Kabanata 4 - Nakaraan

Dumaan kami sa bahay para kunin iyong panghukay ng lupa. Iniwan ko na rin iyong dala kong gamit. Sumenyas ako sa kaniya na nasa labas ng bahay ang kailangan kong kunin at itinuro ko na rin kung saang banda ililibing si Imaran, sa likod at ilang metro lang ang layo sa bahay.

"Ikaw 'yong nakausap ko sa bayan," bigay konklusyon niya nang makita ang libingan nina Nanay at Lola. "Ikaw rin 'yong bata sa ilog."

"Ako nga," mahinang pag-amin ko.

"I'm sorry for your loss," sabi niya sa banyagang salita. Napansin niya ang pagkunot ng noo ko. "Nakikiramay ako."

Inilapag niya si Imaran at kinuha sa akin iyong pala. Tututol pa sana ako, dapat ako ang mag-asikaso niyon, pero napuna ko sa kilos niya na desidido siyang gawin iyon. Nagsimula siyang maghukay sa tabi ng puntod ni Lola.

Umupo ako sa batuhan at niyakap ang nanlalamig na katawan. Tumulo uli ang luha sa mata ko nang ilibing na ni Diego si Imaran at tinabunan ng lupa. Nang matapos, saglit na pinagmasdan niya ang lupang medyo nakaumbok bago siya humarap at mabagal na lumakad palapit sa akin.

"Salamat," mahinang sabi ko. "Alam mo ba na tumulong siya para iligtas ka namin sa ilog noon?"

"That makes sense. Parang may kasama ka nga no'ng tumakbo ka. Hindi lang malinaw sa isip ko kung ano o sino 'yon. Aw, shit!" Malakas na bumuga siya ng hangin. "Sorry, nahuli ako ng dating."

Umiling ako. "Hindi mo naman alam kung ano'ng mangyayari. At nagpapasalamat ako dahil dumating ka."

Tumango lamang siya.

"Bakit nga pala napadpad ka sa ilog?"

"Para hanapin 'yong bahay ng Lola... bahay mo. At do'n sa ilog kung saan tayo nagkita balak kong simulan ang paghahanap."

Mali ang kutob ko noong nakita ko siya kahapon. Ano pa kaya ang mga pagbabagong dala ng lalaking ito sa buhay ko?

Pumunta ako sa paanan ng tatlong puntod at tahimik na nanalangin bago kami bumalik sa bahay. Kumakalat na ang dilim nang makarating kami roon.

Nag-aalalang tumingin ako sa kaniya. "Medyo madilim na, kaya mo pa bang maglakad pauwi sa inyo?"

Tumingin siya sa paligid at saka ibinaling ang mata sa akin. "Baka mawala ako. P'wede bang... dito na muna ako matulog?"

Umawang ang labi ko at saglit na natigilan ako. Ano? Dito siya matutulog?

"It's a ridiculous suggestion. Forget it," sabi niya sa banyaga uling salita at iniwan ako pagkasabi niyon.

Sinundan ko ng tingin ang papalayong likod niya. Napatayo ako nang tuwid nang mapagtanto kong ibang daan ang binabagtas niya. Hinabol ko siya. "Diego! Diego!"

Humarap siya sa akin. "Bakit? May problema ba?"

"Ba't sa ilog ka pupunta?"

"D'yan lang ang alam kong daan. Susundan ko 'yong agos pababa. May marka akong tinatandaan kapag malapit na sa bayan."

"Pero mas malayo r'yan!"

"Mas mabuti na 'yon kaysa mawala ako. Kaya lang, baka malagpasan ko 'yong palatandaan kapag madilim na."

Bumuntong-hininga ako. "Dito ka na matulog," alok ko. Matapos niya akong iligtas, alangang pabayaan ko siya.

Humakbang siya papunta sa akin. "Sigurado ka?"

