30: Sugat at hinanakit

A/N: this is in Chapters 11 and 12 of The Senorita, as told from Dario's point of view.

(Narrative)

Hindi mapakali si Dario nitong mga nakaraang araw. Bukod sa labis niyang pagkabagag tuwing nakikita si Binibining Tetay na panay ang dikit kay Emilio, dumagdag pa rito ang panggugulo ng mga kaaway nilang Kastila sa unibersidad, sila Arron Sarrael at ang kanyang mga kaibigan.

Kamakailan lang ay sinugod ng mga ito sila Juan at Manuel. Kasalukuyang nag-uusap sila Dario, Emilio, at Binibining Tami nang may sumigaw mula sa salas.

"Tulong! Nabugbog sila Manuel at Juan!"

"Nabugbog?" Bakas ang pagkabahala sa mukha ni Binibining Tami. Ang kanina'y masayang usapan ng tatlo ay napalitan ng gulat at pangamba.

"Inatake na naman sila ng mga Kastilang bangus na iyon!" Nanlisik ang mga mata ni Dario sa kanyang nabalitaan at agad itong sumugod sa salas. Tahimik na sumunod sa kanya sila Emilio at Binibining Tami.

Tumambad sa kanila ang magkatabing sila Juan at Manuel. Kapwa sila puno ng mga pasa sa kanilang mga mukha at braso. Agad na tinabihan ni Dario si Manuel na nanghihina at duguan pa ang ilong. Samantala, isa sa kanilang mga kasama sa dormitorio ay umagapay na kay Juan para gamutin ang kanyang mga sugat.

"Naabutan kami ng grupo nila Sarrael habang pauwi na kami dito," panimula ni Manuel. "Tinawag nila kaming Indio at iba pang mga masasakit na salita pero di namin sila pinapansin. Hanggang sa hinablot ni Arron Sarrael ang aking kwelyo at nang nilingon ko siya, isang suntok ang sumalubong sa akin. Lumagpak ako sa lupa at si Juan ang gumanti para sa akin, ngunit ganoon din ang ginawa ni Sarrael. Pinagkaisahan kami ng kanilang grupo hanggang sa di na kami makabangon at iniwan kaming nakahandusay sa maalikabok na kalsada."

"Mga halang ang kaluluwa," komento ng binatang gumagamot kay Juan na walang imik. "Kapag nasalubong ko sila, gaganti ako para sa inyong dalawa."

"Huwag ka nang mag-atubili pang gumanti para sa ating mga kasama, Herminio, at ikaw ay magagaya rin sa dalawang ito," komento ni Tan na kararating lang. Sumama muna siya sa mga nasa salas para makibalita sa nangyari.

"Dapat talagang harapin na natin ang grupo nila Arron Sarrael at hamunin sila!" Pag-aalimpuyo ni Dario. "Para makaganti naman tayo para sa ating mga kasama!" Kinuyom ni Dario ang kanyang kamao.

"Anong narinig ko?" Bungad ni Senyora Simang nang madatnan ang grupo sa salas.

"Senyora, sinugod po sila Manuel at Juan ng grupo ng mga Kastilang estudyante na matagal nang umaaway sa amin," kwento ni Emilio.

"Batid ko ang mga nasa isipan niyo. Gaganti kayo? Pwes, hindi ako papayag para hindi kayo mapahamak!" Pagtutol ng matanda sabay pamewang.

"Ngunit Senyora Simang, maka-ilang ulit na kaming binubuska ng mga Kastilang Bangus na iyon!" Argumento ni Dario. "Hindi ako papayag na papalagpasin na lang namin ang ginawa nila kina Manuel at Juan!"

"Opo! Lalaban po kami!" Sigaw pa ng ibang mga binata sa dormitorio, na ngayon ay sumama na sa grupo na nasa salas.

"Dapat silang magtigil! Inagawan nila ako ng salapi noong nakaraang linggo!" Paghihinagpis ni Herminio, na tapos nang gamutin si Juan.

"Maski si Emilio na nananahimik ay di nila tinatantanan," tinignan ni Manuel si Emilio. Umaasa si Manuel na magsasalita si Emilio tungkol dito ngunit nanatiling walang kibo ang binata.

"Tandaan niyo, ang pagganti ay hindi makakatulong na lutasin ang inyong suliranin," diin ni Senyora Simang.

"Ngunit Senyora, dapat ito ay tumigil!" Pagkontra ni Dario. "Sumosobra na sila!"

"Di porke't mga Kastila sila ay hahayaan lang natin na tayo ay maapak-apakan!" Giit ni Juan.

"Hala, kayo ay mag-isip isip muna bago isagawa ang inyong mga binabalak," paalala ni Senyora Simang. Hindi niya pinakinggan ang sunod-sunod na protesta ng mga binata.

Sa halip, lumapit si Senyora Simang kay Tami. "Kunin mo ang gamot para kina Juan at Manuel.  Sumunod na lang kayo sa hapag pagkatapos."

Pinasadahan ni Senyora Simang ng tingin ang ibang mga binata. "At para sa mga walang gagawin diyan, dumulog kayo sa lamesa para sa ating hapunan," utos nito.

Umalis na si Tami para kumuha ng gamot sa mga sugat at sumunod na ang ibang mga binata para magpunta sa hapag kainan. Pagbalik ni Tami sa salas ay naabutan na lang niya sila Juan, Manuel, Emilio, at Dario.

May inabot na puting panyo si Dario kay Tami. "Ilagay mo dito ang topiko at ako na ang bahala kay Juan. Si Manuel ang iyong asikasuhin," pakiusap nito.

Nang lumapit na si Tami kay Manuel, bigla itong tumayo at naglakad papalayo.

"Manuel," tawag ni Tami. Ngunit hindi ito nilingon ng binata. Sinundan na lang ito ni Tami at naiwan na si Dario na pinagpatuloy ang paggamot kay Juan.

"Kailangan na nating makaganti sa kanila," pag-uudyok ni Dario nang matapos na niyang gamutin si Juan.

"At tayo ang mapapahamak? Alam natin na likas na makapangyarihan ang mga Kastilang estudyante sa ating unibersidad," diin ni Juan. "Isang maling galaw at tayo ay pupulutin sa kangkungan."

"Ngunit hanggang kailan tayo patuloy na maduduwag? Hanggang kailan tayo magpapa-api sa kanila?" Wika ni Dario. "Nakakapagod na mabuhay araw-araw sa takot na susulpot na lang sila sa tabi para tayo ay laitin!"

"Siguro nga tama si Senyora Simang sa kanyang paalala," mahinang tugon ni Juan.

Mas lalong umirap si Dario kay Juan nang marinig niya ito. Tumayo na lang si Dario at padabog na iniwan ang kaibigan sa salas.

---

(Talaarawan ni Dario nang gabing iyon)

Sadyang nakakapagod na mabuhay ako sa takot sa araw-araw na ako ay papasok sa unibersidad.

Ngayon ay sila Juan at Manuel. Sino naman kaya ang magiging susunod na biktima ng grupo nila Arron Sarrael?

Ako ay labis na masama ang kalooban. Sa sama ng aking loob ay hindi ko napapansin ang presensya ni Binibining Tetay.

  - Dario

Author's note part 2:

Napapansin niyo, may mahahabang chapters tapos may maiiksi rin, which is usually Dario's diary entries. Di ko alam hanggang ilang chapters ito. Tatapusin ko ito kapag sa tingin ko ay okay na.

It will cover scenes and events not found in The Senorita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top