PANGATLONG SIPOL

Bandang alas-tres ng hapon...

Nakaupo si Lusiana malapit sa bintana at tinatanaw lamang ang kanilang bakuran. Kasabay din noon ay ang kanyang pagmuni-muni dahil na rin sa nalalasap na sariwang hangin. Nakaramdam si Lusiana ng pangungulila dahil na rin sa dalawa na lang sila ng kanyang anak na magkasama sa buhay. Isa lang naman ang naging pangarap niya noong bata pa siya at iyon ay ang magkaroon ng masayang pamilya dahil hindi niya kailanman nakagisnan ang magkaroon noon.

Para namang dinuduyan si Lusiana ng hangin at nakararamdam siya ng antok nang biglang sumigaw si Lengleng na humahangos. Agad namang nawala ang antok ni Lusiana at napatayo sa kanyang kinauupuan.

"Mama! Mama!" sigaw ni Lengleng.
Putlang-putla ito at butyl-butil ang pawis sa noo. Nag-alala namang tinitigan ito ni Lusiana.

"Leng, bakit? Ano'ng nangyari? Bakit ang lamig ng mga kamay mo?" tanong ni Lusiana nang mahawakan niya ang mga kamay ng kanyang anak.

Nanginginig naman ang pang-ibabang labi ni Lengleng habang direktang nakatingin sa mga mata ng kanyang ina. Ninerbyos naman si Lusiana sa kanyang anak kaya agad niya itong hinagkan at pinakalma haggang sa handa na itong magsalita.

Inakay niya ang kanyang anak paupo sa isang maliit na silyang kahoy. "Ano 'yon, Lengleng?" ulit na tanong ni Lusiana sa kanyang anak.

Napalunok naman si Lengleng, "Mama, may kumakanta po sa kwarto ko," sagot ni Lengleng at napakunot noo naman si Lusiana rito.

"Lengleng," tawag niya at napahilot ng kanyang sentido. "Ito ba'y isa sa mga biro mo na naman?" Pamaywang niyang saad na nakataas ang kilay.

Ngunit sa lamig at panginginig ng kanyang anak ay tila nagsasabi ito ng totoo ngunit nilalabanan lamang ito ni Lusiana.

"Mama, si Papa yung naririnig ko sa kwarto."

Tila nabingi naman si Lusiana sa mga narinig niya sa kanyang anak.

"Leng, masamang biro 'yang ginagawa mo. Huwag kang magbiro patungkol sa isang patay na at lalong-lalo na sa'yong ama," wika ni Lusiana at halos mangiyak-ngiyak naman si Lengleng.

"Mama, sabi ni Papa sa kanta niya..." piyok na wika ni Lengleng habang pinaglalaruan ang kanyang mga kamay.

Naghihintay naman si Lusiana sa sasabihin ng kanyang anak nang tila may nakita siyang anino na pumasok sa kwarto ni Lengleng. Naiwan niya kasi itong nakabukas.

"Leng, kunin mo ang itak ko sa kusina," utos ni Lusiana at hindi inaalis ang mga tingin sa kwarto ng kanyang anak.

Hindi naman gumagalaw ang kanyang anak kaya bahagyang inuyog niya ito.

"Ma, sabi ni Papa sa kanta niya ay pinatay niya raw tayo."

Napalingon naman si Lusiana sa kanyang anak at pinanlakihan niya ito ng mata. Siya na lang mismo ang kumaripas upang kunin ang itak na nasa kusina at agad na tumungo sa kwarto ng kanyang anak.

Nang tuluyan niyang mabuksan ang pinto ay walang natagpuan o nakitang anino man lang si Lusiana. Mainit ang loob ng kwarto kahit na pumapasok ang hangin sa loob dahil sa nakabukas na bintana.

Nanginginig ang buong kalamnan at gayun na rin ang kamay at paa ni Lusiana. Hindi siya mapakali at binabagabag siya ng kanyang kalooban.

"Lengleng, hanapin natin ang libingan ng ama mo," wika ni Lusiana at walang kamuwang-muwang namang titig na titig lamang si Lengleng sa kanyang ina. "Sumama ka sa akin, huwag na huwag kang bibitaw sa akin anak."

