32: Harapan
(Narrative)
Rated Mature for strong language and fight scenes
"Muy bien, amigos. Nakarating kayo dito nang mas maaga pa sa inaasahan."
Diretsong tinignan ni Dario ang mga mata ng Kastilang estudyante na si Arron Sarrael. Sa mahinahong paraan ay tumugon ito ng "Tinupad lang namin ang ating usapan, Senyor Sarrael. Indios man kami ngunit sinusunod namin ang tamang oras."
"Mabuti at tanggap ninyo na mas mababa ang inyong antas kaysa sa amin!" Ngumisi si Arron Sarrael at humagalpak sa tawa ang kanyang mga kasama.
Ang dalawang grupo ay nagkita sa labas ng Intramuros, malapit sa isang malaking tipak ng bato. Magkaharap silang lahat at nagpapalitan ng mga maaanghang na komento.
Labis ang dagundong ng tibok ng puso ni Dario. Sumulyap siya sa paligid at umaasang lalabas na si Binibining Tami anumang oras. Ngunit bakit kaya wala pa rin siya hanggang ngayon? Imposibleng may pinagawa sa kanya si Senyora Simang dahil nasa probinsya ngayon ang matanda.
"Mababa man ang turing ninyo sa amin dahil sa kulay ng aming mga balat at estado, ngunit hindi maikakaila na mas masahol pa ang inyong mga ugali kaysa sa amin."
Napanganga si Dario nang makitang lumakad si Emilio patungo sa harapan ng kanilang grupo. Dito ay sinalubong niya ng tingin si Arron Sarrael. Puno ng kumpyansa si Emilio at walang bakas ng takot sa kanyang katawan o pananalita.
"Ah, ikaw ang pobreng Indio sa Letran na kaklase ko dati!" Tinuro ni Sarrael si Emilio. "Ni pampagupit ng buhok ay wala ka, dahil mas mahirap ka pa sa daga!"
Natawa ang grupo ni Sarrael ngunit nanatiling kalmado si Emilio. "Ako nga iyon," tugon nito.
Lumapit si Sarrael kay Emilio. "Pwede kang maging babae kapag mahaba ang iyong buhok! Mas nararapat ito sa iyo!"
Umismid si Emilio. "Ikaw ba'y naguguluhan sa iyong pagkalalaki, Ginoong Sarrael?"
Nanlisik ang mga mata ni Sarrael sa narinig. Kukunin na niya sana ang kwelyo ni Emilio para gantihan ito, ngunit mabilis na nakailag si Emilio at nawalan ng balanse si Sarrael. Sumalampak ito sa lupa at sa pagkakataong ito, nagpakawala ng halakhak si Emilio.
"Alam na natin ang kasagutan sa iyong tanong, Emilio!" Natawa si Dario sa eksena.
"Mierda!" Usal ni Sarrael habang bumabangon mula sa lupa. Aktong susugod ulit si Sarrael ngunit pinigilan siya ni Dario at hinawakan ang kwelyo nito.
"Hindi patas ang ating laban, amigo! Anim kayo ngunit apat lang kami," ngisi ni Dario.
Itinulak ni Sarrael si Dario ngunit nasapo ito ni Juan. Magsasalita na sana ulit ang Kastilang si Sarrael nang may narinig silang boses.
"Ako ba ang hinahanap ninyo?"
Lahat sila ay napatingin sa direksyon kung saan nakatayo si Binibining Tami. Humawi ang grupo ni Dario para papuntahin ito sa harapan. Mukhang nakakatawa ang binibini na suot ang unipormeng panlalaki at may malaking salakot sa ulo. Napangiti si Dario dito dahil kahit payat si Tami ay matapang itong humarap sa grupo ng mga Kastilang estudyante.
"Kayo yata ang mga Kastilang bangus na kinukwento ng aking mga kaibigan," ismid ni Tami.
