalayo kay Nikolas. Hindi niya maunawaan kung bakit tila pumintig saglit ang puso niya.
Napakamot naman sa ulo si Nikolas at napaupo ng maayos "Nag-aalala lang naman ako, napakasungit mo talaga----Teka! sandali bakit walang dugo?" gulat na tanong ni Nikolas habang nakatitig sa daliri ni Sirene na unti-unting naghihilom ang tusok ng karayom at walang dugong lumabas sa kaniyang daliri.
Napatakip naman si Nikolas sa kaniyang bibig dahil sa gulat "H-hindi rin pala kayo nasusugatan at w-wala rin kayong dugo" tulalang tugon nito. Hindi naman siya inimik ni Sirene at nagpatuloy na lang ito sa pagtatahi.
"Siguro pwede ka naming isabak sa labanan, tiyak na matatalo mo ang kalaban at hindi ka pa mamamatay" wika pa ni Nikolas dahilan upang kunot-noong mapalingon sa kaniya si Sirene kaya bigla niyang binawi ang sinabi niya at tumawa-tawa na lang.
"N-nagbibiro lang naman ako, kilala mo naman ako diba? isa akong gwapong palabiro" tawa pa ni Nikolas pero siya lang din naman ang tumawa sa sinabi niya. Magsasalita pa sana siya ngunit nakrainig sila ng pagkahulog ng mga mangkok sa loob ng kusina.
Agad napatayo si Nikolas at Sirene at napasilip sa pintuan. Naabutan nilang pinupulot ni Batchoy at inang Diday ang mga mangkok na nahulog sa mesa "Inang, ako na po hindi niyo na po makikita ang ibang piraso ng mangkok" saad ni Batchoy saka inalalayan niya si inang Diday na maupo.
"Matalas pa ang mata ko, huwag mo ngang sabihin na mahina na ako, ikaw talagang bata ka" pagsesermon pa ni inang Diday, tumatango-tango lang naman si Batchoy habang pinupulot ang ibang mangkok na nabasag.
"May karamdaman ba sa paningin ang inyong lola?" tanong ni Sirene kay Nikolas habang nakatingin ito kay Inang Diday na nakaupo sa silya at sinesermonan si Batchoy. Napalingon naman si Nikolas sa kaniya, ito ang unang beses na naging interesado si Sirene sa kanila.
"May katarata na ang kaliwang mata ni inang kung kaya't hindi na siya masyadong nakakakita" sagot ni Nikolas, bigla naalala ni Sirene ang pagtatahi kanina ni inang Diday, hindi na nito masyadong nakikita ang tinatahi niyang damit kaya natutusok ito ng karayom. Naalala rin ni Sirene na una siyang nakita ni inang Diday na kulay pilak pa ang kaniyang buhok ngunit ngayon na kulay brown na ang kaniyang buhok ay hindi naman iyon napansin ng matanda.
Kinahapunan, nang matapos silang mag-impake inihatid na sila ni inang Diday sa labas ng bahay. kamakailan niya lang din nalaman na sasama rin pala si Batchoy sa Maynila kung kaya't labis itong ikinalungkot ng matanda.
"Huwag na po kayong malungkot inang babalik po kami sa susunod na buwan, may importante lang po kaming aasikasuhin sa Maynila at mahalagang makasama rin si Batchoy baka sakaling makahanap siya ng magandang trabaho roon" tugon ni Nikolas habang yakap-yakap ang kaniyang lola na malungkot na ngayon. Bagama't lagi sila nitong binubungangaan at sinesermonan ramdam na ramdam pa rin nila ang pagmamahal ng kanilang lola na siyang kinalakihan nila.
"Pangako inang pagbalik ko may binibini rin akong ipapakilala sa inyo at sisiguraduhin kong magugustuhan niyo rin siya" ngiti pa ni Batchoy, napangiti naman si Inang Diday sabay kurot sa bilbil ng kaniyang apo.
"Halika nga kayong dalawa, huwag kayong maging pasaway at gumawa ng kung ano-ano sa Maynila! padalhan niyo ako ng sulat at huwag kayong makakalimot sa darating na Pasko" tugon pa ni inang Diday sabay yakap sa kaniyang dalawang pinakamamahal na apo na bagama't mga pilyo at maloko ay batid naman niyang mabuti ang kalooban ng mga ito.
Napatigil sila nang biglang lumabas si Sirene sa bahay at may dala itong tasa. "Ano iyan hija?" magiliw na tanong ni inang Diday.
"Isa po itong halamang gamot na makakatulong upang luminaw ang inyong mata" sagot ni Sirene, napatitig naman si inang Diday sa tasang hawak ng dalaga at kinuha niya ito. "Talaga? Maraming Salamat sa pag-aalala hija" ngiti pa nito.
