41: Para sa Iyo
Hindi nakatulog si Tetay nang gabing iyon. Panay ang tagilid niya sa higaan sa kakaisip kung anong ibig sabihin ng maikising katagang nakasulat sa papel na iyon.
Isinulat ba ito ni Dario? O baka hiniram lang niya ang aklat at nakaipit na ito sa mga pahina dati pa? Kung si Dario nga ang nagsulat noon, para kanino kaya? Hindi kaya may iba siyang napupusuan at pinapaasa lang niya ako sa kanyang mabuting pakikitungo sa akin? Hindi kaya ako ang may problema, at naging marupok ako sa kanya?
Ito lamang ang kanyang mga naiisip. Gustong-gusto niyang tanungin si Dario tungkol dito, ngunit binabalot pa rin siya ng kahihiyan.
Pilit ipinikit ni Tetay ang mabibigat niyang mga mata, at umaasang dalawin na sana siya ng antok.
---
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Nabasa kaya ni Binibining Tetay ang kapirasong papel na aking inipit sa kanyang mga aralin?
Ngunit ngayong araw, dito ko nalaman na hindi pala niya naunawaan ang ibig sabihin ng pahiwatig ko sa kanya.
Inasar ako nila Juan at Ilyong kaninang umaga. Pinabasa raw ng binibini ang kapirasong papel sa kanila at ayaw nilang sabihin kay Tetay ang kahulugan nito.
Naiinis ako ngunit di ko siya masisisi dahil di pa ito bihasa sa wikang Kastila.
---
"May nabalitaan ako!"
Ito ang bati ni Juan sa likuran ni Dario nang dumating siya sa hapag kainan kasama si Ilyong. Agad lumingon si Dario mula sa kanyang kinauupuan at sinalubong siya ng nakangising mukha ni Juan. Sa likuran ni Juan ay si Ilyong na pigil na pigil ang tawa.
"Nasagap ko mula kay Juan na may sinisinta ka. Sa katunayan nga, binigyan mo pa siya ng papel kung saan nakasulat ang nilalaman ng iyong puso't isipan." Umangat ang gilid ng labi ni Emilio at natawa si Juan.
"Magsitigil nga kayo!" Ismid ni Dario sabay talikod sa dalawa niyang kaibigan. Umagang-umaga at biglang naging mga tsismoso ang dating mga tahimik na sila Juan at Emilio.
"Halata oh! Mukhang masusunog na ang iyong mga pisngi sa pamumula!" Tuluyan nang natawa si Juan. Humarap si Dario at binatukan ito sabay tayo at alis mula sa kanyang kinauupuan.
"Huwag kang mapikon, amigo!" Habol ni Emilio kay Dario. Napatigil si Dario sa paglalakad at hinarap niya si Emilio.
"At paano niyo nalaman ang bagay na iyon?" Humalukipkip si Dario na may kasamang pag-irap.
"Simple lang. Lumapit siya sa amin at tinanong ang ibig sabihin ng katagang nakasulat sa wikang Espanyol," pagkukwento ni Emilio. "Halata na hindi pa gaanong bihasa ang binibini kaya naisipan niyang magtanong sa amin."
"Siempre eres tu! Ikaw lamang!" Tinaas ni Juan ang kanyang braso sa ere na parang tumutula. Tuluyan na itong natawa at sumalampak sa sahig na parang batang tuwang-tuwa.
"Bakit ko ba ginawa iyon?!" Labis na naiinis si Dario sa sarili. "Malay ko ba na sa inyo lalapit si Tetay?"
"Siyempre, hindi namin sinabi ang ibig sabihin noon," dagdag ni Juan, na tumayo na mula sa sahig. Pinagpagan niya ang kanyang kasuotan. "Dapat sa iyo mismo manggagaling ang himig ng iyong puso!"
"Kaya pala ako ay inaway mo noon sa unibersidad." Napangiti na lang si Emilio. "Nauunawaan ko na kung bakit!"