"Bakit ka nakikialam?" Tanong ng isang kasama ni Sarrael.
"At bakit niyo sila ginugulo? Tinuro ni Tami ang grupo nila Dario.
Nagulat si Dario nang kunin ni Sarrael ang kwelyo ni Tami. Mahigpit siyang nakahawak dito at kulang na lang ay iangat ito sa lupa. "Estupido Indio," bulyaw nito sa dalaga.
"Bitawan mo siya!" Sumugod na si Manuel para kay Tami. Nasuntok tuloy si Sarrael at dito na niya nabitawan si Tami.
Nagsuguran na ang magkabilang kampo at napuno ang lugar ng suntukan, tadyakan, at sagutan.
Hindi na napanood ni Dario ang mga kaganapan dahil abala ito sa pagganti ng suntok sa mga kaibigan ni Arron Sarrael. Nagalusan man siya sa braso at nasuntok sa mukha, nakaganti si Dario nang bumangon ito sa pagkakadapa at sinalubong ng suntok sa ilong ang isang kaibigan ni Sarrael. Nakalaban din ito pabalik sa isa pang estudyanteng Kastila nang sipain ito ni Dario sa binti.
"Bwisit!" Buga ng nasabing Kastila nang mawalan ito ng balanse at sumalampak sa lupa. Pasuray-suray itong bumangon at nang makatindig na ito sa dalawang paa ay hinablot nito ang manggas ng damit ni Dario. Saktong nakalingon agad si Dario at sinalubong ito ng kanyang kamao. Natumba agad ang kalaban at di mapigilang ngumiti ni Dario.
Nagpalinga-linga ng tingin si Dario sa paligid. May apat nang kalaban na nakahandusay sa lupa at lahat sila ay puno ng mga pasa at duguan ang mga mukha. Kasama na rin dito ang kalaban ni Dario.
Samantala, inaasikaso ni Manuel si Binibining Tami at nasa gilid na si Juan na hinihingal na.
Nakatuon ang atensyon ngayon nila Sarrael at ng isa niyang kaibigan ay si Emilio.
"Tu madre es una stupida," wika ng kalaban ni Emilio. Malaki ang pangangatawan nito at Mateo ang pangalan.
"Callate el osico gordota," malakas na sambit ni Emilio sabay paulan ng suntok kay Mateo. Agad natumba ang binata at ngayon ay sumugod na si Sarrael para gumanti kay Emilio.
"Tu madre es muy gorda y fea!" Sagot ni Sarrael kay Emilio na akmang susuntukin ito. Ngunit bago pa ito magawa ni Sarrael ay may malakas na boses ng babae na umalingawngaw sa paligid.
"Baboso! Estupido! Ito pala ang ginagawa niyo imbes na mag-aral, mga hijo de p*ta!"
Lahat sila ay nagtinginan sa isang babaeng mestiza na malaki ang pangangatawan. Napanganga si Dario at di mapigilang matawa sa mga sumunod na eksena.
"Mama! Bakit ka nandito?" Sigaw ni Arron Sarrael. Kulang na lang ay mahulog ang panga nito sa lupa.
"Punyeta ka! May nakapagsabi sa akin na nandito kayo ng mga magagaling mong mga kaibigan! Imbes na mag-aral kayong lahat ay panggugulo sa iba ang inyong inaatupag! Umuwi na kayo, mga tonto!" Bulyaw ng mestizang babae sabay pingot sa tainga ng kanyang anak na si Arron Sarrael.
"Mama, por favor, nakakahiya tayong tignan!" Nawala ang lahat ng tapang ni Sarrael at para siyang batang paslit na takot sa kanyang sariling ina.
"Bumangon kayong lahat diyan at magsiuwian na!" Utos ng nanay ni Sarrael sa ibang mga Kastilang estudyante. Kahit nanghihina ay bumangon ang apat na natumba kanina lang at nagkumpulan para umalis na sa eksena. Sumunod na rin sa kanila si Mateo, na kalaban ni Emilio kanina. Lahat sila ay sugatan at nanghihina.