Nang ininom ni inang Diday ang halamang gamot na inabot sa kaniya ni Sirene ay pa-simpleng hinawakan ni Sirene ang kaliwang mata ng matanda at kunwaring hinawi niya ang buhok nito. "Malalaman niyo po ang bisa ng gamot na iyan bukas ng umaga paggising niyo" tugon pa ni Sirene. Napangiti naman sa kaniya si inang Diday at nagulat siya nang bigla siyang yakapin nito.
Napanganga rin sa gulat si Nikolas at Batchoy dahil alam nilang konserbatibo at hindi sanay si Sirene na hinahawakan siya ng sinuman lalo na ng tao. "Maraming Salamat sa pagbisita mo sa akin dito hija, alagaan mong mabuti ang iyong sarili at ang apo ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil ikaw ang napangasawa niya, nawa'y alagaan niyo ang inyong pagsasama at sa susunod na pagbalik niyo rito ay masilayan ko na rin sana ang aking apo sa tuhod" tugon pa ni inang Diday at bigla itong napahikhik.
Natameme naman si Nikolas at nang mapatingin sa kaniya si Sirene ay agad siyang napaiwas ng tingin. "Sige na, humayo na kayo baka hindi niyo maabutan ang bangka" saad pa ni inang Diday at bumitaw na siya sa pagkakayakap niya kay Sirene. Tila natulala naman si Sirene at hindi makapaniwala sa nangyari. Sa yakap ng inang Diday ay pansamantala niyang naramdaman ang kalinga ng isang ina.
Palubog na ang araw nang makasakay sila sa malaking bangka na babyahe papunta sa daungan ng Batangas. Nasa limampung pasahero ang kayang isakay ng bangka at may malaking tabing rin ito sa itaas upang magsilbing bubong.
Halos abala ang lahat sa pakikipagkwentuhan sa kani-kanilang katabi habang yakap-yakap ang kanilang mga tampipi na naglalaman ng kanilang mga gamit. Nakaupo lang sa ilang sulok ng bangka si Sirene habang tulala itong nakatingin sa karagatan.
Ilang sandali pa ay natauhan na lang siya nang marinig niyang magsalita si Nikolas na naupo na pala sa tabi niya nang hindi niya namamalayan. "M-maraming Salamat" tugon ng binata dahilan upang nagtataka siyang mapalingon dito.
Napahinga naman ng malalim si Nikolas at napakamot pa sa kaniyang batok na animo'y nahihiya. "A-alam kong walang bisa ang halamang gamot na pinainom mo kay inang kanina dahil ang totoo ay pinagaling mo siya gamit ang kapangyarihang taglay mo" wika pa ni Nikolas sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Sirene. Agad namang napaiwas ng tingin si Sirene at muli niyang ibinaling ang tingin niya sa karagatan na kumikinang ngayon dahil sa tama ng araw na papalubog na.
"N-napagtanto ko rin na pinagaling mo ang talampakan ko nang hawakan mo ito noong isang araw" saad pa ni Nikolas, napayuko naman si Sirene at hindi na siya makatingin ngayon kay Nikolas dahil hindi niya inaasahan na malalaman nito ang kakayahan niya na magpagaling ng karamdaman ng tao.
Bukod doon ay hindi niya rin inaasahan na malalaman ni Nikolas na pinagaling din niya ang paa nito noong pinahirapan niya si Nikolas at Batchoy ay pumunta siya sa silid ng mga ito at dahan-dahang pinagaling ang bahagi ng katawan ng mag-pinsan na nabugbog niya kung kaya't nang magising ang mga ito ay hindi sila nakaramdam ng sakit sa katawan.
Hindi nagising si Batchoy noong madaling araw na iyon tanging si Nikolas lang ang nagising kung kaya't nahuli ni inang Diday si Sirene.
Napasandal na lang si Nikolas sa sulok ng bangka sa tabi ni Sirene at ipinikit niya ang kaniyang mga mata "Sa kabila nang kasungitan at katapangan mong taglay, hindi ko akalain na busilak pala ang iyong kalooban at... mas maganda ka pala kapag nakangiti" banat pa ni Nikolas dahilan upang tingnan siya ni Sirene nang matalim kung kaya't napatayo siya at napatakbo sa kabilang sulok ng bangka.
Kinabukasan, magliliwanag nan ang marating nila ang daungan ng Batangas. Masiglang-masigla ang daungan. inilahad ni Nikolas ang kaniyang palad upang tulungan si Sirene na makatapak sa daungan ngunit walang kahirap-hirap na nakasampa si Sirene sa daungan na ikinagulat ng ilang mga pasahero.
