24: Unang Pag-ibig

(Mula sa talaarawan ni Dario)

Nakalimutan kong ikuwento na minsan na akong nagkaroon ng nobya.

Ngunit hindi kami pinalad na magtagal. Kami ay magkababata at sabay kaming lumaki sa probinsya.

Onse anyos kami noon. Nagsimula kami sa habulan at paglalaro sa ilalim ng isang puno. Nang tumuntong kami ng dose anyos, hindi ko sinasadya na mahalikan ko ang babaeng iyon.

Naghahabulan kami at nang mahuli ko siya, niyakap ko siya gamit ang aking mga braso. Sabay kaming nahulog sa lupa at nagkataong nakapaibabaw ako sa kanya. Nagsalubong ang aming mga labi at sa mura kong edad, alam ko na ang pakiramdam na makahalik ng isang babae.

Nakatulala siya sa akin, at agad akong lumayo sa kanya para bumangon. Ganoon na rin ang kanyang ginawa at pareho kaming nakasalampak sa lupa habang nakatulala at sabay na namumula.

"Dario, magmula ngayon, tayo ay magnobyo na," wika niya sa akin.

"Hindi ko naman sinasadya na ikaw ay mahalikan." Napatingin ako sa kanya at nagsalubong ang aming mga mata.

"Ganoon dapat, dahil naghalikan na tayo. Pero huwag natin sabihin sa ating mga magulang ah?"

Pinilit ako ng aking kababata na ito ang aming lihim. At ako ay pumayag dito.

Naging lihim namin ang aming "relasyon". Para pa rin kaming mga bata na naglalaro, ngunit palihim kaming naghahawak-kamay habang naglalakad. Minsan naman ay nagnanakaw siya ng halik sa aking pisngi, at pumapayag naman ako doon.

Sa isang piging nga ay nagtago kami sa isang kwarto at ako ang naunang humalik sa kanya. Mas marubdob ito na halik sa mga labi ngunit agad din namin itong itinigil nang narinig namin ang mga yabag ng paa sa labas.

Nang nawala na ang naglalakad sa labas, pareho kaming nagbuntong-hininga. Sabay kaming napasandal sa pader sa likuran namin.

"Balang araw, magpapakasal tayo," tugon ko sa aking kaibigan at unang nobya sa edad na trese anyos.

"Dario, patawad, ngunit hindi na mangyayari iyon," wika niya. Yumuko ito at mula sa sinag ng araw sa may bintana, nakita kong dumausdos ang isang patak ng luha sa kanyang mata.

"Bakit?" Pagtataka ko sabay hawak sa kanyang mga balikat.

"Lilipat na kami ng tirahan sa Binondo. Sa Maynila ito," maluha-luha niyang sinagot. "Ngayong araw na ito ang huli na nating pagkikita."

Yumakap siya sa akin. "Paalam, Dario."

Umalis na siya at iniwan akong nakatulala. Nangako ako sa sarili na hahanapin ko ang aking kababata kapag mag-aaral na ako sa Maynila.

Sa San Juan de Letran ako pumasok nang sumunod na taon. Naging abala ako sa aking pag-aaral at natuto rin akong makipaglaban sa mga estudyanteng Kastila na nambubuska sa amin at mga kasama kong Indio.

Habang ako ay naglalakad papauwi mula sa escuela, nadaanan ko ang isang tindahan ng mga alahas at relos. Naisipan kong pumasok at sumilip sa kanilang mga paninda.

Habang ako ay humahanga sa isang estante ng mga relos mula sa Espanya, narinig kong may pumasok at nag-uusap sa aking likuran. Lumingon ako at halos malaglag na ang aking panga nang makita ko ang mukha ng aking kababatang babae. Sa tabi niya ay may isang mestizong binata at nakakapit ang nasabing dalaga sa braso ng lalaking ito.

Hindi ako nagkakamali ng aking nakita. Tumingin pa nga dito ang aking kababatang babae at ngumiti ang binatang mestizo sa kanya. Inasikaso sila ng may-ari ng tindahan at base sa aking narinig, bibilhan niya ng singsing ang kasama niyang babae.

Mabuti na lamang at hindi niya ako nakilala. Agad akong lumabas ng tindahan ng alahas at binilisan ang aking mga paa para makalayo na sa lugar na iyon.

Nang ako ay makarating sa aming tahanan, dumiretso ako sa aking kwarto at nagkulong dito. Napahiga ako sa aking kama at tahimik na umiyak para sa aking naunsiyaming unang pag-ibig.


Alam kong ikakasal din siya sa mestizong binata na kanyang kasama. Kahit bata pa kami ay ipinagkasundo na sila para ikasal pagdating ng tamang edad at panahon.

Buwan ng Disyembre, ilang taon na ang nakararaan. Kinse anyos ako nang unang masaktan ang aking puso na unang umibig sa aking kababata.

Kung gaano kalamig ang hanging amihan ay mas malamig ang aking puso na nagdadalamhati.


-Dario

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top