5: Pagkainis
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Buenas noches,
Napapansin ko ang kakaibang kilos ng aming kasambahay dito sa dormitorio.
Si Binibining Tetay ay labis ang paghahanap ng atensyon sa mga kasama kong lalaki.
Halata na pinapaboran niya si Ilyong. Minsan ay sinasagi niya ang binata tuwing dumadaan ito sa kanyang tabi, o kaya naman ay sinasabihan siya na gwapo. Umiismid na lang si Ilyong. Nagagawa na rin niya na iwasan ang nasabing dalaga.
Ngunit sa mga nagdaang araw, mas lumalapit siya sa iba kong mga kasama, si Estanislao o si Tan at ang kaibigan nitong si Mauricio.
Minsan ay naabutan ko silang tatlo na nag-uusap sa salas malapit sa bintana. Kakatapos lang ng aming hapunan at may mga nagpresentang magliligpit ng aming mga pinagkainan, pati na rin ng paguhugas nito.
Kaya nakahanap ng pagkakataon ang Binibining Tetay na pumuslit sagilit. Naisipan kong gumala muna sa salas at doon ko nakita ang binibini na nakapagitna kina Tan at Mauricio!
Nahagip ko ang kanilang usapan. Sabi ni Tan ay aayain niya bukas ng gabi si Binibining Tetay para mamasyal sa bayan. Magtutungo raw sila sa isang panciteria at sagot daw ni Mauricio ang libreng hapunan nilang tatlo!
Aba, napayakap pa ang binibini kay Tan, at mas ikinagulat ko na balewala lang ito sa kanya!
Umalis na lang ako na umiiling sa sarili.
Hindi sa mapangmata ako sa binibini, ngunit ang babaeng kagaya niya ay di angkop ang mga ikinikilos sa presensiya ng mga lalaki dito sa dormitorio.
Aba, hindi ito nararapat para sa isang dalaga na kagaya niya! Ako ay lubos na naiinis at nababagabag.
-Dario
(Photo by Stanislav Kondratiev: https://www.pexels.com/photo/book-on-red-surface-3519355/)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top