Sirene III
[Kabanata 3]
"Ibalik mo sa akin ang perlas!" matapang na tugon ng dalaga habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas. Nanlilisik ang mga mata nito na anumang oras ay magagawa nitong paslangin ang binata.
Nagulat naman ang mga sugarol lalo na nang marinig nila ang salitang perlas. Hindi nila mapigilan mag-isip ng kung ano-ano lalo na mula pa bibig ng isang binibini na pilit na pinapabalik kay Nikolas ang perlas nito.
"Isa ka pa lang lapastangan sa mga kababaihan!" sigaw ng siang sugarol kay Nikolas na sinang-ayunan naman ng karamihan. Ibang perlas ang nasa kanilang isipan.
Gulat na gulat din ang mga tao dahil akala nila ay isang dayuhan ang dalaga dahil sa maputing balat nito at ang kulay pilak na buhok.
Agad namang itinaas ni Nikolas ang kaniyang kamay sa ere at pilit na nagpaliwanag ngunit mas lalong idinikit ng dalaga ang matalim na balisong sa kaniyang leeg. Napapikit na lang si Nikolas at napatingala sa kalangitan habang hindi na magkamayaw ang mga sugarol sa pagsigaw sa kaniya at ngayon ay mayroon pa siyang mas matinding problema.
"Ibalik mo sa akin ang perlas kung hindi ay papatayin kita" seryosong tugon ng dalaga habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin ng diretso sa mga mata ni Nikolas. Napalunok na lang sa kaba si Nikolas dahil hindi siya makapaniwala na ang kakaibang nilalang na nakita niya sa dagat noong isang gabi ay ngayo'y nasa harapan na niya. Ang sirenang tagapagbantay sa dagat ng kanluran...si Sirene.
Susugod na sana ang isang sugarol ngunit biglang hinawakan ni Sirene ang kwelyo ni Nikolas at walang kahirap-hirap niya itong hinila papatayo dahilan upang mapaatras ang mga tao sa gulat habang si Nikolas naman ay napasigaw dahil nasasakal na siya.
"Nasaan ang perlas?!" sigaw ni Sirene at malakas niyang hinagis si Nikolas. Napahandusay ito sa lupa dahilan para mapasigaw ang mga tao. Dali-dali namang kumilos si Batchoy saka inilahad sa madla ang sumbrero niya.
"Mga kababayan, sinong nais pumusta kay Don Kolas?" anunsyo ni Batchoy, napailing naman ang mga sugarol dahil lampa naman pala ang muntikan na nilang maging pinuno. Nang marinig iyon ni Nikolas tiningnan niya ng masama si Batchoy dahil imbis na sabong ng manok ang maglalaban ngayon sa entablado, mukhang siya at ang sirenang nanlilisik ang mata ngayon ang pagsasabungin nila.
"Sino naman ang pupusta para sa ating magiting na binibini?" tanong ni Batchoy, agad namang naghiyawan ang mga sugarol at sabay-sabay nilang inilagay ang pusta nila kay Sirene. Napakalas na sigawan ang naghari sa buong sabungan, ang lahat ay pumusta sa panig ng dalaga.
Sinubukan namang gumapang ni Nikolas papalayo ngunit agad siyang sinipa at tinandyakan ni Sirene sa balakang dahilan para mapasigaw siya ng napakalas. Hinila pa ni Sirene ang braso ni Nikolas saka inihagis siya sa grupo ng mga sugarol, dali-dali namang umiwas ang mga sugarol kung kaya't walang sumalo kay Nikolas at tuluyan siyang sumubsob sa lupa.
Isang napakalakas na hiyawan na may kasama pang palakpakan ang umalingawngaw sa ere. "A-aray!" tugon ni Nikolas sabay hawak sa kaniyang balakang na mukhang napuruhan nga. Maging ang kaniyang braso ay puno na rin ng gasgas ngayon. At nang hawakan niya ang kaniyang nguso nakapa niya ang sugat mula doon kung kaya't mangiyak-ngiyak siya dahil nasira na naman ang kaniyang mukha.
Galit na napalingon si Nikolas sa magandang babaeng siga na iyon "Masyadong mong sinasamantala ang pagiging babae mo----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil natameme siya nang maglakad papalapit sa kaniya si Sirene habang nanlilisik ang mga mata nito ngunit kahit ganoon ay tila nakakahalina ang kagandahan nito lalo na sa tuwing tinatangay ng hangin ang mahaba nitong buhok na kulay pilak.
"A-ang sabi ko buti babae ka, isang napakagandang---" hindi na natapos ni Nikolas ang pagpapalusot niya dahil nang makalapit si Sirene sa kaniya ay agad nitong hinila ang buhok ng binata. "Papatayin kita! Kinuha mo ang puso ni ina!" galit na sigaw ni Sirene saka sinuntok ang mukha ni Nikolas dahilan upang ang kabilang pisngi naman nito ang mamaga.
Nawindang naman ang mga sugarol sa kanilang narinig at nagsimula silang magbulung-bulungan. "Napakalapastangan mong Kolas ka! maging ang nanay ng binibining nilapastangan mo ay hindi mo rin pinalagpas!" sigaw ng mga tao dahilan upang gulat na mapatingin sa kanila si Nikolas. Akala ng mga tao ay naging karelasyon din ni Nikolas ang nanay ng binibini.
"S-sandali! Nagkakamali kayo! Isa siyang sire-----" hindi na nakapagpaliwanag pa si Nikolas dahil agad hinila ni Sirene ang tenga nito saka kinaladkad papalabas ng sabungan. Hindi naman na magkamayaw ang mga tao dahil sa galit nila sa isang binata na tulad ni Nikolas na walang galang sa mga kababaihan.
Pa-simple namang lumabas si Batchoy sa sabungan dala-dala ang mga salaping nakulimbat niya sa pustahan. Nang makalabas siya sa sabungan naabutan niyang kinakaladkad pa rin ng dalaga si Nikolas papunta sa dulo ng ilog na nasa tabi ng sabungan.
Malinis ang tubig ng ilog na umaagos ng malakas ngayon. Napakaraming mga punong malalago rin ang makikita sa buong paligid. Agad itinulak ni Sirene si Nikolas sa batuhan na malapit sa ilog dahilan upang magkaroon na naman ito ng galos sa mukha na siyang ikinagagalit ng binata. "Hindi mo maaaring ibunyag ang aking pagkatao!" giit ni Sirene sabay tapak sa likod ng binata upang hindi ito makakilos.
Inis namang napalingon si Nikolas sa kaniya habang nakadapa ito sa batuhan. "Pagkatao? hindi ka tao... isda ka!" pagtatama ni Nikolas kung kaya't muli siyang nakatikim ng malakas na tadyak mula kay Sirene.
"Isa kang napakawalang-kwentang tao! Nararapat lang sa iyo ang mamatay----" akmang sasaksakin na ni Sirene si Nikolas gamit ang hawak nitong balisong nang biglang sumigaw ng napakalakas ang binata.
"HUWAG! SANDALI! HINDI MO MAHAHANAP ANG PERLAS KAPAG PINATAY MO AKO!" sigaw ni Nikolas at mangiyak-ngiyak siyang sumuko sa dalaga. Itinaas niya rin ang kaniyang kamay sa ere kahit pa nakadapa siya ngayon sa batuhan at tinatapakan siya ng sirenang siga na iyon.
Dahan-dahan namang ibinaba ni Sirene ang balisong saka hinila ang braso ni Nikolas patayo nang walang-kahirap-hirap. Napasigaw naman si Nikolas sa sakit dahil mukhang mababalian siya ng buto sa higpit ng hawak ni Sirene lalo na ang brutal na paraan nito.
