8: Ang merienda
(Talaarawan ni Dario):
Buenas noches,
Sagot ng apat na talunan sa Lingguhang katanungan ang aming naging merienda ngayong hapon. Mainit na tsokolate, pandesal na may kesong puti, at churros ang kanilang binili para sa buong dormitorio.
Wala si Ilyong habang kami ay masayang nagsasalo-salo sa hapag-kainan. Pabiro namin napag-usapan na hindi kami magtitira para sa kanya, sa kadahilanan na wala siyang sagot sa katanungan na nakapaskil sa pader.
"Tungkol sa kanya ang katanungan, kaya hindi talaga siya sasagot doon!" Natatawang wika ni Juan. Lahat kami ay napahalakhak sa gitna ng aming munting salo-salo.
Sakto na naglakad ang aming amigo na si Ilyong sa may hapag-kainan. Nakita ko siyang sumulyap sa amin.
"Ilyong! Mabuti at nakarauwi ka na! Tamang-tama, inubusan ka na namin ng merienda!" Sigaw ni Tan sa kanya. Hindi namin napigilan na matawa at inaakala kong sasagot siya pabalik. Ngunit umismid lang siya sa amin at naglakad na papalayo.
Nang wala na si Ilyong sa paligid, nagbitaw ng komento si Mauricio.
"Minsan talaga, naiisip ko na hindi niya nais na makisama sa ating lahat. Madalas kong nadadatnan si Emilio na nagbabasa ng aklat sa may salas o di kaya ay nagkukulong sa kanyang silid. Kapag nakikita ko siya sa unibersidad, madalas ay nasa silid-aklatan ito. Bakit kaya siya ganoon?"
"Sadya lang siyang mapag-isa," depensa ni Manuel sa kanya. "Mabait naman siya sa amin nila Dario at Juan, at minsan ay sumasama siya sa amin para kumain sa labas."
"Siguro ay iwasan muna natin na siya ang paksa ng Lingguhang Katanungan," suhestiyon ko. "Wala ba kayong ibang maisip na nakakatuwang tanong na hindi tungkol sa isa sa atin?"
"Magpustahan na lang tayo para mas masaya!" Tugon ng isa sa mga kalalakihan na aming kasama.
"Aba, di ako sang-ayon diyan, at masasayang lamang ang pinag-ipunan ng ating mga magulang para lang pag-aralin tayo sa unibersidad!" Mariin kong pagtanggi.
Napaisip ang lahat sa aking sinabi. Si Manuel ang bumasag ng katahimikan.
"Mabuti pa, gawin na lang natin ang Lingguhang Katanungan na walang binabangga na kahit sino sa atin."
Lahat ay sumang-ayon sa ideya ng aming amigo.
-Dario
(Photo by Ashkan Forouzani on Unsplash)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top