33: Alitan
Mature rating for strong language
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Malinaw sa aking isipan na mali ang aking ginawa kay Emilio. Ngunit hindi ko na mapigilan ang sarili dahil sa pagkakataong ito, napaiyak niya ang isang babae.
Kasambahay si Binibining Tetay at labis ang pagkahumaling kay Ilyong. Halata ang pagkainis ng aming kasama sa dalaga, ngunit hindi ito dahilan para sumagot sa binibini sa pabalang na paraan.
Buong araw kong iniiwasan si Ilyong. Sa panciteria ako naghapunan nang nag-iisa dahil ayokong makita ang pagmumukha niya. Pagkatapos ay naglakad ako para magpahangin at manatiling nakatayo sa may Ilog Pasig.
Gumaan ang kalooban ko maski papaano, ngunit nanatili pa rin akong galit kay Emilio.
---
(Narrative)
"Dario, andito ka pala!"
Inangat ni Dario ang kanyang ulo nang marinig ang tinig ng tumatawag sa kanya. Patakbong lumapit si Juan sa kanyang lamesa sa libreria.
"Juan, paano mo ako natagpuan dito?" Isinarado ni Dario ang aklat na kanyang binabasa. Ang totoo niyan, wala siya sa wisyo na binabasa ito. At di naman siya interesadong malaman ang tungkol sa iba't-ibang mga halaman at bulaklak na nakapaloob sa nasabing aklat.
"Naisip ko lang na dumaan dito sa libreria. Mabuti naman at nakita kita ngayon," ika ni Juan.
"Di ko pa nais na umuwi sa atin," sagot ni Dario. "Maari mo na akong iwan, gusto ko munang mag-isa."
"Di ako naniniwala sa iyong tugon," ismid ni Juan. "Bakas pa rin ang matinding pagkabagabag sa iyong mga mata."
May hinilang silya si Juan at tumabi kay Dario. "Alam mo ba, kayong dalawa ni Ilyong ang paksa ng mga usapan sa dormitorio magmula kahapon. May nakakita raw sa iyo na sinuntok mo si Ilyong sa may pasilyo dito sa unibersidad. Kaya pala parang nadagdagan ang mga pasa ni Ilyong sa mukha," kwento ni Juan. "At kaya pala hindi kita nakikita sa dormitorio magmula kahapon."
"Hayaan mo na lang sila na pag-usapan ako nang pag-usapan," naiinis na sagot ni Dario. Ang totoo niyan, alam niyang wala siyang dahilan para ipaliwanag ang kanyang panig. Alam niyang tama lang ang ginawa niya kay Ilyong.
"Kahit ang ating amigo na si Ilyong ay walang kibo gaya mo. Sinubukan ko siyang tanungin tungkol sa pangyayari, ngunit sumagot ito na gaya rin ng sa iyo. Ayaw niyang magkwento," dagdag pa ni Juan.
"Iwan mo na nga ako," nabubwisit na tugon ni Dario.
"Ngunit ayon sa nagkwento sa akin, nagpalitan kayo ng mga maanghang na pananalita at may halo pang murahan," ika ni Juan. "Kung ako sa iyo, makipag-ayos ka sa ating amigo. Lalo na ikaw ang unang nanuntok sa kanya."
"Hindi ko kailangang humingi ng dispensa kay Emilio. Siya ang unang naging lapastangan dahil naging bastos ang kanyang asal kay Binibining Tetay," pagdadahilan ni Dario.
Napakunot ang noo ni Juan. "Anong ibig mong sabihin?" Napaisip tuloy ang bintana, at nagliwanag ang kanyang mukha. "Ah, ang iyong tinutukoy ay ang tagpo sa hapag-kainan habang kumakain tayo ng pancit? Naalala ko, nainis si Ilyong dahil hinawakan siya ni Tetay sa mukha. Kahit ako ay naasiwa sa kanyang inasta, ngunit para suntukin mo si Ilyong dahil lang doon?" Giit ni Juan.
"Narinig kong umiiyak ang binibini sa baba ng ating dormitorio, at hindi ko ito matiis. Dapat na maturuan din ng leksyon si Emilio, sobra na yata ang pagiging suplado niya," malamig na tugon ni Dario.
"Para lang sa isang babae, nagkakaganyan ka na? Ipagpapalit mo ang pagiging magkaibigan niyo ni Emilio para lang sa isang babae na walang pakialaman sa iyo? Alam naman nating mababang uri ng babae si Tetay." Panunumbat ni Juan.
