36: Adios Amigo

TW: character death

(Mula sa talaarawan ni Dario)


Ako ay labis na kinakabahan sa mga mangyayari sa susunod na araw. Papalapit na ang araw ng kasal ng unica hija ng pamilya De Izquierdo.


Balak kayang pigilan nila Manuel ang magaganap na kasalan? Sana ay walang mangyari na hindi kanais-nais.


Sa labis na pagkabagabag, nilulubayan ako ng antok.


Dario

---

(Narrative)


"Bakit andito ka ngayon sa labas?"


Ito ang bungad ni Tetay nang makita niya si Dario na nakatayo sa ilalim ng mga tala. Kagagaling lang ni Tetay sa palikuran ngayong gabi nang makita niya si Dario na namamalagi sa likuran ng dormitorio.


"Buenas noches, Señorita," bati ni Dario sa dalaga sabay lapit dito. "Ako ay nagpapahangin lamang at naghihintay na bumigat ang mga talukap ng aking mga mata."


"Hindi rin ako makatulog kagaya mo," tugon ni Tetay. "Halika, maupo muna tayo diyan sa malaking batuhan sa tabi," pag-aaya nito.


Tumango si Dario at sabay silang naglakad papunta sa nasabing batuhan. Pinaupo muna ni Dario si Tetay at saka naupo si Dario. Sakop ni Tetay ang malaking espasyo ng batuhan habang sa gilid naupo si Dario.


"Malinaw ang kalangitan at nakikita ko ang ilang mga tala," tumingala si Tetay at ngumiti. "Noong bata ako, minsan na akong pinatulog sa labas ng bahay dahil nasunog ko ang sinaing. Nilatigo ako ng tiyahin ko at sa may silong ako pinatulog kasama ng mga manok," kwento ng dalaga.


"At anong nangyari?" Tanong ni Dario.


"Lumabas muna ako mula sa ilalim ng silong at inaliw ko ang aking sarili. Pinagmasdan ko ang mga bituin sa langit hanggang sa dalawin ako ng antok. Bago matulog, humiling ako na sana, balang araw, gumanda ang takbo ng aking kapalaran."


Nilingon ni Tetay si Dario at mapait na ngumiti dito. "Mukhang nagkatotoo ang aking kahilingan. Nandito ako ngayon at maayos ang buhay ko kahit na ako ay kasambahay. At wala nang nananakit sa akin."


"Binibining Tetay, wala nang mananakit sa iyo simula ngayon," ngiti ni Dario sa dalaga.


"Salamat sa iyong kabutihan. Alam mo, swerte ng mapapangasawa mo," natawa si Tetay.


"Wala pa akong balak mag-asawa," wika ni Dario. Kung alam lang ni Tetay ang tinatago niyang damdamin. Ngunit di pa niya ito kayang aminin sa ngayon.


"Oo nga pala, medisina ang iyong inaaral," naalala ni Tetay. "Tila wala kang panahon para sa buhay pag-ibig."


Humikab si Dario at tumayo. "Mauna na ako," ngisi niya.


"Sige, muli tayong magkita bukas, buenas noches," pamamaalam ni Tetay.


"Buenas noches," ngiti ni Dario. Buti ay hindi nakikita ni Tetay ang pamumula ng mga pisngi ng binata.


Lumakad na si Tetay pabalik sa kanyang kwarto sa silong at iniwan na siya ni Dario. Akmang papaakyat na si Dario sa dormitorio nang marinig niya ang pagtawag ni Tetay kay Binibining Tami.


"Tami? Nasaan ka?" Sigaw nito.


Kumaripas si Dario pababa ng hagdan at dumiretso sa kwarto sa silong.


"Tetay, bakit mo hinahanap si Binibining Tami?" Tanong niya nang makita niya ang likod ni Tetay sa kwarto nila sa silong.


"Senyor, wala po si Binibining Tami dito sa kwarto," pag-aalala ni Tetay. May gasera na nakasindi sa may pintuan at totoo nga, bakante ang higaan ng dalawang dalaga. "Andiyan lang siya kanina kasama ko."


"Saan naman kaya ito pupunta ng ganitong oras?" Ramdam na ni Dario ang pagsikip ng kanyang dibdib dulot ng hindi maipaliwanag na kaba.


Pumasok si Tetay sa loob ng kwarto at kinuha ang gaserang may ilaw. Lumabas siya na hawak nito. "Senyor, di mo ba napansin sila Manuel at Emilio sa itaas?"