"Ayaw kong mapahamak ka. Maraming hayop ang pumupunta sa ilog at baka 'di mo mapansin na may lumalapit na pala sa 'yo." Sinabayan niya ako sa paglalakad pabalik sa bahay. "Pero pa'no ang mga magulang mo? Baka hinahanap ka na nila?"

"Tiyak 'yon, pero sa ngayon, wala akong magagawa."

Medyo naasiwa ako nang pumasok kami sa loob, lalo na nang isara niya iyong pinto. Pakiramdam ko, nakulong kami sa isang maliit na kahon. Sumikip iyong paghinga ko. Lahat rin ng bagay sa loob ng bahay ay mukhang lumiit. Matangkad kasi siya at may kalakihan ang pangangatawan.

"Pasensya ka na sa bahay namin, maliit lang ito," nahihiyang sabi ko.

Parisukat ang hugis nito na yari sa kawayan at nipa. Sama-sama na ang sala, kainan at kusina. Nakahiwalay ang nag-iisang silid-tulugan at nasa bandang likod ang banyo.

"Tama na sa akin na may bubong akong masisilungan at matutulugan ngayong gabi." Sinindihan niya iyong de-gaas na lampara na nakasabit sa gitna ng kubo.

Umupo ako sa pahabang upuan na gawa rin sa kawayan. Hinubad ko ang bota at maingat na tinanggal ang medyas. "A-aray!"

"Bakit?" Lumapit siya at lumuhod sa isang tuhod. Hinawakan niya ang paa ko at tiningnan ang talampakan ko. "Tsk. Tsk. This must be hurting you a lot. Kailangang ipahinga mo 'to."

Nagulat ako nang bigla na lang niya akong binuhat. Napakapit ako sa leeg niya. "A-ano'ng ginagawa mo? Ibaba mo ako!"

Hindi siya sumunod sa utos ko at kinarga niya ako hanggang sa kuwarto. Paupong inilapag niya ako sa kama. "D'yan ka lang. At h'wag mo nang tangkain pang kumilos."

"Hoy, Diego! Baka nakakalimutan mo na sanay akong mamuhay mag-isa!"

Napangiti siya. "Hindi ngayon."

Pumunta siya sa mesa, yumuko at sinindihan ang maliit na lamparang nakapatong doon. Tumayo siya nang tuwid at iginala ang paningin sa loob ng silid. "Sa'n nakalagay ang mga gamot mo?"

Inginuso ko kung saan. Dinala niya sa akin iyong isang kahon na may ilang garapon ng halamang gamot. Kinuha ko iyong pamahid para sa sugat at isang bote ng katas ng dahon ng bayabas. Ihahalo ko iyon sa tubig na paghuhugasan ng paa ko.

"Kailangan ko ng mainit-init na tubig at bimpo para... para sa – " Lumunok ako. Nahihirapan akong sabihin na para maalis niyon ang dugo ni Imaran na kumapit sa balat ko.

"Naiintindihan ko," malumanay na sagot niya.

Lumabas siya ng silid. Maya-maya, mga kalampag sa kusina ang narinig ko. May bitbit siyang maliit na planggana pagbalik niya sa kuwarto. Inilapag niya iyon sa tabi ko, kasama iyong bimpo.

"Nagpapainit pa ako ng tubig." Kumuha siya ng daster at damit panloob sa kabinet at iniabot sa akin. "Magpalit ka muna bago mo gamutin ang sugat mo."

"Nakakahiya sa 'yo. Ikaw ang bisita pero ako ang inaasikaso mo."

"May ibang araw pa naman. Saka ka na lang bumawi," biro niya.

Nakapagpalit na ako. Nalinis at nalagyan na ng gamot ang mga sugat ko. Naubos ko na rin iyong dinalang pagkain ni Diego. Nakapaninibago na ako ang inaasikaso ngayon. Ilang taon kasing sa balikat ko nakaatang ang lahat ng responsibilidad mula nang maratay si Lola dahil sa kaniyang katandaan.

