26: Ang Bagong Salta

(Narrative)
A/N: moving forward, the chapters will now contain some spoilers for The Senorita. But this is still entirely Dario's point of view.


"Aling Simang! May gusto po maging kapwa kasambahay ninyo!"

Sa gitna ng pagbabasa ng aklat ni Dario ay nagitla siya sa dumadagundong na boses ni Manuel mula sa labas. Madalang magtaas ng boses si Manuel. Napaisip si Dario kung bakit hindi siya mapakali tungkol sa sinasabi niyang may gustong maging kasambahay sa kanilang dormitorio.


Mabibilang lang niya sa isang kamay ang mga pagkakataon na napapasigaw si Manuel; una, noong nakabanggaan nila ang grupo ng mga Kastilang estudyante noong isang linggo at napaalis sila dahil sinigawan ito ni Manuel, at pangalawa, noong nakanto ang hinalalaki niyang daliri sa paa nang naglalakad ito sa may salas.

Ngayon ang pangatlong beses na malakas ang kanyang boses. Agad tumayo si Dario sa kanyang lamesa at nagmamadaling naglakad patungo sa pintuan. Hinila niya ito at binuksan sabay dungaw para makita ang eksena sa labas ng kanyang kwarto.


Nakisali si Dario sa kumpulan ng kanyang mga kasamahan. Nakita niyang naglalakad si Manuel na may katabing babae.

Pawang kaedaran lang nila ito, maputi at makinis ang kutis, mapula ang mga pisngi, at singkitin ang mga mata. Maluwag na ang pagkakatali ng kanyang kulay tsokolate na buhok at may ilang hibla na nasa gilid ng kanyang mayuming mukha. Suot niya ang isang puting blusa na abot hanggang siko ang mga maluwag na manggas, at mahabang saya na may mga disenyo ng mga munting bulaklak. May kakaibang buslo o lalagyan na nakasukbit sa kanyang likuran, at parang gawa ito sa matibay na tela.

Sa isang salita, kakaiba ang magandang babae na ito. Ngunit bakit nais niyang maging kasambahay dito sa dormitorio?

"Maganda siya," komento ni Tan, na nakasandal sa likuran ni Dario habang nakatitig sa nasabing dalaga.

"Seryoso, siya ay papasok na kasambahay dito?" Tugon pa ng isa nilang kasama.

"Kutis mayaman ang isang ito," dagdag ni Mauricio, na lumapit sa kumpulan ng mga kalalakihan na palihim na humahanga sa misteryosong bisita.

Sumulyap ang nasabing babae sa kumpulan. Halata ang kanyang pagkailang nang makita niya ang mga kalalakihan. Karamihan sa mga lalaki sa dormitorio ay may halong lahing Kastila o Tsino. Tornatras ang tawag dito. 

Pwera na lamang kay Emilio na walang halong Kastila, ngunit may katangkaran, singkitin ang mga mata, maitim ang buhok, at madalas mapagkamalan may lahing Tsino. Kamukha ni Emilio ang kanyang tiyuhin na may kaya dahil minsan na itong nakita ni Dario na dumalaw dito sa dormitorio. Kung pagtatabihin mo si Emilio at ang kanyang tiyuhin, ay natural ang dating ng kanilang pagiging gwapo, kahit di ito mapapansin ito sa unang tingin.


Halos lahat sila ay masasabing nagsisigwapuhan at mula sa mga may kayang angkan, ngunit sa mga sandaling ito, parang nakalimutan nila ang pagiging maginoo.


"Mas maganda ang isang ito kaysa kay Binibining Tetay, sana makuha siya ni Aling Simang," komento ni Tan.


Napalingon tuloy si Dario at nais niya sanang umirap kay Tan. Ngunit ayaw niyang magpahalata na lihim siyang naiinis sa sinabi ni Tan tungkol sa binibining pilit niyang kinakalimutan. Sa halip, napalugok na lang siya at ibinaling ang tingin kina Manuel at sa kasama niyang dalaga.


"Manuel, ipakilala mo kami sa magandang dilag!" Pabirong sumigaw si Dario.


"Manahimik ka diyan, Dario!" Pabirong sumigaw si Manuel. Nagtawanan tuloy ang kumpulan ng mga binata. Ibinaling na ni Manuel ang tingin sa dalaga at sinabing, "Pasensya na, maloko talaga ang aking kaibigan," nahihiya nitong paumanhin.


"Naiintindihan ko naman." Nahihiyang ngumiti ang dalaga. Malamyos ang kanyang tinig at umalis na sila Manuel at ang babae sa eksena.


Lingid sa kaalaman ni Manuel ay palihim silang sinundan ni Dario sa may salas. Nagtago si Dario sa likod ng isang poste at mula doon ay nakita niyang abala sa pagbabasa ng aklat sila Juan at Emilio.


Dito natunghayan ni Dario ang palitan nila ng mga salita ukol sa dalagang gustong maging kasambahay sa kanilang dormitorio.