"Sayang naman kung maririnig ni Tetay ang siempre eres tu mula kay Emilio o sa akin! Baka mapaaway na kami sa iyo dahil sa isang dalaga!" Dagdag ni Juan.
"Mainam na umamin ka na sa binibini bago siya muling mahumaling sa akin." Natawa si Emilio sa iniisip.
"Kayo talaga!" Umalis si Dario at iniwan sila Juan at Emilio na natatawa sa kanyang reaksyon.
Bumalik si Dario sa lamesa nang inihanda na ang kanilang almusal. Wala ngayon si Tetay dahil nagpunta raw ito sa pamilihan, ayon kay Senyora Simang.
Ngayong araw, nagdesisyon si Dario na aamin na siya sa binibining napupusuan.
---
“Mukhang kay lalim ng iyong iniisip.”
Nagitla si Tetay nang marinig niya ang boses ni Dario sa likuran niya. Kasalukuyan siyang nakatingin sa mga bituin sa labas ng bintana pagkatapos niyang iligpit ang mga ginamit sa hapunan ng mga naninirahan sa dormitorio.
“Kayo po pala, Senyor.” Tumayo si Tetay sa may upuan at lumipat sa mas mahabang upuang kahoy, para makatabi si Dario kung gusto nito. “Dito po kayo,” nilahad niya ang kamay sa bakanteng espasyo sa kanyang tabi.
“Salamat, pipiliin ko na muna na tumayo,” pagtanggi ni Dario. “Kakakain ko lamang.”
“Bakit po kayo gising pa ng ganitong oras?” Naisip iyon itanong ni Tetay, para di nakakailang sa kanilang dalawa.
“Malalim din ang aking iniisip,” wika ni Dario. “Matatapos na ako ng aking pag-aaral sa susunod na taon. Balak akong ipadala ng aking ama sa Espanya, para higit pang mapag-aralan ang pagiging optalmologo.”
“Mukhang magandang pagkakataon iyon!” Pinilit ni Tetay na maging galak sa biglaang balita. “Hindi lahat ng estudyante ay kayang makapag-aral sa ibang bansa. Kung ako sa iyo, kunin mo na ito hangga’t bata ka pa. Siguradong magugustuhan mo ang Espanya! Nakita ko na ang mga larawan ng nasabing lugar sa mga aklat na pinahiram mo sa akin, sadyang napakagandang mga tanawin!”
“Ngunit ibig sabihin nito ay tatlong taon akong mawawalay sa aking pamilya,” malumbay na tugon ni Dario.
Binalot ang dalawa ng katahimikan. Lihim na nag-alala si Tetay na baka magkaroon si Dario ng kasintahan sa Espanya, na higit na mas maganda at mas may kaya. Pero sino ba ako para pigilan siya? Kung iba ang gusto niya, wala akong magagawa.
“Gawin mo itong pagkakataon para maging magaling ka na doktor. Pagbalik mo dito, marami ka nang matutulungan, gaya ni Doktor Jose Rizal!” Pinilit lang ni Tetay na maging masaya ang kanyang tinig.
“Si Doktor Rizal ay isang kahanga-hangang tao. Sayang lamang at ipinatapon siya sa Dapitan,” umiling si Dario. “Mukhang napahamak siya dahil sa mga isinulat niya na nobela.”
“Sana mabasa ko ang Noli Me Tangere,” ngiti ni Tetay.
“Naku, baka mapahamak ka pa kapag taglay mo ang aklat na iyon. Naaresto ang aking kamag-aral dahil dala niya ang Noli Me Tangere,” kwento ni Dario. “Buti na lamang at nakapag-piyansa para makalaya sa mga Guardia Civil.”
“Ay, nakakatakot nga na mabasa iyon. Sana lang dumating ang panahon na malaya tayong makakapagsulat ng kahit anong nais natin,” pahayag ni Tetay.
“Ang kalayaan ay may kaakibat din na responsibilidad,” tugon ni Dario. Naupo siya sa tabi ng dalaga at nagpatuloy. “Ngunit sa kaso ni Doktor Rizal, masasabi kong napakatapang niya upang magsulat ng mga ganoong bagay. Ako ay humahanga sa kanya.”
