37: Sunod-sunod na trahedya
TW: Tragedy
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Dalawang linggo na ang dumaan mula nang huli akong nakapagsulat dito. Ang puso ko ay puno pa rin ng pagdadalamhati sa pagpanaw ng aking kaibigan na si Manuel. Totoo nga na mas masakit ang pighati pagkatapos ng libing.
May mga dumalaw sa burol ng aming kaibigan, pati na rin ang grupo nila Arron Sarrael. Noong una ay akala namin ay manggugulo sila ngunit bukal sa loob na humingi ng tawad si Sarrael at ang kanyang grupo. Sa katunayan nga, naikwento ni Arron Sarrael na si Manuel pa ang unang nakipagbati sa kanya at tinulungan pa niya ito sa kanyang leksyon. Nangyari ang tagpo isang linggo bago pumanaw si Manuel.
Ngunit mas nagulat kami noong huling gabi ni Manuel. Dumaan ang kanyang Manong Julian na mukhang nasisiraan na ng bait. Tumangis ito sa harapan ng bangkay ni Manuel at naikwento niya na pinalaya ito sa kulungan sa tulong ng kanyang dating nobya, si Señorita Almira de Izquierdo.
Nang umalis si Julian, napag-usapan namin na wala na sa katinuan ang nasabing ginoo. Tunay na nakasisindak ang panlilisik ng kanyang mga mata at ang malakas niyang pagsigaw tuwing siya ay kinakausap.
Sa araw ng libing ni Manuel ay sinamahan siya ng lahat ng kalalakihan sa aming dormitorio. Dinaan muna siya sa malapit na simbahan para mabasbasan at dumiretso kami sa isang sementeryo pagkatapos. Nauna ang karwahe kung saan nakapatong ang ataul na pinaglalagyan ni Manuel, habang lahat ng nakikiramay ay naglalakad sa likuran. Malapit sa Intramuros ang sementeryo na pinaglibingan sa aming kaibigan.
Gaya ng pinangako, si Padre Valdez mula sa aming unibersidad ang nagbasbas kay Manuel. Lahat kami ay pumila para sulyapan siya sa huling pagkakataon. Tuloy ang daloy ng mga luha mula kay Binibining Tami at hinawakan pa niya ang kamay ni Manuel para mamaalam. Inakay siya papalayo nila Tetay at Senyora Simang.
Tahimik kong sinulyapan ang aking kaibigan at pinalis ko ang aking mga luha.
Magpahinga ka na, Amigo. Sana ay makahanap ka ng kaluwalhatian sa piling ng ating Panginoon.
Ito ang dasal ko para kay Manuel De Leon, ang aking kaibigan. Hindi ko siya malilimutan at patuloy kong ipagdadasal ang kanyang kaluluwa hangga't ako ay nabubuhay.
Sumunod sa akin sila Emilio, Juan, Tan, at Mauricio. Nang matapos na ang lahat ng sumusulyap sa bangkay ni Manuel, isinarado na ang kanyang pinaghihimlayan at unti-unti na itong ibinaba sa lupa.
Nagpasiya akong manatili pagkatapos kasama sila Senyora Simang para asikasuhin ang palatandaan na ilalagay sa ibabaw ng pinaglibingan ni Manuel.
Inuwi na nila Emilio at Tetay si Binibining Tami para may kasama siya at tulungan siyang mahimasmasan. Samantala, naisipang magpagpag nila Juan, Tan, Mauricio, at ng iba naming kasamahan sa madaraanan nila na karinderia.
Nang tuluyan nang mailibing si Manuel, umalis na kami ni Senyora Simang at nagpagpag sa isang panciteria bago umuwi.
"Nalulungkot pa rin po ako," kwento ko sa matanda habang kami ay kumakain.
"Tanggapin na natin na maagang nalagutan ng buhay si Manuel at di natin ito ginusto," wika ni Senyora Simang sabay simsim ng baso ng tubig. "Sadyang mahirap malaman ang ating magiging kapalaran at madalas natin di maintindihan ang takbo ng buhay. Ngunit naniniwala ako na may kabutihan pa rin na uusbong. Sa kabila ng trahedyang ating naranasan ay may biyayang darating. Dapat tayong maging matatag at manalig."
Tumango ako. "May punto po kayo, Senyora."
"Kumain ka na lang diyan, huwag natin bigyan ng alalahanin si Manuel. Baka biglang dumalaw iyon!" Napangisi si Senyora Simang sa naiisip.
"Palaging ubos ang kanyang pagkain sa pinggan tuwing hapunan," ngiti ko.
Gumaan ang aking kalooban sa pakikipag-usap ko kay Senyora Simang.
Ilang araw ang lumipas at nagkaroon kami ng kumpulan sa sala. Doon ay sinariwa namin ang mga alala ni Manuel noong siya ay nabubuhay pa. Umawit pa nga si Emilio habang tumutugtog ng gitara at lahat kami ay humanga sa kanyang natatagong talento.