Dito na napuno si Dario. Padabog siyang tumayo at hinampas ang kanyang mga palad sa ibabaw ng lamesa. "Huwag mong alipustahin si Tetay!" Nanlilisik na tinignan ni Dario ang nagitlang si Juan, na ngayon ay napaurong sa kanyang kinauupuan. "Kahit mababa ang tingin mo sa kanya, hindi dapat ginawa ni Ilyong ang bagay na iyon!"
Naghuhurumentado na itinulak ni Dario ang kanyang upuan at padabog na naglakad papalabas ng libreria. Binilisan niya ang mga paa para hindi siya maabutan ni Juan, ngunit pagdating niya sa may pintuan ay hinarangan pa rin ni Juan ang nag-aalimpuyo na si Dario.
"Batid ko na ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Di hamak na mas gusto ni Tetay si Emilio kaysa sa iyo, at ikaw ay mayroon pagtingin sa binibini," ngisi ni Juan kay Dario.
"Wala akong gusto kay Tetay," pagtanggi ni Dario. Lihim siyang naiinis na nahalata na siya ni Juan.
"Ngunit daig mo pa ang natalo sa sabong dahil sa ginawa ni Ilyong kay Tetay," natawa si Juan. "Ang itsura mo ngayon ay katawa-tawa. Lumalaki ang mga butas ng ilong mo at kulang na lang ay sumabog ang dibdib mo sa galit. Iba ang nagagawa ng lihim na pag-ibig, hindi ba?" Humagikhik si Juan sa huli niyang sinabi.
"Punyeta," buga ni Dario. Tinulak niya palayo si Juan gamit ang pwersa ng kanyang kanang braso at tuluyan nang naglakad papalayo. Buti na lamang at hindi na nakita ni Juan ang pamumula ng kanyang buong mukha dahil sa labis na pagkahiya.
Umalis na si Dario sa unibersidad at naisipan na puntahan ang tabi ng Ilog Pasig. Nang makarating siya sa may pampang nito, papalubog na ang araw. Kay ganda ng kahel na kalangitan, na tila obra maestra ng Diyos. Ngunit hindi kayang ngumiti ni Dario. Mabigat ang kanyang dibidb dahil bukod sa alitan niya kay Emilio, nasambit na rin ni Juan ang kanyang lihim.
Hindi ganoong kadali na basta na lang mawala ang kanyang pagsinta kay Binibining Tetay.
Parang masisiraan ng bait si Dario dahil totoo ang sinabi ni Juan, wala namang pakialam si Tetay sa kanya o sa nararamdaman niya. Ang mga mata ng dalaga ay para lang kay Emilio, na siyang di naman gusto si Tetay.
Pinakawala na ni Dario ang nagbabadya niyang mga luha. Yumuko ito para hindi siya makita ng kung sino man ang dadaan sa may tabi niya.
Kung pwede lang itapon ang kanyang nararamdaman, matagal na niya itong ginawa.
Kinagabihan ay mag-isang kumain si Dario sa panciteria. Nanatili muna siya doon at pagsapit ng alas otso ng gabi, ay tinahak na niya ang daan pauwi sa kanilang dormitorio.
Nang marating ni Dario ang salas, nandoon si Senyora Simang na nagbuburda. Katabi nito si Binibining Tami, na may tinatahi rin.
"Oh, Dario, ba't ngayon ka lang?" Tumaas ang kilay ni Senyora Simang nang dumaan si Dario sa harapan nito.
"Nag-aral lang po ako sa libreria at kumain sa panciteria," walang ganang tugon ni Dario sa matanda.
"Senyorito Dario, sana ay ayos ka lang," dagdag ni Binibining Tami.
"Maayos ang aking kalagayan, salamat sa pag-aalala," matamlay na ngumiti si Dario kay Tami sabay alis.
Nagkulong si Dario sa kanyang kwarto at bago siya matulog, ito ang huli niyang sinulat sa kanyang talaarawan:
Ang labis na pag-ibig ay siya rin uusig sa damdamin na hindi mo nais ipabatid.
Darating ang araw na ito ay hindi mo na kayang itago pa.
At ito ay sisira sa iyong puso at diwa.
Sana ay pwede ko itong itakwil nang di ako tuluyang mabaliw.
Author's note:
With matching mood music. Broken si Dario, damayan natin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top