Muling nanahimik si Dario. Magsasalita na sana si Tetay ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Ayaw niyang mabasag ang mahiwagang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
“Siempre eres tú,” sambit ni Dario sa kawalan.
“Sino pong naalala niyo?” magalang na tanong ni Tetay. Lihim siyang kinabahan nang marinig niya ang mga katagang iyon.
“May sinulatan ako noon, ‘di ko lang alam kung nakita niya,” tawa ni Dario.
Kumunot ang noo ni Tetay. “Sana nga nabasa niya, kung sino man siya.”
“Oo nga, ang totoo niyan, palagi ko siyang tinuturuang magbasa at magsulat, ngunit hindi niya alam na para sa kanya ang mga katagang iyon.”
Hinarap siya ni Dario. Natanto ni Tetay na sa kanya pala nakatingin ang binata.
“Hindi mo ba nakukuha ang ibig kong sabihin?” tanong niya.
“Ang alin?” Nagkunwaring walang alam si Tetay.
“Ikaw! Para sa iyo ang papel na iyon. Palaging ikaw. Siempre eres tú,” giit ni Dario.
Hindi makaimik si Tetay. Gusto niyang magsalita ngunit hindi siya mapakali sa narinig niya sa binata.
“Ibig mong sabihin ay... ako? Gusto mo ako?” pag-aalinlangan niya.
“Talagang mahina ang iyong pag-iisip,” iritadong sambit ni Dario.
“Hoy! Kung makapagsalita ka!” Pinalo ni Tetay sa braso si Dario, ngunit kinuha niya ang kamay ng dalaga.
“Makinig kang mabuti, minsan ko lang ito sasabihin. Palaging ikaw ang laman ng aking isipan, kahit na dati pa. Sadyang inis ako sa iyo dahil si Ilyong ang kursunada mo. Kung alam mo lang, nasuntok ko dati si Ilyong sa escuela dahil pinaiyak ka niya minsan. Ilang araw din kaming hindi nagkibuan, ngunit nakaraan na iyon. Siya ang unang nakaalam ng aking lihim, at akala ko matatawa siya, ngunit tinago niya ito para sa akin.”
“Dario, teka, sigurado ka ba? Bakit ako?” Nalilitong tanong ni Tetay.
“Bakit ikaw? Hindi ko rin masagot. Ngunit alam ko na mayroon kang halaga kahit ano pa ang iyong nakaraan. At handa akong baguhin iyon. Alam kong ayaw mo na muling umibig, ngunit bigyan mo ako ng pagkakataon,” hiling ni Dario.
Hinila ni Tetay ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ni Dario. Mukhang nasaktan ang kalooban ng binata sa ginawa niya.
“Senyor Hernandez, siguro lilipas din ang nararamdaman mo. Hindi maganda sa ating dalawa ang iyong naiisip. Nakatakda para sa iyo ang isang mabuting buhay, at ngayong malapit ka nang pumuntang Espanya, siguro nandoon ang iyong tadhana. Ayokong sirain ang buhay mo.”
“Kung masisira man ito, ay gusto kong kasama ka dito. Naniniwala akong magagawa kong harapin ang mga pagsubok dahil sa magkasama tayo. Hayaan mo ako na ibigin ka, Binibining Cristeta Cruz.”
Diretsong tinignan ni Tetay ang mga mata ng binata. Parang pinipiga ang kanyang puso. Gusto na niyang bumigay dito.
“Siguro hayaan mo akong makapadesisyon muna, Senyor Hernandez. Huwag mo muna akong madaliin. Sana’y maunawaan mo ako.”
Nagpasya nang umalis si Tetay. Tumayo ito nang walang sinasabi.
Maglalakad na sana siya papalayo nang marinig niya si Dario.
“Hihintayin kita kung hindi mo pa kayang umibig sa ngayon.”
Hindi na siya nilingon ng dalaga. Punong-puno ng alinlangan at kaguluhan ang kanyang diwa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top