34: Pakikipagbati
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Tatlong araw na kaming hindi nagkikibuan ni Emilio. Minsan ay nakasalubong ko siya dito sa dormitorio, nang ako ay uuwi muna sa amin. Umirap lang ako sa kanya ngunit di niya ako pinansin.
Mabuti ay di ko siya maaaninag ngayong darating na Sabado at Linggo.
Ngunit kapag tinatanong ako ng iba naming mga kasama tungkol sa alitan namin ni Ilyong, hindi ko sila sinasagot.
Nang makabalik ako sa dormitorio ngayong araw ng Linggo, hindi ko naabutan ang iba naming mga kasama. Nagkunwari akong masaya at tinanong pa si Senyora Simang kung may natira bang merienda. Buti ay inaya ako ng matanda kasama si Juan.
Tungkol kay Juan, nag-usap kami sa kanyang kwarto pagkatapos naming kumain.
Dito ko nalaman na kinausap ni Juan si Emilio para humingi ito ng tawad sa ginawa niya kay Binibining Tetay.
---
(Narrative)
"Oo Dario, ginawa ko iyon para matahimik na ang iyong diwa."
Humalukipkip si Juan habang nakasandal sa pader ng kanyang kwarto na gawa sa kahoy. Si Dario ay nakatayo sa may pintuan at tumaas ang mga kilay sa sinabi ng kaibigan.
"Anong pumasok sa isipan mo?" Pagtataka ni Dario.
"May punto ka, amigo. Mali nga ang ginawa ng ating kaibigan kay Tetay. Kaya hinarap ko si Emilio at sinabihan na humingi siya ng tawad sa binibini," paliwanag ni Juan. "Dapat niya itong magawa sa lalong madaling panahon. Oh ayan ah, calmate, Senyor Dario," natawa si Juan.
Napabuntong-hininga si Dario. "Sana ay makinig sa iyo si Emilio."
"At magkabati na tayong muli," inilahad ni Juan ang kanyang kamay at nakipagkamay si Dario sa kaibigan.
Umalis na ang dalawa ng kwarto. "Doon muna tayo sa may azotea?" Pag-aaya ni Juan kay Dario. "Magpapahangin lang muna tayo."
Tumango si Dario bilang sagot. Nang makalabas na sila Juan at Dario para mamalagi sa azotea, saktong nakita nila si Emilio na naglalakad sa ibaba. Parang may hinahanap ito dahil palinga-linga ang kanyang ulo. Nang may nakita siyang Gumamela, pinitas niya ito sabay lakad patungo sa likod-bahay.
"Saan kaya papunta iyon?" Tumayo si Juan at ganoon din si Dario. Mabilis silang bumaba ng hagdan at sinabihan ni Juan si Dario na huwag magpahalata sa pagtiktik nila kay Emilio.
Nang marating nila ang likod bahay, halos mahulog ang panga ni Dario nang makita si Emilio na kaharap si Tetay. Nakapagitna silang dalawa sa mga nakasampay na kumot.
"Dito tayo sa likod ng puno," paalala ni Juan kay Dario sabay hila sa manggas nito para di sila mahalata. Huminga nang malalim si Dario at ramdam niya na sasabog ang kanyang dibdib sa kanyang makikita.
Ibinigay ni Emilio ang pinitas niyang gumamela kay Tetay. Kumunot ang noo ng dalaga sabay tanong ng "Para saan iyan?"
Napakamot ng batok si Emilio. Hindi niya matignan nang diretso si Tetay.
"Binibining Tetay, nais kong humingi ng tawad tungkol sa aking naging asal sa iyo ilang gabi na ang nakararaan. Naging magaspang ang aking ugali at pananalita, dahil hindi ko gusto na hinahawakan mo ako at pinapansin nang madalas. Dapat pala ay masinsinan kitang kinausap imbes na ipahiya ka sa harapan ng mga kasama natin."
"Himala, nakinig si Ilyong sa akin," pigil na natawa si Juan. Kinagat ni Dario ang kanyang labi para pigilan ang sarili na ngumiti.
Tinalikuran ni Tetay si Emilio sabay halukipkip. "Di mo ako madadaan diyan, Señorito! Kinalimutan ko na ang aking nararamdaman para sa iyo!"
"Ako'y humihingi lang ng dispensa sa nangyari," giit ni Emilio.
"Wala na iyon sa akin, kaya kalimutan mo na iyon!" Pabalang na sumagot si Tetay. Paalis na sana ito ngunit marahan na kinuha ni Emilio ang braso ng dalaga sabay hatak dito. Walang magawa si Tetay kundi harapin ito.
"Alam kong mali ang aking inasal sa iyo. Labis kong kinaiinisan ang iyong pinapakitang paghanga at pagkahumaling sa akin. Patawarin mo ako at hindi ko naunang unawain ang iyong damdamin."
Halatang kinukumbinsi na ni Emilio na paniwalaan siya ni Tetay. Nanaig ang mabigat na katahimikan at napayuko si Tetay sabay hikbi.
"Alam mong may pagtingin ako sa iyo, at alam kong di mo ito kayang suklian," tugon ng lumuluhang si Tetay. "Tanggap ko na ito. Bigyan mo lang ako ng panahon para maghilom ang aking mga sugat."
Walang kibo na niyakap ni Emilio ang umiiyak na si Tetay.
"Dario, maghunos-dili ka at baka manuntok ka na naman," mariin na paalala ni Juan habang pinapanood ang nasabing eksena.
"Oo, ikaw kaya ang manahimik diyan," paalala ni Dario.
"Patawarin mo ako, Binibini," wagas sa pusong paumanhin ni Emilio.