"Hindi ako naparito upang mag-aksaya ng oras sa iyo, ngayon sabihin mo sa akin kung nasaan ang perlas!" matapang na tugon ni Sirene. Ang tapang na ipinamamalas nito ay taliwas sa kagandahang kaniyang tinataglay.
Napalunok naman si Nikolas dahil sa matinding kaba hindi niya mabatid kung bakit kahit natatakot siya ay nagagandahan pa rin siya kay Sirene. Animo'y isa itong misteryosa na puno ng nakakahalinang mahika.
"N-na kay madam Sandra" sagot ni Nikolas, tiningan naman siyang mabuti ni Sirene at kinilatis kung nagsasabi ba ito ng totoo.
"T-totoo ang sinasabi ko, kahit itanong mo pa kay..." saad ni Nikolas sakto namang napalingon siya sa kanan at natanaw niya si Batchoy na nagtatago sa likod ng isang puno at pinagmamasdan sila. Agad niyang sinenyasan si Batchoy na lumapit sa kanila ngunit ayaw nito dahil maging siya ay natatakot kay Sirene.
Bigla namang napalingon si Sirene sa kanan at nang makita niya si Batchoy ay sinamaan niya ito ng tingin. Nagulintang naman si Batchoy at bigla pa itong naihi sa kaniyang salawal dahil sa kaba.
Muling summenyas si Nikolas kay Batchoy na lumapit na sa kanila dahil kung hindi ay sasaktan siya ng brutal na sirenang iyon kung kaya't wala nang nagawa si Batchoy kundi ang lumabas sa likod ng puno at nanginginig siyang naglakad papalapit sa kanila.
Nang makalapit si Batchoy sa kanila ay agad itong lumuhod sa harapan ng sirena "M-maligayang pagbati mula sa isang hamak na tao na tulad ko. Ikinalulugod ko pong makita ang prisensiya niyo" magalang na bati ni Batchoy habang nakadapa sa lupa sa tapat ni Sirene.
Nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas dahil sa ginawa ng pinsan, hindi niya matanggap ang ginawa nitong pagbababa sa sarili. "Hoy! Batchoy tumayo ka riyan! Wag kang magbigay pugay sa isda" tugon ni Nikolas, biglang napalingon sa kaniya si Sirene at gulat siyang napatingin sa mata nitong kulay itim na unti-unting naging puti kung kaya't dali-dali rin siyang napaluhod sa lupa.
"A-ang ibig ko pong sabihin ay karapat-dapat kayong bigyang parangal... kamahalan?" saad pa ni Nikolas at medyo natawa pa ito sa salitang kamahalan pero hindi niya pinahalata dahil mukhang masasapak na naman siya ng sirena.
Pa-simple namang bumulong si Batchoy sa pinsan na kahit nasa peligro na ang buhay ay loko-loko pa rin. "Kolas! Ikamamatay mo 'yang bibig mo. Anak ng dyosa ng karagatan ang apat na sirena kung kaya't sila rin ay mga dyosa ng kalikasan, sumunod ka na lang sa'kin at itikom mo 'yang bunganga mo!" bulong ni Batchoy kay Nikolas. Napatulala naman si Nikolas, nakalimutan niya ang alamat ng apat na sirena na tagapagbantay ng perlas, at ang kanilang ina ay ang dyosa ng karagatan at kamatayan na si Maguayan.
Dali-dali namang yumukod muli si Batchoy sa harap ni Sirene na hanggang ngayon ay ang sama pa rin ng tingin sa kanila lalong-lalo na kay Nikolas. Sa tingin pa lang nito ay siguradong masisindak sa takot ang sinuman.
"P-patawad po sa naging asal ng aking pinsan, may problema po siya sa pag-iisip kung kaya't ganiyan siya pagpasensiyahan niyo na po" panimula ni Batchoy, aalma na sana si Nikolas dahil sinabihan pa siya nito ng may sayad sa utak ngunit agad siyang sinagi ni Batchoy upang manahimik.
"A-ano po bang maipaglilingkod ng isang hamak na tao na tulad namin sa inyo?" tanong pa ni Batchoy, nanginginig na rin ang kaniyang kamay ngunit kailangan niyang harapin ang sirenang iyon na sa isang hampas lang ay siguradong kikitil na sa buhay nila.
Tiningan naman sila ng mabuti ni Sirene at naglakad ito sa batuhan. Nanlaki ang mga mata ni Nikolas nang makita ang napakaputi at napakakinis na talampakan ni Sirene. At kahit pa naglalakad ito sa matalim na batuhan ng ilog ay walang sugat o kalyo sa kaniyang paa.
"Baka pwede mo rin itanong kung paano siya nagka-paa? At kung saan siya nakapagatahi ng ganiyan kagandang bestida na kulay asul para mabilhan din natin si Inang, pakisabi na rin na itali niya ang kaniyang buhok dahil nakakairita tingnan lalo na't sumasayad na ito sa lupa sa sobrang haba" bulong pa ni Nikolas kay Batchoy ngunit bigla silang napatahimik nang lumingon sa kanila ang sirena.
"Ibalik niyo sa akin ang perlas na ninakaw ng taong iyan!" seryosong tugon ni Sirene sabay turo kay Nikolas. Aalma pa sana si Nikolas pero agad siyang sinagi ulit ng pinsan, kahit kailan talaga ang hirap kontrolin ng bibig nito na ubod ng daldal.
"O-opo, masusunod po. Ngayong araw mismo ay maibabalik namin ang perlas" saad ni Batchoy, kinilatis naman siyang mabuti ni Sirene at tiningnan kung nagsasabi ito ng totoo kung kaya't hindi na rin maawat ang pagpatak ng kaniyang pawis at mantika sa katawan.
Napatayo na si Batchoy at Nikolas ngunit bigla silang napatigil nang magsalita muli si Sirene habang nakaharap ito sa ilog. "Sasama ako, hindi ako nagtitiwala sa inyong dalawa at batid kong tatakasan niyo lang ako" giit ni Sirene saka nauna nang naglakad sa kanila.
"Ano? Hindi. Ayoko!" bulong ni Nikolas kay Batchoy pero agad siyang pinandilatan ng mata nito. "Nakita mo naman ang ginawa niya sa'kin kanina? Maaatim mo ba makasama ang babaeng 'yan?!" patuloy pa ni Nikolas pero hindi na siya pinansin pa ni Batchoy at sumunod ito kay Sirene.
"S-sandali, dito po ang daan" tugon ni Batchoy sabay turo sa kabilang daan, napatigil naman sa paglalakad si Sirene, tinaasan pa sila ng kilay nito saka naglakad sa kabilang daan. Hindi naman mapigilan ni Nikolas na matawa dahil mukhang napahiya ang kinaiinisan niyang sirena ngunit agad siyang pinadilatan ni Batchoy na manahimik kung hindi buhay niya ang kapalit.
Mag-aagaw dilim na at tahimik na rin ang buong paligid. Silang tatlo na lang ang naglalakad sa kagubatan papunta sa lawa kung saan sasakay sila ng bangka pabalik sa bayan kung saan naroon ang tahanan nina madam Sandra. Naglalakihang mga puno ang nakapalibot sa buong paligid at napakaraming mga tuyong dahon din ang nakakakalat sa lupa. Mga huni ng ibon din ang umaalingangaw sa buong kapaligiran.
Paika-ika namang naglalakad si Nikolas habang nakaakbay kay Batchoy. Hawak-hawak niya rin ang kaniyang balakang na mukhang nabali dahil sa pangbubugbog na inabot niya sa kamay ni Sirene. "Ni hindi man lang siya humingi ng tawad sa ginawa niya sa akin tsk" pabulong na reklamo ni Nikolas kay Batchoy, agad namang tinakpan ni Batchoy ang bibig ng pinsan dahil baka marinig sila ni Sirene.