Binihisan ni Lusiana ang kanyang anak. Bago sila lumabas ay may kinuhang sampung metrong lubid si Lusiana at itinali ito sa baywang ni Lengleng at pagkatapos ay itinali niya rin ito sa kanyang sarili.

"Suotin mo 'tong sumbrero mo," ani ni Lusiana saka iniabot sa anak ang sumbrero.

Malapit na rin mag-alas kwatro kaya dapat silang magmadali dahil walang ilaw ang lugar nila at tanging lampara at itak lamang ang dala-dala nilang dalawa.

"Huwag kang lilikha ng anumang ingay ay huwag kang magsasalita, Lengleng," wika ni Lusiana at tumango naman si Lengleng habang sinasapatusan siya nito.

Tumilaok naman ang mga manok sa kanilang paglabas. Bagay na ikinakunot ng noo ni Lusiana at ipinagtaka.

Hindi na nagsayang pa ng oras si Lusiana at agad silang lumakad. Hindi na maalala ni Lusiana kung saan saktong nailibing ang kanyang asawa, si Alberto.

Sa hindi kalayuan ay huminto sila sa paglalakad. Hinanap ni Lusiana sa lupa kung mayroon mang bakas na may nakalibing na bangkay ngunit patag na patag ang lupa at tanging mga damu at tuyong dahon lamang ang makikita.

Hindi tumigil si Lusiana sa kahahanap ng bangkay ni Alberto at sunod naman ng sunod ang kanyang anak.

"Hindi maaaring mawala na lang ang libingan ni Alberto rito," bulong ni Lusiana sa kanyang sarili.

"Mama," tawag ni Lengleng dahilan upang mapalingon si Lusiana sa kanya.

Lumuhod naman si Lusiana at inuyog ang mga balikat ng kanyang anak sa gigil. "Hindi ba't sabi ko sa'yo ay huwag na huwag kang magsasalita o lilikha ng anumang ingay!" Iritableng wika ni Lusiana na ikinatakot naman ng kanyang anak at halos mangiyak-ngiyak ang mga mata nito.

Huminahon naman si Lusiana at agad itong pinatahan at niyakap. "Tahan na, patawarin mo ako anak ko. Ikapapahamak natin kapagka may makarinig sa atin dito," wika ni Lusiana at tumango naman doon si Lengleng.

Lumapit si Lengleng sa tainga ng kanyang ina at bumulong. "Mama, may taong kanina pang nakatingin sa atin."

Sandaling nanigas mula sa pagkaluluhod si Lusiana sa narinig niya sa kanyang anak.

Tiningnan naman ni Lusiana sa mga mata ang kanyang anak. Dahan-dahan namang itinuro ni Lengleng ang direksyon kung saan ang tinutukoy nito.

Hindi naman magawang lumingon ni Lusiana sa direksyon na itinuturo ng kanyang anak bagkus hinawakan niya sa pulsohan si Lengleng at agad silang tumakbo papalayo.

Papalubog na ang araw at hindi man lang niya magawang sindihan ang kanilang dalang lampara. Kailangan nilang makalayo at makabalik sa kanilang bahay. Masama ang kanyang pakiramdam. Kinarga naman ni Lusiana si Lengleng upang mapabilis ang kanilang galaw.

"Takbo, Mama! Takbo! Nakikita ko pa rin po ang mga mata niya," wika ni Lengleng at mas lalong bumilis ang takbo ni Lusiana na para bang wala siyang karga-karga.

Malapit na sila sa kanilang bahay ngunit nang matanaw na niya ito ay natalisod naman siya gawa ng isang malaking bato. Ramdam agad niya ang hapdi sa kanyang tuhod.

Nang makatayo siya ay may narinig naman siyang sitsit.

Alam nilang malayo ito kaya agad niyang hinanap si Lengleng upang kargahin ngunit wala na ang kanyang anak kung saan siya natisod.

Nanlaki naman ang mga mata ni Lusiana nang malaman niyang wala na ang lubid sa kanyang baywang.

"Leng! Leng! Anak ko!" Sigaw ni Lusiana na halos malagutan siya ng hininga.





Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top