46: Ang Huling Kabanata

(Mula sa talaarawan ni Dario)


Aking kaibigan, mukhang ito na ang huling isusulat sa mga pahinang ito. Ang talaarawan na nakasaksi sa akin naging buhay hanggang sa ako'y ikasal na sa aking pinakamamahal na si Tetay, ang aking irog, amor, at maybahay.


May bago nang kabanata na naghihintay para sa akin, kasama ng mga kwento at pangarap na aming bubuuin bilang mag-asawa.



Hindi madali ang buhay may-asawa. Minsan ay may pagtatalo at di pagkakaunawaan na nagaganap sa amin ni Tetay. Ngunit kapag isa sa amin ang nagkamali ay agad kaming humihingi ng paumanhin sa isa't-isa. Bilang kanyang kabiyak ay handa akong umunawa sa kanya.



Masarap magluto si Tetay. Nabubusog ako sa kanyang mga potahe at pati na rin sa kanyang pagmamahal. Ang aking mga araw ay nakalaan para magsilbing doktor sa aking klinika sa Binondo, at sa gabi naman ay para makapiling at mahalin ang aking butihing asawa. Ang aming tahanan ay nasa ibabaw lang ng klinika.


Siya nga pala, si Tetay ay nagtatayo na ng negosyo ng mga panindang kakanin. Tutulungan siya ng aking ina na mapalago ito. Nagsisimula pa lamang kami at sana ay makatulong ito para sa aming magiging kinabukasan, kasama ng aming magiging anak.


Nawa'y kami ay pagpalain ng Poong Maykapal. Ito ang aking dalangin.


Salamat sa pagiging mabuting kaibigan, aking talaarawan.

  - Dario

---

(Warning: SPG ahead)


"Napagod ka ba, aking mahal?"


Malambing na bumulong si Tetay sa kanyang asawa na si Dario habang nakayakap sa kanyang likuran. Kasalukuyan silang magkatabi sa kama habang dinarama ang katahimikan at malalim na gabi.


Napalingon si Dario at humalik sa noo ni Tetay. "Gusto mo pa ba?" Ngisi nito. Ibinaba ni Dario ang kanyang ulo at hinalikan ang nakalitaw na balikat ni Tetay.


"Inaantok na ako," humikab si Tetay at hinila ang kumot para matakpan ang kanyang mga balikat.


"Salamat at tinanggap mo ako kahit...alam mo na... wala akong karanasan," ika ni Dario.


"Mabilis kang matuto, iyon ang gusto ko sa iyo," kinurot ni Tetay ang ibabaw ng ilong ni Dario at natawa. "Ako dapat ang mahiya dahil alam mong hindi na ako dalisay nang ginawa natin ito. Sana ay hindi ka nagseselos sa mga nakasama ko noon."


"Mas dalisay ang iyong puso, at ito ang minahal ko sa iyo, aking maybahay," ngiti ni Dario sa asawa. "Pero kahit ilang beses na natin itong ginawa, minsan nahihiya pa rin ako na makita mo ang aking kabuuan."


"Ito talaga! Parang unang beses pa lang ito!" Pabirong binatukan ni Tetay si Dario. "Ang kisig mo kaya! At inaamin ko, minsan napapasarap ako sa iyong pagroromansa! Ako na ang nagsasabi na mabilis kang matuto!"


"Matulog na tayo! Baka ganahan ka ulit at abutin na tayo ng pagsikat ng araw!" Paalala ni Dario.


Sumandal si Tetay sa balikat ng asawa at ngumiti. Kapwa sila dinalaw ng antok at nanatili silang magkapiling, pinagbubuklod ng init ng kanilang pagmamahalan.

---

Dumaan ang mga araw, buwan, at pagkatapos ng isang taon, nabiyayaan sila Tetay at Dario ng isang anak na lalaki. Lumipas ang isa pang taon at sinundan ito ng isang anak na babae. Daniel at Crisanta ang pangalan ng mga bata.