Naabutan ako ni Diego na nakaupo sa kama at nakasandal ang likod sa dingding. Pinatay niya na ang lampara sa labas. Umupo siya sa dating hinihigaan nina Nanay at Lola. Katabi lang iyon ng papag ko pero mas malaki iyon.

Tulalang napatitig ako sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko. Paano ba naman, wala siyang suot na pantaas!

Napansin niya iyon at itinuro niya ang sarili. "Nilabhan ko 'yong kamiseta ko, wala naman akong makitang p'wedeng hiramin."

"M-may tuwalya sa banyo." Uminit ang mukha ko. Napagtanto ko kasi na babae lang ang nagtatapis sa dibdib.

Pinigil niyang ngumiti. "Dito na ako mahihiga, ha? Bakante naman 'tong isang papag."

Hindi kaagad ako nakasagot. Sa totoo lang, nakakailang na may kasama akong ibang tao sa bahay. Nagkataong, lalaki pa. Atubiling sumagot ako, "S-sige."

"H'wag kang mag-alala, 'di ako masamang tao. Kung may balak akong gawing 'di maganda sa 'yo, dapat kanina pa." Itinukod niya ang siko sa tuhod niya at pinagsalikop ang kamay. "Ba't 'di ka pa natutulog?"

"Hindi pa ako inaantok."

"P'wede ko bang malaman kung bakit itinago ng pamilya mo ang tungkol sa 'yo?"

"No'ng una, ayaw nila akong masaktan. Alam mo naman kung ga'no kagaling manukso ang mga bata sa bayan."

"No'ng nagkaedad ka, ba't 'di ka pa rin nagpapakita sa bayan?"

"Akong pumalit sa p'westo ni Nanay. Wala namang nakahalata dahil palagi ring may saklob sa ulo si Nanay."

"At ngayon, ba't mo kailangang magpanggap na Lola mo?"

"Bilin ni Lola. Para daw malayo sa mga lalaking... katulad ng lalaki kanina." Kinilabutan ako nang maalala iyon. Nakapandidiri talaga ang ginawa ng lalaking iyon!

"Don't think about them. Kalimutan mo na 'yon." Hahawakan niya sana ako, ngunit nagdalawang isip siya. Umurong siya hanggang maisandal niya ang likod sa dingding. "Ba't kailangang magsuot ng gano'ng klaseng damit ang lola at nanay mo?"

Ipinatong ko sa kandungan ang mga kamay ko. "Mahabang k'wento."

Nagkibit-balikat siya. "Mahaba rin ang gabi at wala naman tayong gagawin."

"May kinatatakutan si Lola... tinatakbuhan. Isang tribo na kinabibilangan ng napangasawa n'ya."

"May pinatay s'ya?" seryosong tanong niya.

"Wala, pero sa tingin nila, mas masahol pa ro'n ang nawala sa kanila." Sumulyap ako sa gawi niya. "Galing si Lolo sa angkan ng mga Banaha na may kakayanang malaman ang galaw ng panahon. Malaki ang paggalang sa kanila ng mga katribo n'ya, pero unti-unting nasira 'yon nang umibig s'ya kay Lola."

"Bakit naman?"

"Dahil akala nila gumagamit ng itim na mahika si Lola. No'ng nagkaanak s'ya, namana ng anak n'ya ang galing n'ya sa panggagamot pero hindi ang husay sa pagmanman ng panahon."

"Teka, pa'nong nangyari 'yon? 'Di ba Nanay mo ang nagbibigay ng babala sa bayan kapag may kalamidad na mangyayari?"

"Alam mo ang tungkol do'n?"

"Nagtanong-tanong ako at 'yan ang sinabi sa akin."

"Apo ni Lola si Nanay, kaya ako, apo na lang sa tuhod."

"Ayaw ba ng Lolo mo sa tuhod na magkaroon ng manggagamot sa pamilya?" tuloy na pagtatanong niya.

