45: Pag-iisang Dibdib
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Dumating na ang panahon ng aking pagbabalik sa bansang sinilangan.
Nagtapos ako nang may pinakamataas na marka sa aming klase. At sa aking pagbabalik, naghihintay na ang aking magiging tanggapan.
At mas higit pa, naghihintay na rin ang aking pinakamamahal na si Cristeta.
---
Buong araw inisip ni Tetay ang kalagayan ni Ilyong. Ano kayang dahilan at pupunta ito ng Laguna? Magtatago ba siya dito dahil may nagawa siyang kasalanan? Kung ganoon man ang kaso, hiniling ni Tetay na sana, hindi totoo ang kanyang naiisip. Alam niya kung gaano kalupit ang mga Guardia Civil sa mga Indios na nagkakasala laban sa batas.
Diyos ko, ingatan Niyo po ang aming kaibigan na si Ilyong, dasal nito.
Ito ang huli niyang hiling at tinapos na rin niya ang kanyang pagdarasal ng rosaryo tuwing ika-anim ng gabi.
Lumabas na si Tetay sa kanyang kwarto at umakyat na papuntang kusina. “Senyora Simang, andiyan po ba kayo?” tanong niya. “Magluluto na po ako ng sinaing!”
Nagtaka si Tetay nang walang sumagot. Nagpunta siya sa may kainan at sa may salas para hanapin ang matanda, ngunit wala ito.
“Magandang gabi po, andito po ba si Binibining Cruz?”
Kinilabutan si Tetay nang marinig niya ang pamilyar na boses. Mas lalong bumilis ang kabog sa kanyang dibdib nang marinig niyang papalapit nang papalapit ang mga yabag ng paa na umaakyat sa hagdan patungo sa salas.
“Mi Amor.”
Agad lumingon si Tetay at napaawang ang kanyang bibig nang makita niya ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Mas lalo itong nagmukhang makisig sa kanyang suot na damit na halatang mula pa sa Espanya; isang itim na pang-itaas, itim na pantalon, at mataas na sumbrero sa kanyang ulo. Bagong gupit din ito at mas makinis na rin ang kanyang kutis.
“Dario!”
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Dario. Hindi na napigilan ni Tetay ang sarili at tumakbo ito papalapit para yakapin ang binata.
“Nakabalik ka na!” Umagos ang mga luha ng kaligayahan sa mga mata ni Tetay. Naramdaman ng dalaga ang mga braso ni Dario na yumakap sa kanyang baywang.
“Masaya akong makita ka, Tetay,” bulong ni Dario. “Kay tagal kong nangulila sa iyo.”
“Hija, Hijo, maari na kayong tumigil sa pagyakap sa isa’t isa!”
Bumungad sa kanila si Senyora Simang, na kaaakyat lang at dala ang dalawang bagahe ni Dario. Marahan niya itong inilapag sa sahig at lumapit sa dalawa, na pabiro niyang hiniwalay sa isa’t isa.
“Senyora, pasensiya na po at nangulila ako nang matagal sa aking mahal,” tawa ni Dario.
“Marami kayong oras para diyan kapag ikinasal na kayo!” biro ng matanda.
“Senyora, tandaan niyo po, tatlong taon akong nagpakabait at hindi tumingin sa ibang mga lalaki!” Kumindat si Tetay kay Senyora Simang.
“Salamat po, Senyora, at binantayan niyong mabuti si Tetay,” ika ni Dario.
“Oh siya, sa ibang oras na kayo magyakapan! Magluto na tayo ng hapunan, hija, para makakain naman si Senorito Dario!”
“Masusunod po, Senyora!”
Ngumiti si Tetay sa iniirog at sinundan na si Senyora Simang sa kusina.
Pagkatapos ng isang oras ay naupo silang lahat sa lamesa para maghapunan. Sabado ng gabi ngayon at wala ang mga okupante ng dormitorio, kaya solo nilang tatlo ang hapag.
“Masarap ang tinola, ah!” puri ni Dario nang makakain na siya ng niluto ni Tetay.
“Si Tetay ang nagluto niyan!” tinignan ni Senyora Simang ang dalaga at tumawa.
“Buti naman, nagustuhan mo. Kaya pwede na akong mag-asawa!” Natawa si Tetay at dinagdagan, “Kaya Senyora, makahingi po ng basbas mula sa inyo!”
“Naku, dati pa ay may basbas na kayo mula sa akin! Siya nga pala, kailan ang kasal?” tanong ni Senyora Simang.