"Huwag ka nga maingay riyan, kailanman ay hindi humihingi ng tawad ang mga dyosa na tulad nila. Mas mataas sila kaysa sa atin" paliwanag ni Batchoy, napakunot naman ang noo ni Nikolas.
"Mas matangkad naman ako sa kaniya at mukhang mas matanda pa ako kaya dapat lang na igalang niya ako" pabulong na sagot ni Nikolas. Mas matangkad nga siya kay Sirene dahil hanggang baba lang ito sa kaniya at bukod doon dalawampu't-tatlong taon na si Nikolas.
"Balang-araw tuturuan ko rin ng leksiyon ang babaeng 'yan" giit pa ni Nikolas saka taas noong naglakad habang inaalalayan pa rin siya ng pinsan. Sa kanilang paglalakad ay kunot noo niyang pinagmamasdan ang likod ng dalaga. Napakahaba ng buhok nito na sumasayad sa lupa at talagang agaw pansin ang kulay ng buhok ng Sirena. Napatingin muli siya sa mga paa nito na animo'y bihasang-bihasa sa paglalakad, hindi niya mawari kung bakit sanay ito sa paglalakad.
"Sirene" tawag ni Nikolas, gulat namang tinakpan ni Batchoy ang bibig ng maloko niyang pinsan dahil isang kalapastangan ang ginawa nitong pagtawag sa pangalan ng sirenang tagapagbantay ng kanilang karagatan na animo'y magkaibigan lang sila.
Napatigil sa paglalakad si Sirene na nasa unahan nila at dahan-dahan itong lumingon kay Nikolas. Isang napakatalim na tingin ang bumungad sa kanila na animo'y anumang oras ay tatagain sila ng saksak ng dalaga.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?" seryosong tanong ni Sirene. Agad namang tinanggal ni Nikolas ang kamay ni Batchoy na pumipigil sa kaniyang bibig.
"Sikat ka kaya dito sa aming lugar maging ang mga nakakatanda mong kapatid ay sikat din" ngisi pa ni Nikolas at siya lang ang mag-isang tumawa.
"Kung hindi mo naitatanong, tulad mo ay sikat din ako sa lugar na ito, marami akong----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil bigla lang siyang tinalikuran ni Sirene at nagpatuloy ito sa paglalakad. Maging ang kaniyang pinsan na si Batchoy ay napailing-iling na lang din dahil nag-uumpisa na naman ang pagiging mahangin ni Nikolas.
"Batid kong hindi ka nahirapan na hanapin ako dahil sikat naman talaga ako dito" patuloy pa ni Nikolas na ngingisi-ngisi pa. Hindi naman siya pinansin ni Sirene, maging si Batchoy ay naglakad na rin at iniwan siya doon habang binibida nito ang kaniyang sarili.
Alas-siyete na nang gabi nang makarating sila sa bayan kung saan matatagpuan ang malaking tahanan ni madam Sandra at ng kaniyang asawang sundalo. Tahimik na ang buong bayan at halos nasa loob na ang mga tao sa kani-kanilang mga kabahayan.
Sa gilid ng talahiban dumaan sina Sirene, Nikolas at Batchoy upang iwasan ang mga rumurondang mga sundalong Amerikano sa kalsada. Habang naglalakad sila biglang bumulong si Batchoy kay Nikolas.
"Kapag kinuha natin ang perlas kay madam Sandra kailangan nating ibalik ang salaping binayad niya" bulong ni Batchoy, kitang-kita rin sa mga nito ang matinding panghihinayang. Napaisip naman ng mabuti si Nikolas saka umakbay sa kaniyang pinsan.
"Ayos lang 'yan sigurado namang may pabuya tayong matatanggap sa masungit na babaeng 'to" bulong ni Nikolas, bigla namang nagtaka ang itsura ni Batchoy.
"Paano ka nakakasiguro na bibigyan niya tayo ng pabuya?" nagtataka nitong tanong, bigla namang napangisi si Nikolas saka tinapik-tapik ang ulo ng pinsan. "Akong bahala" tugon pa nito saka sumabay sa paglakad kay Sirene kahit pa paika-ika siya ay ginawa niya ang lahat upang makasabay sa paglakad ang dalaga.
"Oo nga pala may tanong ako kamahalan, kapag ba naibalik na namin sa iyo ang perlas may pabuya ba kaming matatanggap?" ngiti niya sa dalaga ngunit diretso lang itong nakatingin sa daan at hindi siya inimik, tila hindi siya nito naririnig. "Hindi ba ganoon ang mga dyosa at diwata nagbibigay sila ng pabuya" habol pa ni Nikolas habang nakangiti pa rin, nais niyang idaan sa nakasanayan niyang pangbobola ng mga tao kaya marami siyang nabibiktima.
Napapamewang naman si Nikolas saka tumingala sa kalangitan "Haay. Ano na lang kaya ang sasabihin ng iyong ina kapag nalaman niya na madamot pala ang bunsong anak niya tsk. tsk" patuloy pa ni Nikolas, ang tono ng pananalita nito ay parang kinokonsensiya niya ang dalaga.
Napapikit na lang sa inis si Sirene saka muling nilingon ang binata. Habang si Batchoy naman ay natameme sa gulat. "Wala kang pabuyang matatanggap dahil unang-una ay ninakaw mo ang perlas" seryosong sagot ni Sirene, napalunok na lang si Nikolas dahil totoo naman ang sinabi nito.
"K-kung gayon, anong mangyayari sa'kin kapag naibalik na namin sayo ang perlas?" tanong pa muli ng binata at napakamot pa ito sa ulo.
"Pagkatapos ng lahat ng ito... papatayin kita" diretsong sagot ni Sirene sabay talikod. Tila nanigas naman si Nikolas sa kaniyang kinatatayuan dahil sa gulat. Natauhan na lang siya nang tapikin ni Batchoy ang balikat niya.
"Tapat ang mga sirena at ginagawa talaga nila ang kanilang sinabi" saad ni Batchoy saka nagpatuloy na muli sa paglalakad.
"Bakit? hindi naman patas iyon!" reklamo pa ni Nikolas ngunit hindi siya pinakinggan ni Sirene maging ng pinsan niyang pagod na pagod na rin sa bibig nitong walang preno.
Makalipas ang halos kalahating oras natanaw na nila ang malaking tahanan nila madam Sandra. Ang bahay nito ay gawa sa bato at kulay puti ang pintura. "Paano na iyan? Anong gagawin natin? Anong sasabihin natin kay madam Sandra?" nag-aalalang bulong ni Batchoy kay Nikolas, napahawak naman si Nikolas sa kaniyang baba saka hinimas-himas iyon habang nakatitig kay Sirene na nauunang naglalakad sa kanila.
"Hindi ba't may kakayahan ang mga sirena na mapasunod ang mga tao?" tanong ni Nikolas. Napatango-tango naman si Batchoy. "Hipnotismo ba kamo? Sa pagkakaalam ko ay kaya rin nilang gawin iyon" sagot ni Batchoy, agad namang napangisi si Nikolas.
Muli na namang sumabay si Nikolas sa paglalakad ng dalaga. "Kamahalan, maaari mo bang gamitin ang iyong kapangyarihan mamaya para madali nating mapapayag si madam Sandra na ibalik ang---" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil biglang napatigil si Sirene sa paglalakad at tiningan muli siya nito ng masama.
