27: Tami

(Mula sa talaarawan ni Dario)

Tami. O Tani?

Tami pala.

Ito ang pangalan ng bago naming kasambahay sa dormitorio.

Tunay nga ang likas niyang kagandahan, lalo na nang makita ko siya nang malapitan. Dumaan siya sa aking sulok  para bigyan kami ng pandesal habang kami ay kumakain ng agahan.

Ang kinis ng kanyang mukha at mapula-pula pa ang mga pisngi at labi. Kaya pala labis ang pagkahumaling ni Juan dito. Ang mga kasama kong lalaki ay hindi mapakali sa kanyang presensya, pwera kay Emilio, na tahimik na kumakain ng kanyang pandesal na may kesong puti.

Dumaan si Senyora Simang sa aming lamesa at sinigawan kami ng "Magsi-ayos kayo ng upo, mga bulate na nangingisay sa asin! Parang ngayon lang kayo nakakita ng dalaga!"

Dito na dumiretso ng upo ang lahat ng kasama kong kalalakihan. Agad naming tinapos ang aming agahan at unti-unti nang umalis ang aking mga kasama.

Nang ako ay papasok na sa unibersidad, narinig kong kausap ni Manuel si Tami.

"Pasensya ka na, Binibini. Baka labis ang iyong pagka-ilang sa inaasta ng aking mga kasama," paumanhin ni Manuel.

"Ah, ayos lang iyon!" Wagas ang ngiti ng dalaga. "Sanay na ako, huwag lang nila ako hahawakan ah? Baka masuntok ko sila!"

Itinaas ni Binibining Tami ang kanyang kamao sa ere, at natawa si Manuel dito. Nagpaalam na si Manuel sa kanya at hinabol ko ang aking amigo nang hindi nililingon ang binibini.

Habang kami ay naglalakad patungo sa unibersidad, ako ay may komento.

"Ang binibining iyon ay parang magaslaw kung kumilos. Akala ko ay mahinhin ito," wika ko kay Manuel.

"Iyon ay napapansin ko rin, Dario," pagsang-ayon ni Manuel. "Ngunit mabait naman siya at matulungin. Iyon nga lang, di pa siya gaano marunong magluto. Nais niya itong matutunan. Magpapaturo na raw ito kay Senyora Simang."

"Ano bang kwento sa likod ng bago nating kasambahay? Ikaw ang naghatid sa kanya dito," tanong ko kay Manuel.

Nag-isip si Manuel at sumagot.

"Sabi niya, nanggaling siya ng Hong Kong at hinahanap ang kanyang ina dito sa ating bansa, ngunit nalaman niya na pumanaw na pala ito. At nanakawan din siya ng salapi kaya naghahanap siya ng matutuluyan," kwento ni Manuel. "Isa pa, hawig din niya ang kasintahan ng aking Manong Julian."

"Si Senorita Almira de Izquierdo ba ang iyong tinutukoy?" Inilapit ko ang aking mukha sa tainga ni Manuel para bumulong.

Tumango si Manuel. "Si Manong Julian ay ayaw pa rin makipag-kalas sa dalagang iyon, kahit sinabihan ko na siya dati pa. Dahilan niya, wala raw makaaalam sa kanilang lihim na relasyon dahil itinatago nila ito."

"Sana ay hindi sila mapahamak ng kanilang lihim na pag-iibigan," sambit ko.

Oo, totoo na ang kuya ni Manuel na si Julian ay may lihim na kasintahan. Isa itong babae mula sa mayamang angkan sa Binondo. Minsan ko na silang nakita na naglalakad sa may Ilog Pasig habang dapit-hapon. Hindi maikakaila kahit sa malayo na si Julian nga ito, dahil labis silang magkahawig ng kanyang nakababatang kapatid na si Manuel, ang aking kaibigan.

Ano kayang kapalaran ang naghihintay para sa dalawang lihim na magsing-irog, at kay Binibining Tami?

Dario

A/N: ganito spelling nila ng "Tammy"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top