Kumunot ang noo ni Dario. "Hindi, huli ko silang nakita noong hapunan at pagkatapos ay bumalik ako sa aking kwarto para mag-aral. Mabuti pa ay umakyat tayo."


Sumunod si Tetay kay Dario at sabay silang umakyat papunta sa dormitorio. Pinauna ni Dario si Tetay dahil siya ang may hawak ng gasera at tinignan ang salas at ang silid kainan. Binagtas din nila ang hilera ng mga kwarto sa magkabilang dulo.


"Parang tulog na ang lahat," wika ni Tetay.


"Anong ginagawa niyo dito sa pasilyo?" Inaantok na tanong ni Tan o Estanislao, na kalalabas lang ng kanyang kwarto.


"Tan, nandiyan ba sila Emilio at Manuel?" Tanong ni Dario.


"Di ko alam, wala akong napansin," sinuklay ni Tan ang kanyang buhok gamit ang mga daliri. "Hindi ko namalayan dahil naligo ako pagkatapos ng ating hapunan at dumiretso na sa kwarto."


"Wala si Binibining Tami sa aking kwarto," kwento ni Tetay.


"Ano kamo?" Nanlaki bigla ang mga inaantok na mata ni Tan.


"Hindi man lang nagsabi na may pupuntahan siya. Baka lumayas ito kasama si Manuel," paghihinala ni Tetay.


"Ito talaga," natawa si Tan. "Tignan natin ang silid ni Emilio sa dulo."


Agad silang nagpunta sa sinasabing silid sa dulo ng pasilyo, kung saan ang tulugan ni Emilio. Si Tan ang kumatok nang tatlong beses at nang sinubukan niyang itulak ang pintuan, nagulat siya nang bumukas ito.


"Aba, nakalimutan yata ni Emilio na isarado ang pintuan," pagtataka ni Tan. "Metikoloso pa naman iyon pagdating sa kanyang espasyo personal."


Inaninag ni Tetay ang gasera sa loob. "Wala si Senyor Emilio!" Muntik na itong napasigaw.


"Ay, oo nga!" Pagsang-ayon nila Dario at Tan.


Nagkatinginan silang tatlo. "Saan naman sila pupunta sa ganitong dis-oras ng gabi?" Ika ni Dario.


Sasagot na sana si Tan nang may narinig silang sumisigaw mula sa labas.


"Tulong! Tulong!"


"Di ba si Emilio iyon?" Natunugan ni Tan ang boses kahit na malayo ito.


"Tulong! Buksan niyo ang pintuan!" Sigaw ng babaeng boses.


"Si Binibining Tami!" Ika ni Tetay sabay takbo. Sumunod na sa kanya sila Tan at Dario at sabay silang bumaba ng malaking hagdan sa may entrada ng dormitorio.


Si Tan ang nagbukas ng pintuan at bumungad sa kanila sila Tami at Emilio.


"Tami? Saan kayo galing, ako'y labis na nag-alala!" Sambit ni Tetay sa kaibigan.


"Mahabang kwento," hikbi ni Tami.


"Naiiyak ka yata," komento ni Dario. "At bakit wala si Manuel?"


"Wala na siya," seryosong tugon ni Emilio.


"Anong wala na siya?" Pagtataka ni Tan.


"Namatay na siya," sininok si Emilio at napakagat-labi para mapigilan ang kanyang nagbabadyang mga luha.


"Wala na si Manuel!" Napayakap si Tami kay Tetay.


"Sinubukan naming pigilan ang pagtatanan ng kapatid ni Manuel na si Julian at si Señorita Almira de Izquierdo," kwento ni Emilio kina Tan, Dario, at Tetay. "Nagpresenta si Binibining Tami na magpanggap na Almira dahil magkamukha sila para hulihin ang totoong Almira at si Julian. Ngunit nauwi ito sa trahedya nang muntik na kaming hulihin ng mga guardia civil at ng nobyo ni Almira na si Sebastian Carreon."


"Nabaril si Manuel dahil sinusubukan niyang ipagtanggol ang Kuya Julian niya, tapos namatay siya," hagulhol ni Tami sa balikat ni Tetay. "Inaresto na ng mga guardia civil si Julian. Patawarin mo kami at wala kaming nagawa!"


"Nasaan si Manuel?" Tanong ni Dario.


