40: Kapirasong Papel
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Kahit nababagabag ako sa mga nangyayari kina Ilyong at Juan, may isang bagay na nakapagbibigay ng ngiti sa akin.
Nang inalayan ko si Binibining Tetay ng bulaklak ng santan kagabi, hindi maikakaila ang ngiting namutawi sa kanyang mga labi. Pati na rin ang bahagyang pamumula ng kanyang mga pisngi. Mukhang nasiyahan ang dalaga sa aking munting regalo.
Unti-unti na akong nagpapahaging sa kanya ng aking lihim na pagkagusto. Sana ay makuha niya ang mensahe na nais kong iparating.
---
Unti-unting napapansin ni Tetay ang pagbabago sa kanyang sarili. Hindi niya mawari kung ano ito, ngunit parang mas nagiging masaya ang mga dumadaan na araw at mas sumisilay ang mga ngiti na nagbibigay-liwanag sa kanyang mukha.
At alam niya kung sino ang dahilan ng kanyang bagong nadarama. Ayaw man niya itong ipahalata, ngunit mas nagiging matingkad ang kanyang damdamin para sa taong ito.
“Ang pangalan ko ay Cristeta.”
“Ang... pa..nga...lan ko ay Cristeta.”
“Ako ay bente anyos.”
“Ako... ay... bente anyos.”
“Ayan, marunong-runong ka nang magbasa!” Puri ni Dario.
Hindi mapigilan ni Tetay ang kanyang malawak na ngiti. Kasama niya ngayon si Dario sa salas pagkatapos maghapunan. Tuwing Biyernes ng gabi ay tinuturuan siya ng binata na magbasa at magsulat.
“Marahan lang na pagbabasa, pagkatapos, ay gayahin mo ang mga linya ng letra sa aklat ng komposisyon,” paalala ni Dario.
“Senyor Hernandez, may bayad po ba ang pagututuro niyo sa akin? Limang Biyernes na po natin ito ginagawa,” pag-aalala ni Tetay.
“Hindi kita sisingilin, presyong kaibigan ito,” ngiti ni Dario. May kakaibang nadarama si Tetay nang magkasalubong sila ng mga mata, at agad niyang iniwas ang kanyang tingin dito.
“Naku, salamat ah. Alam mo naman na pangarap ko na matutong bumasa at sumulat. Sa susunod, Kastila naman ang ituro mo sa akin!” sabik na hiling ng dalaga.
“Hinay-hinay muna, kapag marunong ka nang bumasa ng sariling wika, ay Kastila naman ang ituturo ko sa iyo,” tugon ni Dario. “Sige, simulan mo na ang pagsusulat, at ako ay mauuna na. Kailangan kong makatulog nang maaga ngayong gabi.” Ibinigay ni Dario ang aklat ng komposisyon kay Tetay at tumayo na ito.
“Tatapusin ko ang inyong pinapagawa sa akin, Senyor Hernandez,” ngiti ni Tetay sa kanya.
“Paalam.”
Pinanood ni Tetay ang pag-alis ni Dario. Hindi na niya mapigilan ang ngumiti habang pinagmamasdan ang likod ng binatang naglalakad papalayo sa kanya.
Ngunit nang maalala niya ang kanyang nakaraan ay napuno siya ng pag-aalinlangan at pagdududa.
Ito ulit, nararamdaman ko na naman ang mabilis na tibok ng aking puso tuwing kasama kita. Ngunit ayokong umasa na susuklian mo ang aking pag-ibig.
Minsan nang nag-asawa si Tetay, ngunit nauwi ito sa kabiguan. At ayaw na niyang muling maramdaman ang ganoong klaseng pasakit.
Bahala na, kibit-balikat niya.
Mas pinili na lang niya na matutong magsulat at simulan ang kanyang takdang-aralin sa aklat ng komposisyon. Itutuon na lang niya sa isipan na tuparin ang pangarap para sa kanyang sarili.
Nagbunga ang lahat ng pagsisikap ni Tetay, at sa loob ng isang buwan ay marunong na siyang bumasa at sumulat.
“Dios te salve, Maria, Llena eres de gracia, El senor es contigo... Senyora Simang, nababasa ko na po ang nakasulat sa inyong aklat dasalan!” Masaya niyang tinignan ang matanda na nakaupo sa harapan niya ngayon sa salas. “Wikang Kastila po ito, pero nababasa ko paunti-unti ang nakasulat! Ave Maria po ito, hindi po ba?”
“Tama ka hija, Ave Maria nga iyan. Ako’y nagagalak at unti-unti ka nang natututo. Pero sa susunod, ayusin din natin ang iyong pagluluto!” biro ni Senyora Simang sa kanya.
“Opo Senyora, mas pagbubutihin ko na po ang pagluluto,” tawa ni Tetay. “Gagalingan ko na po ang paggawa ng Adobo!”
“Mainam sa iyo, Senorita Tetay!” Napadaan sila Juan at Dario sa tabi nila.
“Oo na, para di na mapadami ang asin na aking nilalagay sa ulam!” Dito na natawa ang lahat sa sinabi ng dalaga.