"No'ng una, tanggap ni Lolo ang gano'ng sitwasyon. Sabi n'ya, magkakaanak pa naman sila ng iba. Ang kaso, ilang taon na ang lumipas, hindi na nagbuntis pa si Lola. Hanggang sa dumating 'yong araw na sinasaktan ni Lolo 'yong anak nila para piliting matuto kung paano basahin ang panahon.

"Iyon ang naging dahilan para iwan ni Lola si Lolo hanggang sa mabalitaan n'yang nag-asawa uli ito pero hindi na rin ito nagkaanak sa pangalawang asawa."

Pinag-ekis ni Diego ang nakaunat na binti. "Baka nasa Lolo mo ang pagkukulang."

"Pero sinisi ng katribo n'ya si Lola. Sinabi nila na sinumpa nito ang angkan ng mga Banaha."

"Kaya ba nagtatago ang Lola mo dahil gusto nilang maghiganti?"

Umiling ako. "Hindi 'yon ang dahilan."

"Ano?" interesadong tanong niya.

"Si Nanay. Gusto nilang bawiin s'ya. Mahalaga sa kanila ang kakayanan n'ya na magbigay ng babala kapag may sakunang dala ang kalikasan."

"Teka nga pala, ano'ng nangyari sa anak ng Lola mo?"

"Namatay sa panganganak. Hindi s'ya pinakasalan ng nakabuntis sa kaniya. Kastila 'yon at bumalik sa Espanya nang 'di nalalaman ang tungkol kay Nanay."

Bumaba-taas ang ulo ni Diego. "Pa'no nalaman na nakuha ng Nanay mo ang kakayanan ng mga Banaha?"

Itiniklop ko ang binti at niyakap ito. "Sa isang bayan sa Nueva Ecija sila nanirahan noon, sa mga kamag-anak. Nahulaan n'ya na magkakaroon ng malawakang tagtuyot. Binalaan n'ya ang mga magsasaka at kumalat 'yon sa katabing nayon.

"Bukod tanging ang lalawigan lang na 'yon ang nakapagtanim at nakapag-ani ng palay. Napaghandaan kasi nila ito. Ang mga katabing lalawigan, walang naani kahit isang kaban. Namatay lahat ng itinanim nila.

"Nakarating ang balitang 'yon sa tribo nina Lolo at nang magsiyasat sila, nalaman nila na ang batang nagbigay ng babala ay isang Banaha. Kaya dinukot nila si Nanay at iniuwi sa kanila."

"Buti na lang, nabawi pa s'ya ng lola mo," sabi niya.

"Limang taon muna ang lumipas bago s'ya nakabalik kay Lola. Sa mga panahong 'yon, mas lalong nalinang ang kakayanan n'ya."

"Pa'no s'ya nakawala ro'n?" tanong ni Diego.

"Tumakas s'ya. Mula no'n, palipat-lipat na sila ng lugar."

"Hanggang sa mapadpad sila rito sa Quezon at dito na kayo namalagi nang matagal," bigay konklusyon niya. Matamang tumitig siya sa akin. "May kinalalaman ba 'yon sa Tatay mo?"

Humiga ako, tinakpan ng kumot ang katawan at pumikit. "Pagod na ako. Gusto ko nang matulog."

Hindi na siya umangal pa. Pinatay niya iyong lampara at nabalot ng dilim ang buong paligid. Mga kaluskos na lamang ang narinig ko at ang paggalaw niya sa papag upang makakuha ng komportableng posisyon. Ilang saglit na namayani ang katahimikan.

Maya-maya ay mahinang sabi niya, "Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko pa alam ang pangalan mo. Ano'ng tawag sa 'yo?"

"Miranda," halos pabulong na sambit ko.

"Miranda," ulit niya. Tila sinasanay niyang paikutin ang katagang iyon sa bibig niya. "Maganda, bagay sa 'yo."

Parang may humaplos sa dibdib ko na malamig na bagay. Dapat ba akong matuwa o mabahala dahil may ibang tao nang nakakaalam ng totoong pagkatao ko?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top