Habang ako ay nagsusulat dito ay hinahayaan ko lang umagos ang aking mga luha.
Paalam, Manuel, aming kaibigan. Hanggang sa muli.
Dario
---
(Narrative)
"Nakatulala ka diyan sa may bintana, Señorito Dario."
Ito ang bungad ni Tetay nang makita niya si Dario na nakadungaw sa may bintana. Nilingon ito ng binata at ngumiti. "Ikaw pala, maupo ka," alok ni Dario sabay lahad ng kamay sa kahoy na upuan sa harapan niya.
Iyon nga ang ginawa ni Tetay. "Gusto mo ba ng suman na merienda? Bibili ako mamaya," alok nito.
"Pwede, mukhang masarap ito. Saluhan mo ako ah," wagas na ngiti ni Dario.
"Maghintay ka lang." Tumayo agad si Tetay at nagpunta sa likuran ng dormitorio. Maya-maya ay bumalik din siya na may dalang dalawang platito ng suman na may nakapatong na tig-isang tinidor. Maingat niya itong inilapag sa lamesita na nasa gitna nila ni Dario. Bumalik ito sa kusina at nang makabalik ito, may dala itong dalawang tasa ng mainit na kape.
"Pinaghanda mo pa ako," ngiti ni Dario. Lihim siyang nakakaramdam ng pagkasabik na makasama si Tetay ngayong merienda.
"Kumain na tayo," nakangiting alok ni Tetay.
Tahimik ang kanilang naging merienda. Lihim na napapasulyap si Dario kay Tetay, na nakaupo sa kanyang harapan. Nakapuyod ang kanyang maitim na buhok at kuminis ang kanyang kutis. Sa suot niyang puting blusa na may berdeng panuelo at itim na saya, simple ang kanyang itsura. Ngunit unti-unti siyang gumaganda sa paningin ni Dario.
"Marumi ba ang aking mukha?" Biglang tinanong ni Tetay nang magsalubong sila ng paningin ni Dario.
"Hindi ah," agad na tumanggi si Dario. "Tunay na masarap ang suman na ito at natutuwa akong makita kang nabubusog," palusot pa niya.
"Ito talaga, kulang na lang ay matunaw ako sa iyong mga matang nakapako sa akin," ngisi ni Tetay kay Dario. "Kung nagagandahan ka sa akin, sabihin mo lang!"
"Ah, kasi..." Utal na tugon ni Dario.
"Ah, di pala ako maganda sa iyong mga mata?" Tumaas ang isang kilay ni Tetay.
"Maganda ka, maniwala ka sa akin!" Diin ni Dario. Namumula na naman siya at gusto niyang matunaw sa mga sandaling ito.
"Akala ko ay di mo gusto ang aking itsura," ismid ni Tetay. "Maiba naman ng usapan, ngayon pala ang kasal ni Señorita Almira kay Sebastian Carreon."
"Wala na akong pakialam kung ikasal sila," agad na nainis si Dario at muli niyang naalala ang yumaong si Manuel.
"Dumalo doon sila Senyora Simang dahil kaibigan siya ng pamilyang iyon," kwento ni Tetay. "Pero may naikwento sa akin si Binibining Tami. May masama siyang panaginip noong isang gabi at may masama raw na mangyayari sa kasal nila. Bigla ko tuloy naisip iyon at kinabahan."
Natigilan si Dario at ibinaba niya sa lamesita ang kanyang tasa ng kape. "Ngayon siya naman ang may pangitain. Teka, nandiyan ba si Binibining Tami?"
"Wala eh, kahit si Emilio, nakita ko lang dito kanina tapos nang makabalik ako ngayon, wala na rin siya. Hindi kaya dumalo sila sa kasal para mapigilan ang kung ano man mangyayari na masama?" Tanong ni Tetay.
"Sana ay haka-haka lang ito ni Binibining Tami. Labis siyang nasaktan at nagdadalamhati sa pagkamatay ni Manuel," sagot ni Dario. "Teka, bakit may maitim na usok sa malayo?"
Sumilip si Tetay sa labas. "Oo nga, ano kayang nasusunog doon? Parang bahay."
Nakadungaw pareho sila Dario at Tetay sa malaking bintana habang sabay na inuusisa ang itim na usok na pumupuno sa kalangitan. Nang binaba nila ang kanilang mga paningin, nakita nila ang calesa na tumigil sa may dormitorio. Kita nilang bumaba si Senyora Simang at sumunod si Emilio na buhat si Binibining Tami.
"Magkasama nga sila," wika ni Dario.
"Mukhang may masamang nangyari," pag-aalala ni Tetay. "Bakit buhat ni Señorito Emilio si Tami?"