Nagkatinginan ang dalawa. “Hindi pa po namin alam,” wika ni Dario. “Mabuti pang maghahanda muna kami ng mga kailangan bago po ito mangyari.”
“Siguro ipakilala mo muna ako sa mga magulang mo,” mungkahi ni Tetay. “Naku, kinakabahan na ako.”
Palihim na kinuha ni Dario ang kamay ng dalaga sa ilalim ng lamesa at marahan itong pinisil.
“Huwag kang mag-alala, kilala ka nila, at gustong-gusto nila na makita ka nang personal.”
Napanatag ang loob ni Tetay sa mga salitang binitiwan ng kanyang nobyo.
Naging abala sila Tetay at Dario sa mga dumating pa na araw. Nakilala na ni Tetay ang mga magulang ng binata, na giliw na giliw sa kanya. Ipinagmalaki pa ng dalaga ang kakayahan niya sa pagluluto, paglilinis, at pagbuburda. Kahit ang kuya ni Dario at ang maybahay nito ay agad nagustuhan si Tetay bilang magiging kabiyak ni Dario.
“Pwede na ngang mag-asawa ang aming unico hijo,” pagsang-ayon ng ama ni Dario.
“Magiging mabuting maybahay at asawa ang dalagang ito,” wika ng ina ng binata.
"Dario, mas magaling kang pumili sa akin!" Biro ng kuya ni Dario na si Damian.
"Para mo na rin sinabi na nagsisisi ka at ako ang napang-asawa mo!" Napalo tuloy si Damian ng kanyang asawa na si Isadora. Ngunit nagtawanan lang ang lahat dahil alam nilang biruan lamang ito.
Tinignan ni Isadora sila Dario at Tetay sabay payo ng, "Dapat ay magkakaroon din kayo ng anak na kambal gaya namin ni Damian!" Kambal na lalaki kasi ang naging anak nila Damian at Isadora.
"Ate Dora, paano namin gagawin iyon?" Pagkagulantang ni Dario.
"Kumain kayo ng kambal na saging!" Natatawang winika ni Damian.
"Iisa lang ang paraan ng paggawa ng bagay na iyon, malay niyo naman, makabuo ng kambal!" Biro ng ama ni Dario. Lahat tuloy ay nagsipagtawanan sa lamesa.
Nagkatinginan sila Tetay at Dario at ngumiti sa isa’t isa. Gumaan na ang kalooban ng dalaga sa presensya ng pamilya ni Dario.
Pagkatapos ng tatlong buwan ay sa wakas, magaganap na ang pinakahihintay na kasalan.
Ngayon na ang araw ng aming pag-iisang dibdib. Umaapaw sa kaligayhan ang aking puso.
Nakatayo si Tetay sa harapan ng pinto ng simbahan, suot ang kanyang puting traje de boda. Malakas ang dagundong ng kanyang puso at hinigpitan pa niya ang hawak sa munting mga bulaklak. Sa ilang saglit ay magbabago na ang takbo ng kanyang buhay.
Nang bumukas na ang pinto ng simbahan, ay dahan-dahan siyang naglakad sa gitna patungong altar. May musikang nanggagaling mula sa itaas ng simbahan, at ang mga dumalo ay mga estudyante sa dormitorio. Nandito rin ang pamilya ni Dario para masaksihan ang kasalan.
Habang dahan-dahan na naglalakad ay naaninag ni Tetay si Aling Simang na nakaupo sa tabi, at sa kabilang dako naman, ay ngumiti sa kanya si Juan, na nagawang makadalo sa kasalan.
At sa gitna ay naghihintay ang kanyang iniirog na si Dario.
Nahihiyang yumuko si Tetay. Pinigilan niya ang sarili na maluha.
Nang makarating na siya sa tabi ni Dario ay kinuha ng binata ang kamay nito at sabay silang humarap sa altar upang mangako sa isa’t isa na magsasama habang buhay.
Parang mabilis lang ang naging seremonya. Maya't maya ay ito na ang sinambit ng prayle:
"Kayo ay nakatali na sa isa’t isa, Cristeta at Dario. Hijo, maari mo nang halikan ang iyong kabiyak.”
Ngumiti ang prayle sa kanila. Inangat ni Dario ang puting belo ni Tetay na nakakubli sa kanyang mayuming mukha.
"Gaya ng pinangako, ako ang huling lalaki na hahalik sa iyo," ngiti ni Dario sa kanyang maybahay.
"Ikaw ang huli kong mamahalin, Ginoong Dario Hernandez, aking asawa," mangiyak-ngiyak na ngumiti si Tetay.
