9: Ang Lihim ni Tetay

(Talaarawan ni Dario):


Buenas noches,


Mabagal ang mga usad ng araw at wala namang kakaibang bagay ang naganap sa amin dito sa dormitorio, at pati na rin sa unibersidad.


Ngunit ako ay may nalaman na lihim tungkol sa aming kasambahay na si Binibining Tetay.


Nangyari ito noong isang gabi. Ako ang inatasan ni Senyora Simang na siguraduhin na nakakandado na ang mga pintuan papaakyat sa aming tinutuluyan, pati na rin sa may kusina, kung saan may hagdanan pababa sa silong.


Inuna ko muna ikandado ang pangunahing pintuan patungo sa salas. Sinunod ko naman ang pintuan sa may kusina. Ngunit akmang isasarado ko na ito nang aking mahagip ang dalawang tinig na mahinang nag-uusap sa may ibaba.


"Tetay, tayo ay magtanan na. Noong huli tayong magkita ay noong Banal na Misa, dalawang linggo na ang nakararaan. Hindi mo ako sinagot noon, kaya ngayon ay pinuntahan na kita dito para hingin ko ang iyong tugon."


"Berting, umalis ka na dito. Hindi pwede na makita tayo ng aking amo na nag-uusap."


"Akala ko ba ay minamahal mo ako?"


"Pasensiya na, hindi ako pwedeng sumama ngayong gabi. Ako ay may trabaho dito, paalam na."


"Nag-aksaya lamang ako ng oras para makita ka. Maiwan na kita diyan. Huwag mo na akong hanapin pa sa bayan."


Narinig ko ang mga galit na yabag na papaalis na sa aming lugar. Sumilip ako mula sa likod ng kahoy na  pintuan at nakita kong si Binibining Tetay. Halata ang kanyang pagkabalisa habang sapo niya ang kanyang sentido.


"Muntik na akong napahamak dahil sa iyo, Berting! Pero di bale, wala na ang sakit ng ulo ko nang dahil sa iyo!"


Mula sa labas ay pumasok si Tetay sa kanyang kwarto sa silong.


Sa mga oras na ito, ako lang ang may tanging alam na may lihim na kasintahan si Binibining Tetay. Ngunit bakit kaya tumitingin siya sa ibang mga kalalakihan, lalo na kay Ilyong?


Marahil ay wala na siyang nararamdaman para doon kay Berting. Kaya hindi man lang siya lumuluha nang makipagkalas ito sa kanya.


-Dario

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top