44: Magkabilang mundo, iisang mga puso

(Mula sa talaarawan ni Dario)


Alas singko ng umaga, ako ay nagising mula sa aking balisang pagtulog.



Ngayon na ako aalis papuntang Espanya. Labis akong mangungulila sa aking mga kasamahan, kay Senyora Simang na mabuti ang pakikitungo sa akin, at higit sa lahat, sa aking binibini na si Tetay.



Dadalhin ko sa ibang panig ng mundo ang talaarawan na ito at ang unang liham sa akin ni Tetay.


Magiging mabilis ang tatlong taon. Pangako ko sa sarili na ako ay magiging mahusay na optalmologo at mabibigyan ng maayos na buhay ang dilag na aking mapapangasawa.

---

“Paalam na po, Senyora Simang. Salamat sa iyong pag-aalaga. At paalam mga amigos, naging masaya ang aking pag-aaral sa unibersidad dahil sa inyo.”




Nakatayo si Dario sa harapan ni Senyora Simang, habang nakapalibot sa kanila ang mga estudyanteng nanunuluyan sa dormitorio. Akmang nakabihis na siya sa kanyang pag-alis. May mga nagpipigil ng kanilang mga luha, at bakas sa lahat ang kalungkutan dahil sa pag-alis ni Dario para mag-aral sa Espanya.




“Kaibigan, sana dalhin mo rin ako doon!” Lumapit si Juan sa kanya na maluha-luha. Agad na yumakap si Dario sabay wika ng, “Kung pwede lang, pero di ka papayagan umakyat sa barko!”




Natawa ang lahat. Pinalis ni Juan ang kanyang mga luha. “Nawa’y maging magaling ka na optalmologo sa iyong pagbabalik!”



"Sana ay maging masaya ang iyong pananatili sa Espanya," lumapit si Tan kay Dario at tinapik ang balikat nito. "At huwag kang titingin sa ibang mga binibini!" Biro pa ni Tan.



"Kaya pala ang gwapo ng ating amigo! Siya ay lubusang umiibig na kay Binibining Tetay!" Ngiti ni Mauricio kay Dario.




"Kayo, huwag niyong aakitin ang aking minamahal!" Natawa si Dario sa kanyang sinabi kina Tan at Mauricio. Silang tatlo ay lumapit at nagyakapan sa isa't isa.



“Dario!”



Nakita ng binata si Tetay na tumatakbo papalapit. Agad siyang napayakap dito habang humahagulgol. “Bilisan mo ah, para maikasal na ako sa iyo pagbalik mo!”




Naghiyawan ang mga binata sa galak sa kanilang nakita.




“Babalik ako at mag-iisang dibdib tayo. Tandaan mo ang aking bilin, mahal,” paalala ni Dario habang nakatingin ito sa mga mata ni Tetay. "Hindi ito isang pamamaalam. Muling magtatagpo ang ating mga landas habang binubuo natin ang ating mga pangarap para sa sarili at para sa isa't isa."



"Oo," ngumiti si Tetay sa gitna ng kanyang mga luha. "Pansamantala tayong maghihiwalay para sa ating magiging buhay sa hinaharap."




“May kasalan na magaganap sa  iyong pagbabalik!” Sigaw ni Juan, sabay palakpak ng kanilang mga kasama.




“Tama na ang landian, at humayo ka na, hijo. Baka maiwan ka ng barko,” biro ni Senyora Simang.




Umalis si Dario sa pagkakayakap niya kay Tetay. Kinuha na niya ang maleta at sinabing, “Hanggang sa muli!”




“Paalam, Dario!” Sabay na sinabi ng mga kalalakihan sa dormitorio.




Kumaway si Dario sa kanila at bumaba na ng hagdan. Nakasunod sila Juan at Tetay. Nanoood sila habang umakyat ng kalesa ang binata. Nang makasakay na ito ay sumenyas na ang kutsero sa kanyang kabayo na umalis na.




Iyon na ang huling sulyap ni Tetay sa minamahal. Tinignan niya sa malayo ang pagtakbo ng kalesa hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin.