"Dinala namin sa funeraria para maasikaso na siya." Lumayo ng tingin si Emilio at kita ang panginginig ng kanyang mga balikat.


Lumapit si Tan kay Emilio at binalot ito sa isang mainit na yakap. Umiyak na rin si Tetay habang nakayakap sa tumatangis na si Tami, habang nakatulala lang si Dario.


Parang ayaw niya munang maniwala sa kanyang mga narinig. Sana ay isa lamang itong masamang panaginip.


Ngunit nang dumating na sila sa funeraria nang gabing din iyon, nakita ni Dario ang walang buhay na katawan ni Manuel.


"Amigo, bumangon ka na diyan. May pasok tayo bukas," pilit na tumawa si Dario. "Magagalit sa iyo ang propesor mo. Manuel, gumising ka na. Sabihin mo bangungot lang ito."


Pinagmasdan ni Dario ang lumuluhang sila Tami at Tetay. Si Emilio ay tuluyan na rin pinakawala ang kanyang mga luha at nakaupo ito sa isang bangko kasama si Tan na lumuluha na rin.


Binaling ni Dario ang kanyang paningin sa bangkay ni Manuel. Tinaklob niya sa ibabaw ng bangkay ang puting kumot at napaluhod ito.


Dito na tuluyang humagulhol si Dario at sa kanya ang pinakamalakas na pagtangis.



Manuel, bakit? Bakit ka umalis nang ganito kaaga? Bakit ka biglang namaalam?

---

Nabigla ang buong Dormitorio de Los Hijos sa pagpanaw ng isa nilang kasamahan at kaibigan. Bente anyos lang si Manuel de Leon at kinitil ang kanyang buhay dahil lang sinubukan niyang ipagtanggol ang kanilang nakatatandang kapatid na si Julian.


Ang dating masayang dormitorio ay napuno ng mga luha at hinagpis. Si Juan ang huling nakaalam ng balita at halos masiraan na siya ng bait sa kakaiyak. Buti ay inalalayan siya ni Tetay at binigyan ito ng maiinom na tubig para kumalma man lang ito.


Sa funeraria ay salitan sila sa pagbabantay sa bangkay ni Manuel. Karamihan sa kanila ay hindi nakapasok at nang malaman ito ng iba nilang mga propesor, may mga dumalaw na rin dito para makiramay at mag-abot ng abuloy. Isa na rito ay ang propesor ni Manuel at isang paring sekular na propesor din sa kanilang unibersidad.


"Kalunos-lunos ang sinapit ng aking pinakamamahal na estudyante," hikbi ni Propesor Santiago. "Mahusay na binata pa naman si Manuel."


"Siya ang may pinakamataas na marka sa aking klase noong isang taon," kwento ni Padre Valdez sabay punas ng mga luha. "Nakakapanghinayang at maaga siyang pumanaw."


"Salamat po sa pagdating niyo dito," wika ni Senyora Simang sa dalawa. "Wala nang pamilya ang batang iyan at kami na lang ang tinuturing niyang pamilya at pangalawang tahanan."


"Kami ay dadalo sa kanyang libing. Ako ang magbabasbas sa kanya," alok ni Padre Valdez.


"Maraming salamat po, Padre," tugon ni Dario, na kasama nila Senyora Simang, Emilio, at Juan.


Nag-usap pa sila at maya-maya ay umalis na rin sila Padre Valdez at Propesor Santiago.


Labas-pasok ang mga bumibisita kay Manuel at inaasikaso sila nila Tami at Tetay. Nang sumapit na ang gabi, naiwan sila Dario, Tetay, at Tami.


"Kasalanan ito nila Julian at ng Senorita na iyon," bulalas ni Dario. "Nawa'y maturuan sila ng leksyon at makaranas din ng kamalasan dahil sila ang dahilan kung bakit namatay si Manuel." Napakuyom ng kamao si Dario.


"Huwag kang humiling ng masama sa kapwa mo," paalala ni Tami.


"Patawarin nawa ako ng Panginoon," hikbi ni Dario. "Mas mabuti na Siya na ang bahala sa mga susunod na mangyayari."


Muling umiyak si Dario at pinasandal na lang siya ni Tetay sa kanyang balikat. Bawal na magkadikit ang isang binata at dalaga sa pampublikong lugar, ngunit sa mga oras na ito, ay silang tatlo lang ang naglalamay para kay Manuel.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top