"Emilio...Senyorito Emilio, pinapatawad na kita," inangat ni Tetay ang kanyang mga paningin at ngumiti kay Emilio sa gitna ng kanyang mga luha.
"Ang para sa iyo ay kusang darating," ngumiti si Emilio sa dalaga. "Inaasam ko na maging mabuti ang iyong magiging buhay."
"Pangako, hindi na kita guguluhin," wika ni Tetay. "Salamat pala sa gumamela ah. At may munti akong kahilingan."
"Ano ito, Binibining Tetay?" Tanong ni Emilio.
"Maari bang humalik?" Natatawang tinakpan ni Tetay ang kanyang bibig.
"Aba, sadyang pilya ka, Binibining Tetay. Kakasabi mo lang sa akin na tanggap mo na wala ka nang pag-asa!" Napatingala si Emilio sabay tawa.
"Nagbibiro lamang ako, Senyorito!" Natatawang sagot ni Tetay sabay lapit ng mukha kay Emilio. Pabirong tinulak ni Emilio si Tetay at naunang tumakbo ang dalaga.
"Magpakabait ka na, pilyang dalaga!" Natatawang paalala ni Emilio sabay habol kay Tetay. Nagtakbuhan ang dalawa na parang mga bata at nang marating nila ang puno kung saan nakatago sila Juan at Dario, kapwa sila natigilan.
"Dario? Juan?" Nagulantang si Emilio nang makita ang dalawa.
"Bakit kayo andito?" Gulat na tanong ni Tetay.
"Magandang araw," dumiretso ng tayo si Juan sabay kaway sa dalawa. Sa likuran ni Juan ay nagtago si Dario sabay silip sa kanyang balikat.
"Sandali, nakita niyo ang lahat ng nangyari sa amin?" Tanong ni Tetay.
"Hindi!" Sagot agad ni Dario.
Lumakad papalapit si Emilio at pumamewang. "Hindi ako naniniwala na wala kayong nakita o napakinggan. Dahil diyan, may parusa kayo mula sa akin."
Humakbang papalapit si Emilio at hinila si Dario sa likuran ni Juan. "Una sa lahat, humihingi rin ako ng dispensa sa naging bastos kong pag-uugali, amigo."
Inilahad ni Emilio ang kanyang kamay, hinihintay kung tatanggapin ba ni Dario ang kanyang paumanhin.
"Humihingi rin ako ng dispensa sa aking pag-uugali, gawa ng labis na sumama ang aking kalooban dahil sa ginawa mo kay Binibining Tetay," sagot ni Dario. Tahimik na nagkamayan ang dalawa sabay yakap at tapik sa balikat ng isa't-isa.
"Sa wakas, nagkabati rin ang dalawa," wika ni Juan.
"Anong nangyari?" Pagtataka ni Tetay.
"Si Senyorito Dario ay gumanti para sa iyo, sinuntok niya ako sa pasilyo ng aming unibersidad," kwento ni Emilio.
"Bakit niyo po ginawa iyon?" Pagtataka ni Tetay.
"Labis akong nainis sa ginawa ni Ilyong sa iyo kaya nga gumanti ako," natawa si Dario. "Pero wala na iyon. Malugod ang aking pakiramdam na maayos na rin ang lahat."
Kinagabihan ay masaya na ang naging hapunan nila Dario at Emilio. Magkatabi pa nga silang dalawa habang nagkukwentuhan. Nang matapos na ang hapunan ay namalagi si Dario sa may likod ng kanilang dormitorio para magpahangin.
"Andito ka pala," bati ni Tetay nang makitang nakaupo si Dario sa isang malaking bato.
"Oo, ay, maupo ka," alok ni Dario sabay tayo.
"Hindi na," pagtanggi ni Tetay. "Pero totoo nga, inaway mo si Senyorito Emilio para gantihan mo ako?"
"Oo," napangiti si Dario. Tumayo siya sa tabi ni Tetay ngunit may distansya pa rin sila. "Mabuti at natauhan" tawa nito.
"Di ko alam kung magpapasalamat ako," wika ni Tetay. "Nakakahiya at inaway mo pa ang iyong kaibigan nang dahil sa akin."
"Di dapat pinagpakitaan ng kabastusan na asal ang isang dalaga," pagdadahilan ni Dario.
"Pangalawang beses mo na akong ipinagtanggol. Noong una, doon sa gustong bumili sa akin. Malaki na ang aking utang na loob sa iyo. Gracias, Senyorito Dario."
Nilingon ni Dario si Tetay at isang matamis na ngiti ang sumalubong sa binata. At ngumiti rin pabalik si Dario.
"Para kang kawal na handa akong ipaglaban. Ngayon lang ako nakaranas ng ganitong pagtrato mula sa isang lalaki," komento ni Tetay. Mas lumawak pa nga ang kanyang ngiti.
"Wala iyon," palusot ni Dario. Mas malakas na ang kaba ng kanyang dibdib dahil kalapit niya si Tetay at ngumiti pa ang dalaga sa kanya.
"Salamat, Senyorito Dario."
"Dario na lang."
"Da... Dario."
Humarap si Tetay dito at kinuha ang kamay ng binata. Nagulat na lang si Dario nang yumakap sa kanya ang dalaga.
"Salamat ulit." Bulong ni Tetay kay Dario. Umalis agad ang dalaga sa pagkakayakap niya at umakyat na ito patungo sa dormitorio.
Nanatiling nakapako si Dario sa kanyang kinatatayuan. At hindi mabura ang ngiti sa kanyang mga labi, pati na rin ang pag-asa na muling umusbong sa kanyang puso.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top