“Tumahan ka na, Binibini,” paalala sa kanya ni Juan. “Babalik din siya para sa iyo.”




Pinalis ni Tetay ang kanyang mga luha. “Doon ako umaasa sa kanyang pangako. Gagawin niya ang lahat para matupad ito, at gagawin ko rin ang aking pinangako, na aayusin ko ang aking sarili.”




“Siguradong matutuwa si Dario pagbalik niya,” ngiti ni Juan.




Nanahimik silang dalawa habang nakatingin sa malayo.




Tatlong taon. Mukhang mahaba, ngunit kakayanin ko para sa kanya, naisip ni Tetay.

Ngumiti siya sa kanyang sarili dahil alam niyang babalikan siya nito.

---

Marami ang nangyari sa loob ng tatlong taon, ngunit patuloy na nabuhay si Tetay sa gitna ng kanyang pangungulila. Maya’t mayang nagpapadala si Dario ng mga liham sa kanya, at doon niya ikinukwento ang kanyang buhay estudyante sa Madrid.



Magandang lugar ang Madrid, pati ang unibersidad dito. Namamasyal kami sa may bundok tuwing Sabado, at isang magandang tanawin ang mga kakahuyan dito. Tuwing nakakakita ako ng mga matitingkad na bulaklak sa daanan, ay aking ninanais na pitasin ito at ipadala sa iyo diyan. Ang mahalimuyak na mga bulaklak ang nagpapaalala sa akin sa ating pinangako para sa isa’t isa.



Ngumiti si Tetay sa nabasa. Sumulat siya pabalik at ito ang nakalagay:




Maayos ang lahat dito sa dormitorio. Oo nga pala, tapos na si Juan sa kanyang pag-aaral. Kakadalaw lang niya dito noong nakaraang araw, at ikinuwento niya na may naipanalo na siyang kaso. Nakakatuwa. Ginagawa niya raw ito habang patuloy pa rin sa pagiging miyembro ng lihim na samahan na kanyang sinalihan.

Sa isang banda, wala na akong balita sa ating kaibigan na si Ilyong. Ngunit narinig ko ang balita na may mga mag-aaklas daw laban sa gobyerno. Hindi kaya sila Ilyong ito? Nakakatakot, mukhang natuloy na siya sa pagiging tulisan.


Tungkol naman sa aking sarili ay napapabuti ako dito. Pag-uwi mo ay makakatikim ka na ng aking mga lutong adobo, estofado, at sapin-sapin. Si Senyora Simang na mismo ang nagsabi na masarap na akong magluto.


Natuto na rin ako magburda at nagtitinda na ako ng mga punda ng unan sa malapit na talipapa. Gawain ko kada Byernes at Sabado na magitinda, at nagagalak ako na nauubos ang aking paninda. Puro mga may kaya ang mga namimili sa akin, at gusto nila ang aking mga binurdang punda na may disenyo ng mga dahon at bulaklak.


Mas masaya na ngayon si Tetay sa kanyang sarili. Bumangon siya sa pagkakalugmok at natutunan ang iba’t ibang mga bagay, gaya ng pagluluto at pananahi. Nakakaaliw sa kanyang magburda ng mga punda ng unan, at minsan ay sabay nilang ginagawa ito ni Senyora Simang.


Ramdam niya na siya ay mas nagkakaroon na ng saysay sa kanyang pamumuhay.




Sa pangatlong taon ay iba na ang binabalita ni Tetay sa kanyang mga sulat:


Aking mahal, may balita dito na sinugod daw ang isang imbakan ng pulbura sa San Juan del Monte, ayon sa mga usap-usapan sa palengke. Mukhang malaking gulo ito kung maari. Takot ako na magkagiyera. Sana hindi mangyari ang aking naiisip.



Pagkatapos ng isang linggo ay agad tumugon si Dario:

Mahal, maayos lang ba kayo diyan sa dormitorio? Huwag kang matakot, at may awa ang Maykapal na iingatan kayong lahat. Sa isang taon ay babalik na ako diyan. Konting paghihintay na lang. Magtiis muna at sa huli ay matamis na yakap ang sasalubong sa iyo.