"Wala kang karapatan pangunahan ang mga gagawin ko" seryoso nitong tugon na animo'y isang reyna na hindi maaaring usigin. Agad namang kinaway-kaway ni Nikolas ang kaniyang kamay sa ere dahil mukhang makakatikim na naman siya ng sapak sa sirenang iyon.
"S-siguradong magagalit si madam Sandra kapag kinuha natin ang perlas nang hindi ibinabalik ang salaping ibinayad niya" tugon ni Nikolas sabay kamot sa ulo. Ngayon naman ay sinusubukan niyang magpaawa kay Sirene at nagbabakasakali siya na malinlang niya ito.
"Kapag nangyari iyon siguradong maghihirap kami, kapag naghirap kami mamamayat si Batchoy at manghihina si Inang, kapag nangyari iyon wala na akong magagawa kundi ang ibenta ang aking katawan na tiyak pipilahan ng mga kababaihan, kapag napasok ako sa ganoong trabaho siguradong hindi magiging maganda ang aking kinabukasan at higit sa lahat kapag nasira ang buhay ko at ang kagwapuhan kong ito tiyak na ikamamatay ko iyon" patuloy pa ni Nikolas sa tonong siguradong makakapagpaantig sa mga mahabaging tao. Ngunit iba si Sirene, walang bahid ng pagkaawa sa personalidad nito lalong-lalo na dahil ang puso nito ay hindi naman tulad ng puso ng tao.
"Mamamatay ka rin naman, kung nais mong mauna na tutulungan kita" buwelta ni Sirene. Napatulala na naman si Nikolas sapagkat tila seryoso ito sa pagbabanta sa kaniyang buhay. Nang layasan siya ni Sirene agad namang umakbay sa kaniya si Batchoy. "Ano nang gagawin natin? Mukhang kailangan nga natin ibalik kay madam Sandra ang pera" malungkot na tugon ni Batchoy.
Napahinga naman ng malalim si Nikolas. "Ako ang bahala, baka kay madam Sandra gumana ang galing at talino natin. Sadyang mahirap lang sigurong suyuin ang sirenang iyan na sa tingin ko ay may lahi ring mangkukulam" bulong pa ni Nikolas, napatakip naman sa bibig si Batchoy dahil sa gulat.
"Paano mo naman nasabing isa siyang mangkukulam?" nagtatakang tanong ni Batchoy, agad namang napalapit sa kaniya si Nikolas dahil kumbinsido itong may dugong mangkukulam nga si Sirene.
"Tingnan mo ang itsura niya, taliwas sa kaniyang magandang panlabas na anyo ang kalooban niya. Ilang beses na niya pinagbantaan ang buhay ko, siguradong kapag nabalik na natin sa kaniya ang perlas ay kukulamin niya ako, Napaka-----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang sasabihin niya dahil biglang may patalim na dumaan sa pagitan nila ni Batchoy na muntikan nang tumama sa ulo niya.
Gulat silang napalingon kay Sirene na ngayon ay seryosong nakatingin sa kanila. Tila nabalot ng matinding lamig ang buo nilang katawan nang mapagtanto nila na si Sirene mismo ang naghagis ng balisong na iyon sa pagitan nila na muntikan pang makapatay sa kanilang dalawa na chismoso.
Napalunok na lang sa kaba si Nikolas at Batchoy sabay ngiti kay Sirene, ang kanilang ngiti ay puno ng pag-aalinlangan. Agad namang napaakbay si Nikolas kay Batchoy "S-sinasabi ko na nga ba na isang mangkukulam si madam Sandra. Haay, nakakatakot talaga" palusot ni Nikolas sabay tawa, tumawa-tawa na lang din si Batchoy upang pagtakpan ang paninirang ginagawa ni Nikolas kanina.
Ilang sandali pa narating na nila ang tahanan nila madam Sandra. Kumatok na si Batchoy sa pintuan, hindi naman nagtagal ay bumukas na ito. Tumambad sa kanilang harapan ang isang dalagitang tagapagsilbi ng mag-asawang mayaman.
"Si madam Sandra ang sadya namin" magalang na tugon ni Batchoy, tiningnan naman sila ng dalagita isa-isa. "Kakaalis lang nila madam Sandra kaninang tanghali papuntang Maynila" sagot ng dalagita, bigla namang nanlaki ang mga mata ni Nikolas at Batchoy.
"Ano? Kailan sila makakabalik?" tanong ni Nikolas, nawindang naman ang dalagita sa paglapit ni Nikolas na ngayon ay windang na windang na rin.
"S-sa tingin ko po ay sa susunod na buwan pa ang balik nila dahil pinatawag ng heneral si ser Thomas" saad ng dalagita saka isinara ng konti ang pinto dahil mukhang kawatan si Nikolas at Batchoy. "Kung wala na kayong kailangan pa maiwan ko na kayo" patuloy pa ng dalagita saka isinara na niya ng tuluyan ang pinto.
Napakamot na lang sa ulo si Nikolas at Batchoy dahil kailangan na nilang maibalik ang perlas sa sirenang bawat galaw nila ay pinagbabantaan ang buhay nila. Napangiti na lang si Nikolas at Batchoy kay Sirene, iyong tipong ngiti na may bahid ng pag-aalinlangan.
"Magtutungo tayo sa Maynila" diretsong saad ni Sirene sabay talikod sa kanila. Gulat namang nagkatinginan si Nikolas at Batchoy sabay habol kay Sirene ngunit napatigil sila nang tumigil ito sa paglalakad at nilingon sila.
"W-wala na pong bangka ngayong gabi ang tumatawid papunta sa kabilang isla at wala na ring tren na babyahe papunta sa kabisera" saad ni Batchoy habang nakayuko. Sandali namang hindi sumagot si Sirene saka pinagmasdan sila mabuti kung kaya't medyo nakaramdam si Nikolas ng pagkailang dahil tinititigan siya ng binibini.
"Tatahakin natin ang dagat, lalangoy tayo" tugon pa ni Sirene, gulat namang napatingin sa kaniya ang dalawa habang nakanganga pa.
"Hindi kami makakalangoy ng matagal tulad mo gusto mo na ata kami patayin eh" reklamo pa ni Nikolas at napapamewang pa ito.
"Papatayin ko rin naman kayo, bakit kailangan ko pang patagalin?" seryosong tugon ni Sirene, napakunot naman ang noo ni Nikolas at akmang magrereklamo ito ngunit agad siyang pinigilan ni Batchoy dahil mas lalo nitong ginagalit ang sirena. "P-patawad po, ako na po ang humihingi ng tawad sa kabastusan ng walang kwenta kong pinsan na ito" tugon ni Batchoy habang nakayuko ng todo sa harap ni Sirene.
"M-mas mabuti po kung ipagpabukas na lang natin ang pagpunta sa Maynila. Maghahagilap din po ako ng impormasyon kung anong oras po darating ang tren para mapaghandaan po natin ang lahat" suhestiyon ni Batchoy, tiningnan naman siya ng mabuti ni Sirene at ilang sandali pa napatango na lang ito.
Napangiti naman si Nikolas sabay akbay sa pinsan. "Ang galing mo talaga, hindi ko alam na madali mo pa lang mauto ang bruha na 'to, mas magaling ka pala sa'kin pinsan ko ngunit hep hep! Mas gwapo pa rin ako sayo" pabulong na tugon ni Nikolas kay Batchoy habang ngingisi-ngisi pa ito.
"Kamahalan, kami po ay uuwi na kaya mas mabuting umuwi na rin kayo" tugon ni Nikolas kay Sirene, tiningnan naman siya nito ng masama kung kaya't natigilan siya sandali.