Agad na tumayo si Dario at binuksan ang pintuan. Umakyat si Senyora Simang na bakas ang pamumutla ng mukha at nakasunod dito si Emilio na buhat si Tami sa kanyang mga braso.
"Anong nangyari?" Pagtataka ni Dario. Inalalayan niya si Emilio at tinulungan ito na ihiga ang walang malay na si Tami sa mahabang silya.
"Isang trahedya. Sumabog ang bahay ng Pamilya Carreon at lahat ng dumalo sa piging ng bagong kasal ay nasawi," napa-krus si Senyora Simang.
"Diyos ko," napanganga si Tetay sa narinig habang hinihimas ang noo ni Tami.
"Papasok na sana ako sa tahanan ng mga Carreon para sa piging nang makita ako nila Emilio at Tami," kwento ni Senyora Simang. "Pinipigilan nila akong pumasok sa loob at di ko maintindihan kung bakit sila parehong balisa. Hanggang sa may sumabog sa loob at natuklap pa nga ang bubungan! Hay nako, buti agad kaming nakaalis sa eksena!"
"Nagkatotoo ang masamang pangitain ni Tami," kinilabutan si Tetay sabay yakap sa kanyang sarili.
"Dario, Emilio, pakidala si Tami sa aking kwarto," utos ni Senyora Simang. "Mas komportable ang aking higaan."
Binuhat nila Emilio at Dario si Tami; si Emilio na nasa bandang balikat ng dalaga habang si Dario naman ay hawak ang kanyang mga binti na nababalutan ng mahabang saya na suot nito. Umalis na sila papunta sa silid ni Senyora Simang.
"Tetay, dalhan mo ako ng isang plangganang tubig na maligamgam at bimpo para sa iyong kaibigan," wika ni Senyora Simang.
"Masusunod po." Agad na nagpunta si Tetay sa kusina at nagsalin ng maligamgam na tubig mula sa tsarera na nakapatong sa banggerahan. Nakahanap din ito ng bimpo na nakatago sa isang tampipi malapit sa may hapag-kainan, at pumasok si Tetay sa kwarto ni Senyora Simang na dala ang mga bagay na iniutos nito.
Nilapag ni Tetay ang planggana at nilublob ang bimpo sa tubig. Inangat ni Tetay ang basang bimpo at piniga ito pagkatapos. Kinuha ni Senyora Simang ang basang bimpo at ipinatong sa noo ni Tami.
"Labis na nabagabag si Binibining Tami sa mga pangyayari," wika ni Tetay habang pinagmamasdan si Tami na natutulog. "Una, si Manuel, at ngayon, sila Señorita Almira at ang kanyang pamilya."
"Siya ang pinaka-apektado sa mga kaganapan. Kaya manatili ka sa kanyang tabi bilang kaibigan," bilin ni Senyora Simang. "Mabuti pa at ipagluto mo ng makakain si Tami. Baka nagugutom ito at nang makakain kapag nagising na," dagdag ng matanda.
Tumango na lang si Tetay at dumiretso sa kusina para ipagluto ng lugaw si Tami. Sa gitna ng kanyang pagluluto ay dumating si Dario.
"Tetay," tawag nito.
"Ano po iyon?" Lumingon si Tetay at sinalubong siya ng namumugtong mga mata ni Dario.
"Naikwento ni Emilio ang pagsabog ng bahay ng Pamilya Carreon." Humikbi si Dario sabay palis ng kanyang mga luha gamit ang likod ng kanyang kamay. "Ilang trahedya pa ba ang darating?"
Nakita ni Tetay na luto na ang lugaw at pinundi na niya ang baga ng lutuan nito. Agad niyang nilapitan si Dario at kusa na niya itong niyakap.
Humagulhol si Dario sa balikat ni Tetay at hinayaan ito ng dalaga.
"Matatapos din ang lahat, Dario." Hinimas niya ang likuran ng binata sabay halik sa gilid ng kanyang ulo.
"Dario, may katapusan ang trahedya. Darating ang araw na sisilay rin ang ngiti sa iyong mga labi. Manalig ka, darating din ang liwanag na tatapos sa madilim na gabi."
Nagulat si Tetay sa kanyang mga sinabi. Saan kaya nanggaling ang kanyang mga talinhaga?
Naramdaman niyang humalik si Dario sa kanyang sentido. At sa gitna ng kanyang mga luha ay binulungan niya ito.
"Salamat, ikaw ang pumapawi sa aking hinagpis at lumbay."
A/N: this is Kabanata 25-26 of The Señorita.
Ang tragic pala nitong kwentong naisulat ko at daming characters na may trauma. Especially Emilio and Tammmy. Pero pangako, after nitong tragic chapters, medyo sasaya na kasi uusad na sila Dario at Tetay hehe salamat sa pagbabasa. Much appreciated! ✨
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top