Ipinikit ni Tetay ang kanyang mga mata at naramdaman niya ang dampi ng mga labi ng kanyang irog, na asawa na niya ngayon. Humalik siya pabalik at yumakap dito kasabay ng palakpakan at hiyawan ng mga dumalo.
“Mabuhay ang bagong kasal!” sigaw ni Juan.
“Mabuhay!” sagot ng mga dumalo.
Masayang tumakbo papalabas ng simbahan sila Dario at Tetay, habang nagsasaboy naman ng mga talulot ng bulaklak ang mga nakasunod sa kanilang likuran. Sinalubong nila ang mga magulang ni Dario, na yumakap sa kanilang dalawa. Kasama na rin dito ang kuya ni Dario na si Damian, si Isadora na asawa ni Damian, at ang kanilang kambal na lalaki, na abay sa naging kasalan.
Pagkatapos ay hinarap ni Tetay si Senyora Simang.
“Senyora, maraming salamat po sa pagpapatuloy niyo sa inyong dormitorio,” yumakap ang dalaga sa mangiyak-ngiyak na matanda.
“Napamahal ka na sa akin, hija,” tinignan ni Senyora Simang si Tetay at ngumiti dito. “Natutuwa ako at marami kang natutunan sa dormitorio. Ngayon di ka na tutuloy sa amin, mangungulila ako sa iyong piling.”
“Senyora, dadalaw kami kapag may oras,” pangako ni Tetay.
“Aalagaan ko po si Tetay.” Lumapit si Dario kay Senyora Simang at yumakap. “Magiging maayos po ang buhay niya, pangako po iyon.”
“Bilisan niyo ah, para may kasama na kayong anak kapag dadalaw kayo sa dormitorio!” biro ni Senyora Simang.
“Teka lang po, Senyora, di po ganoon kadali iyon!” Natawa si Dario.
Tumuloy sila sa likod ng simbahan, kung saan may mga banderitas na nakasabit at may isang mahabang lamesa. May iba’t ibang masasarap na potahe sa ibabaw nito, at nakapalibot naman ang iba pang mga lamesa at upuan. Dito magaganap ang handaan para sa mga bagong kasal.
Matingkad ang sikat ng araw nang umagang iyon, at dama ang kasiyahan sa mga dumalo. Pinaupo sila Tetay at Dario sa harapan, kung saan sila makikita. Nagsimula na ang masarap na salo-salo at pagkatapos ay nagkaroon ng sayawan para sa mga bisita.
Sila Tetay at Dario ang unang pinasayaw. May musiko sa gilid na tumutugtog habang lumalapit naman ang mga bisita sa kanila at dinidikitan ng mga salapi. Tumagal ito nang sampung minuto, at nang matapos, ay panay pera na ang nakasabit sa bagong kasal.
“Ipon na natin para sa ating magiging anak,” bulong ni Tetay kay Dario.
“Kahit sampung anak pa, ay kakayanin ko!” biro ni Dario.
“Teka, palaguin muna natin ang iyong klinika sa Binondo, para makaipon tayo,” paalala ni Tetay nang makabalik sila sa kanilang pwesto sa gitna. “Sa susunod na natin iisipin ang pag-aanak.”
“Makaaasa ka, mahal,” nakangiting sagot ni Dario.
Nakangiti nilang pinanood ang mga bisitang sumasayaw. Lahat ay nakabihis ng magagandang kasuotan at mas nagpatingkad dito ang mga ngiti sa kanilang mga labi. Sa malayo ay tinuturuan ni Juan si Senyora Simang na sumayaw, at natawa si Tetay nang pingutin ng matanda si Juan. Naapakan kasi ng binata ang paa ng Senyora.
Nagkatinginan sila Dario at Tetay. Nagnakaw ng halik si Dario sa mga labi ng kanyang asawa.
"Huwag dito!" Mariin na paalala ni Tetay.
Napangisi si Dario. "Mag-asawa na tayo, ngayon ka pa nahiya!" Pang-aasar nito.
"Humanda ka sa akin kapag tayo na lang dalawa ang naiwan!" Pagbabanta ni Tetay.
"Hindi ako natatakot diyan sa pagbabanta mo, Senyora Hernandez," natawa si Dario. "Kakayanin ko kahit isang batalyon na anak ang iyong gusto!"
"Ito talaga!" Pinalo tuloy ni Tetay ang balikat ni Dario at natawa na lang silang dalawa.
Isang magandang bukas ang naghihintay. At marami pang mga alaala ang kanilang gagawin para sa hinaharap.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top