"Hindi ako uuwi hangga't hindi ko natatagpuan ang perlas" seryosong sagot ni Sirene, napakunot na naman ang noo ni Nikolas.
"Bukas na nga lang po natin hahanapin kaya uuwi na po kami" saad pa ni Nikolas, napasingkit naman ang mata ni Sirene at mas lalong tiningnan siya ng matalim dahilan upan masindak sa takot si Batchoy habang si Nikolas naman ay tinatamaan na naman ng pagiging ulupong.
"Sasama ako sa tirahan niyo" diretsong sagot ni Sirene, nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas at Batchoy dahil sa gulat.
"H-hindi po maaari, siguradong mawiwindang si inang kapag nakita niya po kayo" magalang na tugon ni Batchoy sabay yuko, hindi niya magawang tingnan ng diretso ang palaban na sirena dahil halos himatayin na siya sa kaba. Kung kaya't hindi niya maintindihan kung saan humuhugot ng tapang ang kaniyang pilyong pinsan na si Nikolas dahil sa mga kinikilos nito.
"Hindi naman kami tatakas kaya wag kang mag-alala. Siguradong magtataka rin ang mga kapitbahay namin kung sino ka tsk tsk at hindi maiiwasan na matuklasan nila ang lihim mo kapag nangyari iyon----" hindi na natapos ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Sirene.
"Kapag nangyari iyon papatayin ko sila" diretso nitong sagot. Napatulala naman sa kaniya si Nikolas dahil mukhang seryoso nga ito sa pagpatay.
Napahinga na lang si Nikolas ng malalim saka hinagod-hagod niya ang kaniyang buhok "Ang tirahan namin ay malapit lang din sa dagat, magkapitbahay lang tayo kaya madali mo kaming mapupuntahan bukas" saad pa ni Nikolas ngunit nakatingin lang sa kaniya si Sirene at mukhang hindi rin ito magpapatalo.
"Sasama ako sa inyo" giit pa ni Sirene sabay talikod agad naman siyang sinundan ni Batchoy upang ituro ang daan papunta sa kanilang tahanan. Napahilamos na lang si Nikolas sa mukha at napapadyak dahil sa inis. Batid niyang ito na ang simula ng pagka-leche-leche ng kaniyang buhay.
Alas-otso na nang gabi nang makauwi sila sa kanilang tahanan. Hindi mapakali si Nikolas at Batchoy sa pagmamasid sa buong paligid, pinagitnaan nila si Sirene na ngayon ay walang emosyon ang mukha habang diretsong naglalakad.
Mabuti na lang dahil halos lahat ng kapitbahay nila sa kanilang barrio ay nasa loob na ng kani-kanilang tahanan kung kaya't walang nakakita sa kanila na may kasamang isang babae.
"Sandali" tugon ni Nikolas at napasenyas ito na tumigil muna sila sa paglalakad. "Sisilipin ko muna kung nasa loob ng bahay si inang" patuloy niya at naglakad na siya papalapit sa kanilang tahanan at sumilip sa maliit na uwang sa kanilang bintana.
Naiwan naman si Sirene at Batchoy sa ilalim ng isang malaking puno sa gilid ng bahay kubo ni inang Diday habang hinihintay ang pag-senyas ni Nikolas. Namataan ni Nikolas na kasalukuyang naghahain ng pagkain sa hapag ang kanilang lola kaya napahinga na lang siya ng malalim saka dahan-dahang bumalik sa likod ng puno na kinatatayuan ni Sirene at Batchoy.
"Malaking problema, nasa loob ng bahay si inang hindi niya dapat makita ang bruha----ah ang ibig kong sabihin siguradong magagalit si inang kapag nag-uwi tayo ng babae sa bahay" saad ni Nikolas, hindi naman siya pinansin ni Sirene at nagpalingon-lingon lang ito sa paligid.
Hindi naman ito ang unang beses niya makatapak sa lupa ngunit halos isang libong taon na rin ang lumipas nang huli siyang makatapak sa lupa kung kaya't napansin niya na marami na ang pinagbago nito.
Sandali silang napatahimik at ilang saglit pa muli na namang sumilay ang ngiti kay Nikolas "Alam ko na kung saan siya itatago" ngisi pa nito, bigla namang nakaramdam ng kaba si Batchoy dahil mukhang nangangamoy kalokohan na naman ang kaniyang pilyong pinsan.
"Sigurado ka ba rito?" gulat na tanong ni Batchoy habang sinisipa-sipa ni Nikolas ang mga tuyong dayami sa sahig.
"Tabi!" saad ni Sirene na animo'y isa siyang reyna, agad naman siyang binigyang daan ng mag-pinsan. Narito sila ngayon sa isang maliit na barong-barong na tahanan ng mga alagang kambing noon ni Mang Berting. Abandonado na ang kulungan ng mga hayop na iyon dahil gumawa na si Mang Berting ng mas malaking kulungan na nasa likod lang ng bahay nila.
Ang abandonadong kulungang iyon ay malapit lang sa bahay nila Nikolas kung kaya't alam niyang magiging kampante doon si Sirene. "Maaari mo na siguro itong pagtyagaan, isang gabi lang naman dahil pasaway ka at ayaw mong umuwi sa inyo kaya pagtiisan mo na lang----" hindi na natapos ni Nikolas ang sinasabi niya kay Sirene dahil agad siyang sinagi ni Batchoy at pinandilatan pa ng mata.
Hindi naman sila pinansin ni Sirene dahil abala ito sa pagkilatis sa bawat sulok ng maliit na barong-barong na iyon. Medyo butas-butas na ang bubungan nito at nagkalat naman sa sahig ang mga tuyong dayami. "Gawan niyo ako ng higaan" utos ni Sirene, nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas at bigla siyang tumawa ng malakas.
"Nagpapatawa ka ba? gabing-gabi na saan kami maghahagilap ng mga materyales at kahoy? Hindi mo ako mauutusan ng ganiyan" taas noong pagmamatigas ni Nikolas ngunit isang matalim na tingin lang ni Sirene ay agad siyang napatakbo papalabas ng kubo.
"Kapag ako nainis lalagyan ko ng napakaraming antik ang higaan na ito!" bulong ni Nikolas sa sarili habang malakas na pinupokpok ng matigas na bato ang maliit na pako sa kama na ginagawa nila ngayon ni Batchoy para sa abuserang sirenang si Sirene.
Alas-diyes na nang gabi at heto sila ngayon abala sa paggawa ng kama. Mangiyak-ngiyak at hapong-hapo na rin si Batchoy habang buhay-buhat ang ilan sa mga tabla na nahingi niya sa kapitbahay. Dinalaw din sila ni inang Diday kanina at dinahilan na lang nila na may bago silang trabaho at iyon ay ang pagkakarpentero.
Nang matapos na nila gawin ang kama, iniwan na nila ito sa labas ng kulungan ng mga hayop kung nasaan si Sirene at bumalik muna sila sa kanilang bahay at kumain dahil kanina pa sila pinapakain ng kanilang lola. Ngunit habang kumakain sila biglang nabilaukan si Nikolas nang makita si Sirene na nakasilip sa kanilang bintana at seryosong nakatingin sa kaniya.
"Oh? Kolas, hinay-hinay lang sa pagkain" tugon ni inang Diday sabay tapik sa likod ni Nikolas. Agad namang uminom ng tubig si Nikolas saka lumabas ng bahay.
"Anong ginagawa mo? baka makita ka ni inang" reklamo ni Nikolas, bigla namang napakunot ang noo ni Sirene. "Bakit ganiyan mo ako kausapin?" taas noo nitong tugon. Bigla namang natauhan si Nikolas, madali siyang takutin ngunit hindi naman iyon nagtatagal lalo na't alam niyang hindi siya mapapatay ni Sirene hangga't hindi nito nakukuha ang perlas.
