28: Ang Pustahan
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Kaninang umaga ay pumasok mula sa salas sila Emilio kasama si Binibining Tami. May bitbit silang mga biniling pandesal mula sa panaderia.
Bilang isang biro, napasigaw tuloy ako ng "May kasintahan na si Emilio!" Napatigil ang lahat, mula sa mga kalalakihan na kumakaripas ng takbo para mauna sa casillas hanggang sa mga naglalakad patungo sa hapag kainan para kumain ng agahan.
Nilapitan ko si Emilio at itinaas ang kanyang kamay, sabay sigaw ng "Mabuhay ang may kasintahan!" Nagtawanan ang lahat at tinukso si Ilyong, habang nakatakip ng bibig si Binibining Tami para itago ang kanyang tawa.
"Manahimik ka, Dario!" Piningot ni Emilio ang aking tainga at mas lalong napalakas ang mga tawanan.
"Nga naman Dario, kay Manuel iyan si Senorita!" Nilapitan ako ni Juan at ginulo ang aking bagong suklay na buhok.
"Hoy Juan, huwag na huwag mong mahahawakan ang buhok ko!" Wika ko sa gitna ng mga tawanan.
Pabiro akong binatukan ni Juan at hinabol ko siya. Iniwan na namin ang kumpulan at nang makarating kami sa may mga kwarto, dinaganan ko si Juan at halos himatayin na kami sa kakatawa.
"Pustahan, magiging nobya ni Emilio si Binibining Tami," wika ni Juan. Tumayo siya at pinagpagan ang kanyang pantalon.
"Sa aking palagay ay si Manuel ang kanyang magiging nobyo," kontra ko sa aking amigo. Inayos ko ang aking nagulong buhok gamit ang aking mga daliri at nagpagpag din ako ng aking itim na pantalon.
"Kunwari pa si Ilyong, palihim din siyang tumitingin sa Binibini, napansin ko ito nang pumasok sila sa may salas kanina," kwento ni Juan.
"Himala ah, nagkaroon ng interes si Emilio sa mga kadalagahan," ngisi ko. "Akala ko libro lang ang kayang pumukaw ng kanyang atensyon."
"Maniwala ka, bibigay din iyan, basta huwag lang babalik ulit si Binibining Tetay," saad ni Juan. "Kapag bumalik iyon dito, baka pagselosan ni Tetay si Binibining Tami."
Napalunok tuloy ako nang mabanggit ni Juan si Binibining Tetay.
"Hindi na iyon babalik, maligaya na siya sa kung sino man ang kanyang kalaguyo sa mga oras na ito."
Sana ay magdilang-anghel ako sa aking mga sinabi.
Siya nga pala, may Lingguhang Katanungan, ngunit di na nakapaskil sa pader ng aming dormitorio. Nagpunta kami sa pancitan nila Juan, Tan, at Mauricio.
Sa dalawa naming panig, pumusta sila Tan at Mauricio na si Manuel ang magiging kasintahan ni Binibining Tami, habang kami ni Juan ay pumusta na si Ilyong ang kanyang mapupusuan.
Ang mananalong panig ay magkalaroon ng salapi galing sa natalong panig, na ibibigay kung sakali man mangyari agad ang aming mga ipinusta. Ito na ngayon ang aming Buwanang Pustahan.
Dario
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top