Pagkatapos ng tatlong taon ay nagkaroon ulit ng anak sila Dario at Tetay. Lalaki naman ito, na pinangalanan nilang Manuel, bilang pag-alala sa pumanaw nilang kaibigan na dati nilang kasama sa dormitorio.


"Kay dami nang nangyari, hindi ba?" Panimula ni Tetay habang kasama si Dario at ang kanilang tatlong anak. Namamasyal sila sa may pampang ng dagat sa may Ermita.


"Nawala nga ang mga Kastila, ngunit andito na ang mga Amerikano bilang bagong mananakop," kwento ni Dario. "Andoon pa rin ang dormitorio sa Intramuros ngunit ipapasara na ito ni Senyora Simang sa susunod na taon. Balita ko ay ibebenta na niya ito at sasama nang manirahan kasama ng kanyang anak sa Espanya.


"Dalawin natin si Senyora, na kasama na si Manuel. Matutuwa ito sa mga bata," ika ni Tetay habang nakangiti sa malayo. "Hindi kambal ang mga naging anak natin, pero magkasunod naman na taon ipinanganak."


"Panay kasi ang kalabit mo," natawa si Dario. Mahinhin na natawa si Tetay sabay takip ng kanyang bibig.



Buhat ni Dario ang anak na si Manuel sa kanyang mga braso habang naglalakad si Tetay sa kanyang tabi at inaakay sa magkabilang kamay  sila Crisanta at Daniel. Maliliit pa ang kanilang tatlong anak, ngunit sa bilis ng panahon ay unti-unti nang lumalaki ang mga ito.


"Si Juan ay naging heneral at nagkaroon ng posisyon sa bagong gobyerno. Tapos nalaman na lang natin na pumanaw na si Ilyong sa Laguna at may naiwan siyang maybahay na nagdadalang-tao," ika ni Tetay. "Noong isang araw ay dinalaw ko ang maybahay ni Ilyong sa Caloocan at nakita ko na nagsisimula nang magbasa at magsulat ang kanyang anak na lalaki. Sayang at hindi ito naabutan ng ating kaibigan. Ang unico hijo ni Emilio ay kamukhang-kamukha niya."


"Matutuwa si Emilio kung naabutan man niya ang kanyang anak," malungkot na ngumiti si Dario. "At sana, naging ninong siya ng ating mga supling."


"Aba, hindi ka na nagseselos kay Ilyong?" Biro ni Tetay.


Natawa si Dario at sinabing, "Nakaraos din ako sa pagseselos at napaibig din kita, mahal ko. At para kay Ilyong, sumalangit nawa."


"Nanay, gusto kong makita si Emiliano," hinila ni Crisanta ang saya ng ibang si Tetay. "Gusto ko ulit na maglaro kami sa kanila."


"Kakain kami ng kakainin na luto mo at maglalaro sa kanilang malawak na hardin," dagdag pa ni Daniel.


"Sa Sabado, dadalaw tayo kay Tiya Taling, at makikita niyo si Emiliano," pangako ni Tetay sa kanyang mga anak.


"Mainam!" Pumalakpak si Crisanta at Daniel.


"Kasama rin natin si Tatay," ngiti ni Tetay kay Dario.


"Oo, at nang makilala ko ang babaeng minsan na minahal ng ating amigo." Napangiti si Dario sa ideya.


Patuloy silang naglalakad sa may kahabaan ng baybayin ng Ermita. Malamig ang ihip ng hangin at papalubog na ang haring araw.


Nagsalubong ng tingin sila Tetay at Dario. Inilapit ni Dario ang kanyang mukha kay Tetay at dinampian ng matamis na halik ang mga labi nito. At sumagot si Tetay nang sinuklian niya ang halik ng asawang si Dario.


Hindi nila alam ang magiging hinaharap. Ngunit mas masaya na mabuhay sa kasalukuyan at gumawa ng mga magagandang alaala ng kanilang pagmamahalan, na babalikan nila kapag ang ngayon ay kahapon na.


Nagkatinginan ang dalawa pagkatapos ng kanilang nag-aalab na halik.


"Ikaw lamang palagi, Dario.


"Siempre eres tu, Tetay."


(Wakas)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top