Magsasalita na sana si Nikolas pero biglang lumabas si Batchoy habang sinisipsip pa nito ang isdang ulam nila. Nanlaki ang mga mata ni Sirene saka sinipa ang kamay ni Batchoy dahilan upang mabitawan niya ang tinik ng isdang kinakain niya.
Gulat silang napatingin kay Sirene nang umupo ito sa lupa saka dahan-dahang kinuha ang tinik at inilibing ito. "Ako'y humihingi ng paumanhin sapagkat bumagsak kayo sa kamay ng mga walang kwentang nilalang na ito, humayo kayo at mamahinga ng payapa" saad ni Sirene habang nililibing ang tinik ng isda.
Napatulala at napanganga na lang si Nikolas at Batchoy dahil sa ginawa niya. "May kaluluwa ba ang isda?" biglang bulong ni Nikolas kay Batchoy. "Baka multuhin tayo ng libo-libong isdang nakain na natin" tawa pa ni Batchoy dahilan upang palihim silang matawa. Nang lumingon sa kanila si Sirene ay bigla silang umayos ng tindig at sumeryoso muli ang kanilang mga mukha.
Tumayo na si Sirene at naglakad papalapit sa kanila, walang emosyon ang mukha nito kung kaya't mas natatawa si Nikolas, agad naman siyang sinagi ulit ni Batchoy dahil paniguradong hahambalusin na naman ni Sirene ang pagmumukha niya.
"Mali ang higaang ginawa niyo, hindi ganoon ang higaang nais ko" seryosong tugon ng dalaga, animo'y bumagsak ang balikat ng dalawang pilyong mag-pinsan dahil mukhang ipapaulit sa kanila ng bruhilda nilang reyna ang kama na gusto nito.
"Nais pala niya ng paliguan dapat sinabi na niya iyon kanina pa! kapag ako talaga napuno sa bruha na iyan pupunuin ko ng matatalim na pako ang ilalim ng paliguan na ito!" reklamo ni Nikolas habang pinupokpok ang tabla sa parisukat na paliguan (bathtub) na gagawin nila.
Hindi naman na umiimik si Batchoy dahil pagod at inaantok na rin siya. Hatinggabi na ngunit ito pa rin ang inaatupag nila. Matapos ang mahigit isang oras ay natapos na rin nila ang paliguan, dinala na nila ito sa kinaroroonan ni Sirene at ipinuwesto sa loob ng kulungan.
Kinilatis namang mabuti ni Sirene ang paliguan na iyon saka naupo sa loob. "Matutulog na kami mahal na reyna" pagod na pagod na tugon ni Nikolas sakay umakbay sa pinsan at akmang lalabas na sila sa pintuan ngunit napatigil sila nang magsalita si Sirene.
"Nasaan ang tubig? punuin niyo ito ng tubig" saad ng dalaga dahilan upang gulat na mapalingon sa kaniya ang dalawang binata at halos himatayin na ito. "Malayo-layo pa ang balon mula rito----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil inunahan na siya ni Sirene.
"Gaano kalayo ang matatakbo niyo bago ko kayo patayin?" seryosong tugon ni Sirene habang pinapaikot-ikot sa ere ang matalim na balisong na hawak niya. Napalunok na lang sa takot si Nikolas at Batchoy sabay dampot sa dalawang balde na gawa sa kahoy "Tamang-tama! Masaya mag-igib ng tubig ngayong hatinggabi, para na rin tayong nag-eehersisyo napakwerte natin" tugon ni Nikolas sabay akbay sa pinsan at nagtungo sa balon upang mag-igib ng tubig.
"Punong-puno na talaga ako! lalagyan ko ng ahas at sawa ang tubig na ito!" reklamo ni Nikolas habang buhat-buhat nila ni Batchoy ang tig-dalawang balde ng tubig. Naka-sampung balik na sila sa balon na medyo malayo sa kinaroroonan ni Sirene kung kaya't hapong-hapo na silang dalawa.
Bigla na lang napabagsak si Batchoy sa lupa, hinihingal na ito kung kaya't napaupo na lang din si Nikolas sa lupa saka pinunasan ang pawis niya na ngayon ay hindi na maawat sa pagtagaktak.
"I-isipin mo na lang na ito ang kabayaran ng ninakaw mong perlas" hinihingal na tugon ni Batchoy, tulad ni Nikolas ay basang-basa na rin ang damit nito sa pawis.
"Kapag nakuha na natin ang perlas kay madam Sandra isasaksak ko sa baga niya ang perlas na iyon!" matapang na tugon ni Nikolas sabay suntok sa ere, hindi na talaga niya makayanan ang kasungitan at pagiging abusera ni Sirene.
"S-sa pagkakaalam ko ang mahiwagang perlas na ninakaw mo ay ang puso ng karagatan sa kanluran. Ito ang puso ng kanilang ina na si Maguayan. Kung kaya't may karapatang magalit talaga sayo si Sirene" saad ni Batchoy, napasabunot na lang si Nikolas sa sarili niya dahil sa inis.
"Kaya parang sinasalanta ngayon ng bagyo ang dagat dito sa kanluran kahit wala namang bagyo, nabalitaan ko rin kanina na maging ang mga mangingisda dito sa atin ay wala nang makuhang isda dahil nga sa pagkawala ng mahiwagang perlas" patuloy pa ni Batchoy. Napakunot naman ang noo ni Nikolas, siguradong kapag nalaman ng mga mamamayan na may sirenang naghahasik ng lagim at kabaliwan ngayon sa barrio nila ay masisindak din ito sa takot at siya ang sisisihin kung bakit masama ang kalagayan ngayon ng karagatan.
Napasandal na lang si Nikolas sa isang puno sa likod niya "Ano bang mga kapangyarihan ng mga sirena?" tanong nito sa pinsan. Napaisip naman ng mabuti si Batchoy saka napasandal din sa puno.
"Ang pagkakaalam ko... ang mga sirena ay imortal hindi sila namamatay. May kakayahan din sila na makipagusap gamit ang kanilang isipan (telepathy). Nakikita rin nila ang mga mangyayari sa hinaharap (Foresight). Kayang-kaya nila manipulahin ang isipan ng isang tao (Hypnosis). May kapangyarihan din silang painitin ang mga tubig. Ang kanilang presensiya ay sinasabing isang masamang pangitain sa Europa dahil nangangahulugan ito na may malalakas na alon ang sasalubong sa kanila sa karagatan. Ang mga sirena ay nagtataglay din ng pambihirang lakas at galing sa pakikipaglaban. At higit sa lahat sa oras na umibig ang mga sirena ito ay tapat at panghabambuhay na" paliwanag ni Batchoy, bigla namang natawa si Nikolas dahil sa huling sinabi nito.
"Seryoso? umiibig ang mga bruhang sirena? Eh sa kilos pa lang ng babaeng iyon ay magigitla na ang lahat ng kalalakihan, daig niya pa si Don Miguel akala mo kung sino-----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang pagtawa nang bigla niyang marinig ang pamillyar na boses ng babae mula sa kaniyang likuran.
"Nagugutom na ako" saad nito. Bigla namang napatayo si Batchoy at napayuko sa kaniya habang si Nikolas naman ay napalunok na lang sa kaba at dahan-dahang napatayo saka yumuko sa harapan niya. Hindi nila namalayan na sumunod pala sa kanila si Sirene at mukhang narinig nito ang mga paninirang pinagsasabi niya.