Halos hindi naman magkamayaw si Nikolas at Batchoy sa paghabol kay Sirene na mabilis na naglalakad habang bitbit nila ang mga tampipi, sako at isang baul na dala-dala nila. Ang baul na iyon ay naglalaman ng limampung libong dolyar na binayad ni madam Sandra para sa mahiwagang perlas na binenta sa kaniya ni Nikolas at Batchoy.
Sumalubong sa kanila ang masiglang pamilihan sa daungan, umaga pa lang ay dagsa na ang mga tao sa pamimili ng mga isda, gulay, prutas, karne, at ilang mga kagamitan. Nagkalat ang mga tindero at tindera sa paligid na inaalok sila ng kung ano-anong paninda. Maging ang mga batang paslit ay naglalaro at naghahabulan na rin sa daanan.
Mga tindahan na gawa sa matitibay na tabla ang nakahelera sa magkabilang gilid habang may iilan namang mga sasakyan na dumaraan sa gitna lulan ang mga sundalong Amerikano na naghahagis ng tsokolate sa kalsada na siyang pinagaagawan at hinahabol ng mga batang paslit.
Ilang sandali pa ay natanaw na nila ang riles ng tren. Habang papalit sila ng papalapit ay mas lalong dumarami ang mga tao na may bitbit ding mga bagahe. Natanaw na rin nila ang maitim na usok na lumilipad sa ere at naririnig na rin nila ang maingay na tunog ng tren na nakatigil na ngayon upang magsakay ng mga pasahero.
Nakapila na sila ngayon sa mahabang pila ng mga tao na may dala-dala ring malalaking bagahe. "Mamayang alas-diyes pa ang alis ng tren kung kaya't mamaya pa kami magbebenta ng tiket!" anunsyo ng ale na nasa loob ng tindahan ng tiket. Nagsimula namang magbulong-bulungan ang mga nakapilang pasahero at madismaya dahil maghihintay pa sila ng limang oras bago umalis ang tren.
"Pasensiya na ho sapagkat kasalukuyang inaayos ngayon ang tren para sa mahaba-habang byahe papuntang Maynila" saad pa ng ale at isinara na niya ang kurtina ng tindahan ng tiket. Napaupo naman ang mga tao sa labas ng tindahan ng tiket at nakapila pa rin sila. Kung kaya't naupo na lang din si Batchoy sa lupa habang nakasunod pa rin sa pila ng mga tao.
"Sige na, bumili muna kayo ng makakain, ako na lang ang magbabantay dito sa mga gamit natin at sa pila" saad pa ni Batchoy sabay kain sa nilagang saba ng saging na baon nila.
Nagsimula namang maglakad si Sirene papunta sa kabilang dulo kung saan patag lang ang lupa at may malaking harang na gawa sa bato ang nagsilbing harang nito papunta sa karagatan. "Anong nangyari sa kaniya?" nagtatakang bulong ni Batchoy kay Nikolas, napakibit balikat naman si Nikolas.
"Hayaan mo na baka gusto niya lang damhin ang kalikasan" tawa pa ni Nikolas at napahagikhik silang dalawa. Napalingon naman sa kanila ang matandang lalaki na nasa harapan nila dahil ang ingay nilang dalawa kung kaya't napatahimik na sila.
"Mag-iikot muna ako sa pamilihan" saad ni Nikolas sabay tapik sa balikat ng pinsan. "Huwag mong kalimutan bumili ng makakain ah!" paalala pa ni Batchoy habang sarap na sarap ito sa kinakain niyang saba ng saging.
Halos kalahating minuto na naglilibot-libot si Nikolas sa palengke upang maghanap ng ireregalo niya sana kay Sirene bilang pasasalamat sa pagpapagaling nito sa kaniya, kay Batchoy at sa kanilang inang. Nais niyang bilhan ng damit, palamuti sa buhok, alahas o kaya magandang bestida ang dalaga ngunit nakailang ikot na siya sa palengke ay wala pa rin siyang makita na babagay kay Sirene.
Napagdesisyunan na lang ni Nikolas na sa Maynila na lang siya bibili ng pang-regalo sa dalaga, pagbalik niya sa pilahan ng tiket ay natanaw niyang tulog na si Batchoy habang yakap-yakap ang kanilang mga bagahe. Nagpalingon-lingon siya sa paligid upang hanapin si Sirene, hindi naman siya nabigo dahil namataan niyang naroon pa rin si Sirene sa dulo ng daungan habang nakatanaw sa karagatan.
Sandali siyang napatitig sa dalaga habang sinasayaw ng hangin ang mahabang buhok nito. Tila sumasabay rin sa indak ng hangin ang mahabang palda nito na kulay asul. Akmang hahakbang na sana si Nikolas papunta sa kinaroroonan ni Sirene nang mapatigil siya dahil may isang tindera ang humawak sa braso niya.