“Senyor Hernandez, Kastila naman ang ituro mo sa akin,” hiling ni Tetay nang nagtama ang tingin nila ng ginoo.
“Makaaasa ka, Binibini,” ngumiti ni Dario sa kanya.
Nasabik si Tetay sa naiisip. Sa susunod ay matututo na siyang magsalita ng wikang Kastila.
At ibig sabihin din nito ay makakasama niyang muli si Dario.
---
“Yo soy Cristeta Cruz, bente anyos,” nakangiti niyang sinabi kay Dario.
“Mabuti, ano naman sa wikang Kastila ang magandang gabi?”
“Buenas noches,” nakangiting sagot ni Tetay.
“Ano naman ang magandang umaga?”
“Kayo po, Ginoo! Kayo ang nakakapagpaganda sa aking umaga!” Hindi maikakaila ang malawak na ngiti ni Tetay.
“Ito talaga,” tumalikod kunwari si Dario na para bang naiinis, ngunit pabiro lamang ito. “Huwag kang makipagharutan sa akin, Binibini!”
“Pasensiya na, nagbibiro lamang! Buenas dias ang ‘magandang umaga!’” Tumatawa pa rin si Tetay.
“O siya, tapusin na natin ang leksyon. Magpahinga ka muna, sa susunod muli na Biyernes,” wika ni Dario.
“Pag-aaralan ko pa rin ito kapag wala akong ginagawa,” masayang sagot ni Tetay.
“Mabuti naman.” Tumayo na si Dario at nagdagdag, “Paano, ako ay aalis muna pauwi sa amin. Magpakabait ka, Binibini.”
“Si, senyor!”
Nang makaalis si Dario, kinuha na ni Tetay ang mga aklat at papel para dalhin niya ito sa kanyang silid. Kapag wala siyang gagawin ay magbabasa siya at pag-aaralan ang susunod na leksyon.
Naglakad siya sa may kusina at pababa sa may silong ng dormitorio. Nang makapasok siya sa kwarto ay may maliit na papel na nahulog mula sa mga aklat.
“Ano kaya ito?” Nilapag muna ni Tetay ang mga aklat sa kanyang lamesita at pinulot niya pagkatapos ang nahulog na papel. Binuksan niya ito at nakilala niya ang sulat ni Dario.
Siempre eres tú
“Huh, ano kaya ibig sabihin nito?” Pagtataka niya. “Hindi kaya ito ang susunod kong pag-aaralan?”
Inisip niya kung itatanong ba niya kay Dario ang ibig sabihin ng kataga sa munting papel. Ngunit nahihiya siyang gawin ito.
Siguro, kapag nakita na lang niya sila Juan o Ilyong ay sa kanila na lang ito magtatanong.
Buti na lang at nang makita ni Tetay sila Juan at Ilyong kinabukasan, ay agad niya itong nilapitan.
“Senyor Juan, andiyan ka pala! Maari bang magtanong?”
Agad na tumakbo si Tetay papalapit sa binata nang makita niya ito sa may salas.
“Aba, oo naman, ano ang maitutulong ko sa iyo, Binibini?” Magalang na tanong ni Juan.
Pinakita ni Tetay ang munting papel kay Juan at binasa niya ito. Halata ang pagpigil niya ng ngiti nang tinignan niya ang dalaga.
“Maari ko bang matanong kung kanino galing ito?”
“Ah, eh, nakita kong nakaipit sa mga aklat ng wikang Kastila ni Dario. Di ko alam kung bakit may ganyan, di naman ata ito parte ng aming aralin,” sagot ni Tetay.
“Ilyong! Halika dito, amigo!” Kumaway si Juan nang makitang pumasok si Ilyong sa may salas.
Lumapit si Ilyong at nagtanong, “Ano ang aking maipaglilingkod?”
Pinakita lang ni Juan ang papel kay Ilyong, at isang pilyong ngiti ang sumilip sa kanyang mukha.
“Aba, para ba sa iyo ito, Binibini?” tanong ni Ilyong kay Tetay.
Hindi makasagot ang dalaga at inilayo niya ang tingin sa dalawa.
“Sulat-kamay ito ni Dario, oh, at alam ko ang ibig sabihin ng mga katagang ito!” Malawak na ang ngiti ni Ilyong.
“Teka, ano ba itong sinulat niya? Ni hindi ko nga alam kung para sa akin ba iyan!” Sumimangot tuloy si Tetay.
“Hindi namin sasabihin!”
Parehong wika nila Juan at Ilyong sabay tawanan.
Binalik ni Ilyong ang munting papel kay Tetay at naglakad sila papalayo.
“Hoy, mga ginoo, bumalik nga kayo! Ano ba kasing ibig sabihin ng siempre eres tú? Ipaliwanag niyo naman sa akin!” Pagmamaktol ni Tetay.
“Ikaw ang bahala alamin kung ano ibig sabihin niyan!” Sagot ni Juan sa malayo.
Pumamewang si Tetay. “Itong mga lalaking ito, ayaw pa sabihin!” Ismid niya.
Gusto niyang malaman kung para ba sa kanya ang mga katagang iyon. O baka naman parte lang ng susunod nilang leksyon sa wikang Kastila?
A/N: Gumalaw na ang baso!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top