"Umuwi na tayo, hijo!" Agad na hinablot ng nanay ni Sarrael ang kwelyo ng kanyang anak na sugatan. "Anong tu madre es muy gorda y fea, ako ba ang tinutukoy mo?" Dagdag nito sabay kaladkad sa anak.
"Mama, malaki na ako, huwag naman ganito ang trato mo sa akin!" Pagmamakaawa ni Arron Sarrael.
Binatukan siya ng ina at sinabing, "Por favor, ayusin mo ang pamumuhay mo! Tigilan mo na ang mga estudyanteng iyon!"
"Aray! Mama!"
"Dapat lang iyan sa iyo, unico hijo!"
Naglakad na papalayo si Arron Sarrael at ang kanyang ina.
Nang mawala na ang kanilang mga kalaban, nagkatinginan ang grupo nila Dario at nagsilapitan para yakapin ang isa't isa.
Sugatan at pagod mula sa pakikipagtuos ang grupo, ngunit makinang ang mga ngiti sa kanilang mga labi.
---
Umuwi silang lahat sa dormitorio kung saan sinalubong ang grupo ng mga kapwa nila estudyante. Labis ang kanilang kagalakan nang malaman na nanalo sila sa kanilang laban sa grupo ng mga "Kastilang Bangus."
Nagkaroon sila ng salu-salo at kumain ng isang bilaong pansit. Dito nagkwento ang grupo nila Manuel, Juan, Emilio, at Dario ng mga kaganapan.
"Dumating ang ina ni Sarrael at pinahiya siya nito," ngisi ni Dario. "Labis itong napahiya sa kanyang mga magagaling na kaibigan!" Nagtawanan ang buong grupo.
"Mukhang nakatali pa ito sa laylayan ng saya ng kanyang ina!" Malakas na natawa si Juan.
"Kami ay labis ang pasasalamat kay Binibining Tami," sumulyap si Manuel kay Tami na suot pa rin ang unipormeng panlalaki at nakaupo sa tapat niya sa lamesa.
"Wala iyon, buti nakatikim sila ng gulpi de gulat!" Tinaas ni Tami ang kanyang kamao at natawa ang lahat.
"Tapos na ang pagiging lalaki mo ngayong araw. Huwag mong kalimutan maging mayuming dalaga bukas," paalala ni Dario kay Tami.
"Masusunod po, Ginoo," ngiti ni Tami dito.
"Sana ay naging lalaki ka na lang, mas akma sa iyo," biro ni Emilio sa dalaga.
"Huwag naman, hindi na siya maliligawan ni Manuel!" Pinalo tuloy ni Dario ang balikat ni Emilio, sabay tawa ng mga estudyante sa natunghayan nila.
Si Tetay na tapos nang kumain ay nilapitan si Emilio. "Ilyong, nasugatan pala ang iyong labi." Tumayo ang dalaga mula sa kabilang dulo ng lamesa at nilapitan si Emilio sabay hawak sa labi ng binata. Ngunit agad na pinalis ni Emilio ang kamay ni Tetay papalayo sa kanya.
"Binibini, huwag mo akong basta hawakan, lalo na sa aking mukha!" Malakas na paalala nito sabay layo ng paningin kay Tetay. Nanahimik ang lahat nang makitang labis na napahiya at nainis si Emilio sa asta ni Tetay.
Napalayo si Tetay kay Emilio. "Pagkatapos mong kumain ay gamutin mo na lang iyan," mariin niyang paalala sabay alis sa lamesa ng mga estudyante.
Nanatiling tahimik ang mga lalaki, lalo na si Dario. Hindi siya makapaniwala na ganito ang ugali ni Emilio sa isang dalaga na gaya ni Tetay.
"Humingi ka ng paumanhin sa binibini, mukhang nagtampo ito sa iyo," paalala ni Mauricio kay Emilio.