Hindi na magawang tumingin ni Nikolas sa mga mata ng dalaga dahil sa kahihiyan. Magsasalita na sana siya at hihingi ng tawad ngunit nagsalita muli si Sirene "Maghain kayo ng pagkain" patuloy pa nito. Pa-simple namang napasulyap sa kaniya si Nikolas upang kilatisin kung galit ba si Sirene ngunit kalmado lang naman ang itsura nito.
"A-ano po bang nais niyong kainin? Kamahalan" tanong ni Batchoy, napataas naman ang kilay ni Sirene at tiningnan silang mabuti.
"Kaya niyo bang kumuha ng halamang dagat ngayon?" tanong nito, nagkatinginan naman si Nikolas at Batchoy. Mukhang palalanguyin pa sila ni Sirene ngayong madaling araw. Magsasalita na sana si Nikolas ngunit agad nagsalita si Sirene. "Alam ko namang mahihinang uri kayo ng tao kung kaya't hindi niyo ako makukuhaan ng halamang dagat" patuloy pa ni Sirene. Napakunot naman ang noo ni Nikolas, kanina pa nito inuubos ang kaniyang pasensiya.
"K-kung gayon ano po ang nais niyong kainin?" tanong pa muli ni Batchoy. Bigla naman siyang tiningnan ng diretso ni Sirene, ang mga tingin nito ay sadyang nakakatakot at matalim.
"Dalhan niyo ako ng sariwang karne ng isang tao" diretso nitong sagot. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Nikolas at Batchoy dahil sa gulat nang marinig ang sinabi ng sirena. "Mas mabuti kung sanggol ang ihain niyo o hindi kaya ay mga taong walang kwenta sa mundong ito" patuloy pa ni Sirene sabay tingin kay Nikolas na bigla pang nasamid sa sarili nitong laway.
"N-ngunit hindi po namin kayang pumata----" hindi na natapos pa ni Batchoy ang kaniyang sasabihin dahil tinalikuran na sila ni Sirene at dire-diretso na itong naglakad pabalik sa tinutuluyan nito. Naiwan namang tulala at halos lumuwa ang panga ng mag-pinsan dahil hindi pa rin sila makapaniwala na kumakain ng tao ang sirenang iyon.
"Sino bang pinaka-walang kwentang tao dito sa ating barrio?" tanong ni Batchoy habang nag-iisip itong mabuti. Kasalukuyan silang nasa bakuran ng kanilang tahanan. Alas-tres na ng madaling araw at hanggang ngayon ay pinoproblema pa nila ang pagkaing ihahanda kay Sirene.
Napasabunot na naman si Nikolas sa kaniyang sarili sabay higa sa mahabang bangkito na nasa labas ng kanilang bahay. "Bakit kasi hindi na lang siya ang kumuha ng sarili niyang pagkain?!" reklamo ni Nikolas, ngunit agad siyang sinuway ni Batchoy dahil baka nasa paligid lang si Sirene at marinig na naman nito ang pagrereklamo niya.
"Tandaan mo Kolas malaki ang atraso mo sa kaniya dahil sa pagkawala ng mahiwagang perlas, pasalamat ka na lang dahil buhay ka pa ngayon" saad ni Batchoy sabay upo sa tabi ni Nikolas.
"Ngayon, ayusin na natin ito, sino kaya ang pinaka-walang kwentang tao dito sa ating barrio?" tanong pa muli ni Batchoy at napaisip ito ng malalim. "Si Don Miguel kaya? Si Mang Berting? O kaya naman ang tsismosang si Aling Dedeng?" suhestiyon pa ni Batchoy ngunit napailing-iling ulit siya. Ilang saglit pa, dahan-dahan siyang napalingon kay Nikolas na ngayon ay biglang napakunot ang noo.
"Sinasabi mo bang ako ang pinaka-walang kwentang tao dito sa barrio natin?" buwelta ni Nikolas, bigla namang napangisi si Batchoy sabay tapik-tapik sa balikat ng pinsan. "Masisipag at sadyang maasahan ang lahat ng mamayan dito sa ating barrio at kung tatanungin ang lahat siguradong ikaw at ikaw din ang ituturo nila" ngisi pa nito, napakunot naman lalo ang noo ni Nikolas saka tumayo na at napapamewang pa.
"Alam mo hindi naman natin kailangang bigyan ng tao mismo ang bruhang sirenang iyon. Baka nakakalimutan niya na ako ang pinakamatalinong tao dito sa ating barrio" wika pa ni Nikolas at taas noo itong napatindig sa harap ng kanilang bakuran.
"Ano naman 'yang plano mo?" kinakabahang tanong ni Batchoy dahil mukhang gumagana na naman ang mapurol na utak ng kaniyang pinsan at siguradong nagbabadya na naman ang kalokohan.
"Heto na ang iyong pagkain, kamahalan" nakangiting tugon ni Nikolas at Batchoy habang hawak-hawak nila ang isang mangkok na puno ng hilaw na karne. Kasalukuyang nakababad sa tubig si Sirene sa paliguan na kanilang ginawa kanina.
Papasok na sana si Nikolas para iabot kay Sirene ang pagkain ngunit sinenyasan siya nito na huwag lalapit. Dismayado namang napasimangot si Nikolas dahil gusto pa man din niyang silipin sa paliguan (bathtub) ang buntot ng sirena. Hindi kasi nila ito makita sapagkat nasa labas lang sila ng pintuan.
Halos wala namang kurap si Batchoy habang pinagmamasdan ang loob ng barong-barong na pinagdalhan nila kay Sirene. Kung kanina ay ubod ng dumi nito at punong-puno ng mga tuyong dayami na nagkalat sa sahig, ngayon naman ay sobrang linis at napapalibutan na ito ng mga makukulay na mga perlas, starfish at mga kumikinang na halamang dagat.
Nang dahil sa prisensya ng sirenang si Sirene ay napaganda nito ang buong paligid. "Bakit hilaw ang pagkaing ihahain niyo sa akin?" seryosong tanong ni Sirene habang nakataas pa ang kilay nito. Napatingin naman si Nikolas sa hawak niyang mangkok na naglalaman ng mga hilaw na karne.
"Kailangan pa ba naming lutuin ito?" nagtatakang tanong ng binata at napakamot pa ito sa ulo. Napahinga na lang ng malalim si Sirene saka muli siyang tiningnan, nakaupo pa rin ito sa paliguang ginawa nila.
"Narito na ako sa lupa, ang katawan ko ay kailangan maiayon sa mundong ito kung kaya't dapat luto rin ang mga kinakain ko" seryosong sagot ng sirena, napabagsak naman ang balikat ni Nikolas saka napatango-tango na lang "Anak nang----Opo, masusunod po kamahalan" kunot noong sagot ni Nikolas sabay talikod a hinila na niya si Batchoy papunta sa kanilang kusina upang magluto.
Dahan-dahan lang ang kilos nila sa kusina upang hindi magising ang kanilang lola. Hindi naman maiwasan ni Batchoy na makaramdam ng kaba dahil baka malasahan ni Sirene na hindi tao ang karne na ihahain nila sa kaniya. At bukod doon mas lalo pa siyang kinakabahan dahil baka malaman agad ni Mang Berting na nawawala ang kaniyang pinakamamahal na biik.
Pahirapan pa nilang dinukot ang munting biik ni Mang Berting sa kulungan nito kanina. Nagsisisigaw ang biik ngunit sadyang malakas si Nikolas at Batchoy kung kaya't madali nilang natangay papalayo ang biik saka kinatay ito sa kagubatan upang walang ibang makakita. Matapos ang krimeng ginawa nila sa biik ni Mang Berting ay hinugasan na nila ito saka inilagay sa mangkok. Ang natira namang karne ay isinabit ni Nikolas sa kanilang kusina saka binudburan ng asin upang ito ay mapreserba.
