Panimula

Sa buhay ay maraming pagpipilian. Mga pagpipilian na hindi mo alam kung alin ang tama at higit na dapat. Kung ikaw ay papapapiliin. Lalaban ka pa ba o susuko na? May mga oras na nais mong sumuko ngunit may mga oras din na dapat kang lumaban.

Ano ang mas malala? Ang mamatay kahit gusto mo pang mabuhay o ang nabubuhay kahit gusto mo nang mamatay?

Sa mundong iyong ginagalawan, pipiliin mo bang balikan ang nakaraan o tuluyang kalimutan na ito?

Ano kaya ang mananaig? Pagpapatawad at pagmamahal na may kasiyahan o hinanakit at galit na puno ng kalungkutan?

Hanggang kailan mananatiling tanong sa bida ang “Tama pa ba ang ginagawa ko?”

* * *

“Sumama ka na sa akin.”

“Hindi. Hindi ako kailanman sasama sa iyo! Lumayo ka sa akin!”

Malakas na halakhak ang narinig ko. Halakhak na nagbibigay sa akin ng kilabot. Nanginginig ang buong katawan ko. Naramdaman ko rin ang pag-agos ng aking luha.

“Hindi ka nila mahal. Paniwalaan mo ako. Walang nagmamalasakit sa iyo. Sarili mo nga sinasaktan mo, hindi ba?” sabi niya at mayamaya ay sinundan niya ito ng tawa na siyang dahilan para mas makaramdam ako ng takot.

“Hindi totoo iyan! Sinungaling ka! Sinungaling! Lubayan mo na akong demonyo ka!”

Mas lalo lang siyang natawa at tinignan niya ako sa aking mga mata. Gusto kong iiwas ang aking paningin pero hindi ko magawa. Ipikit ko man ang aking mga mata sa pag-asang sa pagmulat ko ay wala na siya at ako naman ay gising na pero wala, hindi pa rin nangyayari.

“Sabihin mo lang ang nais mong sabihin dahil sa paggising mo, makakatulog ka ulit.” Tumawa na naman siya. Hindi ko man lubos maintindihan ang sinasabi niya ngunit nakaramdam ako ng pangamba.

Ipinikit ko ang aking mga mata at nang buksan ko muli ay nakahinga ako nang maluwag dahil sa wakas wala na ako sa bangungot. Tanda ko ang huli niyang sinabi, iyon din ang sinabi niya noon. Oo, paulit-ulit ang bangungot na nararanasan ko. Gabi-gabi na lang na binabangungot ako.

Ilang minuto na ang lumipas at ngayon ay tapos na akong maghanda dahil may pupuntahan kami.

Lumabas na ako sa kwarto ko at nakita ko ang pamilya ko sa sala na nag-uusap. Nakisali ako sa kanila at hindi ko nagustuhan ang sinabi nila dahilan para madurog ako.

“Ang sakit na, Ma, sobrang sakit. Alam n’yo ba iyon?” naiiyak kong sabi, gumagaralgal na rin ang boses.

“Hindi ko alam. Tama pa ba ito? Pagod na pagod na ako. Tapos iyan ang sasabihin n’yo sa akin? Hindi ko na kailangang makipagkita pa sa doktor ko?” Natawa ako. Pekeng tawa. “Akala ko ba susuportahan n’yo ako rito? It’s for my healing! Pero pinipigilan n’yo?”

“Anak...” lumuluhang sambit ng aking ina.

“Anak? Parang ni minsan hindi ko naramdaman ang pagiging isang anak n’yo. Alam n’yo ba iyon? Kasi pakiramdam ko hindi ako mabuting anak sa inyo. Kasi para akong isang napakalaking problema rito. Pabigat lang ako.”

“Hanna, ano ba iyang pinagsasabi mo kay nanay?” medyo inis na tanong ni kuya.

Natawa ako kasabay ng pag-agos ng mga luha ko. “Hindi n’yo pala ako naiintindihan e. Nakakabaliw. Mas nababaliw na ako!”

Napahawak ako sa tuhod ko. Nanghihina ako sa mga halo-halong nararamdaman.

“Hindi ko na alam! Hindi ko na alam kung tama pa bang manatili ako rito. Na lumalaban pa ako. Parang mali kasi lahat ng ginagawa ko. Maling-mali sa paningin n’yo!”

“Minahal ka namin, Hanna. Mahal ka namin,” sabi ng aking ama at akmang yayakapin ako pero umiwas ako. Mabigat sa aking loob ang nangyayari ngayon. Nais ko na lamang ibukas ang bibig at bigkasin ang mga salitang matagal kong kinimkim.

“Huwag n’yo akong yakapin o hawakan man lang. Manhid na ako. Hindi ko na iyan maramdaman. Sawang-sawa na ako. P-Pagod na ako. Mali yata na pinili kong manatili pa. Mas mabuti na sigurong noon pa lang ay tinapos ko na talaga ang sarili —” naputol ang aking sinasabi nang magsalita ang aking ina.

“Esh! Anak, ano ba iyang pinagsasabi mo?” Bakas sa boses at mukha ng aking ina na nasasaktan siya. Mas nadudurog ako sa nakikita ko.

“Kahit ano naman kasing gawin ko, kamalian ko ang nakikita n’yo. Pagkukulang ko ang napupuna ninyo! Pakiramdam ko tuloy ay kailanma’y ‘di ako nakagawa ng tama.”

Tinignan ko sila isa-isa.

“Aalis na ako. Huwag n’yo na sana akong hanapin pa. Paalam. Mahal ko kayo ngunit bibitaw na ako sa hawak n’yo,” mahinang sambit ko at agad na tumakbo palabas. Isinara ko rin ang pintuan para ‘di nila ako masundan pa.

Saktong mas lumakas ang pag-ulan. Takbo lang ako nang takbo habang umiiyak hanggang sa bigla akong tumilapon.

Nasagasahan na pala ako. Mukhang hanggang dito na lamang ako.

“P-Paalam, pamilya ko.” Dahan-dahan kong ipinikit na ang aking mga mata. Magpapahinga na ako. Sa wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top