"Labis na yata ang pagiging suplado mo," komento ni Juan."
"Labis din ang kanyang pagiging usisera," sagot ni Emilio kay Juan.
"Mabuti pa ay gagamutin ko kayo pagkatapos nito," paalala ni Tami.
Sila Juan at Dario ang naglapat ng gamot sa isa't isa. Nagkaroon pa ng kasiyahan at musiko sa salas na tumagal hanggang gabi.
Naisipan ni Dario na bumaba muna sa likod ng dormitorio para magpahangin. Nang makababa na ito ay naramdaman niya ang malamig na simoy ng hangin ngayong gabi.
Napangiti siya sa sarili dahil mukhang di na sila guguluhin ng grupo nila Sarrael. Ngunit nang maalala niya ang tagpo nila Binibining Tetay at Emilio ay sumimangot ito.
Sa malapit ay narinig ni Dario ang hikbi ng isang babae. Nang matanto niya na galing ito sa isang kwarto, agad siyang nagtungo dito at dinikit ang kanyang tainga sa manipis na pader na gawa sa kahoy.
"Si Ilyong kasi," hikbi ni Tetay.
"Pagpasensyahan mo na siya dahil ayaw niya na basta na lang ito hinahawakan, lalo na sa mukha o buhok nito. Binatukan niya si Dario kamakailan dahil ginulo ang buhok niya," tugon ni Tami kay Tetay.
Napaikot si Dario ng mga mata. Mapapalipas niya na binatukan siya ni Emilio, ngunit mukhang di niya kayang palagpasin ang pag-iyak ni Binibining Tetay dahil sa binata.
"Para akong nasisiraan ng ulo. Sinasayang ko ang aking mga luha dahil sa kanya," pagtangis ni Tetay.
Napakuyom ng kamao si Dario at umalis na sa likod bahay. Hanggang sa pag-akyat niya sa dormitorio ay di niya maialis sa isipan ang pagluha ni Binibining Tetay dahil sa ugali na ipinakita ni Emilio.
Nakatulugan na ni Dario ang kanyang sama ng loob. Nang magising ito kinabukasan, una niyang naisip ay hanapin si Ilyong.
Pumasok si Dario sa unibersidad na may gamot sa kanyang mga pasa at sugat. Hindi na niya pinansin ang mga titig sa kanya ng kapwa niya mag-aaral.
Nang makita niya si Emilio sa pasilyo ay tinawag niya ito.
"Emilio!"
Agad na lumingon ang binata at hindi na ito nakaimik nang salubungin siya ng kamao ni Dario. Agad na sumalampak si Emilio sa sahig at natigilan ang mga estudyanteng dumadaan.
"¿Qué carajo? (What the fvck?)" Bulyaw ni Emilio habang pinipilit niyang bumangon sa sahig. Nang magkasalubong sila ng tingin ni Dario, duguan ang ilong ni Emilio at dumagdag pa ang panibagong sugat na ito bukod sa mga sugat nila kahapon mula sa pakikipagtuos kina Sarrael.
Ngayon ay si Dario na ang umaaway dito.
"Deberías disculparte con Senorita Tetay, (You should apologize to Senorita Tetay)" giit ni Dario.
"Para saan?" Pinalis ni Emilio ang dugo sa kanyang ilong gamit ang mahabang manggas ng kanyang abrigo.
"Punyeta, Ilyong, alam mo naman ang ginawa mo sa kanya, alam namin iyon," singhal ni Dario sabay talikod. Lumakad ito papalayo at iniwan si Emilio na sugatan at nakatayo sa gitna ng pasilyo.
Ngayon ay mukhang may bagong alitan ang nagaganap sa pagitan nila Dario at Emilio.
A/N: if you reached this, congrats, you just read a hidden scene from The Senorita. Yes, Dario punched Emilio because of Tetay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top