38: Pag-alis at mga Pagbabago
TW: implied s*icide
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Nagising na lang ako ngayong araw at nalaman na umalis na sa dormitorio si Binibining Tami.
Walang nakaaalam kung saan siya nagtungo. Hinanap na siya ni Senyora Simang at ng iba naming mga kasamahan. Nagtanong na rin kami sa aming mga kapitbahay, ngunit kahit sila ay hindi nila nakita kung saan nagpunta ang nasabing binibini.
Naglaho na lang ito na parang bula.
At hindi lang iyan, may natagpuang bangkay na palutang-lutang sa may Ilog Pasig. Kinilala ito na si Julian, ang nakatatandang kapatid ni Manuel. May usap-usapan din na kagabi ay may nakarinig daw kay Julian na tumatawa at sumisigaw sa may pampang ng ilog.
Konektado kaya ang pag-alis ni Binibining Tami sa pagkamatay ni Julian?
Ngunit ayokong isipin ito. Mukhang nagkataon lang ang lahat. Mukhang hindi na kinaya ni Binibining Tami ang mga trahedyang naganap, kaya umalis na lamang ito sa dormitorio na walang paalam.
At isa pa, nasiraan na rin ng bait si Julian, kaya hindi malayo na kinitil na niya ang sariling buhay para malimutan ang pagpanaw ng kanyang kapatid na si Manuel.
Patuloy lang ang pamumuhay sa dormitorio kahit umalis na si Binibining Tami. Bigla akong nangulila sa kanyang masayahing presensya. Ganito rin ang nararamdaman ng aking mga kasamahan. Ngunit wala na kaming magagawa kundi tanggapin ang katotohanan.
Kung nasaan man siya ngayon, sana ay maalala pa rin kami ng binibini.
---
“Magandang umaga po, Senyora Simang. Nakita niyo po ba si Tami?”
Ito ang unang bungad ni Tetay nang maabutan niya ang matanda sa kusina, na kasalukuyang nagkakape kinaumagahan.
“Kanina ko pa siya hindi nakikita,” matamlay na wika ni Aling Simang. “Mukhang tuluyan na siyang umalis dito sa atin.”
“Totoo po?” Naupo si Tetay sa tabi niya. Labis niyang ikinagulat ang balitang ito. Ano naman pwedeng maging dahilan ng paglisan nito, gayon maayos naman siyang nanunuluyan dito sa dormitoryo?
“Kagabi lang eh, natutulog siya sa aking higaan, habang doon ako natulog sa kwarto ng namayapa kong asawa. Maaga akong nagising, at nang pinuntahan ko siya sa kwarto para siya’y tignan, wala na siya. Tinignan ko rin ang kanyang mga kagamitan sa kwarto niyo, aba’y wala rin,” paglalahad ni Aling Simang.
Bakas ang kalungkutan sa mukha ng matanda. Naramdaman din ito ni Tetay. “Siguro bumalik na nga siya sa lugar nila,” sabi ng dalaga.
“Sadya nga. Baka hindi dito sa Pilipinas ang kanyang kapalaran,”
panghihinayang ni Aling Simang.
“Aling Simang! Ano po itong narinig ko na umalis na si Binibining Tami?”
Pumasok ng kusina si Dario at narinig niya ang huling sinabi ng matanda.
“Wala na dito si Senorita Tami,” ika ni Aling Simang.
“Hala, bakit biglaan yata ang kanyang pag-alis?” Kumunot ang noo ni Dario.
“Sabi niya, babalik din siya ng Hong Kong basta kaya na niya. Sa lagay ngayon, mukhang ganoon na nga ang nangyari. Siguro di na rin siya makapag-isip nang maayos dahil sa pagpanaw nila Manuel at Senorita Almira pati ng kanyang buong pamilya De Izquierdo. Nabigla ang kawawang dalaga,” umiling si Aling Simang.
Naglakad si Dario sa may gasera at kumuha ng tasa. Kinuha niya ang takure at nagsalin ng mainit na kape. “Baka di pa rin niya maalis sa isipan ang trahedyang sumapit sa mga pamilya ng De Izquierdo at Carreon.”
“Oo nga, pero sana nagpaalam man lang siya sa atin kung gusto niya umalis. Ihahatid pa naman natin siya sa may pier papuntang Hong Kong,” panghihinayang ni Tetay.
“Sana maalala niyang sumulat dito sa atin,” matamlay na nasabi ni Dario. Naupo na rin ito kasama ang dalawa at nagsimulang mag-agahan.
Nagpatuloy lang ang pang araw-araw na pamumuhay sa Dormitorio de los Hijos, na pinapatakbo ni Aling Simang. Hindi na muling nabanggit pa si Tami.
Hindi man nalaman kung sinong pumatay sa pamilya ng mga De Izquierdo at Carreon, patuloy pa rin ang haka-haka kung sino ang gumawa nito.