"Hoy Juan at Ilyong, tigilan niyo muna ang kakaaral! Mukha na kayong mga libro!" Natatawang biro ni Manuel sa kanila.  Sa tabi niya ay nakatayo ang dalaga at napapayuko para di niya kailangang tignan ang dalawang binata na nakaupo sa harapan niya.


Mula sa hawak niyang aklat ay inangat ni Juan ang kanyang ulo. Natigilan siya nang dumapo ang kanyang paningin sa dalaga. Ngunit agad niyang ibinaling ang kanyang paningin kay Manuel sabay ngisi.


"Ikaw naman, Manuelito, mag-aral ka! Itong isang ito, may inuwing babae dito!" Bakas ang malisya sa tono ni Juan. "Iyan ay mahigpit na ipinagbabawal!" Ngisi niya kay Manuel.


"Hindi ito kasintahan! Papasok siya na kasambahay dito!" Tawa ni Manuel.


Tinignan ni Juan ang dalaga at pati na rin si Emilio na pilit silang hindi pinapansin sa gitna ng pagbabasa ng aklat. "Bagay sila ni Ilyong!" Pabiro itong natawa.


Dito na nakuha ang atensyon ni Emilio. Inangat niya ang kanyang ulo at pinagmasdan ang dalaga na kanina pa hindi mapakali at mahigpit na nakahawak sa laylayan ng kanyang blusa.


"Matuto sana kayong gumalang sa mga kababaihan," mariin na paalala ni Emilio. Pinasadahan niya ng tingin si Manuel at si Juan sa kanyang tabi.


"Nagbibiro lamang!" Siniko ni Juan si Emilio. Umirap na lang si Emilio at walang kibo na nagpatuloy sa pagbabasa.


"Wala iyon," pa-konsuelo ng dalaga.


Nakangiting tinignan ni Manuel ang dalaga at sinabing, "Tutuloy na kami."


Umalis na sila Manuel at ang dalaga para bumaba sa silong, kung saan nandoon ang kwarto ni Senyora Simang. Lingid sa kanilang kaalaman, nasaksihan ni Dario ang usapan sa pagitan nila Juan at Emilio.


"Anong masasabi mo sa dalagang kasama ni Manuel?" Panimula ni Juan.


Sinarado ni Emilio ang kanyang aklat at ipinatong ito sa kanyang kandungan. "Siya ay isa lamang ordinaryong dalaga," tugon nito sa malamig na tinig.


Nanlaki ang mga mata ni Juan na para bang hindi siya makapaniwala sa reaksyon ng kasama. "Halos lahat ng binata ngayon sa dormitorio ay hindi mapakali dahil para siyang aparisyon na nagmula sa langit at bumaba sa lupa! Kay puti ng kanyang balat at kay pula ng kanyang mga pisngi. Parang rosas ang kanyang mga labi at gusto kong maramdaman ang lambot nito!" Napapikit si Juan at ngumiti.


"Maghunos-dili ka, hindi ko nagugustuhan ang mga lumalabas sa iyong malisyosong bunganga," saad ni Emilio. "Nakakita ka lamang ng dalaga, kung ano ano na ang naglalaro sa iyong malikot na isipan."


Natigilan si Juan. "Patawad sa aking mga pananalita, amigo." Nanliit tuloy si Juan habang ramdam niya ang naniningkit na mga mata ni Emilio dahil sa mga salita nito kanina lamang.


"Oh siya, matuto kang magpigil ng iyong bugso ng damdamin. Kung ano ang nasa puso mo ay kusang lalabas sa iyong bibig nang hindi mo namamalayan," wika ni Emilio.


"Ngunit hindi ka man lang nakakaramdam ng paghanga sa kanya?" Pagtataka ni Juan sabay kunot ang noo.


Napaikot tuloy ng mga mata si Emilio. "May itsura ang nasabing binibini, ngunit di ako kagaya mo na labis ang pagkahumaling."


"Nangungulila ka ba kay Binibining Tetay?" Ngisi ni Juan sa naiirita niyang kasama.


Mula sa kanyang sulok ay parang tumigil ang tibok ng puso ni Dario nang marinig niya ang pangalan ni Tetay. Napahawak tuloy siya sa kanyang dibdib at pinipilit tumindig nang diretso.


Tumayo si Emilio at kinutusan sa ulo si Juan. "Nangungulila ka diyan."


Dito na umalis sa eksena si Emilio. Nakita ni Dario na nagtungo ito sa may hapag kainan at di na niya naaninag pa.


Bumalik si Dario sa kanyang kwarto. Napahiga tuloy ito sa kama.


Nangako siya na susubukan niyang kilalanin ang bagong dayo na binibini. Baka sakaling maging kaibigan niya ito, at tulungan siyang makalimot sa lihim niyang sinisinta, ang dating kasambahay na si Tetay.




A/N: mixed epistolary and narrative ito.

Trivia: hindi alam nila Dario na time traveler si Tammy/Tami. Actually, never itong na-reveal sa Senorita story. Akala lang nila, dayo na galing Hong Kong tapos may lahing Pilipino.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top