"Hijo! Halika pumili ka rito sa mga paninda ko" tugon ng tindera na nasa edad apatnapu pataas na, maikli ang buhok nito at medyo may katabaan.
Napalingon naman si Nikolas sa tindahan na tinuturo ng tindera at napatango siya dahil ang tindahang iyon ay naglalaman ng samo't-saring mga panindang mga kolerete, damit, alahas, palamuti at mga obra na pang-babae at pang-disenyo sa bahay.
"Ano ba ang hanap mo hijo? Regalo ba para sa iyong nobya?" nakangiting tanong ng tindera, napailing-iling naman si Nikolas at natawa sabay kamot sa ulo.
"Hindi po. Para lang po sa isang babaeng nais kong pasalamatan" saad ni Nikolas, napatango-tango naman ang tindera habang ang ngiti nito ay abot tenga.
"Sa tingin ko ay bigyan mo siya ng bestida, sandali kukunin ko ang ibang bestida na aking paninda para may pagpilian ka" ngiti pa ng tindera sabay pasok sa loob ng tindahan, naiwan naman si Nikolas sa labas habang isa-isang pinagmamasdan ang mga kolerete at palamuti na nakalagay sa mesa sa harapan ng tindahan.
Ilang sandali pa ay bigla siyang napatigil nang mapukaw ang atensyon niya ang isang obra (painting) ng apat na sirena na nakapalibot sa isang perlas na kulay porcelana. Ang perlas na iyon ay pamilyar na pamilyar sa kaniya.
"Heto na hijo, pumili ka na rito" saad pa ng tindera at inilapag niya sa mesa ang mga limang bestida na dala niya ngunit napatigil siya nang mapansin niyang tulala ang binata sa obra na nakadikit sa gilid ng pintuan ng tindahan niya.
"Nako, pasensiya na hijo, hindi ko binebenta ang obra na iyan, palamuti iyan dito sa tindahan ko" tugon pa ng tindera dahilan upang matauhan si Nikolas.
"A-ang obra po bang iyan ay ang alamat ng apat na sirena na nagbabantay sa mahiwagang perlas ng Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran ng Pilipinas" tanong ni Nikolas, napatango naman ang tindera saka inayos ang pwesto ng obra (painting) na iyon.
"Oo hijo, ito nga iyon. Alam mo pala ang alamat ng apat na sirena" nakangiting tugon ng ale, napangiti na lang si Nikolas, hindi naman niya masabi na kilala niya ang isa sa mga sirenang iyon.
"Nakikita mo ba ang mahiwagang perlas na ito na binabantayan nila?" patuloy pa ng ale sabay turo sa 'painting' kung saan kumikinang ang mahiwagang perlas na pinapalibutan ng apat na sirena.
"Hindi basta-basta ang responsibilidad nila na bantayan ang apat na mahiwagang perlas. Sa oras kasi na mawala ang mahiwagang perlas sa karagatan, magkakaroon ng salot ang bahaging iyong ng dagat, hindi magiging balanse ang dagat at lupa at manghihina ang kanilang ina na si Maguayan" saad pa ng ale habang nakatitig sa obra. Hindi rin maialis ni Nikolas ang titig niya sa obrang iyon na parang hinihigop siya.
"K-kung sakaling hindi nabantayan ng isang sirena ang mahiwagang perlas at hindi na ito maibalik sa kaniya, anong mangyayari?" tanong ni Nikolas, sa pagkakataong iyon biglang lumakas ang hangin sa palagid. Napalingon siya kay Sirene na nanatiling nakatayo pa rin doon sa dulo ng daungan habang pinagmamasdan ang karagatan na ngayon ay hindi na matahimik habang humahampas ang malalaking alon sa bato ng daungan. Naalala ni Nikolas na ang bahaging ito ng dagat ng Batangas ay parte ng Kanluran na binabantayan ni Sirene.
"Sa oras na mawala ang mahiwagang perlas at kapag hindi na ito naibalik pa sa karagatan ... mamamatay ang sirenang tagapag-alaga ng nawawalang perlas na iyon" diretsong sagot ng ale, sa kauna-unahang pagkatataon ay nakaramdam si Nikolas ng pag-aalala para kay Sirene na ngayon ay tulad ng tao, maaari na rin itong mamatay.
*********************
Source of Philippine National Railways: http://www.pnr.gov.ph/about-contact-us/who-we-are/pnr-in-philippine-history/pnr-in-philippine-history
Note: Mga anak pakinggan niyo ang isa na namang napakagandang celtic music na ito na babagay sa backround music ng ending ng chapter na ito hihi. Maraming Salamat <3
https://youtu.be/2WczzccXtq0
'Uploaded by: Brandon Fiechter (youtube)'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top