“Siguro may kaaway si Sebastian kay Senorita Almira.”
“Sabi, may lihim na kasintahan si Senorita Almira.”
“Di na ko magtataka kung ganoon nga. Baka nagalit kasi hindi siya ang pinili ni Senorita.”
“May awa ang Diyos, at darating din ito,” wika ni Tetay sa kumpulan ng mga estudyante na nag-uusap sa may bintana. Naabutan na naman kasi niya ang mga ito na parehong paksa ang pinag-uusapan isang buwan na mahigit ang lumipas.
“Siyang tunay po, Binibining Tetay,” sagot ng isang lalaki sa kanya.
Ganito ang usapan ng buong kabahayan ni Aling Simang hanggang sa tumigil na rin ang mga kuro-kuro tungkol dito.
Dumaan pa ang mga araw, at may bago na namang pinapag-usapan ang buong dormitorio.
“Juan, nakita mo ba si Ilyong?”
Ito ang tanong ni Dario sa kaibigang si Juan nang sila ay sabay ay naghahapunan.
“Oo, kanina lang, sa unibersidad. Mukhang mas lalo siyang naging mapag-isa nang mga nakaraang araw,” nagtataka na wika ni Juan sabay subo ng karne ng adobo.
“Balita ko, sumali raw siya sa isang lihim na samahan,” singit ng isa nilang kasama na si Tan.
“Anong lihim na samahan?” Sabay na nagtanong sila Dario at Juan.
“Mayroon daw kumakalat na balita na may bumuo ng lihim sa samahan laban sa mga Espanyol dito sa Pilipinas. Siguro iyon ang ginagawa ni Ilyong natin kaya labis siyang naging mailap,” bulong ni Tan sa dalawa.
“Di na kayo nasanay kay Ilyong, sadyang tahimik siya!” biro ni Dario habang nagpipigil ng tawa.
“Pero mas lalo siyang naging tahimik ngayon. Di na siya sumasabay sa akin tuwing tanghalian at kapag mag-aaral sa silid-aklatan,” pag-aalala ni Juan.
“Alam natin na may trabaho siya, kaya hinga lang ng malalim, mukhang apektado tayo sa haka-haka ng lihim na samahan na iyan,” paalala ni Dario.
“Ito pa ang isang mangkok ng mainit na sinaing!” Magiliw na wika ni Tetay nang siya ay lumapit at inilapag ang bagong saing sa gitna ng lamesa. Agad sumunggab ang kausap na lalaki nila Dario pati na rin ang isa pang binatilyo.
“Teka Tetay, nakita mo ba si Ilyong?” tanong ni Juan.
“Aba, bakit, hanapan ba ako ng nawawalang tao?” ismid ni Tetay.
“Di ba, alam naman natin na ano---“ Ngumisi si Juan sa kanya.
“Hindi! At matagal na akong walang pakiramdam sa kanya! Hmp!”
Tinaas ni Tetay ang kayang ulo at mayabang na umalis. Natawa naman sila Juan at Dario.
Nang natapos na ang lahat ng estudyante at nagsibalikan na sa kani-kanilang mga kwarto, niligpit ni Tetay ang mga pinagkainan at naghugas. Bumaba siya sa may silong pagkatapos dahil andoon ang kanyang kwarto.
Ngunit nang siya ay akmang papasok na sa loob ay may naaninag siyang anino na dumaan malapit sa punong narra sa may kanan.
“Huh? Ano iyon?” tanong niya sa sarili.
Huminga siya nang malalim at sinundan ang daan papunta sa harap ng dormitoryo. Nang makita niyang walang tao, napa-kibit balikat na lamang ito.
“Kung multo ka, hindi ako natatakot sa iyo! Harapin mo ako!” Malakas niyang sinabi.
Sa may tabi ay may narinig siyang umubo. Tinignan ni Tetay kung saan nanggaling iyon. Kaharap niya ngayon si Emilio, na nakaupo sa likod ng mga halaman ng santan.
“Ilyong! Bakit ka nagtatago diyan?” Nagitla si Tetay.
“Huwag mo sabihin kay Aling Simang,” mariin niyang paalala.
“Alin? Sandali, sa bahay aliwan ka ba nagtutungo?" Natawa si Tetay sa naiisip.
“Bahay aliwan ka diyan, malisyosong binibini. Basta, tahimik ka lang," diin ni Ilyong.
Tahimik na tumayo si Emilio at umalis.
“Mukhang may lihim na tinatago ang isang ito ah,” komento ni Tetay. "Baka nga sa bahay aliwan siya dumadalaw para maghanap ng kaunting kaligayahan. Kapag nalaman ko ang totoo, isusumbong ko si Ilyong kay Senyora Simang!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top