Bigla kong naisip si Ilyong, at hindi kaya iyon ang kanyang sinalihan na grupo? Nauunawaan ko na kailangan nating maging independente mula sa pamumuno ng mga Kastila, ngunit hindi giyera ang solusyon dito.



Mag-iingat kayo palagi.




Sa gitna ng kanyang mga pangamba ay hawak ni Tetay ang pangakong pagbabalik ni Dario.



Nakibalita na lang ang dalaga sa kanyang paligid. Nalaman niyang nagkaroon ng digmaan sa Pandi, Bulakan, kung saan may tatlong libong mga sundalong Pilipino ang namatay.


Ito na nga ang panahon para lumaban sa mga kinauukulan. Diyos ko, ingatan niyo kaming lahat, dasal ni Tetay.


Buti na lamang at nailayo sila sa kapahamakan.


Ngunit isang gabi, laking gulat ni Tetay nang may maaninag siya na nagtatagong lalaki sa mga halamanan.



“Sino iyan?” takot niyang tinanong.




“Tetay.” Narinig niya ang isang magaspang na bulong mula sa may likuran. Agad siyang lumapit sa halamanan at muntik nang sumigaw nang makita kung sino ang nagtatago doon.




Tumambad sa kanya ang kanilang dating kaibigan na si Ilyong. Puno ng galos at sugat ang kanyang mukha, magulo ang kanyang buhok, at punit-punit na ang kanyang kasuotan, na isang camisa at itim na pantalon.




“Emilio?” Gulat niyang sambit. “Ba... bakit ka nandito?”



“Pwede ba muna akong papasukin diyan saglit at painumin ng tubig?” hiling niya.



Nag-alinlangan si Tetay bago siya nakasagot. Sa huli ay pumayag din ito.



Inaya niya si Ilyong sa may kusina. Susuray-suray na umakyat si Ilyong at bakas ang panghihina nang makaupo siya sa lamesa.



Agad siyang inabutan ng dalaga ng isang basong tubig. Binigyan na rin niya ito ng ulam at kanin, at tahimik siyang nananood habang gutom na gutom na kumain ang sugatang binata.




“Anong nangyari sa iyo? Isa ka bang tulisan?” Pag-aalala ni Tetay.




“Hindi, natalo ang aking hukbo sa huli naming labanan. Kailangan ko nang umalis dito sa Maynila para magtago sa mas tahimik na lugar.”



Pinagmasdan ni Tetay ang binata. Mukhang tumanda na ito nang ilang taon at ang bawat sugat at galos ang nagpapakita ng kanyang mga pinagdaanan. Nawala na rin ang kislap ng kasiyahan sa kanyang mga mata, at napalitan ito ng pagod at determinasyon na makipaglaban.




Sa makatuwid ay parang hindi na niya kilala si Ilyong.



“Tapos na akong kumain, binibini. Ako ay aalis na at maglalakbay sa Laguna.” Pinilit nitong tumayo kahit siya ay nanghihina.




“Siguro ay mamahinga ka muna dito. May bakanteng kwarto pa sa may silong,” alok ni Tetay.




“Hindi na, kailangan ko nang makaalis. Paalam, Tetay, at salamat. Oo nga pala, pipilitin kong makadalo sa kasal niyo ni Dario.”




Ngumiti ang binata sa kanya at marahan na naglakad pababa ng kusina.




“Ilyong! Magpahinga ka muna sabi!” sigaw ni Tetay. “Paano ka magbabiyahe sa ganyang kalagayan?”



Lumingon ang binata. “Hindi na, hinihintay ako ng kutserong magdadala sa akin sa Laguna. Nasa labas siya ng siyudad. Huwag mo rin sabihin kay Senyora Simang na dumaan ako,” mahigpit niyang bilin.
“Ikaw lang ang nakakaalam nito. Adios.”




Nagpatuloy na bumaba ang binata. Umalis ito at hindi na muling lumingon sa kanya.




Napa-krus si Tetay at sinabing, “Diyos ko, sana ingatan mo si Ilyong sa kanyang mga binabalak.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top