"Heto na po ang lutong pagkain niyo, kamahalan" matamlay na tugon ni Nikolas, tinamaan na siya ng matinding antok at pagod, wala pa silang tulog dahil sa mga utos ng abuserang sirena. Inilapag na ni Nikolas ang mangkok sa tapat ng pintuan saka umakbay kay Batchoy at nagtungo na sila papunta sa kanilang tahanan.
Nang makarating sila sa kanilang bahay ay dire-diretso silang nahiga sa papag. Ni hindi na rin nahubad pa ni Nikolas at Batchoy ang kanilang mga tsinelas dahil sa matinding pagod. Ilang sandali pa, halos sampung segundo pa lang ang lumilipas ay bigla na nilang narinig ang pagtilaok ng manok.
Agad nagtakip ng unan si Nikolas sa mukha upang hindi niya marinig ang pagtilaok ng manok habang si Batchoy naman ay humihilik na. Makalipas lang ang ilang minuto biglang nagulat si Nikolas nang maramdaman niya ang isang malamig na kamay na humawak sa kaniyang paa. Dali-dali siyang napabangon at napanganga sa gulat nang makita si Sirene na nakatayo sa tapat ng higaan niya.
Nakatingin ito ng diretso sa kaniya at seryoso lang ang mukha nito. Gulat na napalingon sa likod si Nikolas dahil baka makita sila ni inang Diday ngunit nakasarado pa ang silid nito at mukhang mahimbing pa ang tulog.
"P-paano ka nakapasok----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil napalingon siya sa pintuan ng kanilang bahay kubo at halos himatayin siya nang makitang natumba na ang kanilang pinto.
Agad napabangon si Nikolas at inayos ang kanilang pinto na ngayon ay nasira na dahil sa kagagawan ni Sirene. "Haay. Bakit mo naman sinira?" reklamo pa ni Nikolas at napahilamos na lang ito sa mukha dahil hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag sa kanilang lola kung paano nasira ang kanilang pinto.
Hindi naman siya pinansin ni Sirene dahil abala ito sa pagmasid sa paligid ng kanilang buong bahay. "Aalis na tayo, magtutungo na tayo sa Maynila" walang emosyong tugon ni Sirene. Napahinga naman ng malalim si Nikolas at napaupo na lang ito siya sa kanilang sahig dahil sa matinding pagod.
"Matutulog pa lang kami kaya matulog ka na muna kamahalan mamayang hapon na lang tayo aalis" tugon ni Nikolas sabay sandal sa dingding ng kanilang bahay at unti-unti na siyang dinadalaw muli ng antok. Samantala, nagpatuloy naman si Sirene sa pagmamasid sa loob ng kanilang bahay.
Kakaunti lang ang mga kagamitan sa loob at halos mga bao ng niyog ang nakakalat sa isang sulok ng kanilang bahay dahil pag-kokopra ang kabuhayan at pinagaabalahan ni inang Diday. Maliit lang din ang bahay kubo na kanilang tinitirahan at sira-sira na rin ang bubungan nito na gawa sa pawid.
"Hindi kami natutulog, hindi naman namin kailangan ng tulog kung kaya't huwag na tayong mag-aksaya pa ng oras" saad ni Sirene bigla namang napamulat ng mata si Nikolas at gulat na napatingin sa kaniya. Animo'y biglang naglakbay ang init ng ulo niya papunta sa kaniyang buong katawan. Naalala niya ang lahat ng hirap na ginawa nila buong gabi para pagbigyan ang abuserang si Sirene.
"ANO? HINDI PALA KAYO NATUTULOG BAKIT PINAGAWA MO PA KAMI NG HIGAAN?!" gulat na tugon ni Nikolas dahilan upang biglang mayanig ang buong bahay nila. Biglang naalimpungatan si Batchoy at natameme ito nang makita si Sirene na nakatayo sa loob ng bahay nila. Hindi makapaniwala si Nikolas na hindi naman pala natutulog ang mga sirena kung kaya't halos mabaliw-baliw na siya ngayon.
Hindi naman umimik si Sirene at sa unang pagkakataon ay nasilayan ni Nikolas na napangiti ito ng kaunti. Napagtanto niya na sinadya talaga ni Sirene na pahirapan at parusahan sila kagabi dahil pinaglalaruan sila nito. Tulad ng mga engkanto na pinaglalaruan ang mga tao sa kagubatan.
"Sa ayaw at sa gusto mo kailangan mong sundin ang lahat ng gusto ko" wika pa ni Sirene habang naglalakad ito palibot sa bahay. Napapikit na lang sa inis si Nikolas at napasabunot pa siya sa sarili dahil nauubos na ang kaniyang pasensiya.
Magrereklamo pa sana siya pero bigla silang napatigil nang lumabas si inang Diday sa kaniyang silid at gulat na napatingin kay Sirene. Napalingon din sa kaniya si Sirene ngunit wala nang emosyon ang mukha nito. Dali-dali namang tumayo si Nikolas at humarang sa pagitan ni inang Diday at Sirene na ngayon ay nagpapalitan lang ng seryosong titig sa isa't-isa.
Habang si Batchoy naman ay tila naistatwa na sa kaniyang higaan dahil sa tindi ng tensyon na nangyayari. Batid nila na ang pinakakinagagalitan ni Inang Diday sa lahat ay ang mag-uwi ng babae sa kanilang tahanan lalo na kung hindi naman kasal ang babae sa kaniyang apo.
"S-sino ang babaeng ito?" seryosong tanong ni inang Diday habang nakatingin ng diretso sa mata ni Sirene. Hawak niya rin ang kaniyang mahiwagang tingting dahil magwawalis sana siya sa labas ngayong umaga. At ngayon mukhang iba ang mawawalis niya papalabas ng bahay dahil hindi niya inasahan na pagkagising na pagkagising pa lang niya ay ito na agad bubungad sa umaga niya.
"I-inang sandali ho maghunos dili ho kayo" kinakabahang tugon ni Nikolas sabay harang kay Sirene. Mas natatakot siya sa kalagayan ng kaniyang lola dahil siguradong hindi magpapatalo ang sirena. Sa oras na hampasin ni inang Diday si Sirene siguradong makakatikim din ito ng hampas mula sa isang sirena na talaga namang makakapagpabali sa buto ng sinuman.
"SINO ANG BABAENG ITO KOLAS?!" sigaw ni inang Diday na makakapag-pawindang sa sinuman. Ang kanilang lola ay ubod ng tapang at wala itong inuurungan kung kaya't hindi magandang ideya na pagsamahin sila ni Sirene na isang sirenang palaban din at walang inuurungan.
Napahinga na lang ng malalim si Nikolas sabay hawak sa kamay ni Sirene na ikinagulat ng dalaga "Inang, siya po si Sirene ang aking misis" sagot ni Nikolas na ikinatulala ni Inang Diday, na ikinanganga ni Batchoy at ikinatalim ng tingin sa kaniya ni Sirene.
***********************
Note: Mga anak #SireneWP pala ang official hashtag ng Sirene dahil ngayon ko lang nalaman na may teleserye pala sa France na "Sirene" din ang title, ang ibig sabihin kasi ng Sirène sa french ay mermaids pero sa story na ito ay Sirene mismo ang name ng ating bidang sirena haha!
Btw mga anak pakinggan niyo pala ang audio na ito, ito yung sinasabi ko sa inyo sa twitter na favorite kong celtic music haha! maganda ang musikang ito <3 Maraming Salamat mga anak 😊
'Uploaded by: Derek Fiecher (youtube)'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top